Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak (Yunit 3.3) - Filipino
Document Details
Quipper School
Tags
Summary
This document outlines the steps involved in writing an abstract for a Filipino academic paper. It includes activities, questions, and guidelines. Quipper School, Senior High level.
Full Transcript
Yunit 3: Pagsulat ng Abstrak Aralin 3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Nilalaman Pansinin 1 Panimula 1 Mga Layunin 2 Tuklasin 2 Alamin 5...
Yunit 3: Pagsulat ng Abstrak Aralin 3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Nilalaman Pansinin 1 Panimula 1 Mga Layunin 2 Tuklasin 2 Alamin 5 Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak 5 Palawakin 10 Gawain 1 10 Gawain 2 11 Suriin 12 Paglalahat 14 Bibliyograpiya 15 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Pansinin Panimula Lar. 1. Ang pag-oorganisa ng mga ideya o impormasyon ay isang mahalagang hakbang upang makabuo ng isang maayos na sulatin. Ang pagsulat ng abstrak, bagaman sinasabing isang maikling bersiyon lamang ng mga akademikong papel gaya ng pananaliksik, ay isang uri ng sulatin na nangangailangan pa rin ng proseso o hakbang na dapat sundin upang ito ay maging organisado at madaling maunawaan ng mga mambabasa. Ang pagsasaayos ng mga impormasyon o ideyang naiisip bago isulat ay mahalagang bagay na hindi dapat isantabi. Dapat tandaan na nakasalalay sa interes ng mambabasa kung babasahin niya ang kabuuan ng sulating binuo ng manunulat. Ikaw, naranasan mo na bang sumulat ng isang abstrak? Paano mo ito sinimulan? Mahirap ba ang naging proseso ng pagsulat mo nito? 1 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Mga Layunin Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang natutukoy ang mga hakbang sa pagsulat ng abstrak; naisasaayos ang pagkasunod-sunod ng mga hakbang sa pagsulat ng abstrak; at nakasusulat ng isang halimbawa ng abstrak. Mga Kasanayang Pampagkatuto ng DepEd naisasagawa nang mataman ang mga hakbang sa pagsulat ng mga piniling akademikong sulatin (CS_FA11/12PU-0d-f-92), at nakasusunod sa estilo at teknikal na pangangailangan ng akademikong sulatin (CS_FA11/12PU-0d-f-93). Tuklasin 5 minuto Ilista ang mga hakbang na isinasagawa bago sumulat ng isang sulatin. Matapos nito ay humanap ng kapareha at magbahaginan ng sagot. 1. ________________________________________________________________________________________ 2. ________________________________________________________________________________________ 3. ________________________________________________________________________________________ 4. ________________________________________________________________________________________ 5. ________________________________________________________________________________________ 6. ________________________________________________________________________________________ 2 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Mga Gabay na Tanong 1. Sa mga hakbang na inilista mo at ng iyong kapareha, alin ang magkakapareho? 2. Mula sa mga naisulat na mga hakbang sa pagsulat, alin sa iyong palagay ang pinakamahalaga? Bakit? 3. Bakit mahalagang sundin ang mga hakbang sa pagsulat? 3 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak 4. Ano ang mga dapat isaalang-alang sa pagbuo ng hakbang sa anumang bagay o gawain? 5. Ano ang abstrak? Sa iyong palagay, ano-ano ang proseso o hakbang sa pagbuo nito? 4 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Alamin Isang mahalagang dokumento ang abstrak. Ito ay naglalaman ng buod ng isang tesis, disertasyon, o pag-aaral. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng ideya ang isang mambabasa sa kabuuang nilalaman ng mga nabanggit na halimbawa ng akademikong papel. Ito ay organisadong isinusulat kung kaya mahalagang matukoy ang mga hakbang sa pagbuo nito. Alalahanin Ang abstrak o halaw ay isang pinaikling deskripsiyon ng isang pahayag (Gonzales et al., 2013). Sa mga sulating katulad ng tesis o disertasyon, naglalaman ito ng kabuuan ng buong aklat kasama na ang layunin ng pag-aaral, teoryang ginamit, metodolohiya, resulta ng pag-aaral, kongklusyon, at rekomendasyon. Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Ang nilalaman at proseso sa pagbuo ng isang abstrak ay maaaring nakabatay sa uri ng akademikong papel na kinakailangang gawan nito. Ang abstrak ng isang siyentipikong pananaliksik ay may taglay na mga bahaging hindi matatagpuan sa isang artikulong pampanitikan. Gayunpaman, lahat ng abstrak ay may mga istandard na bahagi at may mga bahagi na maaari din namang isama o hindi isama rito. Dagdag pa rito, lahat ng abstrak ay mayroong mga sinusunod na proseso upang ito ay mabuo. Sa pagbuo nito, mahalagang isaalang-alang ang sumusunod: 5 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak a. Unang Hakbang: Isulat muna ang Papel-Pananaliksik Bagaman ang abstrak ay makikita sa unahang bahagi ng papel, nararapat na ito ang huling isinusulat. Tiyakin na naisaayos at naisapinal muna ang binuong pananaliksik sapagkat sa kabuuang pananaliksik na ito magmumula ang abstrak. Tiyakin na nairebisa na o hindi kaya ay naalis na ang nilalaman na hindi angkop sa pananaliksik nang sa gayon ay maging malinaw ang paglalahad sa abstrak. Isang paalala rin na ang abstrak ay inilalagay sa bukod na papel at nasusulat sa paraang maikli, hindi maligoy ngunit tiyak. Ayon sa APA Style Manual, ang abstrak ay may haba lamang na 150 hanggang 250 na salita ngunit depende pa rin sa iba’t ibang jornal. Isinusulat din ito nang isang talata lamang at walang indensyon. b. Ikalawang Hakbang: Isaayos ang Pagkakasunod-sunod ng Bahagi ng Abstrak na tulad ng sa Papel-Pananaliksik Sa isang batayang pananaliksik, nangangailangan lamang ng iyong simpleng pagsusuri sa mga pinagkunang babasahin upang makalikha ng argumento batay sa iyong nabasa. Sa ganitong sitwasyon ay maaari mo nang ibuod ang mga pangunahing argumentong nagmula sa iyong mga nabasa upang mailahok sa bubuuing abstrak. Samantala, kung ang pananaliksik ay mas detalyado at batay sa sariling sarbey, pag-aaral o eksperimento, nangangailangang matukoy ang sumusunod na bahagi: Ang Suliranin at ang Dahilan ng Pagsisiyasat Nito Metodolohiya o Hakbang na Isinagawa Resulta o Natuklasan Kongklusyon at Implikasyon Maaari ding magbasa ng ilang halimbawang abstrak mula sa iba’t ibang jornal na pampropesyonal upang makakuha ng ideya kung paano ito isinusulat ng mga awtor. 6 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Paano magagamit ang kaalaman at kasanayan sa pagsulat ng abstrak sa mga gawaing pampropesyonal? c. Ikatlong Hakbang: Bumuo ng Burador ng Abstrak Sa paghahanda ng burador ng abstrak, isaalang-alang sa proseso o hakbang sa pagbuo nito ang sumusunod (Koopman, 1997): Tukuyin ang dahilan sa pagsulat ng abstrak. Itala ang kahalagahan ng pananaliksik at pamamaraan upang makuha ang interes ng mga mambabasa na tapusin ang nilalaman ng likha. Itala ang suliranin. Ilahad ang suliraning nais bigyang kalutasan ng ginawa. Gayundin, ipakita ang sakop ng pag-aaral at ang nais na patunayan dito. Ilahad ang metodolohiya. Ang abstrak ng isang siyentipikong pag-aaral ay naglalaman ng mga tiyak na modelo o lapit na ginamit sa kabuuan ng pag-aaral. Samantala, may ilang mga abstrak na maaaring naglalarawan lamang ng mga uri ng ebidensiyang ginamit sa pananaliksik. Ipakita ang resulta. Ang abstrak ng isang siyentipikong gawain ay maaaring maglahok ng mga tiyak na datos na nagpapakita ng mga resulta ng isang pag-aaral. Samantala, ang iba pang mga abstrak ay maaaring tumalakay ng mga natuklasan sa isang mas malawak na paraan. Isaad ang mga implikasyon. Isaad ang mga pagbabagong dapat ipatupad mula sa resulta ng mga natuklasan sa pag-aaral. Ilahad rin ang ambag nito sa lawak ng kaalamang kinabibilangan ng paksang napili. d. Ikaapat na Hakbang: Ipabasa sa Kakilala ang Abstrak na Isinulat Mahalagang maipabasa sa iba o sa kakilala ang isinulat na abstrak nang sa gayon ay matulungan ka sa mga posibleng pagkakamali o mga nilalaman na nararapat ayusin na hindi mo napansin habang ito ay iyong isinusulat. 7 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak e. Ikalimang Hakbang: Rebisahin ang Isinulat na Abstrak Sa pagrerebisa ng abstrak, gamiting gabay ang sumusunod na tanong (IEREK Press): Nakuha ba ng abstrak ang interes ng mga potensiyal na mambabasa ng papel? Ang abstrak ba ay nakasulat nang naaayon sa tuntunin ng wika at gramatika? Ang abstrak ba ay nakapagbabahagi sa mga mambabasa ng ideya kung ano ang paksa nito at bakit ito nararapat basahin? Nailalarawan ba ng pamagat ng abstrak ang paksa ng pag-aaral? Naipahahayag ba nang malinaw ng abstrak ang paksa ng papel at ang mga tanong sa pananaliksik? Inilalahad ba sa abstrak kung paano isinagawa ang pananaliksik? Naipahihiwatig ba ng abstrak ang kahalagahan ng pag-aaral sa mga mambabasa? Nailalarawan ba ng abstrak ang tatalakayin sa papel na pananaliksik? Ang abstrak ba ay nakapagbibigay ng buod kaugnay ng natuklasan sa pag-aaral? Naaayon ba ang abstrak sa bilang o dami ng salitang hinihingi? Nagtataglay ba ang abstrak ng lima (5) hanggang sampung (10) susing salita o parirala na sumasalamin sa nilalaman ng papel na pananaliksik? Dapat bang tanggapin ang abstrak? Tandaan Sa mga sulating pampanitikan, maaaring ang abstrak o halaw ay bahagi ng isang buo at mahabang sulatin, aklat, diyalogo, pelikula, at iba pa na hinango ang bahagi upang bigyang-diin ang pahayag, o gamitin bilang sipi. 8 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Ang lahat ng abstrak ay naglalaman ng isang buong sipi (citation) ng pinagmulan, pinakamahahalagang impormasyon, parehong uri at estilo ng wikang matatagpuan sa orihinal, kabilang na rin ang wikang panteknikal, mga susing salita at parirala na madaling nagpapakilala sa nilalaman at tuon ng ginawa, at malinaw, maiksi, at makapangyarihang paggamit ng wika. Ano ang kahalagahang naidudulot ng pagsunod sa mga hakbang sa pagsulat ng abstrak? Ang mga abstrak ay maaaring maglaman ng tesis ng akda na kadalasang unang pangungusap ng talata, kaligirang impormasyon na naglalagay ng gawa sa mas malawak na sakop ng literatura, at kapareho sa kronolohikal na estruktura ng orihinal. Tip Sa pagsulat ng abstrak ay mahalagang maisaalang-alang ang wastong pagpili ng mga salita na angkop sa uri ng papel na ginagawa. Sikapin din na maging simple ang paraan ng pagpapahayag. 9 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Palawakin Gawain 1 Humanap ng kapareha. Sa pamamagitan ng isang grapikong pantulong ay ipakita ang mga hakbang na dapat isaalang-alang sa pagsulat ng abstrak. Gumamit lamang ng mga salita o parirala. Gabay sa Pagsagot Maging malinaw sa ilalagay na mga salita sa grapikong pantulong. Pag-usapan ng magkapareha ang ilalagay na mga salita. 10 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Gawain 2 Magtungo sa silid-aklatan o maghanap sa Internet ng isang halimbawa ng tesis o disertasyon. Basahin ang isang natapos na halimbawa nito at subuking gawan ng abstrak ang nasabing pag-aaral gamit ang mga gabay o hakbang sa pagbuo ng abstrak. Gabay sa Pagsagot Mas nagiging madali ang pagsulat ng isang abstrak kung ang isang manunulat ay pamilyar o may kaalaman sa mga bahagi nito. Subuking tumingin ng mga halimbawa ng abstrak upang magkaroon ng mas malawak na ideya at mapagdesisyunan ang mga nais isama sa isasagawang abstrak. 11 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Suriin A. Sagutin ang sumusunod, ipaliwanag sa sariling pangungusap. 1. Ano ang abstrak? 2. Saan matatagpuan ang abstrak? 3. Bakit tayo sumusulat ng abstrak? 4. Ano-ano ang dapat tandaan o hakbang sa pagbuo ng abstrak? 12 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak 5. Anong kasanayan para sa isang estudyanteng katulad mo ang nalilinang na kaalaman sa pagbuo ng abstrak? B. Sagutin ang sumusunod, ipaliwanag sa sariling pangungusap. 1. Bakit kailangang sundin ang mga hakbang sa pagsulat ng abstrak? 2. Ano ang posibleng mangyari kung walang hakbang na sinusunod sa pagbuo ng abstrak? 3. Paano mapananatiling maayos ang estruktura ng isang abstrak? 13 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak 4. Kung ikaw ang bubuo ng isang abstrak, ano sa iyong palagay ang mga bahagi na hindi maaaring mawala rito? 5. Bakit hindi maaaring isantabi ang kaalaman at kakayahan sa pagsulat ng abstrak? Paglalahat ___________________________________________________________________________________________ Ang abstrak o halaw ay isang pinaikling deskripsiyon ng isang pahayag. Sa pagsulat ng abstrak, isaalang-alang ang sumusunod na hakbang (1) pagsulat at pagsasapinal ng papel-pananaliksik, (2) pagsasaayos ng pagkakasunod ng bahagi ng abstrak, (3) pagbuo ng burador ng abstrak, (4) pagpapabasa sa iba ng burador ng abstrak, at (4) pagrebisa ng abstrak. ___________________________________________________________________________________________ 14 Yunit 3.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak Bibliyograpiya Austero, C.S. Filipino sa Iba’t Ibang Disiplina. Lungsod ng Valenzuela: Mutya Publishing House, 1999. Cherry, K. "How to write an APA Abstract," APA Style and Writing. Nakuha sa https://www.verywellmind.com/how-to-write-an-abstract-2794845, Abril 12, 2020. Garcia, L.C. Paradaym: Pananaliksik sa Wikang Filipino. Lungsod ng Malabon: Jimcyzville Publications, 2012. Gonzales, E.S. et al. Pagbasa at Pagsulat tungo sa Pananaliksik. Lungsod ng Malabon: Mutya Publishing House, Inc., 2013. "How to Write a Great Abstract for your Academic Paper," IEREK Press, 2018. Nakuha sa https://www.ierek.com/news/index.php/2018/04/01/4-easy-steps-write-winning-abstr actacademic-research/, Abril 12, 2020 “How to Write an Abstract,” The Writing Center, Carnegie Mellon University, 1997. Nakuha sa http://writingcenter.unc.edu/files/2011/12/Abstracts-The-Writing-Center.pdf, Marso 21, 2020. 15