Pagpapahalaga sa Sining (CF-AQAO-002) 2023 PDF

Summary

This document is an exam paper about the appreciation of art from Para’aque City College. The paper is from 2023. This document includes content about art appreciation, and various aspects of art.

Full Transcript

CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 PAGPAPAHALAGA SA SINING CF-AQAO-002 Rev.3...

CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 PAGPAPAHALAGA SA SINING CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 Talaan ng Nilalaman Introduksiyon Ang Sining Bilang Kondisyon ng Posibilidad ng Pagbuo at Pagbago YUNIT 1 ANG ANYO NG SINING Ang Proseso ng Paglikha at Pagbabagong-Anyo ng Sining Mga Elemento ng Sining Ang Konsepto ng Estilo Ang Karanasang Estetiko at Proseso ng Pag-unawa ng Pagbabagong-anyo sa Sining Panimulang Talaan ng mga Termino sa Kritisismong Pansining Mga Elemento ng Sining Biswal CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 Introduksiyon Ang pag-unawa sa sining ay magiging makabuluhan lamang kung nakapaloob ito sa isang malawak na balangkas ng kasaysayan at lipunan. Nilalayon ng aklat na ito na pahalagahan ang sining bilang isang natatanging likha ng kasaysayan at lipunan at sa dahilang ito, hindi lamang ito tinatayang produkto o epekto ng naturang konteksto. Isinasaanyo nito ang konteksto sa proseso ng paglikha at pagdanas. Pinaniniwalaan na ang sining ay bunga ng isang malikhaing imahinasyon—o ang paglikha at pagkatha ng mga realidad—gayundin, ng masiglang ugnayan ng sining at lipunan. Dahil sa malikhaing imahinasyong ito, ipinapalagay na ang lipunan at kasaysayan ay bukas sa pagbabagong anyo. Sinisikap ng kurso na: isulong ang mapanuring pag-unawa at kamulatan, palalimin ang estetikong pambatid, at gawing masigasig ang kamalayan hinggil sa pagkaugnay ugnay o ekolohiya ng iba’t ibang sining sa loob ng lipunan at kasaysayan na siya nitong ugat, dugo, sinapupunan, at kaluluwa. Ito nga marahil ang dahilan kung bakit magiging mabuway ang kritika ng sining kung hindi ito isasalang sa pandayan ng uri, lahi, kasarian, seksuwalidad, pang-ideolohiyang paniniwala, etnisidad, at iba pang aspekto ng pagkatao; at kung hindi ito uusbong sa mga espesipikong kulturang lumad, Muslim, kolonyal, bayan, pangakademya, siyudad, at ng mga interseksiyon nito. Ayon sa mandudulang si Bertolt Brecht na para masinsin at masinop nating maunawaan ang sining, dapat “pag-isipan ang mga damdamin” at “dumama nang maisip.” Sinasapol ng panawagang ito ang paghasa ng isang kritikal na sensibilidad at pag-unawa sa sining bilang diskurso at karanasan, bilang isang intelektuwal na isyu at pansarili/pampolitikang praktika, at bilang estruktura ng mga idea at pangangahas ng haraya. Nilalayon ng ganitong lapit sa sining na magpanday ng isang balangkas ng mga relasyong maaaring magpatatag sa pagkakawing ng sining, tao, at lipunan. Ang samot-saring komplikasyon at kontradiksiyong lumiligalig sa tatlong kategoryang nabanggit ang itinatanghal ng kursong ito. Sa Ngalan ng Sining Sa pagtalakay sa sining, pinapangunahan na namin ang pagpapangalan at pagtatangi sa mga bagay bilang sining, isang gawaing pampolitika at usaping pang-ideolohiya. Yamang hindi naman natural na tinataglay ng isang bagay ang halaga o identidad ng sining, dapat nating manmanan kung paano tinatamo ng isang bagay ang birtud at potensiyal ng sining. Halimbawa, ang mga basag na salamin sa bakuran ay mga basag na salamin sa bakuran. Ngunit kung iipunin at ilalagak ang mga ito sa isang museo ng isang taong tinitingala bilang manlilikha ng sining; tatakdaan ng konsepto o teorya ng sining na malimit sa hindi ay ibinubunyag ng titulo ng obra o ng paliwanag sa isang lathalain; babasbasan ng curator ng kaniyang kapangyarihang CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 magtanghal ng exhibit; bibigyan ng rebyu ng isang kritiko sa pahayagan o libro sa sining; pag-uusapan ng komunidad bilang isang sining; magkakamit ng parangal sa isang timpalak ng mga alagad ng sining; iluluklok sa kasaysayang pansining bilang halimbawa ng isang partikular na estilo; magkakaroon ang mga basag na salamin ng bagong halaga at identidad. Bakit? Sa larangang ito, dapat bigyang-pansin ang papel na ginagampanan ng mga institusyong bumubuo sa tinatawag na art world o mundo ng sining sa pagtalaga ng kategorya ng sining. Dapat usisain kung paano nakikilahok ang museo, mga art gallery, akademya, pamilihan ng kultura, media, at estado sa pagtustos at pagpundar ng kapital sa pampolitikang ekonomiya ng sining, sa pagtatayo ng mga parametro ng depinisyon at herarkiya, sa pagpapairal ng mga panuntunan at klasipikasyon, sa paghirang at pagtakwil ng mga bagay bilang “sining” o “hindi sining” at ng mga tao bilang “alagad ng sining” o “hindi alagad ng sining.” Ang rebultong marmol lamang ba ang maaaring tawaging eskultura, taguring hindi kailanman dapat ikabit sa mga taka ng Paete? Sino ba ang karapat-dapat na tawaging nobelista, si Nick Joaquin na isang Pambansang Alagad ng Sining o si Nerissa Cabral na sumusulat para sa komiks? Wala ba talaga sa tono ang mga umaawit ng Pasyon tuwing Mahal na Araw o sadyang naiiba lamang ang itinuturing nilang kultura ng tunog at musika? Bakit ipinagbibili ang sining? Bakit ang icon o imahen ni Birheng Maria na ipininta ng isang “walang pangalang” deboto noong panahon ng Kolonyalismong Kastila na inilalako ngayon bilang antigo; at ang ukit na nilikha ng isang mumbaki sa Cordillera ay inaalok sa mga turista sa Baguio bilang pasalubong? Dapat nating alalahanin na ang mga tradisyonal na konsepto ng sining ay nagbibigay ng taning, ng mga hanggahan at limitasyon sa pagturing ng mga bagay bilang sining o kung anong antas ng kalidad nito. Napapanahon nang kuwestiyunin, hamunin, o basagin ang tradisyong ito. Dapat nating unawain na ang mga produkto ng kultura ay umiinog sa iba’t ibang kontekstong may angking mga espesipikong interes, kondisyon ng pagkabuo, kasaysayan, publiko, at pamantayan. Ang Sining Bilang Kondisyon ng Posibilidad ng Pagbuo at Pagbago Sa pagsisikap na gawing mas makabuluhan ang pagtuturo at pag-aaral sa sining, inilalatag ng aklat na ito ang isang pangunahing tema: ang sining bilang proseso ng pagbuo at pagbago. Mabibigyang buhay ang temang ito sa pamamagitan ng dalawang paraan: 1. Ang tatlong panteoryang sandigan ng sining bilang: a. anyo: paghulma ng materyal para maging isang bagay na binuo ng teknik at imahinasyon. Hindi maaaring tasahin ang anyo bilang isang natural na bagay dahil ito ay isinaanyo na ng teknolohiya ng sining. Nakikibahagi sa pagbuo ng anyo ang mga taong tumitingin o sumusuri nito dahil ginagamit nila ang kakayahang mag-usisa ng, halimbawa, kulay o hugis, at pinag-iisipan kung paano tinitinag ng anyo ang kanilang mga damdamin. Sa kabuuan, binubuo at binabago ng gumagawa at tumatanggap ng anyo ang mundong nakasanayan sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng anyo sa isip at damdamin at sa gawang- sining. Ito ang kakayahang dapat mabatid at mahasa ng mga mag-aaral ng sining at lipunan. CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 b. wika: pagbibigay-kahulugan sa mundo bilang realidad na nakapaloob sa proseso at mga relasyong diskursibo. Nakaugat at umuusbong ang saysay ng sining sa kultura, kasaysayan, at politika ng pagtalaga ng kahulugan sa mga transaksiyong panlipunan. Ang sining ay hindi lamang anyong estatiko o daluyan ng idea, kundi isang epistemikong balangkas na umoorganisa sa mga paraan ng pag-arok sa realidad sa pamamagitan ng kaalamang pinapalaganap ng mga teksto, diskurso, representasyon, at praktika. Dapat din nating pag-isipan na ang gawang sining ay hindi basta nariyan; tinitingnan at tinatanganan ito ng mga sistema ng pandama at interpretasyon. Iginigiit ito sa isang proseso ng pakikipagtalastasan. c. pampolitikang ekonomiya: ang paraan ng produksiyon, distribusyon, at pagtanggap ng sining sa lipunan na tinitiyak ng mga kondisyong sumasaklaw sa paggawa ng sining, mga relasyon na kasangkot sa proseso ng sining, pamamahagi at pagpapaabot ng sining sa publiko, at pagtangkilik nito ng mga komunidad sa lipunan. Ano-ano ang mga kondisyong pinaiiral ng mga tao at lipunan kung kaya’t nagiging posible ang paglikha ng sining? Ano-anong sektor ang nagtataguyod sa paglikhang ito? Ang estado at pamilihan ng sining lamang ba? O kabahagi rin sa proseso ang mga komunidad, ang mga organisasyong pangkultura, at ang iba pang bukluran sa mga bayan-bayan? 2. Ang apat na disiplinang lumilinang sa teorya sa sining: a. ang produksiyon ng sining: sakop nito ang mga proseso ng pagbuo ng anyo at hulagway (imahen) na kinabibilangan ng materyal, teknik, kagamitan, yari; konsepto ng magandang gawa, kalidad, halaga; ang pagpapahayag ng damdamin tungkol sa isang anyong makasining; ang buhay ng isang taong gumagawa ng sining o ng lahat ng manlilikha; ang panahon at talinong ginugugol sa paggawa ng sining; mga impluwensiyang bukal ng inspirasyon o idea ng mga manlilikha ng sining. Ang manlilikha ba ay isang indibidwal lamang o kaanib ng isang kolektibo, komunidad, at kapatiran? Siya ba ay henyo o babaylan o pangkaraniwang tao sa lipunan? Paano niya nagagawa ang kaniyang mga likha at naitataguyod ang kaniyang buhay bilang manlilikha? Sa sariling pagpupursigi ba o sa suporta ng estado o merkado o sa pakikipag-ugnayan sa kapwa? b. kritisismong pansining: ang interpretasyon, pagsusuri, at pagtatasa ng sining at ng mga aspekto nito. Ang sumisipat sa sining ay nagtatala ng datos (tema, estilo, kumbensiyon) tungkol sa obra, naglalarawan, nagbibigay-kahulugan, at nagtatalaga ng halaga sa konteksto hindi lamang ng kultura kundi ng pamilihan ng sining din. Nagpapasya at naghuhusga rin siya, at dahil dito inaangkin ang kapangyarihang magtaya ng posisyon tungkol sa sining at sa bisa nito sa lipunan. Hindi pribilehiyo ng mga establisadong “kritiko” na nakapagsusulat sa diyaryo o nakapagtuturo sa akademya ng kritisismo. Kailangan linangin ang kritisismo bilang isang pang-araw-araw na gawi at kaugalian. Hindi dapat ipagpalagay na may mangmang sa pagkilatis ng karanasan; kailangang hikayatin ang lahat na magpahayag ng pananaw ayon sa isang oryentasyong pangkultura at pampolitika at hindi ayon sa dikta ng isang sektor lamang ng mga “kritiko.” Kung para sa lahat ang sining, gayon din ang kritisismo: ang mga manang na nakikinig sa radyo, ang nagtuturo ng paglilok sa barangay, ang karpintero ng ating mga bahay, ang nag-aayos ng ating buhok ― silang lahat ay may masasabi tungkol sa mundo at sa paggalaw nito. Angkin nila ang wika kung paano ipamalas at ibunyag ang kaalamang ito. Sa mga huntahan, sa silid-aralan, sa telebisyon, sa hapag-kainan ― ito ang mga larang ng iba’t ibang antas ng kritisismo. CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 c. kasaysayang pansining: tinutukoy nito ang paglulugar sa sining sa konteksto ng panahon at espasyo. Ang sining ay binabalangkas sa kasaysayan ng lipunan, kultura, at mundo ng sining. Sinisiyasat ang mga pagbabago ng wika ng sining, ang mga estruktura ng mundo ng sining, ang mga paraan ng paglikha at pagtanggap ng sining. Nakakabit sa disiplina ng historiyograpiya ang mga tanong na karaniwang inilalahad ng historyador ng sining: Paano binubuo ang halaga at konsepto ng sining sa loob ng isang kasaysayang pansining? Sino ang umaako ng responsibilidad para bumuo ng kasaysayang ito? Sino ang nagsasabi kung saan galing ang obra, kung ito ay huwad o totoo, o kung dapat itong ibalik sa orihinal na anyo? Ano ang kabuluhan ng mga tradisyon sa sining, mga estilo at ikonograpiya, mga gamit o bisa ng mga bagay na pinangalanang sining? d. estetika: ang persepsiyon ng damdamin tungkol sa anyong makasining sa konteksto ng isang engkuwentro o sitwasyong estetiko. Karaniwang itinatanong: Ano ang prosesong kaakibat sa pagbuo at pagbago ng realidad sa pamamagitan ng paggawa at pagbuo ng sining? Ano ang mga pamantayan ng konsepto ng maganda o hindi maganda? Kung nagagandahan ba tayo sa isang bagay tulad ng paglubog ng araw o pagdampi ng hangin sa ating noo, nagiging sining ba ang araw at hangin? Paano nabubuo at nababago ang karanasang estetiko sa proseso ng pagdanas? Bakit hindi dapat itali ito sa konsepto ng sining na binuo ng mga institusyon ng art world sa kasaysayan, at pinalaganap bilang totoo at mabisa para sa lahat ng kultura at panahon? Dapat unawain ang sining bilang isang metapora na nakikisangkot at humahamon sa mga puwersa sa kalikasan. Mula materyal tungo sa anyo sa proseso ng paglikha ng mga bagong bagay ― ito ang kaganapan ng paglinang sa sining Masakit ba sa mata ang mga barong-barong na nagkukulumpon sa isang kolonya ng mga iskuwater at kailangan pang itago ang mga ito sa likod ng pader na pininturahan ng kalburong puti? Malaswa ba ang karalitaan at kanais-nais ba ang luho? Bakit naaantig ang ating damdamin sa mga eksena ng paghihikahos, pagdurusa, lagim, karahasan, at pagkarahuyo? Ang katawang hubad ba ay nakapupukaw ng estetikong karanasan o pornograpiya lamang at paglapastangan sa katawan at seksuwalidad? Ano ang humuhulma sa ating sistema ng panlasa? Paano natin dinaranas ang kapangyarihan at pakikibaka? At anong uri ng lambat ang isasaboy para mahuli ang usaping estetiko sa pagbatid ng transpormasyon ng mundo, mula sa diumano’y nakasadlakan nitong karma ng kahirapan tungo sa pagbunyi sa kalayaang magbuo at magbago? Ang estetika ay tumutukoy sa proseso ng pagdanas sa mundo at kung paano naapektuhan ng pagdanas na ito ang mga paraan ng pagdama, pag-isip, at pagkilos. Kung isinasaayos ang sining sa dalawang kontekstong inilahad ― ang mga panteoryang sandigan at ang mga disiplina ng aralin sa sining ― nagkakaroon ang sining ng kabuluhan sa lipunang dapat buuin o baguhin at nasisinop nito ang kakayahan ng estudyanteng maging mataman sa pag-alam sa proseso ng paglikha bilang imahinasyon, interpretasyon, at pang-ideolohiyang interbensiyon. Lumilihis ang oryentasyong ito sa sinaunang konsepto ng sining bilang obra maestra o sibilisasyon. Sino nga bang pantas ang nagsabi na sa likod ng isang marangyang kayamanan ay isang marangyang pagnanakaw? At sino rin ang nagsabi na ang “bawat dokumentong kultura ay dokumento ng karahasan?” Dapat ba tayong mamangha na lamang, halimbawa, sa mga lumang simbahang katoliko at kalimutang naitayo ang mga ito sa pamamagitan ng dugo at pawis ng ating mga ninuno? Ang mga mag-aaral ng sining CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 ay dapat maging aktibong tagapagbanyuhay ng anyo: dapat nilang linangin at pag-ibayuhin ang isang masigasig na kamalayang listo at mulat sa mga pahiwatig ng anyo at ideolohiya. Para lalong maging mas malinaw ang mga konseptong natalakay, narito ang isang balangkas na gagabay sa ating pag-aaral ng sining: Panawagan din ng aklat na ito ang pagpapalawak ng saklaw ng sining at balasahin ang orden ng mga alintuntunin nito. Ang pintura ay dapat tawaging ekspresyon sa dalawang dimensiyon para mayakap ang mga anyo tulad ng tattoo, imprenta, billboard, pinta sa kalesa at jeepney, retrato, telon, habi, banig, balot ng pastilyas at suman. Ang eskultura ay dapat tingnan bilang ekspresyon sa maraming dimensiyon nang makupkop ang mga anyo tulad ng paso, muwebles, ukit, achara, parol, installation, pabitin, taka, pamaypay, at kasuotan. Ang sining pantanghalan ay dapat bumaling hindi na lamang sa mga anyong klasikal o pang- akademya, kundi pati sa Pasyon, teatro pabrika, broadway, senakulo, bodabil, iba’t ibang palabas sa plaza, konsiyerto, sayaw sa lansangan, ritwal. Mula lic-ha, ang tahanan ng espiritu ng ating mga ninuno, tungo sa likha, isang malawak na mundo ang kailangang bagtasin natin sa pag-aaral ng kasaysayan ng tao sa sining. Kung tatalakayin, halimbawa, ang habi, mapapansing hindi nakatutulong ang mga kumbensiyonal na batas ng pagsasa-kategorya, bagkus sagabal pa ito sa isang mahusay na pag-unawa sa sining at kultura ng paghabi. Ang habi ay ritwal, mito, identidad, at ekolohiya. Ang sinumang bumuwag sa pagsasalikop na ito ay gagawa ng masidhing karahasan laban sa sining ng habi. Ang balanghay ng Butuan, kung susundan natin ang lohika, ay anyo, teknolohiya ng paggawa ng sasakyang pandagat, kultura ng tubig, ruta ng kalakal, at mitolohiya ng paglalakbay. Bilang paglalagom, hindi sinasagot ng pag-alam sa sining ang katanungang, “Ano ang sining?” kundi ang pagpaksa sa sumusunod: Pagpapakahulugan sa Sining Kahalagahan at Kabuluhan ng Sining Ang idea ng sining ay hindi dapat tingnan bilang likas na konseptong natural na nagtatanghal sa sarili nito, o walang namamagitang mga paniniwala tungkol dito. Hindi ito dapat tingnan na nagdadala ng permanente at unibersal na kahulugan, ngunit bilang produksiyon ng pagpapahalaga sa kasaysayan at pagbabagong historikal. Ang idea ng sining, upang mabigyang kabuluhan ito sa mga espesipikong kaayusang panlipunan, ay binibigyang-kahulugan at itinatakda ang kahalagahan at saysay sa iba’t ibang paraan. Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa paraang binibigyang-kahulugan at halaga ang sining, at ang kapangyarihang CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 kinakailangan ng proseso, mas napatitingkad ang mga isyung kasangkot sa panlipunang konstruksiyon ng sining. Ang kritikal at makataong kilos o paninindigan sa pag-unawa kung ano at para saan naninindigan ang sining ay di-maiiwasang magbubunsod sa atin upang tanungin at hamunin ang teoretikal na batayan ng kahalagahan ng sining sa ating buhay at magtala ng mga bagong posibilidad kapwa para sa sining at lipunan. Ang Bisa ng Edukasyon sa Sining Ang pag-aaral ng sining sa kursong ito ay konseptuwal at praktikal. Ipinapalagay at hinahangad namin na magkaroon lamang ng isang taimtim na pagbibigay-halaga sa sining kung iuugat ito sa disiplina ng mapanuring isip, sa isang matalas na pandama, at sa isang uri ng ethos at moralidad na magsisilang ng isang karakter o pagkataong may malasakit sa katarungang panlipunan. Ang pilosopiya ng edukasyong gumagabay dito ay sensitibo sa proseso ng pagbabago, sa politika ng imbestigasyon, at sa pag-agos ng kaalaman sa kapalarang binabago ng teknolohiya ng kultura at sining. Ito ang pangaral at pangarap ni John Dewey: Ang paghahardin, halimbawa, ay hindi dapat ituro para ihanda tayong maging hardinero, o bilang isang uri ng kaiga-igayang paraan ng pampalipas-oras. Naglalaan ito ng isang lapit na umaalam sa naging lugar ng pagsasaka at pag aalaga ng tanim sa kasaysayan ng lahi at sa kasalukuyang organisasyong panlipunan. Kung dadalhin sa isang konteksto na kontrolado ng edukasyon, ang mga ito ay nagiging paraan ng pag-aaral sa mga puwersa ng pagyabong, sa kemistri ng lupa, sa papel na ginagampanan ng sinag, hangin, at hamog... Ang edukasyong ito ay makatao, progresibo, demokratiko, intelektuwal, malikhain, diyalohikal, at mariing nagpapatotoo na ang praktikang pedagohikal ay pampolitika at ang praktikang pampolitika ay pedagohikal. Ang pagtuturo at pag-alam ay negosasyon ng kapangyarihang ipaglaban ang katwiran at posibilidad ng isang malayang daigidg. Kung kaya’t sisinupin ng huling bahagi ng aklat ang mga usapin sa ilalim ng tema ng sining bilang isang pamana sa pang araw-araw at sa abot-tanaw ng hinaharap. Anyo Ng Sining Ang misteryo ng buhay ng tao ay nakabatay sa kamalayan natin kung sino tayo sa isang tukoy na panahon. Mayroon tayong mga karanasan na tanging atin lamang ― paningin, pandinig, pang-amoy, pandama, at panlasa ― na ibinunga ng limang sentido na tumatanggap ng mga penomenon sa ating minsa’y mayaman at minsa’y nagdarahop na kaligiran. Lumulubog at sumisikat ang araw, sumasabay ang anyo ng buwan sa ritmo ng panahon, at ikinukubli ang asul ng kalangitan ng mga ulap na nangungusap sa atin sa pamamagitan ng pabago-bagong mga hulagway. Subukin nating tumingala sa langit at pagmasdan ang mga ulap na ito. May nakikita ba tayong dragon? Babae? Bulaklak? O kaya’y mukha ng Diyos? Ni Allah? O ni Bathala? Hindi nga ba’t makatwiran ang kasabihang “nakikita natin ang gusto nating makita?” Ngunit tulad ng mga ulap na patuloy na gumagalaw at nagbabago, ganoon din ang tao na nag iiba-iba ang karanasan, pangangailangan at kagustuhan sa buhay. Ang mga ulap kahapon ay kakaiba sa mga ulap na mabubuo bukas dahil na rin sa pagkakaiba-iba natin bilang tao na nagmamasid at nagbibigay-kahulugan sa galaw ng kalikasan. Sa mga pag-aaral ng kasaysayan ng tao, sinasabi ng mga dalubhasa sa antropolohiya na bago pa man matutunan ng tao ang isang sistema ng wikang pasalita ay nauna na rito ang kaalaman nila sa CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 komunikasyong biswal. Ang kakayahan ng katawan na gumalaw at lumikha ng tunog ang nagsilbing pundasyon ng kanilang pag-uunawaan. Bukod pa rito, inilalarawan ng mga guhit sa kuweba na nadiskubre sa Europe ang mga paniniwala at uri ng pamumuhay ng sinaunang tao. Nagbibigay ang mga ito sa atin ng mga kahulugan at pagpapahalaga sa kasalukuyan. Ito ang kanilang mga likha na binigyang- anyo ng kanilang materyal na kaligiran at kakayahang umunawa sa kanilang karanasan. Tinutukoy ng konsepto ng sining bilang anyo ang proseso ng transpormasyong nangyayari sa materyal mula sa isang realidad ng kalikasan tungo sa paglikha ng isang anyo na partikular sa isang kultura at panahon, at magbibigay-daan sa pag-unawa ng iba pang uri ng panahon at lipunan bilang isang penomenon ng kolektibong karanasan ng tao. Nakabatay ang pag-unawa ng sining sa ugnayan nito sa espesipikong lipunan at panahon na siyang humulma ng pagpapakahulugan dito, kasama sa lipunang ito ang dumaranas at umuunawa rito bilang isang karanasan. Mahalagang isaalang-alang na dumaraan sa isang proseso ang paglikha at may iba’t ibang antas ng pagbabagong-anyo ang sining. Ang transpormasyong ito ay mahalagang unawain dahil dito makikita ang pagkamalikhain ng tao na siyang maaaring magbigay din ng depinisyon sa kaniyang humanidad o katauhan. Gayundin, mahalagang pagtuunan ang pagkamalikhain dahil nabibigyan ng kapangyarihan ang tao na aktibong lumilikha ng kaniyang buhay na patuloy na nagbabago. May iba’t ibang paraan kung paano bigyang-uri ang mga gawang-sining. Isa na rito ay ang kategorisasyon ng mga anyo ng sining na batay sa paggamit ng sentido—ang sining biswal, musikal, at itinatanghal. Bagamat ang sining biswal ay mga estatikong likha na nakadepende sa sensasyon ng pagtingin, hindi naman maitatanggi na ito ay nasasalat din at kung minsa’y may aspekto rin ng kinetisismo o paggalaw. Pangunahing pinakikinggan sa isang temporal na panahon ang musika, ngunit hindi maitatanggi na may dimensiyon din ng pagtatanghal na kailangang maranasan. Gayundin, may aspektong biswal din ang musika kung binibigyan ito ng hulagway ng ating kaisipan batay sa karanasan ng pakikinig at itinatala ang nota ng musika sa piyesang musikal. Samantala, kombinasyon ng mga sining na gumagalaw sa espasyo at panahon ang sining na itinatanghal o perpormatibo, kung kaya nakabatay din ito sa pagiging biswal at musikal. Ang mga kategorisasyon ng sining na batay sa sentido o pandama ay isang paraan upang mapadali ang pagtalakay at pag-aaral sa maraming anyo na linikha ng tao. Marami pang ibang paraan kung paano natin mauuri ang mga ito batay na rin sa pangangailangan ng isang lipunan na unawain ang mga gawang-sining. Upang magkaroon ng estetikong pag-unawa, kailangang pag-aralan muna ang sining bilang isang anyo—may hubog at porma na patuloy na nangungusap sa atin at minsa’y nakikipagtunggali sa isang espasyo at panahon. Ang Proseso ng Paglikha at Pagbabagong-Anyo ng Sining Saklaw ng malikhaing kakayahan sa paglikha ng sining ang paggamit ng piling materyal at teknik upang maisagawa ang disenyong estetiko. Tinutukoy ng katagang “materyal” ang mga pisikal na bagay na nilalapatan ng imahinasyon ng tao upang mabigyan ng anyo at maituring na isang gawang-sining. Mahalaga ang dimensiyon ng aktibong partisipasyon ng tao na siyang lumilikha ng mga porma ng sining upang makita natin ang diyalogong nagaganap sa pakikipag-ugnayan niya sa pisikal na kaligiran tungo sa CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 iisang lipunang nilikha at hinubog ng tao. Maaaring isalarawan ito sa dikotomiya ng “natural” na mundo at “kultural” na mundo, ngunit dapat tandaan na ang mga kategoriyang ito ay arbitraryo at nagsasanib ang mga hangganan. Sa proseso ng paglikha, nagsisilbing prinsipyo ng organisasyon ng sining ang mga materyal at mga elemento ng sining. Isinasakonteksto rin ang mga ito sa espesipikong teknolohiya at teknik ng paglikha na umusbong sa isang lipunan. Sa produksiyon ng sining, nakalilikha ang mga alagad ng sining ng imahen na may intensiyong magkaroon ng ekspresibo at mapagpahayag na karakter, may kapangyarihan na magpukaw ng mga emosyon o damdamin, mga konsepto at pinahahalagahan, at iba’t ibang dimensiyon ng kahulugang pangkultura at panlipunan. Sa tradisyonal na pagpipinta, kabilang dito ang pinipintahang canvas at papel na ginagamitan ng kulay mula sa oleo, water color, at tinta. Nabubuo ang mga dibuho na nalilikha bunga ng imahinasyon ng isang pintor, mabibigyang-anyo at karaniwa’y ilalagay sa kuwadro. Sa di-tradisyonal na pamamaraan, higit na malawakang nagagamit ang mga materyal na matatagpuan sa ating kaligiran tula ng lata, bote, mga graffiti sa pader at mga istrimer sa mga kilos protesta sa lansangan. Sa katutubong sining-biswal, ang katawan na nagpapahayag ng estado at uri ng katauhan ng nagdadala nito ang pinakamahalagang materyal sa sining ng pagta-tattoo. Sa bawat materyal na gamitin, iba’t ibang teknik at teknolohiya ang nililinang. Nakakawing din ang manipulasyon ng mga materyal sa mga pagbabago sa larangan ng agham at teknolohiya. Tulad ng kasaysayan ng sining-grapiko sa pamamagitan ng grabado o engraving, ang pagbabago mula woodblock printing tungo sa copperplate printing sa Europe at China ay nangangahulugan ng pagbabago sa moda ng produksiyon at ekonomikong aspekto ng sining. Itinulak ng pagkakaimbento ng movable press ni Guttenberg noong 1435 sa Europe ang produksiyon ng mga grabado. Naging maramihan ang sistema ng paglilimbag, mabilis na lumawak ang kaalaman at umunlad ang edukasyon para sa nakararami. Natapos na ang panahon na isa- isang kinokopya ang mga aklat ng mga mongha upang maparami ito; tampok dito ang sining ng illustrated manuscripts, o mga palamuti sa pahina ng mga aklat na masinop na kinokopya nang pira-piraso. Nagsimula na ang panahon ng mabilis at maramihang produksiyon ng mga aklat, kasama ng mga grabado na naglalarawan ng mga imahen ng Kristiyanismo na masasabing nakatulong ito sa sa pagpapalaganap ng relihiyon. Gayundin, ang demokratisasyon ng mga paglilimbag ay naghudyat ng paglaganap ng alternatibong interpretasyon ng Bibliya dahil hindi na ito nakabatay lamang sa punto de bista ng simbahan. Naging malaya ang mga intelektuwal sa Europe tulad nina Martin Luther at John Calvin upang isakritiko ang dogmatismo ng Katolisismo at pasimulan ang kilusang Protestantismo. Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ang ganitong prinsipyo ng paglikha sa pamamagitan ng xerography dahil na rin sa malawakang paggamit ng mga papel copiers o xerox machines na ginagamitan ng metodong collage o ang pagsasama-sama ng mga imaheng nagtutunggalian ang mga kahulugan upang CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 makabuo ng panibagong kahulugan. Mabilis ang paglaganap ng mga impormasyon sa pamamagitan ng mga computer, fax machine, e-mail, at internet na makakaapekto sa produksiyon ng sining. Mayroon nang mga paraan upang sa computer na mismo makalikha ng mga larawan at mga disenyo. Tinatawag na computer arts, ang mga visual artist tulad ni Jose Tence Ruiz ay naghahangad na maging tanggap sa mundo ng kontemporaneong sining ang mga “output” mula sa teknolohiya ng computer. Kakaibang halina ang ibinibigay nito dahil sa bilis ng mga gawain na maaaring magdulot naman ng kapwa positibo at negatibong epekto sa pagkamalikhain natin bilang tao. Halimbawa nito ay ang isyu kung ano ang mahalagang pagbatayan ng produkto ng sining mula sa computer—ang inimprentang disenyo ba o ang konseptong nasa diskette? Nakapaloob sa problema ng pagbebenta ng computer art sa mundo ng tradisyonal na pamilihan na nagpapahalaga sa idea ng orihinalidad. Sa konteksto ng advertising at komersiyal na print media, malaking tulong naman ang nagawa ng computer sa eksperimentasyon ng mga disenyo at sa pagpapabilis ng trabaho. Sa anupaman, ang pagtataya, paghuhusga at pagdedebate ng mundo ng sining ukol sa konsepto mismo kung ano ang “tanggap na sining” batay sa materyal at prosesong ginamit sa paglikha ang naging nilalaman ng kontemporaneong panahon. Sa sining ng eskultura, higit na napapansin ang kahalagahan ng materyal dahil ipinakikita rito ang mga katangian at kahulugan ng mga materyal na ginagamit mula sa isang espesipikong kaligiran. Halimbawa, ang paggamit ng kahoy ay nagpapahayag ng konseptong “organiko,” “buhay,” at “may init” samantalang ang marmol na ginagamit ng mga Griyego ay may konotasyong “malamig,” “walang emosyon,” “permanente,” at “may kamahalan” kung kaya’t madalas mapaboran ng mga taong nasa kapangyarihan ang paggawa ng mga rebultong pampubliko na yari sa mga nasabing materyal. Ang metal na ginagamit sa makabagong eskultura ay maaaring kumakatawan sa modernong panahon na ating ginagalawan dahil na rin sa malawakang paggamit nito sa industriyalisasyon ng mga lungsod. Sa paggawa ng pottery o pagpapalayok, naihahayag kung anong uri ng lupa o luwad ang matatagpuan sa isang lugar at kung anong klase ng teknolohiya ang umusbong dito. Ang teknolohiya ay maituturing na batayan ng antas ng kaalaman sa isang lipunan at ng paraan ng pagtugon sa pangangailangan ng tao sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang sinaunang sibilisasyon ng China at Greece, gayundin ang Pilipinas, ay higit na mauunawaan dahil sa mga labing palayok na nagpapakita ng ekonomiya at panlipunang pamumuhay, gayundin ng paniniwala ng mga taon noon. Ganito ang nailarawan sa Manunggul Jar. Natagpuan ang palayok na ito sa Kuweba ng Tabon sa Palawan at sinasabing 50,000 taon na. Makikita rito ang dalawang imahen ng tao na nakasakay sa bangka, nagsasagwan at tila nakatingin sa malayo. Isang burial jar ito na sisidlan ng mga buto ng ating mga ninuno. May mga nagsasabing nagpapatunay ang bangang ito na noon pa man ay nauunawaan na ng ating mga ninuno ang konsepto ng paglalakbay ng espiritu sa pagkamatay ng tao. Ipinahihiwatig ng bangka na ang kaligirang ginagalawan nila ay tabing-dagat kung kaya batay din sa karagatan ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga ito at mga konseptong nabuo rito. CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 Sa larangan ng sining-bayan, isang prinsipyo ng paglikha ang paggamit ng mga materyal na malapit sa buhay ng isang tao. Karaniwang kinukuha lamang ang mga ito sa kaligirang ginagalawan, mura, at hindi tumatangkilik sa mga sintetikong materyal ang sining na ito. katulad ng paggawa ng taka o papier mache, gumagamit lamang ng pira-pirasong diyaryo at gawgaw upang makabuo ng mga disenyo. Sa bayan ng Paete, Laguna, na kilala bilang sentro ng pag ukit sa kahoy, laganap din ang pagtataka bilang sining at industriya. Nagsisimula ang proseso ― sa paggawa ng takaan o nililok na kahoy ayon sa tradisyonal na disenyo ng kabayo, bibi, ibon, tandang, at babaeng may salakot. Ididikit sa takaan ang mga pira-pirasong diyaryo sa pamamagitan ng nilutong gawgaw hanggang sa kumapal ito. Matapos patuyuin sa init ng araw, alisin na ang hulmahang takaan at pagdidikitin ang dalawang bahagi upang maibalik sa disenyo. Lalagyan ito ng matitingkad na kulay tulad ng pula, dilaw, berde, at asul, at muling patutuyin sa araw. Karaniwang kababaihan ang gumagawa ng taka habang ang mga lalaki naman ang manlililok ng kahoy. Sa kasalukuyan nag-iiba ang mga disenyo ng mga taka sa pagpasok ng komersiyalismo. Naging karaniwan ang mga disenyo ng usa, aso, pusa, giraffe, at Santa Claus, pati mga kahon na pang-alahas na tinatangkilik sa ibang bansa. Sa pagtatala ng isang malikhaing artist tulad ni Jose Tence Ruiz, nakatukoy siya ng ilang anyo ng sining sa makabagong panahon na sumusuri sa mga posibilidad ng paglikha mula sa mga bagong materyal, teknik, at konteksto ng produksiyon. Nagsusulong ang ilan sa mga ito ng mga progresibong idea at estilo at umaantig sa masidhing estetikong karanasan. Kabilang dito ang: kariton ni Rene Aquitania ng Baguio na pinuno ng samot-saring basurang naipon sa kaniyang paglilimayon mula Baguio hanggang Metro Manila silid ni Lani Maestro sa New York na puno ng kulambo mga tulay-kawayan ni Roberto Villanueva mga dibuho sa tisa ni Ed Manalo na ginawa sa aspalto ng isang lansangan sa harap ng isang eksibit ng mga retrato ng mga bata mga pagtatanghal nina Jose Legaspi at Yason Banal na umuusisa sa kanilang seksuwalidad CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 senakulo ng PETA noong 1988 kung saan gumamit ng naglalakihang taka na nagsilbing mga ulo ng karakter sa dula; ginanap sa Smokey Mountain, isang tambakan ng basura na ngayon ay isa nang proyekto para sa Philippines 2000 mga manikin ni Francesca Enriquez na binabalutan ng makapal na sebo mga gawa nina Fred Aquilizan, Hermisanto, at Junyee na ginamitan ng materyal galing sa gubat tulad ng kawayan at iba pang biodegradable at hindi sintetikong materyal mga palayok ni Gerry Bautista ng Pampanga na nagpapahiwatig ng pagkaligalig mga bagay-bagay sa bahay na nilikom ni Gerardo Tan at inihanay sa dingding ng museo Mga Elemento ng Sining May espesipikong wika ang sining na nangungusap sa atin. Kung biswal man, batay sa tunog o pandamang karanasan, ang mga ito ay uri ng komunikasyon na may naihahatid na kahulugan sa atin kahit walang gamit na mga salita. Wika nga ng kritiko sa sining na si John Berger—“Seeing comes before words.” Sa mundo ng komunikasyong biswal, tumitingin tayo bago magsalita. Ang penomenon ng pag-unawa sa sining ay nagmumula sa obserbasyon ng tao sa kaniyang paligid at katawan, pati na rin sa lipunang humuhulma sa kaniyang pang-unawa. Binibigyang-representasyon natin ang ating karanasan sa pamamagitan ng mga elemento ng sining at ito rin ang magiging batayan ng pag unawa sa proseso ng interpretasyon. Bilang isang anyo, nakabatay ang pagtalakay ng sining sa mga elemento ng paglikha at paglinang na tumatayo bilang prinsipyo ng organisasyon ng ekspresyon at persepsiyon. Kinakasangkapan natin ang mga pormal na elemento tulad ng linya, hubog, kulay, galaw, salat, liwanag, komposisyon, espasyo, sukat, at perspektiba bilang batayan ng pagbuo at pagbago. Mahalagang malaman na kasangkapan lamang ang mga elementong tinutukoy na makatutulong sa ating estetikong pambatid kasabay ng pag-unawa sa kaalamang pangkasaysayan ukol dito. Depende rin sa uri ng sining at lipunang tinutukoy, maaaring nakapaloob ang mga elemento sa iba’t ibang balangkas ng pagtingin. Halimbawa, ang mga elemento ng musika ay mga pakahulugan ayon CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 na rin sa sensasyong idinudulot nito at sa imahinasyon ng nakikinig dito. Malakas ba o mahina ang tunog? Mabilis o mabagal? Anong uri ng konsepto ng pagpapanahon ang naidudulot ng dumadaloy at dinamismo ng mga tunog? Sa sining pagtatanghal tulad ng dulaan, malaking bahagi ng pag unawa rito ay ang pagtrato sa espasyo ng entablado bilang pandayan ng mga konseptong biswal at literal, kasama na ng interaksiyon ng mga aktor sa mga manonood. Gayundin, malaki ang kinalaman sa pagbuo ng elemento ng sining ang uri ng lipunan dahil dito nabuo ang karanasan natin sa mundo, kung kaya maaasahang may kaibahan ang mga “pagbasa” sa mga elemento ng sining. Ayon sa kritiko sa sining na si Alice Guillermo, nagmumula sa dalawang salik ang batayan ng mga elemento ng sining: una, ang siko-pisikal na karanasan ng tao sa kaniyang katawan at kapaligiran; at pangalawa, ang sosyo-historikal na batayan ng lipunan. Tumutukoy ang una sa mga karanasan ng tao sa kaniyang mundong ginagalawan at kung paano siya nakabubuo ng mga konsepto batay sa mga ito na kaniyang inilalapat sa pagtingin sa sining. Kumikilala ang pangalawa sa papel ng uri ng lipunan at panahon na humuhulma sa pilosopiya, paniniwala, at pagpapalaganap ng isang grupo ng mga tao na makaapekto sa pagtingin na sining. Linya Ang kakayahan ng mga mata natin na tumingin sa mga penomenon sa mundo ang batayan ng mga elementong nararanasan natin sa espasyo. Tulad ng elemento ng linya, maaaring ang pagbibigay natin ng konseptwal na kahulugan dito ay nakabatay sa obserbasyon natin sa katawan ng tao. Batay sa uri ng linya, maaari nating pahalagahan ang ating nakikita. Makikitang matatag at may prinsipyo ang linyang vertical o patayo dahil sa nakatuntong ito sa lupa paitaas. Tulad ng katawan ng tao na tuwid ang tayo, iniisip natin na may dignidad, karangalan, at prinsipyo ito. Paitaas ang ating tingin sa pagtingala natin sa ating mga idolo. Sa kumbensiyon ng lipunan, ang mga propesyong nangangailangan ng tuwid na likod tulad ng pagsusundalo ay may kaakibat na hulagway ng disiplina at kadakilaan. Samantala, nagbabadya ang linyang horizontal o pahiga ng katahimikan o kapayapaan dahil na rin sa posisyon ng katawan ng tao na nakahiga kung wala na itong buhay o natutulog kaya. Magsasaad naman ang linyang diagonal o pahalang ng aksiyon at enerhiya dahil na rin sa obserbasyon sa katawan ng tao kung gumagalaw ito. Mababanaag natin ang ideang ito sa eskultura ni Guillermo Tolentino sa Caloocan, ang Monumento ni Andres Bonifacio na inilalarawan ang bayani bilang lider ng himagsikang Pilipino. Dito, nakatayo si Bonifacio nang matuwid habang malayo ang tingin, nag- iisip bilang pinuno, at hindi natitinag ang kaniyang paninindigan. Ang isa pang uri ng linya ay ang linyang maalon. Isinasaad nito ang indayog at kagandahan tulad ng ating karanasan sa banayad na daloy ng tubig, malambot na tela, at mahabang buhok ng babae. Tingnan na lamang ang mga patalastas ng shampoo sa telebisyon na nagpapakita ng mahahabang buhok CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 ng kababaihan na umaalon sa hangin. Siyempre pa problematikong paghuhulagway ng kagandahan ng babae na likha ng mass media ang resulta nito. Samantala, nangangahulugan naman ng pagdurusa at sakuna ang linyang patulis gaya na rin ng karanasan natin sa matatalim na bagay tulad ng kutsilyo, basag na baso, o pangil ng hayop. Sa arkitektura, maaaring horizontal o vertical ang oryentasyon ng estruktura ng linya. Halimbawa sa estilong Gothic noong ikalabintatlong dantaon, nakabatay sa oryentasyong pataas at nakaturo sa langit ang mga katedral upang ipahayag ang espiritwal na pilosopiya ng panahong iyon. Samantala naging horizontal ang oryentasyon ng arkitekturang Renaissance upang pahalagahan ang higit na makamundo o sekular na oryentasyon ng humanismo. Hubog/Hugis Ang hubog o hugis ay tumutukoy sa anyo ng mga bagay kung heometriko o organiko ang mga ito. Tinutukoy sa una ang mga hubog ng tatsulok, bilog, parisukat, parihaba, oblong, cylinder at cone na malimit gamitin sa paggawa ng mosaic sa sining Islamiko. Bawat isang heometrikong hubog ay may kahulugan; ang tatsulok ay nangangahulugan ng katatagan; bilog, kabuuan; at parisukat, pagkakapantay- pantay. Samantala, ang mga hubog na organiko ay tumutukoy sa mga anyo na matatagpuan sa kalikasan o nagpapakita ng dinamismo tulad ng katawan ng tao. Maaaring hubugin ng tao ang kaniyang katawan upang magsaad ng mga kahulugan sa sayaw at sa teatro. Maaaring tikom o bukas, ang mga hubog ay umaalinsunod sa mga konsepto natin ng kapangyarihan, kahirapan, karangyaan, pagdurusa, at kalayaan. Kulay Higit na mababanaag ang elemento ng kulay sa mga sining na may dalawang dimensiyon tulad ng pagpipinta at potograpiya, o kaya, sa mga katutubong sining ng paghahabi at paglalala ng banig. Kung ang linya ang nagbibigay ng porma at hubog sa mga larawan, ang kulay naman ang nagbibigay ng pandamdaming dimensiyon sa gawang sining. Maaaring nakabatay ang mga pakahulugan sa kulay sa personal at suhetibong salik, o sa kumbensiyon ng lipunan. Sa pagpipinta, may maiinit na kulay tulad ng pula, kahel, at dilaw, samantalang malalamig na kulay naman ang berde, asul, at lila. Maituturing ang maiinit na kulay na lumalapit (advancing) habang ang malalamig na kulay ay lumulubog (receding). Sa mga larawan ng isang tanawin o landscape, ang mga dominanteng kulay rito ay berde at asul na nagbibigay ng sensasyong malayo at may lalim. Naiiba ang mga pinta ni Vincent van Gogh. Tulad ng Sunflowers na ginamitan ng kulay dilaw sa estilong alla prima o tuwirang paglapat ng kulay mula sa tubo, tila naipakita ang pag-angat ng mga bulaklak mula sa canvas. Ngunit dapat bigyang-diin na ang paggamit ng kulay ay nakaangkla rin sa CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 isang teorya. Habang itinuturo ni Sir Joshua Reynolds sa akadémya ng pagpipinta sa England na hindi dapat gamitin ang malalamig na kulay sa portraiture, ipininta ni Thomas Gainsborough ang kahanga-hangang Blue Boy noong 1770 upang ipakita ang kapangyarihan ng kulay na ito. Galaw Higit na makikita sa sining ng sayaw ang elemento ng galaw. Kakikitaan ng magkakaibang relasyon ang paggalaw ng katawan sa espasyo: madalas, pinahahalagahan sa sayaw sa kanluran ang mga galaw na iniaangat ang katawan sa hangin tulad ng ballet, habang mas binibigyang-halaga sa mga katutubong sayaw sa Asya ang galaw na may oryentasyon sa lupa. Pinahahalagahan sa mga sayaw sa Asya ang kamay at daliri dahil may nakakawing na simbolismo rito tulad ng mga sayaw sa India, Indonesia, at Thailand. Sa Pilipinas, naisasagawa ang sayaw na pangalay sa malikhaing paggalaw ng kamay at pilantik ng mga daliri na gumagaya sa galaw ng ibon o alon sa dagat habang nananatiling nasa lupa ang mga paa. Tekstura Higit na mababanaag ang elemento ng salat o tekstura sa sining ng eskultura dahil sa kahalagahan ng mga materyal na ginagamit dito. Maaaring madulas o magaspang, nakadaragdag ang tekstura sa kabuuang kahulugan ng isang gawang-sining. Sa sining ng paghahabi, makakakita tayo ng katangian ng tela na batay sa ginamit na materyal. Gayundin sa alahas, sinasalat natin ang tekstura ng bato upang malaman kung pulido ang pagkakagawa o hindi. Ilaw Makikita naman ang elemento ng ilaw o liwanag sa sining ng teatro. Nakatutulong ito sa pagbibigay ng drama o mood sa bawat eksena sa entablado. Sa pagpipinta, pinahalagahan ito ni Fernando Amorsolo sa kaniyang mga larawang genre ng buhay Pilipino kung saan nababalutan ang mga tanawin ng matingkad na sikat ng araw. Sa Binyag ng Panganay, dominante ang init ng araw sa eksena kasama na ang fire tree upang ilarawan ang tag-araw. Sa sining ng pelikula, ginagabayan ng elemento ng sinematograpiya ang laro sa pagitan ng liwanag at dilim. Espasyo Ang komposisyon ay tumutukoy sa pagsasaayos ng espasyo sa gawang-sining. Sa pagpipinta, maaari itong balanseng pormal na nagpapahalaga sa pagkatimbang ng mga elemento sa kanan at kaliwa tulad ng pinahalagahan sa panahong Renaissance; o kaya ay impormal na balanse o asimetrikal na nagbibigay ng bigat sa isang bahagi ng larawan tulad ng mga print ng Hapones na si Hokusai. CF-AQAO-002 Rev.3 02/28/2023 Sukat Tumutukoy sa dimensiyon ng mga likhang-sining ang sukat. Maaaring maliit o malaki, sadyang pinipili ng mga manlilikha ang sukat upang ipresenta sa mga manonood ang kanilang mga likha sa isang punto de bista. Ano kaya ang epekto sa tao ng rebulto ni Abraham Lincoln sa Washington, D.C. kung liliit ito hanggang maging kasintaas na lamang ng ordinaryong tao? Sadyang pinili ng mga Hapones na paliitin ang mga puno sa sining ng bonsai upang ipakita ang kalikasan sa pananaw na microscopic. Malalaki naman ang mga mural sa pader upang ipaabot sa publiko ang isang sining na libre nilang pagmasdan araw-araw. Perspektiba Ang elemento ng perspektiba ay nagpapakita ng pagtingin natin sa daigdig. Mula pa sa ating pagkabata, tinuturuan na tayo sa paaralan kung paano ayusin ang ating pagtingin sa espasyo. Sa mga guhit natin ng kabukiran na may mga bundok sa malayo, natuto na tayo ng isang uri ng pananaw na tinatawag na linyar na perspektiba. Tinutukoy nito ang pagtingin sa mundo mula sa punto de bista ng tinatapakan nating lupa. Malaki ang mga bagay na malapit sa atin at lumiliit ang mga ito habang lumalayo. Ang pagtinging ito ay mula sa panahon ng Renaissance at sumusunod sa pilosopiya ng humanismo na sumusukat sa mundo batay sa pananaw ng tao.

Use Quizgecko on...
Browser
Browser