Domeyn ng Panitikan PDF
Document Details
Uploaded by Deleted User
Rolando Tolentino
Tags
Summary
This Tagalog document discusses literature as a cultural product, exploring the interplay between individuals, society, and literature. It analyzes historical, geographical, and modern influences on literature.
Full Transcript
## Domeyn ng Panitikan Kung hindi ngayon, kailan? Kung hindi tayo, sino? Kung hindi rito, saan? ### Pagtuunan Natin ng Mahalagang Pansin Ang ating papel bilang mambabasa ng akda at mamamayan sa lipunan, at ang tauhan bilang may kahalintulad na lipunan sa loob at labas ng akda. Ang kabanatang ito...
## Domeyn ng Panitikan Kung hindi ngayon, kailan? Kung hindi tayo, sino? Kung hindi rito, saan? ### Pagtuunan Natin ng Mahalagang Pansin Ang ating papel bilang mambabasa ng akda at mamamayan sa lipunan, at ang tauhan bilang may kahalintulad na lipunan sa loob at labas ng akda. Ang kabanatang ito ay naglalayong magtaguyod ng batayang talakayan sa relasyong ng tao at lipunan sa panitikan, sa pamamagitan ng paglalahad ng mga usapin ukol sa produksiyon at resepsiyon ng mga produktong kultural. Kabilang sa ating pagsusuri ng produktong kultural ang mga partikular na akda, ang panitikan sa pangkalahatan, tayo bilang mambabasa at mamamayan, ang manunulat, at iba pa. Magsisilbi itong giya sa ating pag-aaral ng mga espesipikong ugnayan ng tao at lipunan sa mga akdang babasahin at susuriin. May tatlong bahagi ang introduksiyon: 1. Ang pag-aaral ng lipunan at kultura, na siya namang pangunahin nating binibigyang pansin. 2. Ang proseso ng identipikasiyon na siyang nagsisiwalat ng ating pagiging kasapi o hindi ng mga kolektibong pormasyon tulad ng isang komunidad o bansa. 3. Ang mga partikular na kategoryang kultural sa identipikasiyon tulad ng lahi at etnisidad, uri, kasarian, at seksualidad, na lalong nagpapakita ng masalimuot na relasyon ng tao, panitikan, at lipunan sa kulturang nagpapahiwatig ng kasaysayan, heograpiya, at modernidad. ### Kasaysayan, Heograpiya at Modernidad Magsimula tayo sa pagtingin sa panitikan bilang isang produktong kultural. Ibig sabihin, ito ay dumaan sa proseso ng produksiyon na nagpapakita ng paglikha nito sa lipunan, at resepsiyon na nagpapakita ng pagtanggap nito sa lipunan. Ang mga akdang tulad ng Noli Me Tangere at "Huling Paalam" ni Jose Rizal, o ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, halimbawa, ay tinalakay na nag-ugnay sa panahon na nilikha at kung paano tinanggap ang mga ito, at sa kasalukuyang panahong nagpapakita ng patuloy na pagyaman o nabawasan-na kahalagahan ng akda sa kontemporaryong lipunan. Bakit nagbabago o nagpapatuloy ang ilang mga pagtingin sa mga akda? Ito ay maipapaliwanag ng pagtalakay sa tatlong puwersang naglalahad ng batayang kondisyon ng produksiyon at resepsiyon ng mga produktong kultural. Sa mga susunod na bahagi, isipin natin na hindi lamang panitikan ang halimbawa ng produktong kultural, maging ang mismong tao at lipunan ay mga halimbawa rin nito. Ang nagbabagong pananaw sa kabataan, mula sa "bagets" ng dekada '80 o "hip-hop" at "Tsinoys" ng dekada '90, o ang mga partikular na pormasyon sa lipunan, tulad ng pagiging hitsurang First World ng Ayala Center o Megamall, ay mga espesipikong produktong kultural. Ang mga ito'y tulad ng kuha ng litrato o akdang pampanitikan na nagpapahiwatig ng mga sistema ng produksiyon at resepsiyon ng mga taong lumilikha, tumatangkilik, umaaligid, tumatanaw, at sumusuri nito. Nabanggit ang terminong pahiwatig, gayon din ang sistema ng produksiyon at resepsiyon. Linawin muna natin ang mga ito. Kapag sinabing ang isang produktong kultural ay nagpapahiwatig, ito ay may sinasabi ukol sa kung paano ito nilikha at kung paano ito babasahin at susuriin. Bawat produktong kultural ay may hayag at itinatagong mga pahiwatig. Ang mga pahiwatig na ito'y umuukol sa mga sistema ng paniniwala, pagpapahalaga, at praktis ng magkalahok na mga proseso ng produksiyon at resepsiyon. Inaasahang may mga tunggalian at kontradiksiyon sa mga sistemang ito, dahil iba't iba ang ating interes na dinadala sa mga produktong kultural. Sa ibang banda, mayroon tayong magkakahalintulad na kondisyong panlipunan na humuhubog sa ating pag-iisip at pagkilos. Sa kabilang banda, batay kung mayaman o mahirap tayo, heteroseksual o queer, taga-Manila o probinsiya, mayroon tayong magkakatugma at magkakaibang interes na dinadala sa ating pagtanggap at pagbasa sa mga produktong kultural. Kaya kapag sinabing pagbasa o pagsusuri, hindi lamang usaping resepsiyon ang ating pinagtutuunan, pati na rin ang usaping produksiyon. Sinusuri natin di lamang ang ating pakiramdam, pagkilos, at pag-iisip batay sa karanasan sa produktong kultural; kabilang din ang pagsusuri sa kung bakit nalikha ang ganitong produkto at karanasan. Sa pagsusuri, magkakasalikop na usapin ang produksiyon at resepsiyon, at indibidwal at kolektibong karanasan. Samakatuwid, ang pagsusuri ng anumang produktong kultural ay pagsusuri sa kung anong sinisiwalat na pahiwatig na praktis (signifying practice) nito, na may sinasabi at hindi sinasabi ukol sa mga sistema ng produksiyon at resepsiyon ng mga produktong kultural. Ang tao, panitikan, at lipunan ay hinubog at binibigyang-laman ng tatlong puwersa: ang kasaysayan, heograpiya, at modernidad. Ang mga ito ang nagbibigay ng pangkalahatang karanasan, nagsisiwalat ng magkahalintulad o magkatunggaling paraan ng pag-iisip, pakikiramdam, at pagkilos sa lipunan. Ang kasaysayan ay tumutukoy sa mga pangyayaring nakalipas na nagpapatuloy humuhubog at nagbibigay-laman sa kasalukuyan at hinaharap. Tatlong nag-uumpugang kasaysayan ang nagsisilbing daluyan ng kasalukuyang panahon: ang mga panahon ng katutubo, kolonyalismo, at independensiya. Ang bawat panahon ay may kaakibat, bagama't di tuwirang inihahayag, na proyekto ng pagsasabansa, na ang adhikain ay tungo sa ganap na kalayaan at modernisasyon ng isang bansa. Ang panahon ng katutubo ay siyang pinaghahalawan ng taal na kaalaman at kamalayan; sinasambit nito ang idea ng isang bansa kung hindi ito nasakop ng kolonisador. Ang panahon ng kolonyalismo naman ang nagpataw ng kaalamang nagbibigay-pribilehiyo sa Kanluran at mananakop sa nakararaming mamamayan sa panahon ng Kastilang kolonyalismo, ang pagpalaganap ng wikang Ingles sa sistemang pampublikong edukasyon sa panahon ng Amerikanong kolonyalismo, at ang muling emphasis sa wikang Tagalog sa ilalim ng pan-Asyanong idea ng Hapong kolonyalismo. Ang panahon naman ng independensiya ay tumutumbas sa tila pagkakaroon ng sariling kakanyahang makapagtaguyod ng isang nasyonal na ideal ng bansa mula sa pamumuno ng sariling mamamayan. Pero ang ating karanasan, matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay nagsisiwalat ng patuloy na pagkubkob sa larangang politikal, ekonomikal at kultural ng bansa ng dati at bago nitong mananakop. Ito ang panahong tinagurian ding neokolonyalismo kung saan namamayani pa rin ang kaayusang nagpapasakop sa bansa kahit nakamit na nito ang independensiya. Ito ay masalimuot na panahon dahil nag-uusap-nagtutunggali't umaayon--ang iba't ibang pahiwatig na praktis. Halimbawa na lamang nito ang nag-uusap na pananaw ukol sa Birhen ng EDSA sa kanto ng Ortigas at EDSA. May naghahalong pahiwatig ng mga pananaw ng Katolikong simbahan dahil ito ang nagkomisyon ng rebulto at kapilya; negosyo dahil isang oligarko ang nagbigay ng lupang pinagtirikan ng mga estrukturang ito, pati na rin ang pag-ukol sa gilid na eryang mall at office complex; at gobyernong nagdiriwang mula sa estrukturang ito ng anibersaryo ng EDSA na nagpatalsik sa diktadurang Marcos. Kung ang kasaysayan ay pumapaukol sa nagsasanib na mga panahon sa isang sandali, ang heograpiya naman ay ukol sa pagsanib ng espasyo sa isang lugar. Nawala ang aspetong heograpiya sa ating kritikal na kasangkapan dahil binigyang pribilehiyo ng Kanluran ang kasaysayan bilang sentro ng produksiyon ng kaalaman. Ibig sabihin nito, inalis ang aspekto ng pagkilos ng mga tao, kapital, at produktong komersiyal; paglikha ng espasyo't lokasyon ng namamayaning kaayusan tulad ng pamahalaan, city planners, pati na rin ang mga taong galing sa probinsiya't naghahanap ng oportunidad sa siyudad; o ng "kamulatang espasyo" na makakapagpaliwanag kung bakit tayo nagkakaroon ng kakatwang pakiramdam sa pagpasok, pananatili't paglabas sa iba't ibang lugar. Katulad ng nag-uusap na kasaysayan sa mga partikular na sandali, mayroon ding nag-uusap na espasyo sa mga lugar. Ang bisyon ng Manila, halimbawa, ay nagsisiwalat ng magkakaibang pananaw sa paglikha ng sentro ng bansa. Ang Intramuros, sa maagang yugto ng Kastilang kolonyalismo, ang nakinitang ideal na sentro ng isang kolonisadong bansa. Para sa mananakop na Kastila, ang siyudad ay dapat magpakita ng kosmopolitanismo ng Europa na umaangkop din sa kondisyon ng kolonya. Nakinita ring dapat ay protektado ang mga kolonisador sa nakararaming mamamayang sinakop. Gayundin, bastion ng seguridad ng kolonya ang Intramuros; nakataya ang proteksiyon ng Kastilang kolonyalismo sa pagpapanatiling ligtas ng Intramuros. Sa panahon naman ng Amerikanong kolonyalismo, dinisenyo ni Daniel Burnham, na siya ring nagplano ng San Francisco, Chicago, at Honolulu, ang Manila na may sibikong sentro ng kapangyarihan. Sa sentrong ito, magkakadikit ang mga naglalakihang opisinang sibiko. Bahagiang natapos lamang ang planong ito, ang mga gusali sa Agrifina Circle hanggang City Hall at Post Office ang siya sanang katuparan ng plano ni Burnham. Ang postura ng romanong klasikal na gusali ay ang pagpapakita ng kapangyarihan ng Amerikanong mananakop. Kaakibat nito, ipinapakita rin ang pagiging maliit at inferior ng mamamayan. Sa kasalukuyang siyudad naman, may nabubuong bisyon ng First World na siyudad. Makikita ito sa mga lugar na nagpapahiwatig ng kawalan ng krimen, polusyon, at basura. Nagpapahiwatig ito ng First World efficiency, gayundin ng transnasyonalismo, ang pagbunyag ng iba't ibang produkto't serbisyo sa iisang lugar. Halimbawa nitong ideal ng siyudad ay ang mga mall at shopping center, tulad ng Libis, Glorietta at Greenbelt, Greenhills at Tutuban; Ortigas at Ayala financial districts; mga dating kampo ngayo'y komersiyal na lugar na tulad ng Subic, Clark, Libis, Malate, Greenbelt, at Fort Bonifacio; maging Enchanted Kingdom, Ripley's Believe It Or Not Museum, at Bantayog ng Bayani. Kabahagi ng usaping heograpikal ang mga penomena at isyu ng migrante, na dati'y mula probinsiya patungong siyudad, ngayo'y mula sa ating bansa patungo sa ibang bansa; subcontracting, na espesipiko sa mga multinasyonal na negosyo sa bansa; turismo, na nagpapapasok ng katawang dayuhan sa at naglalabas ng maykayang mamamayan ng bansa; urbanisasyon, ang pagsulpot ng iba pang mahahalagang sentro sa labas ng Manila; ang kaakibat na kultura nito, ang kosmopolitanismo o ang pagkakaroon ng mga marka ng "mabuting buhay," mga markang kadalasan ay galing sa Kanluraning pamantayan. Mapapansin na ang mga kabahaging usaping heograpikal ay tumutukoy sa isyu ng modernidad. Mahaba, espesipiko sa Kanluran, ang kasaysayan ng modernidad. Maaaninag ito simula pa sa tinatawag na panahon ng "enlightenment," ang pagpasok ng sekular na kilusang magtataguyod ng rasyonal na tao at pagkatao sa mundo. Sa enlightenment, paniwala na tadhana ng tao na tuklasin ang sarili nitong kakayahang magpapaunlad ng sangkatauhan. Bawat pagtuklas sa siyensiya't pilosopiya, tulad na rin ng kolonyalismo, ay kontribusyon sa balon ng pagkakaunawa sa papel ng tao sa mundo. Ito ang nagbunsod sa kolonisasyon ng ibang hindi-Kanluraning bansa. Samakatuwid, ang enlightenment ang naging batayan ng pananakop sa ibang bansa, na siya ring batayan ng produksiyon ng kaalaman ng Kanluran. Ginagamit ng mananakop ang kolonya para tupdin ang tadhana ng Kanluran. Pamilyar tayo rito, tulad ng mga retorika ng "benevolent assimilation" at "manifest destiny" ng mga Amerikanong mananakop. Sa kasalukuyan, ang usapin ng development at demokrasyang liberal ay bahagi pa ring ng simulain ng enlightenment. Ang mga ito ang nagiging modelo ng pamamalakad at pag-unlad sa bansa. Makikinita ito sa bisyon ng Philippines 2000, ang middle-term development plan na may diin sa economic liberalization ng mga serbisyo at kalakaran. Ang kaakibat nitong Social Reform Agenda ay naglalayon namang paambunin ang ganansiya ng ekonomiya at politikal na pag-unlad, sa pamamagitan ng pag-atake sa problema ng kahirapan. Sa kauna-unahang pagkakataon, tiningnan ang kahirapan bilang isang pambansang suliraning balakid sa pambansang pag-unlad at modernisasyon. Sa magkakambal na mga nasyonal na proyektong ito, sinisikap ding pagtibayin ang mga institusyon ng demokrasyang liberal tulad ng kompyuterisasyon ng eleksiyon, press freedom, malinaw na separasyon ng tatlong sangay ng pamahalaan, volunterismo, propesyonalisasyon ng militar at pulisya, at iba pa. Ang pangunahing sinasambit ng modernidad ay ang pagkatao, ang ideal na klase ng taong inaakalang magiging kaakibat sa pangkasaysayang sandali at heograpikal na lugar ng pambansang pag-unlad. Ang tagumpay ng modernidad ay makikita sa internalisasyon ng aspirasyong umunlad, maging middle class, sa antas ng mga indibidwal. Kaya kapag binanggit ang "dreams of modernity," literal na pinapangarap at pinagpapagurang makamit ang mga marka ng aspirasyong middle class. Kasama rito ang pagkakaroon ng sariling sasakyan, brand names na gamit at damit, air con, edukasyon, seguridad sa trabaho, cell phone at pager, at iba pa. Makikinita ang historikal na sandali ng pagnanasang umunlad sa pagkilos ng mga produktong multinasyonal sa indibidwal na pangangatawan. Ang lohika nitong pagkilos at sandali ay nakabatay sa paglaganap ng modernidad bilang pambansang aspirasyong magdudulot ng kakayahang maging konsumer ng mga produktong multinasyonal ang mga mamamayan. ### Kasapian ng Pagsasabansa Ang tatlong puwersang ito ang nagsusulong at dumidiskaril sa inaakalang bisyon ng pagkakaisa ng bansa at mga komunidad. Hindi parang ulan na sabay-sabay at pare-pareho ang pagkabasa ng epekto ng tatlong puwersa. Bawat puwersa ay nagbibigay ng nag-uusap na mga interes. Ang mga ito ang nagbibigay ng impetus sa pagtaguyod ng bansa (nation-building). Kaya sa puntong ito, maging ang bansa ay maaaring tignan bilang isang produktong kultural. Mahalagang pag-usapan ang pagsasabansa dahil bahagi ito ng pangkalahatang kaayusang nagdudulot ng magkakahalintulad na epekto, maaring totoo o sinasambit lang naman, sa mamamayan. Gayumpaman, nilalayon ng namamayaning kaayusan na pag-isahin ang tatlong puwersa tungo sa organisadong pagkakabuklod ng bansa para sa pambansang pag-unlad. Patuloy ang mga inaakalang sagradong tradisyon, tulad ng appearance ng pangulo sa selebrasyon ng Rizal Day, sa EDSA Anniversary, at Araw ng Kalayaan; mayroon din namang imbensiyon ng mga bagong tradisyon, tulad ng paulit-ulit na pagbiyahe ng pangulo sa mga rehiyon at labas ng bansa, ang "thumbs-up" na kuha ng mga dumadalaw sa pangulo, at ang paglilinis ng Pasig River bilang isang pambansang ideal ng luntiang kapaligiran. Mayroon din namang pagkakataon na nagtataguyod o nag-iimbento ng mga saligang mito (foundational myths) ng pagsasabansa, ang metanaratibo (grand narrative) at ang mga opisyal na kuwentong kaakibat nito. Sa panahon ng diktadurang Marcos, halimbawa, nilayong isakonkreto ang mga-asawang Marcos bilang mga "magulang ng bansa." Isinaayos ang mito ng "Malakas at Maganda." Makikita sina Ferdinand at Imelda bilang pinagmulan ng lahing Filipino, na tulad ng unang lalaki at babae sa mundo ay nanggaling sa hinating buslo ng kawayan. Malaki ang kinalaman ng mito, ritwal, media, kulturang popular, panitikang oral at nakasulat-makabago't sinauna man-sa pagpapalaganap ng kosepto ng pagsasabansa. Ang tradisyonal na pananaw sa pagsasabansa ay yaong kawing sa mga agham panlipunan-kung paano, batay sa kahalintulad na relihiyon, wika, paniniwala, politika o ekonomiya, nagkakaisa ang mga grupo para makabuo ng isang bansa. Mayroong umuusbong na pananaw ukol sa pagsasabansa. Tinitignan ang pagsasabansa bilang likha ng kolektibong imahinasyon. Tayo bilang malikhaing nilalang ang nagsasakatuparan ng bansa; tayo ang lumilikha ng bansa. Isipin na lamang na ang bansa ay isang malaking kasapiang hindi natin napipili, tulad ng ating mga kamag-anak o kalahi. Sa pamamagitan ng ating pag-ehersisyo ng imahinasyon, nagagawa at naisasakonkreto ang bansa. Ginagamit ang konsepto ng bansa, samakatuwid, bilang pagtukoy ng mga grupong nais na maging kasapi. Nagiging kasapi tayo sa iba't ibang grupo dahil naniniwala ang mga indibidwal sa mga layunin ng grupo, may nakikita silang identipikasiyon sa grupo. Para mas lalong maging gagap ang konsepto ng bansa, isipin din ang ilan grupong pormasyon-tulad ng fraternity at sorority, student orgs, barkada, pamilya o klase-bilang mga kahalintulad na bansa o komunidad. Mayroon tayong inihaharap na iba't ibang aspekto ng ating pagkatao batay sa kung anong grupo tayo nakikisalamuha. Ang pakikitungo natin ay inimahen natin at para sa atin. Sa ibang banda, mayroon namamayaning paraan ng pag-iisip at pagkilos ng pagsasabansa; halimbawa rito ang Philippines 2000 at Matatag na Republika. Sa kabilang banda naman, mayroong mga alternatibong paraan ng pagbuo ng bansa. Halimbawa nito ay ang mga estratehiya ng nongovernmental organizations, queer nations, Tagalog o Cebuano Republic, Gen X at text-generation, at iba pa. Ipinahihiwatig nito na walang esensiyal na "bansa," na ang bawat artikulasyon at formasyong bansa'y konstruksiyon ng mga puwersang politikal, ekonomikal, at kultural; gayundin ng indibidwal. Magpaganito pa, maaaring magkaroon ng mga komunidad sa loob ng bansa, maging mga nagtutunggaling ideal ng bansa sa loob ng isang bansa. Maaari rin namang magkaroon ng mga kolektibong ideal ng pagsasabansa, tulad ng APEC, ASEAN, at iba pang intra-regional na ekonomiya at politikal na bloke. Sa indibidwal at kolektibong lebel, ang pagsasabansa ay isang araw-araw na ritwal. Isinasapraktika natin ang bansa sa ating pang-araw-araw na gawain. Maaaring ito ay magkaroon ng ekspresyon tulad ng pagbabasa ng parehong balita sa diyaryo, pakikinig ng parehong mga kanta sa radyo, pagpanood ng laban ni Manny Pacquiao, Efren "Bata" Reyes, Onyok Velasco sa 1996 Atlanta Olympics, pagtagumpay ng Maroons, Blue Eagle at Green Archers sa UAAP, pagtaya sa Filipinang kandidato sa Miss Universe o American Idol contest, at kung ano-ano pa. Maaari rin namang ibang praktis ang isinasagawa sa pagsasabansa, tulad ng aktibismo ng mga estudyante at kabataan, pag-uumit ng office supplies ng mga nag-oopisina, pagwelga ng mga manggagawa, pagdodroga, at kung ano-ano pa. Kaya maaari ring magkaroon ng kakaibang epekto ang pagsasabansa sa mamamayan. Ang pagtangkilik ng mall, halimbawa, ay hindi pareparehong antas para sa lahat ng tao. May mga grupong mas nakakatangkilik sa espasyong ito kaysa sa ibang klase ng tao. Maaari ring magkaroon ng ibang grupong tumatangkilik sa lugar na ito, maliban sa intensiyon ng may-ari ng mall. Halimbawa rito, ang mga indibidwal o grupong lumpen na kabataan o 'yung mga nagka-cutting classes, grupong may kinalaman sa prostitusyon, grupo ng punkista't headbangers, at iba pa. Mahalaga ang pananaw ng pagkakaroon ng subersibong identidad na tumutuligsa sa identidad ng pinamamayaning kaayusan dahil ipinapakitang hindi pantay ang sakop ng kapangyarihan. Bagama't malaganap ang batas militar na ipinatupad ni diktadurang Marcos, halimbawa, nagkaroon ng puwang para sa kumprontasyon ng mga isyung di kayang sambitin sa media, na nasa ilalim naman ng kontrol ng mga crony ni Marcos. Samakatuwid, bawat akda ay nagpapakita ng nagaganap na pag-uusap sa panlipunang kaayusan. Sumasang-ayon at tumutunggali sa iba't ibang antas at larangan ng mga akda. Sa ating pagsusuri, gaya nang nabanggit ukol sa pagsasabansa, hindi lubos ang isang pananaw. Bawat akda ay mayroong iba't ibang kaakibat na isyung historikal, heograpikal, at modernidad. ### Mga Kategoryang Kultural at Pagkatao Nakabatay ang tagumpay ng pagsasabansa sa kakayahan ng kaayusang mamobilisa ang mga mamamayan para sa pambansang proyekto. Tayo, bilang mga indibidwal o bahagi ng komunidad, ay maaaring maging kabahagi nito o hindi. Sa isang banda, may mga puwang na nagpapakita sa ating pagkatao para sumabay sa larangan ng namamayaning kaayusan. Sa kabilang banda naman, may mga espesipikong kategoryang kultural na nagsisiwalat ng uri ng ating pagsapi o pagtatwa sa iba pang mga maaaring pagpilian na pagkatao. Ang operasyon ng pagkakaroon ng pagkatao o identidad ay nakabatay sa kung sino ang may pribilehiyo sa kaayusan. Ang lalaki o maykaya ang siyang may kapangyarihang panlipunang magtaguyod ng maaari at hindi, ng identipikasiyon sa pamamagitan ng paghahanap ng kaibahan at kahalintulad na katangian sa iba pang mga indibidwal o grupo. Sa kolonyalismo, halimbawa, ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mananakop ng inaakalang mas mataas na uri ng sibilisadong pamumuhay kaysa sa sinakop na mamamayan. Ginagawang sanggol, hayop, babae, kriminal, pagano, at barbariko ang anumang katutubong kultura. Sa gayon, mas mataas na uri ng kaalaman at kaayusan ang kanilang itinataguyod. Kaakibat parati rito, pinupusisyon naman sa mas mababang antas ang mga nasakop na mamamayan, lalo na ang babae at katutubo. May mga espesipikong kategoryang kultural na nagdadagdag ng mas masalimuot na dimensiyon sa pagsusuri ng mga akda. Ito, marahil, ang nagbibigay naman ng magkakaibang perspektiba sa pagbasa sa isang akda. Nilalayon, sa paglalahad ng mga kategoryang kultural na ito, na mas maging kumplikado ang anumang talakayan ng pagkatao, pati na ng lipunan. Sa gayon din, mas masalimuot at substansyal ang talakayan ng panitikan. Lahi at etnisidad. Ang kolonyalismo ang nagbunsod ng kaantasan ng mga lahi. Naging kaakibat din na proyekto nito ang pagkakaroon ng kaantasan ng mga etnisidad sa loob ng isang bansa. Naging diwa ng kolonyalismo ang pagturing sa di-kanluraning lugar, tao, at kaalaman bilang inferior. Ang tagumpay nitong kolonyal na proyekto ay ang pag-internalisa ng mga mismong nasakop na mamamayan na sila nga ay mas mababang uri sa kanilang mananakop; na kahit sila ay nagkamit na ng independensiya, nananatili pa rin silang alipin ng kanilang kamalayan at pagkilos. Sa kategoryang ito, tinitignan ang mga relasyong nagdulot at nagpapanatili ng pagiging pribilehiyado ng sentro (mapa-Amerika o Europa, o mapa-Manila o Tagalog) at nagsasantabi sa mga rehiyonal, vernakular, katutubo, at dating kolonya. Hindi lamang ito pagbasa sa paraan ng pagkaapi ng mga sinakop na mamamayan, tinitignan din kung paano umakibat at tinuligsa ng mga mamamayan ang kolonyalismo at neokolonyalismo, mapa-kolektibong antas man ito, tulad ng rebolusyon o iba pang mga aklasan, at pagwewelga, o mapapang-araw-araw na antas, tulad ng grammatically incorrect na gamit ng Ingles ("Come again?" "God knows Hudas not pay," at carabao English) o ang Quiapo atmosphere sa Megamall. Tinatantiya ring matalakay ang mga kadahilanan at interes sa pagmamaliit ng mga bagay na rehiyonal, vernakular, at katutubo. Uri. Ang kategoryang ito ay batay sa may kakayahang ekonomikal sa bansa. Nakasalalay ang pagbibigay ng pribilehiyo sa mga maykaya batay sa pag-aari ng puwersa ng produksiyon: lupain, kapital, at lakas-paggawa. Sa tatlo, ang pinakahuli ang may pinakamababang halaga sa lipunan dahil sa dami ng bilang ng mga ito. Sinusuri sa kategoryang ito ang mga isyu tulad ng class background, class interes, at kolektibong pagbabago. Paano nahuhubog ng batayang pagkakaroon o wala ng puwersa ng produksiyon ang pag-iisip, kamalayan at pagkilos ng mga tao? Ano ang kanilang pang-uring interes sa kanilang ikinikilos? Ibig sabihin, halimbawa, bakit hindi sumasang-ayon sa welga ang mga may-ari ng pabrika? O bakit mas madaling i-harass ang mga kabataan at mga walang ekonomiyang kapangyarihan sa lipunan? Ano ang interes na itinataguyod ng mga retiradong heneral sa pamamalakad ng administrasyong Ramos? Kung magpaganito ang kinalalagyan ng maraming mamamayan, paano nila binabago ang kanilang panlipunang kondisyon? Ang mga isyung pang-uri ay tradisyonal na inuugat sa larangan ng ekonomiya. Sa mas kontemporaryong pananaw, ang mga isyung ito ay inuugat at sinasangay sa larangang kultural. Ang kultura ay isang larangang bagama't may ugnay sa ekonomiya ay mayroon ding kakaibang dinamismo. Makikinita ito, halimbawa, sa isyu ng kidnapping na kadalasang kinasasangkutan ng mga Tsinong Filipino. May persepsyon na ang mga Tsino ay mayayaman, kaya sila ang madalas na nabibiktima sa krimeng ito. Para sa mga Tsinong Filipino, bawat isa sa kanila ay potensiyal na biktima ng krimen. Para sa di Tsinong Filipino, lalong lumalaganap ang stereotype sa krimen at biktima. "May galit" sa mga Tsinong Filipino dahil sa karaniwang paniniwala na sila ang "nagnanakaw" ng yamang dapat sana'y laan sa "tunay" na Filipino. Nagsasanib sa isyung ito ang mga kategorya ng lahi at etnisidad, at uri sa ekonomikal at kultural na antas. Maaari ring tignan ang Ilokos, halimbawa muli, bilang isang heograpiyang salat sa likas-yaman, kabilang na rito ang nabububungkal na lupa. Gayumpaman, makikitang may aspirasyong mapabuti ng mga Ilokano ang kanilang ekonomiyang kalagayan. Makikita ito sa yaman ng kanilang kultura, maging sa naging diaspora o pagkilos ng mga Ilokano sa labas ng rehiyon at bansa. Tinitignan natin, samakatuwid, ang mga isyung kultural sa pagtalakay ng usapin ng uri. Kasarian at seksualidad. Ang seksualidad ay usaping reproduksiyon; samakatuwid, biolohikal. Ang kasarian naman ay usaping kultural at panlipunan. Ipinanganak pa lamang ang tao, mayroon nang distinksyong kultural at panlipunan sa kanyang pagkatao. Iba ang kulay ng kumot na ibabalot sa kanya kung siya ay ipinanganak na babae o lalaki. Samakatuwid, bago pa man tayo ipinanganak, narito na ang mga code ng pagiging lalaki at babae sa lipunan. Sa ating paglaki, itinataguyod sa atin ang kaayusan kung ano ang ideal na babae at lalaki sa lipunan. Kung ika'y lalaki, hindi nanaising ikaw ay iyakin o mahinhin. Kung ikaw ay babae, hindi nais na ikaw ay magalaw o tomboy. Hindi lang dahil hindi gusto ng namamayaning seksual at kasarian na lipunan, na tulad ng mananakop, mayroon din silang takot sa iba pang identidad. Tulad ng anumang naisantabi sa lipunan, ang pagtrespas sa ibang kasarian at seksualidad ay isang uri ng subersiyon sa lipunang naglalayon at nagtitiyak ng angkop na posisyon ng mga tao. Sa namamayaning kaayusan, binibigyang pribilehiyo ang lalaki at heteroseksualidad. Ito ang tinatawag na patriarkal na sistema. Nakabatay ito sa feudal na kaayusan. Maalaala natin ang panahon kung saan ang mga prayle at panginoong maylupa ang nangingibabaw sa komunidad. Nakaangkla ang buhay at kamatayan ng mamamayan sa kanila. Ganito rin ang sistemang patriarkal, ang pagkababae ay nakaangkla sa depinisyon ng lalaki bilang normal at unibersal. Ang simpleng pagputol ng kuko, halimbawa, ay nakikitang maaaring batayan ng feudal at patriarkal na pag-iisip. Kung hindi tinitipon ang mga putol na kuko, malamang, ito ay dahil sa inaakalang mayroong ibang tao-maaaring ina, katulong, houseboy, o batang kapatid na maglilinis nito. Kahit hindi inaamin ng tao, maaari itong magkaroon o mabahiran ng seksistang kamalayan. Gayundin, hindi rin naman namimili ng kasarian o seksualidad kung sino ang nagnanais maging feminista. Heteronormativity ang tawag sa sosyalisasyong panlipunan na nagtataguyod ng pribilisasyon ng pagkalalaki at heteroseksualidad. Sa kalakarang sistema ng pag-iisip at pagkilos na ito, ipinagbubunyi na mas mataas na kalidad ang lalaking heteroseksual, na kahit babaeng heteroseksual ay kakailanganing magpaubaya, maging maybahay o magkaroon ng "double-burden" (paghahanapbuhay at gawaing bahay), pagiging overseas contract worker (OCW), pagtanggap ng mas mababang sahod kaysa sa lalaki para sa parehong gawain. Sa simpleng halimbawa ng toilet at rest room ng lalaki at babae, tila sinasaad ng espasyo na may kapantayan naman ng pagsasaalang-alang ng pangangailangang magdiskarga at sanit