Pagsulat ng Posisyong Papel na FSPLA PDF

Summary

This handout provides an overview of writing a position paper in Filipino. It explains the concept of argumentation, outlining the steps involved, and the key elements of a position paper. It also lists elements of effective argumentation, including the importance of identifying the topic, ensuring clarity, gathering evidence, etc.

Full Transcript

FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK) ARALIN 7 Pagsulat ng Posisyong Papel Isa sa mga dapat mahubog sa mga kabataang Pilipino ay ang kakayahang manindigan sa isang desisyong ginawa o pinanghahawakang katotohanan o prinsipyo. Maisasagaw...

FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK) ARALIN 7 Pagsulat ng Posisyong Papel Isa sa mga dapat mahubog sa mga kabataang Pilipino ay ang kakayahang manindigan sa isang desisyong ginawa o pinanghahawakang katotohanan o prinsipyo. Maisasagawa ito kung may kakayahang mangatwiran sa desisyon o panig na napili sa pamamagitan ng paglalatag ng matitibay na ebidensya o katibayan. Ang pangangatwiran ay isang uri ng diskursong naglalayong mapatunayan ang katotohanan ng ipinahahayag at pinaniniwalaan at ipatanggap sa nakikinig o bumabasa ang katotohanang iyon. Mahalagang ang taong nangangatwiran ay may sapat na kaalaman tungkol sa paksang pinangangatwiran. Kailangan mabatay ang katwiran sa katotohanan upang ito ay makahikayat o makaakit nang hindi naman namimilit. Ito ang bibigyang diin sa kabuoan ng araling ito. Posisyong papel - kagaya ng isang debate, ito ay naglalayong maipakita ang katotohanan at katibayan ng isang tiyak na isyung kadalasan ay napapanahon at nagdudulot ng magkakaibang pananaw sa marami depende sa persepsiyon ng mga tao. - Layunin nitong mahikayat ang madla na ang pinaniniwalaan ay katanggap- tanggap at may katotohanan. - Mahalagang maipakita at mapagtibay ang argumentong pinaglalaban gamit ang mga ebidensiyang magpapatotoo sa posisyong pinaniniwalaan o pinaninindigan. - Ayon naman kay Grace Fleming, ito ay ang pagsalig o pagsuporta sa katotohanan ng isang kontrobersiyal na isyu sa pamamagitan ng pagbuo ng isang kaso o usapin para sa iyong pananaw o posisyon. Kapag nailatag na ang kaso at ang posiyon hinggil sa isyu, mahalagang mapatunayang totoo at katanggap-tanggap ito sa pamamagitan ng paggamit ng ebidensiyng kinapapalooban ng mga katotohanan, opinyon, ng mga taong may awtoridad hinggil sa paksa, karanasan, estadistika, at iba pang uri ng katibayang magpapatibay sa posisyong pinanghahawakan. Ayon sa kanya, sa pagsasagawa nito, mahalaga ang pagkakaroon ng isang mahusay at magandang paksa ngunit higit na mahalaga ang kakayahang makabuo ng isang kaso o isyu. Maaaring ang paksa ay maging simple o komplikado ngunit ang iyong gagawing argumento o pahayag ng tesis ay mahalagang maging matibay, malinaw, at lohikal. FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK) Mga Dapat isaalang-alang sa mabisang pangangatwiran: 1. Alamin at unawain ang paksang ipagmamatuwid. 2. Dapat maging maliwanag at tiyak ang pagmamatuwid. 3. Sapat na katuwiran at katibayang makapagpapatunay 4. Dapat ay may kaugnayan sa paksa ang katibayan at katuwiran upang makapanghikayat. 5. Pairalin ang pagsasaalang-alang, katarungan, at bukas na kaisipan sa pagpapahayag ng kaalamang ilalahad 6. Tiyaking mapagkakatiwalaan ang mga ilalahad na katwiran. Mga Hakbang sa Pagsulat ng Posisyong Papel Ang pagsulat ng posisyong papel ay hindi lamang sining ng paglalahad ng mga argumento at pangangatwiran kundi ito rin ay isang agham na kinapapalooban ng mga katibayang kinalap sa pamamagitan ng pananaliksik. Kaya naman, napakahalagang mapag-isipan at mapaghandaang mabuti ang paggawa nito. Narito ang mga hakbang na maaaring sundin sa pagsulat ng posisyong papel: 1. Pumili ng paksang malapit sa iyong puso. - Makatutulong nang malaki kung ang paksang tatalakayin ay malapit sa iyong puso at lubos na nakaaantig ng iyong interes at maging ng maraming makababasa nito. 2. Magsagawa ng panimulang pananaliksik hinggil sa napiling paksa. - Ang pagsasagawa ng panimulang pananaliksik ay naglalayong alamin kung may sapat na ebidensiyang makakalap hinggil sa nasabing paksa. Kung makalipas ang ilang oras ng pananaliksik sa internet at wala kang makitang sapat na datos na magsisilbing mga patunayat ebidensiyapara sa iyong napiling posisyon, mas makabubuting pumili na lamang ng ibang paksa. 3. Bumuo ng thesis statement o pahayag ng tesis. - Ayon kina Pamela C. Constantino at Galileo S. Zafra sa kanilang aklat na “Kasanayan sa Komunikasyon II,” ang pahayag ng tesis ay naglalahad ng pangunahin o sentrong ideya ng posisyong papel na iyong gagawin. Isa itong matibay na pahayag na naglalahad ng pinapanigang posisyon o pananaw ng mananaliksik tungkol sa paksa na handa niyang patunayan sa pamamagitan ng pangangalap ng mga datos o ebidensiya. Kadalasang ito ay maikli lamang na binubuo ng isa o dalawang pangungusap. Sa pamamagitan ng pahayag ng tesis ay malalaman ng mga mambabasa kung tungkol saan ang posisyong papel. Dito rin nakasalig ang gagawing pangangalap ng mga ebidensiyang magpapatunay sa kanyang argumento. FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK) 4. Subukin ang katibayan o kalakasan ng iyong pahayag ng tesis o posisyon. - Ito ay napakahalagang bahagi sa pagsulat ng posisyong papel. Kailangang mabatid ang mga posibleng hamon na maaaring harapin sa gagawing pagdepensa sa iyong napiling tesis o posisyon sa pamamagitan ng pag-iisa- isa sa mga argumentong maaaring iharap dito upang mapagtibay ang kahinaan at kakulangan nito. 5. Magpatuloy sa pangangalap ng mga kakailanganing ebidensiya. - Kapag ganap nang napatunayan na ang napiling posisyon ay may matibay at malakas na laban sa pinasusubaliang posisyon ay maaari nang magsagawa ng mas malalim na pananaliksik. Maaaring isaalang-alang ang sumusunod na mga sanggunian sa pangangalap ng mga katibayan batay sa kakailanganing impormasyon. Para sa higit na pagpapatibay ng iyong posisyon ay maaari ring gamitin bilang saligan ng paliwanag ang mga pananaw ng mga taong eksperto sa larangang iyong tinatalakay tulad ng doktor, abogado, propesor, at iba pa o kaya naman ay personal na karanasan ng kaibigan, kamag-anak, o kakilala na makapagdaragdag ng damdamin para sa iyong paksa. - Ayon kina Constantino at Zafra (2000), nauuri sa dalawa ang mga ebidensiyang magagamit sa pangangatwiran: a. Mga Katunayan (facts) – ito ay tumutukoy sa mga ideyang tinatanggap na totoo dahil ang mga katibayan nito ay nakabatay sa nakita, narinig, naamoy, nalasahan, at nadama. FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK) b. Mga Opinyon – ito naman ay tumutukoy sa pananaw ng mga tao, mga ideyang nakasalig hindi sa katunayan kundi sa ipinapalagay lamang na totoo. Hindi ito katunayan kundi pagsusuri o judgment ng katunayan. Kung gagamiting ebidensiya ang opinyon, sa iyong sulating papel, kailangang manggaling ito sa mga taong may awtoridad na magsalita hinggil sa isyu o paksa. Karaniwang kinikilalang may awtoridad ang mga taong may posisyon o may mahalagang ginagampanan sa lipunan tulad ng mga iskolar, propesyonal, politiko, akademiko, at siyentipiko. Gayunman, ang isang simpleng mamamayan ay maaari ring masabing nasa awtoridad na magbigay ng ideya kung ang pinag- uusapang isyu ay may direktang kinalaman sa kanyang buhay o ginagalawang lipunan. 6. Buoin ang balangkas ng posisyong papel. - Bago tuluyang isulat ang kabuoang sipi ng posisyong papel ay gumawa muna ng balangkas para rito. Narito ang pormat na maaaring gamitin para rito: I. Panimula a. Ilahad ang paksa. b. Magbigay ng maikling paunang paliwanag tungkol sa paksa at kung bakit mahalaga itong pag-usapan. c. Ipakilala ang tesis ng posisyong papel o ang iyong stand o posisyon tungkol sa isyu. Sa pagsulat ng panimula, mahalaging maunawaan na ito ay mayroong dalawang layunin. Una, upang ipakilala ang paksa at ang tesis at pangalawa, upang maantig ang interes ng mga babasa nito. II. Paglalahad ng Counter Argument o mga argumentong tumututol o kumukontra sa iyong tesis a. Ilahad ang mga argumentong tutol sa iyong tesis. b. Ilahad ang mga kinakailangang impormasyon para mapasubalian ang binanggit na counter argument. c. Patunayang mali o walang katotohanan ang mga counter argument na iyong inilahad. d. Magbigay ng mga patunay para mapagtibay ang iyong ginawang panunuligsa. FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK) III. Paglalahad ng Iyong Posisyon o Pangangatwiran Tungkol sa Isyu a. Ipahayag ang unang punto ng iyong posisyon o paliwanag - Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa unang punto; maglahad ng mga patunay at ebidensiya na hinango sa mapagkakatiwalaang sanggunian b. Ipahayag o ilahad ang ikalawang punto ng iyong posiyon o paliwanag - Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa ikalawang punto; maglahad ng mga patunay at ebidensiya na hinango sa mapagkakatiwalaang sanggunian c. Ipahayag ang ikatlong punto ng iyong posiyon o paliwanag. - Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa ikatlong punto; maglahad ng mga patunay at ebidensiya na hinango sa mapagkakatiwalaang sanggunian Para higit na maging matibay ang iyong pangangatwiran o posisyon, sikaping maaglahad ng tatlo o higit pang mga puntos tungkol sa isyu. IV. Konklusyon a. Ilahad muli ang iyong argumento o tesis b. Magbigay ng mga plano o gawain o plan of action na makatutulong sa pagpapabuti ng kaso o isyu. Ang pinakamabisa at pinakasimpleng paraan ng pagwawakas ng posisyong papel ay sa pamamagitan ng muling pagbanggit sa tesis sa ibang paraan ng paglalahad nito at ang pagtalakay sa mga magiging implikasyon nito. FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK) Halimbawa ng POSISYONG PAPEL Posisyong Papel ng Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP Hinggil sa Pagtatanggal ng Filipino sa mga Kolehiyo at Unibersidad PANATILIHIN ANG ASIGNATURANG FILIPINO SA KOLEHIYO: HUWAG PATAYIN ANG PAMBANSANG KARAPATAN NG WIKANG FILIPINO, MGA GURO NG FILIPINO, KABATAANG PILIPINO AT MAMAMAYANG PILIPINO Posisyong Papel na nauukol sa CHED Memorandum Order No. 20 Series of 2013 Paninindigan ng Kagawaran ng Filipinolohiya ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), Samahan ng mga Dalubguro sa Filipino (SADAFIL), Samahan ng mga Batang Edukador ng Wikang Filipino at mga Sining sa Pilipinas, PUP Sentro sa Malikhaing Pagsulat, at PUP Ugnayan ng Talino at Kagalingan Peligrosong hakbang ang ginawa ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) nang alisin ang asignaturang Filipino sa inilabas nilang Memorandum Order Blg. 20 na may petsang Hunyo 28 serye 2013. Bagaman sinasabi ng komisyong nabanggit na maaaring maituro sa Ingles o Filipino ang mga asignaturang binalangakas nila, bilang halimbawa ay ang Purposive Communication na nakapaloob sa nilikha nilang bagong kurikulum, nababatid namin na pag- aagaw-agawan pa ito ng napakaraming guro sa Filipino at Ingles sa mga kolehiyo at unibersidad, at magdudulot pa ito ng hindi pagkakaunawaan, pagtatalo at ang masaklap pa'y aangkinin lamang ito ng mga Departamento ng Ingles sa mga unibersidad at kolehiyong mabuway ang Filipino dahil halata namang nakakiling ang Purposive Communication sa Ingles. Sa hakbang na ito, tila unti- unting nilulusaw ang mga natatag na Kagawaran/Departamento ng Filipino sa mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas. Higit pa rito, maraming mga guro sa Filipino, partikular na sa PUP ang mawawalan ng trabaho at mababawasan ng kita. Hindi pumapayag ang Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP na mangyari ang mga bagay na ito. Sapagkat malinaw na isinasaad sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas Artikulo XIV, itinakda ang Filipino bilang wikang pambansa ng Pilipinas. Kung susuriing mabuti ang CHED Memorandum, malinaw na lihis sa hangarin at konteksto ng Pangkalahatang Edukasyon ang pagtatanggal ng asignaturang Filipino dahil nakasaad sa pahina apat (4) ng memorandum ang ganito: "General education enables the Filipino to find and locate her/himself in the community and the world, take pride in and hopefully assert her/his identity and sense of community and nationhood amid the forces of globalization. As life becomes more complex, the necessity of appreciating the gifts of nature and addressing social problems in the general education program increasingly become more pressing. "Hindi ba't ang asignaturang Filipino ang pangunahing tiyak na tutugon sa hangarin at kontekstong isinasaad? Sapagkat ang mga asignaturang Filipino ay nakatuon sa pagtuklas at inobatibong pag-aaral hinggil sa kalinangang Pilipino (wika, kultura at kabihasnan), nasa Filipino ang identidad ng mamamayan sa bansang Pilipinas, nasa Filipino ang diwang makabansa na makatutugon sa mga kahingiang panlipunan at makatutulong sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino, at makapag-aambag ng kalinangan at karunungan sa daigdig. Hindi ito simpleng maibibigay lamang ng mga asignaturang tila pirapirasong kinopya sa dayuhang kaisipan na pilit binibigyan ng malaking puwang na kung tutuusi'y hindi naman makatuwiran. FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK) Sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipinolohiya ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) na tinaguriang "largest state university in the country" na binubuo ng humigit kumulang 70,000 na mga magaaral na nagmula sa iba't ibang panig ng bansa katuwang ang iba pang mga organisasyon ay matatag na naninindigan na panatilihin ang Filipino bilang asignatura sa Kurikulum ng Pangkalahatang Edukasyon sa kolehiyo. Sa halip na alisin, hindi ba't nararapat na lalo pang patatagin ang disiplinang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo sa pamamagitan ng mga asignaturang Filipino na magiging pundasyon nito. hindi ba't paurong na hakbang ng Pilipinas nang alisin ang asignaturang Filipino ng technical panel ng pangkalahatang edukasyon ng CHED na binuo lamang ng iilang mga tao na at walang malinaw na konsultasyong isinagawa? Samantalang sa maraming unibersidad sa labas ng ating bansa ay pinatatatag ang disiplinang Filipino gaya sa University of Hawaii at University of Michigan sa U.S.A, University at Tokyo University sa Japan, St. Petersburg University at University of Moscow sa Russia. Ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipinolohiya nito ay patuloy na nagsusulong ng kalinangang pangwika, pangliteratura, pangkultura at pansining sa pamamagitan ng mga pananaliksik at pagdaraos ng mga kumperensiya at talakayan sa Wikang Filipino sa iba't ibang larangan. Taong 2013 nang hirangin ng CHED ang PUP Kagawaran ng Filipinolohiya bilang Sentro ng Pagpapahusay ng Programang Filipino, bago pa ito, natamo na nito mula sa Accrediting Agency of Chartered Colleges and Universities in the Philippines (ACCUP) ang pinakamataas na akreditasyon (Antas 3) at kasalukuyang nakasalang sa internasyonalisasyon ang programang AB Filipinolohiya na inihahain nito. Ginawaran na rin ito ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Gawad Sagisag Quezon sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino. Bukod pa rito, ang mga batikang manunulat sa Filipino at dekalibreng guro sa Filipino sa bansa ay kabilang sa Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP. Ngunit, ang lakas at pagsisikap ng mga Departamento/Kagawaran ng Filipino gaya ng sa PUP ay mawawalan ng kabuluhan kung sa bagong kurikulum na binalangkas ng CHED para sa kolehiyo ay tinanggalan ng kongkreto at malinaw na puwang ang disiplinang Filipino. Manghihina at malulusaw ang Wikang Filipino kung hindi tuloy-tuloy ang paglinang nito hanggang sa kolehiyo. Sa ganitong punto, muli't muli naming igigiit ang karapatan ng Wikang Filipino bilang Wikang Pambansa na nakasaad sa Kontitusyon ng Pilipinas. Pangunahing gawain ng PUP Kagawaran ng Filipinolohiya ay ang pagpapaunlad at pagpapaigting ng puwersa para huwag isantabi at tuluyang mapanatili ang Filipino sa kolehiyo. Bilang hakbang, magsasagawa ito ng Pambansang Talakayan Ukol sa mga Pananaliksik Pangwika, Pangkultura at Pansining sa Wikang Filipino na may temang "Mga Mananaliksik Bilang Pagtutol sa Pag-aalis ng Asignaturang Filipino sa Kolehiyo at ang Magiging Kalagayan ng mga Guro sa Filipino sa Hamon ng Programang K-12" kasabay ng Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto 28-30, 2014 sa suporta ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) na kasasangkutan ng mga guro, mga mag-aaral, at mga mamamayang nagsusulong ng Filipino. Kikilos at kikilos ang PUP upang ipagtanggol ang Wikang Filipino. Maghahain ito ng mga mungkahing asignaturang Filipino sa pakikipag-ugnayan na rin ng iba't ibang mga unibersidad at kolehiyo na maaaring tumugon sa mga inalis na asignaturang Filipino sa Kolehiyo. Kung hindi pa magbabago ang ihip ng hangin, at hindi pa rin matitiyak ng CHED ang malinaw na puwang ng asignaturang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo hanggang sa Agosto, tiyak na gagawa ng malaking hakbang ang pinakamalaking pang-estadong unibersidad sa bansa sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipinolohiya nito para manatili ang asignaturang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo. FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK) Umiiral sa realidad sa Pilipinas na ang Filipino ay wikang panlahat. Nandyan ito, umiiral at ginagamit sa araw-araw na pakikipagtalastasan ng mga Filipino. Mga Pilipino ang kusang tumanggap nito bilang wikang pambansa at naging katangi-tangi ang tatag nito dahil ito ang identidad ng lipunang Pilipino. Mahalaga ang pagpapaunlad nito sa bawat Pilipino, kaya kung ihihiwalay sa mga mag-aaral ng kolehiyo sa Pilipinas ang patuloy na pag-aaral ng Wikang Filipino, tinanggal natin ang identidad natin bilang Pilipino. Dahil kung ano ang wika mo, iyon ang identidad mo! Pinagtibay ngayong Hunyo 19, 2014. Mga Sanggunian: Baisa-Julian, A., & Lontoc, N. B. (2016). Pinagyamang Pluma Filipino sa Piling Larangan (Akademik). Quezon City: Phoenix Publishing House, Inc. Jocson, M. O., Villafuerte, P. V., & Alcaraz, C. V. (2005). Filipino 2: Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik. Quezon City: Lorimar Publishing. https://www.facebook.com/notes/kirt-cantara-segui/posisyong-papel-ng-kagawaran-ng-filipinolohiya-ng-pup-hinggil-sa - pagtatanggal-ng/727134210658842 /SAA_23-24

Use Quizgecko on...
Browser
Browser