TALAAN-NG-KONSEPTO-Q1W1-W3 PDF Filipino Notes
Document Details
Tags
Related
- Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino PDF
- ANG_WIKA_BILANG_KOMUNIKASYON_AT_WIKANG_PAMBANSA2 PDF
- Buwan ng Wika 2023: Filipino at Katutubong Wika (PDF)
- Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino - KOMPAN PDF
- Aralin 1: Mga Sitwasyong Pangwika sa Pilipinas PDF
- KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO - LESSON 2.2 PDF
Summary
Introduction to communication and research on Filipino language and culture. The document covers the nature of language, its characteristics and different linguistic concepts.
Full Transcript
KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO KUWARTER 1 LINGGO 1 Bakit nga ba marami ang ating mga wika sa Pilipinas? Tinatayang limang libong taon na ang nakaraan, ang ating mga ninuno na kung tawagin ay Austronesyano ay nagsimulang maglakbay...
KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO KUWARTER 1 LINGGO 1 Bakit nga ba marami ang ating mga wika sa Pilipinas? Tinatayang limang libong taon na ang nakaraan, ang ating mga ninuno na kung tawagin ay Austronesyano ay nagsimulang maglakbay mula Timog Tsina sa direksyong pa-timog sa Taiwan hanggang sa makarating sa mga Isla ng Batanes. Sa taong 3000 BC, nakarating ang mga Austronesyano sa Pilipinas at pinalaganap ang kanilang wika. Kasama rito ang lahat ng ating mga wika tulad ng Ilocano, Hiligaynon, Cebuano, Tagalog at iba pa. Kapamilya rin ng ating mga wikang Malayo-Polynesian ang Bahasa sa Indonesia at Malaysia, mga wika sa mga isla sa Pasipiko at iba pang mga lugar na narating ng migrasyong pandagat. Kahulugan ng Wika Ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura (Henry A. Gleason, mula sa Austero et al. 1999). May mahalagang papel na ginagampanan ang wika sa pikikipagtalastasan. Ito ang midyum na ginagamit sa maayos na paghahatid at pagtanggap ng mensahe na susi ng pagkakaunawaan. (Mangahis etal. 2005). Wika ang sumasalamin sa mga mithiin , lunggati, pangarap, damdamin kasipan o saloobin , pilosopiya, kaalaman at karunungan, moralidad, paniniwala at mga kaugalian ng tao sa lipunan (Alfonso O. Santiago, 2003.) Kabuluhan / kahalagahan ng Wika Makabuluhan ang wika sapagkat: ✓ wika ang midyum sa pakikipagtalastasan o komunikasyon; ✓ wika ang ginagamit ito upang malinaw at efektivong maipahayag ang damdamin at kaisipan ng tao; ✓ wika ang sumasalamin sa kultura at panahong kanyang kinabibilangan; ✓ wika ang isang mabuting kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman. Konsepto ng Wika 1.Katangian ng Wika ayon kay Henry Allan Gleason ∙ Ang wika ay masistemang balangkas Ito ay nangangahulugang ang wika ay binubuo ng tunog na kapag pinagsama-sama ay makalilikha ng mga salita , at mga lupon ng mga salita ay makabubuo ng parirala, pangungusap at talata. ∙ Ang wika ay arbitraryo Ang wika ay pinagkakasunduan ng mga tao o pangkat ng mga tao, na gagamitin sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. ∙ Ang wika ay ginagamit ng pangkat ng mga taong kabilang sa isang kultura Ang wika at kultura ay magkaugnay at hindi maaaring paghiwalayin. Ang kultura ang nagpapayaman sa wika, at ang wika naman ang nagbibigay katawagan o ngalan sa mga bagay sa isang kultura. Ilan pang katangian ng wika ay ang mga sumusunod: makapangyarihan Buhay at dinamiko Natatangi o Unique 2. Wika, Diyalekto at Bernakular Wika Ito ang ginagamit ng iba’t ibang pangkat o lahi para sa kanilang pakikipag-usap o pakikipagtalastasan sa bawat isa. Ang mga taga-Amerika ay may wikang Ingles, ang Espanya ay may wikang Kastila at iba pa. Sa Pilipinas naaayon ang mga wika ayon sa kinabibilangang pangkat, halimbawa ng mga wikang ito ay ang Tagalog, Cebuanong Binisaya, Ilokano, Hiligaynon, Chavacano at iba pa. ang mga wikang ito ay matatawag na mga hiwalay na wika. Diyalekto Ang mga diyalekto ay hindi hiwalay na wika, tinatawag din itong varayti ng wika. Hal. Ang bisaya ay maituturing na wika na maraming diyalekto dahil maraming varayti ang bisaya, ang bisaya sa Cebu at Bisaya sa Pagadian ay may kaunting pagkakaiba (maaaring sa bigkas, tono o accent) subalit parehong Bisaya pa rin ang wika. Bernakular Ito ay hindi varayti ng wika, ito ay hiwalay na wika na ginagamit ng mga tao sa isang pook o lugar na hindi sentro ng kalakal o gobyerno. Ito ay tinatawag ding wikang katutubo o wikang panrehiyon. 3. Sitwasyong Pangwika – Homogenous at Heterogenous o Homogenous Ang isang komunidad o lugar o bansa ay may isang wika na sinasalita. Maaaring magkaroon ng varayti o diyalekto ang wika subalit nagkakaintindihan at nagkakaunawaan pa rin ang mga taong nabibilang sa komunidad na ito. o Heterogenous Ito ay sitwasyong pangwika na nangangahulugang ang ginagamit na wika sa isang komunidad o bansa ay higit sa isa. Ang Pilipinas ay halimbawa ng isang sitwasyong pangwikang Heterogenous dahil hindi kukulanging may 180 ang umiiral na mga wika ditto. KUWARTER 1 LINGGO 2 A.Wika:Pambansa , Opisyal, at Panturo Ang Wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Ito ay nakasaad sa ating konstitusyon na matatagpuan sa unang bahagi ng Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng Konstitusyon ng 1987, “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at payamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.” Ang wikang Filipino na ating wikang pambansa ay nagsisilbing pambansang pagkakakilanlan (National Identity). Sinasalamin nito ang ating kalinangan at kultura, gayundin ang ating damdamin bilang mga Pilipino. Ibinabandila o ipinapahayag din nito na tayo ay hindi alipin ng alinmang bansa at hindi tayo nakikigamit ng wikang dayuhan. Sumasagisag ng ating kalayaan. Nagdadala rin ito ng pagkakaisa at pagbubuklod-buklod. Ang Wikang Opisyal o Opisyal na wika ng Pilipinas ay Filipino at Ingles. Gaya ng pambansang wika, may konstitusyunal na batayan din ang ating mga wikang opisyal. Nakasaad ito sa Artikulo XIV, Seksyion 7, Konstitusyon ng 1987 na “Ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino, at hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.” Ang Ingles at Filipino ay nagsisilbing mga opisyal na wikang binibigyan ng pagkilala sa batas bilang mga wikang gagamitin sa mga opisyal na transaksiyon ng pamahalaan. Kailan gagamitin ang wikang Filipino at kailan naman ang wikang Ingles? Gagamitin ang Filipino bilang opisyal na wika sa mga pampamahaalang transaksiyon, gaya ng mga pagsulong o akda ng batas at mga dokumento ng pamahalaan. Ito din ang gagamitin sa mga pagtalakay ng mga opisyal na pulong o kumperensiya sa loob ng bansa- talumpati ng pangulo, deliberasyon sa kongreso at senado, pagtuturo sa paaralan, paglilitis sa korte at iba pa. Ito ang nararapat gamitin upang maunawaan ng lahat ng mamamayan sa bansa ang mga tinatalakay. Nagsisilbi din Lingua Franca o wikang nagsisilbing tulay ng komunikasyon ang Filipino dahil sa napakaraming wika sa bansa, kinakailangan na ang mga mamamayan ay may isang wika na alam ng lahat upang ang dalawa o higit pang mamamayan na hindi magkatulad ang wika ay maaaring mag- usap gamit ang wikang nauunawaan nila. Gagamitin naman ang Ingles sa mga transaksiyon na may kinalaman sa labas ng bansa o may kinalaman sa mga ugnayan sa mga ibang bansa. Ang Ingles ang tinuturing na lingua franca ng buong mundo. Wikang Panturo Ito ang wikang gagamitin bilang midyum(wika) sa pagtuturo. Nakasaad din ito sa konstitusyon na makikita sa ikalawang bahagi ng Artikulo XIV, Seksiyon 6 “Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bialng wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.” B. Wika : Una at Pangalawang Wika Unang wika ang tawag sa wikang unang natutuhan ng bata, tinatawag din itong “inang wika.” “Taal” na tagapagsalita ang tao sa kaniyang unang wika. Ibig sabihin bihasa o magaling siya sa pagsasalita ng wikang ito. Pangalawang wika naman ang tawag sa mga wikang natutuhan matapos niyang matutuhan ang unang wika. Ito ang mga wikang natutuhan ng isang tao sa labas ng tahanan na maaaring sa paaralan, kaibigan o ibang tao. Hal. Taal na Chavacano ang isang bata, at dahil sa mga kaibigan at turo sa paaralan natuto na siya ng magsalita ng wikang Filipino, Ingles at iba pa. Maituturing na pangalawang wika ang mga bagong wikang natutuhan niya. C.Wika: Bilinggwalismo O Multilinggwalismo Madalas marinig ang mga salitang Bilinggwalismo at Multilinggwalismo sa larangan ng Edukasyon. Ang bilinggwalismo ay tumutukoy sa dalawang wika na ginagamit sa pagtuturo, gaya ng mga wikang Filipino at wikang Ingles. May mga asignatura na itinuturo gamit ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo, gaya ng English, Mathematics at Science. Samantalang Filipino naman ang ginagamit na midyum sa mga asignaturang Filipino, Araling Panlipunan, Edukasyong Pagpapakatao at iba pa. Subalit binago na ito dahil di lamang dalawang wika ang ginagamit sa pagtuturo. Sa pagpasok ng K-12, ipinasok na ang ma Mother Tounge Language o ang mga wikang unang natutuhan ng mga bata sa pagtuturo. Ang tawag naman sa patakarang pangwika na pinaiiral sa edukasyon ay Multilinggwalismo. Ang pagpapatupad ng Mother Tounge-Based Multilinggual Education (MTB- MLE) ay nangangahulugan na mula sa grade1-3 ay gagamitin ang unang wika na ginagamit sa ispesipikong lugar upang maging midyum sa pagtuturo. Kung sa isang lugar ay maraming tagapagsalita ng Bisaya, sa una, ikalawa at ikatlong baitang, Bisaya ang gagamitin ng guro sa pagtuturo sa mga bata. KUWARTER 1 LINGGO 3 Subuking kilalanin ang mga komunikatibong gamit ng wika sa lipunan. Ang pinakadiwa ng wika ay ang lipunan. Sinasabing ang lipunan ay ang malaking pangkat ng mga tao na may karaniwang set ng pag-uugali, idea, saloobin at namumuhay sa tiyak na teritoryo at itinuturing ang mga sarili bilang isang unit. Sa kabilang banda naman, ang wika, pasalita man o pasulat, ang instrumentong ginagamit ng mga tao sa loob ng lipunang ito ay upang makipag-ugnayan o makipagkomunikasyon sa bawat isa. Ngunit ano nga ba ang sinasabi nating komunikatibong gamit ng wika? Ayon kay M.A.K Halliday ay may pitong tungkulin ang wika na mababasa sa kanyang aklat na Explorations in the Functions of Language (Explorations in Language Study) (1973). Ang pitong tungkulin ng wikang inisa-isa ni M.A.K Halliday ay ang sumusunod: INSTRUMENTAL - Ito ang tungkulin ng wikang tumutugon sa mga pangangailangan ng tao gaya ng pakikipag-ugnayan sa iba. REGULATORYO/ REGULATORI - Ito ang tungkulin ng wikang tumutukoy sa pagkontrol sa pag-uugali o asal ng ibang tao. Gumagabay sa kilos at asal ng iba. INTERAKSYUNAL – nakikita sa paraang ito ang pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa; pakikipagbiruan; pagkukwento ng malungkot/masayang pangyayari; paggawa ng liham pangkaibigan. PERSONAL - Saklaw ng tungkuling ito ang pagpapahayag ng sariling opinyon o kuro- kuro sa paksang pinag-usapan. HUERISTIKO/HUERISTIK - Ang tungkuling ito ay ginagamit sa pagkuha o paghahanap ng impormasyong may kinalaman sa paksang pinag-aralan. Kasama na rito ang pag- iinterbyu sa mga taong makasasagot sa mga tanong tungkol sa paksang-pinag-aaralan. IMPORMATIBO - Ito ang kabaligtaran ng heuristiko. Kung ang heuristiko ay pagkuha o paghanap ng impormasyon, ito naman ay may kinalaman sa pagbibigay ng impormasyon sa paraang pasulat at pasalita. IMAHINATIBO – pagpapahayag ng imahinasyon sa malikhaing paraan. Paglalagay ng sarili sa katauhan ng mga nababasa o napapanood sa telebisyon at sine, pakikinig ng musika sa radyo o sa selpon.