KABANATA 5 - ANG KAAYUSAN NG PANGUNGUSAP
Document Details
Uploaded by IncredibleDiction
Tags
Summary
This document is a chapter from a Tagalog language textbook about sentence structure in the Filipino language. It discusses elements of effective sentences and includes exercises. It covers topics like sentence elements (subject, predicate, etc.) and how to use appropriate vocabulary within different contexts. It focuses on making sentences clear and concise.
Full Transcript
**KABANATA 5 - ANG KAAYUSAN NG PANGUNGUSAP** \"Ang mabuting pananalita ay pulut- pukyutan, nakagagaan ng kaluluwa at lunas sa pagdurusa.\" -Kawikaan: 16:24 **MGA SUSING SALITA** - Pangungusap - Pahayag - Rhetorical device - Alusyon. - Gramatikal - Talinghaga **MGA KASANAYANG PA...
**KABANATA 5 - ANG KAAYUSAN NG PANGUNGUSAP** \"Ang mabuting pananalita ay pulut- pukyutan, nakagagaan ng kaluluwa at lunas sa pagdurusa.\" -Kawikaan: 16:24 **MGA SUSING SALITA** - Pangungusap - Pahayag - Rhetorical device - Alusyon. - Gramatikal - Talinghaga **MGA KASANAYANG PAMPAGKATUTO** Nakikilala ang katangian ng mabisang pangungusap Nakapipili ng tumpak na salita na gagamitin sa pangungusap Natitiyak ang katangian at kalikasan ng pangungusap Nagagamit ang angkop na/ mga salita sa iba\'t ibang pagkakataon Nakabubuo ng mga alusyon at matatalinghagang salita sa pagbuo ng pangungusap **[BALANGKAS NG KABANATA]** *1. Ang Mabisang Pangungusap* *2. Pagpili ng Tumpak na Salita ng Pangungusap* *3. Ano ang Pangungusap?* *4. Wastong Gamit ng Salita* *5. Ang Alusyon at Mga Talinghaga sa Pangungusap* **ANG MABISANG PANGUNGUSAP** Bakit nga ba mahalaga ang paggamit ng mabisang pangungusap sa pagsulat ng isang komposisyon? Dahil sa ang pagsulat ay isang sining kung kaya kinakailangan itong masusing pagtuunan ng pansin higit lalo sa pagbuo ng mga pangungusap. Mga pangungusap ang bumubuo sa mga talata at mga talata naman ang bumubuo sa komposisyon. Samakatwid, ang pagsulat talaga ay nararapat lamang na masusing pag-aralan. Sinabi ni Badayos (1999) na hindi basta nagaganap ang pagsulat. Ito\'y nangyayari lamang kung ang mga tamang sangkap sa pagsulat ay mahusay na napag-iisa sa isang sistematikong paraan - isang manunulat\....karanasan\....kawing ng mga salita\....at isang kapaligiran na nagsisilbing landas tungo sa mabisang paglalahad ng ideya at kaisipan. Dahil dito, sa pagbuo ng pangungusap, kinakailangang isaisip na ito\'y ginagamit para mapaunlad at mapag-ugnay ang mga diwang binubuo. Kaya dapat maging maingat sa paggamit ng mga salita, sa pag-aayos ng mga ito sa pangungusap at sa relasyon nito sa iba pang pangungusap sa talata, **PAGPILI NG ANGKOP NA SALITA NG PANGUNGUSAP** Nagiging malinaw ang pahayag kapag gumagamit ng mga angkop na salita sa isipang ipinahahayag. Kung minsan, may mga salitang tama na ang kahulugan sa gamit ngunit hindi naman angkop na gamitin sa pahayag. *Halimbawa*: Ang *bunganga* ay hindi dapat ipalit sa *bibig* sa pormal na pagpapahayag. **Di-angkop:** Hindi nababagay ang kanyang bunganga sa magandang hugis ng kanyang labi. **Angkop:** Hindi nababagay ang kanyang bibig sa magandang hugis ng kanyang labi. Hindi rin wastong gamitin ang salitang lamon kapalit ng kain. **Di-angkop:** Masarap lumamon kapag nakakamay. **Angkop**: Masarap kumain kapag nakakamay. **Narito ang limang (5) tuntuning ibinigay nina Tumangan, et al. (2001) na maaaring sundin sa pagpili ng tumpak na mga salita sa pahayag.** 1. **Tiyaking ang salita ay angkop sa ibig sabihin.** Halimbawa: **Di-angkop**: Ang sumpa sa harap ng altar ay panaling bumibigkis sa mag- asawa. **Angkop:** Ang sumpa sa harap ng altar ay tanikalang bumibigkis sa mag-asawa. **2. Tiyakin na angkop na panlapi ng salitang ginamit.** Halimbawa: **Di-angkop:** Nangagsiligo sa dagat ang mga kapatid ko. **Angkop:** Nangaligo sa dagat ang mga kapatid ko. Ang *mangagsi* ay maramihan ng *mag* at ang *manga* ay maramihan ng *ma*. Ang isahan dito ay *naligo*, kaya ang angkop ay na panlapi ay *nangaligo*. **Di-angkop**: Nakain ka na ba? **Angkop**: Kumain ka na ba? Lalawiganin ang salitang *nakain* (sa Batangas) kaya dapat ay *kumain* na pambansa ang gamitin. **3. Tiyakin na timbang ang ideya ng mga salitang ginamit.** Halimbawa: **Di-angkop:** Nagsibaba ang mga bata mula sa puno ng santol at *tumakbo* nang makita ang pagdating ni Mang Kanor. **Angkop:** Nagsibaba ang mga bata mula sa puno ng santol at *nagsipagtakbuhan* nang makita ang pagdating ni Mang Kanor. Ang nagsibaba ay maramihan at ang tumakbo ay isahan. Dapat gawin na parehong maramihan (nagsibaba at nagsipagtakbuhan) ang pandiwa sa pahayag. **4. Tiyaking nagkakaisa ang aspekto ng mga pandiwang ginamit.** Halimbawa: **Di-angkop:** Nagtungo ang mga kabataan sa awditoryum at nagsisipanood ng konsyerto. **Angkop:** Nagtungo ang mga kabataan sa awditoryum at nanood ng konsyerto. Naganap na ang nagtungo ngunit nagaganap naman ang nagsisipanood. Gawing naganap na rin ang nagsisipanood kaya ang angkop ay nanood. **5. Iwasan ang labis na panghihiram ng salitang ingles lalo na\'t hindi pa iyon tinatanggap ng marami at mayroon namang katumbas na katutubong salita natin ang mga iyon.** Halimbawa: **Di-angkop**: Na-research ko na ang aking assignment sa Filipino. **Angkop:** Nasaliksik ko na ang aking takdang aralin sa Filipino. Sa sobrang panghihiram, nagmimistulang barok at over acting, wika nga ang pahayag. Masakit pakinggan ang isang kakatwang pahayag na narinig sa isang kolehiyala: \"Let us make tuhog-tuhog the fishball naman.\" **[KAISAHAN NG PANGUNGUSAP]** Kailangan ang kaisahan sa pangungusap para maging epektibo ito. Kung bawat bahagi ng pangungusap ay tumutulong para maihayag nang malinaw ang pangunahing diwa nito, sinasabing may kaisahan ang pangungusap. Narito ang ilang paalala upang magawa ang kaisahan sa pangungusap at maging katanggap-tanggap sa bumabasa. **1. Huwag pagsamahin sa pangungusap ang hindi magkakaugnay na kaisipan.** Halimbawa: Walang kaisahan: Hindi mainam para sa isang kabataan ang mahumaling sa larong pangkompyuter at suwayin ang utos ng magulang. Walang kaugnayan sa pahayag na \"Mainam para sa kabataan ang mahumaling sa larong pangkompyuter\" ang \"suwayin ang magulang.\" Dapat na alisin na lamang ito sa pahayag. Mabisa: Hindi mainam para sa isang kabataan ang mahumaling sa larong pangkompyuter. **2. Ang pagtataglay ng maraming kaisipan sa pangungusap ay labag sa kaisahan ng pangungusap dahil lumalabo ang pangunahing isipang ipinahahayag.** Halimbawa: Di-mabisa: Ang pagsasayaw gaya rin ng paglalaro ng mga bata ng taguan kung gabing walang buwan at ng paglalaro ng dama ng mga lalaking walang magawa at nagpapalipas ng oras sa pagupitan ay tunay na nakakaaliw. Mabisa: Ang pagsasayaw, gaya ng paglalaro ng taguan ng mga bata, ay tunay na nakalilibang. **3. Gawing malinaw sa pangungusap kung alin ang pangunahing sugnay at ang panulong na sugnay.** Halimbawa: Di-mabisa: Nang kami ay manood ng sine, siya ay wala sa bahay. Mabisa: Nang siya ay wala sa bahay, kami ay nanood ng sine. Di-mabisa: Dahil ayaw ko iyon, hindi na ako kumain. Mabisa: Dahil ayaw ko ng ulam, hindi na ako kumain. **4. Gamitin ang tinig na balintiyak ng pandiwa kapag ang simuno ng pangungusap ay hindi siyang gumaganap ng kilos.** Halimbawa: Mali: Si Von ay binili ang MP3 para kay James. Tama: Ang MP3 ay binili ni Von para kay James. Binili ni Von ang MP3 para kay James. Mali: Si Lester ay nilibang ang kapatid sa pamamagitan ng pagsayaw. Tama: Nilibang ni Lester ang kapatid sa pamamagitan ng pagsayaw. **5. Huwag ilayo ang salitang panuring sa tinuturingang salita.** Halimbawa: Malayo: Makinis ang balat ng bagong silang na sanggol talaga. Malapit: Makinis talaga ang balat ng bagong silang na sanggol. Malayo: Hinukay ni Carl ang ugat ng puno nang marahan. Malapit: Marahang hinukay ni Carl ang ugat ng puno. **6. Ilapit ang panghalip na pamanggit sa pangngalang kinakatawan nito.** Halimbawa: Malayo: Ipinatong ni Suzette ang [hikaw] sa tokador [na] bigay ng kasintahan niya. Malapit: Ipinatong ni Suzette sa tokador ang [hikaw na] binili ng kasintahan niya. Malayo: Ang relo ni Lucy sa mesa na binili pa sa London ay nawala. Malapit: Ang relong binili pa ni Lucy sa London ay nawala. **7. Sa Filipino, nauuna ang panaguri kaysa sa simuno sa karaniwang ayos ng pangungusap.** Halimbawa: Pinahahalagahan at iniingatan niya ang kanyang dangal. Kaysa: Ang kanyang dangal ay pinahahalagahan at iniingatan niya. Mabilis na tinupok ng apoy ang mga tuyong dahon. Kaysa: Ang mga tuyong dahon ay mabilis na tinupok ng apoy. **ANG ALUSYON AT MGA TALINGHAGA SA PAGSULAT** Bilang isang sining nang mahusay na pagsulat, nangangailangan ang retorika nang malikhain at maingat na pagpili ng mga pananalita, sa mabisang paghahanay ng mga ito at sa paggamit ng mga iba pang rhetorical devices upang maging kaakit-akit sa mga mambabasa ang mga akdang pampanitikan. (Tatalakayin ng malawak ang rhetorical devices sa Kabanata 7). Sa hangaring ganito, magiging patnubay natin ang mga binanggit ni Alejandro (1970) na nasa Bisa at Sayas (1996) kaugnay ng mga alusyon (o tukoy) at mga talinghaga o tayutay. Ang **alusyon**, na tinawag na tukoy ni Alejandro ay pamamaraang panretorika na gumagamit ng \"pagtukoy sa isang tao, pook, katotohanan, kaisipan o pangyayari na iniingatan sa pinakatagong sulok ng alaala ng isang taong may pinag-aralan.\" Nasa ilalim ang mga uri ng alusyon at mga halimbawa ng mga ito: 1. **Alusyon sa heograpiya** a\. Ang Boracay ang Hawaii ng Pilipinas. b\. Ang Bulkang Mayon ang Fujiyama ng Pilipinas. 2. **Alusyon sa Bibliya** Sa dinanas niyang pagsubok sa buhay siya\'y naging modernong Job na naging matiisin at mapagtagumpay. Ang hukom ay naging Solomon sa paghatol sa kaso ng dalawang babaeng kapwa nagsisilbing sila ang ina ng batang babae. 3. **Alusyon sa Literatura** A. Ang aming kapitbahay ay isang Sisa na naghahanap ng kanyang dalawang anak na nawawala. B. Isa siyang makabagong Simoun nang bumalik siya sa sariling bayan. 4. **Alusyon sa mitolohiya** Si Florante ay binanggit sa Florante at Laura na isang Adonis o kaya\'y isang Narciso. Napakalaking karangalan ang tagurian siyang Venus ng kagandahan. *Nasa sumusunod naman ang mga talinghaga na sinusundan ng paliwanag at mga halimbawa:* **ALITERASYON -** Paggamit ng magkakaugnay na salitang may ***pag-uulit ng inisyal na tunog katinig***, tulad ng makikita sa mga salitang langit at lupa, biyak na bunga, lungkot at ligaya. Halimbawa: - Pilit siyang dumilat ngunit parang bakal ang bigat ng talukap ng kanyang mata. - \"Si **Sally** ay sumayaw sa ilalim ng **silaw** ng **sikat** ng **silangan**.\" **\"Si Pedro ay pumitas ng pulang peras sa puno ng pino.\"** - Ang tunog ng **\"p\"** ay paulit-ulit na ginagamit. Note: Ang mga katinig ay laging nangangailangan ng kasamang patinig upang bumuo ng isang **pantig o salita.** patinig - a,e,i,o,u Katinig- B, C, D, F, G, H, J, K, L, M, N, Ñ, P, Q, R, S, T, V, W, X, Y, Z. **ASONANS** -Paggamit ng magkakaugnay na salitang may ***pag-uulit ng tunog-patinig*** araw-araw, gabi-gabi. tulad ng makikita sa mga salitang isang kahig, isang tuka: gubi puno't dulo, hirap at ginhawa, kape at gatas, Halimbawa: - Patuloy ang buhay. - Magaan sa paghakbang ang mga paa patungo sa piniling kapalaran. **\"Ang alaga ko ay isang pusa.\"** - Pag-uulit ng tunog patinig **\"a\"**. **\"Sa ilalim ng itim na piling puno.\"** - Pag-uulit ng tunog patinig **\"i\"**. **KONSONANS** - Paggamit ng magkakaugnay na a salitang may ***pag-uulit ng tunog-katinig sa pinal na pusisyon***, tulad ng makikita sa mga salitang urong-sulong; noon ngayon, kanin at asin; kahig ng bibig, di-mahayapang-gatang. Halimbawa: - Kanyang namalayan ang pagpatak ng ulan sa bubungan. - \"Ang **tuktok** ng bundok ay mataas at matarik.\" - Pag-uulit ng tunog katinig **\"k\"** sa dulo ng mga salitang **tuktok** at **bundok**. Note: [Aliterasyon] - ***pag-uulit ng 'inisyal' na tunog katinig*** [Asonans] - ***pag-uulit ng tunog-patinig*** [Konsonans] - ***pag-uulit ng tunog-katinig sa 'pinal' na pusisyon*** **Antiklaymaks -** Paggamit ng mga inihahanay na pahayag ng damdamin o kaisipan na may naiiwang impresyon ng *pagbaba ng tindi ng kahulugan o ng ideya*, tulad ng mga sumusunod: namatay, inilibing at nilimot; namaalam, lumayo at naparam; sigaw na naging alingawngaw hanggang sa maging wari\'y bulong na lamang. Halimbawa: - Ang alaala niya\'y tila lumayo, nawala at napawi. - Bumuhos ang malakas na ulan, humina, at kalaunan ay naging ambon. **Klaymaks -** Paggamit ng mga inihanay na mga pahayag ng damdamin o kaisipan na may naiiwang impresyon ng *papataas na tinig o kahalagahan ng kaisipan o ideya* tulad ng mga pahayag na: pag-asa, kaligayahan at buhay; anino, anyo at kabuuan; pangarap, katotohanan at kaganapan; nagdikit, nag-apoy hanggang sa magliyab. Halimbawa: - Minasdan niya ang siga mula nang ito\'y magdikit, umapoy hanggang sa tuluyang magliyab. - Mula sa maliit na baryo, nakilala siya sa buong bayan, hanggang sa tuluyang maging tanyag sa buong bansa. Note: Antiklaymaks -- pagbaba ng mga kaganapan Klaymaks -- pagtaas **Eupemismo** Likas sa mga Pilipino ang maging mapino sa pananalita. Kaakibat ito ng tatak Pinoy-ang, pagiging hospitable. Ayaw niyang makasakit ng kapwa sa pamamagitan ng paggamit ng lasak o bulgar na salita. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang magaang pakinggan subalit naroon pa rin ang katotohanang nais nitong ipahatid. Ang **eupemismo** ay paggamit ng mga salitang nagpapaganda ng pangit na pahayag o nagpapalımanay sa bawal o marahas na kahulugan, tulad ng - hinalay, hindi nireyp; - nagdadalang-tao, hindi buntis; - bibig, hindi bunganga; - yumao,hindi namatay; - lovechild, hindi putok sa buho. Halimbawa: Ang lolo niya ay yumao na kamakailan lang. **Hayperboli** -- ito ay ang Eksaherasyon o lagpas-lagpas na pagpapahayag upang mapatindi ang damdamin o kaisipan tulad ng sasabog ang dibdib, naliliit sa kahihiyan, bumaha ng dugo, namuti na ang mata sa kahihintay. Halimbawa: - Sumambulat sa kanyang mukha ang liwanag ng silid. - Mainit at nagbabaga ang ulo ng kapitbahay nila. **METAPORA** Ito\'y naghahambing ngunit *hindi gumagamit ng mga salitang gaya ng, kapara, tila, katulad at katwangis* sapagkat ito\'y tiyakang paghahambing. Halimbawa: Ang suntok ni Larios ay kidlat sa bilis na tinanggap ni Pacquiao. Ang aking matalik na kaibigan ay isang ahas. **SIMILE** - Paggamit ng tuwirang pagkukumpara ng dalawang bagay na magkaibang uri at karaniwang ***ginagamitan ng mga salitang tulad ng, gaya ng, kapara, tila, mistula, kawangis at katulad*.** Halimbawa: - Ang punongkahoy ay tila isang nakadipang krus. - Ang buhay ng tao ay parang talinghaga. - Ang pagkapanalo ng Alaska kontra Air 21 ay mistulang ulan sa isang tag-araw. **Personipikasyon -** Paggamit ng salita ***na inuuring tao o parang may buhay***, bagay, katangian o ideya tulad ng pahayag na: Halimbawa: - Sumísilip na ang araw sa silangan ng siya\'y bumangon. - Ang sigaw na iyon ay sinagot ng mga hikbi. - Namamaalam na ang dapit hapon - sumisilip na ang araw sa Silangan - ngumiti ang buwan - humihiyaw ang mga katanungan **Metonimi -** Paggamit ng isang salita na panumbas o nagpapahiwatig ng kahulugan ng \'di tinukoy na salita tulad ng bulsa sa halip na salapi, krus sa halip na relihiyon, dugo sa halip na kamatayan. Halimbawa: - Hindi na natin siya kayang pag-aralin sapagkat hindi na kaya ng ating bulsa. (salapi) - Naubos ang kanyang kayamanan dahil sa alak, sugal at babae. (bisyo) - Ginamit ni Rizal ang panulat sa kanyang paghingi ng mga reporma. (mapayapang paraan) **Onomatopeya**- mga salitang ang tunog ay gumagagad sa inilalarawan o ang tunog ay parang alingawngaw ng tunay na kahulugan, tulad ng dagundong ng kulog, sagitsit ng pagprito sa kawali, haging ng hangin. Halimbawa: - Sunud-sunod at malalakas ang paghampas-hampas ng mga palapa ng niyog sa bubungan. - Ang inahing manok ay kumutuk-kutok saka niyupyupan ang kanyang mga sisiw. - Isang alanganing sipol at alanganing tsug-tsug ng inga piston at ng tren ang nabuhay at dahan-dahang kumilos. **\"Tik-tak, tik-tak\"** -Ang tunog ng orasan. **\"Bumagsak ang mga libro sa sahig nang may malakas na lagapak.\"** -Ginagaya ng **lagapak** ang tunog ng pagbagsak ng mabibigat na bagay. **\"Narinig ko ang tilaok ng tandang kaninang umaga.\"** -Ang tunog ng tandang na ginagaya ng salitang **tilaok**. **\"Bumuhos ang ulan at tumama sa bubong, naririnig ko ang ratrat ng mga patak ng tubig.\"** -Ang **ratrat** ay tumutukoy sa mabilis at tuloy-tuloy na tunog ng ulan. **Oksimoron** - Ito\'y paghahalo ng dalawang salitang magkasalungat na nagiging katanggap-tanggap naman sa nakaririnig o nakababasa. Halimbawa: - **Nakabibinging katahimikan** ang matagal na namagitan nang magkita ang mag-asawang ilang taon ding nagkahiwalay. - **Matamis na pasakit** ang tinanggap ng Panginoong Hesus nang ipako Siya sa krus. **Paralelisim -** Paggamit ng inihahanay na kaisipan sa magkakahawig na estruktura, tulad ng sama-samang nabubuhay, sama-samang namamatay. Halimbawa: Tumalilis siya, nagpasikut-sikot siya. Binata siya, palayo sa karamihan, palabas sa kagubatan ng mga kartelon. Kailangan natin ang bahay na tirahan, ang damit na kasuotan at ang pagkaing panlaman sa tiyan. **Pangunahing Kaibahan:** - **Paralelismo** ay nakatuon sa **balanse o pagkakapareho ng estruktura** ng mga salita o pangungusap (parirala, pandiwa, o pang-uri). - **Asonans** ay nakatuon sa **pag-uulit ng tunog ng patinig** upang lumikha ng epektong tunog o ritmo. Mga Pagsasanay \