Mga Uri ng Liham PDF
Document Details
Uploaded by ScenicBeryllium9176
Pamantasan ng Lungsod ng Marikina
Reviewer ni Claire
Tags
Summary
Ang dokumentong ito ay naglalaman ng iba't ibang uri ng liham sa wikang Filipino. Ipinaliliwanag nito ang kahalagahan at mga katangian ng iba't ibang uri ng liham, kabilang ang liham pagbati, paanyaya, tagubilin, at pasasalamat.
Full Transcript
**LESSON 1** **PAGSULAT NG LIHAM** Ang pagsulat ng liham ay isang paraan ng pakikipagtalastasan o komunikasyon sa isang tiyak na pinag uukulan sa pamamagitan ng mga salitang nakalimbag o nakatitik. Ang isang liham ay katulad din ng personal na pakikipag- usap na kababakasan ng tunay na personalida...
**LESSON 1** **PAGSULAT NG LIHAM** Ang pagsulat ng liham ay isang paraan ng pakikipagtalastasan o komunikasyon sa isang tiyak na pinag uukulan sa pamamagitan ng mga salitang nakalimbag o nakatitik. Ang isang liham ay katulad din ng personal na pakikipag- usap na kababakasan ng tunay na personalidad ng taong sumusulat. Mababatid din sa liham kung ang sumusulat ay matamang nag-isip at malinaw na nakapagpapahayag ng kaniyang tunay na damdamin sa pamamagitan ng mga mapitagan at magalang na pananalita. **IBA'T IBANG URI NG LIHAM** 1. Liham Pagbati (Congratulation Letter) Pinadadalhan ng liham pagbati ang sinomang nagkamit ng tagumpay, karangalan, o bagay na kasiya-siya. Ganito ring uri ng liham ang ipinadadala sa isang nakagawa ng anomang kapuri-puri o kahanga hangang bagay sa tanggapan. 2. Liham Paanyaya (Letter of Invitation) Taglay ng liham na ito ang paanyaya sa pagdalo sa isang pagdiriwang, maging tagapanayam, o gumanap ng mahalagang papel sa isang partikular na okasyon. 3. Liham Tagubilin (Letter of Instruction) Nagrerekomenda o nagmumungkahi ang isang indibidwal o tanggapan kung may gawaing nararapat isangguni sa bawat nagpapakilos ng gawain upang magkatulungan ang mga kinauukulan sa katuparan ng nilalayon nito. 4. Liham Pasasalamat (Letter of Thanks) Pagpapahayag ng pasasalamat sa mga naihandog na tulong, kasiya-siyang paglilingkod, pagbibigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon, idea at opinyon, at tinanggap na mga bagay. 5. Liham Kahilingan (Letter of Request) Liham na inihahanda kapag nangangailangan o humihiling ng isang bagay, paglilingkod, pagpapatupad, at pagpapatibay ng anomang nilalaman ng korespondensiya tungo sa pagsasakatuparan ng inaasahang bunga, transaksiyonal man o opisyal. 6. Liham Pagsang-ayon (Letter of Affirmation) Liham na sumasang-ayon at nagpapatibay sa isang kahilingan o panukala na makabubuti sa operasyon ng isang tanggapan. Maaaring samahan ng kondisyon ang pagsang-ayon kung kinakailangan. 7. Liham Pagtanggi (Letter of Negation) Nagpapahayag ito ng dahilan ng pagtanggi, di pagpapaunlak, di pagsang-ayon sa paanyaya, kahilingan, panukala, at iba pa hinggil sa pangangailangang opisyal at transaksiyonal. 8. Liham Pag-uulat (Report Letter) Ito ang liham na nagsasaad ng katayuan ng isang proyekto o gawain na dapat isakatuparan sa itinakdang panahon. Tinatalakay dito ang: a\. Pamagat, b\. Layunin, c\. Kalikasan ng proyekto; d\. Bahagdan ng natamo batay sa layunin; e\. Kompletong deskripsiyon ng progreso ng kasalukuyang gawain, pati na ang mga tauhan, pamamaraan, mga hadlang, at mga remedyo; at mga gawaing kailangan pang isagawa upang matapos sa itinakdang panahon ang proyekto. 9. Liham Pagsubaybay (Follow-up Letter) Ito ang liham na ipinadadala upang alamin ang kalagayan ng liham na naipadala na, subalit hindi nabibigyan ng tugon. Nagsisilbi itong paalaala upang bigyang-aksiyon ang naunang liham. Ang uri ng liham na nararapat subaybayan ay ang liham kahilingan, paanyaya; at maging ang pag-aaplay o pamamasukan sa trabaho. Sa pagsulat, magalang na banggitin sa liham ang petsa at layunin ng naunang komunikasyon. 10. Liham Pagbibitiw (Letter of Resignation) Liham na nagsasaad ng pagbibitiw ng isang kawaning nagpasiyang huminto o umalis sa pagtatrabaho bunga ng isang mabigat at mapanghahawakang kadahilanan. 11. Liham Kahilingan ng Mapapasukan/Aplikasyon (Letter of Application) Ang sinomang nagnanais na makapaglingkod sa isang tanggapan ay kailangang magpadala o magharap ng liham kahilingan. Ang maayos na pagkakasunod-sunod ng mga idea at tuwirang pananalita na nakapaloob sa nilalaman ng liham ay nakahihikayat ng magandang impresyon. Tukuyin ang posisyong inaaplayan at kahandaan ng pakikipanayam anomang oras na kinakailangan. 12. Liham Paghirang (Appointment Letter) Ito ay isang liham na nagtatalaga sa isang kawani sa pagganap ng tungkulin, pagbabago/paggalaw (movement) ng katungkulan sa isang tanggapan, o promosyon (promotion) para sa kabutihan ng paglilingkod sa tanggapan. Isinasaad sa liham ang dahilan ng pagkahirang at ang pag-asang magagampanan ang tungkuling inaatas sa kanya nang buong kahusayan. 13. Liham Pagpapakilala (Letter of Introduction) Liham ito na himig-personal na nagpapakilala sa isang taong nagsasadya sa isang tanggapan upang lalo siyang makilala ng kakausaping opisyal kaugnay ng anomang transaksiyon. 14. Liham Pagkambas (Canvass Letter) Ang liham na ito ay nagsasaad ng kahilingan ng sumusunod: a\. halaga ng bagay/aytem na nais bilhin; b\. serbisyo (janitorial services, security services, catering services, venue/function halls at iba pa sa isang tanggapan. 15\. Liham Pagtatanong (Letter of lnquiry) Liham ito na nangangailangan ng tuwirang sagot sa nais malaman hinggil sa mga opisyal na impormasyon o paliwanag. 16\. Liham Pakikidalamhati (Letter of Condolence) Liham ito na ipinadadala sa mga kaopisina, kaibigan, kakilala, kamag-anak na naulila.Nagpapahayag ito ng pakikiisa sa damdamin subalit hindi dapat palubhain ang kalungkutan ng mga naulila. Nararapat itong ipadala agad matapos mabatid ang pagkamatay ng isang tao. 17\. Liham Pakikiramay (Letter of Sympathy) Liham ito na ipinadadala sa mga kaopisina, kaibigan, kakilala, kamag-anak na nakaranas ng sakuna o masamang kapalaran, tulad ng pagkakasakit, bagyo, lindol, baha, sunog, aksidente o anopamang sakuna ngunit buhay pa. 18\. Liham Panawagan (Letter of Appeal) Liham ito na nagsasaad ng kahilingan, kooperasyon, pakiusap para sa pagpapatupad o implementasyon ng kautusan, kapasiyahan, at pagsusog/amyenda ng patakaran. 19\. Liham Pagpapatunay (Letter of Certification) Ito ay uri ng liham na nagpapatunay na ang isang empleyado o tauhan sa tanggapan ay nagtungo at/o dumalo sa isang gawaing opisyal sa isang partikular na lugar at petsa na kung kailan ito isinagawa. Nilalagdaan ito ng puno ng tanggapan, tagamasid pampurok, puno ng rehiyon. **KATANGIAN NG LIHAM** 1\. Malinaw (Clear) Una sa lahat, hatiin ang mga pahayag ng mga bagay-bagay na hangad ipabatid sa liham. Iplano ang pagkakasunod-sunod ng mga ideyang ipapaloob. Pagkatapos ay suriin kung mahusay ang pagkakapahayag ng bawat ideya. 2\. Wasto (Correct) Laging isaisip na ang ano mang liham na nangangailangan ng katugunan ay dapat magtaglay ng lahat ng angkop at tiyak na impormasyon. Bago sumulat, dapat alamin ang mga kailangan at ihanda ang mga ito nang naaayon sa kani-kanilang priyoridad. 3\. Buo (Complete) Pagsama-samahin ang lahat ng kailangang impormasyon sapagkat kapag nakaligtaang itala ang isang bagay na kailangan ng sumulat, lalabas na kapos o depektibo sa pangunahing sangkap ang liham. Upang maging kasiya-siya ang tugon ng sinulatan, dapat na unang-unang nakasisiya o sapat ang isinasaad sa liham ng sumulat. 4\. Magalang (Courteous) Napakahalaga ng himig (tone) ng pagpapahayag. Hindi dapat mabakas sa sulat ang pagkabigla, pagkamagalitin, o pagkawala ng kagandahang asal. Nakatatawag-pansin ang pagkamagalang, kaya't agad nakukuha ang tugon o reaksiyon sa liham. 5\. Maikli (Concise) Sikapin na ang bawat isusulat ay makatutulong sa pagpapabatid ng nais sabihin sa nilalaman. Iwasan ang paglalakip ng mga detalyeng walang kabuluhan. Ito ay isa lamang pag-aaksaya ng panahon at nakapapawi ng interes ng nilihaman. 6\. Kumbersasyonal (Conversational) Masasabing mahusay ang pagkakapaghanda ng isang liham kapag ang bumabasa nito ay parang personal na kausap ng sumulat. Sabihin sa natural na pamamaraan ang nais iparating nang sa gayon ay higit na maging epektibo ang pagkakaunawaan 7\. Mapagsaalang-alang (Considerate) Pakatimbangin ang ano mang nais ipahayag ng sumulat. Bigyan diin ang mensaheng nagbibigay-interes sa sinulatan o bumabasa. Sikaping maging mapagbigay sa lahat ng pagkakataon nang sa gayon ay maipadama ang pagtitiwala at kabutihang loob. **MGA BAHAGI NG LIHAM** 1\. Pamuhatan (Heading) Binubuo ito ng opisyal na pangalan ng tanggapan, adres, telepono, at numero ng fax. Makikita rin dito ang logo ng tanggapan (kung mayroon). May dalawang uri ng pamuhatan a\. Nilimbag na pamuhatan (Printed letterhead) Ang nakalimbag na pamuhatan ay karaniwang nasa gitnang itaas o sa itaas ng papel. Ang logo o sagisag ng tanggapan o kompanya ay karaniwang inilalagay sa itaas o sa kaliwa ng pamuhatan. b\. Minakinilya (typeset) /Sulat-kamay na Pamuhatan Ito ay sinisimulan mula sa isa't kalahati (1 1⁄2 ) hanggang dalawang (2) o maaaring pitong (7) espasyo mula sa itaas ng papel 2\. Petsa (Date) Ang Petsa ay bahagi ng pamuhatan. Maaari itong ilagay sa kaliwang bahagi para sa anyong full-block at kanan o gitnang bahagi para sa anyong semi-block. 3\. Patunguhan (Inside Address) Ito ay binubuo ng pangalan, katungkulan at tanggapan ng taong ng liham. Kung kilala ang sinusulatan, sinusulat ang pangalan ng taong sinusulatan, ang kaniyang katungkulan (kung mayroon), tanggapang pinaglilingkuran at direksiyon. Iwasan ang pagdaglat sa pagsulat ng address o direksiyon, hal. ave., st.. Halimbawa: Kagalang-galang na Alkalde Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong Lungsod Mandaluyong, Metro Manila 4\. Bating Pambungad (Salutation) Ito ay pagbati sa sinusulatan. Sa bating pambungad, ang bantas na marapat gamitin ay tutuldok o colon ( : ). Ang karaniwang ginagamit ay ang sumusunod: Mahal na Ginoo: Mahal na Tagapangulong Libatique: Ginoo: Mahal na Punong Mahistrado Sereno: Mahal na Ginang: at iba pa. 5\. Katawan ng Liham (body of the letter) Ito ang tampok na bahagi ng liham na nagsasaad ng paksa/mensahe sa sinusulatan. Katangian ng Maayos na Mensahe a\. Kailangang ang liham ay maging malinaw na malinaw at hindi dapat lumikha ng anomang alinlangan sa pinadadalhan o babasa nito. b\. Kailangang may tamang pagkakasunod-sunod ng mga salita, pangungusap, talata, at mga bahagi ng liham. c\. Kailangang ito ay madaling basahin at unawain, may angkop na mga salita, banghay, at bantas. Bahagi ng diwang isinasaad sa katawan ng liham a\. Panimula -- Naglalaman ito ng maikling pahayag sa layon o pakay ng liham. b\. Katawan -- Naglalaman ito ng mga detalyeng paliwanag hinggil sa pakay ng liham. c\. Huling talata -- Nagsasaad ito kung ano ang inaasahang aksiyon sa ipinadalang liham. 6\. Pamitagang Pangwakas (Complimentary Close). Nagsasaad ito ng pamamaalam sa nililihaman. MGA DAPAT TANDAAN SA PAMITAGANG PANGWAKAS a\) Ang bating pambungad at ang pamitagang wakas ay iniaangkop sa katungkulan o kalagayang panlipunan ng taong sinusulatan. b\) Kung ano ang antas ng pamimitagang ipinahihiwatig sa bating pambungad ay siya ring isinasaad sa pamitagang pangwakas. c\) Ang pamitagang pangwakas ay may dalawang espasyo mula sa huling salita ng katawan ng liham. Isulat buhat sa kalagitnaan pakanan, na ang dulo ay hindi lalampas sa palugit at lagyan ng kuwit at isulat sa malaking titik ang unang letra ng salita. Ginoo: Kagalang-galang Mahal na Bb. Santos at iba pa. 7\. Lagda (Signature) Binubuo ito ng pangalan, lagda, at posisyon ng lumiham. Ito ay nagpapakilala ng kapangyarihan at pananagutan sa nilalaman ng liham. Ang mga babae, kung nais nila, ay maaaring gumamit ng Bb., Gng. Ms. sa unahan ng kanilang pangalan. Hindi gumagamit ng G. (Mr.) ang kalalakihan sa unahan ng kanilang pangalan. Halimbawa: Matapat na sumasainyo, (Lgd.) CARMELITA C. ABDURAHMAN Komisyoner Programa at Proyekto **ANYO NG LIHAM** 1\. Ganap na Blak (Full Block Style) - Mapapansin na mas madaling tandaan ang Ganap na Blak na anyo ng liham. Lahat ay magsisimula sa pinaka-kaliwang bahagi ng liham. 2\. Modifay Blak (Modified Block Style) - Ang Modifay Blak ay halos katulad ng Ganap na Blak, ang kaibahan lamang ay ang pamuhatan at ang bating pangwakas at lagda ay nasa bandang kanan ng liham. 3\. Semi-Blak (Semi-block Style) - Dito ang pamuhatan lamang ang nasa kanan. Ang unang mga salita sa kanan ay naka-indent of nakaurong ng konti sa kanan. **PAGSULAT NG RESUMÉ** Ang isang resume ay isa sa mga requirements na hinahanap ng mga employers sa mga nagnanais magtrabaho para sa kanila o sa kanilang kumpanya. Nilalaman nito ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa aplikante na may kinalaman sa gusto niyang pasuking trabaho. **MGA IMPORMASYON NA DAPAT ILAGAY SA RESUME** 1\. Pangalan- Totoo at buong pangalan. 2\. Contact number- Mahalaga sa employer na alam nila kung paano ka nila makokontak lalo na kapag natanggap. 3\. E-mail address- May mga employer na sa e-mail nagpapadala ng update tungkol sa aplikasyon. 4\. Home address- Kailangang malaman ng employer kung hindi masyadong malayo sa trabaho. 5\. Objective- Ano ang layunin para sa trabahong gustong pasukan. 6\. Work Experience- Kailangang ilagay at malaman kung ano ang ginagawa sa mga nakaraang trabaho. 7\. Educational Attainment- Ilagay ang kursong natapos at school kung saan nagtapos. 8\. Skills- Mga kakayahan na alam mo, angat ka sa iba, makakatulong sa trabaho na idagdag sa resume. 9\. Mga dinaluhang seminar at Workshop 10\. Sanggunian **TIPS SA PAGGGAWA NG RESUME** 1\. Maglagay ng maayos na litrato 2\. Ang resume ay ipi-print sa isang bond paper. 3\. Pumili ng maayos at malinis tingnan na Font halimbawa Arial, Calibri, Times New Roman o Georgia. 4\. Siguraduhin na ang font size ay hindi gaanong malaki at maliit. 5\. Siguraduhin na ang layout ng iyong resume ay malinis at maayos. 6\. Puting bondpaper ang gamitin. 7\. Ang resume ay hindi nobela **LESSON 2** **PAGSULAT NG AGENDA** \- Ang [Agenda] ay nagtatakda ng mga paksang tatalakayin sa isang pulong. Ito ay talaan ng mga pag-uusapan sa isang pormal na pulong (Baiza-Jullian at Lontoc 2017, 43). Ang agenda ay ginagawa upang bigyan ng impormasyon o kaalaman ang mga taong dadalo sa pulong tungkol sa kung ano ang mga paksang pag-uusapan sa nasabing pulong. Ito ay parang mapa, nagsisilbi itong gabay na nagbibigay ng malinaw na direksiyon kung paano mararating nang mabilis ang patutunguhan ng isang pulong. \- Karaniwan na ang nagpapatawag ng pulong ang responsable sa pagsulat ng agenda. Madalas silang nakikipagtulungan sa kanilang mga kalihim sa paghahanda nito dahil ang mga kalihim din ang siyang responsable sa pamamahagi nito sa lahat ng mga kalahok. \- Kinakailangang maibigay ang agenda sa mga taong kasangkot bago pa dumating ang araw mismo ng pulong dahil pag-aaralan muna nila ang mga nakatalang agenda upang magkaroon sila ng panahong siyasatin ang laman nito at makapagbigay ng mga karagdagang mungkahi o idea patungkol dito. \- Dahil madalang na lamang ang face to face dahil sa kasalukuyang sitwasyon na dulot na rin ng pandemya, maaari din itong isagawa sa pamamagitan ng virtual gamit ang Google Meet, Zoom o kahit na anong aplikasyon sa internet. \- Narito ang ilan sa mga kahalagahan ng pagkakaroon ng Agenda ng pulong, mga hakbang sa pagsulat ng agenda at mga dapat tandaan sa pagsulat ng Agenda, ayon kina Baiza-Jullian at Lontoc 2017 (43-46). **KAHALAGAHAN NG PAGKAKAROON NG AGENDA NG PULONG:** 1\. Ito ay nagsasaad ng sumusunod na impormasayon: a\. Mga paksang tatalakayin b\. Mga taong tatalakay o magpapaliwanag ng paksa c\. Oras na itinakda para sa bawat paksa 2\. Ito rin ang nagtatakda ng balangkas ng pulong tulad ng pagkakasunod-sunod ng mga paksang tatalakayin at kung gaano katagal pag-uusapan ang mga ito. 3\. Ito ay nagsisilbing talaan o tseklist na lubhang mahalaga upang matiyak na ang lahat ng paksang tatalakayin ay kasama sa talaan. 4\. Ito ay nagbibigay rin ng pagkakataon sa mga kasapi sa pulong na maging handa sa mga paksang tatalakayin o pagdedesisyunan. 5\. Ito ay nakatutulong nang malaki upang manatiling nakapokus sa mga paksang tatalakayin sa pulong. **MGA HAKBANG SA PAGSULAT NG AGENDA** Tulad ng paggawa ng iba pang uri ng sulatin, mayroon ding sinusundang hakbang ang paggawa ng agenda. Ayon kina Baisa-Julian at Lontoc (2017), ang sumusunod ay ang mga hakbang na dapat sundan sa pagsulat ng agenda: 1\. Magpadala ng memo na maaring nakasulat sa papel o kaya naman ay isang e-mail na nagsasaad na magkakaroon ng pulong tungkol sa isang tiyak na paksa o layunin sa ganitong araw, oras at lugar. 2\. Ilahad sa sulat na kailangan nila itong lagdaan bilang katibayan ng kanilang pagdalo o kung e-mail naman, kinakailangang magpadala sila ng kanilang tugon. Ipaliwanag din sa sulat na sa mga dadalo, mangyaring ipadala o ibigay sa gagawa ng agenda ang kanilang concerns o paksang tatalakayin at maging ang bilang ng minutong kanilang kailangan upang pag-usapan ito. 3\. Gumawa ng balangkas ng mga paksang tatalakayin kapag ang lahat ng mga agenda o paksa ay nalikom na. Higit na magiging sistematiko kung ang talaan ng agenda ay nakalatag sa talahanayan o naka-table format kung saan makikita ang agenda o paksa, taong magpapaliwanag at oras kung gaano ito katagal pag-usapan. 4\. Ipadala ang sipi ng agenda sa mga taong dadalo, mga isa o dalawang araw bago ang pulong. Bilang paalala ay muling ilagay rito ang layunin ng pulong at kung kailan at saan ito gaganapin. 5\. Sundin ang nasabing agenda sa pagsasagawa ng pulong. **MGA DAPAT TANDAAN SA PAGSULAT NG AGENDA** Ayon naman kay Garcia (2017), ang sumusunod ay ang mga dapat tandaan sa pagsulat ng agenda. 1\. Simulan kaagad ang paghahanda sa pagsulat ng agenda. Gawin ito sa araw mismo ng pagkakaroon ng desisyon sa petsa at tema upang matiyak na maisasagawa nang maayos ang susunod na pagpupulong, at masiguradong mayroong kaisahang patutunguhan ang mga pag-uusapan sa pulong. 2\. Bigyang halaga ang lugar na pagdadarausan ng pulong at ang oras kung kailan ito magsisimula at matatapos. Dapat tiyakin ng tagapagpadaloy ng pulong na nakapokus lamang sa agenda ang pag-uusapan upang masunod ang itinakdang oras at hindi abutin nang matagal na nagiging sanhi ng walang kabuluhang pagpupulong. 3\. Bigyang halaga ang layuning inaasahang makamit sa araw ng pagpupulong. Tiyaking malinaw ang layunin upang mapaghandaan ng mga kasapi ang mangyayari sa pulong. 4\. Bigyang pansin ang mga isyu o usaping tatalakayin ng pulong. Dapat na maikli lamang ang bahaging ito. Siguraduhing lahat ng pag-uusapan ay mailalagay sa agenda. 5\. Tiyakin na ang mga taong kasangkot lamang na nasa listahan ang dapat dumalo sa pulong. Narito ang halimbawang balangkas ng karaniwang agenda: ![](media/image2.jpg) **KATITIKAN NG PULONG** Kung ang agenda ay talaan ng mga pag-uusapan sa isang pulong, ang **Katitikan ng Pulong** naman ay tala ng mga napag-usapan sa isang pulong o opisyalna tala ng isang pulong. Ayon kina Baisa-Julian at Lontoc (2017, 47), ang katitikan ng pulong ay isinasagawa nang pormal, obhetibo, at komprehensibo na nagtataglay ng lahat ng mga detalyeng tinalakay sa pulong. Ito ay nagsisilbing opisyal at legal na kasulatan ng samahan, kumpanya o organisasyon na maaaring magamit bilang ebidensiya sa mga legal na usapin o sanggunian para sa susunod na mga pagpaplano at pagkilos. Sinasabi naman sa philnews.ph (2020) na ang katitikan ng pulong ay mga dokumento kung saan nakasaad ang mga mahahalagang diskusyon at desisyon sa isang pulong. Samakatwid, ang pulong ay mababalewala kung hindi maitala ang mga napag-usapan o napagkasunduan. **MGA MAHAHALAGANG BAHAGI NG KATITIKAN NG PULON** Basahin ang sumusunod na mga bahagi ng katitikan na binigyang katuturan at binuo nina Baisa-Julian at Lontoc (2017, 47-48). 1\. Heading - Ito ay naglalaman ng pangalan ng kompanya, samahan, organisasyon, o kagawaran. Makikita rin dito ang petsa, ang lokasyon, at maging ang oras ng pagsisimula ng pulong. 2\. Mga Kalahok o Dumalo - Dito nakalagay kung sino ang nanguna sa pagpapadaloy ng pulong, gayundin ang pangalan ng lahat ng mga dumalo kasama ang mga panauhin. Maging ang pangalan ng mga liban o hindi nakadalo ay nakatala rin dito. 3\. Pagbasa at pagpapatibay ng nagdaang katitikan ng pulong -- dito makikita kung ang nakalipas na katitikan ng pulong ay napagtibay o may mga pagbabagong isinagawa sa mga ito. 4\. Action Items o Usaping Napagkasunduan -- Kasama sa bahaging ito ang mga hindi pa natapos o nagawang proyektong bahagi ng nagdaang pulong. Dito makikita ang mahahalagang tala hinggil sa mga paksang tinalakay. Inilalagay rin sa bahaging ito kung sino ang taong nanguna sa pagtalakay ng isyu at maging ang desisyong nabuo ukol dito. 5\. Pabalita o Patalastas -- hindi ito laging nakikita sa katitikan ng pulong ngunit kung mayroon mang ganito mula sa mga dumalo tulad halimbawa ng mga suhestiyong agenda para sa susunod na pulong ay maaaring ilagay sa bahaging ito. 6\. Iskedyul ng susunod ng pulong -- itinatala sa bahaging ito kung kailan at saan gaganapin ang susunod na pulong. 7\. Pagtatapos -- inilalagay sa bahaging ito kung anong oras nagtapos ang pulong. 8\. Lagda -- Mahalagang ilagay sa bahaging ito ang pangalan ng taong kumuha ng katitikan ng pulong at kung kailan ito isinumite. Dapat tandaan ng sinomang kumukuha ng katitikan ng pulong na hindi niya trabahong ipaliwanag o bigyang interpretasyon ang mga napag-usapan sa pulong, sa halip, ang kaniyang tanging gawain ay itala at iulat lamang ito. Napakahalaga na siya ay maging obhetibo at organisado sa pagsasagawa nito. Narito ang **mga dapat gawin ng taong naatasang kumuha ng katitikan ng pulong at mga dapat tandaan sa pagsulat ng katitikan ng pulong** na hinango mula sa aklat nina Baisa-Julian at Lontoc (2017, 48-51). Hanggat maaari ay hindi participant sa nasabing pulong ang kukuha ng pulong. Hindi madali ang pagkuha ng katitikan ng pulong kaya napakahalaga na ang naatasang kumuha nito ay may sapat na atensiyon sa pakikinig upang maitala niya ang lahat ng mahahalagang impormasyon o desisyong mapag-uusapan. 1\. Umupo malapit sa tagapanguna o presider ng pulong. Magiging madali para sa kaniyang linawin sa tagapanguna ang ilang mga bagay na hindi niya lubos na nauunawaan kung siya ay nakaupo malapit sa tagapanguna. 2\. May sipi ng mga pangalan ng mga taong dadalo sa pulong. Mahalaga na matsek kung sino-sino ang dumalo sa pulong at maging ang mga liban. Itala rin ang pangalan ng mga taong dumating ng huli sa itinakdang oras at maging ang mga aalis ng maaga. 3\. Handa sa mga sipi ng agenda at katitikan ng nakaraang pulong. Kung hindi naipamahagi ng maaga ang agenda na pag-uusapan sa pulong, mahalagang maibahagi ito bago magsimula ang pulong kasama ang sipi ng katitikan ng nagdaang pulong. Makatutulong ito upang higit na maging organisado at sistematiko ang daloy ng pulong. 4\. Nakapokus o nakatuon lamang sa nakatalang agenda. Bilang kalihim ng tagapanguna ng pulong, mahalagang mabantayan na ang lahat ng tinatalakay na paksa sa pulong ay yaon lamang kasama o nakasaad sa agenda upang hindi masayang ang oras ng lahat at gayundin ay maiwasan ang kalituhan sa pangkat. 5\. Tiyaking ang katitikan ng pulong na ginagawa ay nagtataglay ng tumpak at kompletong heading. Kailangang malinaw na nakatala ang pangalan ng samahan o organisasyon, petsa, oras at lugar ng pulong. 6\. Gumamit ng recorder kung kinakailangan. Makatutulong nang malaki kung gagamit ng recorder sa oras ng pulong upang kung sakaling may puntos na hindi malinaw na naitala ay maaari itong balikan. 7\. Itala ang mga mosyon o pormal na suhestiyon ng maayos. Ang kumukuha ng katitikan ay maaaring banggitin ang mosyon para sa higit na paglilinaw. Mahalagang maitala rin kung kanino nanggaling ang mosyon at maging ang mga taong sumang-ayon dito. 8\. Itala ang lahat ng paksa at isyung napagdesisyunan ng koponan. Mahalagang maitala ang lahat ng mga paksa at isyung napagdesisyunan gaano man ito kapayak o kalaking bagay. 9\. Isulat o isaayos agad ang mga datos ng katitikan pagkatapos ng pulong. Ang pag-oorganisa at pagsulat ng katitikan ng pulong ay dapat na maisagawa agad upang hindi makaligtaan. **MGA DAPAT TANDAAN SA PAGSULAT NG KATITIKAN NG PULONG** **Bago ang Pulong** Magpasya kung anong pagtatala ng katitikan ang iyong gagamitin. Maaring gumamit ng ballpen at papel, laptop, tablet o recorder. Tiyaking ang mga gagamitin mong kasangkapan ay nasa maayos na kondisyon. Gamitin ang agenda para gawin ng mas maaga ang balangkas ng katitikan. Maglaan ng sapat na espasyo para sa bawat paksa. **habang isinasagawa ang pulong** Ipaikot ang listahan ng mga taong kasama sa pulong at hayaang lagdaan ito ng bawat isa. Mula rito madali mong matutukoy kung sino ang liban sa pulong at maging ang mga panauhin sa araw na iyon. Sikaping makilala kung sino ang bawat isa upang maging madali para sa iyo na matukoy kung sino ang nagsasalita sa oras ng pulong. Itala kung anong oras nagsimula ang pulong. Itala lamang ang mahahalagang ideya o puntos. Itala ang mga mosyon o mga suhestiyon, maging ang pangalan ng taong nagbanggit nito, gayundin ang mga sumang-ayon, at ang naging resulta ng botohan. Itala at bigyang pansin ang mga mosyong pagbobotohan o pagdedesisyunan pa sa susunod na pulong. **pagkatapos ng pulong** Gawin o buoin agad ang katitikan ng pulong pagkatapos na pagkatapos habang sariwa pa sa isip ang lahat ng mga tinalakay. Itala kung anong oras nagsimula at nagtapos ang pulong. Sa katapusan ng pulong ay huwag kalimutang ilagay ang "Isinumite ni:", kasunod ang iyong pangalan. Basahing muli ang katitikan ng pulong bago tuluyang ipasa sa kinauukulan para sa huling pagwawasto nito. **KATANGIAN NG KATITIKAN NG PULONG** Ito ay dapat na organisado ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga puntong napag-usapan. Dapat ito ay makatotohan. Ito ay dokumentong nagtatala ng mahahalagang diskusyon at desisyon. Dapat ito ay ibinabatay sa agendang unang inihanda ng tagapangulo o pinuno. Ito ay maikli at tuwiran. Dapat walang paligoy-ligoy, walang dagdag-bawas sa dokumento. Dapat ito ay detalyado at hindi kakikitaan ng katha o pagka-bias sa pagsulat. Narito ang isang halimbawa ng katitikan ng pulong ![](media/image4.png) **LESSON 3** **PANUKALANG PROYEKTO** Ito ay naglalahad ng mga hakbang sa pagsisimula ng mga gawaing magagamit bilang lunsaran ng bubuoing proyekto sa pagtatapos ng aralin. Inaasahang makabuo ng panukalang proyekto bilang pagsasakatupan ng nabuong sulatin. Kailagang maipakita sa panukala ang pangangailangan ng komunidad nang sa gayon ay mapapatunayan na nararapat itong bigyang pansin. **PANUKULANG PROYEKTO** Ito ay isang proyekto na iminumungkahing isagawa dahil may nakitang kinakailangan ng pagkakataon. Nangangahulugang ito'y kasulatan ng mungkahing naglalaman ng mga plano ng gawaing ihaharap sa tao o samahang pag-uukulan nitong siyang tatanggap at magpapatibay nito. **HAKBANG SA PAGSULAT NG KATAWAN NG PANUKALANG PROYEKTO** 1\. Pangalan ng proyekto Makikita sa pangalan ng proyekto ang malinaw na isinasagawang proyekto kung saan isasagawa at kung sino/alin ang mga tagatanggap. Dapat ito ay tiyak at maikli hangga't maaari. 2\. Proponent ng Proyekto Sa bahaging ito ay ipinapakilala kung sinong indibidwal o aling organisasyon ang nagmumungkahi ng proyekto. Ibabahagi rin nito ang tirahan, telepono, at tungkulin ng utak ng proyekto. 3\. Klasipikasyon ng Proyekto Ilarawan kung sa gawain kabilang ang panukalang proyekto. 4\. Kabuoang Pondong Kailangan Isa-isang itatala ang lahat ng mga kagastusan at ang kabuoang pondong kinakailangan upang matagumpay na maisakatupan ang paroyekto. 5\. Rasyonale ng Proyekto Ito ang batayan ng pagsasagawa ng proyekto. Ipinapakita ang kahalagahan ng panukalang proyekto. Ang bahaging ito ay susuporta kung bakit kailangan ang proyekto, sa madaling salita ito ay pagkilala sa problema. 6\. Deskripyong ng Proyekto Ang proyekto ay ilalarawan nang malinaw. 7\. Layunin ng proyekto Isasaad din ang layunin sa pagsasagawa ng gawain at ilalahad ang kalendaryo ng mga gawain. 8\. Mga kapakinabangang dulog Ilalahad kung sino ang mga makikinabang at isasaad din ang mga kapakinabangang makukuha matapos ang proyekto. 9\. Kalendaryo ng gawain Ang bahaging ito ay magpapakita ng lahat at sunod-sunod na gawain tungo sa pagsasakatuparan ng mga layunin. 10\. Lagda Lahat ng taong kasangkot sa panukalang proyekto ay lalagda upang mapagtibay ang panukalang proyekto. **MGA DAPAT TANDAAN SA PAGSULAT NG PANUKALANG PROYEKTO** 1\. Alamin ang mga bagay na makapagkukumbinsi sa nilalapitang opisina o ahensiya sa pag-aapruba ng panukalang proyekto 2\. Bigyang-diin ang mga pakinabang na maibibigay ng panukalang proyekto. Mahihirapang tumanggi ang nilalapitang opisina o ahensiya kung Nakita nilang malaki ang maitutulong nito sa mga indibidwal o grupong target ng proyekto. 3\. Tiyaking malinaw, makatotohanan, at makatuwiran ang badyet sa gagawing panukalang proyekto 4\. Alalahaning nakaaapekto ang paraan ng pagsulat sa pag-apruba o hindi sa panukalang proyekto. Gumamit ng mga simpleng salita at pangungusap. Iwasan ang maging maligoy. Hindi makatutulong kung hihigit sa 10 pahina ang panukalang proyekto. **KAHALAGAHAN NG PANUKALANG PROYEKTO** 1\. Binabalangkas sa panukalang proyekto ang proseso (ng pag-aaral) mula simula hanggang katapusan. 2\. Inihahanda ito upang maging maayos at sistematiko ang pagsisimula ng isang proyekto. 3\. Maaaring magpatuloy ng isang pag-aaral o maaaring lumikha ng bagong pag-aaral. 4\. Ngunit hindi mainam na mag-ulit ng isang pag-aaral o pananaliksik. 5\. Kadalasang inihahanda ang panukalang proyekto bilang kahingian ng guro o propesor. 6\. Kailangang laanan ito ng panahon ng mag-aaral bago pa man siya magsagawa ng masigasig na pag-aaral o pananaliksik. 7\. Mahalagang magsaliksik muna tungkol sa isasagawang panukala bago pa man ipagpatuloy ang isang seryosong pag-aaral. 8\. Ang paghahanda ng isang panukalang proyekto ay maiuugnay sa mga akademikong kahingian tulad ng tesis at desertasyon. ![](media/image6.png)Halimbawa ng Panukalang Proyekto ![](media/image8.png) **LESSON 4** **PAGSULAT NG LAKBAY SANAYSAY** **-** Isa sa mga kagandahan ng pagkakaroon ng kasanayan sa pagsulat ng lakbay-sanaysay ay ang paglikha ng kapangyarihang dalhin ang mga mambabasa sa lugar na napuntahan rin ng awtor gamit ang ilang sangkap sa pagsulat ng nasabing artikulo. Sa pamamagitan ng mga tayutay, idyoma, imagery, at iba pang mga elemento, metodolohiya at estratehiya sa pagsulat ay makapagbibigay din ng halos kaparehas na lebel ng kasiyahan na naranasan ng manunulat sa kaniyang mga mambabasa habang tinatahak ang inilathalang lugar gamit lamang ang kaniyang sulatin. \- Sinang-ayunan naman ito ni Patti Marxsen, sa kanyang artikulong "The Art of the Travel Essay." Ang isang mapanghikayat na lakbay-sanaysay ay dapat makapagdulot hindi lamang ng mga impormasyon kundi ng matinding pagnanais na maglakbay. Maituturing na matagumpay ang isang lakbay-sanaysay kung ito'y nakapag-iiwan sa mambabasa ng sariwa at malinaw na alaala ng isang lugar bagama't hindi pa nila ito napupuntahan. \- Ayon sa blog post ng Elcomblus na inilathala noong ika-22 ng Pebrero, 2020,ang lakbay-sanaysay ay maaaring pumaksa sa tao o mamamayan ng lugar. Binibigyang-pansin dito ang gawi, katangian, ugali, o tradisyon ng mga mamamayan sa isang partikular na komunidad. \- Binigyan naman ng malikhaing kahulugan ni Nonong Carandang ang nasabing konsepto. Tinawag niyang sanaylakbay ang terminolohiyang ito kung saan binubuo ito ng tatlong konsepto: sanaysay, sanay, at lakbay. Naniniwala siyang sanaysay ang pinaka-epektibong pormat ng sulatin upang maitala ang naranasan sa paglalakbay. Samantala, dapat maalam at sanay naman sa pagsulat ng lakbay-sanaysay ang awtor ng nasabing sulatin sa pamamagitan ng paggamit ng iba't ibang elemeto sa kaniyang awtput. \- Samantala, dagdag pa ng Elcomblus, maaari ring maging paksa ng lakbay-sanaysay ang kasaysayan ng lugar at kakaibang mga makikita rito. Binibigyang halaga rito ang uri ng arkitektura, eskultura, kasaysayan, anyo, at iba pa. Sa pagsulat, maaaring gamitin ang pagtatangi at paghahambing sa mga lugar upang malinang ang wastong pagtitimbang-timbang ng mga idea, mula sa maganda o hindi kanais-nais, kapaki-pakinabang o walang kabuluhan, katanggap-tanggap o hindi katanggap-tanggap, at kapuri-puri o hindi kapuri-puri. \- Higit sa lahat, ito ay tungkol din sa sarili sapagkat ang karanasan ng tao ang nagbibigay-kulay sa pagsulat ng lakbay-sanaysay. Binibigyang-halaga ang pagkilos sa lugar na narating, natuklasan sa sarili, at pagbabagong pangkatauhan na nagawa ng nasabing lugar sa taong nagsasalaysay na maaari ding maranasan ng mga makababasa. Ito'y tila pagsulat ng isang magandang pangako ng lugar para sa mambabasa. MGA MUNGKAHING GABAY SA PAGSULAT NG LAKBAY-SANAYSAY Narito naman ang ilang mungkahi ng Elcomblus sa pagsulat ng lakbay- sanaysay na maaari mong maging gabay. ![](media/image10.png) Samantala, sa librong Travel Writing ng pamosong manunulat ng lakbay-sanaysay na si L. Peat O\'Neil, nabigyan ng diin ang ilang panuntunan at element na dapat taglayin ng isinusulat na lakbay-sanaysay. Aniya, mahalagang malaman muna ang estruktura ng isinusulat na artikulong pampaglalakbay\-\--ang mga anekdotang ilalagay sa kuwento, mga personal na karanasan, historikal na mga detalye, impormasyon, o mga datos na produkto ng pananaliksik at maging ang paggamit ng estratehiyang flashback ay dapat malaman ng awtor upang mas Madali para sa kaniya na malaman ang mga ekspektasyon at tunguhin ng sanaysay na isinusulat. Ilan sa MGA ELEMENTO NG ISANG LAKBAY-SANAYSAY ang sumusunod: 1. **Lead o Pamatnubay** Tinatawag ding pamatnubay sa Filipino. Ang lead o pamatnubay ay ang kapana-panabik na panimula o introduksiyon ng artikulo upang mahagip ang atensyon ng mga mambabasa. Maari itong isulat bilang tanong, impormasyon o pigura, depinisyon, sipi, at iba pang pormat. 2. **Saan/Lugar** Mga kapana-panabik na lokasyon o lugar na inilalathala sa iyong lakbay-sanaysay na isinusulat. Maaaring simulan ang pagpapakilala sa isang diskripsiyon o paglalarawan sa heograpikal na lokasyon nito, mga dahilan kung bakit ito ang napili mong ilathala, o ang impormatibo diskusyon at moralistikong dulot ng nasabing lokasyon. 3. **Kailan/Panahon** Mahalaga ring malaman ng mga mambabasa kung kailan ang pinakamagandang panahon, season o maging ang ispisikong oras para puntahan ang isang lugar na inilalathala. Halimbawa ay ang 10, 000 Roses sa Cebu na mas magandang pasyalan ng gabi kaysa tirik ang araw, ang Sunflower Maze sa Pangasinan naman kapag summer, at Pebrero naman ang itinuturing na blooming season at piyesta ng Panagbenga sa siyudad ng Baguio. 4. **Sino/Awtor** Mabibigyan din ng pokus ang personalidad, pagpapahalaga o values, kasanayan sa paglalakbay ang mismong awtor. Sapagkat maaaring maisulat sa unang panauhan at impormal na estruktura ang isang lakbay-sanaysay, mas mapapalapit at maiintindihan ng mambabasa ang tunay na layunin ng tagapagsulat. 5. **Paano/Proseso** Isa sa mga dahilan kung bakit tayo nagbabasa ay upang matuto at malaman ang iba't ibang detalye o datos. Sa kaso ng lakbay-sanaysay, malaking tulong ang mga impormasyong ibibigay ng awtor sa mga mambabasang mayroong mataas na interes sa inilalathalang lugar. Sa elementong proseso din maipapakita ang estruktura, balangkas o framework, ang unti-unting pagpapakilala sa lugar, tao, kultura at iba pa na mababasa sa artikulo. 6. **Ano/Mga Detalye** Mababasa na rito ang mga detalye o datos ng paglalakbay. Ilan sa mga ito ay ang mga interbyu sa mga taong nakakikilala sa lugar, mga restaurant o coffee shop, mga tagong lugar, at iba pang mga impormasyong hindi nababasa o matatagpuan sa internet o mga babasahin. 7. **Katapusan/Konklusyon** Ang pinakalayunin ng pagsulat ng lakbay-sanaysay ay ang pagkakaroon ng kasiyahan at kakintalan sa mga mambabasa. Nagbibigay din ito ng impresyon sa mga mambabasa na tatatak sa kanilang mga isipan upang higit itong matandaan. **LARAWANG SANAYSAY** \- Ayon kay Amit Kalantri, isang nobelistang Indian, "A photograph shouldn't be just a picture, it should be a philosophy." Ang litrato ay isang larawan sa pisikal na anyo, subalit mayroon itong katumbas na sanlibong salita na maaaring magpahayag ng mga natatagong kaisipan, opinyon o perspektibo. Kaya naman karaniwang kamangha-mangha ang resulta kapag pinagsama-sama at inayos ang mga larawan. Ang pag-aayos na ito ng mga larawan upang maglahad ng mga idea ay tinatawag na larawang-sanaysay (tinatawag ding nakalarawang sanaysay) o pictorial essay. \- Ang Larawang sanaysay o Pictorial essay ay isang uri ng artikulong pang-edukasyon na naglalayong makapagbigay babasahin at larawang magpapakita ng isang isyung maaring mapag-usapan. \- Ang Larawang sanaysay ay ang mga inihahanay at sunod-sunod na larawang naglalayong magbigay ng kwento o di kaya ay magpakita ng emosyon. Maaaring ito ay larawang lamang, larawang mayroong kapsyon o larawang mayroong maikling sanaysay. \- Kombinasyon ito ng potograpiya at wika. Kaiba ito sa picture story na nakaayos sa pagkasunod-sunod ng mga pangyayari at ang layunin ay magsalaysay o magkwento. \- Isa itong kamangha-manghang anyo ng sining na nagpapahayag ng kahulugan sa pamamagitan ng paghahanay ng mga larawang sinusundan ng maiikling deskripsyon/kapsyon kada larawan. **DALAWANG SANGKAP NG LARAWANG SANAYSAY** 1. **Teksto** Madalas na may \"journalistic feel\" Kailangang maikli lamang ang sanaysay para sa larawan, maaaring 1,000 hanggang 2,000 na salita lamang nag haba, at mayroong nilalamang mapakikinabangang mensahe mula sa larawan. 2. **Larawan** Ito ay kaiba sa picture story sapagkat ito ay may iisang ideya o isyung nais matalakay Ang mga larawan ay inaayos ayon sa pagkasunod-sunod ng mga pangyayari at ang layunin nito ay magsalaysay o magkuwento. **URI NG LARAWAN** 1\. Ang pangunahing larawan (lead photo) ay maihahalintulad sa mga unang pangungusap ng isang balita na tumatalakay sa mahahalagang impormasyon na sino, saan, kalian, at bakit. 2\. Ang eksena (scene) ang pangalawang litratong naglalarawan ng eksena ng isang larawang sanaysay. 3\. Ang isang larawang sanaysay ay kailangang may larawang ng tao (portrait). Ipinakikita nito ang tauhan sa kuwento. 4\. Ang mga detalyeng larawan (detail photo) ay nakatutok sa isang element gaya ng gusali, tahahan, mukha, o mahalagang bagay. 5\. Gaya ng detlayeng larawan, pagkakataon ng mga larawang close-up na tumuon sa ilang bagay. 6\. Ang signature photo ay ang larawang magbubuod sa sitwasyong inihapag sa larawang sanaysay. 7\. Ang panghuling larawan (clincher photo) ay ang huling larawan sa serye ng mga litrato. Mahalagang piliin ang huling larawan na magbibigay sa mga mambabasa ng emosyong nais mong iparating tulad ng pakiramdam ng pag-asa, inspirasyon, pagkilos o paglahok, at kaligayahan. **ELEMENTO NG LARAWANG SANAYSAY** Ayon kay Collective Lens I Photography for Social Change, narito ang mga elemento na mahalagang taglayin ng isang larawang sanaysay: 1\. Sa kuwento, dapat makapagsalaysay ang piyesa kahit walang nakasulat na artikulo. Hayaang magsalaysay o magbigay ng komentaryo ang mga larawan. 2\. Ang mga uri ng larawan ay tumutukoy sa barayti ng mga retrato gaya ng wide angle, close up at portrait na mahalagang mailahok sa isang piyesa. 3\. Mahalagang pag-isipan ang pagkakaayos ng mga larawan upang mabisa itong makapagkuwento sa paraang kaakit-akit at lohikal. 4\. Mahalagang maglahok ng mga larawang nagtataglay ng impormasyon at ng emosyon. 5\. Ang paglalarawan o caption ay mahalaga upang masigurong maiintindihan ng mambabasa ang kanilang tinutuhangyan. ![](media/image12.jpg)**LESSON 5** **PAGWAWASTO NG SIPI NG ISINULAT NA PAPEL (COPYREADING)** \- Ayon sa ilang dalubhasang manunulat, "the foundation of a writer is his cultural knowledge of writing." Mahalagang salik sa maunlad na pagsulat ang institusyong pinagmulan ng mag-aaral sa tulong ng mga taong kanyang nakakasama at nagtuturo. Gayundin, ang mga kaasalan, gawi, at tradisyon ay yamang mapagkukunan ng mga impormasyon sa kanyang pagsusulat. Marapat na maipadama at matutuhan ang wastong impormasyon sa pagsulat ng mga mag-aaral mula sa mabuting paggabay ng guro. Nararapat na matutuhan nila ang wastong pagbasa at pagwawasto ng kanilang isinulat na papel o manuskrito. \- Hindi kaila na maraming kabataan ang nangangarap ding maging manunulat. Ang pagsusulat ay hindi gawain na basta lamang ginagawa. Kung madali lamang ang magsulat, marami na siguro ang nagtangkang pasukin ang ganitong larangan para lamang madagdagan ang kitang sapat lamang dito sa bansang Pilipinas. \- Isa sa mahalagang pagdadaanan ng isang manuskrito ay ang tinatawag na proofreading. Kailangan ito upang makasiguro na malinis at kanais-nais na mailalathala ang akda. Nagbigay naman si Garcia (2016) ng mga dapat isaalang-alang ng mga proofreader sa pagwawasto sa teksto. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod: 1. Ispeling Kadalasan, kapag ang teksto ay nakasulat sa wikang Filipino, ay nago-autocorrect ang function sa kompyuter kung kayat binabago ng word processor ang ispeling ng mga salita. Maari din namang sa paraan ng pagsulat ng may-akda kung minsan, lalo na kung unang pagtatangka pa lamang ang isinumeting manuskrito ay may makikitang pagkakamali sa ispeling. 2. Diwa ng Akda Kinakailangang ang proofreader ay nagtataglay ng matalas na paningin sa pagbasa ng teksto kapag nagmamarka at kinakailangang kaunti na lamang o mangilan-ngilang pagwawasto na lamang ang dapat gawin matapos itong dumaan sa editing. 3. Anyo ng anyo ng akda Ang pisikal na anyo ng teksto ay nakikita sa uri ng tipo o font. Kailangang masunod ang wastong pamantayan para sa uri ng publikasyong ilalathala. Binibigyang-pansin ng proofreader ang wastong gamit ng malaking titik at maliit na titik at kung italiko o hindi ang mga hiram na salita. Sinisiyasat din niya ang pahina at tumatakbong pang-ulo (running head) na dapat ay sunod-sunod ang mga pahina ng teksto at nailalapat nang wasto. MGA SIMBOLONG GINAGAMIT SA PAGWAWASTO NG SINULAT NA PAPEL O TEKSTO (COPYREADING SYMBOLS) MGA GAWAIN NG EDITOR SA PAGWAWASTO NG KOPYA 1\. Tiyaking tumpak ang mga datos sa artikulo. Magsaliksik kung kinakailangan. 2\. Ang akdang ililimbag ay may wastong gramatika at pagbabaybay ng mga salita. 3\. Magwasto ng kamalian ng mga datos batay sa kahalagahan nito. 4\. Pumutol o magkaltas ng mga hindi mahahalagang datos. 5\. Mag-alis ng mga salitang nagsasaad ng opinyon kung ang winawasto ay balita. 6\. Magpalit ng mga saitang mahirap maunawaan ng karamihang mambabasa. 7\. Sinusunod nito ang istilo ng pahayagan kung tumutukoy sa dyurnalismo. 8\. Tinitiyak nitong malaya sa anomang libelong pamamahayag ang akda. ![](media/image14.png)Pag-aralan ang sumusunod na balita. Pansinin ang pagkakasunod-sunod ng bawat talata, ispeling ng ilang mga salita, mga marka o bantas, tamang kapitalisasyon ng mga inisyal ng salita at iba pa. Ang nasabing teksto ay iniwasto ni Sonairah Olama, isang campus journalist. **PAGBUO NG MALIKHAING PORTFOLIO** **PORTFOLIO NA PANGMAG-AARAL** \- Ang portfolio ay isang koleksiyon na binubuo ng mga materyal na nagawa mo na bilang bahagi ng takdang-arain, proyekto ng grupo o magkapareha, mga ginamit sa report, mga eksamen, at iba pa sa loob ng isang semestre, grading period, o isang taon; bilang kabuoang awtput, maaari itong nakalagay sa bag, envelope, kabinet, kahon, inbox sa email, at iba pang sining (pinta o drowing) akda (tula o maikling kuwento) at maaari ding nakapormat-elektroniko (Constantino at Zafra 2017, 285). **KAHALAGAHAN NG PORTFOLIO** Ayon kay Constantino at Zafra (2017, 286), maraming dahilan kung paano makatutulong ang portfolio sa pagkatuto. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod: 1\. Nagsisilbi itong motibasyon sa mag-aaral para paghusayin ang mga gawain sa klase. 2\. Mapauunlad nito ang pag-unawa at pagtatasa sa sariling kakayahan at kaalaman. 3\. Sinusukat nito ang kaalamang bumasa at sumulat ng mag-aaral (o literasi). Binibigyan nito ng impormasyon ang mag-aaral kung ano ang mahusay na pagbasa at pagsulat sa pamamagitan ng pagtataya (assessment) na nagiging batayan kung paano niya mapahuhusay ang kaniyang mga gawain. 4\. Dahil maraming pagbabatayan ng pagtataya, hindi na lamang eksamen ang magiging sukatan ng kahusayan ng mag-aaral. 5\. Nakikita at nasusubaybayan ng mag-aaral ang progreso ng kaniyang mga gawain sa klase tungo sa pagkatuto. 6\. Napahahalagahan nila ang kanilang pagiging mag-aaral. 7\. Nabibigyan ang mag-aaral ng pagkakataon na paunlarin ang sarili sa pamamagitan ng suporta ng kapuwa mag-aaral. 8\. Nabibigyan ng pagkakataon ang mag-aaral sa self-reflection o pagsusuring pansarili. 9\. Nakatutulong sa sistematiko at masinop na pag-aayos ng mga gawain. 10\. Nabibigyang-diin nito ang pagkatutong batay sa pagsasagawa ng gawain (performance-based) at pagtatamo ng kaalaman, kasanayan, at attitude sa pag-aaral. **IBA'T IBANG URI O ANYO NG PORTFOLIO** Tatlo ang pangunahing uri ng portfolio ayon sa Prince George\'s County Public Schools base na rin sa tala nina Constantino at Zafra (2017, 286): 1\. Portfolio ng Dokumentasyon - Itinuturing itong \"working portfolio.\" Binubuo ang proseso ng pagkolekta ng mga ginawa sa klase kung saan nasusubaybayan ang pagkatuto ng mag-aaral sa leksyon at pag-unlad ng kaniyang kaalaman at kasanayan. Maaaring piliin lang ang mahahalagang gawain upang mabigyang diin ang mga ito tungo sa partikular na layunin. Maaari ding isama ang pinakamahusay at pinaka-di-mahusay na gawain. 2\. Portfolio ng Proseso - Lahat ng gawain ay isinasama upang matukoy ang unti-unting pag-unlad at pagkatuto ng mag-aaral. Binibigyang diin dito ang repleksiyon ng mismong mag-aaral sa kaniyang pagkatuto. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng replektibong journal, think log, personal na sanaysay, at iba pa. 3\. Portfolio ng Pinakamahusay na Gawa - Mga kompletong gawain na pinili kapwa ng mag-aaral at guro, kasama rito ang mga elektroniko, audio-visual na mga akda, gayundin ang mga sulatin, mga litrato, videotape, at iba pa. Kasama rin dito ang replektibong sarnaysay ng mag-aaral kaugnay ng pamimili ng mga akda na matatawag na pinakamahusay. **PROSESONG SINUSUNOD SA PAGBUO NG PORTFOLIO** 1. **Pagpaplano** Pagtiyak ito kung anong uri o anyo ng portfolio ang bubuoin. Sa puntong ito, maaaring mangibabaw ang pasiya ng guro kung ano ang isasagawa ng mag-aaral. 2. **Pagkolekta ng material** Nakadepende rin ito sa uri. Pinakamahusay ba ang pipiliin o lahat ng gawain, o iyong mahuhusay na pinili kapuwa ng guro at mag-aaral? Depende rin ito sa ilang batayan o salik gaya ng: paksa; proseso ng pagkatuto; mga gawain gaya ng mga sulatin, elektronikong akda; at iba pa. 3. **Paggawa ng Sariling Ebalwasyon** Sa prosesong ito isinasagawa ang sariling ebalwasyon mismo ng mag-aaral sa natutuhan, naging pag-unlad ng kaisipan, nadagdag na kaalaman at kasanayan, at karanasan. Maaaring gawin sa replektibong sanasay, kuwento, o salaysay, at iba pang anyo.