GE12 Philippine Popular Culture (Kulturang Popular ng Pilipinas) 1st Semester 2024-2025 Course Pack 1 - PDF
Document Details
Uploaded by EthicalHolmium
Valencia National High School
Tags
Summary
This document outlines the concepts of Filipino culture and popular culture. It explores the elements of culture, including traditions, beliefs, and practices. It analyzes how Filipino culture is influenced by historical events and the impacts of globalization. It also includes a discussion about the importance of studying popular culture and how it shapes contemporary society in the Philippines.
Full Transcript
KOLEHIYO NG SINING AT AGHAM DEPARTAMENTO NG FILIPINO AT MGA BANYAGANG WIKA GE 12 Philippine Popular Culture (Kulturang Popular ng Pilipinas) 1st Semester 2024-2025...
KOLEHIYO NG SINING AT AGHAM DEPARTAMENTO NG FILIPINO AT MGA BANYAGANG WIKA GE 12 Philippine Popular Culture (Kulturang Popular ng Pilipinas) 1st Semester 2024-2025 COURSE PACK 1 – KABANATA 1 KABANATA 1: Kulturang Pinoy at Kulturang Popular MGA LAYUNIN Sa katapusan ng leksiyong ito, ikaw ay inaasahang: Napahahalagahan ang mga napatunayang iba’t ibang Kulturang Popular sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang pangkatang gawain na nagpapaigting ng pagtanggap at pagyakap ng Kulturang Pilipino. Natutularan ang mga kinikilalang katangian ng isang Pilipino batay sa mga napanood na video clips. Nai-aaplay ang mga naitalang katangiang Pinoy sa pamamagitan ng pagguhit ng ilustrasyon. 1.1 ANG KULTURA Ang Kultura ay tumutukoy sa: aktibidad ng sangkatauhan o"kaparaanan ng mga tao sa buhay," ibig sabihin ang paraan kung paano gawin ang mga bagay-bagay o ito ang kurukuro o opinyon ng buong lipunan, na maaaring makita sa kanilang mga salitang ginagamit, aklat at mga sinulat, relihiyon, musika, pananamit, pagluluto, at iba pa. ang pagkakaroon ng natatanging panlasa sa mga pinong sining at araling pantao, ay tinatawag ding mataas na kalinangan. Isang binuong huwaran ng kaalaman, paniniwala at ugali ng tao na nakabatay sa kakayahan para masagisag ang pag-iisip at pagkatuto ng isang grupo. isang pangkat ng pinagsasaluhang mga ugali, pagpapahalaga, mga layunin, at mga gawain na nagbibigay ng katangian sa isang institusyon o panimulaan, organisasyon, o pangkat. Ang kultura ay ang pagsalin-salin ng mga tradisyon ng isang grupo ng tao o komunidad. Sa Pilipinas naman, ang kultura ay pinaghalong mga tradisyon, paniniwala at pamumuhay ng mga dayuhang sumakop at ang mga katutubong Pilipino. Ang lahat ng lugar sa mundo ay may sariling kultura na magsisilbing pagkakakilanlan ng isang lugar. Ito rin ang paraan ng pamumuhay ng mga taong nagpapakita ng kaugalian, tradisyon, mga sining, sistema ng edukasyon, musika at pamahalaan. 1. 2 ANG KULTURANG POPULAR Kung noon ay radyo, dyaryo, telebisyon at magasin lang ang ating media para malaman kung anong uso, anong sikat at ano ang popular, sa panahon ngayon,napakamoderno na ng teknolohiya at napakadali na para sa mga tao na makiuso at magpauso sa pamamagitan ng mga post sa social media na pinagagana ng internet. Bakit ba napakaimportante sa mga taong makasabay sa uso? Ano nga ba talaga ang kulturang popular? Ang kulturang popular ay isang paraan ng mga tao para maramdaman ang pagtanggap sa kanila ng nakararami. Ang pagsang-ayon sa kulturang popular, ang nagpapadama sa mga tao na tanggap sila sa modernismo dahil ang kulturang popular ay kadalasang nagmumula sa moderno at sikat na mga produkto na nagmula sa mga maimpluwensya at mayayamang bansa. Ang kulturang popular ang kadalasang nagbibigay ng depinisyon kung ano ang maganda at kung ano ang katanggap-tanggap. Ito ay maaaring teknolohiya, pagkain, kasuotan, musika at iba pa. Ito ay ang mga pinagsasama- samang kultura na itinatakdang makakapangyarihang tao, kumpanya at bansa. Ginagamit ito ng mga ordinaryong tao para maipahayag ang kanilang pagsang-ayon sa isang kultura, pati na rin maipakilala ang kanilang sarili. Narito ang ilan sa mga bagay na bumubuo sa isang kultura: AWIT SINING KASABIHAN KAGAMITAN MGA SELEBRASYON Karamihan sa kultura ng Pilipino ay nakuha mula sa mga Espanyol na sumakop sa bansa. Subalit, kahit matagal ang pagsakop nila sa Pilipinas, ang kulturang Pilipino ay patuloy pa ring makikita. 1.3 Kahalagahan ng Kulturang Popular Bakit mahalaga na pag-aralan ang kultura ng Pilipinas? Ito ay dahil sa mga sumusunod: 1. Ang Pilipinas ay isang third world country. Sa ngayon, ang Pilipinas ay itinuturing pa ring Third World Country. Sabi ng karamihan, ang mga problema tulad ng korapsyon, kawalan ng trabaho, krimen, at kahirapan ang siyang humahadlang sa bansang ito na maging bahagi ng mga mauunlad na bansa. 2. Ang Pilipinas ay mayroong maraming etnikong grupo o pangkat na hindi pa na nababahiran ng modernisasyon, sa pamamagitan ng pag-aaral ng kultura napapanatili ang mga hiyas at yaman ng kanilang lahi. Binubuo ang Pilipinas ng maraming pangkat na ang bawat isa ay may natatanging kultura. Ito ay pangkat- etniko. Ang pangkat-etniko ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao sa Pilipinas na may sariling wika at kultura. Halimbawa ng mga pangunahing pangkat- etniko ay ang mga Cebuano, Tagalog, Ilokano, Bikolano, Kapampangan, Waray, at Hiligaynon. Halimbawa naman ng katutubong pangkat, tinatawag ding indigenous people, ay ang mga Ivatan, Badjao, Tausug, Agta, Mangyan, at Maranaw. Nakikilala ang bawat pangkat- etniko dahil sa pagkakapareho ng kanilang ninunong pinagmulan, pisikal na katangian, wika, paniniwala, kaugalian, at paraan ng pamumuhay. 3. Ang Pilipinas ay may mahabang kasaysayan ng dalawang pangunahing kultural na impluwensya: Espanyol at Amerikano. Halos mahigit tatlong daang taong sinakop ng Espanya ang Pilipinas kaya naman ating masasabi na marami ang naging impluwensiya ng mga Espanyol sa ating bansa. Ito ay ang mga sumusunod: 1. Pananamapalatayang Katolisismo. Karamihan pa rin sa mga Pilipino ngayon ay nakabatay ang relihiyon mula sa Kristiyanismong ipinalaganap ng mga Espanyol. 2. Edukasyon. Nagkaroon ng oportunidad na makapag-aral ang mga Pilipino noon. 3. Pamahalaan na kung saan matagal na sinusunod ng Pilipinas ang porma ng pamahalaan na mayroon ang Espanya. 4. Wikang Espanyol, kung saan iilan sa mga salita natin ay hiram mula sa kanilang wika. At; 5. Pagkain, kung saan iilan rin sa mga pagkaing Pilipino ay hango mula sa mga Epsanyol. Sinakop ng Amerika ang Pilipinas sa mahabang panahon. Sa mga panahong ito tayo ay inalipin ng mga Amerikano, ngunit hindi nagtagal ay tinuruan nila tayo upang pamahalaan ang sarili nating bansa at di kalaunan ay naging dahilan ng ating paglaya. Narito ang ilan sa mga nai-ambag ng mga Amerikano sa bansang Pilipinas; Wikang Ingles – Sapilitan ang pag-aaral ng wikang ito. Ito ang ginamit na wikang panturo sa lahat ng mga paaralan. Ang dating mga pangalang Espanyol tulad ng Pedro, Juan, Maria, Tomas, Jose at iba pa ay naging Peter, John, Mary, Tom, John, Mary at iba pa. Maging ang mga paraan ng pagbati at katawagan ay naging Ingles tulad ng Hello at Bless po. Ang inang ay naging mommy at ang amang ay naging daddy. Panitikan – Sumilang ang isang bagong anyo ng panitikan na nasusulat sa wikang Ingles at kahit pa nga naglalahad ng mga saloobin at adhikaing Pilipino. Ang unang makatang Pilipino sa wikang Ingles na tumanyag ay si Fernando Maramag. Ang unang nobelang Ingles ay isinulat ni Zolio M. Galang noong 1921. Ang una namang mamamahayag sa English ay si Carlos P. Romulo. Teatro – Pinalitan ng zarzuela ang moro-moro ng mga Espanyol. Si Severino Reyes, may-akda ng Walang Kamatayan, Walang Sugat, ang pangunahing manunulat ng mga dulang pantanghalan. Ang panahon mula 1905-1930 ang Ginintuang panahon ng Zarzuelang Pilipino. Ngunit nang mauso ang pelikula sa Hollywood, unti-unting namatay ang zarzuela at nahilig ang mga tao sa panonood ng pelikulang Ingles. Sining – Umunlad din ang sining ng arkitektura, iskultura at pagpipinta. Sikat na mga arkitekto noon sina Juan F. Nakpil, Andres Luna de San Pedro, M. Arrellano at Pablo S. Antonio. Sa larangan ng pagpipinta, naging tanyag si Fabian dela Rosa, pinakadakilang pintor ng panahon ng Amerikano, gayundin sina Fernando Amorsolo, Emilio Alvero at Victor C. Edades. Pananamit at Pagkain – Ang mga kalalakihan ay natutong magsuot ng mga pantalong may sinturon at suspender, kurbata at polo shirt. Ang mga kababaihan ay natutong magsuot ng maiikling damit, palda at blusa, sapatos na may mataas na takong at manipis na medyas. Natuto rin silang maglagay ng make up. Natuto ang mga Pilipino na kumain ng sandwich, hamburger, hotdog, bacon, oatmeal, beef steak, ice cream, hamon at keso. Natuto silang gumamit ng mayonnaise at tomato catsup bilang panangkap sa pagkain. 4. Nangingibabaw pa rin sa bansang Pilipinas ang pagiging bansang pang-agrikultural nito at ang kasalukuyang kalagayan sa sosyo-ekonomik. Ang Pilipinas ay kilala bilang isang agrikultural na bansa dahil sa masaganang likas na yaman nito. Agrikultura (pagsasaka, paghahayop at pangingisda) ang pangunahing hanap buhay ng mga tao dito. 5. Umaasa ang Pilipinas sa mga dayuhang ekonomiya. Gaya ng isang indibidwal, ang isang bansa ay kinakailangang makipag-ugnayan at makipag-kaibigan sa iba pang mga bansa sa daigdig upang makamit nito ang minimithing kalayaan, kapayapaan, katarungan at higit sa lahat, kaunlaran. Upang mabigyang katuturan ang ating pakikipag-ugnayan, ang ating bansa ay aktibong lumalahok sa pakikipagpalitan ng mga kaalaman sa kabuhayan, kultura at pulitika. Isinasaalang-alang din natin ang ating mga karapatan, karangalan at pambansang interes kaya tayo bilang bansa ay may mga sinusunod na patakarang panlabas sa pakikipag-ugnayan. Ang Kultura ay napakahalaga sa isang lugar o bansa. Ito ay sumasalamin sa mga paniniwala at mga kaugalian maging ang mga nakasanayang gawain ng mga tao. Ang kultura ay nagmula sa ating mga ninuno na siyang nagpalaganap at nagkalat nito hanggang sa nagkapasa-pasa. Ang kultura ay isang patunay na may pinagmulan tayo sa mga bagay at gawaing nakasanayan natin. Ngunit sa pagtagal ng panahon, ang mga katutubong kultura natin ay unti-unti ng naglaho at napapalitan dahilan ng pag-usbong ng mga makabagong kaisipan o pagbabago tulad ng modernisasyon, teknolohiya at paniniwala ng mga tao. Ang ilan sa sa mga dahilan ng pagbabago at tuluyang paglalaho ng mga nakasanayang gawain ay ang pagkakaroon ng iba-t ibang relihiyon, pagkamulat ng mga tao sa makabagong teknolohiya, at ang pagiging moderno ng ating panahon. Karagdagang babasahin: Philippine Popular Culture - Philippine Popular Culture Popular culture can be traced back to the - Studocu https://gradesfixer.com/free-essay-examples/a-look-at-the-customs- and-culture-of-the-philippines-uniquely-filipino-identity/ 1.4 Ang Kaugnayan ng Mass Media sa Kulturang Popular “The definition of popular culture in the Philippines is not just “of the people” but “of the mass”, which is basically construed to be urban and industrialized.” Ang mass media ay ang uri ng media na may kapangyarihang umabot o makarating sa maraming mga tao - na tinatawang ding masa o madla. Ito ang pinagmulan ng salitang mass media. Ang mga halimbawa ng mass media ay ang mga sumusunod: radyo, dyaryo, telebisyon, internet, social media at iba pa. Upang malaman natin ang kaugnayan ng mass media sa kulturang popular kilalanin muna natin ang mga "tastemaker", sila ang nagdidikta kung ano ang katanggap-tanggap at dapat sundin ng masa. Sa panahon na hindi pa umusbong ang teknolohiya mayroong kapangyarihan ang mga "tastemaker" sa pagdikta sa masa halimbawa na lamang nito ay ang sitwasyon ng sikat na mang-aawit na si Elvis Presley, sa panahon na iyon ay kontroberysal ang kanyang paraan ng pagsayaw na ika pa ng mga konserbatibo ay sekswal kaya hindi ito ipinapalabas sa masa. Sa makatuwid Malaki ang impluwensya ng mass media sa kung ano ang magiging popular na Kultura. Sa pag-usbong ng mass media at teknolohiya unti-unting naibabahagi sa lahat ang kapangyarihan na makapagbahagi at makapagpakalat ng impormasyon. Karagdagang babasahin: Mass Media and Popular Culture – Understanding Media and Culture (umn.edu) 1.5 Mga Bagay na Nakaiimpluwensya sa Kultura Bago pa man dumating ang mga unang mananakop, ang mga mangangalakal galing sa India, Malaysia, Indonesia, Tsina at Hapon ay may malaking kontribusyon din sa kultura ng Pilipinas. Ang Hinduismo at Budhismo ay may impluwensiya sa mga katutubong paniniwala ng mga Pilipino bago dumating ang mga Kastila at ang mga mangangalakal na Muslim. Ang wikang Tagalog at iba pang wika sa Pilipinas ay maraming hiniram sa wikang Sanskrito. Isang mabuting halimbawa ang karma, na hanggang ngayon ay pinaniniwalaan pa rin ng mga Pilipino. Marami sa mga pamahiin, hiniram na salita at pagkain, tulad ng pansit, siopao at iba pa ay minana sa mga mangangalakal na Tsino. Relihiyon Naimpluwensyahan ng Kristiyanismo ang kulturang Pilipino sa halos lahat ng mga tapyas, mula sa visual art, arkitektura, sayaw, at musika. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay isa sa dalawang nakararaming Katolikong Romanong (80.58%) nasyon sa Asya-Pasipiko, isa pa ang East Timor. Dumating ang mitolohiyang Islam sa Pilipinas noong ika-13 siglo sa pamamagitan ng mga daan ng pangangalakal sa Timog-Silangang Asya. Itinatag ang paglago ng Islam ng iba't ibang uri ng mga sistema ng paniniwala, lalo na sa mga timog-kanlurang bahagi ng kapuluan, kung saan niyakap ang sistemang sultanato ng mga katutubo nang walang pangangailangan ng sapilitang pagbabagong-loob, dahil hindi binalak ng mga relihiyosong mangangalakal na sakupin ang kapuluan. Sa kasalukuyan, halos 6% ng populasyon ay Muslim at nakatipon ang karamihan sa rehiyong Bangsamoro sa Mindanao. Nasa ilalim ng Sunni Islam ang karamihan ng mga Pilipinong Muslim ayon sa paaralan ng Shafi'i. Arkitektura Bilang kolonya ng Imperyong Kastila nang 333 taon, ipinakilala ng mga Kastila ang Europeyong arkitekturang kolonyal sa Pilipinas. Naging dahilan ang pagkilala ng Kristiyanismo sa pagdala ng mga Europeyong simbahan at arkitektura na naging sentro ng karamihan ng mga bayan at lungsod sa bansa. Sining-Biswal Nagsimulang lumikha ang mga Pilipino ng mga pinta sa tradisyong Europeyo sa panahong Kastila noong ika-17 siglo. Ang mga pinakamaaga sa mga ito ang presko sa simbahan, larawang relihiyoso mula sa mga sangguniang biblikal, pati na rin ang mga pag-ukit, iskultura, at litograpiya na nagtatampok ng mga imaheng Kristiyano at kamaharlikaan ng Europa. Karamihan sa mga pinta at iskultural mula sa ika-19 at ika-20 siglo ay nakalikha ng halo ng mga likhang sining na relihiyoso, pampulitika, at paisahe na may mga katangian ng katamisan, kadiliman, at katingkaran. Pagsasayaw Kabilang sa mga Pilipinong katutubong sayaw ang Tinikling at Cariñosa. Sa timugang rehiyon ng Mindanao, ang Singkil ay isang sikat na sayaw na nagpapahayag ng kwento ng isang prinsipe at prinsesa sa gubat. Nakaayos ang mga kawayan sa isang huwarang tic-tac-toe kung saan kasangkapan ang mga tagasayaw sa lahat ng mga posisyon ng mga magkasalungat na kawayan. Musika Itinampok ng antigong musika ng Pilipinas ang pagkahalo ng tunog katutubo, Islamiko, at iba pang tunog Asyano na yumabong bago ang kolonisasyong Europeo at Amerikano sa mga ika-16 at ika-20 siglo. Tumugtog ang mga dayuhang Kastila at mga Pilipino ng mga iba't ibang instrumentong pangmusika, kabilang ang mga plauta, gitara, yukulele, biyolin, trumpeta, at tambol. Panitikan Magkakaiba at masagana ang panitikan ng Pilipinas at nagbabago nang nagbabago ito sa mga siglo. Nagsimula ito sa mga tradisyonal na alamat na nilikha ng mga sinaunang Pilipino bago ang panahon ng mga Kastila. Nakatuon ang panitikang Pilipino sa tradisyong kultural ng bansa bago ang kolonisasyon at ang mga kasaysayang sosyo-politikal ng kanyang kolonyal at kapanahong tradisyon. Sine At Midya Ang mga taon ng paghubog ng pelikulang Pilipino, na nagsimula noong dekada 1870, ay naging panahon para sa pagkatuklas ng pelikula bilang bagong paraan para ipahayag ang mga likhang-sining. Nagmula ang mga iskrip at karakterisasyon sa mga pelikula sa mga sikat na dulaan at panitikang Pilipino. Dahil sa mabilisang paglabas ng mga pelikula sa nakaraan, lumitaw ang iilang mga artista sa higit sa 100+ papel sa Pelikulang Pilipino at ikinalugod ang pagkilala sa kanila mula sa mga tagahanga at manonood. Lutuin Nagluluto ang mga Pilipino ng sari-saring pagkain na naimpluwensyahan ng Indyano, Tsino, at ng mga katutubong sangkap. Ritwal ng Pagtuli Bawat taon, madalas sa Abril at Mayo, pinapatuli ang libu-libong mga Pilipinong batang lalaki. Ayon sa Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan (WHO), halos 90% ng lalaking Pilipino ay natuli, isa sa pinakamataas na antas ng pagtutuli. Edukasyon Naimpluwensyahan ang edukasyon sa Pilipinas ng mga ideolohiyang at pilosopiyang Kanluranin at Silanganin mula sa Estados Unidos, Espanya, at ng kanyang mga karatig na Asyanong bansa. Laro Ang arnis, isang uri ng sining panlaban, ay ang pambansang laro sa Pilipinas. Kabilang sa mga pinakasikat na laro ang basketbol, boksing, putbol, bilyar, ahedres, ten-pin bowling, balibol, karera ng kabayo, sipak-takraw at sabong. Sikat din ang dodgeball, badminton, at tenis. Ang isang laro ng lahing Pilipino ay ang luksong tinik. Ito ay isang napakasikat na laro sa mga kabataang Pilipino kung saan kailangang lumundag sa tinik at tumawid sa kabila nang hindi masaktan. Kabilang din sa mga ibang laro ng lahing Pilipino ang yo-yo, piko, patintero, bahay kubo, pusoy, at sungka. Pagdiriwang Nagmula ang mga pagdiriwang sa Pilipinas, kilala bilang mga pista sa Pilipinas mula sa kapanahunang kolonyal ng Espanya noong ipinakilala ng mga Kastila ang Kristiyanismo sa bansa. Mayroong nakatalagang patrong santo ang karamihan ng mga Pilipinong bayan at lungsod. Panrelihiyon o pangkultura ang mga pista sa Pilipinas. 1.6 Mga Katangian ng Isang Indibidwal na 100% Pinoy Bayanihan Nabuo ang bayanihan sa mga samahan ng mga magkakapitbahay na nagtutulungan kahit kailan o saan man kailanganin ng tulong. Kadalasan makikita ang bayanihan sa mga sasakyang nasisiraan ng gulong. Ang mga tambay at ang mga taong-bayang na malapit dito ay agad agad ding tutulungan ang drayber kahit ano pa man ang mangyari maayos lamang ang nasirang sasakyan. O kaya naman mas kadalasang inilalarawan ito ng paglilipat bahay noon ng mga nasa lalawigan. Ang mga bahay ay sabay sabay bubuhatin ng mga kalalakihan na sinasabayan pa kung minsan ng awitin upang di gaanong madama ang kabigatan nito. Ito ay kabaliktaran ng ugaling indibidwalismo ng mga lipunang Europeo at Amerikano. Matinding pagkakabuklod-buklod ng mag-anak Ang mga Pilipino ay kadalasang malalapit sa kanilang mag-anak at iba pang kamag-anak. Ang pangunahing sistemang panlipunan ng mga Pilipino ay mag-anak. Maraming mga Pilipino ang tumitira malapit sa kanilang mga kamag-anak, kahit pa sila ay may edad na o kaya naman ay may sarili na ring mag-anak. Kadalasan ang isang bahay sa Pilipinas ay binubuo ng mahigit sa dalawang mag-anak. Sa mga lalawigan, ang mga nayon ay kadalasang binubuo ng iisang angkan, at halos lahat ay mag-kakakilala. Pakikisama Ang pakikisama ay ang kaugaliang Pilipino na nagnanais magkaroon ng maganda at mabuting pakikitungo sa iba. Hiya Ang kaugaliang Hiya ay isang panlipunang kaugalian. Ang mga Pilipino kasi ay naniniwala na dapat na kumilos sila kung ano ang mga tinatanggap na kaugalian ng lipunan; at kung sila ay nakagawa ng kaugaliang hindi tanggap, ang kahihiyan na ginawa nila ay hindi lang para sa kanilang sarili kundi kahihiyan din ito para sa kanilang mag-anak. Isang halimbawa ay ang pagiging magarbo ng paghahanda kahit na hindi dapat sapat ang kabuhayan niya. Kung ang isa ay pinahiya sa maraming tao, sila ay nakararamdam ng hiya at nawawalan ng lakas ng loob. Utang na Loob Ang Utang na Loob, ay isang utang ng tao sa taong tumulong sa kanya sa mga pagsubok na kanyang dinaanan. May mga kasabihan nga na: Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan. Amor Propio Pagpapahalaga ng isang tao sa kanyang dignidad. Delicadeza Isang ugali na dapat ang isang tao ay kumilos sa tama at nasa lugar. Kailangang ang pagkilos ay tanggap ng lipunan upang hindi marumihan ang dignidad ng mag-anak. Palabra de Honor "May isang salita" Isang kaugalian ng mga Pilipino na kailangan tuparin ang mga sinabi nitong mga salita o pangako. Pagtawag ng “Ate” at “Kuya” sa nakatatandang kapatid Kung sa ibang bansa ay sa pangalan lang tinatawag ng mga bata ang mga nakatatanda nilang kapatid, dito sa Pilipinas, ang tawag sa kapatid na matandang babae ay “ate” habang “kuya” naman ang tawag sa kapatid na matandang lalaki. Simbolo ito ng respeto sa mga nakatatandang kapatid. Isa ito sa mga ipinagmamalaking tradisyon ng mga Pilipino. Panghaharana Isa pang tradisyong nakaukit sa kulturang Pilipino ay ang panghaharana. Karaniwan itong ginagawa ng lalaki para sa kaniyang nililigawan pero ngayon, ginagawa na rin ito sa panunuyo at pakikipagbalikan sa mga magkasintahang nagkalabuan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagkanta ng lalaki sa babaeng kaniyang sinusuyo. Maaari itong gawin nang may tugtog o acapella. Kaya kung naghahanap ka kung ano ang kaugalian ng mga Pilipino para sa mga romantiko, harana ang sagot d’yan. Paggalang sa mga Matatanda Lubos na magalang ang mga Pilipino, mapamatanda man o bata, kahit sino pa ang kausap, magalang ang pananalita ng mga lokal. Ilan sa mga tanda ng paggalang sa matatanda ay ang pagmamano, pagsasabi ng “po” at “opo”, pagtulong sa kapwa, at marami pang iba. Pagmamano Isa pa sa mga kaugalian ng mga Pilipino na hanggang ayon ay hindi pa rin nawawala ay ang pagmamano. Tinutukoy nito ang pagkuha sa kamay ng nakatatanda at ilalapat ito sa noo ng nagmamano, sabay sasabihing “mano po.” Madalas itong isinasagawa bilang pagbati sa pagdating o bago umalis. Bata pa lang ay tinuturuan na ng matatanda ang kaugalian na ito. Pamamanhikan Isinasagawa ag pamamanhikan kapag ang isang babae at lalaki ay nagkasundong magpakasal. Pormal na hinihingi ng lalaki ang kamay ng kaniyang nobya sa harap ng kanilang mga magulang at iba pang malalapit na kaanak o kaibigan. Pagkatapos nito ay may salo-salo at sa hapag pinag-uusapan ang detalye ng kasal. Bagamat moderno na ang panahon ngayon, isa ito sa nananatili pa ring mga kaugalian ng mga Pilipino. Pagdarasal Bago Kumain Bago kumain, nakagawian na ng mga Pilipino ang pagdarasal. Dito ay nagpapasalamat sila sa mga pagkaing nakahain, ang pagsasama-sama nila, at iba pang mga biyayang natanggap nila. Likas kasing relihiyoso ang mga Pilipino kaya isa ito sa magagandang halimbawa ng kultura sa bansa. 1. Lumilingon ka kapag may sumisitsit. 2. Kaya mong magturo ng direksyon sa pamamagitan ng iyong nguso. 3. Gumagamit ka ng tabo sa paliligo. 4. Mahilig kang bumili ng “Sale” na item sa mall kahit hindi mo kailangan. 5. Nagkakamay ka kapag kumakain at hindi mo kailangan ang kutsara at tinidor. 6. “Prijider” ang tawag mo sa refrigerator. 7. May picture ng “The Last Supper” sa kusina niyo. 8. May dalawang malalaking kutsara at tinidor na nakasabit sa dingding ng kusina ninyo. 9. Naka-laminate ang diploma ng mga nakagraduate sa inyo. 10. May nakahilerang picture frames ng buong pamilya niyo na nakasabit sa dingding sa tabi ng hagdanan. 11. May walis ting-ting at walis tambo kayo sa bahay. Ito ang ginagamit na panlinis ng carpet kahit may vacuum cleaner. 12. Nagkakape ka habang kumakain ng tanghalian o hapunan. 13. Kumakain ka ng inihaw na dugo ng manok, adidas (paa ng manok), isaw ng manok, balun balunan, at ulo ng manok. 14. Mahilig ka sa tingi. Tinging asukal, suka, tuyo, asin at iba pa. 15. Mahilig kang sumingit sa pila. 16. Navivideoke ka kapag Sabado at Linggo, pati na rin Lunes, Martes, Miyerkule, araw - araw. 17. Mahilig kang dumura sa kalsada at umihi kung saan-saan. 18. Di mo nakakalimutang bumili ng souvenir item kapag nagbakasyon ka sa ibang lugar. 19. Umuusyoso ka kapag may aksidente. 20. Isinasawsaw mo sa kape ang tinapay. 21. Pumapalakpak ka kapag lumalapag ang eroplano sa airport. 22. Naliligo ka sa ulan at sa baha. 23. Kinukulob ang utot at pinapaamoy sa bata. 24. Hindi ka nahihiyang mangulangot gamit ang hintuturo. Bibilutin ang kulangot at pipitikin papunta sa kasama mo. 25. Mahilig kang mag-ipon ng mga botelya at gagamiting paglagyan ng asukal, kape, asin at iba pang gamit sa kusina. 26. Mahilig ka sa pirated cd’s at China products. 27. Bumibili ka ng ukay-ukay. 28. Kinakalong ang mga bata sa jeep at bus para hindi singilin ng pamasahe. 29. Nag-uuwi ka ng mga gamit sa hotel. 30. Tumatawad sa department store na parang nasa palengke ka lang. 31. Nagkakamot ka ng ulo at ngumingiti pag hindi mo alam ang sagot. 32. “Cutex” ang tawag mo sa nail polish, “Colgate” naman sa toothpaste. 33. Ayaw mong tanggalin ang plastic cover ng bagong bili mong sofa o sala set. 34. May uling sa loob ng refrigerator mo. 35. Pinapakain sa alagang aso at pusa ang natirang pagkain. 36. May eletric fan kang walang takip ang elisi. 37. May nakatabing bukod na pinggan, baso, kutsara at tinidor para sa mga bisita. 38. Mahilig kang magpapicture kasama ang nakitang artista sa mall. 39. Kaya mong makipagtext ng tuloy-tuloy hanggang madaling araw. 40. Paulit-ulit ang pangalan mo tulad ng Bong-Bong, Che-Che, Ton-Ton, at Mai- Mai. 41. Ginagamit mo ang sabong panlaba na panghugas ng pinggan. 42. Lagi kang huli sa lahat ng appointment mo. 43. Ginagamit mo ang iyong mga daliri sa pagsukat ng tubig sa rice cooker. 44. Ginagawa mong sabaw ang kape sa kanin. 45. Nilalagay ang sukling benti-singko sa tenga. 46. Binibilot ang ticket sa bus at isinisiksik kung saan-saan. 47. Nagpapabalot ka ng pagkain sa birthday party para iuwi. 48. Nag-uuwi ka ng mga tira-tirang buto at tinik sa birthday party para ipakain sa alagang aso at pusa. 49. Ugali mong umutang sa sari-sari store. 50. Pinoy ka kung sumasang-ayon ka sa lahat ng nabasa mo. 1.7 Mga Kakaibang Gawain ng Isang Pinoy Pamamanhikan Isa ito sa mga mahahalagang tradisyong Pilipino. Kalimitang ang pamilya ng babae ang nangangasiwa nito. Ang ikakasal na lalaki at ang kaniyang mga magulang ay dadalaw sa pamilya ng babae para pormal na hingin ang kamay ng dalaga bilang mapapangasawa at para mapag-usapan ang darating na kasalan. Kaugalian nang may dalang regalo ang bumibisitang pamilya. Isang magandang daan ito para sa dalawang partido na magkakilala. Hindi pagpapakita ng lalaki sa babae bago ang kasal Ang hindi pagpapakita ng lalaki sa babae bago ang kasal ay kaugalian ng mga taga Mindanao at maging ng mga taga ibang rehiyon. Paniniwala kasi ng mga Pilipino, malas daw kapag nagkita ang magsing-irog bago ang kanilang kasal. Pagsasama-sama ng Pamilya Karaniwang sa mga pagtitipon nagkakasama-sama ang pamilya gaya ng Pasko, kasalan, pagkamatay ng isang mahal sa buhay, Bagong Taon, at araw ng kapanganakan. May mga pamilya namang nagtitipon-tipon kahit walang espesyal na okasyon. Layunin ng pagtitipon-tipon na mapanatili ang malapit na pag-uugnayan ng mga kasapi ng pamilya na lubhang pinahahalagahan ng mga Pilipino. Pagkahilig Sa Pista Karaniwang may handaan tuwing pista sa isang lugar. Maliban sa salo-salo ng pamilya at bisita, may misa, parada, at iba-iba pang programa tuwing pista. MGA SANGGUNIAN Dizon, P. Mga Katangian ng Pilipino. http://www.seasite.niu.edu/tagalog/modules_in_tagalog/mga_katangian_ng_pilipino.htm Jumao-as, L. C. (2020). Piliin mo ang Pilipinas: Kulturang Poular Noon at Ngayon. https://www.youtube.com/watch?fbclid=IwAR2gdTd_2O8Ird33LjIBtQXrXgIHYZfE3AbYRyKxlWv dXvYhTb7V_ceUd_w&v=Xr1y3cJfN2E&feature=youtu.be Mass Media and Popular Culture – Understanding Media and Culture (umn.edu) Philippine Popular Culture - Philippine Popular Culture Popular culture can be traced back to the - Studocu Honradez, E. (2016). Araling Panlipunan Yunit II Araling 15: Ang Kultura at Pagbubuo ng Pagkakakilanlang Pilipino.://www.slideshare.net/edithahonradez/araling-panlipunan-yunit-ii- aralin-15-ang-kultura-at-pagbubuo-ng-pagkakakilanlang-pilipino