Pinal na Mga Paksain sa CO4 FIL01 PDF

Summary

Ang dokumento ay naglalaman ng mga pangunahing konsepto sa wikang Filipino, kabilang ang kakayahang lingguwistiko at mga aspeto ng gramatika, tulad ng ortograpiya, pagpapantig, at mga di-titik. Ang mga halimbawa at talahanayan ay nagpapakita ng mga detalye na dapat maintindihan, at mayroon ding mga ehersisyo at pagsasanay upang bigyang diin ang konsepto.

Full Transcript

Aralin Kakayahang Komunikatibo 1 at Kakayahang Lingguwistiko Ang kakayahang komunikatibo ay nagtatampok ng iba’t ibang kakanyahan ng isang indibidwal pagdating sa pakikipagtalastasan. Ang mga tatalakaying mga kakayahan o maituturing...

Aralin Kakayahang Komunikatibo 1 at Kakayahang Lingguwistiko Ang kakayahang komunikatibo ay nagtatampok ng iba’t ibang kakanyahan ng isang indibidwal pagdating sa pakikipagtalastasan. Ang mga tatalakaying mga kakayahan o maituturing kakanyahan na rin na nasa ilalim ng kakayahang komunikatibo para sa ikaapat na kursong awtkam ay ang kakayahang lingguwistik. Ang kakayahang lingguwistik ay nagtataglay ng lubos na teknikal at masistemang bahagi ng agham pangwika. KAKAYAHANG LINGGUWISTIK - Tinataya sa kakayahang lingguwistik ang usaping pangwika na nakatuon lamang sa wikang tinuturingan. Kalakip nito ang maagham nap ag-aaral sa estruktura ng wika, mula tunog hanggang sa paggamit nito nang wasto. May dalawang sangay ang lingguwistika, ito ay ang dayakronik at singkronik. Ang dayakronik ay tumatalakay sa kaligirang pangkasaysayan ng wika, kasama rito ang pinagmulang pamilya at mga pagbabago sa wika bilang isang dinamiko at buhay. Pinag-uusapan naman sa singkroniko ang kayarian ng wika mula sa ponolohiya patungong morpolohiya hanggang sintaksis at semantika. Ang kakayahang lingguwistik ay makakamtan lamang kung mainam nang nauunawaan ang lingguwistik o isang ang agham pangwika. Nagtataglay ito ng iba’t ibang sanga ng agham na ituturing na mga aralin sa modyul na ito. 1.1. Ortograpiya ✓ sining ng tamang pagbaybay at pagsulat ng mga salita ayon sa tamang pamantayan o gamit ✓ bahagi ng balarila tungkol sa mga titik at pagbaybay A. Grapema Ito ay isang set o pangkat ng mga bahagi sa isang sistema ng pagsulat. Ito ang mga pasulat na simbulo. 2 Uri ng Grapema: 1. Titik – sagisag sa isang tunog sa pagsasalita. a. Ebolusyon ng Alpabeto i. Baybayin (17; Pre-kolonyal) Talahanayan 1. Ang Sinaunang Baybayin Larawang mula sa KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat ii. Abecedario (30; 1600-1700) Dinagdag na mga titik: (11) - C, CH, F, J, LL, Ñ, Q, RR, V, X, Z iii. Abakadang Tagalog (20; 1940) Tinanggal ang 11 titik sa Abecedario at ibinalik ang katutubong titik na NG iv. Pinagyamang Alpabeto (31; 1977) Dinagdag muli ang 11 titik sa Abecedario at ang NG v. Modernisadong Alpabeto (28; 1987) Tinanggal ang 11 titik ng Abecedario ngunit humiram ng 7 titik sa Ingles (C, F, J, Q, V, X, Z) at 1 sa Kastila (Ñ) Talahanayan 2. Ang Modernisadong Alpabeto FIL01 | CORE | CO4 1 Larawang mula sa KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat 2. Di-Titik – mga sagisag naman na ginagamit para sa mga antala, tono, at diin. a. Mga Tuldik o Asento (4) i. Pahilis (ˊ) ii. Paiwa (`) iii. Pakupya (^) iv. Patuldok ( ̈) b. Mga Bantas (16+) - Marami tayong mga bantas, ngunit itatampok lamang sa talahanayan sa ibaba ang mga nakapaloob sa ating ortograpiya. Idadagdag na rin ang {} bilang pangkulong o panuklong na bantas. Talahanayan 3. Ang Mga Bantas sa Wikang Filipino FIL01 | CORE | CO4 2 Larawang mula sa KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat B. Palagitlingan Ito naman ang pag-aaral sa sistema ng paggamit ng bantas na gitling sa iba’t ibang sitwasyon. 1. Kapag ang unlapi ay nagtatapos sa katinig at ang nilalapian ay nagsisimula sa patinig. Mga Halimbawa: pang-ulo, mag-alis 2. Kapag ang isang panlapi ay inilalapi sa unahan ng isang ngalang pantangi. Mga Halimbawa: maka-Quezon, pang-Mahal na Araw, taga-Nueva Ecija 3. Kapag ang unlaping ika- ay ikinakabit sa mga tambilang ngunit hindi na kung ito’y isinasatitik. FIL01 | CORE | CO4 3 Mga Halimbawa: ika-10, mag-iika-5, *ikaanim, ikapito 4. Kapag ang salita ay inuulit ito’y ginigitlingan. Mga Halimbawa: buwan-buwan, araw-araw 5. Ang salitang paruparu ay hindi maaaring gitlingan kahit inuulit dahil ang salitang PARU ay hindi salitang ugat at wala itong tiyak na kahulugan. Ito’y para rin sa iba pang salita na inuulit na wala naming salitang inugatan. 6. Kapag sinusulat nang patitik ang yunit ng praksyon ito’y ginigitlingan. Mga Halimbawa: isang-katlo, tatlong-kapat 7. Kapag nanatili ang kahulugan ng dalawang salitang pinagtatambal. Mga Halimbawa: tawang-aso, dalagang-bukid, barong-intsik 8. Kapag may katagang nawawala sa pagitan ng dalawang salitang pinagsasama. Mga Halimbawa: ningas ng kugon= ningas-kugon; bulaklak sa parang= bulaklak-parang 1.2. PONOLOHIYA Ito ay ang pag-aaral sa mahahalagang tunog ng wika na nagbibigay kahulugan sa pagbigkas ng salita o nagbibigay ng pagbabago ng kahulugan. Maagham na pag-aaral sa mga ponema. Ponema – pinakamaliit na yunit ng tunog na may kabuluhan. Ang mga makabuluhang tunog ng isang wika ay nauuri sa dalawa, ang ponemang segmental at ponemang suprasegmental. A. Ponemang Segmental Ang ponemang segmental ang mga tunog na ginagamitan ng mga katumbas na letra upang mabasa at mabigkas. i. Konsonante / Katinig (18) Punto ng Artikulasyon – mga bahagi ng palatunugan ng tao na nagbabanggaan sa tuwing iuusal ang ponemang nasa talahanayan. Paraan ng Artikulasyon – iba’t ibang paraan sa pagpapalabas ng hangin na nagiging enerhiya sa paglikha ng tunog na minomodipika naman ng gawang ng ilong at bibig. FIL01 | CORE | CO4 4 Talahanayan 4. Ponemang Konsonante ng Wikang Filipino ii. Vokablo / Patinig (6) Talahanayan 5. Ponemang Vokablo ng Wikang Filipino iii. Malapatinig – katinig sa klasipikasyon ngunit inuusal na tila isang patinig. Mga Halimbawa: /y/ at /w/ iv. Klaster – Kambal katinig na ang bawat ponema ay naririnig. Mga Halimbawa: /kl/, /kr/, /pl/ … v. Diptonggo – Kambal patinig na sa estruktura sa Filipino ay magkatabing patinig at malapatinig. Mga Halimbawa: /ʔaw/, /ʔiw/, /ʔay/, /ʔoy/ … FIL01 | CORE | CO4 5 vi. Digrapo – kambal katinig na hindi naririnig ang bawat ponema kundi nagkakaroon ito ng isang ganap na buong tunog. Halimbawa: /ng/ o /ŋ/ vii. Ponemang Malayang Nagpapalitan – sa dalawang set ng transkripsyong ponemiko ay may iisang ponema lamang silang pinagkaiba ngunit kahit ito ay magkaiba ay may iisang kahulugan pa rin ito. Mga Halimbawa: /sil𝑖 ℎ / /sil𝑒 ℎ / /politik𝑎ℎ / /pulitik𝑎ℎ / /biyulin/ /biyolin/ viii. Ponemang Pares Minimal – sa dalawang set ng transkripsyong ponemiko ay may iisang ponema lamang silang pinagkaiba na nagdudulot ng pagkakaiba rin ng kanilang mga kahulugan. Mga Halimbawa: /bulol/ /bulok/ /m𝑒𝑠𝑎ʔ/ /misaʔ/ /tiŋg𝑎ℎ / /teŋaʔ/ B. Ponemang Suprasegmental Karaniwang hindi tinutumbasan ng mga letra sa pagsulat kundi mga simbolo lamang upang matukoy ang paraan ng pagbigkas. a. Tono, Intonasyon, at Punto – tumutukoy sa pagtaas at pagbaba ng tinig sa pagsasalita. b. Haba – pagpapahaba sa pagitan ng bawat pantig sa pagbigkas ng isang salita. c. Hinto o Antala – saglit na pagtigil sa pagsasalita upang higit na maging malinaw ang pagbigkas. d. Diin – paglakas o paghina ng pagbigkas ng isang salita. Mga Uri ng Diin (PALATULDIKAN): 1. Malumay – may diin sa penultimang (ikalawa sa dulo) pantig. Kadalasang hindi na ito tinutuldikan dahil karaniwan lamang sa Tagalog; pero kung tutuldikan ang gagamitin ay ang pahilis na tuldik. 2. Mabilis – tila malumay ngunit maaaring sa huling pantig ang diin. Pahilis na tuldik din ang ginagamit. 3. Malumi – malumay ngunit may impit na tunog sa huling patinig. Paiwa ang tuldik na ginagamit para sa uri ng diin na ito. FIL01 | CORE | CO4 6 4. Maragsa – mabilis o walang animong putol sa pagbigkas ngunit may impit sa huling patinig. Impit na tunog lamang ang makikita sa dulo. Pakupya naman ang tuldik na ginagamit sa uri ng diin na ito. 5. Schwa – para sa tunog na naiiba o tila may pag-arte ay ginagamit ang patuldok na tuldik upang katawanin ang pagbigkas na ito. C. Palapantigan Paraan ng pagpapantig sa mga salita na karaniwang bunsod ng pagbigkas ng mga salita. Patinig: A-ma (P-KP) Katinig-Patinig: ma-ta (KP-KP) Patinig-Katinig: ak-ma (PK-KP) Katinig-Patinig-Katinig: ban-tas (KPK-KPK) Katinig-Katinig-Patinig: bra-sa (KKP-KP) Patinig-Katinig-Katinig: eks-tra (PKK-KKP) Katinig-Katinig-Patinig-Katinig: prak-tis (KKPK-KPK) Katinig-Katinig-Patinig-Katinig-Katinig: tsart (KKPKK) Katinig-Katinig-Patinig-Katinig-Katinig-Katinig: shorts (KKPKKK) 1.3. MORPOLOHIYA Ito ay ang pag-aaral sa makahulugang tunog ng wika na nagbibigay o nagpapabago ng kahulugan ng isang salita. Maagham na pag-aaral sa mga morpema. Morpema – pinakamaliit na yunit ng salita na may kahulugan. Transkripsyong Morponemiko – mga morpema na sangkap ng isang salita na may tiyak na kahulugan. Halimbawa: [mata] at [(pang-) + (mata)] … Napakahalagang matutuhan natin ang agham ng morpolohiya upang mas maging malawak ang ating kaalaman kung bakit sinasabing maagham at marikit ang wikang Filipino. Sa sangay na ito ng lingguwistik ay sinasabing napagyayaman ang bokabularyo ng isang tagapagsalita ng wika dahil ang bawat sangkap sa pagbabago ng mga kahulugan ay makikilala. FIL01 | CORE | CO4 7 A. Mga Uri ng Morpema 1. Morpemang Salitang-ugat – ito ang mga morpema na may sariling kahulugan na kahit hindi pa man kinakabitan ng ibang morpema ay nakakatayo na mag-isa. 2. Morpemang Panlapi – ito ang morpemang hindi nakakatayo mag-isa. Ikinakabit sa mga salitang- ugat upang magkaroon ng ibang ideya o kahulugan. 2.1. Uri ng mga Panlapi 2.1.1. Unlapi -ikinakabit sa unahan ng salita. Halimbawa sa salitang ugat na lakad: maglakad 2.1.2. Gitlapi -ikinakabit sa loob ng salita. Halimbawa: lumakad 2.1.3. Hulapi -ikinakabit sa hulihan ng salita. Halimbawa: lakarin 2.1.4. Kabilaan -pares ng panlapi na ikinakabit sa unahan at sa hulihan ng salita. Halimbawa: maglakaran 2.1.5. Una’t gitnang lapi- ikinakabit sa unahan at gitna ng salitang ugat. Halimbawa: Idinura 2.1.6. Gitna’t huling lapi- ikinakabit sa gitna at hulihan ng salitang ugat. Halimbawa: Dinuguan 2.1.7. Laguhan -kombinasyong ng mga panlapi na ikinakabit sa unahan, gitna at hulihan ng salita. Halimbawa : Pagsumikapan 2.2. Klasipikasyon ng mga Panlapi at tuntunin sa pagkabit nito sa mga salitang ugat 2.2.1. Morpemang Makangalan – mga morpemang kapag ikinakabit sa salitang-ugat ay nagiging pangngalan. 2.2.2. Morpemang Makadiwa – mga morpemang kapag ikinabit sa salitang-ugat ay nagiging pandiwa. 2.2.3. Morpemang Makauri – mga morpemang kapag ikinabit sa salitang-ugata ay nagiging panuring. 3. Morpemang Ponema – ito ang ponema na kapag ikinakabit o ipinapalit sa isang salitang-ugat ay nagkakaroon ng ibang kahulugan o ideya. Halimbawa ay ang {a} sa salitang doktora na nagging sanhi ng pagmomodipika ng kahulugan nito bilang pambabae na lamang. B. Kayarian ng Morpema 1. Morpemang Payak – Morpemang hindi pa nalalapian ngunit kabilang dito ang mga morpemang kinabitan ng morpemang ponema. Mga Halimbawa: Doktor Doktora Bilis Lapis Bulsa Michael Ganda FIL01 | CORE | CO4 8 2. Morpemang Maylapi- Morpemang payak na nilapian. Mga Halimbawa: Mabilis Maka-Michael Bilisan 3. Morpemang Inuulit- Morpemang may bahagi o buong inuulit a. Uri ng mga salitang inuulit i. Parsyal – bahagi lamang ng salita ang inuulit o iilang pantig lamang. Halimbawa: ulan = uulan; sarili= sarisarili; matamis-tamis ii. Ganap – kung buong salitang ugat ay inulit Halimbawa: araw= araw-araw; babae = babaing-babae iii. Magkahalong Parsyal at Ganap - kombinasyon ng dalawang naunang pag- uulit Halimbawa: Tatakbo-takbo, iiyak-iyak, sisinghot-singhot 2. Morpemang Tambalan- morpemang ipinagtambal a. Uri ng Tambalang Salita i. Ganap – kapag ang dalawang salitang ugat na nagreresulta sa pagkakaroon ng ikatlong kahulugan o bagong kahulugan. Halimbawa: Hampaslupa, Balat-Sibuyas, Bahaghari ii. Di-Ganap – ang dalawang salitang ugat na pinagtatambal ay nagpapahayag ng sariling kahulugan, nananatili ang orihinal na kahulugan ng dalawang salitang pinagtatambal o hindi nagkakaraoon ng pngatlong kahulugan. Halimbawa: bahay-kubo, punungguro, dalagang-bukid, kapitbisig C. Pagbabagong Morpoponemiko Tumutukoy sa pagbabago sa karaniwang anyo ng isang morpema dahil sa impluwensya ng kaligiran nito. 1. Asimilasyon 1.1. Asimilasyong Parsyal Ito ang pagbabago na nagaganap mula sa panlaping idinidikit sa morpemang salitang-ugat. Mula sa orihinal na anyo ng panlapi ay napapalitan ito ng alomorp ng morpemang panlapi. Hal.: Pambayan, Panlungsod 1.2. Asimilasyong Ganap Ito ang pagbabago na nagaganap mula sa panlaping idinidikit sa morpemang salitang-ugat at ang pag-asimila sa unang ponema ng salitang-ugat. Hal.: Pamalo, Panali, Panitikan 2. Metatesis Ito naman ay ang pagpapalit ng puwesto ng dalawang ponema kapag nilapian. Hal.: Niyaya, Nilipad 2.1. Di Ganap na Pagbabaligtad FIL01 | CORE | CO4 9 Tanging papantig lamang o bahagi lamang ang binabaligtad sa isang salita. Hal.: SIgarilYO – yosi, Mother – Ermoth/Ermat 2.2. Ganap na Pagbabaligtad Kapag ang binabaligtad na ay ang pagbaybay ng buong salita. Hal.: Pogi – igop, Away – yawa 3. Reduplikasyon 3.1. Reduplikasyon Parsyal Ito ang pag-uulit ng bahagi ng isang salita maaaring isang isang pantig o isang ponema lamang. Hal.: Aalis, Nasusunog, Kabi-kabilaan 3.2. Reduplikasyong Ganap Ito ang pag-uulit ng buong salita. Hal.: Gabi-gabi, Lingo-lingo, Isa-isa 4. Pagpapalit ng Ponema Ito ang nagaganap na pagbabago o pagpapalit ng isang ponema sa pagbuo ng salita. Hal.: Marunong, Duguan 5. Pagkakaltas ng Ponema Ito ang nagaganap na pagbabago na kinakaltas ang huling ponemang patinig sa salitang-ugat sa paghuhulapi. Hal.: Takpan, Kitlin 6. Paglilipat-diin (May lipat) May mga salitang nagbabago ng diin kapag nahuhulapian. Hal.: Basa – basahin, Laro – laruan 7. Pagpupungos (May pungos) Kapag may nawawala o naaalis na pantig sa unahan ng salita. Hal.: Magpadala – padala, Halika – lika 8. Kontraksiyon Pag-aangkop ng mga salita upang maging iisang salita. Hal.: Hintay ka – teka, Tayo na – tena D. Kasanayang Pambalarila I. Pangnilalaman / Leksikal – mga salitang nagtataglay ng sariling kahulugan. A. Nominal – pampangngalan 1. Pangngalan – katawagan ng tao, hayop, bagay, pangyayari, at lunan. 2. Panghalip – humahalili sa pangngalan FIL01 | CORE | CO4 10 B. Panuring – naglalarawan 1. Pang-uri – nagbibigay turing o paglalarawan sa pangngalan at panghalip. 2. Pang-abay – naglalarawan sa pang-uri, pandiwa, at kapuwa pang-abay. C. Pandiwa – nagsasaad ng kilos, gawa, o kalagayan. II. Pangkayarian / Istruktural – mga salitang walang tiyak na kahulugan ngunit may tiyak na gamit. A. Pang-ugnay – pinagdidikit o ugnay ang mga salita at pangungusap. 1. Pangatnig – katagang nag-uugnay ng dalawang salita, parirala, at sugnay. 2. Pang-angkop – inuuugnay ang panuring sa tinuturingang salita. 3. Pang-ukol – katagang ginagamit upang matukoy ang kinaroroonan, pinagmulan, at uukulan. B. Pananda 1. Pantukoy – salitang ginagamit sa pagpapakilala ng pangngalan. 2. Pangawing – nagkakawing sa paksa at panaguri ng pangungusap. 1.4. SINTAKSIS Isang maagham na pag-aaral sa ugnayan ng mga salita sa loob ng talataan. Kabilang sa pagtatalakay nito ang pagtukoy sa mga papel ng bawat bahagi ng pangungusap. Sintaks – ugnayan ng mga salita. Kataga – ito’y kadalasang iisahing pantig lamang at ginagamit bilang instruktural na nagkakaroon lamang ng kahulugan kapag ginamit sa pangungusap. Salita – ito ay isang morpema na may tiyak nang kahulugan. Parirala – ito ay lupon ng mga salita. Dapat mayroon itong leksikal at istruktural na mga salita. Sugnay – ito ay parirala na may paksa at panaguri na. Pangungusap – ito ay sugnay na makapag-iisa na may kumpleto’t buong diwa. - Payak – Isang sugnay na makapag-iisa. - Tambalan – Dalawang sugnay na makapag-iisa. - Hugnayan – Isang sugnay na makapag-iisa at isa o mahigit pang sugnay na di- makapag-iisa - Langkapan – Dalawang sugnay na makapag-iisa at mahigit sa isang sugnay na di- makapag-iisa FIL01 | CORE | CO4 11 Bilang ang sintaksis ay mas nakatuon sa estruktura ng pangungusap at ugnayan ng mga salita sa loob ng katudlaan, mahalagang balikan ang pag-aaral sa pagbuo ng mga parirala, sugnay, at pangungusap hanggang talata. Mula sa direksyon na ito, isisingit ang kaalamang pambalarila bilang pagtatawid sa kaalamang morpo-sintaks. Mahalagang mabigyang-tuon sa yugtong ito ang pag-unawa sa mga istruktural na salita tulad ng mga pananda at pang-ugnay dahil ito ang nagpapakita ng relasyon ng mga leksikal na salita naman sa katudlaan. Tagubilin: Ang mga nasa ibaba ay ipinakikilala bilang mga dulog ng pag-aaral ng sintaks at semantika subalit hindi na ito isasama sa inyong silabus dahil ito’y lubhang malalim na at kinakailangan ng matinding gabay. PORMULARYONG PANGWIKA X’ = PngP + PdP *Para sa isang payak na pangungusap X’ = 𝒙𝟏 + 𝒙𝟐 *Para sa isang tambalang pangungusap X’ = 𝒙𝟏 → 𝒙𝟐 *Para sa isang hugnayang pangungusap X’ = 𝒙𝟏 + 𝒙𝟐 → 𝒙𝟑 → 𝒙𝟒 *Para sa isang langkapang pangungusap BALANGKASAN - Isa sa pinakagamiting paraan ng pagbabalangkas ay ang X- bar - Ang x-bar ay pagbabalangkas ng isang ganap na katudlaan (X’) 1.5. SEMANTIKA Isang maagham na pag-aaral sa kahulugan ng pangungusap. Ang teknikal na pagpapakahulugan ay isang talamak na dulog sa semantika, marahil ito kasi ang pinakamadaling paraan upang maunawaan ang talataan. Subalit nagiging mahirap ilapat ang teknikal na pagpapakahulugan kung hindi naman teknikal ang pagkakabuo sa pangungusap o kung ang bumuo nito ay hindi naman sumusunod sa preskriptibong balarila. Karaniwang ginagamit ng mga mamamayan sa pagbibigay-kahulugan sa mga talataan ang pagtukoy sa pragmatika at lipunan ng mga nagsasalita. Ang isa sa mga mababaw na pagtatalakay rito ay ang pag-iiba sa KONOTASYON at DENOTASYON. Teknikal na pagpapakahulugan ang denotasyon na karaniwang makikita sa mga diksiyonaryo na may pormat na “termino, pangkat, at natatanging katangian,” samantalang ang konotasyon nama’y nakapokus sa pagbibigay-kahulugan sa mga salita base sa pangkultura o panlipunan na paggamit dito. FIL01 | CORE | CO4 12 Kakayahang Sosyolinggwistik, Aralin 5 Kakayahang Pragmatik, Kakayahang Diskorsal. I. KAKAYAHANG SOSYOLINGGUWISTIKO KAKAYAHANG SOSYOLINGGUWISTIKO – Kakayahang bumagay sa lipunan kung saan nagaganap ang pakikipagtalastasan. Sinisipat ng kakayahang ito ang ugnayan ng wika at lipunan partikular ang kaangkupan ng isang wika batay sa iba’t ibang konteksto. Ayon kay Sapir (1949), ang wika ay maituturing na kasangkapan sa sosyalisasyon, sinasabi na ang ugnayang sosyal ay hindi magiging ganap kung walang wika. Kaugnay ng sosyolingguwistika ang iba’t ibang salik sa isang panlipunang sitwasyon gaya ng panahon, kultura, lugar ng usapan, edad, kasarian, propesyon, at pangkat na kinabibilangan ng mga taong sangkot sa komunikasyon. 1.1. Mga Barayti ng Wika a. Dayalek – baryasyon na bunga ng dimensyong heograpiko. Tinatawag din itong “wikain” ng iba. Ito ang sanga ng isang wika batay sa pook, lalawigan, bayan at rehiyon ng mga tagapagsalita nito. Mga Halimbawa: Sa wikang Tagalog ay may mga diyalektong tinatawag na Tagalog- Quezon, Tagalog – Bulacan, Tagalog – Palawan. b. Sosyolek - ang bayasyon na bunga dulot ng dimensyong sosyal. Kung esensiya ng wika ay panlipunan, nagdudulot ng pagbabago ang lipunang ginagalawan o kinabibilangan ng tao sa wika. Nakaaapekto sa baryasyon na ito ang relihiyon, estado sa buhay, trabaho, kasarian, edad at etnisidad. Mga Halimbwa: Iba ang paraan ng pakikipag-usap ng isang estudyante sa kaniyang guro at sa kaniyang mga kaklase. Sa larang naman ng sosyal-medya ay uso ang FIL01 | CORE | CO4 13 jejemon, sa mga sangkabaklaan ay may tinatawag na silang Gay Linggo o wika ng mga miyembro ng kanilang kasarian. c. Etnolek – wika na sinasalita ng isang etnolingguwistikong pangkat. Mga Halimbawa: Tausug, T’Boli, Maranaw d. Pidgin at Creole Pidgin – ito ang barayti ng wika na bunga ng pagsasanib ng dalawang wika. Karaniwang dulot ito ng dalawang tao na nagtagpo sa isang lugar na may magkaibang wikang ginagamit na malayo sa isa’t isa. Sa pagsasanib ng dalawang malayong wika para lamang magkaintindihan sila ay nakabubuo sila ng isang panibagong wika na ang ayos ng balarila ay sa isang wika (karaniwan sa nagsasalita sa dalawang tao na nagtagpo) at ang mga bokabularyo naman ay sa isang wika (karaniwan ay wika ng dominente sa dalawa). Halimbawa: “Suki, ikaw bili tinda ko mura.” Ang Insik na nakatira sa Pilipinas upang mangalakal na hindi lubusang natuto ng wikang Filipino ay nagsasalita ng mga bokabularyong Filipino ngunit ang paraan ng kaniyang pagbuo ng pangungusap ay tulad pa rin sa kaniyang wika. Creole – kung ang pidgin naman ay naging likas na wika o native language ito ay tinatawag na creole, isang nativized na wika. Nangyayari ito kapag may komunidad ng mga tagapagsalita ang nag-angkin ditto bilang kanilang unang wika. Halimbawa: Chavacano, ang wikang ito na may pagka-Kastila ngunit hindi masasabing purong Kastila dahil may impluwensya ng ating katutubong wika sa estraktura nito. FIL01 | CORE | CO4 14 Talahanayan 1. Dayagram ng Barayti ng Wika 1.2. Ang Etnograpiya ng Komunikasyon Sa modelo ng komunikasyon ay lagging isinasaalang-alang ang enkowder o nagsasalita at ang dekowder o nakikinig. Kaugnay ng kakayahang sosyolingguwistiko ay nararapat lamang na unawain natin ang ilang mga salik na maaaring makaapekto sa layon ng nagsasalita at sa paraan naman ng pagtanggap ng nakikinig. Kaya malaking tulong na malaman ang SPEAKING ni Dell Hymes. i. Settings at Scene (lugar at oras ng usapan; naglalarawan sa kalikasan ng sitwasyon ng pag- uusap) ii. Participants (mga taong sangkot sa usapan; ang nagsasalita at ang kinakausap) iii. Ends (layunin at mithiin ng usapan gayundin ang maaaring bunga ng pag-uusap) iv. Act Sequence (pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari habang nagaganp ang pag-uusap) v. Keys (pangkalahatang tono o paraan ng pagsasalita: pormal o di-pormal ang takbo ng komunikasyon) FIL01 | CORE | CO4 15 vi. Instrumentalities (anyo at estilong ginagamit sa pag-uusap: pasalita, pasulat, harapan, kasama rin ang uri ng wikang gamit) vii. Norms (kaangkupan at kaakmaan ng usapan ng isang sitwasyon) viii. Genre (uri ng pananalita na nakalahad mula sa isang sitwasyon: nagsasalaysay, nakikipagtalo, o nagmamatuwid) II. KAKAYAHANG PRAGMATIK KAKAYAHANG PRAGMATIKS – ito ay kakayahan na tumitingin sa ugnayan ng mga anyong lingguwistiko at mga gumgamit nito. Ayon kay Yule (1996), binibigyang-pansin ditto ang gamit ng wika sa mga kontekstong panlipunan gayundin kung paano lumilikha at nakauunawa ng kahulugan ang tao sa pamamagitan ng wika. Ayon kina Badayos at kaniyang mga kasama (2010), ang pragmatiks ay nangangailangan ng tatlong pangkalahatang kakayahan sa komunikasyon. A. Gamit ng wika B. Paghiram o pagbabago ng wikang gagamitin batay sa pangangailangan at inaasahan C. Paggamit ng tuntunin sa isang talastasan 2.1. Gricean Pragmatics Bumuo si Herbert Paul Grice ng isang teoryang pampragmatika na nagsasaad na ang bawat mensahe ay mayroong kahulugan para sa tagapagsalita. Para maturing na isang kahulugan ang mensaheng nabanggit ay nararapat na magkaroon ito ng rason o layuning iisipin ng tagapakinig, na may intension ang tagapagsalita sa paghahayag ng kahulugang ito. Sa madaling sabi ay motibo ang bawat mensahe. Ang Patakaran sa Talastasan (Conversational Maxims) ay ginagamit upang maging akma ang mga pahayag ng prinsipyo ng pagtutulungan (principle of cooperation). Ang mga patakaran na ito ay may kinalaman sa mga sumusunod: D. Tungkol sa Dami (Maxim of Quantity) E. Tungkol sa Kalidad/Uri (Maxim of Quality) F. Tungkol sa pagiging Akma (Maxim of Relevance) G. Tungkol sa Pamamaraan (Maxim of Manner) III. KAKAYAHANG DISKORSAL KAKAYAHANG DISKORSAL – nagbibigay-pansin ito sa kakayahang bigyan ng interpretasyon ang isang serye ng mga napakinggang pangungusap upang makagawa ng makabuluhang kahulugan. Dahil ditto, sa kakayahang ito ay napapanatili ng mga sangkot sa diskurso ang FIL01 | CORE | CO4 16 buhay na talakayan o pakikipagtalastasan. Isinasaalang-alang din ditto ang kaibahan o kaya’y wastong pagtingin sa teskto at konteksto. Tingnan ang mga sumusunod na teorya o kaya’y mga kaalaman na may kaugnayan sa kakayahang diskorsal: 1. Ang Teoryang Bigkas-Pagganap (Speech-Act Theory) A. Lokusyonaryo – Literal na pagbigkas ng pahayag. B. Ilokusyonaryo – Pagpapakahulugan sa pahayag batay sa konteksto at/o paglalapat sa kultura ng nag-uusap. C. Perlokusyonaryo – Pagtugon sa mensahe ng pahayag. 2. Matutunghayan sa Konteksto a. Larangan ng Diskurso – ang mga pangyayari o panlipunang aksyong nagaganap. b. Tenor ng Diskurso – kasangkot o kasali sa sa pag-uusap, kanilang estado o papel na ginagampanan at ugnayan sa isa’t isa. c. Modo ng Diskurso – gamit ng wika, inaasahan nila rito, tsanel ng pagsasagawa nito, pasalita o pasulat, paraan ng paglalahad nito — pasalaysay, pahikayat, ekspositori, pangangatwiran, pautos, at iba pa. 3. Iba’t ibang Konteksto ng Diskurso a. Kontekstong Interpersonal b. Kontekstong Pampangkatan c. Kontekstong Pang-organisasyon d. Kontekstong Interkultural 4. Modelong S&C (Sinclair at Coulthard) a. Limang Uri ng Sulong (Moves) i. Framing at focusing ii. Boundary exchanges iii. Opening iv. Answering v. Follow-up b. IRF i. Inisasyon ii. Responde iii. Follow-up (Panunod) FIL01 | CORE | CO4 17 Aralin Pananaliksik sa Wika at 6 Kulturang Pilipino Sa pagtatapos ng mga aralin sa kursong Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino, natutunan natin ang iba’t ibang mga kasanayan hinggil sa batayang katangian, kasaysayan, wastong paggamit, batas o tuntunin, at mga sitwasyong pang wika. Bunga ng pagkakaroon ng kaalaman mula rito, marapat na mailapat at masiabuhay ang mga aral na natutunan ukol sa wika. Isa sa mga kahingian sa pagtatapos ng kurso ay ang makasulat at makalikha ng panimulang pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Sa araling ito, matutunghayan ang mga hakbang sa pagbuo ng makabuluhang pananaliksik na naisasaalang-alang ang mga angkop na salita at pangungusap upang makapag-ugnay ng mga ideya ng isang sulatin. Upang lubos na maunawaan ang pagbuo ng isang sulatin, tunghayan ang pagpapakahulugan mula sa iba’t ibang personalidad hinggil sa Pananaliksik. 1.1. Kahulugan Ang pananaliksik ay isang maingat, kritikal, disiplinadong inkwiri sa pamamagitan ng iba’t ibang teknik at paraan batay sa kalikasan at kalagayan ng natukoy na suliranin tungo sa klaripikasyon at/o resolusyon nito.” (Good, 1963) “Ang pananaliksik ay isang proseso ng pangangalap ng mga datos o impormasyon upang malutas ang isang partikular na suliranin sa isang syentipikong pamamaraan.” (Manuel at Madel, 1976) Mga Halimbawa 1. Glosaryo ng Varayti ng Tagalog-Indang sa Larangan ng Paggawa ng Kakanin sa Indang, Cavite ni Jenneifer Silan Hernandez (Valenzuela et. al., 2016) FIL01 | CORE | CO4 18 2. Isang Pagsusuri sa Panlaping Ka- at –an sa pamamagitan ng Corpus ni Ana Lorraine V. Ang (Di-Nalathaang tesis, UPD) 1.2. Pagtuklas at Pagtatanong tungo sa Pananaliksik Isang uri ng pagtuklas ang pananaliksik. Nagsisimula sa mga tanong ang pagtatangkang tumuklas. Marami sa atin ang nagnanais na tumuklas ng mga bagay sa paligid, mga nararamdaman at iniisip, mga pagbabakasakali at haka-haka, at marami pang iba. Samakatuwid, napakalawak ng larang ng pagtuklas at pagtatanong natin (Valenzuela et. al., 2016). Kaugnay nito, nagsasaliksik tayo upang makahanap ng mga kasagutan sa tanong. Bigyang pansin ang mga sumusunod na uri ng mga tanong na maaring magamit upang makapagsimula sa pagsulat ng pananaliksik. ❖ Praktikal na tanong Tanong na may kagyat na solusyon o aplikasyon ayon sa sitwasyon o suliranin. Halimbawa: 1. Paano patitibayin ang bubong ng bahay? ❖ Espekulatibo o pilosopikal na tanong Mga tanong na humihingi ng palagay o pagpapalagay tungkol sa isang bagay o sitwasyon. Halimbawa: 1. May ikalawang buhay ba matapos mamatay ang tao? ❖ Panandalian o tentatibo o mga tanong na batay sa prediksyon o probabilidad Mga tanong na sinasagot batay sa panahon o pagkakataon kung kalian ito naganap o itinatanong. Halimbawa: 1. Uulan ba bukas? ❖ Imbestigatibong tanong Tanong na umuusisa o sumisiyasat sa isang pangyayari o sitwasyon. Halimbawa: 1. Paano nalason ang matandang babae? FIL01 | CORE | CO4 19 ❖ Disiplinal na tanong Mga tanong na umiikot sa paksang tinatalakay sa isang disiplina ng pag-aaral. Halimbawa: 1. SIKOLOHIYA NG WIKA: Ano ang naibubulalas ng taong bugnutin? 2. EKONOMIKS: Ano ang totoong halaga ng perang padala ng mga OFW sa bansa? 3. BIOLOGY: Mabubuhay ba ang halaman sa planetang Mars? Paano? 1.3. Proseso ng Pagsulat ng Pananaliksik Upang makabuo ng isang pananaliksik, mahalagang matutunan ang mga prosesong pagdaraanan sa pagsulat upang maging gabay at handa sa isasagawang sulatin. Ang sumunod na dayagram ay nagpapakita ng proseso sa pagsulat ng pananaliksik: 1. PAGPILI NG PAKSA. Kailangan na ang paksang pipiliin ay interes at bukal sa loob ng mananaliksik sapagkat madaling matatapos ang sulatin kung interesante ito sa pananaw at kalooban ng manunulat. Mahalaga rin na limitahan ang paksa batay sa haba ng panahong ilalaan sa pagbuo ng pananaliksik. 2. PAGPAPAHAYAG NG LAYUNIN. Kailangang makasulat ng panimulang layunin ang manunulat bago pa man simulan ang akda. Ito ay nagsasaad ng pangunahing ideya o tesis ng sulatin. 3. PAGHAHANDA NG PANSAMANTALANG BIBLIYOGRAPIYA (kung kinakailangan). Ayusin ang mga tala ng sanggunian gamit ang notebook o MS Word sa laptop o kompyuter upang FIL01 | CORE | CO4 20 maisaalang alang ang wastong dokumentasyon ng mga impormasyong hiniram mula sa mga awtor. Itala at isulat ang ngalan ng may-akda, paksa, at pamagat ng materyal (libro, dyornal, magasin, diyaryp, internet, at iba pa). 4. PAGGAWA NG PANSAMANTALANG BALANGKAS. Ang balangkas ang nagsisilbing gabay sa daloy ng susulating papel. Maaaring gamitin ang iba’t ibang uri gaya ng: Balangkas na papaksa Balangkas na papangungusap Balangkas na patalata 5. PANGANGALAP NG MGA DATOS. Datos ang pinakmahalagang yunit ng pananaliksik o anumang akda. Walang pananaliksik kung walang datos. Maraming pupwedeng gamiting metodo upang makakuha ng datos. Ang mga sumusunod ay maaaring gawing batayan: Panayam Focus group discussion Sarbey Datos mula sa dati o kasalukuyang pag-aaral (aklat, dyornal, magasin, at internet) Karanasan at detalye ng mga pangyayari (kung personal na sulatin ang gagamiting batayan) Nahahati sa dalawang uri ang mga pinagkukunan ng datos: A. Primarya o Pangunahing Sanggunian – Orihinal na dokumento na naglalaman ng pangunahin o orihinal na impormasyon tungkol sa paksa. Halimbawa: Panayam, liham, orihinal na gawang sining, larawan, at isinulat na panitikan. Kabilang rin dito ang mga direktang impormasyon mula sa tao sa tuling ng panayam at iba pang mga nabanggit na metodo. B. Sekondaryang Sanggunian – Interpretasyon sa mga impormasyong nakuha mula sa pangunahing sanggunian. Halimbawa: Reaksyon sa aklat, palabas, manuskrito, isang kilalang indibidwal, at buod ng isang akda. 6. ANG PINAL NA BALANGKAS. Dito maaaring magtanggal o magdagdag ng ilan sa mga nakalap na datos o sanggunian. Karaniwan itong nasa balangkas papangungusap. Ito ang siyang nagsisilbing pinal na balangkas upang mabuo ang unang burador ng pananaliksik. 7. PAGSULAT NG BURADOR AT PAGWAWASTO. Proseso ng pagtatanggal o pagdaragdag ng mga datos o pagbabago ng daloy ng pagtalakay sa papel o akda. FIL01 | CORE | CO4 21 Sa pagwawasto, kinakailangan na hindi lamang ang mananaliksik o sumulat ang babasa at magwawasto. Kung may sapat na panahon, kailangang ipabasa at ipawasto ang akda sa kaniyang guro o sa proof reader upang lubos na maitama ang kaniyang saliksik. 8. PAGSULAT NG KONGKLUSYON. Nagtataglay ng pangkabuoang paliwanag hinggil sa pananaliksik. Isinasama rin dito ang muling pagbanggit sa tesis n pag-aaral at ang mga tanong na sinagot sa pag-aaral. Karaniwang nasa paraang pabuod ang mga imahahalagang impormasyong natuklasan. Dito rin inilalagay ang mga rekomendasyon tungo sa mga paksang maaaring gawin sa panibagong pag-aaral o pananaliksik. 1.4. Tentatibong Bibliograpiya Ito ay listahan ng mga paghahanguan ng mga impormasyon na gagamitin sa pananaliksik. Nakasulat dito ang mga aklat, pahayagan, dyornal, at iba pang material na magagamit upang matugunan ang mga tanong na sasaliksikin na tinukoy habang binubuo ang paksa ng pananaliksik. ✓ 2 Pangunahing Dahilan bakit mahalaga ang Bibliograpiya a. Una, upang itala ang lahat ng publikasyong maaaring gamitin sa pangangalap ng mga datos. b. Pangalawa, upang itala ang mahahalagang impormasyon tungkol sa publikasyon para sa paghahanda ng pinal sa bibliograpiya. 1.5. Tseklist sa Pagsulat Ang tseklist ay maaaring gamitin sa dalawang paraan. Una, maaari itong gamitin bilang gabay kung handa nang sumulat ng pananaliksik, at ikalawa, kung nakapagsimula at nakasulat na ng pananaliksik, gamitin ang tseklist na ito upang rebyuhin ang naisulat at naisaliksik. FIL01 | CORE | CO4 22 Pag-iisip ng paksa Pangunahing ideya(tesis) ng pag-aaral Layunin kung bakit pinili ang paksa Suliranin ng pag-aaral o paglalahad ng problema Paglalahad ng magkakaugnay na pag-aaral Metodolohiya Teorya o dalumat Sakop at limitasyon Pagtalakay sa resulta ng pananaliksik Kongklusyon A. Pag-iisip ng paksa. Manggaling ang paksa sa mismong estudyante/mag-aaral. Mahalagang may Sense of Ownership ang mga mananaliksik. Maaaring galing ito sa karanasan, sariling ideya, pang araw-araw na gawain, batay sa nakaraan o patuloy na pag- aaral,panimulang pag-aaral, eksperimental na pananaliksik, komparatibong pag-aaral, o paghahambing ng mg abagay/produkto/ideya/kaisipan/sitwasyon at iba pa. B. Pangunahing ideya(tesis) ng pag-aaral. Binubuo ng isa o dalawang pangungusap lamang na nagsasaad ng pinakamahalagang ideya ng pananaliksik. Isinasaad nito ang mensahe/kaisipan/ideya/ haypotesis ng mananaliksik C. Layunin kung bakit pinili ang paksa. Sumasagot sa tanong na “Ano ang nais makamit ng mga mananaliksik?” Tentatibong kasagutan sa tanong ng mga mananaliksik o pala-palagay. D. Suliranin ng pag-aaral o paglalahad ng problema. Paglalahad ng patanong na layunin ng Pag- aaral. Nakapaloob dito ang tanong na DAPAT masagot ng mananaliksik at pag-iikutan ito ng kabuoang pagsulat ng pananaliksik. E. Paglalahad ng magkakaugnay na pag-aaral. Naglalahad ng mga pangunahing sanggunian at mga kaugnay na pag-aaral na gagamitin sa pagsulat ng pananaliksik. Inialahad din dito kung may kakulangan sa mga sangguniang ginamit at pagtibayin kung papaano mapupunan ng pananaliksik ang kakulangan ng mga sanggunian. Nagsasaad rin ng pagkakaugnay-ugnay ng mga sanggunian upang masagot ang suliraning kinahaharap sa pananaliksik. F. Metodolohiya. Proseso ng pagsasagawa ng pangangalap ng datos. Kinapapalooban ng mga sistema, dulog o lapit upang makakalap ng mga impormasyon. Maaaring makakuha ng datos mula sa: Aklat, dyornal, tesis, panayam, sarbey, at iba pa. FIL01 | CORE | CO4 23 G. Teorya o dalumat. Gumagabay sa interpretasyon ng mga datos. Nilalahad ang batayang konsepto at pinaliliwanag ang mga abstraktong ideya. H. Sakop at limitasyon. Ipinaliliwanag ang saklaw at hangganan ng pag-aaral. Maaring magmula sa mga ipinanukalang gawain mula sa ibang pag-aaral. I. Pagtalakay sa resulta ng pananaliksik. Lohikal na presentasyon ng datos at resulta. Mabusisi at masusing talakayan ng mga napatunayan o napabulaanang tesis o haypotesis. Isinasaalang- alang ang paggamit ng chart, hanay, mga rubriks, estadistika, o modelo upang malinaw at madaling maunawaan ang presentasyon ng datos. J. Kongklusyon. Nagsasaad ng buod ng pag-aaral. Tinatalakay ang naging tugon sa mga suliraning inihain sa pag-aaral. Pag-uulit ng mahahalagang puntos mula sa unang bahagi o kabanata ng pag-aaral: tesis, layunin, suliranin, konseptwal na balangkas, mga salita o komento. 1.6. Gabay sa Pagsulat ng Pananaliksik Ang tseklist ay maaaring gamitin sa dalawang paraan. Una, maaari itong gamitin bilang gabay kung handa nang sumulat ng pananaliksik, at ikalawa, kung nakapagsimula at nakasulat na ng pananaliksik, gamitin ang tseklist na ito upang rebyuhin ang naisulat at naisaliksik. A. Pagtukoy ng Paksa a. Ano ang paksang nais pag-aralan? B. Panimulang Tanong at Layunin a. Limitahan ang paksa sa paghahain ng isang tiyak na tanong. b. Maaaring gamitin ang iba’t ibang uri ng tanong na tinalakay sa unang bahagi ng aralin. c. Ilahad ang layunin ng pag-aaral. C. Tentatibong Bibliograpiya a. Magsaliksik ng mga kaugnay na pag-aaral mula sa silid aklatan o internet. b. Ihanda at isulat ang tentatibing bibliograpiya. D. Paglalatag ng Iba pang Tanong at Pagbabalangkas a. Mula sa mga tiyak na tanong, maglaan ng maliliit na tanong kaugnay rito. b. Isulat ang balangkas sang-ayon sa mga tanong na inilatag sa panimulang pananaliksik. E. Pangagalap ng Datos at Interpretasyon nito. a. Tiyakin ang angkop na metodo sa pangangalap ng datos. b. Masinop na tipunin at suriin ang datos na nakuha. c. Talakayin ang konsepto o ideya na gagabay sa pag-unawa ng datos. F. Pinal na Balangkas FIL01 | CORE | CO4 24 a. Ayusin ang balangkas ng iyong paksa batay sa karagdagang impormasyon at detalyeng nakuha. b. Magdagdag ng maliliit na paksa (sub-topic) kung kinakailangan. c. Sikaping nakatuon sa orihinal na mga tanong at nakabatay pa rin sa paksa ang pulidong pagsulat ng pinal na balangkas. G. Pagsulat ng Burador at Pinal na Papel a. Simulang sulatin ang unang burador. b. Dahil malinaw na ang paksa, maaaring sulatin ang ibang bahagi ng balangkas na may maayos at kumpletong datos, impormasyon, at detalye. c. Kumpletuhin ang bibliograpiya. Gamitin ang APA (7th edition) bilang estilo ng pagsisipi. d. Ibuod ang pananaliksik. i. Paksa at layunin ii. Tiyak at mga kaugnay na tanong iii. Sagot sa mga tanong na may paliwanag sa metodong ginamit. e. Magbigay ng rekomendasyon i. Banggitin ang naging ambag ng inyong pananaliksik. ii. Imungkahi ang kaugnay na pag-aaral na maaari pang gawin sa hinaharap. FIL01 | CORE | CO4 25 LISTAHAN NG SANGGUNIAN Atanacio, H. C., Lingat, Y. S., & Morales, R. D. (2016). Pagbasa at pagsusuri ng iba’t ibang teksto tungo sa pananaliksik. Lungsod ng Quezon: C & E Publishing, Inc.. Bernales, R. A., Cordero, ME. B., Soriano, JS. N., Abenilla, G. G., Conti, T. O., & Gonzales, AL. M. (2016). Pagbasa at pagsulat tungo sa pananaliksik. Lungsod ng Malabon: Mutya Publishing House, Inc.. Bernales, R. A., Pascual, ME. A., Ravina, E. A., Cordero, ME. B., Soriano, JS. N., Abenilla, G. G., & Gonzales, AL. M. (2016). Komunikasyon sa makabagong panahon. Lungsod ng Malabon: Mutya Publishing House, Inc.. Carpio, P. S., Castillo, MJ. A., Peña, R. P., Adaya, J. G., & Sagun, R. D. (2012). Komunikasyon sa akademikong Filipino. L. C. Garcia (Kon.). Lungsod ng Malabon: Jimczyville Publications. Valenzuela, R., Malabuyoc, V. A., Saul, AJ. G., Gragasin, JM. D., & Villanueva, MA. (2016). Sidhaya 11: Komunikasyon at pananaliksik sa wika at kulturang pilipino. R. V. Nuncio & E. M. Nuncio (Koors.). Lungsod ng Quezon: C & E Publishing, Inc.. FIL01 | CORE | CO4 26

Use Quizgecko on...
Browser
Browser