Buod ng mga Aralin sa Ikalawang Markahan (Tagalog) PDF

Summary

Ang dokumentong ito ay naglalaman ng buod ng mga aralin sa ikalawang markahan. Tinalakay dito ang konsepto ng globalisasyon, kabilang ang mga dahilan, epekto, at implikasyon nito. Mayroon din itong mga kaugnay na tanong at konseptong tinalakay.

Full Transcript

**MODYUL 2: MGA ISYUNG PANG-EKONOMIYA** **ARALIN 1: Globalisasyon: Konsepto at Perspektibo** **PAKSA I:** **Paksa: Globalisasyon: Konsepto at Perspektibo** **KONSEPTO: GLOBALISASYON** Isa sa mga pangyayaring lubusang nakapagpabago sa buhay ng tao sa kasalukuyan ay ang globalisasyon. Mula paggisi...

**MODYUL 2: MGA ISYUNG PANG-EKONOMIYA** **ARALIN 1: Globalisasyon: Konsepto at Perspektibo** **PAKSA I:** **Paksa: Globalisasyon: Konsepto at Perspektibo** **KONSEPTO: GLOBALISASYON** Isa sa mga pangyayaring lubusang nakapagpabago sa buhay ng tao sa kasalukuyan ay ang globalisasyon. Mula paggising, pagpasok sa paaralan, panonood ng telebisyon at maging sa hapag-kainan ay mababanaag ang manipestasyong ito. Ngunit, kailan at paano nga ba nagsimula ang pandaigdigang penomenong ito? Paano nito binago ang ating pamumuhay? Ang globalisasyon ay proseso ng mabilisang pagdaloy o paggalaw ng mga tao, bagay, impormasyon at produkto sa iba't ibang direksiyon na nararanasan sa iba't ibang panig ng daigdig. (Ritzer, 2011) Sinasalamin nito ang makabagong mekanismo upang higit na mapabilis ng tao ang ugnayan sa bawat isa. Itinuturing din ito bilang proseso ng interaksyon at integrasyon sa pagitan ng mga tao, kompanya, bansa o maging ng mga samahang pandaigdig na pinabibilis ng kalakalang panlabas at pamumuhunan sa tulong ng teknolohiya at impormasyon. Hindi na bago ang globalisasyon. Hitik ang kasaysayan sa ugnayan ng mga tao sa pamamagitan ng kalakalan sa iba't ibang panig ng daigdig. Sa katunayan, marami sa katangian ng globalisasyon sa kasalukuyan ay may pagkakatulad sa globalisasyong naganap bago sumiklab ang Unang Digmaang Pandaigdig ng taong 1914. Higit na pinabilis ng pag-unlad ng teknolohiya at mga polisiyang ipinatupad sa nagdaang mga taon ang palitan ng mga kalakal at serbisyo, pamumuhunan at maging ng migrasyon. Simula ng taong 1950 halimbawa, ang volume ng pandaigdigang kalakalan ay tumaas ng 20 ulit at mula taong 1997 hanggang 1999 ang dayuhang pamumuhunan ay dumoble mula sa \$468 bilyon patungong \$827 bilyon. Batay sa inilabas ng World Trade Statistical Review ng World Trade Organization sa taong 2016, ang halaga ng mga produktong naipagbili noong 2015 ay umabot ng \$16 na trilyon samantalang nakapagtala ng humigit na \$4 na trilyon naman sa serbisyong komersyal. Bagamat bumaba ng kaunti kung ihahambing sa taong 2014, ito ay halos doble naman sa naitala noong 2005 Kung ihahambing sa nagdaang panahon, ang globalisasyon sa kasalukuyan ayon kay Thomas Friedman ay higit na 'malawak, mabilis, mura, at malalim'. Ayon sa kanyang aklat na pinamagatang 'The World is Flat' na nailathala noong taong 2006, 'Any job- blue or white collar- that can be broken down into a routine and transformed into bits and bytes can now be exported to other countries where there is a rapidly increasing number of highly educated knowledge workers who will work for a small fraction of the salary of a comparable American worker.' Ang nasabing katangian ay bunsod ng mga polisiyang nagbukas sa ekonomiya ng mga bansa. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, partikular sa nagdaang dalawang dekada, marami sa mgabansa ang gumamit ng kapitalismo bilang sistemang pang-ekonomiya na nagbigay daan sa mas malawak na kalakalang internasyunal at pamumuhunan. Gamit ang kahulugan ng globalisasyon ay maaari tayong magbigay ng karagdagang mga tanong na makatutulong sa atin upang higit na maunawaan ito. - Ano-anong produkto at bagay ang mabilis na dumadaloy o gumagalaw? Electronic gadgets, makina o produktong agrikultural? - Sino-sinong tao ang tinutukoy rito? Manggagawa ba tulad ng skilled workers at propesyunal gaya ng guro, engineer, nurse o caregiver? - Anong uri ng impormasyon ang mabilisang dumadaloy? Balita, scientific findings and breakthroughs, entertainment o opinyon? - Paano dumadaloy ang mga ito? Kalakalan, Media o iba pang paraan? - Saan madalas nagmumula at saan patungo ang pagdaloy na ito? Mula sa mauunlad na bansa patungong mahihirap na bansa o ang kabaligtaran nito? - Mayroon bang nagdidikta ng kalakarang ito? Sino? United States, China, Germany, Japan, Argentina, Kenya o Pilipinas? Isyu nga bang maituturing ang globalisasyon? Bakit? Sa mga kaisipang nabanggit, ang globalisasyon ay tinitingnan bilang isang pangmalawakang intergrasiyon o pagsasanib ng iba't ibang prosesong pandaigdig. Ngunit hindi nangyayari ito sa lahat ng pagkakataon sapagkat may mga pangyayaring nakapagpapabagal nito. Suriin natin ang terorismo na isang hamong pandaigdig bilang halimbawa. Dahil sa mabilisang ugnayan at migrasyon ng mga tao sa iba't ibang panig ng daigdig, ang terorismo ay mabilis ding nakapagdudulot ng malaking pinsala sa buhay, ari-arian at institusyong panlipunan. Mabilis na tumugon ang mga bansa sa banta ng terorismo sa pamamagitan ng palitan ng mga impormasyon at kolaborasyon na naging dahilan ng pagkakabuo ng mga mahigpit na polisiya at patakaran tungkol sa migrasyon na nagpabagal naman ng integrasyong sosyokultural.Nariyan ang iba't ibang paalala o advisories na ipinalalabas ng mga bansa sa mga turista nito sa ilang mga bansa tulad ng Pilipinas. +-----------------------------------------------------------------------+ | Bakit maituturing itong isang isyu? Maituturing na panlipunang isyu | | ang globalisasyon sapagkat tuwiran nitong binago, binabago at | | hinahamon ang pamumuhay at mga perennial institusyon na matagal nang | | naitatag | | | | Perennial institutions ang pamilya, simbahan, pamahalaan at paaralan | | sapagkat ang mga ito ay matatandang institusyong nananatili pa rin sa | | kasalukuyan dahil sa mahahalagang gampanin nito. | | | | Suriin natin ang mga manipestasyong ito sa iba't ibang anyo at ang | | kaakibat nitong hamon. | +-----------------------------------------------------------------------+ **Perspektibo at Pananaw** Upang higit na maunawaan ang globalisayon bilang isang kontemporaryong isyung panlipunan, mahalagang gumamit ng mga pananaw o perspektibo sa pagsusuri nito. **May limang perspektibo o pananaw tungkol sa kasaysayan at simula ng globalisasyon.** **Una** ay ang paniniwalang ang 'globalisasyon' ay taal o nakaugat sa bawat isa. Ayon kay Nayan Chanda (2007), manipestasyon ito ng paghahangad ng tao sa maalwan o maayos na pamumuhay na nagtulak sa kaniyang makipagkalakalan, magpakalat ng pananampalataya, mandigma't manakop at maging adbenturero o manlalakbay. Ang **pangalawang** pananaw o perkspektibo ay nagsasabi na ang globalisasyon ay isang mahabang siklo (cycle) ng pagbabago. Ayon kay Scholte (2005), maraming 'globalisasyon' na ang dumaan sa mga nakalipas na panahon at ang kasalukuyang globalisasyon ay makabago at higit na mataas na anyo na maaaring magtapos sa hinaharap. Mahirap tukuyin ang panahon kung kailan nagsimula ang globalisasyon kaya higit na mahalagang tingnan ang iba't ibang siklong pinagdaanan nito. Sa kabilang banda, ang **pangatlong** pananaw ng globalisasyon ay naniniwalang may anim na 'wave' o epoch o panahon na siyang binigyang-diin ni Therborn (2005). Para sa kanya, may tiyak na simula ang globalisasyon at ito'y makikita sa talahanayan na nasa kasunod na pahina. +-----------------------------------+-----------------------------------+ | **Panahon** | **Katangian** | +===================================+===================================+ | Ika-4 hanggang ika-5 siglo | Globalisasyon ng Relihiyon | | (4th-5th Century | (Pagkalat ng Islam at | | | Kristiyanismo) | +-----------------------------------+-----------------------------------+ | Huling bahagi ng ika-15 siglo | Pananakop ng mga Europeo | | (late 15th century | | +-----------------------------------+-----------------------------------+ | Huling bahagi ng ika-18 siglo | Digmaan sa pagitan ng mga bansa | | hanggang unang bahagi ng ika-19 | sa Europa na nagbigay-daan sa | | na siglo( late 18th-early 19th | globalisasyon | | century) | | | | | | Digmaan | | +-----------------------------------+-----------------------------------+ | Gitnang bahagi ng ika-19 na siglo | Rurok ng Imperyalismong | | hanggang 1918 | Kanluranin | +-----------------------------------+-----------------------------------+ | Post-World War II | Post-World War II | | | | | | Pagkakahati ng daigdig sa | | | dalawang puwersang ideolohikal | | | partikular ang komunismo at | | | kapitalismo. | +-----------------------------------+-----------------------------------+ | Post-Cold War | Pananaig ng kapitalismo bilang | | | sistemang pang-ekonomiya. | | | Nagbigay-daan sa mabilis na | | | pagdaloy ng mga | | | produkto,serbisyo, ideya, | | | teknolohiya at iba pa sa | | | pangunguna ng United States. | +-----------------------------------+-----------------------------------+ Talahanayan na nagpapakita ng anim na panahon o epoch ng globalisasyon (Therborn, 2005) Mula sa talahanayan, itinampok ni Therborn na ang globalisasyon ay hindi isang bagong penomenon o pangyayari at hindi rin siklo. Hawig ng **ikaapat** na pananaw ang ikatlo. Ayon dito, ang simula ng globalisasyon ay mauugat sa ispesipikong pangyayaring naganap sa kasaysayan. Sa katunayan, posibleng maraming pinag-ugatan ang globalisasyon. Ilan dito ang sumusunod: - Pananakop ng mga Romano bago man maipanganak si Kristo (Gibbon 1998) - Pag-usbong at paglaganap ng Kristyanismo matapos ang pagbagsak ng Imperyong Roman - Paglaganap ng Islam noong ikapitong siglo - Paglalakbay ng mga Vikings mula Europe patungong Iceland, Greenland at Hilagang America - Kalakalan sa Mediterranean noong Gitnang Panahon - Pagsisimula ng pagbabangko sa mga siyudad-estado sa Italya noong ika-12 siglo Maaaring nagsimula ang globalisasyon: - sa kalagitnaan ng ika-20 siglo nang unang ginamit ang telepono noong 1956 - nang lumapag ang 'transatlantic passenger jet' mula New York hanggang London. - Maaari rin namang nagsimula ito nang lumabas ang unang larawan ng daigdig gamit ang satellite ng taong 1966. - Mayroon ding nagsasabi na ang globalisayon ay nagsimula noong taong 2001 nang pabagsakin ng mga terorista ang Twin Towers sa New York. Ang pangyayaring ito ay gumising sa marami na kinakailangan ang higit na pag-aaral sa isang 'global' na daigdig. Ang **huling** pananaw o perspektibo ay nagsasaad na ang globalisasyon ay penomenong nagsimula sa kalagitnaan ng ika-20 siglo Tatlo sa mga pagbabagong naganap sa panahong ito ang sinasabing may tuwirang kinalaman sa pag-usbong ng globalisasyon. Ito ay ang: **1. Pag-usbong ng Estados Unidos bilang global power matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig** Ipinakita ng Estados Unidos sa daigdig ang kaniyang lakas-militar nang talunin ang Japan at Germany sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naungusan ang France at Great Britain sa usaping pang-ekonomiya at sakupin ang mga Asyanong bansang Korea (taong 1950) at Vietnam (taong 1960-70). **2. Paglitaw ng mga multinational at transnational corporations (MNcs and TNCs)** Bagamat ang mga makapangyarihang korporasyon sa daigdig ay nagsimula noong ika-18 hanggang ika-19 na siglo mula sa Germany, Great Britain at United States, marami sa mga ito ay kasalukuyang nagtutuon ng pansin sa ibang bansa partikular sa mga developing nations. Isa sa mga halimbawa nito ay ang Ford at General Motors. Dati'y mamimili ng sariling bansa ang pokus ng mga kompanyang ito subalit sa kasalukuya'y malaking bahagdan o porsyento ng kanilang kita ay nanggagaling sa mga bansa sa Asya at Latin America. (Tatalakayin ang isyung ito sa mga susunod na bahagi.) **3. Pagbagsak ng Soviet Union at ang pagtatapos ng Cold War** Sinasabing ang pagbagsak ng 'Iron Curtain' at ng Soviet Union noong 1991 ang naghudyat sa pag-usbong ng globalisasyon. Matapos ang pangyayaring ito'y mabilis na nabura ang markang naghahati at naghihiwalay sa mga bansang komunista at kapitalista. Pumasok ang mga multinational companies (MNCs) sa mga bansang dating sakop ng USSR tulad ng Ukraine, Estonia at Latvia. Nagbukas ang mga bansang ito sa migrasyon, media, turismo at ugnayang panlabas**.** **Paksa 2: Anyo ng Globalisasyon** Sentro sa isyung globalisasyon ang ekonomiya na umiinog sa kalakalan ng mga produkto at serbisyo. Mabilis na nagbago ang paran ng palitan ng mga produkto at serbisyo sa pagitan ng mga bansa sa daigdig sa nagdaang siglo. Kinakitaan ito ng pag-usbong ng malalaking korporasyon na ang operasyon ay nakatuon hindi lamang sa bansang pinagmulan kundi maging sa ibang bansa. **A.GLOBALISASYONG EKONOMIKO** **1. Multinational at Transnational Companies** Kilala ang mga ito bilang multinational companies (MNCs) at transnational companies (TNCs). Ayon sa United Nations Commission on Transnational Corporations and Investment ang **TNC ay tumutukoy sa mga kompanya o negosyong nagtatatag ng pasilidad sa ibang bansa.** Ang kanilang serbisyong ipinagbibili ay batay sa pangangailangang lokal. Binibigyang kalayaan na magdesisyon, magsaliksik, at magbenta ang mga yunit na ito ayon na rin sa hinihingi ng kanilang pamilihang lokal. Marami sa kanila ay **kompanyang petrolyo, I.T. consulting, pharmaceutical,** at mga kauri nito. Halimbawa nito ang kompanyang **Shell, Accenture, TELUS International Phils., at Glaxo-Smith Klein** (halimbawang produkto ay sensodyne at panadol). Samantala, ang **MNC ay ang pangkalahatang katawagan na tumutukoy sa mga namumuhunang kompanya sa ibang bansa ngunit ang mga produkto o serbisyong ipinagbibili ay hindi nakabatay sa pangangailangang lokal ng pamilihan.** Ilang halimbawa nito ay ang Unilever, Proctor & Gamble, Mc Donald's, Coca-Cola, Google, UBER, Starbucks, Seven-Eleven, Toyota Motor, Dutch Shell, at iba pa. Dinala ng mga korporasyong nabanggit ang mga produkto at serbisyong naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Matatagpuan ang mga nasabing kompanya o korporasyon sa iba't ibang panig ng daigdig. Marami sa mga ito ay pag-aari ng mga lokal at dayuhang namumuhunan na nagtataglay ng malaking kapital. Sa katunayan, batay sa datos ng International Monetary Fund, ang ilan sa mga MNCs at TNCs ay higit pa ang kinikita sa Gross Domestic Product (GDP) ng ilang mga bansa. Suriin ang talahanayan sa ibaba na nagpapakita ng mga kompanya at bansa kasama ang kanilang kaukulang kita sa taong 2011. Kompanya Kita Bansa GDP -------------------- ------------------ ------------- ------------------ Yahoo \$6.32 billion Mongolia \$6.13 billion Visa \$8.07 billion Zimbabwe \$7.47 billion Visa \$9.16 billion Madagascar \$8.35 billion Nike \$19.16 billion Paraguay \$18.48 billion McDonald \$24.07 billion Latvia \$24.05 billion Amazon \$32.16 billion Kenya \$32.16 billion Pepsi \$57.83 billion Oman \$55.62 billion Apple \$65.23 billion Ecuador \$58.91 billion Procter and Gamble \$79.69 Libya \$74.23 billion Ford \$128.95 billion Morocco \$103.48 billion GE \$151.63 billion New Zealand \$140.43 billion Walmart \$482 billion Norway \$414.46 billion **Batay sa talahanayan, ano kaya ang implikasyon nito sa mga bansa kung saan sila matatagpuan?** Ayon sa artikulong pinamagatang Top Filipino firms building Asean empires ng Philippine Daily Inquirer na nailathala noong Pebrero 9, 2017, ilan sa mga MNCs at TNCs sa Vietnam, Thailand at Malaysia ay pag-aari ng mga Pilipino tulad ng Jollibee, URC, Unilab, International Container Terminal Services Inc. at San Miguel Corporation. Binigyang pansin dito ang halaga ng mga nasabing korporasyon sa pamilihan ng mga bansa sa Timog Silangang Asya. Hindi lamang sa Timog Silangang Asya matatagpuan ang ilang korporasyong pag-aari ng mga Pilipino. Batay sa artikulo ni John Mangun ng pahayagang Business Mirror noong Marso 9, 2017, ilang mga korporasyong Pilipino tulad ng SM, PNB, Metro Bank, Jollibee, Liwayway Marketing Corporation, ang itinayo sa China at nakararanas ng patuloy na paglago. Malaki ang implikasyon ng pag-usbong ng mga multinational at transnational corporations sa isang bansa. Ilan sa mga ito ay ang pagdami ng mga produkto at serbisyong mapagpipilian ng mga mamimili na nagtutulak naman sa pagkakaroon ng kompetisyon sa pamilihan na sa kalaunan ay nagpapababa ng halaga ng mga nabanggit na produkto. Maituturing itong pakinabang sa mga mamimili. Bukod dito, nakalilikha rin ito ng mga trabaho para sa mga manggagawang Pilipino Ngunit kaakibat ng magandang epekto nito ay ang mga suliraning nakaaapekto sa maraming bilang ng mga Pilipino. Isa na rito ang pagkalugi ng mga lokal na namumuhunan dahil sa di-patas na kompetisyong dala ng mga multinational at transnational corporations na may napakalaking puhunan. Sa kalaunan, maraming namumuhunang lokal ang tuluyang nagsasara. Malaki rin ang kakayahan ng mga ito na impluwensyahan ang polisiya na ipinatutupad ng pamahalaan ng iba't ibang bansa tulad ng pagpapababa ng buwis, pagbibigay ng tulong-pinansyal, at maging ang pagpapagaan ng mga batas patungkol sa paggawa at isyung pangkapaligiran. Nakukuha ang mga nasabing pabor sa pamamagitan ng pananakot na ilipat ang kanilang pamumuhunan patungo sa ibang bansa. Nagbubunga ito sa kalaunan ng higit na pagyaman at paglakas ng mga nasabing MNCs and TNCs nagdudulot naman ng paglaki ng agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. Maliwanag itong natukoy sa pag-aaral ng Oxfam International sa taong 2017. Ayon sa kanilang pananaliksik, ang kinita ng sampung pinakamalalaking korporasyon sa buong mundo sa taong 2015-2016 ay higit pa sa kita ng 180 bansa. Tinukoy din sa nasabing ulat na ang yaman ng nangungunang walong bilyonaryo ay katumbas ng pinagsamasamang yaman ng 3.6 bilyong tao sa daigdig! **Paano kaya matutugunan ang mga suliraning kaakibat ng paglakas ng MNCs at TNCs?** **1. Outsourcing** Bukod sa mga nabanggit, ang pagdami ng outsourcing companies ay maituturing na manipestasyon ng globalisasyon. Hindi na bago ang konsepto ng outsourcing dahil marami na ang gumagamit nito partikular sa malalaking pribadong kompanya. **Tumutukoy ang outsourcing sa pagkuha ng isang kompanya ng serbisyo mula sa isang kompanya na may kaukulang bayad.** Pangunahing layunin nito na mapagaan ang gawain ng isang kompanya upang mapagtuunan **nila ng pansin ang sa palagay nila ay higit na mahalaga.** Isang halimbawa nito ay ang paniningil ng utang ng isang institusyong pinansyal sa mga credit card holders nito. Sa halip na sila ang direktang maningil, minabuti ng ilang kompanya na i-outsource mula sa ibang kompanya ang paniningil sa mga kliyente sa kanilang pagkakautang. Dahil dito mas napagtutuunan nila ng pansin ang higit na mahahalagang bagay tulad ng agresibong pagbebenta (aggressive marketing) ng kanilang produkto at serbisyo na nagbibigay naman ng malaking kita. Maaaring uriin ang outsourcing batay sa uri ng ibinibigay na serbisyo tulad ng Business Process Outsourcing na tumutugon sa prosesong pangnegosyo ng isang kompanya. Nariyan din ang Knowledge Process Outsourcing na nakatuon sa mga gawaing nangangailangan ng mataas na antas ng kaalamang teknikal tulad ng pananaliksik, pagsusuri ng impormasyon at serbisyong legal. Kung gagawin namang batayan ang layo o distansya na pagmumulan ng kompanyang siyang magbibigay ng serbisyo o produkto, maaaring uriin ito sa mga sumusunod: **1. Offshoring**- Pagkuha ng serbisyo ng isang kompanya mula sa ibang bansa na naniningil ng mas mababang bayad. Saksi ang Pilipinas sa ganitong uri ng outsourcing. Sa pagnanais ng mga outsourcing companies mula United States, at mga bansa sa Europe na makatipid sa mga gastusing kalakip ng nasabing serbisyo minarapat nilang kumuha ng serbisyo sa mga kompanya mula sa bansang Asyano tulad ng India at Pilipinas. Marami sa mga outsorcing companies sa bansa ay tinatawag na Business Process Outsourcing na nakatuon sa Voice Processing Services. Ilan sa mga gawaing kalakip nito ay pagbebenta ng produkto at serbisyo, paniningil ng bayad sa nagamit na serbisyo at produkto, pagkuha ng order ng isang produkto at serbisyo, pagkuha ng mga impormasyon mula sa mga mamimili na magagamit ng mga namumuhunan at mga katulad nitong gawain. Bukod sa pagkakaiba ng oras, karaniwang nagiging suliranin dito ang pagkakaiba ng wika at kultura na nakapagpapabagal ng produksyon. **2. Nearshoring-** Tumutukoy sa pagkuha ng serbisyo mula sa kompanya sa kalapit na bansa. Layunin nitong iwasan ang mga suliraning kaakibat ng offshoring sapagkat inaasahan na ang kalapit bansang pagmumulan ng serbisyo ay may pagkakahawig kung di man pagkakatulad sa wika at kultura ng bansang nakikinabang sa paglilingkod nito. **3. Onshoring-** Tinatawag ding domestic outsourcing na nangangahulugan ng pagkuha ng serbisyo sa isang kompanyang mula din sa loob ng bansa na nagbubunga ng higit na mababang gastusin sa operasyon. Tulad ng nabanggit, talamak sa Pilipinas ang offshore outsourcing sa kasalukuyan. Patunay rito ang dumaraming bilang ng call centers sa bansa na pag-aari ng mga dayuhang namumuhunan na ang ilan ay mula sa United States, United Kingdom, at Australia. Malaking bilang ng mga graduates ang nagtatrabaho sa call centers dahil na rin sa mataas na sahod na ibinibigay ng mga ito. Ayon sa Tholons, isang investment advisory firm, sa kanilang Top 100 Outsourcing Destinations for 2016, ang Manila ay pangalawa sa mga siyudad sa buong mundo (sunod sa Bangalore, India) na destinasyon ng BPO. Kasama rin sa listahan ang Cebu City (7th), Davao City (66th), Sta. Rosa City (81st), Bacolod City (85th), Iloilo City (90th), Dumaguete City (93rd), Baguio City (94th), at Metro Clark (97th). Malaki ang naitulong ng industriyang ito sa pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas. Ayon sa Information Technology and Business Process Association of the Philippines (IBPAP), pangalawa ito sa pinagkukunan ng dolyar ng bansa. Katunayan, lumikha ito ng 1.2 milyong trabaho at nagpasok ng \$22 bilyong dolyar noong taong 2015. Tinukoy ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na kung magpapatuloy ang ganitong takbo ng industriya, malalagpasan nito ang inuuwing dolyar ng mga OFW sa mga susunod na taon. Naging daan din ito sa pagkakaroon ng karagdagang kita sa maraming mga Pilipino na nagbunsod naman ng pagkakaroon ng surplus budget na nailagak sa mga institusyong pinansiyal bilang savings o investment. Iyong matatandaan na binigyang pansin sa asignaturang Ekonomiks ang halaga ng savings at investments sa pag-angat ng ekonomiya ng isang bansa. Samakatuwid, mayroong positibong dulot ang outsourcing sa pamumuhay ng mga Pilipino. **2. OFW Bilang Manipestasyon ng Globalisasyon** Kung mayroon mang isang buhay na manipestasyon ng globalisasyon sa ating bansa, ito ay ang mga manggagawang Pilipino na nangingibang-bayan upang magtrabaho o maghanapbuhay Sa katunayan, malaking bahagdan ng manggagawang Pilipino ay matatagpuan sa iba't ibang panig ng daigdig partikular sa Timogkanlurang Asya tulad ng Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates at Silangang Asya tulad ng South Korea,Japan, Taiwan, Hongkong at China Maging sa kontinente ng Europe at America tulad ng Canada at United States ay kakikitaan ng mga manggagawang Pilipino Ang pangingibang-bayan ng manggagawang Pilipino ay nagsimula sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos bilang panandaliang tugon sa budget deficit ng kaniyang administrasyon. Naging matagumpay ang stop gap measure na ito. Nang makita ng pamahalaan ang malaking kapakinabangang makukuha dito'y pinaigting pa ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa.Kaya naman nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan. (Higit na palalalimin ang paksang ito sa susunod na aralin.) **C. GLOBALISASYONG TEKNOLOHIKAL AT SOSYO-KULTURAL** Hindi lamang sa ekonomiya makikita ang manipestasyon ng globalisasyon. Mababanaag din ito sa aspetong teknolohikal at sosyokultural ng mga bansa sa daigdig Mabilis na tinangkilik ng mga mamamayan sa developing countries ang pagggamit ng cellular phones o mobile phone na nagsimula sa mauunlad na bansa. Partikular dito ang mga bansang tulad ng Pilipinas, Bangladesh at India. Nakatutulong ang teknolohiyang ito sa pagpapabuti ng kanilang pamumuhay. Sa paggamit nito, mabilis na nakahihingi ng tulong sa panahon ng pangangailangan tulad ng kalamidad. Isa rin dito ang mabilis na transaksiyon sa pagitan ng mga tao. Halimbawa nito'y ang pakinabang na nakukuha ng mga mangingisda ng Kerala sa India. Bago pa man pumalaot ang mga mangingisda ay tinatawagan na nila ang mga 'prospektibong' mamimili kaya naman nabibigyang kasiguruhan na sila ay kikita. Sa katunayan, higit walong porsyento ang itinaas ng kanilang kita dahil sa sistemang ito. Sa Pilipinas, talamak ang paggamit ng mobile phones. Sa katunayan, ang pagte-text ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng marami. Ayon sa pag-aaral ni Dr. Pertierra, marami sa mga cellphone users ay hindi lamang itinuturing ang cellphone bilang isang communication gadget, ito ay nagsisilbi ring ekstensiyon ng kanilang sarili kaya naman hindi madaling maihiwalay ito sa kanila. Kung mabilis na binago at binabago ng mobile phone ang buhay ng maraming gumagamit nito, higit na pagbabago ang dinala ng computer at internet sa nakararami. Ito ay nakaagapay sa pagbibigay ng iba't ibang uri ng serbisyo tulad ng e-mail. Napabibilis din nito ang pag-aaplay sa mga kompanya, pag-alam sa resulta ng pagsusulit sa kolehiyo at pamantasan, pagkuha ng impormasyon at balita, pagbili ng produkto at serbisyo na mas kilala sa tawag na e-commerce. Kaugnay sa pagdami ng mobile phones at computer ay ang mabilis na pagdaloy ng mga ideya at konsepto patungo sa iba't ibang panig ng mundo dahil ang mga ito ay nasa digitized form. Ang mga ideyang ito ay nakapaloob sa iba't ibang anyo tulad ng musika, pelikula, videos, larawan, e-books at iba pa na makikita sa iba't ibang social networking sites at service provider. Ang mga sikat na awitin, pelikulang, palabas sa telebisyon, viral videos at pictures, hashtags, memes at mga tulad nito ay ilan lamang sa mga mabilis na kinokonsumo gamit ang electronic device na may internet access. Kalakip nito ang pagtangkilik sa mga ideyang nagmumula sa ibang bansa partikular ang mga nagmumula sa United States. Sa kasalukuyan, dama rin sa Pilipinas ang impluwensiyang kultural ng Koreans sa anyo ng pop culture dahil sa mga sikat na pelikula, Korean novela, K-pop culture, at mga kauri nito Ang lakas ng impluwensiya ng mga nabanggit ay makikita sa pananamit, pagsasalita at pakikisalamuha ng maraming kabataang Pilipino sa kasalukuyan Kaalinsabay ng pag-usbong ng mga social networking sites tulad ng facebook, twitter, instagram at Myspace ay ang pagbibigay kakanyahan sa mga ordinaryong mamamayan na ipahayag ang kanilang saloobin sa iba't ibang paksa o usapin. Aktibo nang nakikibahagi ang mga netizen sa mga usaping lubos na nakakaapekto sa kanila. Netizen ang terminong ginagamit sa mga taong gumagamit ng social networking site bilang midyum o entablado ng pagpapahayag. Hindi na sila maituturing na pasibong consumer lamang na tumatangkilik ng iba't ibang produkto at serbisyo. Sa katunayan, ginagamit ng marami ang mga ito upang maipakita nila ang talento at talino sa paglikha ng mga music videos, documentaries at iba't ibang digital art forms. Maituturing silang prosumers na nangangahulugan ng pagkonsumo ng isang bagay o ideya habang nagpo-produce ng bagong ideya. Sa kabila ng mga positibong naidudulot, kaakibat din nito ay mga suliraning may kinalaman sa pagkalat ng iba't ibang uri ng computer viruses at spam na sumisira ng electronic files at minsan ay nagiging sanhi ng pagkalugi ng mga namumuhunan. Bukod dito nagkakaroon din ng mga pagkakataon na makagawa ng intellectual dishonesty dahil sa madaling pag-copy and paste ng mga impormasyon mula sa internet Huwag ding kalilimutan ang isyu ng pambansang seguridad. Ginagamit ng ilang mga terorista at masasamang loob ang internet bilang kasangkapan sa pagpapalaganap ng takot at karahasan sa mga target nito. **Sang-ayon ka ba sa cyber crime law upang mabigyang-tugon ang suliranin ukol dito? Ipaliwanag ang iyong sagot.** Ang mga penomenong ito ay nakabubuo ng mga bagong ideyang kultural na mabilis namang naipalalaganap sa iba't ibang panig ng mundo. **D. GLOBALISASYONG POLITIKAL** Kasabay ng paglaganap ng globalisasyong ekonomikal at sosyokultural ay ang paglakas ng globalisasyong politikal. Globalisasyong politikal na maituturing ang mabilisang ugnayan sa pagitan ng mga bansa, samahang rehiyunal at maging ng pandaigdigang organisasyon na kinakatawan ng kani-kanilang pamahalaan Tulad ng nabanggit sa unang bahagi ng aralin, ang mga kasunduang bilateral at multilateral sa pagitan ng mga bansa ay nagbigay daan sa epektibo at episyenteng ugnayan ng mga bansa na nagdulot naman ng mabilis na palitan ng mga produkto, ideya, kahusayang teknikal at maging ng migrasyon ng kani-kanilang mamamayan. Ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas sa Australia, China, Japan, South Korea, Thailand, US at iba pang mga bansa ay nagdala ng mga oportunidad pang-ekonomiko at pangkultural sa magkabilang panig. Halimbawa nito ang economic and technical aid na ibinibigay ng ilang bansa sa Pilipinas. Nariyan ang JICA Project ng Japan, BEST Project ng Australia, military assistance ng US, at mga tulad nito. Sa Timog-Silangang Asya naman halimbawa, kinakitaan ang mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng mas maigting na ugnayan sa nagdaang mga taon na isa sa nagbigay daan sa mabilis na pag-angat ng ekonomiya ng rehiyon. Kasalukuyang pinaghahandaan ng mga bansang kaanib nito ang ASEAN Integration sa taong 2030 na naglalayong mapaigting ang koordinasyon ng bawat isa upang higit na maging maayos ang pamumuhunan, kalakalan, at pagtutulungang politikal. Kaugnay sa globalisasyong politikal ay ang gampanin ng mga pandaigdigang institusyon sa pamamahala ng mga bansa. Ayon sa artikulo ni Prof. Randy David na pinamagatang, 'The Reality of Global pandaigdigang organisasyon tulad ng United Nations, European Union, Amnesty International at mga tulad nito sa mga polisiya at programang kinahaharap ng isang bansa May magandang dulot ang globalisasyong politikal kung ang layunin nito ay tulungan ang mga bansa upang higit na maisakatuparan ang mga programa at proyektong mag-aangat sa pamumuhay ng mga mamamayan nito ngunit maaari rin itong maging sagabal sa pag-unlad ng isang bansa kung ang kanilang interes ang bibigyang pansin. Kung tutuusin, hindi mapaghihiwalay ang manipestasyong ekonomikal, politikal at kultural sa usaping globalisasyon. Ang mga ito ay sabay-sabay na nagpapabago ng buhay ng maraming tao hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. **Paksa III : Pagharap sa Hamon ng Globalisasyon** Hindi mapasusubalian ang impluwensiya ng globalisasyon sa buhay ng tao. Nagdala ito ng mga pagbabagong nagpabuti sa ilang aspeto ng ating buhay ngunit kalakip din nito ang mga suliraning kailangang harapin at bigyang katugunan Malaki ang ginagampanan ng pamahalaan sa pagharap sa hamon ng globalisasyon maging ito man ay sa dimensiyong ekonomikal, politikal o sosyo-kultural. Narito ang ilang solusyon sa pagharap ng hamon ng globalisasyon na isinasakatuparan sa iba't ibang bahagi ng daigdig: **1. Guarded Globalization** Pakikialam ng pamahalaan sa kalakalang panlabas na naglalayong hikayatin ang mga lokal na namumuhunan at bigyang- proteksiyon ang mga ito upang makasabay sa kompetisyon laban sa malalaking dayuhang negosyante Ilan sa mga halimbawa ng polisiyang ito ay ang: - pagpataw ng taripa o buwis sa lahat ng produkto at serbisyong nagmumula sa ibang bansa. Sa ganitong paraan ay mas tumataas ang halaga ng mga ito kaya naman mas nagkakaroon ng bentahe ang mga produktong lokal; at - pagbibigay ng subsidiya(subsidies) sa mga namumuhunang lokal. Ang subsidiya ay tulong pinansyal ng pamahalaan. Kilala ang United States sa malaking tulong na ibinibigay nito sa mga magsasaka. Isa pang anyo ng subsidiya ay ang pagbawas ng buwis sa mga produktong lokal kaya naman murang naipagbibili ang mga ito.Bukod sa United States, ang China at Japan ay nagbibigay rin ng malaking subsidiya sa kanilang mga namumuhunan. Ayon sa International Fair Trade Association **(IFTA), ito ay tumutukoy sa pangangalaga sa panlipunan, pang-ekonomiko at pampolitikal na kalagayan ng maliliit na namumuhunan.** Para naman sa pananaw ng neo-liberalismo, ang fair trade ay nangangahulugan ng higit na moral at patas na pang-ekonomiyang sistema sa daigdig. *Layunin nito na mapanatili ang tamang presyo ng mga produkto at serbisyo sa pamamagitan ng bukas na negosasyon sa pagitan ng mga bumibili at nagbibili upang sa gayon ay mapangalagaan hindi lamang ang interes ng mga negosyante kundi pati na rin ang kanilang kalagayang ekolohikal at panlipunan.* Binibigyang pansin din nito ang ilang mahahalagang dimensiyon ng kalakalan tulad ng pangangalaga ng karapatan ng mga manggagawa (hal.pagbuo ng unyon), pagbibigay ng sapat at ligtas na trabaho sa kababaihan at mga bata at paggawa ng mga produktong ligtas sa lahat. Isa itong alternatibong paraan sa pandaigdigang kalakalan. -  Isa sa mga nakinabang sa pantay na kalakalan (fair trade) ay mga magsasaka ng kape. Humigitkumulang pitong milyong katao mula sa umuunlad na bansa (developing nations) kasama ang Brazil ang nakinabang sa patakarang ito dahil sa mas mataas na halaga nila naibenta ang kanilang coffee bean na nagkakahalaga ng \$1.29 per pound kung ihahambing sa \$1.25 sa pamilihan. Upang maging kuwalipikado, kinakailangan na ang magsasaka ay makasunod sa mga alituntunin sa paggamit ng pesticide, teknik sa pagsasaka, recycling at iba pa. Sa kabilang banda, hindi lahat ng mga bansa ay napakikinabangan ito tulad ng Columbia, Guatemala at Ethiopia. Malaki ang kinikita ng Starbucks mula sa mataas na uri ng kape mula sa Ethiopia ngunit hindi ang mga magsasaka ng kape. Sa katunayan, isang sentimo lamang mula sa limang dolyar kada tasa ng kape ng Starbucks ang natatanggap ng mga magsasakang ito. Kaya naman, malayo pa ang lalakbayin ng programa o proyektong ito upang higit na mapakinabangan ng mga umuunlad na bansa. **3. Pagtulong sa 'Bottom Billion'** Binigyang-diin ni Paul Collier (2007) na kung mayroon mang dapat bigyang-pansin sa suliraning pang-ekonomiyang kinahaharap ang daigdig, ito ay ang isang bilyong pinakamahihirap mula sa mga bansa sa Asya lalo't higit sa Africa. May mahalagang papel ang mauunlad na bansa sa pag-alalay sa tinaguriang bottom billion. Ngunit ang tulongpinansiyal (economic aid) ng mayayamang bansa tulad ng Germany, Japan, France at Italy ay sinasabing hindi sapat kung hindi magkakaroon ng mga programa at batas na tutugon sa mga suliraning ito. Partikular dito ang pagbabago ng sistema ng pamamahala na malaki ang kinalaman sa paghihirap ng mga mamamayan nito. **ARALIN 2: Mga Isyu sa Paggawa** **Paksa I: Ang Globalisasyon at ang mga Isyu sa Paggawa** +-----------------------------------------------------------------------+ | Malaking hamon sa bansa ang mga makabagong pagbabago sa iba't ibang | | larangan dulot ng globalisasyon. Mas nagiging bukas ang bansa sa | | iba't ibang oportunidad na tuklasin ang potensiyal na | | pakikipagsabayan sa pandaigdigang kompetisyon. Sa unang aralin ng | | modyul na ito ay nabatid mo ang naging impact ng globalisasyon sa | | bansa sa pagbabago sa kaisipan at perspektiba ng mga mamamayan | | tungkol sa pandaigdig na komunidad at pangangailangan ng bawat bansa. | | Natunghayan mo rin sa unang aralin ang iba't ibang anyo ng | | globisasyon tulad ng globalisasyong ekonomiko, teknolohikal, at | | sosyo-kultural. | | | | Kaakibat ng mga pagbabagong ito ay ang mga hamon kung paano tutugunan | | ng bawat pamahalaan sa daigdig ang mga suliraning naidulot ng | | globalisasyon, mga isyu sa lipunan na napag-iwanan na ngunit hindi pa | | lubusang natugunan bagkus patuloy pang lumalala lalo na sa mga usapin | | sa paggawa. | +-----------------------------------------------------------------------+ Ang mga manggagawang Pilipino ay humaharap sa iba't ibang anyo ng suliranin at hamon sa paggawa tulad ng mababang pasahod, kawalan ng seguridad sa pinapasukang kompanya, 'job-mismatch' bunga ng mga 'job-skills mismatch,' iba't ibang anyo ng kontraktuwalisasyon sa paggawa, at ang mura at flexible labor. Isang hamon din sa paggawa ay ang mabilis na pagdating at paglabas ng mga puhunan ng mga dayuhang namumuhunan na mas nagpatingkad naman ng kompetisyon sa hanay ng mga dayuhang kompanya at korporasyon sa bansa. Dahil dito mas nahikayat ang mga namumuhunan na pumasok sa bansa na nagdulot ng iba't ibang isyu sa paggawa. Dahil sa paglaganap ng globalisasyon naaapektuhan nito maging ang workplace na kung saan nagbunga ito ng pagtatakda ng mga pandaigdigang samahan tulad ng Word Trade Organization (WTO) ng mga kasanayan o kakayahan sa paggawa na globally standard para sa mga manggagawa. Naglalagak ang mga multi-national company ng mga investment para sa mga trabaho sa bansa na kung saan ang mga kasanayan na kakailanganin ng isang manggagawa ay nakabatay sa mga naging kasunduan ng bansa sa mga kompanyang ito. Ilan sa maraming naidulot ng globalisasyon sa paggawa ay ang mga sumusunod - una, demand ng bansa para sa iba't ibang kakayahan o kasanayan sa paggawa na globally standard - pangalawa, mabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na produkto na makilala sa pandaigidigan pamilihan; - pangatlo, binago ng globalisasyon ang workplace at mga salik ng produksiyon tulad ng pagpasok ng iba't ibang gadget, computer/IT programs, complex machines at iba pang makabagong kagamitan sa paggawa; at - pang-apat, dahil sa mura at mababa ang labor o pasahod sa mga manggagawa kaya't madali lang sa mga namumuhunan na magpresyo ng mura o mababa laban sa mga dayuhang produkto o mahal na serbisyo at pareho ang kalidad sa mga produktong lokal. Ang mga pagbabagong ito ay nakaapekto sa mga manggagawa sa iba't ibang aspekto na nagbunsod ng maraming isyu sa paggawa na hinaharap ng mga manggagawang Pilipino sa kasalukuyan upang magkaroon ng disente at marangal na pamumuhay **Kakayahan na makaangkop sa Globally Standard na Paggawa** Hamon ng globalisasyon ang pagpasok ng Pilipinas sa mga kasunduan sa mga dayuhang kompanya, integrasyon ng ASEAN 2015 sa paggawa at mga bilateral at multi-lateral agreement sa mga miyembro ng World Trade Organization o WTO. Bunga nito ay binuksan ang pamilihan ng bansa sa kalakalan sa daigdig. Isa sa pagtugon na isinagawa ng bansa ay iangkop ang kasanayan ng lilinangin sa mga mag-aaral na Pilipino. Bunsod ng tumataas na demand para sa globally standard na paggawa (tunghayan ang Talahanayan 2.1) na naaangkop sa mga kasanayan para sa ika-21 siglo. Ito ay ang Media and Technology Skills, Learning and Innovation Skills, Communication Skills at Life and Career Skills (DepED, 2012). Upang makatugon sa mga kasanayang ito, isinasakatuparan sa panibagong kurikulum ang pagdaragdag ng dalawang taon sa basic education ng mga mag-aaral na tinatawag na Senior High School. Sasanayin ang mga mag-aaral sa mga kasanayang pang-ika-21 siglo upang maging globally competitive na nakabatay sa balangkas ng Philippine Qualifications Framework -- ang Basic Education, Technological-Vocational Education at Higher Education (DepED, 2012). **Talahanayan 2.1 Mga Kasanayan at Kakayahan na Kakailanganin na Hinahanap ng mga Kompanya** **Skills** **Educational Level** ---------------------------------------- ----------------------- Basic writing, reading, arithmetic Elementary Theoritical knowledge and work skills Secondary Practical knowledge and skills of work Secondary Human relations skills Secondary Work Habits Secondary Will to work Secondary Sense of responsibility Secondary Social responsibility Secondary Ethics and morals Secondary Health and hygiene Elementary Natalakay sa unang aralin ng modyul na ito na patuloy ang pagangat ng Pilipinas sa larangan ng Business Process Outsourcing dahil sa mataas na English Proficiency ng mga manggagawang Pilipino. Ang Pilipinas ang nangungunang bansa sa rehiyon ng Asya sa larangan ng non-IT BPO. Ito ay ang sistema ng pagkuha ng serbisyo ng pribadong kompanya na ang kanilang tanggapan ay nasa ibang bansa at pagkuha ng mga call center agent sa bansa upang magtrabaho. Gagampanan ng mga agent na ito ang ilang aspeto ng operasiyon na nasa Pilipinas upang tugunan ang pangangailangan ng kanilang kliyenteng kompanya na nakabase pa rin sa ibang bansa. Ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE, 2016) upang matiyak ang kaunlarang pang-ekonomiya ng bansa kailangang iangat ang antas ng kalagayan ng mga manggagawang Pilipino tungo sa isang disenteng pagggwa (decent work) na naglalayong na magkaroon ng pantay na oportunidad ang bawat isa anumang ang kasarian para sa isang disente at marangal na paggawa. Matutunghayan sa Pigura 2.1 ang apat na haligi upang makamit ang isang disente at marangal na paggawa na hinihimok sa lahat ng aspekto ng paggawa sa bansa. **Pigura 2.1 Apat na Haligi para sa Isang Disente at Marangal na Paggawa (DOLE, 2016)** **Kalagayan ng mga Manggagawa sa iba't ibang Sektor** Matutunghayan sa Talahanayan 2.2 ang distribusyon ng paggawa sa bawat sektor na kung saan ay nagpapakita na papaliit ang industriyal at agrikultural na kumakatawan sa produktibong sektor habang papalaki ang nasa sektor ng serbisyo. Sa pangkalahatan, mas mura ang mga dayuhan produkto na makikita sa mga lokal na pamilihan kumpara sa mga lokal na produkto ng bansa dahil sa mas mura at mababa ang cost ng produksiyon sa mga pinanggalingang bansa ng mga naturang dayuhang produkto. **A. Sektor ng Agrikultura** Isa rin sa mga hamon ng globalisasyon sa bansa ay ang patuloy na pagdami ng mga lokal na produkto na iniluluwas sa ibang bansa at ang pagdagsa ng mga dayuhang produkto sa pamilihang lokal. Lubusang naaapektuhan ang mga lokal na magsasaka dahil sa mas murang naibebenta ang mga dayuhang produkto sa bansa. Mas maraming insentibo ang naipagkakaloob sa mga dayuhang kompanya na nagluluwas ng kanilang parehong produkto sa bansa. Sa kabilang banda, may mga lokal na high class product na saging, mangga at iba pa na itinatanim sa atin na nakalaan lamang para sa ibang bansa. Ang pagpasok ng bansa at ng mga nakalipas na administrasyon sa mga usapin at kasunduan sa GATT, WTO, IMF-WB, at iba pang pandaigdigang institusyong pinansyal ay lalong nagpalumpo sa mga lokal na magsasaka bunsod ng pagpasok ng mga lokal na produkto na naibebenta sa lokal na pamilihan ng mas mura kumpara sa mga lokal na produktong agricultural. Batay sa ulat ng DOLE (2016), mahigit 60% ng mga dayuhang produktong agrikultural sa loob ng sampung taon (20062016) ay malayang nagiging bahagi sa mga lokal na pamilihan. ![](media/image2.png)**Talahanayan 2.2 Percentage Distribution of Employed Persons by Industry, Occupation, Class of Worker and Hours Worked in a Week, Philippines 2016** Isa sa mga suliranin na kinakaharap ng mga lokal na magsasaka ay ang kakulangan para sa mga patubig, suporta ng pamahalaan sa pagbibigay na ayuda lalo na kapag may mga nananalasang sakuna sa bansa tulad ng pagbagyo, tagtuyot, at iba pa. Bunsod ng globalisasyon ang pamahalaan ay nagbigay pahintulot sa pagkonbert ng mga lupang sakahan upang patayuan ng mga subdibisyon, malls, at iba pang gusaling pangkomersiyo para sa mga pabrika, pagawaan, at bagsakan ng mga produkto mula sa TNCs. Ang paglaganap ng patakarang neo-liberal sa bansa simula dekada 80's at sa pagpapalit-palit ng administrasyon hanggang kasalukuyan, nagpatuloy rin ang paglaganap ng iba't ibang industriya sa bansa. Kasabay nito ang patuloy na pagliit ng lupaing agrikultural at pagkawasak ng mga kabundukan at kagubatan Nagbunga ang mga pangyayaring ito ang pagkasira ng mga biodiversity, pagkawasak ng mga kagubatan, kakulangan sa mga sakahan, dumagsa ang mga nawalan ng hanapbuhay sa mga pook rural, nawasak ang mga mabubuting lupa na mainam sa taniman. **B. Sektor ng Industriya** Lubusan ding naaapektuhan ng pagpasok ng mga TNCs at iba pang dayuhang kompanya ay setor ng industriya bunsod din ng mga naging kasunduan ng Pilipinas sa iba't ibang pandaigdigang institusyong pinansyal. Katulad ng mga imposisyon ng IMF-WB bilang isa sa mga kondisyon ng pagpapautang nila sa bansa. Pagbubukas ng pamilihan ng bansa, import liberalizations, tax incentives sa mga TNCs, deregularisasyon sa mga polisiya ng estado, at pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo. Isa sa mga halimbawa ng industriya na naapektuhan ng globalisasyon ay ang malayang pagpapasok ng mga kompanya at mamumuhunan sa industriya ng konstruksiyon, telecommunikasyon, beverages, mining, at enerhiya na kung saan karamihan sa mga kaugnay na industriya ay pagmamay-ari ng ibang bansa. Bunsod nito ang mga pamantayang pangkasanayan at kakayahan, pagpili, pagtanggap, at pasahod sa mga manggagawa ay naayon sa kanilang mga pamantayan at polisiya. Kaakibat nito ang iba't ibang anyo ng pang-aabuso sa karapatan ng mga manggagawa tulad ng mahabang oras ng pagpasok sa trabaho, mababang pasahod, hindi pantay na oportunidad sa pagpili ng mga empleyado, kawalan ng sapat na seguridad para sa mga manggagawa tulad sa mga minahan, konstruksiyon, at planta na nagpoprodyus ng lakas elekrisidad na kung saan may mga manggagawa na naaaksidente o nasasawi. **C. Sektor ng Serbisyo** Matutunghayan sa Talahanayan 2.2 na ang sektor ng serbisyo ay masasabing may pinakamalaking bahagdan na maraming naempleyong manggagawa sa loob ng nakalipas na sampung taon (DOLE, 20062016). Ang paglaki ng porsyento o bilang ng mga manggagawa sa sektor na ito ay malaking tulong sa mga manggagawang Pilpino. Saklaw ng sektor na ito ang sektor ng pananalapi, komersiyo, insurance, kalakalang pakyawan at pagtitingi, transportasyon, pag-iimbak, komunikasyon, libangan, medikal, turismo, business processing outsourcing (BPO), at edukasyon. Mahalaga ang sektor ng serbisyo sa daloy ng kalakalan ng bansa dahil tinitiyak nito na makakarating sa mga mamimili ang mga produkto sa bansa. Kaalinsabay nito ang iba't ibang suliranin, bunsod ng globalisasyon sa pamamagitan ng patakarang liberalisasyon ng pamahalaan o ang pagpasok ng bansa sa mga dayuhan kasunduan na kung binubuksan ng malaya ang kalakalan ng bansa sa mga dayuhang kompanya o TNCs kaya't sa pagpasok ng mga produkto at serbisyo mula sa TNCs nalilimitahan ang bilang na kalakal at serbisyo na gawa ng mga Pilipino sa pandaigdigan kalakalan. Ayon sa datos ng National Economic Development Authority (NEDA) sa taong 2016 mahigit 56.3 bahagdan ng bilang ng mga manggagawa sa bansa ay kabilang sa sektor ng serbisyo, kaya't iminumungkahi ng kagawarang ito ang paglalaan ng pamahalaan ng higit na prioridad sa pagpapalago ng sektor sa pamamagitan ng patuloy na pag-eenganyo sa mga dayuhang kompanya na magpasok ng mga negosyo sa bansa dahil ayon na rin sa pagtataya sa 2016 Asia-Pacific Economic Cooperation Summit na naganap sa bansa na ang mga manggagawang Pilipino sa sektor ng serbisyo ang patuloy na tumutulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa. Bunga ng isinagawang patataya ng APEC (2016) ay kinikilala ang Pilipinas bilang isa sa "emerging and developing countries" sa Asya dahil sa pagyabong ng sektor ng serbisyo. Isa sa kinikilalang sanhi nito ay ang mababang pasahod sa mga manggagawang Pilipino, malayang patakaran ng mga mamumuhunan, tax incentives. Ngunit kaakibat nito ang samu't saring suliranin tulad ng over-worked, mga sakit na nakukuha mula sa trabaho lalo na sa hanay ng mga mga manggagawa sa BPO dahil na rin sa hindi normal na oras ng pagtatrabaho. Patuloy na pagbaba ng bahagdan ng bilang ng Small-Medium Enterpirses (SMEs) sa bansa dahil pinasok na rin ng mga malalaking kompanya o supermalls ang maliliit o mikro-kompanyang ito sa kompetisyon na kung saan sila ay may kalamangan sa logistics, puhunan, at resources (NEDA report, 2016). **Iskemang Subcontracting** Bunsod din ng globalisasyon mas naging mabilis ang pagdating ng mga dayuhang namumuhunan na mas pinatingkad naman ng kumpetisyon sa hanay ng mga dayuhan at lokal na kompanya at korporasyon sa bansa. Dahil dito mas nahikayat ang mga namumuhunan na pumasok sa bansa at hindi na naiwasang mapalaganap ang iskemang subcontracting sa paggawa sa bansa na naging malaking hamon sa pagpapaangat ng antas ng pamumuhay ng uring manggagawa. Matutunghayan sa Talahanayan 2.3 ang kabuuan ng mga manggagawa na nasa kategoryang non-regular o mga manggagawang di-regular o kontraktuwal. Mapapansin din sa talahanayan ang patuloy na paglago ng bilang mga uring manggagawa na di-regular o nasa ilalim ng iskemang ito. Ang iskemang subcontracting ay tumutukoy sa kaayusan sa paggawa kung saan ang kompanya (principal) ay komukontrata ng isang ahensiya o indibidwal na subcontractor upang gawin ang isang trabaho o serbisyo sa isang takdang panahon. May dalawang umiiral na anyo ng subcontracting ito ay ang: - Ang Labor-only Contracting na kung saan ang subcontractor ay walang sapat na puhunan upang gawin ang trabaho o serbisyo at ang pinasok niyang manggagawa ay may direktang kinalaman sa mga gawain ng kompaya; - Ang job-contracting naman ang subcontrator ay may sapat na puhunan - para maisagawa ang trabaho at mga gawain ng mga manggagawang ipinasok ng subcontractor. Wala silang direktang kinalaman sa mga gawain ng kompanya. Hindi pinapayagan sa batas ang job-contracting dahil naaapektuhan nito ang seguridad ng mga manggagawa sa trabaho. **Talahanayan 2.3 Non-Regular Employment in Establishments with 20 or More Workers by Category, Philippines: 2012 and 2014** **Unemployment and Underemployment** May mataas na demand para sa globally standard na paggawa, at pagtugon na isinasagawa ng ating pamahalaan tungkol sa hamon ng globalisasyon sa paggawa. Sa kasaluyang datos ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA, 2016), ipinakikita ang lumalaking puwersa sa paggawa na umabot na sa 63.4 milyon, (tunghayan ang Talahanayan 2.5) umaabot sa 2.7 milyon ang walang trabaho, samantalang nasa 7.4 milyon ang underemployed. Isang milyong Overseas Filipino Workers (OFW) ang lumalabas ng bansa taon-taon. Ayon sa pagtataya umaabot na sa 8 milyon ang kabuuang OFW. Dahil sa kawalan ng oportunidad at marangal na trabaho, naging patakaran na ng gobyerno ang pagluluwas ng paggawa (labor) simula dekada 70. Mabilis na lumalaki ang bilang ng Pilipinong nangingibang bayan para magtrabaho. Sa katunayan, ang OFW na ngayon ang tinagurian na bagong bayani dahil sa kitang ipinapasok nito sa bansa na dahilan kung bakit hindi sumasadsad ang ekonomiya kahit pa dumaan ito sa matitinding krisis pampolitika't pang-ekonomiya. Ito rin ang isa sa mahahalagang indicator ng papalaking pag-asa ng bansa sa panlabas na salik sa halip na sa panloob na mga kondisyon ng patuloy na paggulong ng ekonomiya Ang trabahong nalilikha lamang sa loob ng bansa taon-taon ay nasa 687,000 ayon sa Philippine Labor Employment Plan (PLEP 2016). Hindi makasasapat kahit ikumpara sa mga bagong pasok na puwersa sa paggawa na umaabot mula sa 1.3 milyon hanggang 1.5 milyon. Isa pa sa isyung kinakaharap ng bansa sa paggawa na kaugnay sa paglaki ng unemployment at underemployment ay ang paglaki ng bilang ng mga job-mismatch dahil sa hindi nakakasabay ang mga college graduate sa demand na kasanayan at kakayahan na entry requirement ng mga kompanya sa bansa. Ipinapahiwatig nito na maraming kurso sa mga Higher Education Institutions (HEIs) at mga kolehiyo sa bansa ang hindi na tumutugon sa pangangailangan ng mga pribadong kompanya na nagtatakda ng mga pamantayan sa pagpili ng mga manggagawa. Ayon sa ulat ng isang grupo ng mga manggagawa, tinataya na aabot sa 1.2 milyon na college at vocation graduates ng nagdaang taon (2016) ang mahihirapan sa pagkuha ng mga trabaho dahil sa patuloy na mismatch sa kanilang kasanayan at kakayahan mula sa kanilang tinapos na kurso sa kakailanganing kasanayan at kakayahan na hinihingi ng mga employer sa bansa at sa labas ng bansa (TUCP, 2016). Ang patuloy na paglaki ng bilang ng job-skills mismatch sa bansa ay maituturing ng krisis batay na rin sa ulat ng DOLE (2016), ipinapakita sa kanilang records na mula sa 4.23 milyong bakanteng trabaho sa loob at labas ng bansa na binuksan sa mga job fair ng DOLE para sa mga manggagawang Pilipino ng taong 2014 at 2015, umabot lamang sa 391,000 na mga aplikante ang natanggap agad sa iba't ibang posisyon mula sa 1.29 milyon na aplikante. Dagdag pa sa ulat ng DOLE (2016), ayon sa kanilang Labor Market Information para sa taong 2013 hanggang 2020 tinataya na aabot sa 275 na iba't ibang trabaho ang kinilala ng kanilang kagawaran na hard to fill o mga trabaho na mahirap punan mula sa mga major at emerging industries. Halimbawa ng mga nito ay ang 2-D digital animator, agricultural designer, clean-up artist, cosmetic dentist, cosmetic surgeon, cuisine chef, multi-lingual tour guide, at mechatronics engineer. **Talahanayan 2.4 Percent Distribution of Employed Persons by Class of Worker** ![](media/image4.png) Isang malaking bahagi ng nasa kategorya ng Self employed without any paid employee ang tumutukoy sa trabahong para-paraan o sa sinasabing vulnerable employment ng Labor Force Survey (2016) na makikita sa Talahanayan 2.3. Ayon sa ulat ng DOLE, NEDA, at iba pang sangay ng pamahalaan na may kaugnayan sa paggawa sa bansa na bumuo ng Philippine Labor and Employment Plan (PLEP, 2016), ang pinakamalaki bahaghan ng mga manggagawa na sinasabing vulnerable ay nasa sektor ng agrikultura. Samantala, ang isang malaking bahagi pa nito ay ang mga mala-manggagawa sa kalunsuran na ang hanapbuhay ay para-paraan gaya ng paglalako o ambulant vendor at sidewalk vendor na sangkot sa pagbebenta ng iba't ibang kalakal tulad ng kendi, sigarilyo, bote-dyaryo, bakal at kung ano ano pa. Pagtitinda ng mga street food gaya ng fishball, kwek kwek, banana cue, barbecue, prutas at iba pa. Batay sa klasipikasyon ng gobyerno, ang 22 milyon na hindi bahagi ng Labor Force Participation Rate o LFPR ay ang mga taong may edad 15 pataas na may kakayahan nang magtrabaho ngunit hindi pa aktuwal na lumalahok sa produksiyon o naghahanap ng trabaho. Ang pinakamalaking bilang nito ay ang mga estudyante, mga full time mother at mga taong umano'y tumigil na o nawalan na ng sigla sa paghahanap ng trabaho (discouraged workers). Hindi rin maikukubli ang katotohanang maraming estudyante lalo na yaong nasa kolehiyo ay aktuwal nang nagtatrabaho (PLEP, 20112016). May kalakihang bilang sa hanay nila ang working student para tustusan at patapusin ang sarili sa pag-aaral. Samantala, ang halos lahat ay dumadaan sa anim na buwan hanggang isang taong OJT o Internship bilang bahagi ng kurikulum ng mga paaralan. Samantala, ang mga full-time mother naman ang gumaganap sa halos lahat ng mga gawaing-bahay tulad ng paglalaba, pamamalantsa, pagluluto at paglilinis ng bahay. Nag-aalaga rin siya ng kaniyang mga anak at nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng asawa. Maliban dito, siya ang kalimitang nagtuturo sa mga anak na nag-aaral, gayundin ang nagbabadyet sa mga gastusin sa bahay at gumawa ng paraan upang pagkasyahin ang badyet para sa pamilya. Ang kanilang kalagayan ay halos walang ipinagkaiba sa mga tinatawag na unpaid family labor na inihanay ng pamahalaan sa mga may trabaho ayon sa klasipikasyon ng LFPR. Sapagkat malaking bahagi ng populasyon ang 22 milyon ang hindi isinama ng LFPR sa mga walang trabaho, ang datos sa unemployment rate ay hindi magiging eksakto o accurate. Ang itinuturing na may produktibong trabaho ay iyong humigitkumulang 5 milyon mula sa 11 milyon na naeempleyo sa sektor ng agrikultura. Mahigit sa 2 milyon naman na plant machine & equipment operators at assemblers ang mula sa mahigit na 5 milyon sa sektor ng industriya. Kung isasama ang mga manggagawang maikakategorya sa essential services, hindi ito lalaki nang higit pa sa bilang ng mga manggagawang bahagi ng tuwirang paglikha o produktibong trabaho. Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority, ang unemployment rate at underemployment sa bansa (Talahanayan 2.5) ay bumaba sa 4.7%, ang pinakamababa sa loob ng tatlong taon. Ang sektor ng industriya ay nag-eempleyo lamang ng 5.9 milyon (16.8%) at ang sektor ng agrikultura naman ay 12.5 milyon (33%). Kaya ang pinakamalaking bilang na naeempleyo sa sektor ng serbisyo na 19.4 milyon o 51.4% ng Labor Force Participation Rate (LFPR) na may 40.2 milyon. Pinapahiwatig ng ulat ng Labor Force Survey ng PSA (2016), ang underemployment sa bansa ay laganap sa mahihirap na rehiyon o sa mga rehiyon na ang pangunahing hanapbuhay ay agrikultural. Tinataya na maraming nagtatrabaho na underemployed. Sila ang manggagawa na nangangailangan pa ng karagdagang oras sa pagtatrabaho o dagdag pang hanapbuhay o bagong hanapbuhay na may mahabang oras na pagtatrabaho. Sa kasalukuyan, binago ang katawagan sa mga ganitong uri ng manggagawa upang maging katanggap-tangap sila gayundin sa mamamayan, tinatawag ito ngayong homebase enterpreneurship, small business, project contract, business outsourcing, business networking sa mga ahente ng seguro, real estate, pagtitingi ng mga sapatos na de signature, damit, food supplements, organic products, load sa cell phone, at iba't iba pang produktong surplus (imported) mula sa mga kapitalistang bansa. Pinalakas at inorganisa rin ang mga chain ng barbecue stand, fish ball, kikiam, ice cream at iba pa. Ang tugon ng Pilipinas sa hamon ng globalisasyon sa paggawa ay ang patuloy na pagbubukas ng bansa sa pandaigdigang pamilihan. Dahil dito, nagbago ang mga kakailanganing kasanayan at salik sa produksiyon. Iniaangkop ang kasalukuyang kurikulum para sa demand ng globally standard na paggawa. Bunga naman nito ang patuloy napagtaas ng antas ng kawalan ng trabaho at walang sapat na trabaho. Malayang naipatutupad ng mga kapitalista o mamumuhunan ang iskemang kontraktuwalisasiyon para ibaba ang gastos sa paggawa, alisin ang anumang proteksiyon at ang tuwirang responsibilidad nito sa manggagawa. Laganap ang kalakaran ng mga manggagawang kontraktuwal o naempleyo sa pamamagitan ng ahensya **"Mura at Flexible Labor"** Isang matinding hamon ang kinakaharap ng mga manggagawa mula nang ipatupad ang patuloy na paglala ng "mura at flexible labor" sa bansa (IBON, 2006). Ito ay isang paraan ng mga kapitalista o mamumuhunan upang palakihin ang kanilang kinikita at tinutubo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mababang pagpapasahod at paglimita sa panahon ng paggawa ng mga manggagawa. Isang paraan ito upang sila ay makaiwas sa patuloy na krisis dulot ng labis na produksiyon at kapital na nararanasan ng iba't ibang mga bansa Sa panahon ng rehimeng Marcos, pinagtibay ang Presidential Decree (PD) 442 o Labor Code bilang patakarang pinaghanguan ng flexible labor. Nauna rito na isinabatas ang Investment Incentive Act of 1967 para ilunsad ang malayang kalakalan at pamumuhunan sa ilalim ng patakarang neo-liberal (Balikan ang naging talakayan sa patakarang ito sa unang aralin). Isinunod dito ang pagsasabatas ng RA 5490 -- para itayo ang Bataan Export Processing Zone (BEPZ), at iba pang Economic Processing Zone (EPZ) bilang show case ng malayang kalakalan Subalit nahirapan ang dating Pangulong Marcos na maipatupad ang flexible labor dahil sinalubong at binigo ito ng mga demonstrasyon at kilusang anti-diktadura hanggang sa pagsiklab ng pag-aalsa sa EDSA noong 1986. Sa pagpasok ng administrasyong Corazon C. Aquino, buong-buo nitong niyakap ang neo-liberal na globalisasyon at kasunod nito, ginawang bukas para sa mga dayuhang mamumuhunan ang kalagayan ng paggawa. Isinabatas ang Omnibus Investment Act of 1987 at Foreign Investment Act of 1991 na batas na nagpapatibay sa mga patakarang neo-liberal. Ang mga batas na ito na nagbigay ng buong laya sa daloy ng puhunan at kalakal sa bansa ay nagsilbing malawak na impluwensiya ng mga kapitalista upang ilipat lipat ang kanilang produksyon sa mga itinayong branch companies sa panahong may labor dispute sa kanilang itinayong kompanya. Sinusugan noong Marso 2, 1989 ang Labor Code - (PD 442) ni dating Pangulong Marcos na kilala ngayong RA 6715 (Herrera Law) na isinulong ni dating Senator Ernesto Herrera. Sa pamamagitan ng mga probisyon ng batas sa pamumuhunan at kalalakalan at batas paggawa, madaling naipataw ng mga kapitalista ang patakarang mura at flexible labor o kontraktwalisasyon Sa simula, ginamit ng mga kapitalista ang probisyon ng batas paggawa hinggil sa kaswal, kontraktwal, temporary, seasonal, on the job training at ang probisyon ng Article 106-109 hinggil sa pagpapakontrata ng mga trabaho at gawaing hindi bahagi ng produksyon gaya ng security guard, serbisyong janitorial, at messengerial. Isinunod ang iba't bang bahagi ng operasyon ng kompanya gaya ng pagbuburda, paggawa ng patches, etiketa, at emboss sa garments. Sa mga kompanya naman ng sapatos, inihiwalay ang taga-gawa ng swelas at para sa iba pang bahagi ng sapatos. Ihiniwalay rin ang pagaasembliya, sa mga kompanya ng pagkain gaya ng San Miguel---- ihiniwalay ang bawat brand ng produkto gaya ng beer, soft drinks, meat processing; hauling hanggang warehousing at marami pang iba. Sa PLDT, MERALCO at MWSS, inihiwalay ang line man at repair man, ang meter reader at billing section, ang sales division at marami pang iba. Isusunod na ng gobyerno ang mga patakarang magpapalakas ng flexible labor gaya ng Department Order No. 10 ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa panahon ng Adminitrasyong Ramos at Department Order 18-02 ng DOLE sa panahon naman ng Administrasyong Arroyo. Nilalaman ng Department Order 10 ng DOLE ang probisyong maaaring ipakontrata ang mga trabahong hindi kayang gampanan ng mga regular na manggagawa; pamalit sa mga absent sa trabaho, mga gawaing nangangailangan ng espesyal na kasanayan o makinarya -- ang mga ito ay gawaing ginagampanan ng mga manggagawang regular. Naging malaking usapin ito kaya't binalasa ang probisyon ng Department Order 10 ng DOLE sa ilalim ng Department Order 1802, isinaad dito ang pagbabawal ng pagpapakontrata ng mga trabaho at gawaing makakaapekto sa mga manggagawang regular na magreresulta sa pagbabawas sa kanila at ng kanilang oras o araw ng paggawa; o kung ang pagpapakontrata ay makakaapekto sa unyon gaya ng pagbabawas ng kasapi, pagpapahina ng bargaining leverage o pagkahati ng bargaining unit. **Epekto ng Kontraktuwalisasyon sa mga Manggagawa** Noong taong 1992, wala pa ang Department Order No. 10 at 1802 ng DOLE, may 73% nang pagawaan sa bansa ang nagpapatupad o gumagawa ng iba't ibang flexible working arrangements, ayon sa International Labor Organization o ILO (1992). Samantala sa pagitan ng 1992 at 1997, sa sektor ng industriya pa lamang - sa bawat isang manggagawang regular na nakaempleyo, lima ang kontraktuwal/kaswal. Noong 1999, 90% sa mga kompanyang elektroniks ang nag-eempleyo ng mga temporaryong manggagawa/kaswal dahil nagbabago-bago ang mga job orders o purchase orders ng kanilang kalakal; at bumababa ang halaga ng kanilang produkto sa pandaigdigang pamilihan. May 83% ng mga kompanya ang nag-empleyo ng mga kaswal at kontraktuwal upang maiwasan ang pagkakaroon ng unyon sa mga manggagawa noon. Ayon sa ulat ng DOLE (2016), patuloy pa ring umiiral ang ganitong sistema ng kontraktuwalisasyon sa paggawa. Bunsod nito ay iminumungkahi ng iba't ibang mambabatas, ahensiya sa paggawa, at mga grupo ng manggagawa na tuluyan ng ibasura ang sistemang kontraktuwalisasyon o kilala rin ngayon na 'endo.' Hindi naging maganda ang nagiging kalagayan ng mga manggagawang kontraktuwal/kaswal. Hindi sila binabayaran ng karampatang sahod at mga benepisyong ayon sa batas na tinatamasa ng mga manggagawang regular. Naiiwasan ng mga kapitalista maging ang pagbabayad ng separation pay, SSS, PhilHealth at iba pa. Hindi nila natatamasa ang mga benepisyo ayon sa Collective Bargaining Agreement (CBA) dahil hindi sila kasama sa bargaining unit. Hindi rin sila maaaring magbuo o sumapi sa unyon dahil walang katiyakan o pansamantala lang ang kanilang security of tenure. Maliban pa rito, hindi kinikilala ng contracting company ang relasyong employee-employer sa mga manggagawang nasa empleyo ng isang ahensya. Iginigiit ito ng mga kapitalista kahit ang mga ito ay itinuturing na labor only contracting na ipinagbabawal ng batas. Sa tuwing natatalakay ang usapin ng pagpapakontrata, napipilitan ang mga mahina na magsama-sama at maglunsad ng iisang pagkilos. Ang pana-panahong pagkilos na ito ang lumilikha ng atensiyon at nakatatawag-pansin sa pandaigdigang komunidad. Nagbibigay ito ng impresiyong hindi sumusunod sa pandaigdigang mga pamantayan sa paggawa ang batas paggawa sa Pilipinas Ang Department Order 18-A ng DOLE taong 2011 ay naghayag ng patakaran ng pamahalaan laban sa pagpapakontrata. Hinigpitan ang probisyon ng pagpapakontrata, pinatingkad (highlighted) ang usapin ng karapatan ng mga manggagawang kontraktuwal (partikular na ang seguridad sa trabaho o pagka-regular), at iba pang karapatang tinatamasa ng mga regular na manggagawa. **ARALIN 3: Migrasyon** **Migrasyon: Konsepto at Konteksto** Ang *migrasyon* ay tumutukoy sa proseso ng pag-alis o paglipat mula sa isang lugar o teritoryong politikal patungo sa iba pa maging ito man ay pansamantala o permanente. Ang dahilan ng pag-alis o paglipat ay kalimitang mauugat sa sumusunod: 1. hanapbuhay na makapagbibigay ng malaking kita na inaasahang maghahatid ng masaganang pamumuhay; 2. paghahanap ng ligtas na tirahan; 3. panghihikayat ng mga kapamilya o kamag-anak na matagal nang naninirahan sa ibang bansa; 4. pag-aaral o pagkuha ng mga teknikal na kaalaman partikular sa mga bansang industriyalisado. Ang ***flow*** ay tumutukoy sa dami o bilang ng mga nandarayuhang pumapasok sa isang bansa sa isang takdang panahon na kadalasan ay kada taon. Madalas ditong gamitin ang mga salitang ***inflow***, ***entries* or *immigration***. Kasama din dito ang bilang ng mga taong umaalis o lumalabas ng bansa na madalas tukuyin bilang ***emigration***, ***departures or outflows*.** Kapag ibinawas ang bilang ng umalis sa bilang ng pumasok nakukuha ang tinatawag na ***net migration***. Samantala, ang *stock* ay ang bilang ng nandayuhan na naninirahan o nananatili sa bansang nilipatan. Mahalaga ang ***flow*** sa pag-unawa sa trend o daloy ng paglipat o mobility ng mga tao habang ang ***stock*** naman ay makatutulong sa pagsusuri sa matagalang epekto ng migrasyon sa isang populasyon. - Tinatayang 232 milyong katao ang nandarayuhan sa buong mundo sa kabuuang 3.1 porsiyento ng populasyon sa buong mundo. - Karamihan ng mga nandarayuhan ay maghanap ng trabaho. Mahigit pa sa 90 porsiyento ay mga manggagawa kasama ang kanilang mga pamilya. **Rank** **Countries** **Filipino Migrants** ---------- --------------- ----------------------- 1 USA 3,535,676 2 Saudi Arabia 1,028,802 3 UAE 822,410 4 Malaysia 793,580 5 Canada 721,578 6 Australia 397,982 7 Italy 271,946 8 UK 218,126 9 Qatar 204,550 10 Singapore 203,243 **Migrasyon: Perspektibo at Pananaw** 1. **Globalisasyon ng migrasyon** Tumataas ang bilang ng mga bansang nakararanas at naaapektuhan ng migrasyon. Ang mga bansang madalas puntahan o dayuhin tulad ng Australia, New Zealand, Canada at United States ay patuloy pa ring dinadagsa at sa katunayan ay nadadagdagan pa ang bilang ng mga bansang pinagmumulan nito. Malaking bilang ng mga migrante ay mula sa mga bansa sa Asya, Latin America at Aprika. 2. **Mabilisang paglaki ng migrasyon** Ang kapal o dami ng mga nandarayuhan ay patuloy ang pagtaas sa iba't ibang rehiyon ng daigdig. Malaki ang implikasiyon nito sa mga batas at polisiya na ipinatutupad sa mga destinasyong bansa. 3. **Pagkakaiba-iba ng uri ng migrasyon** Hindi lamang iisang uri ng migrasyon ang nararanasan ng halos lahat ng mga bansang nakapaloob sa usaping ito. May mga bansang nakararanas ng labour migration, refugees migration at maging ng permanenteng migrasyon nang sabay-sabay. Ang ***irregular migrants*** ay ang mga mamamayan na nagtungo sa ibang bansa na hindi dokumentado, walang permit para magtrabaho at sinasabing overstaying sa bansang pinuntahan. ***Temporary migrants*** naman ang tawag sa mga mamamayan na nagtungo sa ibang bansa na may kaukulang permiso at papeles upang magtrabaho at manirahan nang may takdang panahon.. Ang ilan sa halimbawa nito ay mga foreign students na nag aaral sa bansa at mga negosyante na maaari lamang manirahan pansamantala ng anim (6) na buwan. ***Permanent migrants*** ay mga overseas Filipinos na ang layunin sa pagtungo sa ibang bansa ay hindi lamang trabaho kundi ang permanenteng paninirahan sa piniling bansa kaya naman kalakip dito ang pagpapalit ng pagkamamamayan o citizenship. 4. **Pagturing sa Migrasyon bilang Isyung Politikal** Malaki ang naging implikasyong politikal ng migrasyon sa mga bansang nakararanas nito. Ang usaping pambansa, pakikipag-ugnayang bilateral at rehiyunal at maging ang polisiya tungkol sa pambansang seguridad ay naaapektuhan ng isyu ng migrasyon. 5. **Paglaganap ng 'migration transition'** Ang migrationtransition ay nagaganap kapag ang nakasanayang bansang pinagmumulan ng mga nandarayuhan ay nagiging destinasyon na rin ng mga manggagawa at refugees mula sa iba't ibang bansa. Partikular dito ang nararanasan ng South Korea, Poland, Spain, Morocco, Mexico, Dominican Republic at Turkey. 6. **Peminisasyon ng migrasyon** Malaki ang ginagampanan ng kababaihan sa usaping migrasyon sa kasalukuyan. Sa nagdaang panahon, ang labour migration at refugees ay binubuo halos ng mga lalaki. Nang sumapit ang 1960, naging kritikal ang ginampanan ng kababaihan sa labour migration. Sa kasalukuyan ang mga manggagawang kababaihan ng Cape Verdians sa Italy, Pilipina sa Timog-Kanlurang Asya at Thais sa Japan ay nagpapatunay rito. **Implikasyon ng Peminisasyon ng Migrasyon** Mahalagang banggitin na maraming bansa ang nagpanukala na mabigyan ng proteksyon ang mga kababaihan na imigrante lalo na sa kondisyon ng bansa na nais nilang puntahan. Ito ay upang maiwasan ang mga undocumented workers na laganap sa ibat bang panig ng mundo. **Mga Isyung Kalakip ng Migrasyon** 1. **Forced Labor, Human Trafficking and Slavery** - Halos 21 milyong tao ang biktima ng forced labor, 11.4 milyon dito ay mga kababaihan at 9.5 milyonnaman ay mga kalalakihan - Umabot sa 19 na milyon ang biktima ng eksploytasyon ng pribadong indibiduwal at mga kompanya at lagpas sa dalawang milyon naman ng mga rebeldeng grupo - Sa mga biktima ng eksploytasyon, 4.5 milyon ay biktima ng eksploytasyong sekswal - Nakalilikha ng US\$ 150 bilyong illegal na kita ang forced labor taon-taon - Malimit na mga migrant workers at indigenous peoples ang nagiging biktima ng forced labor. ![](media/image6.png)

Use Quizgecko on...
Browser
Browser