Nagkamali ng Utos (PDF)
Document Details
Uploaded by HalcyonProtactinium
Tags
Summary
Ang kwento ay tungkol sa isang prinsesa tutubi na lumabas sa kaniyang kaharian at nakaranas ng mga pagsubok sa pakikipag-ugnayan sa mga matsing. Ang kwento ay nagpapakita ng pakikipagsapalaran at pagkakaisa.
Full Transcript
Nagkamali ng Utos Sa malayong kaharian ng mga tutubi ay may naninirahang isang prinsesang tutubi. Siya’y bugtong na anak nina Haring Tubino at Reyna Tubina ng kahariang Matutubina. Mahal na mahal ng hari at reyna ang anak nila. Sinasabing ipaglalaban ng buong kaharian ang anumang kaapihan n...
Nagkamali ng Utos Sa malayong kaharian ng mga tutubi ay may naninirahang isang prinsesang tutubi. Siya’y bugtong na anak nina Haring Tubino at Reyna Tubina ng kahariang Matutubina. Mahal na mahal ng hari at reyna ang anak nila. Sinasabing ipaglalaban ng buong kaharian ang anumang kaapihan ni Prinsesa Tutubi. Si Prinsesa Tutubi ay mahilig mamasyal at magpalipad-lipad sa papawirin. Lagi niyang kasa-kasama ang kaniyang mga piling dama at mga tagasubaybay na mangyari pa ay pawang mga tutubi rin. Isang araw, naisipan niyang lumipad patungo sa labas ng kaharian. Ibig niyang alamin kung ano ang daigdig sa labas ng kanilang kaharian. Tumakas siya sa kaniyang mga dama at tagasubaybay. Mag-isa niyang nilakbay ang malawak na papawirin. Maligayang-maligaya si Prinsesa Tutubi. Umaawit-awit pa siya sa kaniyang paglipad. Wiling-wili siya sa lahat ng kaniyang nakikita.Totoong nalibang si Prinsesa Tutubi at hindi niya napansin ang pamumuo ng maiitim na ulap sa papawirin. Huli na nang ito ay mapuna ni Prinsesa Tutubi. Mabilis man siyang lumipad pabalik sa kaharian ay inabutan din siya ng malakas na ulan. “Titigil muna ako sa punongkahoy na ito”, ang sabi sa sarili ng prinsesa. Ngunit sa punongkahoy pala namang iyon ay maraming mga matsing. Pinaalis nilang pilit ang nakikisilong na tutubi. Bawat dapuang sanga ni Prinsesa Tutubi ay niyuyugyog ng mga matsing. Hindi lamang iyon. Pinagtawanan pa nila ang prinsesa. “Kra-kra-kra! Nakatatawa. Malaki pa sa kaniyang tuhod ang kaniyang mga mata.” ang malakas na sabi ng isa. Sinundan ito ng malakas na hagikgikan ng mga matsing. Sa laki ng galit ni Prisesa Tutubi umuulan pa ay umalis na siya sa punongkahoy na iyon at lumipad pauwi sa palasyo.Tuloy-tuloy siya sa silid ng kaniyang amang hari. Kaniyang isinumbong kay Haring Tubino ang mga matsing. Laking galit ng hari. Nagpatawag agad ang hari ng isang kawal. “Pumunta ka ngayon din sa kaharian ng mga matsing,” ang utos niya sa kawal. “Sabihin mong dahil sa ginawa nila sa aking anak na Prinsesa, gusto kong hamunin ang kaharian ng mga matsing sa isang labanan.” Mabilis na lumipad ang inatasang kawal. Pagdapo niya sa kaharian ng mga matsing ay walang paligoy-ligoy niyang sinabi ang kaniyang pakay. Malakas na tawanan ng mga matsing ang naging sagot sa pahayag ng kawal na tutubi. “Mga tutubi laban sa mga matsing! Ha-ha-ha-ha!” Muling nagtawanan ang mga matsing. “ Nakakatawa, ngunit pagbibigyan namin ang iyong hari,” ang sabi ng pinuno. “ Ang mga matsing laban sa mga tutubi!”. Nagtawang muli ang mga matsing. “Kailan at saan gaganapin ang labanan?” ang tanong ng pinuno. “Bukas ng umaga sa gitna ng parang!” ang tugon ng kawal. “Magaling! Bukas ng umaga sa gitna ng parang, kung gayon,” ang masiglang pag-ulit ng matsing sa sinabi ng tutubi. Bumalik sa kanilang kaharian ang kawal na tutubi at ibinalita sa Haring Tubino ang naging katugunan ng mga matsing. Kinabukasan naroroon na sa isang panig ng parang ang hukbo ng mga matsing. Anong daming matsing. Waring ang buong kamatsingan ay naroroon at pawang sandatahan. Bawat isa ay may dalang putol ng kahoy na pamukpok. Nasa kabilang panig naman ng parang ang makapal na hukbo ng mga manlilipad na tutubi. “Kailangang pukpukin ninyo ang bawat makitang tutubi,” ang malakas na utos ng haring matsing. Sa kabilang dako naman ay ibinigay na rin ng pinuno ng mga tutubi ang kaniyang utos. “Dapat nating ipaghiganti ang kaapihan ni Prinsesa Tubina. Kailangang magbayad ang mga matsing. “Dumapo sa ulo ng mga matsing. Kapag may panganib ay dagling lumipad,” ang malinaw at marahan niyang utos. Nagsalubong sa gitna ng parang ang mga manlilipad na tutubi at ang hukbo ng sandatahang matsing. Buong-buo ang pagtitiwala ng mga sandatahang matsing sa kanilang sandatang pamukpok. Matatapang din namang sumunod ang mga kawal na tutubi palibhasa ay nais nilang ipaghiganti ang kaapihan ng prinsesa at ng buong kahariang Matutubina. Nagsimula ang labanan. Dapo at lipad, dapo at lipad ang mga tutubi. Pukpok dito, pukpok doon naman ang mga matsing. Kung tatanawin buhat sa malayo ang labanan, ay wari bang matsing laban sa matsing. Nakita ng pinuno ng mga matsing ang pangyayari. Nagkamali siya ng utos. Hindi nalaman agad na sa ulo pala ng kaniyang mga kawal darapo ang maliliksing tutubi. Babaguhin sana niya ang kaniyang utos, subalit huli na ang lahat. Isang kawal na matsing ang pilit na pinukpok pa ang tutubi sa ulo ng pinunong matsing. Kayat nang matapos ang labanan ay nakabulagtang lahat ang mga matsing. Samantala, walang sinumang tinamaan sa mga mabilis umiwas at lumipad na mga tutubi. Naipaghiganti nila ang pagkaapi ng kanilang prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.