WIKANG PANTURO AT EDUKASYONG MAPAGPALAYA (Tagalog) PDF
Document Details
Severo L. Brillantes
Tags
Related
- Mga Batayang Kaalaman sa Yunit 1 (Tagalog) PDF
- Abstrak ng Sona ni PBBM (Tagalog) PDF
- Edukasyon sa Pagpapakatao 9, Unang Markahan, Modyul 1, PDF
- Aralin 1: Mga Konsepto sa Wika (Tagalog) PDF
- Pagsusuri ng Aralin 1 (Tagalog) PDF
- Pagsusuri ng Wikang Filipino: Pag-aaral ng Paggamit sa Iba't Ibang Sektor PDF
Summary
Ang dokumentong ito ay isang pagsusuri sa wikang panturo at edukasyon. Ibinabahagi nito ang mga kaisipan at aral ni Paulo Freire ukol sa pagpapalaya sa pamamagitan ng edukasyon.
Full Transcript
WIKANG PANTURO AT EDUKASYONG MAPAGPALAYA (Isang pagmumuni-muni gabay ng Pilosopiya ni Paulo Freire) g ni Severo L. Brillantes 1. Suliranin Nakagawian na nating gamitin ang Ingles bilang wikang panturo. Ngunit nakabubuti ba ito sa atin? Naka...
WIKANG PANTURO AT EDUKASYONG MAPAGPALAYA (Isang pagmumuni-muni gabay ng Pilosopiya ni Paulo Freire) g ni Severo L. Brillantes 1. Suliranin Nakagawian na nating gamitin ang Ingles bilang wikang panturo. Ngunit nakabubuti ba ito sa atin? Nakakatulong ba ito upang tayo ay umunlad bilang isang bansa o ito ba ay isa pa nga sa mga sanhi kaya nananatiling urong ang ating kabuhayan, mangmang ang ating mga mamamayan at sunud- sunuran lamang ng ilang mayayaman at mga dayuhan. 2. Lumalakas na tinig Bagaman marami pa rin ang nagtataguyod ng wikang Ingles sa ating bansa, hindi maikakaila na may mga tinig tayong naririnig na nananawagan ng pagbabago sa sistemang ating kinagisnan. Para sa kanila, isang hakbang para sa ating paglaya at pagsulong bilang isang bansa ang paggamit ng Filipino hindi lamang bilang wikang panturo kundi bilang wika ng pakikipagtalastasan sa iba’t- ibang pakikipag-ugnayang panlipunan, tulad ng kalakalan, pamamahalan, pamamahayag at iba pa. 3. Ang dapat gawin Hindi natin maaaring balewalain na lamang ang panawagang ito, sapagkat kasangkot dito ang mismong kinabukasan natin: ang pananatili nating urong o ang pagkakaroon ng makabuluhang pagbabago sa ating kalagayan. Samakatwid, dapat tayong magsuri: ano nga ba ang dapat na maging wikang panturo at paraan ng pakikipagtalastasan sa ating bansa: Ingles ba o Filipino? Makatutulong ang pilosopiya sa edukasyon ni Paulo Freire sa paghahanap natin ng kalutasan sa nasabing suliranin. 4. Paulo Freire Si Paulo Freire ay isang Brazilian educator. Sa harap ng karukhaan ng kaniyang mga kababayan, nakita niya ang kaugnayan ng kanilang aping kalagayan sa namamayaning uri ng edukasyon sa kanyang bansa. Sa kanyang pagsusuri ang ganoong edukasyon ay hinuhubog sa kanyang mga mamamayan ang mga katangian at kaugaliang nagpapanatili sa kanilang karukhaan at ng pagsasamantala ng iilan na naghahari sa kanilang lipunan. Nakita niya ang kapangyarihan ng edukasyon bilang kasangkapan tungo sa paglaya ng kanyang mga kababayan sa api nilang kalagayan. Batay sa kabatirang iyan niya binuo ang kanyang pilosopiya ng edukasyon (na aking ilalahad dito, hango sa kanyang aklat na pinamagatang “Pedagogy of the Oppressed), partikular ang isang pamamaraan ng pagtuturo, na ang layon ay tulungan ang kanyang mga kababayan na tuklasin ang mga sanhi ng kanilang kaapihan, bilang unang hakbang sa pagkabatid na sa pamamagitan lamang ng sama-samang pagkilos mapapalaya nila ang kanilang mga sarili sa api nilang kalagayan. 5. Ang kanyang mga literacy programs 1 Sa patnubay ng kanyang pilosopiya at pamamaraan ng pagtuturo, naglunsad siya ng mga programa kung saan siya at mga kasama niya ay hindi lamang nagturo ng pagbasa at pagsulat sa libo-libo nilang mga kababayang magsasaka. Higit na mahalaga, pinukaw nila sa kanila ang pag-asa na sa pamamagitan ng kanilang nasabing kaalaman at galing, maari silang magkaroon ng mas makabuluhang pakikilahok sa pang-araw-araw na mga kapasyahan na may kinalaman sa kanilang buhay sa kanayunan ng Brazil at kung gayon ang magkaroon ng tuwirang papel sa paghubog ng kanilang kinabukasan bilang isang sambayanan 6. Kabuluhan sa atin Ang kanyang pilosopiya at programang pang-edukasyon ay lubhang makabuluhan sa ating mga Pilipino, dahil tulad ng Brazil ng kanyang kapanahunan, karamihan sa ating mga mamamayan ay dukha at walang makabuluhang pakikilahok sa mga proseso ng pagpapasya sa ating bansa. Tulad ng Brazil ng kanyang kapanahunan, kailangang mabatid ng ating mga mamamayan na ang karukhaan ay hindi nila kapalaran sa kadahilanang nasa kanila ang kapangyarihan na palayain ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagkilos. 7. Ang bokasyon ng tao Makikita rito na ang pagpapahalaga ni Freire sa edukasyon ay mismong ang pagpapahalaga niya sa tao, na ang bokasyon ayon sa kanya ay ang maging ganap ang pagkatao. Kanyang binuo ang kanyang pilosopiya ng edukasyon at isinulong ang kanyang mga programang pang-edukasyon sa hangaring mabigyang daan, higit sa lahat sa mga api, ang ganap na pag-unlad ng kanilang pagkatao. 8. Ang tunay na kalagayan ng tao Ang nakakalungkot ayon kay Freire ay dinudungisan at ipinagkakait sa mga api ang kanilang pagkatao. Sila ay mga alipin ng mga kalagayan na hadlang para mapagtibay nila ang kanilang pagkatao bilang mga responsableng mamamayan; mga kalagayan ng dominasyon, kung saan ang iilan ay pinapangibabaw ang kanilang kalooban sa higit na nakararami; isang kalagayan kung saan ang higit na nakararaming mamamayan ay pinapanatiling dukha at ipinagkakait sa kanila ang makabuluhang paglahok sa pagbubuo ng mga kapasyahan kaugnay sa kanilang kagalingan. Nakalulungkot din na ang pamamaraan ng pagtuturo sa silid-aralan at sa lipunan sa pangkalahatan ay hinuhubog sa mga mag-aaral at mga mamamayan ang mga katangiang pinapanatili lamang ang paghahari ng iilan sa nakararami. Di sila tinuturuan na mag-isip ng mapanuri, kaya sila ay madaling maging biktima ng panlilinlang ng iilan para mapanatili nila ang paghahari nila sa nakararami. Marahil ay hindi namamalayan ng ilang mga guro na ang uri at pamamaraan ng edukasyon na ginagamit sa mga silid-aralan ay hinuhubog sa kanilang mga mag-aaral ang mga katangiang hadlang sa pag-unlad at paglago ng kanilang pagkatao. Ang tawag ni Freire sa naghaharing pamamaraan ng edukasyong ito ay edukasyong pagbabangko, na hadlang sa ganap na 2 pamumulaklak ng kanilang pagkatao, at kung gayon ay pinapahintulutan ang patuloy na pang-aapi at pagsasamantala ng iilan na naghahari sa lipunan. 1) Mayroon na ba kayong naging guro na ang pamamaraan ay edukasyong pagbabangko? Bakit mo nasabi na ganoon ang pamamaraan niya? 2) Mayroon na ba kayong naging guro na ang pamamaraan ay edukasyong pagdadayalogo? Bakit mo nasabi na ganoon ang pamamaraan niya? 9. Edukasyong Pagbabangko Gaya ng ibig ipahiwatig ng bansag sa ganitong pamamaraan ng pagtuturo, ang gawain ng guro rito ay ang magdeposito: ang punuin ang isipan ng mga mag-aaral, ang maglipat at magsubo sa kanila ng yari nang kaalaman. Halimbawa, ang guro ay naglelektyur na pakikinggan lang ng mga mag- aaral o magdidikta at magsusulat sa pisara na kokopyahin na lamang ng mga mag-aaral. Nangangahulugan kung gayon na sa pamamaraang ito, ang mag-aaral ay mga pasibong tagatanggap lamang; tagalulon ng buong-buo ng isusubo ng guro; mga tagapakinig at tagakopya lamang; mga tagasaulo lamang ng ibinigay sa kanilang kaalaman. Ipinahihiwatig ng ganitong pamamaraan na ang guro ang may alam at ang mga mag-aaral ay walang alam, mga sisidlang walang laman na naghihintay na mapunan ng guro. Ipinahihiwatig ng ganitong pamamaraan ang kawalan ng tiwala sa kakayahan ng mag-aaral na umalam at magpasya para sa kanilang mga sarili. Kaya sa ganitong pamamaraan, ang guro ang nag-iisip, ang mag-aaral ay umaayon lamang; ang guro ang nagpapasya, ang mag-aaral ay sumusunod lamang; ang guro ang kumikilos, ang mag-aaral ay nagmamasid lamang. Malinaw na sa ganitong pamamaraan, ang mga mag-aaral ay hinuhubog na mga makina; mga bulag na tagasunod lamang; walang kakayahang mag-isip at magpasya para sa sarili. Hindi napapaunlad sa kanila ang mapanlikha at mapanuring isipan na kailangan para sila ay makisangkot sa pagbabago ng kanilang kalagayan. Ginagawa silang mapapaniwalain, madaling sumang-ayon; mga maamong tagatanggap at tagasunod lamang at umangkop at bumagay sa papel na inireseta sa kanila ng iba. Walang alinlangang sa ganitong pamamaraan, ang edukasyon ay isang kasangkapan ng paniniil at paghahari ng iilan, upang panatilihin ang kasalukuyang lipunang mapagsamantala at di- makatarungan. 10. Edukasyong Pagdadayalogo Para kay Paulo Freire, ang mapagpalayang pamamaraan ng edukasyon ay ang edukasyon bilang dayalogo. Kaiba sa edukasyong pagbabangko, ang gawain ng guro dito ay hindi ang magdeposito, kundi ang makipagdayalogo. Di niya gawain na maglipat sa mga mag-aaral ng yari nang kaalaman, kundi ang iharap sa kanila ang ilang mga problema at anyayahan sila na makiisa at makisama sa kolektibong pagsisiyasat at pagtuklas ng katotohanan 3 Bagaman, maaari rin siyang magbahagi ng kanyang kasagutan, ito ay hindi upang asahan ang kanyang mga mag-aaral na tanggapin ang mga ito nang buong-buo, kundi upang hamunin silang mag-isip para sa kanilang mga sarili. At habang nakikinig siya sa sagot ng kanyang mga mag-aaral ay muli rin niyang sinusuri ang kanyang mga kasagutan, pati na rin ang mga katanungang dapat sagutin. Kung gayon, sa ganitong pamamaraan, ang guro ay hindi isang nagtataglay ng katotohanan na ipapasa lamang niya sa kanyang mga mag-aaral, kundi isang bagama’t mapanuri ay may bukas na isipan; may dalisay na hangaring makinig at matuto sa kanila. Hindi na siya basta guro, na nagtuturo, kundi isang gurong-mag-aaral; isang natututo rin bunga ng pakikipagdayalogo sa kanyang mga mag-aaral. Ang mag-aaral naman ay hindi rin mag-aaral lamang kundi mag-aaral na guro. Sila ay mga aktibong kalahok na sa pakikipagdayalogo sa guro at mapanuring mga tagasiyasat, na mismong naghahanap ng katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng nilalaman ng kanilang isipan ay binibigyan nila ang iba (kanilang mga guro at kapwa mag-aaral) ng pagkakataon na matuto rin sa kanila. Ipinahihiwatig ng ganitong pamamaraan ang malalim na pagtitiwala ng guro sa kakayahan ng mag- aaral na mag-isip at magpasya sa sarili; kababaang loob na di niya taglay ang lahat ng kaalaman; na mayroon siyang maaaring matutunan sa iba; na di lamang siya ang may alam at ang iba ay mga mangmang. Malinaw na sa ganitong pamamaraan, ang mga mag-aaral ay nauudyukan na sariling mag-isip, magpasya at kumilos. Sa kanyang personal na pagharap sa problema, mararamdaman niya ang hamon na hanapan ito ng kalutasan; mararamdaman niya ang hamon at tungkuling tumugon dito at kung gayon ay mahubog sa kanya ang pananagutan sa kanyang sarili, kapwa at lipunan. Dahil, mismo niyang nauunawaan ang kanyang kalagayan, kanyang mababatid na ang kalagayang ito ay maaari niyang mabago sa pamamagitan ng sariling pagkilos. Malinaw dito kung gayon, na tanging sa ganitong pamamaraan lamang mababago ang lipunan. Hindi natin mapapalaya ang bayan sa api niyang kalagayan sa pamamagitan ng pamamaraang pagbabangko. Ito ang babala ni Freire sa mga rebolusyonaryo na bagaman may dalisay na hangarin para sa pagpapalaya ng sambayanan ay wala namang tiwala sa kanilang kakayahan na mag-isip at magpasiya sa sarili, kung kaya’t sila ay gumagamit din ng pamamaraan ng mga mang-aapi, ang pamamaraang pagbabangko. Ayon kay Freire, isang paglabag ng pagkatao ng mga api na ipagkait sa kanila ang kakayahang mag-usisa at kung kinakailangan ang kalayaang tumutol at sumalungat. Hindi mapapalaya ang mga tao sa pamamagitan ng pagkakait ng kanilang pagkatao. 11. Papel ng Wikang Filipino sa Pagpapalaganap ng Edukasyong Mapagpalaya Aling wika ba ang makakatulong sa pagtataguyod ng edukasyong mapagpalaya- Ingles ba o Filipino? 4 Walang alinlangan na ang paggamit ng Ingles ay nagtataguyod ng edukasyong pagbabangko, dahil hinahati nito ang lipunan sa mga iilang nakakaunawa nito at sa higit na nakararami na hirap umunawa rito. Samakatwid, ang kaalaman na nasusulat sa wikang banyaga ay naaabot ng iilan lamang at ang higit na nakararami ay dapat na umasa sa kanila na lamang. Sa paggamit ng Ingles bilang wikang panturo, ipinapalagay na ang nakararami ay mangmang at walang alam, gayong ang hindi lamang nila alam ay ang wika ng pakikipagtalastasan. Hirap na nga silang umunawa, lalo pa silang hirap na ipahayag ang kanilang diwa o nilalaman ng kanilang isipan. Kaya malamang na hindi na sila magsuri, kundi bulag na tumanggap na lamang sa ibinibigay sa kanilang kaalaman. Dahil di sila sanay sa wikang banyaga, nananatili na lamang silang tahimik, bagaman marami silang maaaring maibahagi o masabi. Sa takot na magkamali sa kanilang pagsasalita, nawawala ang kanilang tiwala sa kanilang mga sarili, at kung gayon ang kakayahang kumilos at baguhin ang kanilang kalagayan. August 21, 1983 - Assasination of Ninoy Aquino Ako man ay bunga rin ng ganitong uri ng edukasayon. Kaya hindi kataka-taka na Ingles rin ang wikang ginamit ko nang ako ay magsimulang magturo, hanggang maganap ang pataksil na pagpaslang noong ika- 21 ng Agosto 1983. Katulad ng maraming Pilipino, nakilahok ako sa mga rali, martsa at iba pang uri ng kilos-protesta laban sa naghaharing diktadura. Nakipagkaisa ako sa mga Pilipino mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan. Dahil sa paglahok kong ito, higit na luminaw sa aking isipan ang abang kalagayan ng bayan. Nabatid ko nang tiyakan na dapat nang magkaisa ang mga Pilipino para makamtan natin ang laya. Sa kaibuturan ng aking puso, nadama ko ang pagnanais na makiisa sa bayan sa kanyang mga pakikibaka. Ngunit, malungkot kong nabatid na may isang balakid: ang wika ko’y Ingles, gayong ang sa nakararami naman ay Filipino. Paano ako makikipagkaisa sa kanila kung ang wika ko naman ay hindi nila nauunawaan. Paano ko maibabahagi sa kanila ang kaalaman sa Pilosopiya na mahalaga sa pagpapalaya, kung ang kaalamang ito naman ay nasa wikang banyaga sa kanila? 12. Mga pagtutol sa paggamit ng Filipino bilang wikang panturo May ilan pa ring tutol sa paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa ating mga paaralan. Mahirap daw dahil may mga terminolohiyang mahirap isalin sa ating wika. Ngunit kung walang katumbas na katutubong salita at hindi kayang lumikha ng bagong salita, pwede namang manghiram. Di ba nanghiram din ang wikang Ingles sa Latin katulad ng mga katagang argumentum ad hominem, ad baculum, ad misericordiam at iba pa na ating matatagpuan sa mga aklat ng Lohika sa wikang Ingles. Mahirap daw unawain. Ngunit paanong mahirap unawain, gayong ang kahulugan ng mga termino ay pwede namang ipaliwanag sa sarili nating wika. At aling wika ba tayo mas madaling makakaunawa, sa Ingles ba o Filipino? Nakasanayan na daw ang paggamit ng wikang Ingles. Ngunit dahil iyon ang sistemang umiiral, dapat bang ipagpatuloy? Nakabubuti pa iyan sa atin bilang isang bansa, na ang biyaya ng karunungan ng edukasyon at abot lamang ng iilan at ang higit na nakararami ay pinapanatiling mangmang ang kung gayon, madaling malinlang ng iilang nasa kapangyarihan. 5 Anuman, hindi maaaring ang wikang panturo na iyan ay Ingles o anumang banyagang wika. Sa katauhan ni Simoun sa El Filibusterismo, ito ang kanyang naging tugon sa mga kabataang Pilipino na nagnanais noon na palaganapin ang wikang Kastila, “Ang Kastila ay hindi kailan man magiging wikang pangkalahatan ng bansa; ang baya’y hindi kailan man magsasalita nito, sapagkat ang nilalaman ng kanilang mga isipan at damdamin ng kanilang mga puso ay hindi maipapahayag sa wikang iyan; Bawat bayan ay may sariling wika gaya ng pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip. Ano ang gagawin ninyo sa wikang kastila, kayong iilang gagamit? Patayin ang inyong katangian, isailalim ang inyong mga pag-iisip sa pag-iisip ng iba at sa halip na palayain ang inyong mga sarili gagawin ninyo ang inyong mga sarili na alipin pa nga… Ang isa’t-isa sa inyo ay nakakalimot na samantalang ang isang bayan ay pinapangalagaan ang sarili nitong wika ay pinapangalagaan niya ang mga tanda ng kaniyang kalayaan gaya rin naman ng napapangalagaan ng isang tao ang kanyang kalayaan habang pinangangalagaan niya ang kanyang sariling laya ng pag-iisip. Ang wika ay siyang pag-iisip ng isang bayan”. Malinaw na naipaliwanag ni Pangulong Quezon ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang pangkalahatang wikang pambansa. “Dapat na sa lalong madaling panahon ay makapag-usap tayo nang tuwiran sa pamamagitan ng iisang wika. Kailangan natin ang kanyang lakas upang lubusang mabigkis tayo sa iisang pagka-bansa na malakas at matibay. Makapagbibigay ito ng inspirasyon at sigla sa ating kilusang bayan at magdudulot sa ating pagka-bansa ng isang bagong kahulugan na hindi natin kailan man naipahayag nang sapat at lubusan” 12. Wikang Filipino at Katarungang Panlipunan Malinaw ang itinatadhana ng ating Konstitusyon na “(d)apat itaguyod ng Estado ang katarungang panlipunan sa lahat ng mga yugto ng pambansang pagpapaunlad” [Sek. 10, Art. II (Pahayag ng mga Simulain at mga Patakaran ng Estado), 1987 Constitution] o ang pagtataguyod sa kagalingan ng lahat ng mamamayan batay sa simulaing salus populi est suprema lex (ang kagalingan ng sambayanan ang pinakamataas na batas), sa pamamagitan ng pagbibigay katiyakan sa: 1) Pagkakapantay-pantay ng pagkakataon (opportunities) at mga karapatang politikal sa harap ng batas at 2) Proteksyon sa mga walang lakas at kapuspalad batay sa simulain na yaong ang mga kapos sa buhay ay dapat nakakahigit sa batas (those who have less in life should have more in law). Kaugnay nito, ipinag-uutos ng ating Konstitusyon na “(d)apat pag-ukulan ng Kongreso ng pinakamataas na prayoriti ang pagsasabatas ng mga hakbangin na mangangalaga at magpapatingkad sa karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa dangal ng tao, magbabawas sa mga di pagkakapantay-pantay na panlipunan, pangkabuhayan at pampulitika, at papawi sa mga di pagkakapantay-pantay na pangkalinangan sa pamamagitan ng ekwitableng pagpapalaganap ng 6 kayamanan at kapangyarihang pampulitika para sa kabutihan ng lahat” (Sek. 1, Art. XIII (Katarungang Panlipunan at mga Karapatang Pantao), 1987 Constitution). Kinikilala ng ating Konstitusyon na naghahari ang di pagkakapantay pantay sa ating lipunan, hindi lamang sa pangkabuhayan at pampulitika kundi pati na rin sa pangkalinangan. Makikita ang huli sa sistema ng edukasyon na mayroon tayo, isang edukasyong elitista o naaabot ng iilan lamang at kung gayon ay pinananatiling mangmang ang karamihan. Isa sa mga kadahilanan nito ay dahil ang kaalaman sa ating bansa ay nasa wikang banyaga na hindi abot ng karamihan ng mga Pilipino. Sila ay nananatiling mangmang hindi dahil sa kabobohan o kakulangan ng kakakayahan ng isipan kundi dahil pinanatili silang mangmang ng isang lipunang mapagsamantala at di makatarungan, nang sa gayon ay patuloy silang mapagsamantalahan ng mga pulitiko na bumibili ng kanilang boto, na kanila rin namang binabawi sa pamamagitan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Mahalaga ang kaalaman sa pag-unlad ng isang bansa. Ang mga maunlad na bansa ay gumagamit ng sarili nilang wika, kaya ang kaalaman ay abot ng kanilang mga mamamayan at kung gayon tuloy-tuloy ang kanilang pagkatuto. Dito sa Pilipinas, ang kaalaman ay nasa wikang dayuhan at kung gayon ay hindi nauunawaan ng karamihan. Iyan ay hindi makatarungan, labag sa nabangggit nang itinatadhana ng ating Konstitusyon tungo ng pagsusulong ng katarungang panlipunan sa ating bansa maging sa larangan din ng kalinangan. Mula noon ay nangako ako sa aking sarili na ang gagamitin kong wikang panturo ay Filipino at tutulong ako sa pagpapalaganap nito. Kung nais nating lumaya sa kahirapan at pagsasamantala ng iilan, kailangang gamitin natin ang sarili nating wika. Kailangan nating magsulat sa ating wika. Kailangang magsikap tayo sa paghahanap ng mga salitang hindi pa karaniwang ginagamit o kaya’y lumikha ng bagong mga salita. Kung kailangan, dapat tayong manghiram at mag-angkin ng wika ng iba. Ngunit kung isa ito sa mga hakbang tungo sa paglaya, ang mga pagsisikap na ito ay hindi mauuwi sa wala. 2,916 words Mga Gabay sa Pag-aaral 1. Ano ang nakitang kaugnayan ni Paulo Freire sa uri ng edukasyon sa kanyang bansa sa mga katangiang nahuhubog sa kanilang mga mamamayan? 2. Ano ang nakita niyang mahalagang papel ng edukasyon sa lipunan? 3. Pagbasa at pagsulat lamang ba ang hangad ni Freire na ituro sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng kanyang mga literacy programs? 4. Ano ang kabuluhan ng pilosopiya at programang pang-edukasyon ni Freire sa atin? 5. Ano ang bokasyon ng tao para kay Paulo Freire? 6. Ano ang tunay na kalagayan ng tao sa lipunan ayon sa kanya? 7. Ang edukasyong pagbabangko; pagdadayalogo a. Ano ang gawain ng guro sa edukasyong pagbabangko? Pagdadayalogo? 7 b. Sa paanong mga pamamaraan isinasagawa ang edukasyong pagbabangko? Pagdadayalogo? c. Ano ang papel ng mga mag-aaral sa edukasyong pagbabangko? Pagdadayalogo? d. Ano ang ipinahiwatig ng ganitong pamamaraan (pagbabangko; pagdadayalogo) kung ano ang guro? Mag-aaral? e. Paano hinuhubog ang mga mag-aaral sa ganitong pamamaraan ng pagtuturo (pagbabangko; pagdadayalogo? f. Ano ang papel ng edukasyon sa lipunan sa ganitong pamamaraan? 8. Anong edukasyon ang itinataguyod ng paggamit ng Ingles: pagbabangko o pagdadayalogo? Bakit? Pagmumuni-muni: 1) Three indispensable conditions for learning: Intellectual humility, desire, attention (Dr. Ariston Estrada). Ayon kay Dr. Ariston Estrada na dati kong guro sa pilosopiya, may tatlong lubhang kailangan (indispensable) upang matuto: kababaang loob ng isipan (intellectual humility), pagnanais (desire) at pagbibigay-pansin (attention). Ayon sa orakulo ng Delphi, walang higit na marunong kaysa kay Socrates. Bakit? Dahil ang iba ay walang kamalayan sa kanilang kamangmangan. Si Socrates ang pinakamarunong dahil alam niyang wala siyang alam. Nabatid ni Socrates na maaaring tama ang orakulo, dahil siya lamang ang handang kilalanin ang kanyang kamangmangan. Tunay ngang ang pagkilala sa inyong kamangmanagan ang simula ng karunungan. Makikita rin ang kababaang loob ng isipan sa pamamaraang dayalogo ni Paulo Freire. Para sa kanya ang guro ay hindi isang nagtataglay ng katotohanan na ipapasa lamang niya sa kanyang mga mag-aaral, kundi isang bagama’t mapanuri ay may bukas na isipan; may dalisay na hangaring makinig at matuto sa kanila. Hindi na siya basta guro, na nagtuturo, kundi isang gurong-mag-aaral; isang natututo rin bunga ng pakikipagdayalogo sa kanyang mga mag-aaral. Ipinahihiwatig ng ganitong pamamaraan ang malalim na pagtitiwala ng guro sa kakayahan ng mag-aaral na mag-isip at magpasya sa sarili; kababaang loob na di niya taglay ang lahat ng kaalaman; na mayroon siyang maaaring matutunan sa iba; na di lamang siya ang may alam at ang iba ay mga mangmang. 8 Charlie Brown speaks the truth and not someone here who claims that “Rizal and his friends (or other people like Bonifacio or Mabini or Aguinaldo) would not have had the fundamental concepts of a nation-state, or the ideology with which to conceive of it, had they not grown up in the society and intellectual milieu that Spain created.” Our Spanish oppressors could not possibly have given our heroes the education which served as instruments to kick them out of our shores. Filipino nationalism is not owed to the Spanish oppressors but in spite of them. If ever, it is among others “through the liberal-minded men from Europe and America, along with the disenchantment with Madre España (which) catalyzed Filipino nationalism in the 19th century”. The indisputable fact is that our Spanish oppressors banned books like Rizal’s Noli and Fili. As I have always said, if we will account for the rise of Philippine Nationalism to the Spanish oppressors, it will be in the negative sense of them giving our people the consciousness of their collective oppression and thus must collectively struggle to be free. 9 10 11