Unang-Paksa-Wika-Wikang-Filipino-Bilang-Konsepto PDF - Tagalog
Document Details
Uploaded by CleanlyWashington
University of the Philippines Diliman
Pamela C. Constantino
Tags
Summary
This Tagalog document details the concept of the Filipino language and its role in multilingual education in the Philippines. It examines the historical context of the implementation of different approaches in language education and highlights the importance of indigenous languages.
Full Transcript
GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: PAGTALUNTON SA KASAYSAYAN AT DAYNAMIKS NG MULTILINGGWAL NA EDUKASYON SA PILIPINAS Pamela C. Constantino, Ph.D Departamento...
GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: PAGTALUNTON SA KASAYSAYAN AT DAYNAMIKS NG MULTILINGGWAL NA EDUKASYON SA PILIPINAS Pamela C. Constantino, Ph.D Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas Unibersidad ng Pilipinas, Diliman ABSTRAK Ang mother tongue-based multilingual education (MTB-MLE) na programa ng Departamento ng Edukasyon ay hindi isang bagong panukala, bagkus ay may pinagdaanang karanasan sa kasaysayan ng bansa. Sa Panahon ng mga Kastila, di-opisyal na ginamit ang katutubong wika sa kabila ng mga dekreto ng gobyerno sa Espanya na nag-aatas na gamitin ang wikang Kastila sa eskuwelahan. Sa Panahon ng Amerikano, patuloy na iniwasan ito sa kabila ng mga bill na ipinasa at pagtataguyod ng mga Amerikano at Pilipino na ituro at gamitin ang katutubong wika. Sa Panahon ng Hapon,itinuro ang Tagalog bagamat hinihinalang transisyon lang ito tungo sa pagtatanggal sa Ingles at sa malauna’y paggamit ng Nihonggo.Pagkaraan ng kalayaan,neoliberal na tendensiya ang umiral kaugnay ng wika ng edukasyon. Nagpatuloy ang pagtataguyod sa Ingles sa kabila ng adbokasya ng mga institusyon, grupo, at mga lehislador para sa mga katutubong wika. Bilang bahagi pa rin ng neoliberal na programa ng gobyernong Pilipino pagkaraan ng mahabang panahon ng pananakop ng mga dayuhan, inadap ang Programang MTB-MLE kaugnay ng Millenium Development Goals ng United Nations. Muling bumabalik ang idea ng multilingguwal na edukasyon ngunit sa pagkakataong ito, mismong gobyernong Pilipino na ang nagtataguyod dito sa kabila ng mahabang panahon ng di-pagkilos. Iminumungkahi sa papel ang patuloy na pagtataguyod sa katutubong wika kasabay ng lalo pang pagpapaunlad at paggamit ng wikang pambansa sa edukasyon sa gitna ng malakas na suporta sa Ingles sa loob at labas ng bansa. Mga susing salita: Multilingguwal na Edukasyon, Mother tongue-based Multilingual Education (MTB- MLE), Mga Wika ng Pilipinas, Neoliberalismo, Wikang Pambansa The Mother Tongue-Based Multilingual Education being pursued by the Department of Education is not a new phenomenon in the country. It has its roots in its colonial past and even after it gained independence from its last colonizer, the Americans. During the Spanish Regime, native languages were used in schools despite numerous Royal decrees from Spain to teach and use the Castilian language. The American colonial government consistently ignored bills and advocacies of Americans and Filipinos to use and teach selected native languages in schools. Tagalog and Nihongo were taught in schools during the Japanese Occupation, though it was suspected to be a manipulative move to phase out English and eventually substitute Nihongo. Neoliberal tendencies soon took place after independence, giving way for English as medium in schools. The Millennium Development Goals of the United Nations which the Philippines is a signatory to, advocates MTB-MLE. Thus, the government is pushing thru its plan for a multilingual education program. This paper recommends support for this program and at the same time advocates the continued use and development of the national language in the midst of strong support for English within and outside the country. Keywords: Multilingual Education, Mother Tongue- Based Multilingual Education (MTB- MLE), Philippine Languages, National Language, Neoliberalism 190Daluyan2014 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino Multilinggwal na Edukasyon – isa itong idea, konsepto, paradaym na pinagkakaabalahan ngayon ng mga edukador, guro, at mga mag-aaral ng wika at edukasyon. Pag-aaral at paggamit ito ng higit sa dalawang wika, bilang wikang panturo at bilang asignatura sa iba’t ibang yugto ng pag-aaral ng mag-aaral. Nakabatay ito sa prinsipyong “Unang-Wika-Muna” (First-Language-First), at transisyon sa iba pang wika ([mga] pangalawang wika). Ayon sa UNESCO Position Paper 2003, ang multilinggwal na edukasyon ay isang pagtugon sa hamon ng mga pagbabagong bunga ng globalisasyon kaugnay ng wika. Ilan sa mga problemang kaakibat ng mga pagbabagong ito ang mayorya vs. minorya, pandaigdig vs. pambansa, nasyonal vs. lokal, literasi vs. kamangmangan, karapatang pangwika vs. diskriminasyon. Pangunahing komponent ng multilinggwal na edukasyon ang pagtuturo sa unang wika (mother tongue), susundan ng pambansang wika at/o banyagang wika. Pinatunayan ng mga pananaliksik na malakas ang pundasyong iniiwan ng pagtuturo sa unang wika tungo sa mas mataas na literasi. Nagsisilbi itong transisyon patungo sa pagkatuto sa pangalawang wika. Pinalalakas din nito ang kultural o etnikong identidad na huhubog sa pagkatao at pagkamamamayan sa loob ng bahay, komunidad, bansa, at global na mundo ng mag-aaral. Sa Pilipinas, ito ang isinusulong ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) kakabit ng Programang K-12 na kasalukuyang ipinatutupad sa bansa. Tinugon ng pamahalaan ang panawagang Education For All (EFA) o edukasyon para sa lahat, kaugnay ng Millenium Development Goals ng United Nations. Pinalawak at pinalalim ng DepEd ang kurikulum ng batayang edukasyon. Mula Grado 1-10, naging K-12 na ito. Pinagtibay ang DepEd Order No.74 noong 2009 (Institutionalizing Mother Tongue- Based-Multilingual Education (MTB-MLE). Noong 2011 naman ay pinagtibay ng ika-15 Kongreso sa ika-2 regular na sesyon nito ang RA 10157 na nagsasaad ng: Act na Nagtatatag ng Edukasyong Kindergarten sa Sistema ng Batayang Edukasyon at Paglalaan ng Pondo Para Rito.1 Sakop ang lahat ng ito ng RA 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013 na pinagtibay ng Senado at Konggreso noong 15 Mayo 2013. Ito ang: Act na nagpapalawak sa Sistema ng Batayang Edukasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kurikulum nito at pagdagdag ng bilang ng taon para sa batayang edukasyon, paglalaan ng pondo para rito at sa iba pang paggagamitan nito.2 Idinagdag ang gradong 11 at 12 at naging sapilitan o unibersal (panlahat) ang kindergarten, pribado o publiko man. Ang MTB-MLE na komponent ng K-12 Programa sa Pilipinas ay magsisilbing tulay mula unang wika (L1) tungo sa Filipino (L2) at/o Ingles (L3) Ayon kay Pado (2013) ang MTB-MLE ay babawas sa drop out at repeater sa mga eskuwelahan. Gayundin, makakasangkot dito ang mga magulang at komunidad. Partisipatoryo rin ito sa bahagi ng mga mag-aaral sa loob ng klasrum na magbibigay daan sa pag-eenjoy ng mga estudyante habang natututo at nakukumbinsi na pumasok ng klase. Ayon din sa Deped RO (2013), tumutulong din ito sa pag-unlad ng kasanayang Daluyan2014191 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino kritikal na pag-iisip at kasanayang kognitibo ng mag-aaral, gayundin ang kaalaman sa nilalaman ng kurikulum. Napahahalagahan din nito ang mag-aaral, ang kanyang kultura at minanang wika. Multilinggwal na Edukasyon Sa Mga Yugto ng Kasaysayan ng Bansa Ang panukalang pagtuturo at/o paggamit ng mga wika sa Pilipinas ay hindi biglaang reaksyon sa EFA. May mahalaga at malalim na kasaysayan ito sa edukasyon sa bansa. Naging sentro ito ng diskusyon, panukala, pagpapatibay, at adbokasya ng mga institusyon, grupo, at indibidwal sa panig man ng mga mananakop o kaya’y ng mga Pilipino sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas. Sa bawat yugtong ito, walang natatapos o kaya’y walang tiyak na desisyong natatamo kaugnay ng wika ng edukasyon. Tila ito isang relo o siklo na paulit-ulit na umiikot at nagbabalik sa pinagmulan, hindi natatapos ngunit hindi humihinto, parang nagpaparamdam na “napakahalaga ko, huwag ninyo akong balewalain.” Kung baga sa kuwentong-bayan, tila ito si Bidasari ng mga taga- Mindanao, na natutulog sa umaga, gumigising o nabubuhay sa gabi. Nabuhay-namatay ang mga panukala sa multilinggwal na edukasyon sa panahon ng Kastila, ng Amerikano, ng Hapon. Ngunit bumabalik-balik, patuloy na umiikot, umiinog. At ngayo’y heto na naman, isang panukalang programa na naisabatas na. Kung anuman ang kahihinatnan ng programa ay panahon lang ang makapagsasabi. Layunin ng papel na ito na taluntunin ang pinagdaanang mga panukala, aksyon, at direksyon ng multilinggwal na edukasyon sa Pilipinas mula sa panahon ng mga pananakop hanggang sa kasalukuyan. Isasagawa ang pagtalunton sa konteksto ng Programang MTB-MLE na isinusulong ngayon ng Gobyerno sa kasalukuyan. Inaasahang makakakuha ng ilang mga insight, ideya, mula sa mga karanasan at daynamiks ng mga pagpapanukala, adbokasya, at pagpapatupad ng naturang programa. Ilang mungkahi ang inilatag. Multilinggwal na Sitwasyon sa Bansa Kabilang ang Pilipinas sa dalawampung may pinakamaraming wika sa mundo. Ayon sa Ethnologue 2013, ika-17 edisyon, sa 7,105 nabubuhay na mga wika sa mundo,3 181 dito ang mga katutubong wika sa Pilipinas, kasama ang 4 na patay na at 11 na mga banyagang wika.4 Bagamat iba’t iba ang tantiya ng mga pag-aaral, tiyak na mahigit na isandaang wika mayroon ang bansa.5 Bunga nito, hindi naging madali ang pagsulong ng edukasyon gamit ang mga wikang ito. Ginamit na dahilan ito ng mga sumakop sa bansa, maging ng gobyernong pinamahalaan na ng mga Pilipino pagkaraan, upang bumuo ng mga patakarang monolinggwal at/o bilinggwal na edukasyon. Bagamat may kaunting pagbabago pagkaraang makamit ang kalayaan, hindi natamo ang hangarin ng ilang grupo at indibidwal tungo sa multilinggwal na edukasyon sa bansa. Nanatiling multilinggwal, multi-etnik, at multikultural ang bansa ngunit hindi ang edukasyon. Bagamat nakatulong ang pagpapatibay sa Filipino bilang midyum sa ilang asignatura sa Patakarang Bilinggwal na Edukasyon noong 1974 upang mapaunlad ang 192Daluyan2014 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino kognitibong kakayahan ng mga mag-aaral, gayundin ang epektong dulot ng mass media at social media sa paglaganap ng Filipino bilang wikang pambansa, hindi nahinto ang adbokasya na gamitin at ituro ang mga lokal na wika sa larangan ng edukasyon. Sa kolonyal na karanasan ng Pilipinas, naging malinaw ang delinyasyon ng mga patakaran sa wika ng edukasyon. Ang MTB-MLE na komponent ng K-12 Programa sa Pilipinas ay nagsisilbing tulay mula unang wika (L1) tungo sa Pambansang Wika, Filipino (L1) at banyagang Wika, Ingles (L3). Sa panig ng mga manananakop, may sarili silang wikang ipinilit at pinagtibay ng kanilang mga batas upang maging wikang panturo. Higit itong madaling naipatupad dahil siniguro nilang kontrolado nila ang edukasyon ng mga Pilipino ayon sa kanilang adyenda. Mahirap para sa kanila na kontrolin ang larangan ng komunikasyon, dahil sa multilinggwal na karakter ng bansa. Napatunayan ito nang hindi nagtagumpay na maging komon na wika ang Espanyol at Ingles sa Pilipinas. Wikang Espanyol vs. Katutubong Wika sa Panahon ng Kastila Masasabing may kaunting daynamiks kaugnay ng mga wikang katutubo bilang wikang panturo sa panahon ng Kastila bagamat sa kalahatan ay matamlay ito. Sa halos apatnaraang taon ng pananakop sa Pilipinas, naging patakaran ng Gobyernong Kastila sa Espanya na ituro at gamitin ang wikang Espanyol sa buong kapuluan. Pinatunayan at pinagtibay ito ng iba’t ibang dekreto sa panahong ito. Iniutos ni Haring Carlos I noong 15506 ang pagtatayo ng mga eskuwelahan at pagtuturo ng wikang Espanyol sa mga katutubo. Sa batas naman ni Haring Felipe noong ika-2 Marso 1634 at Nobyembre 1636,7 iniutos ang pagtuturo ng wikang Espanyol sa mga eskuwelahan at pagpigil sa paggamit ng mga wikang katutubo. Naulit pa ito sa Royal Decree ng 1642 ni Corcuera, ng 1696 ni Cruzat at Gregorio, at ng Royal Decree ng 1770, 1772, 1774, at 1792. Noong 1863, itinatag ng Reyna ng Espanya ang isang sistema ng edukasyong primarya at muli, ipinaturo ang wikang Espanyol at pinigil ang pagtuturo ng mga katutubong wika. Ayon kay Frei (1959, 14) mula 1867 hanggang 1889, patuloy ang pag-isyu ng mga dekreto dahil patuloy pa ring hindi lumalawak ang gamit ng Espanyol sa kapuluan. Kabilang dito ang Royal Decree noong 1876 ukol sa pagbuo ng mga gramar na isusulat sa iba’t ibang wika sa Pilipinas, upang gamitin sa pagtuturo ng wikang Espanyol. Nagbigay pa ng gantimpala noong 1885 sa pinakamahusay na nasulat na gramatika, ang Gramatikang Espanyol na sinulat sa Tagalog ni P. Fray Toribio Minguela. Inilathala ito noong 1886. (14). Batay sa pagsusuri pa rin ni Frei (10-11), komunikasyon ang pangunahing ugat ng mga dahilan sa patakaran ng Gobyerno ng Espanya sa paggamit ng Espanyol: (1) hadlang ang dami ng mga wika sa pagpapakalat ng kristiyanismo, (2) hadlang ang mga katutubong wika sa pangangasiwa sa isla dahil hindi marunong ng mga wikang ito ang mga Kastilang administrador, at (3) magkakamali sa interpretasyon at paliwanag sa doktrina ng Kristiyanismo ang mga pari kung wikang katutubo ang gagamitin. Kaya’t wikang Espanyol ang ipinaturo sa mga eskuwelahan upang maging madali ang komunikasyon, sa espiritwal man o panggobyernong gamit. Sa kabila nito, hindi natuto ng wikang Espanyol ang karamihan ng mga Pilipino, maliban ang mga ilustrado o anak ng mga maykaya. Dahil ito sa hindi pagsunod ng Daluyan2014193 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino mga paring Kastila sa mga dekreto mula sa Espanya. Ayon pa rin kay Frei (16-19) at Alzona (96) bunga ito ng mga sumusunod: (1) hangad ng mga prayle na panatilihin ang kontrol at kapangyarihan; (2) hindi sila mababale-wala ng gobyerno sa Espanya dahil sila ang magsisilbing tagapamagitan sa mga Pilipino; (3) mapapanatili nila ang kanilang konserbatismo at reaksyonaryong posisyon sa gitna ng lumalawak na liberalismo sa Europa at Espanya, (4) maaaring mag-alsa ang mga Pilipino kapag natuto ng Espanyol, (5) mapapanatili ang superyoridad ng lahing Kastila at Europeo; at ang mapanghamak na katwiran na (6) hindi kailangang maging “sibilisado” ang mga Pilipino dahil “higit silang masaya kapag nanatiling ‘ignorante.’ Ang kailangan lang nila ay matutong magdasal, magsaka, maging masunurin sa mga pari. Kapalaran nila ang magsuga ng kalabaw at hindi mabuhay nang paris ng isang Kastila.” Ang mababang pagtingin ng mga prayle sa mga Pilipino at sa mga katutubong wika ay hindi naging pangkalahatang pananaw ng mga Kastila sa Pilipinas, gayunman. Sa panahong lumalawak ang liberalismo, noong ika-19 na siglo, may mga kastila rin na nagpahayag ng ibang posisyon, at nagtaguyod sa mga wikang katutubo. Iminungkahi ni Sinibaldo de Mas noong 1842 na isang diyalekto (wika) sana sa simula pa ang ginamit na wika ng gobyerno at korte8 dahil ang mga alkalde mula sa Espanya ay di natututo ng mga wika sa Pilipinas. Hindi isinama dito ang wika sa eskuwelahan, gayunman. Sa report din ni Juan Manuel de la Matta noong 1843,9 inirekomenda niya ang pagtatatag ng mga akademya ng Tagalog upang matuto ang mga opisyal at sarhentong Kastila ng katutubong wika. Ang masasabing opisyal na nagtaguyod para sa katutubong wika ay si Vicente Barrantes na noong 187010 ay nagpanukala ng pagtatag ng isang eskuwelahan sa bawat probinsiya na magtuturo ng wika ng lugar at isang normal school na iba-ibang wika ng bansa at Espanyol ang ituturo at gagamitin. Mula dito, isang dekreto11 ang ipinalabas noong 1870 na nagtatag ng Publikong Instruksyong Sekundaryo sa Maynila na magtuturo para sa mga propesyong industriyal ng mga wikang Pranses, Ingles, Tagalog, at Bisaya. May bahid na rin ito ng multilinggwal na edukasyon bagamat bilang asignatura lamang. Kung natupad man ang mga mungkahi ni Barrantes at dekreto ng 1870 ay hindi matiyak, ngunit ang tiyak ay ang monolinggwal na patakaran sa Espanyol na hindi naman ipinatupad nang malawakan sa Pilipinas. Ayon nga kay Alzona (95), nagpatuloy na ginamit sa primarya sa buong bansa ang mga katutubong wika sa Panahon ng Kastila. Tila isang ironya na nakatulong ito upang magpatuloy ang hangarin para sa mga katutubong wika. Isa ring ironya na ang mga propagandistang Pilipino gaya nina Rizal ay nagtaguyod sa wikang Espanyol sa halip na mga katutubong wika. Sa mga rebolusyonaryo naman, bagamat isinama ni Mabini sa kanyang borador ng Konstitusyon ang Tagalog bilang wikang panturo sa elementarya, 2 kurso sa Ingles, at 2 kurso sa Pranses sa mataas na edukasyon, at Ingles bilang wikang opisyal kapag malaganap na ito, hindi ito sinunod sa Konstitusyon ng Malolos noong 1899. Nanatiling Espanyol ang opisyal na wika at walang binanggit ukol sa wika ng edukasyon. Ingles vs. Katutubong Wika: Edukasyon Sa Panahon ng Amerikano 194Daluyan2014 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino Sinimulan ng noo’y Pangulong William P. McKinley ng Amerika ang programa sa edukasyon sa tagubilin sa ikalawang komisyon na pinanguluhan ni William Howard Taft (na pagkaraa’y naging Gobernador Heneral. ng Pilipinas at Pangulo ng Amerika noong 1900.12 Sa simula, paris ni McKinley, naniwala rin si Fred Atkinson, naging unang General Superintendent of Public Instruction, na makakatulong ang paggamit ng mga katutubong wika (May 138). Kung tokenismo man o isang transisyon ang pagtuturo ng mga katutubong wika, ang intensiyon dito ni McKinley, gayundin ni Atkinson ay hindi naman sinunod. Sa halip, ang nasunod ay ang rekomendasyon ng naunang Komisyon, ang Schurman Commission noong Enero 1900 na ituro ang Ingles sa mga eskuwelahang primarya. Sa Report naman ng Komisyong Taft noong 1901, inirekomenda nito ang pagtuturo ng Ingles bilang tanging midyum sa lahat ng eskuwelahang publiko sa Pilipinas. Muli, nagamit na katwiran ang dami ng mga wikang sinasalita sa bansa. Pagkaraan ng pagpapatibay sa Ingles batay sa Sek. 14 ng Act 74 na nagtatatag ng sistema ng publikong edukasyon sa Pilipinas ng Philippine Commission noong 21 Enero 1901, nagsunud-sunod na ang implementasyon dito. Nagtayo ng mga eskuwelahang elementarya at industriyal gamit ang Ingles bilang midyum. Gaya ng nahinuha sa una, ang mga wikang katutubo, kasama ang Espanyol, ay ginamit sa loob ng panahon lang ng transisyon. Nagpadala ng mga boluntaryong guro mula sa Amerika upang magturo at sanayin ang mga Pilipino sa Ingles. Sinimulan ito noong 1901 ng hanggang ngayo’y kinilalang mga Thomasite bilang huling grupong dumating na pinakamarami ang bilang sakay ng barkong Thomas. Nagtayo ng Normal School at iba pang mga eskuwelahan. Noong 1903 sinimulan ang pagpapadala ng mga Pilipino sa Amerika upang mag-aral at sanaying maging mga lider pagbalik nila sa Pilipinas. Bunga ito ng Pensionado Act of 1903 o Act 854 ng Philippine Commission. Inayos ang kurikulum tungo sa pagpapabuti ng pag-aaral ng wikang Ingles. Nagtayo ng mga Teacher Institute sa buong bansa at sinanay ang mga gurong Pilipino sa Ingles. Nagkaroon ng English Only Policy na nagtatakda ng may parusang halaga ang sinumang gagamit ng katutubong wika sa eskuwelahan. Nagdaos ng mga debate at paligsahan sa wikang Ingles. Nag-angkat ng mga teksbuk mula sa Amerika at nagsulat din ng mga librong Ingles sa bansa. Ingles ang naging kailanganin para makapagpatayo ng munisipyo. Gayundin, kailangan din ang kahusayan sa Ingles para mahalal sa Senado o Konggreso ayon sa Jones Law o Philippine Autonomy Act of 1916. Nasa Ingles din ang eksamen sa Serbisyo Sibil na pinagtibay bilang unang pangunahing lehislasyon ng Komisyong Taft, ang Act 5, o Civil Service Act, noong 19 Setyembre 1900. Ibig sabihin, hindi makukuha sa trabaho kung hindi marunong ng Ingles. Hindi kataka-takang makabuo ng mga Pilipinong elite sa mga patakaran at implementasyon sa Ingles. Gaya ng sa Gobyernong kastila, maraming dahilan o pagdadahilan at mapanghamak na katwiran ang ginamit upang ang Ingles at hindi mga katutubong wika ang pinili ng gobyernong Amerikano gaya ng mga sumusunod: (1) Ang mga wika ng Pilipinas ay mga “barbaro,” at kapag ginamit ng mga Pilipino ay magbabalik sila sa … kakitirang sumaklaw sa kanila nang ilang siglo (Taft 689-690). (2) Hindi magkakaroon ng pag-unlad na pampanitikan ang mga wikang katutubo (Barrows 1903, nasa Hayden 589). Daluyan2014195 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino (3) Matatagalan at mababalam ang implementasyon ng sistema ng edukasyon kung mga wika ng bansa ang gagamitin dahil mga Amerikanong guro ang mga unang magtuturo. (Barrows 1903, nasa Hayden 589) (4) Walang librong nasulat sa alinman sa napakaraming wika sa Pilipinas na magagamit sa publikong pagtuturo (Barrows 1903, nasa Hayden 589). (5) Ang ilang pahayagan sa katutubong wika ay walang maibibigay na intelektuwal na kaalaman na kailangan ng mga mamamayan (Barrows 1903, Nasa Hayden 589). (6) Ang mga pasilidad na magagamit kung ituturo ang mga lokal na wika ay gagamitin ng mga maimpluwensiya at mayayaman sa pag-aaral ng Ingles upang lalong magkamit ang mga ito ng dagdag na kapangyarihan (Moses 27) (7) Impraktikal na gamitin ang mga wikang ito dahil mangangailangan ng maraming tagasalin ng mga libro (Atkinson 1900). Sa kabila ng patakaran sa Ingles at sa samu’t saring katwiran at pangangatwiran para dito at laban naman sa mga katutubong wika, hindi rin nawalan ng suporta ang huli sa katauhan ng mga indibidwal, mga manunulat at opisyal na Pilipino at Amerikano, at mga samahan. Ipinahayag ni Najeeb M. Saleeby, isang siruhano sa US Army at naging Assistant Chief ng Bureau of Non-Christian Tribes at naging opisyal sa mga eskuwelahan sa Mindanao ang sumusunod (47): Ang wika ng edukasyon at mga kagamitan sa edukasyon ay dapat na (tumungo sa sitwasyong) ang isang nagtapos sa eskuwelahang primarya ay makakatulong sa kanyang sarili para makakuha ng mas maraming kaalaman at mapapag-aralan pagkatapos iwan ang eskuwelahan. Ang gayong gamit ng edukasyon sa pamumuhay pagkatapos mag-aral ay dapat na pakinabangan, maabot at magamit ni Juan de la Cruz. (salin ko) Kaugnay nito, ipinahayag niya ang mga dahilan at bentahe kung bakit mga katutubong wika (bernakular) ang dapat na naging midyum sa elementarya at sekundarya (48-49): 1.Mabibigyan ang lahat ng bata ng pagkakataong makapag-aral sa elementarya dahil mapapaikli nito sa apat na taon ang pag-aaral. 2.Matututo sa wikang kailangan nila ang mga bata para sa kanilang kaunlarang kultural. 3.Ang bernakular ang tanging midyum na panlaban sa ignoransya at iliterasi. 4.Ang bernakular ang tanging midyum na angkop sa isang demokratikong estadong nakapamamahala sa sarili. Sa panahong ito pa lang ay malinaw na kay Saleeby ang dapat na tunguhin ng edukasyon na isinusulong sa kasalukuyan. 196Daluyan2014 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino Dalawang Amerikano ang nagpanukala ng paggamit ng mga katutubong wika sa edukasyon – sina David J. Doherty, na gumawa ng pag-aaral sa Pilipinas, at si George C. Butte, naging Bise-Gobernador. Bagamat itinaguyod nila ang mga katutubong wika, hindi ang hiwa-hiwalay kundi ang pagsasama-sama ng mga ito upang bumuo ng isang wikang komon ang kanilang layunin. Tinatawag ito ngayon na fusionist view o ideang amalgamasyon ng mga wika.13 Gayunman, lubos na naniniwala ang dalawa na dapat gamitin ang katutubong wika sa pagtuturo sa elementarya. Sa simula ay nakumbinsi ni Doherty si Lope K. Santos, na noo’y guro niya sa Tagalog at editor ng “Muling Pagsilang,” seksyong Tagalog ng El Renacimiento (Agoncillo 158), na tipunin ang mga editor at manunulat sa bernakular upang bumuo ng isang wikang komon sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga pangunahing wika sa Pilipinas. Sa katunayan, sumulat pa si Santos ng artikulo na pinamagatang “The Vernacular As a Factor in National Solidarity and Independence” noong 1930 (nasa Kalaw 1930) bilang pagtataguyod dito. Tila hindi naging popular ang posisyong ito dahil iba ang naging mga rekomendasyon pagkaraan. Maging si Santos ay sumuporta lang sa Tagalog pagkaraan. Isang bagong panukala ang fusionist view na sa panahong iyon ay hindi maliwanag sa mga Pilipino. Kaugnay ng wika ng edukasyon, gayunman, nagkakaisa ang marami sa panahong iyon para sa katutubong wika, bagamat hindi nila pinupwera ang Ingles at Kastila. Mga bill na nagpapatibay sa paggamit ng mga lokal na wika sa eskuwelahan ang ipinasok ng mga miyembro ng Philippine Assembly na karamihan ng mga miyembro ay Pilipino. Isa dito ang ipinasa ni Del. Carlos Corrales ng Camiguin noong 1907 na paggamit ng isang “dialekto” (wika) na malawak na ginagamit sa komunidad. Noong 1908, inaprubahan ng Philippine Assembly ang Assembly Bill 148. Narito ang probisyon ng Bill: Act na nag-aamyenda sa Sek. 14, Art 4 na nagpapatibay na kasama ng pagtuturo sa wikang Ingles sa mga publikong eskuwelahang primarya ang pagtuturo din sa wikang mas ginagamit sa kanilang rehiyon. (salin ko) Paris ng nangyari sa naunang bill, hindi ito inaprubahan ng Committee on Matters Pertaining to the Department of Public Instruction na pinamunuan ni James F. Smith dahil baka raw mapalitan ng mga lokal na wika ang Ingles at salungat ito sa mga patakaran ng gobyernong Amerikano. Noong 1912, ipinasok ang Assembly Bill 74 na nagpapatibay ng pagtatatag ng Instituto ng mga Wika ng Pilipinas. Ang naturang bill ay nauna nang ipinasok ni Smith upang ilihis ang atensyon sa pagtuturo ng mga lokal na wika. Hindi inaprubahan ito ng mga Pilipino noong 1909 dahil nga sa intensyon ni Smith. Nang ipinasok na nila ito noong 1912, hindi naman ito inaprubahan ni Newton Guilbert, ang pumalit kay Smith dahil lilihis raw ito sa patakaran sa Ingles. Isa ring resolusyon ng isang kumbensyon ng mga Presidente Municipal ng Occidental Negros ang ipinasa bilang suporta sa Bill 74 noong 1911. Muli, hindi ito inaprubahan ni Guilbert. Noong 1916, muling ipinasok ng Assembly ang Bill 148 nang walang aksyong nagawa dito mula 1912. Muli, inupuan na naman ito ng Komite. Daluyan2014197 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino Isang rekomendasyon, sa pagkakataong ito, ang ginawa ng Monroe Commission noong 1925 bilang tagubilin ng Philippine Legislature na pag-aralan ang mga kahinaan at kalakasan ng edukasyon sa Pilipinas. Dito ay inirekomenda ang paggamit ng ilang “diyalekto” sa pagtuturo ng good manners and right conduct. Sinuportahan ni Butte ang pagtataguyod sa mga wika sa Pilipinas sa kanyang talumpati noong 1931 (150) na pinamagatang “Shall the Philippines Have A Common Language?” sa harap ng Catholic Women’s League.14 Dahil sa suportang ito ni Butte, na may mataas na posisyon sa Gobyernong Amerikano, dumami ang mga bill na ipinasok bilang pagtaguyod sa mga lokal na wika. Ilan sa mga ito ang House Bill 557 noong 1931 na nagsasaad na Simula sa pang-eskwelahang taon 1932 – 1933, ipagagamit ng Sekretaryo ng Publikong Pagtuturo ang mga lokal na diyalekto kasama ng Ingles bilang midyum ng iba’t ibang kurso sa mga publiko at pribadong eskuwelahang primarya. Hanggat maaari, ang diyalekto ay alinman sa mga sumusunod: Tagalog, Bisaya, Ilokano, Bikol, Pangasinan, o Pampango. (salin ko) Sinundan ito ng Bill ni Rep. Manuel V. Gallego ng Nueva Ecija noong 1932: Isang Act na nagpapatibay sa paggamit ng mga katutubong diyalekto bilang midyum sa lahat ng eskuwelahang elementarya at sekondarya. (salin ko) Sinuportahan ni Dr. Cecilio Lopez, ang kauna-unahang Pilipinong linggwista sa Pilipinas, ang pagtuturo at paggamit ng katutubong wika sa edukasyon. Nagsulat siya ng mga artikulo sa mga journal at magasin tungkol dito. Sa Konstitusyon ng 1935, walang probisyon kaugnay ng wika at edukasyon. Ibig sabihin patuloy ang pagpapagamit ng Ingles. Noong 1940, pinahintulutan ng Department of Public Instruction ang paggamit ng mga katutubong wika sa mga eskwelahang primarya bilang mga pantulong na wikang panturo. Muli, unti-unting pumapasok sa sistema ng edukasyon ang mga katutubong wika. Paris ni Bidasari, muling nabubuhay, nagigising ang isyu sa lokal na mga wika. Panahon ng Hapon: Bernakular sa Edukasyong Primarya Sa Military Ordinance No.13 noong ika-13 Hulyo 1942 ng Commander-in-Chief ng Imperial Japanese Forces, pinagtibay na: 198Daluyan2014 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino Ang mga wikang opisyal na magsisilbing pampublikong gamit ay ang wikang Hapon (Nihongo) at wikang Tagalog. Ito rin ang naging probisyon sa Konstitusyon ng Republika noong 1943 (Kalibapi 3). Itinuro ang Nihongo mula 1943. Ang mga bernakular ay ginamit sa pagtuturo ng pagbasa at pagsasalita sa Grado 3 at 4 at ang Tagalog sa Grado 5 at 6. Sinunod din ang naunang direktiba (Department Order No. 1 Series 1940) na pagtuturo ng Tagalog sa ikaapat na taon sa hayskul at sa mga normal school. Pansamantalang ginamit pa rin ang Ingles. Maaaring malaki ang naging papel ng mga dati nang nagtataguyod sa wikang Tagalog na mga dayuhan at mga Pilipinong opisyal, mga samahang pangwika, mga eksperto, mga pahayagan, at mga manunulat at gramaryan, sa pagpili sa Tagalog bilang wikang pambansa at wikang opisyal sa panahong ito. Ngunit maaaring planong transisyon lang ito patungo sa paggamit ng Nihongo. Hindi nga lang nagtagal ang panahong ito, kung kaya’t hindi napatunayan ang hinalang ito. Ang pagsuporta sa katutubong wika sa panahong ito ay panandalian lamang, dahil sa maikling panahon ng pananakop ng mga Hapon. Rebelasyon at Reebalwasyon ng Multilinggwal na Edukasyon Sa mga panahong kolonyal (Kastila, Amerikano), nanaig ang Espanyol, Ingles at Nihongo (bagamat nagsimula pa lang at maigsi ang panahong ito. Tagalog ang ipinampalit sa Ingles). Neokolonyalismo ang pumalit sa kolonyal na patakaran. Nagpatuloy ang Ingles. Nadagdag ang Filipino sa 1974 Bilinggwal na Patakaran sa edukasyon dahil sa “anti-imperyalismong kilusan,” noong dekada 60-70. Sa kabila nito, nagpatuloy ang pagdomina ng Ingles. Nitong mga huling taon ng dekada 90 ng siglo 20 hanggang ikalawang dekada ng siglo 21, naging neoliberal ang tendensiya ng gobyerno sa mga patakaran nito bunga ng pagsali nito sa mga daloy ng globalisasyon gaya ng Philippines 2000 at Millenium Development Goals ng United Nations tungo sa matatag na bansa, kaunlarang pang-ekonomiya, at pagpasok ng mga banyagang kapital. Ang mga sumunod na panahon, kung saan nabigyan ng kalayaan ang mga Pilipino, kapwa sa Hapon at sa Amerika, ay kakikitaan ng mga pag-iwas at kawalan ng suporta sa katutubong wika. Pinanatili ang Ingles bilang pangunahing wika sa edukasyon, maliban noong 1974 kung kailan pinairal ang bilinggwal na patakaran sa edukasyon. Ang mga katutubong wika ay ginawang auxiliary language sa grado 1 at 2. Bunga ito ng paggigiit ng mga unibersidad, mga organisasyon pangwika, at mga indibidwal na nagtaguyod dito, dala na rin ng lumalakas na aktibismo na nagtataguyod sa mga patakarang laban sa neokolonyalismo at “imperyalismong Amerikano.” Sa mga akademikong institusyon nagsimula ang mga ito gaya ng Unibersidad ng Pilipinas, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (dating Philippine College of Commerce), at iba pa. Sa kabila nito, naging epektibo ang edukasyong ibinigay ng mga Amerikano sa Pilipinas. Manipestasyon ito, gayunman, ng “misedukasyon ng mga Pilipino” ayon kay Constantino (1966) o “sinirang kultura” (damaged culture) ayon kay Fallows (1987). Maliban sa naging desisyon sa 1987 Konstitusyon, na pinagtibay ang mga “wikang Daluyan2014199 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino rehiyunal” bilang pantulong na wika (auxiliary languages) sa pagtuturo, walang naging malaking desisyon kaugnay ng mga katutubong wika ang gobyerno matapos makamit ang kalayaan. Samantala, patuloy pa ring napipilitang gamitin ang mga lokal na wika sa pagtuturo ng iba’t ibang asignatura sa mga prubinsiya upang maipahatid ang kaalaman at kakayahang mag-isip sa mag-aaral. Dahilan ito upang magsagawa ng mga pag-aaral at eksperimento para patunayan ang matagal nang naoobserbahan na kakulangan ng kaalaman at kasanayan sa Ingles gayundin ang kakulangan ng pangkalahatang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral. Noon pang 1948-54, 1961-64 ay isinagawa na ang Iloilo Experiment, noong 1960-66 ang Rizal Experiment, 1986-93 First Language Component Bridging Program, 1996 ang Lubuagan First Language Component Multilingual Education Pilot Project. Pinatunayan ng mga pag-aaral at eksperimentong ito ang bisa ng unang wika sa pagkatuto lalo na sa mga unang taon ng pag-aaral. Ayon nga sa BESRA (2006) ang bentahe ng pagtuturo sa katutubong wika sa mga unang taon ng pag-aaral ay: (a) mas may gamit at kabuluhan sa mga mag-aaral ang natututunan sa eskuwelahan (b) mapapanatili at mapapayaman ang kanilang kultural na identidad (c) mas magkakaroon sila ng higit na kumpyansa sa sarili (d) mas makakapagpahayag at maiintindihan ang leksyon (e) magsisilbi itong pundasyon sa pag-aaral ng iba pang wika (f) mas mabisa ang paglipat ng kaalaman at magpapatuloy ang pag-unlad ng pag-iisip dahil din sa walang hadlang sa wika (g) mas makabuluhan at masigla ang pag-aaral (h) nakakabahagi ang mga magulang sa pag-aaral ng bata (i) mas sanay ang mga guro sa katutubong wika Sa kabila ng mga katotohanang ito, hindi natinag ang gobyerno sa pagtaguyod sa Ingles. Bahagyang nabigyan ng atensyon ang wikang Filipino bunga ng mga adbokasya para dito. Ang katutubong wika ay naetsa-puwera sa loob ng maraming taon. Ngunit dahil kabilang nga ang Pilipinas sa programa ng UN na Education for All kaugnay ng Millenium Development Goals ng mga bansang kasali, unti-unting sumusunod ang pamahalaan sa tawag ng pangangailangan sa edukasyon, o sa mas malalimang pagsusuri, sa neoliberal o ekonomikong bentahe nito.Noong 2012, batay sa DepEd Order No. 16, s 2012 bilang pagtalima sa DepEd Order No. 74, s. 2001, 12 wika ang piniling gamitin sa rehiyon bilang asignatura (learning area) at wikang panturo sa Pampaaralang taon 2012-2013 kaugnay ng inilunsad na nitong MTB-MLE o Mother Tongue-Based Multilingual Education na Programa. Nagdagdag ng pito pa batay sa DepEd Order 28, s. 2013. Ang kabuuang 19 na wikang ito ay ang mga sumusunod: 200Daluyan2014 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino Inaasahan ng DepEd na sa programa sa katutubong wika bilang asignatura at wikang panturo (K-3), kasama ang Filipino (Mula Grado 1, unang semestre) at Ingles (mula Grado 1, ikalawang semestre), hanggang Grado 6, matutupad na ang multilinggwal na edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng MTB-MLE sa ilalim ng K-12 na Programa. Inaasahan, gayunman na magpapatuloy ito at mabibigyan ng sagot na atensyong pisikal (infrastruktura), administratibo, at pinansyal upang magtagumpay, sa kabila ng neoliberal na layunin nito. Kaugnay nito, ilang mungkahi ang inilalatag dito ukol sa ipinapatupad na multilinggwal na edukasyon upang magpatuloy at magtagumpay ito: (a) Magkaroon ng taunang ebalwasyon ang programa. (b) Magtalaga ng magagaling na guro na tunay na katutubong tagapagsalita ng wika. (c) Siguruhing awtentiko ang mga materyal na gagamitin at hindi lang salin ng akdang orihinal na sinulat sa ibang wika. (d) Maglaan ng malaking pondo mula sa taunang badyet ng pamahalaang nasyonal at lokal. (e) Makipag- ugnayan ang DepEd sa mga NGO, pribadong mga kompanya, at mga organisasyon upang mapaunlad at mapaigting pa ang pagpapatupad sa programa. Harinawang hindi isang tokenismo o ningas kugon lamang ang programang ito at hindi ginawa para lamang sumunod sa tagubilin ng MDG ng United Nations kundi isang habambuhay na komitment sa mga mamamayang Pilipino. Sa kabilang –dako, hindi rin dapat maghinawa ang mga pagtataguyod sa wikang pambansa bilang wika ng edukasyon dahil ito ang magsisilbing sintesis at tagapagbuo ng mga ganansyang makukuha sa MTB-MLE at tutulong upang manatiling malakas ang kultura sa gitna at sa kabila ng globalisasyon. Ayon nga sa National Indigenous People’s Evaluation Policy Framework na inihanda ng DepEd batay sa konsultasyon sa mga stakeholder: ….”isang kagustuhan at pangarap ng mga komunidad ang edukasyon na angkop at ugnay sa kultura ng mga mag-aaral, rerespeto sa kanilang identidad, at kikilala sa kahalagahan at kabuluhan ng kanilang tradisyunal at katutubong kaalaman, kasanayan, at iba pang aspekto ng kanilang yamang kultura.” Daluyan2014201 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino Dagdag pa ito sa uri ng edukasyong magbibigay sa mag-aaral ng sapat na literasi, higit na malalim na kaalaman at kasanayan, mataas na kumpiyansa sa sarili, pagkamalikhain, at mag-aalis sa anumang hadlang upang makilahok nang makabuluhan sa iba’t ibang antas at bahagi ng lipunan at maisasagawa ang kanilang tungkulin bilang mga mamamayan ng komunidad, ng lahi, ng bansa, ng rehiyon, at ng mundo. Kultural na reteritoryalisasyon o pag-angkin o muling pag-angkin ng mga lokalidad, sa termino ni Tomlinson (2003) ang nangyayari sa ngayon. Ngunit hindi dapat manatili lang ito sa lokalidad. Dapat tumungo ito sa bansa. Kung hanggang saan at hanggang kailan ito isasagawa ay panahon at pulitikal na sitwasyon ng bansa ang pagbabatayan. Sana’y huwag manatiling isang Bidasari na mabuhay-mamatay ang Programang ito. MGA TALA 1 Ibid. 2 Ibid. 3 Ayon sa LeBlog ng K International sa artikulo ni Richard Brooks (10 Setyembre 2010), ang Papua New Guinea, na sinlaki lang ng California ang may pinakamaraming wika sa ating planeta. Ayon sa 2013 Ethnologue, sa 7,105 mga nabubuhay na wika sa mundo, 836 ang sa Papua New Guinea. Ang 11 mga banyagang wika ay Ingles, Espanyol, Nihongo, Cantonese, Arabic, 4 Bahasa Melayu/Bahasa Indonesia, Mandarin (Fukien), Sindhi, Punjabi, Urdu. 5 Kay J. Rubrico (2013), mahigit isandaang wika mayroon ang Pilipinas. Para kay Ernesto Constantino, mahigit ding isandaang wika at 500 dialekto mayroon sa Pilipinas. Sa Ethnologue 2013, sa 185 na wika, 181 ang buhay, 4 ang patay na, 43 ang institusyonal, 70 umuunlad, 45 aktibo, 13 nanganganib, at 10 ang naghihingalo. 6 Blair and Robertson, Vol. X-V, p. 185. 7 Ibid., p. 184. 8 Ibid., Vol. XXXVI, p. 304-305. 9 Catalogo Bibliografico Filipino Matta’s Report. Juan Manuel de la matta, February 25, 1843. Nasa Blair and Robertson, The Philippine Islands, Vol. LII, p. 108. 10 Ibid., Vol. LIV, p. 294. 11 Ibid., Vol. I, Vol. LII, p. 108. 12 Isinaad sa tagubilin ni McKinley na: Magiging tungkulin ng Komisyon na itaguyod at palaganapin ang sistema ng edukasyong primarya… ang pagtuturong ito ay ibibigay sa simula, sa lahat ng sulok ng Isla sa mga wika ng mga tao. Dahil sa dami ng mga wikang sinasalita ng iba’t ibang tribu, mahalaga para sa kaunlaran 202Daluyan2014 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino ng mga islang ito na isang komon na midyum ng komunikasyon ang maitatag, at malinaw na Ingles ito. Agad bigyang-atensyon ang pagbibigay ng oportunidad sa mga mamamayan na maituro ang wikang Ingles. (salin ko) Ang ganitong paraan ang itinaguyod ni Geruncio Lacuesta noong dekada 70. 13 Tinawag niya itong Filipino o Manila Lingua Franca. Si Gonsalo Del Rosario ng Araneta University Foundation ay nagtaguyod ng ganito ring pananaw. Tinawag niyang Maugnaying Pilipino ang wika. Ginamit niya ito sa Agham at nakakuha ng pondo mula sa NSDB (ngayo’y DOST) para sa Maugnaying Talasalitaan. Naging tagasuporta niya ang yumaong Dr. Bienvenido Miranda, Emeritus Professor ng Chemistry sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. 14 Doo’y ipinahayag ni Butte na: Pagkaraan ng maraming deliberasyon, tumutungo ako sa konklusyon na lahat ng pagtuturo sa bawat eskuwelahang elementarya sa Pilipinas ay dapat ibigay sa isa sa siyam na wikang katutubo, sa oras na makakuha ng kailangang mga teksbuk at kwalipikadong mga guro. (salin ko) Daluyan2014203 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino SANGGUNIAN Acts of the First Philippine Legislature, 2nd session Nos. 1897-1959, inclusive. Public Resolution From August 23, 1908 – May 20, 1909. Nasa US War Department Records, 1909. Nakalimbag. Agoncillo, Teodoro A. “Ang Wikang Pambansa – Pasapyaw na Kasaysayan”. Nasa Bahaghari’t Bulalakaw. Katipunan ng mga Sanaysay at Pag-aaral. Quezon City: University of the Philippines Press, 1998. Nakalimbag. Alzona, Encarnacion. History of Education in the Philippines: 1565-1930. Quezon City: University of the Philippines Press, 1932. Nakalimbag. Blair, Emma and Robertson James. “The Philippine Islands: 1493-1898.” Nasa Recopilacion de las Indias, 7 Hulyo 1550. Vol. XLV, (1973): 185. Nakalimbag. ___. “Recopilacion De las Indias.” Felipe IV Vol. XLV, (2 Marso 1634); Madrid 4 Nobyembre 1635. p. 184. Nakalimbag. ___. Botelin Oficial de Ministerio del Ultramar. Vol. I. Nakalimbag. ___. Report. “Catalogo Biliografico Filipino.” Mattás Report. Vol. LII, p. 108. Nakalimbag. ___. Judicial Conditions in the Philippines 1842. Vol. XXXVI, p. 304-305. Nakalimbag. ___. Educational Suggestions. Vol. LIV, p. 294. Nakalimbag. Butte, George C. “Shall The Philippines Have a Common language?” Nasa Philippine Journal of Education. Vol. 14:123, 12, (Setyembre 1931): 149-151. Nakalimbag. Constantino, Renato. Filipinos In the Philippines And Other Essays.. Manila: Malaya Books, 1966. Nakalimbag. DepEd Order No. 74, s. 2009. Institutionalizing Mother Tongue-based Multilingual Education. Web. www.dep.ed.org.ph Downloaded Dec. 5, 2013. ___. No. 62, S. 2011. Adopting the National Indigenous Peoples (IP) Educational Policy Framework. Web. www.dep.ed.org.ph. (downloaded Dec. 5, 2013). 204Daluyan2014 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino ___. No. 16, S. 2012. Guidelines on the Implementation of the Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Web. www.deped.org.ph (downloaded Dec. 5, 2013) Doherty, David. “Conditions In the Philippines.” Philippine Pamphlets 9(1) 1904. Nasa US 58th Congress, 2nd Session, Senate Doc. No. 170. Washington: Government Printing Office. Nakalimbag. Doronila, Ma. Luisa C. The Limits of Educational Change: National Identity Formation in a Philippine Elementary School. Quezon City: University of the Philippines Press, 1989. Nakalimbag. Fallows, James. “A Damaged Culture: A New Philippines.” Atlantic Monthly. 1987 November. Nakalimbag. Frei, Ernest J. The Historical Development of the Philippine National Language. Manila: Bureau of Printing, 1959. Forbes, William C. The Philippine Islands. Vol. 2. Boston at NY: Houghton Mifflin Co., 1928. Nakalimbag. Gallego, Manuel O. The Price of Philippine Independence Under the Tydings-McDuffie Act. 1939. n.p. Nakalimbag. Hayden, Ralph Joseph. The Philippines: A Study In National Development. N.Y.: MacMillan Co., 1947. Nakalimbag. Kalaw, Maximo M. Proceedings of the First Independence Congress held in the City of Manila. Manila: Bureau of Printing, February 22-26, 1930. Nakalimbag. Kalibapi. The Propagation of the Filipino Language. Ang Pagpapalaganap ng Wikang Pilipino. Manila: Bureau of Printing, 1944. Nakalimbag. May, Glenn. “Social Engineering In the Philippines: The Aims and Execution of American Educational Policy, 1900-1913.” Philippine Studies 24. (1976): 135-183. Nakalimbag. Monroe, Paul. A Survey of the Educational System of the Philippine Islands. 1925. Manila: Bureau of Printing. Nakalimbag. Daluyan2014205 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino Pado, Felicitas. The Mother Tongue-based Multilingual Education (MTB-MLE) In the K to 12 Program Ceap.org.ph (downloaded Dec. 3, 2013) “Philippines, Legislature, Laws, Satutes, etc.” In Public Laws Enacted by the Philippine Legisture 1913-1921. Manila: Bureau of Printing, 1932. Nakalimbag Rubrico, Jessie Grace U. The Languages of the Philippines. www.languagelinks.org/ oldsite/pd/fil_lang.pdf Web. downloaded 9 August 2013. Santos, Lope K. “The Vernacular As a Factor in National Solidarity and Independence.“ Nasa Kalaw, Maximo M. Proceedings of the First Indpendence Congress held in the City of Manila, Philippines, February 22-26, 1930. Nakalimbag. Springfield Daily Republican. Springfield, Massachusetts, 26 May 1900. Nakalimbag. Depedro7.com.ph/uploadedFile/file/newsletter/…/ Mother %20 Tongue.pdf The Lawphil Project. www.lapwhil.net/statistics/repacts/razor/ra_10154_2012.html. (downloaded 8 August 2013) - The 1935 Constitution of the Philippines - The 1943 Constitution of the Philippines - The 1973 Constitution of the Philippines - The 1987 Constitution of the Philippines UNESCO. “Education In a Multilingual World.” Web. 2003. (http://unesco.org/ inages/0012/001297/129728e.pdf) SIL Philippines, “Mother Tongue-Based Multilingual Education.” Web. (www-01.sil.org) “U.S. Philippine Commission, Laws, Statutes, etc.” In Reports of the US Philippine Commission. Manila: Bureau of Printing, 1904. Nakalimbag. _____________. Journal of the Philippine Commission. First Philippine Legislature, 1st Session and Special Session of 1908. Manila: Bureau of Printing. Nakalimbag. _____________. Journal of the Philippine Commission. 1907-1916. Manila: Bureau of Printing. Nakalimbag. www.vistawide.com/languages/no._countires_most_languages.htm. www.K-International.com/blog/most_languages_in_one_country. www.ethnologue.com/statistics/country/ (downloaded 9 August 2013) 206Daluyan2014 GANITO NA NOON, GANITO ULI NGAYON: Pagtalunton sa Kasaysayan at Daynamiks ng Multilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas Pamela C. Constantino * * * Si Pamela C. Constantino ay propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Nagtapos siya ng AB,MA, at Ph.D. (Philippine Studies) sa U.P., Sociolinguistics, Psycholinguistics, Pagpaplanong Pangwika, Pagsasalin, at Pragmatiks ang kanyang mga larangan. Kasalukuyan siyang miyembro ng CHED Teknikal na Komite sa Filipino, konsultant sa Filipino sa gradong 7-12 ng Dep Ed, at Faculty Resource Person ng Graduate Diploma in Cultural Education ng NCCA. Naging konsultant din siya sa kurikulum ng Philippine Science High School, Central Luzon State University, Far Eastern University, Manila Times School of Journalism, at Mauban Community College.Naging vice chair din siya ng Komite sa Wika at Salin ng NCCA, Pangulo ng SANGFIL at Pambansang Samahan sa Wika. Naging Tagapangulo rin siya ng Departamento ng Filipino ng U.P at University Registrar ng U.P Diliman. Kasalukuyan din siyang miyembro ng International Pragmatics Association na nakabase sa Belgium, miyembro ng Editorial Board ng International Journal Of Translation and Intercultural Studies ng Routledge, at nominator sa Fukuoka Arts and Culture Prize. Ilan sa mga publikasyon niya ang Pagpaplanong Pangwika Tungo sa Modernisasyon: Karanasan ng Malaysia, Indonesia at Pilipinas; Salindaw: Varayti at Baryasyon ng Wika ; Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan; at Filipino at Pagpaplanong Pangwika. Daluyan2014207