Solid Waste Management Act of 2000 (Tagalog) PDF

Summary

This document discusses solid waste management in the Philippines, focusing on the Republic Act 9003 (Solid Waste Management Act of 2000). It covers waste types, problems, solutions, relevant laws and commissions involved. It outlines the importance of proper waste management practices for a healthy environment.

Full Transcript

QUARTER 1_MODULE 2 PAKSA 1: Suliranin sa Solid Waste Binigyang-kahulugan ng Batas Republika Bilang 9003 na kilala bilang Solid Waste Management Act of 2000 ang solid waste bilang mga itinapong basura na nanggagaling sa mga kabahayan at komersyal na establisimyento, mga non- hazardous na ba...

QUARTER 1_MODULE 2 PAKSA 1: Suliranin sa Solid Waste Binigyang-kahulugan ng Batas Republika Bilang 9003 na kilala bilang Solid Waste Management Act of 2000 ang solid waste bilang mga itinapong basura na nanggagaling sa mga kabahayan at komersyal na establisimyento, mga non- hazardous na basurang institusyunal at industriyal, mga basura na galing sa lansangan at konstruksiyon, mga basura na nagmumula sa sektor ng agrikultura, at iba pang basurang hindi nakalalason. Ayon sa National Solid Waste Management Status Report (2008- 2018), ang municipal solid wastes (MSW) ay nagmumula sa residensyal, komersyal, institusyunal, at instrustriyal na establisimyento. Ayon sa ulat, pinakamalaking bahagdan nito ay mula sa mga kabahayan (56.7%). Ang mga basurang nagmumula sa mga kabahayan ay ang kitchen waste gaya ng tirang pagkain, mga pinagbalatan ng gulay at prutas at mga garden waste tulad ng damo at mga dahon. Binanggit din sa ulat na ang pinakamalaking uri ng tinatapong basura ay ang tinatawag na biodegradable na may 52.31%. Halimbawa ng biodegradable na basura ay ang kitchen waste at yard waste. Samantala, ang tinatawag namang mga recyclable waste ay kumakatawan sa 27.78 % ng MSW gaya ng papel, plastik, bakal, bote, at bubog. Nagkakaroon ng suliranin sa solid waste sa bansa dahil sa iba’t ibang dahilan. Marami ang walang disiplina sa pagtatapon ng basura. Marami ang nagtatapon ng basura mula sa tahanan kung saan-saan. Tone-toneladang basura ang itinatapon sa mga ilog, estero, kalsada, at bakanteng lote na lalong nagpapalala sa pagbaha. Paglaganap ng mga insekto na nagdudulot naman ng iba’t ibang sakit. Paglutas sa Suliranin ng Solid Waste o Pamamahala ng Basura sa Pilipinas Ang pamamahala ng basura (waste management) ay tumutukoy sa wastong pagkuha, paglilipat, pagtatapon o paggamit, at pagsubaybay ng basura ng mga tao. Isinasagawa ito upang mapangasiwaan nang maayos ang mga basura para maiwasan ang masasamang epekto nito sa kalusugan at kapaligiran. Noong Enero 26, 2001 naging ganap na batas ang Republic Act 9003 na kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Nakasaad sa batas na ito ang mga alituntunin sa wastong pamamahala ng basura at pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa pakikiisa ng bawat mamamayan upang mabawasan ang basurang itinatapon. Ilan sa mga nilalaman ng batas na ito ay ang sumusunod: Pagtatatag ng National Solid Waste Management Commission at ng National Ecology Center Pagtatatag ng Materials Recovery Facility Pagsasaayos ng mga tapunan ng basura Ang National Solid Waste Management Commission ang nangangasiwa sa pagpapatupad ng mga plano sa pamamahala ng mga basura o ang tinatawag na Solid Waste Management (SWM) Plan. Ito ay binubuo ng 14 na ahensya mula sa pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at 3 naman mula sa pribadong sektor. Bukod sa DENR, ang sumusunod ay ang mga ahensya ng pamahalaan na bumubuo sa NSWMC: Department of Science and Technology (DOST) Department of Public Works and Highways (DPWH) Department of Health (DOH) Department of Trade and Industry (DTI) Department of Agriculture (DA) Department of Interior and Local Government (DILG) Philippine Information Agency (PIA) Metro Manila Development Authority (MMDA) Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Liga ng mga Lalawigan Liga ng mga Lungsod Liga ng mga Munisipyo Liga ng mga Barangay Ang pribadong sektor ay kinakatawan naman ng sumusunod: Recycling Industry Plastic Industry Non-Government Organization Ang Materials Recovery Facility (MRF) ay ang pinaglalagyan ng mga nakolektang nabubulok na basura upang gawing compost o pataba ng lupa. Dito rin pansamantalang inilalagak ang mga balik-gamit (recyclables) na bagay tulad ng bote, plastic, papel, lata, at iba pa. Isinasagawa rin dito ang pagbubukod ng mga basurang nakolekta mula sa pinagmulan. Upang maayos ang pagpapatupad ng waste segregation at resource recovery, kinakailangang maisagawa ang sumusunod: Pagbubukod sa mga basurang nabubulok, balik-gamit, special wastes at latak, o tirang basura. Dapat magkakahiwalay ang kanilang lalagyan. Pagsunod sa iskedyul ng pangongolekta ng basura. Pagkakaroon ng Materials Recovery Facility (MRF). Kung may mga special waste o recyclable dapat alam kung saan ito dadalhin o puwedeng ibenta. Marami pang ipinagbabawal ang batas na ito, ilan sa mga ito ay ang sumusunod: Pagsusunog ng basura Pagpapakolekta o pagpayag sa pagkolekta ng hindi pinaghiwa-hiwalay na basura Pagtatambak/pagbabaon ng mga basura sa mga lugar na binabaha Walang paalam na pagkuha ng recyclables na may nakatalagang mangongolekta. Katuwang din ng pamahalaan ang mga Non-Government Organization sa pagharap sa suliranin sa solid waste. Halimbawa ng mga ito ay ang sumusunod: Mother Earth Foundation Isang non-profit organization na aktibong tumutugon sa suliranin sa basura na nagsusulong ng zero waste sa pamamagitan ng pagbabawas at wastong pamamahala ng basura. Bantay Kalikasan Itinataguyod ang kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran upang matamo ang likas- kayang pag-unlad. Greenpeace Philippines Tumutulong upang maprotektahan ang karapatan ng mga Pilipino sa balanse at malusog na kapaligiran. PAKSA 2: Pagkasira ng mga Likas na Yaman 1. Paghahawan ng Kagubatan o Deforestation Ang kagubatan ay isa sa pinakamahalagang pinagkukunang –yaman ng bansa. Hindi lamang ito nagsisilbing tahanan ng iba’t ibang uri ng hayop kundi nagbibigay rin ito ng kabuhayan sa mga tao. Nakatutulong din ito upang maiwasan ang pagguho ng lupa, at nagsisilbing proteksyon sa mga water sheds. Bukod sa mga ito, nakatutulong din ang mga kagubatan sa mitigasyon ng climate change. Ayon sa Food and Agriculture (FAO), ang deporestasyon o deforestration ay ang pangmatagalan at permanenteng pagkasira ng kagubatan dulot ng iba’t ibang gawain ng tao. Halimbawa ng gawaing ito ay ang illegal na pagtotroso, illegal na pagmimina, migrasyon, mabilis na paglaki ng populasyon at fuel harvesting. Ang pagkaubos o pagkasira ng kagubatan ay may malaking epekto hindi lamang sa forest ecosystem kundi pati na rin sa iba pang ecosystem na may kaugnayan dito. Dahil sa pagkasira ng kagubatan, naging mas madalas ang mga pagbaha at pagguho ng mga bundok. Iniaanod ang mga lupa mula sa pagguho patungo sa mga daan, kabahayan, bukirin at sa iba’t ibang anyong tubig. Ang paglala ng mga suliraning dulot ng climate change ay iniuugnay rin sa deporestasyon dahil sa epekto nito sa carbon cycle. Tumitindi ang init na nararanasan dahil wala nang punong nagbabalanse sa lamig at init. Ang mga mahihirap na umaasa sa kagubatan ang higit na apektado ng deforestation. Ang patuloy na pagliit ng forest cover ay nagpapaliit din sa pinagkukunan nila ng kabuhayan. Mga Programa at Pagkilos Upang Mapangalagaan ang Yamang Likas MGA BATAS PROBISYON Batas Republika Bilang 2706 Itinatag ang Reforestation Administration Layunin nito na mapasidhi ang mga programa para sa reforestation ng bansa. Presidential Decree 705 Ipinag-utos ang pagsasagawa ng reforestation sa buong bansa kasama ang pribadong sektor. Ipinagbawal din ang pagsasagawa ng sistema ng pagkakaingin Batas Republika Bilang 7586 National Idineklara ang ilang pook bilang national park kung saan Integrated Protected Areas System Act of 1992 ipinagbawal dito ang panghuhuli ng hayop, pagtotroso, at iba pang komersyal na gawain ng tao. Batas Republika Bilang 8749 Philippine Clean Itinataguyod nito ang pagtugon sa suliranin sa polusyon sa Air Act of 1999 hangin sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga mamamayan at mga industriya. Batas Republika Bilang 9072 - “National Caves Layunin ng batas na ito na ingatan at protektahan ang mga and Cave Resources Management and kuweba at ang mga yaman nito bilang bahagi ng likas na yaman ProtectionAct”. ng bansa. Batas Republika Republika Bilang 9147 Binibigyang proteksyon ng batas na ito ang pangangalaga sa “Wildlife Resources Conservation and mga wildlife resources at sa kanilang tirahan upang mapanatili Protection Act” ang timbang na kalagayang ekolohikal ng bansa. Batas Republika Bilang 9175 - “The Chainsaw Ipinagbawal ng batas na ito ang paggamit ng chainsaw upang Act”. matigil ang ilegal na pagtotroso at iba pang gawaing nakasisira ng kagubatan. Ang batas na ito ay naglalayong protektahan at ingatan ang mga yamang gubat sa pamamagitan ng tinatawag na Sustainable Forest Manangement (SFM). Republic Act 8371 o “Indigenous People’s Batas na nagtataguyod at kumikilala sa karapatan ng mga Rights Act” (IPRA) katutubo at sa kanilang kontribusyon sa pangangalaga sa kapaligiran. Proclamation No. 643 Ipinahayag ang June 25 bilang Philippines Arbor Day Hinakayat ang pakikiisa ng lahat ng ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, paaralan, NGO, at mga mamamayan upang makihalok sa pagtatanim ng puno. Executive Order No. 23 Ipinatigil ang pagputol ng puno sa natural at residual na kagubatan. Ipinag-utos din ang paglikha ng anti-illegal logging task force. Executive Order No. 26 Ipinahayag ang pangangailangan sa pagtutulugan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa National Greening Program. 2. Pagmimina o Mining Ang pagmimina o mining ay ang gawain kung saan ang iba’t ibang mineral tulad ng metal, di-metal, at enerhiyang mineral ay kinukuha at pinoproseso upang gawing tapos na produkto. Maraming minahan sa Pilipinas. Sa mga key biodiversity areas tulad ng Palawan, Mindoro, Sierra Madre, at Mindanao matatagpuan ang 23 malalaking minahan sa bansa ayon sa 4th Philippine National Report to the Convention on Biological Diversity (2009). Sa kabila ng mga benepisyong nakukuha mula sa pagmimina ay marami itong masamang dulot sa kalikasan. Ang mga ilog, lawa, at iba pang anyong tubig ay nakokontamina at nalalason. Dahil sa kemikal na kumakalat sa mga ilog, nagkakaroon ng mga fishkill, katulad ng nangyari sa Leyte na sumira sa kabuhayan ng mga mangingisda. Ang mga minahan sa mga lugar na may mataas na banta ng pagguho ay nagdudulot ng trahedya. Marami nang mga minahan ang gumuho na naging dahilan ng pagkamatay ng marami. Ang mga inabandonang minahan naman ay nagdudulot pa rin ng banta ng pagguho dahil nanatili pa rin itong nakatiwangwang at hindi naaayos. Mga Batas Tungkol sa Pagmimina Dahil sa hindi mabuting epekto ng pagmimina, nagpatupad ng mga batas para maiwasan ang mga ito. Philippine Mining Act-Ito ay naisabatas noong 1995 upang makapagbigay ng makabuluhang panlipunan at pangkapaligirang kaligtasan mula sa pagmimina kasama ang obligasyon ng mga industriyang nagsasagawa nito. Ang batas na ito ay nilikha upang masubaybayan ang operasyon ng pagmimina sa buong bansa kasabay ng pangangalaga sa kalikasan. Executive Order No. 79 - Ipinatupad ito upang mapagtibay ang proteksiyong pangkapaligiran, masuportahan ang responsableng pagmimina, at makapagbigay ng karampatang revenue-sharing scheme kasabay ng paglago ng industriya ng pagmimina. Philippine Mineral Resources Act of 2012- Layunin nitong ayusin ang mga makatuwirang pananaliksik sa pagmimina, at masubaybayan ang paggamit ng mga yamang mineral. Tinitiyak nito ang pantay- pantay na benepisyong maibibigay ng pagmimina sa estado ng Pilipinas, sa mga katutubo, at sa mga lokal na komunidad. 3. Pagku-quarry o Quarrying Ang pagku-quarry o quarrying ay ang paraan ng pagkuha ng mga bato, buhangin, graba at iba pang mineral mula sa lupa sa pamamagitan ng pagtitibag, paghuhukay, o pagbabarena. Ginagawa ang pagku-quarry sa mga bundok at sa mga tabing dagat. Ginagamit sa paggawa ng mga gusali, kalsada, tulay, bahay, at marami pang iba ang mga bagay na nagmumula sa pagku-quarry. Malaki ang ambag ng gawaing ito sa pag-unlad ng mga pamayanan dahil dito nanggagaling ang mga kagamitang panangkap na kinakailangan sa pagpapagawa ng mga pasilidad at serbisyo sa mga komunidad. Nagbibigay din ito ng trabaho, partikular ang mga inhinyero, mekaniko, at iba pa at sa negosyo partikular sa konstruksiyon. Sa kabilang banda ay mayroon naman itong masamang dulot sa kapaligiran gaya ng polusyon sa hangin na dulot ng alikabok at usok na nagmumula sa quarry site. Bukod sa polusyong dulot nito, maaari ring pagmulan ito ng mga sakit sa baga. Nasisira rin ang katubigan dahil sa mga basura o quarry waste na naitatapon dito. Ang pagkasira ng biodiversity at ecological balance ang pinakamatinding epekto ng quarrying. PAKSA 3: Climate Change Ano ang Climate Change? Ang climate change ay tumutukoy sa pagbabago ng klima sa buong mundo. Ito ay naramdaman simula noong kalagitnaan ng ika-20 na siglo. Ayon sa Climate Change at Pagpapalayan (2014), “ang ay ang abnormal na pagbabago ng klima tulad ng pag-init o paglamig ng temperatura, at tuluy-tuloy at malakas na pag-ulan sa isang lugar”. Dahilan ng Climate Change May dalawang sanhi ng climate change ayon sa mga pag-aaral. Una, ang natural na pagbabago ng klima ng buong mundo. Ito ay sama-samang epekto ng enerhiya mula sa araw, sa pag-ikot ng mundo at sa init na nagmumula sa ilalim ng lupa na nagpapataas ng temperatura o init sa hangin na bumabalot sa mundo. Ang ikalawa ay ang gawain ng tao na nakapagpapataas sa konsentrasyon ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases sa atmospera. Ilan sa mga ito ay paggamit ng mga fossil fuels gaya ng langis at coal, at ang pagputol ng mga puno na sanhi ng pagkakalbo ng mga kagubatan. Epekto ng Climate Change Ang climate change ay maraming masamang epekto hindi lang sa kapaligiran kundi pati na rin sa mga tao. Ang global warming o pag-init ng temperatura ng mundo na siyang palatandaan ng climate change ay nagdudulot ng sakuna kagaya ng heatwave, baha, malalakas na bagyo, at tagtuyot na maaring magdulot ng pagkakasakit at pagpakamatay. Ilan sa mga sakit na maaring lumaganap ay mga sakit dala ng tubig o pagkain gaya ng cholera at iba pang sakit na may pagtatae, at mga sakit na dala ng mga insekto (lamok) tulad ng malaria at dengue at sakit na dala ng daga gaya ng leptospirosis. Dahil sa pagkasira ng mga komunidad dulot ng mga kalamidad na hatid ng climate change ay lumalaganap din ang malnutrisyon at iba pang suliraning panlipunan. May ilang mga mamamayan ang napipilitang lumikas dahil nawalan sila ng tirahan dahil sa pagkasira ng mga ito dulot ng malakas na bagyo. Ang iba ay natabunan ng lupa dahil sa landslide, samantalang ang iba naman ay kinain ng dagat ang dating lupa na kinatatayuan ng kanilang mga bahay. Nagkakaroon din ng suliranin sa karagatan dahil sa tinatawag na coral bleaching na pumapatay sa mga coral reef na siyang tahanan ng mga isda at iba pang lamang dagat. Nagdudulot din ito ng pagbaba sa bilang ng nahuhuling mga isda at pagkawala (extinction) ng ilang mga species. Pinangangambahan din na malulubog sa tubig ang ilang mabababang lugar sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagtaas ng sea level bunga ng pagkatunaw ng mga iceberg sa Antarctic. Ilan sa epekto ng climate change sa Pilipinas ay ang panganib sa food security dahil pangunahing napipinsala ng malalakas na bagyo ang sektor ng agrikultura. Lumiliit ang produksiyon ng sektor na ito dahil sa pagkasira ng mga sakahan, kalsada, bodega, mga kagamitan sa pagtatanim at pag-aani, irigasyon, pagkawasak ng mga palaisdaan, at pagkamatay ng mga magsasaka at mangingisda. Mga Programa at Patakaran para sa Climate Change sa Pilipinas Dapat protektahan at isulong ng pamahalaan ang karapatan ng mga mamamayan sa isang balanse at malusog na kapaligiran (Artikulo 2 Seksiyon 16 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas). Ito ang batayan sa paglikha noong Hulyo 27, 2009 sa Republic Act No. 9729 na kilala bilang Climate Change Act of 2009. Ito ang sagot ng Pilipinas sa banta ng climate change, alinsunod sa pangako sa ilalim ng United Nations Framework Convention for Climate Change (UNFCCC). Nakasaad sa batas na ito ang pagbalangkas ng pamahalaan ng mga programa at proyekto, mga plano at estratehiya, mga patakaran, ang paglikha ng Climate Change Commission at ang pagtatatag ng National Framework Strategy and Program on Climate Change. Ang Climate Change Commission ay ang tanging ahensya na may tungkuling makipag-ugnayan, bumalangkas, sumubaybay at sumuri ng mga programa at mga pagkilos hinggil sa pagbabago ng klima. Pinagtibay rin ang Republic Act No. 8749 na kilala bilang Philippine Clean Air Act noong 1999. Ito ay naglalayong mapanatiling malinis at libre sa greenhouse gas emissions ang hangin sa bansa. Ang Philippine Task Force on Climate Change (PTFCC) ay binuo upang pagaanin ang masamang epekto ng climate change at magsagawa ng isang mabilis na pagsusuri ng mga epekto nito sa bansa. Karagdagang Kaalaman tungkol sa Climate Change Ang pakikibahagi ng sangkatauhan sa pagtugon sa hamon ng climate change ay napakahalaga kaya pinaiigting ng United Nations Development Programme (UNDP), sa pakikipakaisa ng mga pamahalaan, mga pandaigdigang institusyon at mga pribadong sector ang global partnership sa pagpapalaganap ng mga adhikain ng UN Millennium Development Goals (MDGs), mga paraan ng pag-unlad at pagharap sa climate change. Upang maisakatuparan ang mga programa, plano, polisiya at patakaran hinggil sa climate change, Ang International Monetary Fund ay nakatutok sa pagpapayo ukol sa pinansiyal na aspekto nito, mga reporma, at paghikayat sa mga mamamayan na panatilihing luntian ang kapaligiran. Ang United Nations Framework Convention for Climate Change ang nangunguna sa taunang pagpupulong ng mga bansa upang pagtuonan ng pansin ang paglutas sa climate change.

Use Quizgecko on...
Browser
Browser