G10 Report Topics (G1-G6) PDF

Summary

This document provides report topics for grades 1 through 6. Report topics are organized and categorized for further development and clarity for the students. The document covers foundational aspects of cultures and social sciences.

Full Transcript

Katuturan ng Kultura Sa pag-aaral ng lipunan, mahalagang pagtuunan din ng pansin ang kultura. Ayon kina Andersen at Taylor (2007),ang kultura ay isang kumplikadong sistema ng ugnayan na nagbibigay-kahulugan sa paraan ng pamumuhay ng isang grupong panlipunan o isang lipunan sa kabuuan. Sa isang lipun...

Katuturan ng Kultura Sa pag-aaral ng lipunan, mahalagang pagtuunan din ng pansin ang kultura. Ayon kina Andersen at Taylor (2007),ang kultura ay isang kumplikadong sistema ng ugnayan na nagbibigay-kahulugan sa paraan ng pamumuhay ng isang grupong panlipunan o isang lipunan sa kabuuan. Sa isang lipunan, binibigyang-katwiran ng kultura ang maganda sa hindi, ang tama sa mali at ang mabuti sa masama. Pinatutunayan din ni Panopio (2007) ang naunang kahulugan ng kultura sa pamamagitan ng pagsasabing “ito ang kabuuang konseptong sangkap sa pamumuhay ng mga tao, ang batayan ng kilos at gawi, at ang kabuuang gawain ng tao”. Ayon naman kayMooney (2011), ang kultura ay tumutukoy sa kahulugan at paraan ng pamumuhay na naglalarawan sa isang lipunan. Samakatuwid ang ginagawa natin sa ating pang-araw-araw na pamumuhay mula paggising hanggang bago matulog ay bahagi ng ating kultura. May dalawang uri ang kultura. Ito ay ang materyal na kultura at hindi materyal na kultura. Mga Elemento ng Kultura Kung ang mga institusyong panlipunan ay tumutukoy sa mga istruskturang bumubuo sa isang lipunan, ang kultura naman ay tumutukoy sa kahulugan at paraan ng pamumuhay ng mga mamamayan sa isang lipunan. Naglalarawan ito sa isang lipunan. Nag-iiba ang paglalarawan ng bawat lipunan batay na rin sa kultura nito. Binubuo ang kultura ng mga paniniwala (beliefs), pagpapahalaga (values), norms, at simbolo. Paniniwala (Beliefs) Tumutukoy ito sa mga kahulugan at paliwanag tungkol sa pinaniniwalaan at tinatanggap na totoo. Maituturing itong batayan ng pagpapahalaga ng isang grupo o lipunan sa kabuuan. Nakakaapekto sa mga isyu at hamong panlipunan ang paniniwala ng isang indibiduwal o pangkat ng tao.Halimbawa, ang isang lipunang naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng mga tao anoman ang kasarian ay magbibigay ng mga oportunidad para sa pag-unlad ng tao anuman ang kasarian nito. Pagpapahalaga (Values) Ang pagpapahalaga ay hindi maaaring maihiwalay sa paniniwala ng isang lipunan. Maituturing itong batayan ng isang grupo o ng lipunan sa kabuuan kung ano ang katanggap-tanggap at kung ano ang hindi. Batayan ito kung ano ang tama at mali, maganda at kung ano ang nararapat at hindi nararapat(Mooney, 2011).Bagama’t may iba’t ibang pagpapahalaga ang bawat lipunan, marami sa pagpapahalaga ay kanilang pinagsasaluhan. Kapag ang isang situwasyon o gawain ay labag sa mga pagpapahalaga, itinuturing ito na isyu o hamong panlipunan. Norms Tumutukoy ito sa mga asal, kilos, o gawi na binuo at nagsisilbing pamantayan sa isang lipunan. Ang mga norm ang nagsisilbing batayan ng mga ugali, aksyon, at pakikitungo ng isang indibiduwal sa lipunang kaniyang kinabibilangan. Mauuri ang norms sa folkways at mores. Ang folkways ay ang pangkalahatang batayan ng kilos ng mga tao sa isang grupo o sa isang lipunan sa kabuuan. Sa kabilang banda, ang mores ay tumutukoy sa mas mahigpit na batayan ng pagkilos. Ang paglabag sa mga mores ay magdudulot ng mga legal na parusa (Mooney, 2011). Ang kawalan ng batayan ng pagkilos sa isang lipunan ay maaaring magdulot ng kaguluhan. Halimbawa, ang mga batas trapiko ay inilaan upang magkaroon ng kaayusan at kaligtasan ang mga tao sa lansangan. Batayan ito ng pagkilos ng mga tao. Ang hindi pagsunod sa mga batas na ito ay may kaukulang kaparusahan. Simbolo (Symbols) Ang simbolo ay ang paglalapat ng kahulugan sa isang bagay ng mga taong gumagamit dito. (White, 1949) Kung walang simbolo, walang magaganap na komunikasyon at hindi rin magiging posible ang interaksiyon ng mga tao sa lipunan. Ang mga halimbawa ng simbolo ay wika, mga pagkumpas (gestures), at iba pang bagay na nauunawan ng mga miyembro ng isang lipunan.Halimbawa, isang gawi ng mga Pilipino ang pagmamano. Ang gawing ito ay sumisimbolo sa isang paraan ng pagpapakita ng paggalang ng mga Pilipino sa mga nakatatanda. Isang pampublikong usapin ang isyung panlipunan. Samakatuwid, nakaaapekto ito hindi lamang sa isang tao sa lipunan kundi sa malaking bahagi mismo ng nasabing lipunan. Karaniwang ang mga isyung panlipunan ay sumasalamin sa mga suliraning kinakaharap ng lipunan. Walang maituturing na iisang depinisyon ang suliraning panlipunan subalit lubusang maunawaan ito gamit ang Sociological Imagination. Ang Sociological Imagination Sa pag-aaral ng mga hamon at isyung panlipunan, mahalaga ang pag-unawa sa mga istrukturang bumubuo rito maging ang kulturang naglalarawan sa isang lipunan. Mahalaga ring makita ng bawat isa ang kaugnayan ng istrukturang panlipunan at kultura sa pagkakaroon ng mga suliranin at isyung panlipunan. Ayon kay C. Wright Mills (1959), mahalagang malinang ang isang kakayahang makita ang kaugnayan ng mga personal na karanasan ng isang tao at ang lipunang kanyang ginagalawan. Tinawag niya itong Sociological Imagination. Kapag nalinang sa atin ang abilidad na ito, masusuri natin ang koneksiyon at interseksiyon ng mga isyung personal at isyung panlipunan. Mahalaga rin ito sa pagbibigay ng koneksyon sa mga pangyayari sa ating buhay bilang isang indibiduwal at sa pangkalahatang kaganapan sa lipunang ating ginagalawan. Isang halimbawa nito ang problemang kinakaharap ng mga Pilipino sa usaping pantrapiko lalo na sa Kamaynilaan at mga karatig-lugar. Sa simula, maaaring isisi sa tao ang pagiging huli niya sa pagpasok sa paaralan, subalit kung susuriin ang isyung ito, masasabing ang palagiang pagpasok nang huli ay bunga ng malawakang suliraning pantrapiko. Kung gagamitin ang Sociological Imagination, maiuugnay na hindi lamang personal na isyu ang dapat harapin kundi isang isyung panlipunan na nakaaapekto sa isang indibiduwal. Isyung Personal at Isyung Panlipunan Ano nga ba ang kaibahan ng isyung personal at isyung panlipunan? Ang mga isyung personal ay sinasabing nagaganap sa pagitan ng isang tao at ilang malalapit sa kanya. Ang solusyon sa isang isyung personal ay nasa kamay ng indibiduwal. Maituturing ang isyung ito na pribadong bagay na nararapat solusyunan sa pribadong paraan. Samantala ang isyung panlipunan ay isang pampublikong bagay. Karaniwang kaugnay ito ng krisis o suliranin sa mga institusyong panlipunan. Mga suliranin ito na nakakaapekto hindi lamang sa isang tao kundi sa lipunan sa kabuuan. Mahalagang malaman mo na sa kabila ng pagkakaiba ng isyung personal at isyung panlipunan, ang dalawang ito ay magkaugnay. Isang halimbawa nito ay ang mga hamon at isyung pangkapaligiran. Ang makalat na bakuran ay isang halimbawa ng isyung personal subalit kung ang isang barangay o bayan ay magiging makalat dulot ng kawalan ng maayos na sistema ng pagtatapon ng basura, ito ay maituturing na isyung panlipunan. Idagdag pa rito ang masamang epekto sa kalusugan at ekonomiya ng isang lugar kung ito ay mabaho, makalat, at walang maayos na sistema ng pagtatapon ng basura. Mayroon ding mga isyu na may kaugnayan sa ekonomiya. Isang magandang halimbawang ibinigay ni C. Wright Mills (1959) ng pagkakaiba ng isyung personal at isyung panlipunan ay tungkol sa kawalan ng trabaho. Kung sa isang komunidad na may 100,000 mamamayang maaaring maghanapbuhay ay may isang walang trabaho, maaring ituring ito bilang isang isyung personal. Subalit kung sa isang lipunang mayroong 50 milyong tao at 15 milyon sa mga ito ay walang trabaho, maaari itong ituring na “isyung panlipunan”. Sa malalim na pagtingin, maaaring maging kongklusyon na may kakulangan sa lipunan o istruktura nito na nagdudulot ng kawalan ng trabaho ng maraming mamamayan dito. Mayroon din namang ilang pangyayari na maituturing na isyung panlipunan subalit makikita ang epekto sa personal na buhay ng isang tao. Ang mga digmaan ay maituturing na isyung panlipunan subalit hindi maikakaila ang epekto nito maging sa personal na buhay ng mga tao sa lipunang puno ng kaguluhan at karahasan. Gamit ang kasanayan na Sociological Imagination, bilang bahagi ng lipunang iyong ginagalawan, mahalagang maunawaan mo na ang mga personal na isyung nararanasan mo ay may kaugnayan sa isyu at hamong panlipunan. Hindi rin maikakaila na mayroon kang mahalagang papel na gagampanan sa pagtugon sa mga isyu at hamong kinahaharap ng lipunan sa kasalukuyan. MGA HAMONG PANGKAPALIGIRAN Noong Hunyo 2014, idineklara ng lokal na pamahalaan ng Albay ang zero casualty sa kanilang lalawigan na isa sa sinalanta ng malakas na bagyong Glenda (Andrade, 2014). Ibig sabihin, sa kabila ng pagtama ng malakas na bagyo, walang namatay sa nasabing probinsiya. Marami ang pumuri sa tagumpay na ito ng mga taga-Albay dahil kadalasan, nagdudulot ng malawakang pinsala sa buhay at ari-arian ang malalakas na bagyong nararanasan sa ating bansa. Paano kaya nila ito nagawa? Nagkataon lang ba o ito ay dulot ng masusi at maayos na paghahanda? Ang pagiging handa sa pagharap sa mga hamong pangkapaligiran ay mahalaga dahil sa kasalukuyan itinuturing ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may mataas na posibilidad na makaranas ng iba’t ibang kalamidad at suliraning pangkapaligiran. Ang mga Suliranin at HamongPangkapaligiran Gaano nga ba kahalaga ang likas na yaman? Natutuhan mo sa pag-aaral ng Ekonomiks na isa ang likas na yaman sa tinatawag na salik ng produksiyon. Mahalaga ito dahil dito kumukuha ng mga hilaw na materyales upang gawing produkto at pinagmumulan din ito ng iba’t ibang hanapbuhay. Sa katunayan, humigit kumulang sa 65 milyong Pilipino ang umaasa sa likas na yaman para mabuhay. Ilan sa mga pangunahing hanapbuhay nila ay ang pagsasaka at pangingisda na bumubuo sa halos 20% ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas noong 2014. Kasama din dito ang 1.4% mula sa yamang-gubat, at 2.1% mula sa pagmimina. Ang likas na kagandahan ng Pilipinas ay isa sa mga dahilan kung bakit ang turismo ay nagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino. Makikita sa mga nabanggit na situwasiyon ang kahalagahan ng likas na yaman at kalikasan sa ating pamumuhay. Ngunit, sa kabila nito ay tila hindi nabibigyang-halaga ang pangangalaga sa ating kalikasan. Sa kasalukuyan ay malaki ang suliranin at hamong kinahaharap ng ating bansa dahil sa pang-aabuso at pagpapabaya ng tao sa kalikasan. Ang kapabayaang ito ay nagpapalala sa mga natural na kaganapan tulad ng pagkakaroon ng malalaakas na bagyo, pagguho ng lupa, at malawakang pagbaha. Sa huli, ang mga mamamayang umaasa sa kalikasan para mabuhay ang siya ring nakararanas ng hindi mabuting epekto sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay. Ilan sa mga suliranin at hamong pangkapaligiran sa Pilipinas ay ang sumusunod: 1. Suliranin sa Solid Waste Tumutukoy ang solid waste sa mga basurang nagmula sa mga tahanan at komersyal na establisimyento, mga basura na nakikita sa paligid, mga basura na nagmumula sa sektor ng agrikultura at iba pang basurang hindi nakakalason (Official Gazette, 2000). Ayon sa pag-aaral ni Oliveira at mga kasama (2013), ang Pilipinas ay nakalikha ng 39,422 tonelada ng basura kada araw noong taong 2015. Halos 25% ng mga basura ng Pilipinas ay nanggagaling sa Metro Manila kung saan ang isang tao ay nakalilikha ng 0.7 kilong basura araw-araw. Mas mataas ito ng 130% kaysa sa world average (National Solid Waste Management,2016). Ang malaking bahagdan ng itinatapong basura ng mga Pilipino ay mula sa mga tahanan na mayroong 56.7%. Samantalang pinakamalaki naman sa uri ng tinatapong basura ay iyong tinatawag na bio-degradable na may 52.31% (National Solid Waste Management Status Report,2015). Mayroong iba’t ibang dahilan kung bakit may problema ang Pilipinas sa solid waste. Isa na rito ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura. Tinatayang 1500 tonelada ng basura ang itinatapon sa mga ilog, estero, kalsada, bakanteng lote, at sa Manila Bay na lalong nagpapalala sa pagbaha at paglaganap ng mga insekto na nagdudulot naman ng iba’t ibang sakit. Bagama’t ipinagbabawal, madami pa rin ang nagsusunog ng basura na nakadaragdag sa polusyon sa hangin. Nadaragdagan din ang trabaho ng mga waste collector dahil kailangan nilang magsagawa ng waste segregation bago dalhin ang mga nakolektang basura sa dumpsite, problemang maaari sanang maiwasan kung mahigpit na ipinatutupad sa mga kabahayan at mga pampublikong lugar ang waste segregation. Samantala, ang mga dumpsite sa Pilipinas, partikular sa Metro Manila, ay nagdudulot din ng panganib sa mga naninirahan dito. Sa ulat na pinamagatang The Garbage Book (Asian Development Bank, 2004) ang leachate o katas ng basura mula sa Rodriguez at Payatas dumpsite na dumadaloy patungo sa ilog ng Marikina at Ilog Pasig hanggang sa Manila Bay ay nagtataglay ng lead at arsenic na mapanganib sa kalusugan ng tao. Panganib din ang dulot ng pamumulot ng basura sa kalusugan at buhay ng halos 4,300 na waste pickers sa mga dumpsite sa Metro Manila at sa maraming iba pa na pakalat- kalat at nagkakalkal sa mga tambak ng basura. Apektado din ang pag-aaral ng mga kabataang waste pickers bukod pa sa posibilidad na sila ay magkasakit, maimpluwensiyahan na gumawa ng ilegal na gawain, o kaya ay mamatay. Matatandaan na ipinasara ang Payatas dumpsite matapos ang trahedya na naganap noong Hulyo 2000 kung saan maraming bahay ang natabunan nang gumuho ang bundok ng basura dahil sa walang tigil na ulan. Nasundan pa ito ng sunog na ikinamatay ng 205 katao. Isa pang lumalaking suliranin ng Pilipinas ay ang tamang pagtatapon ng electronic waste o e-waste tulad ngcomputer, cellphone, at tv. Lumabas sa pagsusuri na ginawa ng Global Information Society (2010), na humigit kumulang sa anim na toneladang e-waste ang tinatapon sa landfill na siyang kinukuha ng mga waste pickers upang ipagbili ang anomang bahagi nito na mapapakinabangan. Subalit ang mga ginagawang pamamaraan tulad ng pagsunog upang makuha ang tanso, at pagbabaklas ng e-waste ay nagdudulot ng panganib dahil pinagmumulan ito ng mga delikadong kemikal tulad ng lead, cadmium, barium, mercury, at polyvinyl chloride na nakalalason ng lupa at maging ng tubig(Mooney, Knox, & Schacht, 2011). Ang mga nabanggit na suliranin sa solid waste ay pinagtutulungang solusyunan ng iba’t ibang sektor. Ipinatupad ng pamahalaan ang Republic Act 9003 o kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 upang magkaroon ng legal na batayan sa iba’t ibang desisyon at proseso ng pamamahala ng solid waste sa bansa (Official Gazette, 2000). Isa sa mga naging resulta ng batas ay ang pagtatayo ng mga Materials Recovery Facility (MRF) kung saan isasagawa ang waste segregation bago dalhin ang nakolektang basura sa mga dumpsite. Maraming barangay ang tumugon sa kautusang ito, sa katanuyan mula sa 2,438 noong 2008 ay tumaas ang bilang ng MRF sa 8,656 noong 2014 (National Solid Waste Management Status Report, 2015). Iniulat din ng National Solid Waste Management Commission ang ilan sa best practices ng mga Local Government Units (LGUs) sa pamamahala sa solid waste. Mayroon ding suporta na nanggagaling sa mga NGO upang mabawasan ang suliranin sa solid waste sa Pilipinas. Ilan sa mga ito ay sumusunod: Mother Earth Foundation - tumutulong sa pagtatayo ng MRF sa mga barangay. Clean and Green Foundation- kabahagi ng mga programa tulad ng Orchidarium and Butterfly Pavilion, Gift of Trees, Green Choice Philippines, Piso Para sa Pasig, at Trees for Life Philippines(Kimpo, 2008). Bantay Kalikasan – paggamit ng media upang mamulat ang mga mamamayan sa suliraning pangkapaligiran. Nanguna sa reforestation ng La Mesa Watershed at sa Pasig River Rehabilitation Project. Greenpeace – naglalayong baguhin ang kaugalian at pananaw ng tao sa pagtrato at pangangalaga sa kalikasan at pagsusulong ng kapayapaan Sa kabila ng mga nabanggit na batas at programa ay nananatili pa rin ang mga suliranin sa solid waste sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, ang pinakamalaking hamon ay ang pagpapatupad ng batas at pagbabago ng pag-uugali ng mga Pilipino sa pagtatapon ng basura. Nangangailangan pa nang mas malawak na suporta at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang tuluyang mabigyan ng solusyon ang suliraning ito dahil ang patuloy na paglala nito ay lalong magpapabigat sa iba pang suliraning pangkapaligiran na ating nararanasan. Pagkasira ng mga Likas na Yaman Ang Pilipinas ay isa mga bansa na biniyayaan ng maraming likas na yaman. Tinatayang 15% ng kabuuang kita ng Pilipinas noong 2010 ay kita mula sa direktang paggamit ng mga likas na yaman, halimbawa nito ay ang pagtatanim at pangingisda. Mahalaga din ang likas na yaman bilang sangkap sa paggawa ng produkto na ginagamit sa iba’t ibang sektor tulad ng industriya at paglilingkod, halimbawa, ang mga computer, sasakyan, makina, at pagkain ay naggawa mula sa mga likas na yaman. Tunay na napakahalaga ng likas na yaman sa ekonomiya ng isang bansa. Sa kasalukuyan, patuloy na nasisira at nauubos ang likas na yaman ng Pilipinas dahil sa mapang-abusong paggamit nito, tumataas na demand ng lumalaking populasyon, hindi epektibong pagpapatupad ng mga programa at batas para sa pangangalaga sa kalikasan, at mga natural na kalamidad. Matutunghayan sa susunod na bahagi ng aralin ang mga kalagayan ng ilan sa mga likas na yaman ng ating bansa. Yamang mineral – 1.3% ng GDP o 97.1 bilyong piso noong 2009 ay mula sa kita sa pagmimina. Biodiversity – noong 2008 nasa 221 species ng fauna 526 species ng flora ang nailista bilang mga threatened species. 2.1 Suliranin sa Yamang Gubat Maraming benepisyo ang nakukuha natin mula sa kagubatan. Ito ang tahanan ng iba’t ibang mga nilalang na nagpapanatili ng balanse ng kalikasan, mahalagang mapanatili ang balanseng ito dahil kung patuloy na masisira ito ay maapektuhan din ang pamumuhay ng tao. Nagmumula din sa kagubatan ang 63 iba’t ibang produkto tulad ng tubig, gamot, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan ng tao. Mayroon ding mga industriya na nagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan na nakasalalay sa yamang nakukuha mula sa kagubatan (Philiipine Tropical Forest Conservation Foundation, 2013). Sa kabila ng kahalagan, pinangangambahan na maubos o masira ang kagubatan ng Pilipinas kung magpapatuloy ang deforesataion. Ayon sa Food and Agriculuture Organization ng United Nations, ang deforestation ay tumutukoy sa matagalan o permanenteng pagkasira ng kagubatan dulot ng iba’t ibang gawain ng tao o ng mga natural kalamidad (FAO, 2010). Nagsimula ang deforestation sa Pilipinas noon pang 1500s kung saan ang noo’y 27 milyong ektarya ng kagubatan ay naging 7.2 milyong ektarya na lamang ngayong 2013 (Philippine Climate Change Commission, 2010). Sa katunayan sa ulat ni dating DENR officer-in-charge Demetrio Ignacio, lumabas na ang 24% kagubatan ng Pilipinas ay pangalawa sa pinakamaliit sa mga bansa sa Timog silangang Asya (Andrade, 2013). Higit na mababa ang ulat na inilabas ng European Union Joint Research Centre kung saan gamit ang satellite-based image, nasabi nila na mayroon na lamang 19% ang kagubatan ng Pilipinas (Country delegate to the European Commission, 2009). Sa ulat na pinamagatang Status of Philippine Forests ( 2013) ay inisa-isa nito ang mga dahilan at epekto ng deforestation sa Pilipinas. Ito ay ang sumusunod: Ang pangkalahatang epekto ng deforestation ay nararanasan ng mga mamamayan lalo na yaong mga mahihirap na umaasa lamang sa kagubatan. Ang patuloy na pagliit ng forest cover ay nagpapaliit din sa pinagkukunan nila ng kabuhayan. Sa mga nakalipas na taon ay mayroong iba’t ibang batas, kautusan, programa at proyekto na isinagawa sa Pilipinas mula sa pagtutuluungan ng pamahalaan at iba’t ibang sektor ng lipunan upang mapangalagaan ang kagubatan. Makikita ito sa timeline na nahahati sa tatlong bahagi: ang una ay noong panahon ng pananakop mula (1910-1945); panahon matapos ang digmaan (1946-mid 1970s), at 1970-hanggang sa kasalukuyan. Ang mga impormasyon sa timeline na ito ay hango sa aklat na pinamagatang One century of forest rehabilitation in the Philippines (Chokkalingam et al., 2006), sa ulat na pinamagatang Philippine Forest and Wildlife Law Enforcement (Oliva, 2007) at sa opisyal na website ng Forest Management Bureau. Sa kasalukuyan, isa sa maituturing na tagumpay ng pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, NGO, at mga mamamayan ay ang unti-unting pagbuti ng kalagayan ng kagubatan ng Pilipinas. Ayon sa ulat ng United Nations Food and Agriculture Organization (FAO), noong 2015 ay panlima ang Pilipinas sa 234 na bansa na may malawak na lupaing napapanumbalik sa kagubatan (Galvez, 2016).

Use Quizgecko on...
Browser
Browser