PAMBUNGAD SA METAPISIKA PDF
Document Details
Uploaded by HeartfeltTigerEye
Doña Hortencia Salas Benedicto National High School - Senior High School
Tags
Summary
This Tagalog document appears to be a chapter from a book about metaphysics. It discusses the concepts of abstraction, contents, and boundaries in relation to the human mind, using examples like trees and insects. It explores the complex relationship between concepts, the self, and the world.
Full Transcript
## PAMBUNGAD SA METAPISIKA ### XVIII May gabay. Matino itong simpleng prinsipyong ito, na dalawa ang palaging kailangan: - na ang mga bukal na pinaniniwalaan ay nakakabit sa totoo at ik-nakabit ako sa totoo; - na kinikilatis ko at inuunawa itong mga pagkakabit na ito. ### Abstraksyo Nakita nati...
## PAMBUNGAD SA METAPISIKA ### XVIII May gabay. Matino itong simpleng prinsipyong ito, na dalawa ang palaging kailangan: - na ang mga bukal na pinaniniwalaan ay nakakabit sa totoo at ik-nakabit ako sa totoo; - na kinikilatis ko at inuunawa itong mga pagkakabit na ito. ### Abstraksyo Nakita natin na kung minsan, sa ating pagnanais na makaunawa sa mga detalye ng isang pangyayari, ihinihiwalay natin sa ating isip ang nagkakaisa sa talagang totoo. Ganyan ang ginawa natin noong tinalakay natin nang isa-isa ang pagtingin ng mata at ng isip. Nakita rin natin na importanteng bumalik palagi sa pagkakaisa at kabuuan na umiiral sa talagang totoo. Palibhasa'y madalas gamitin itong patakaran ng paghihiwalay sa isip, ng isa at buo sa talagang totoo, mabuting bigyan ng pangalan. Ang nakaugaliang pangalan ay abstractio. Katagang Latin: paghihiwalay. Isusulat kong, abstraksyo. Nag-aabstraksyo tayo kapag nalilimutan natin na bukod-tangi at iba ang bawat tao, at tinutuonan lamang natin ng pansin ang pagkahawig ng lahat ng tao. Abstraksyo rin kapag gumagawa ako ng plano at hindi ko pinupuna kung may kinalaman ang plano sa mga bagay na pinagpaplanuhan. Inaasahan ko na sa mga susunod na pagmumuni-muni, magiging alisto ang mambabasa upang mahalata niya kung may nagaganap na abstraksyo, at kung ano ang patakaran ng bawat abstraksyo. Sa ganoon, sana maging alisto siya at sana isagawa niya ang palaging pagbalik sa kabuuan ng talagang totoo. ### Pambungad sa metapisika Ang bungad ng isang bahay ay pinto... binubuksan sa mga dumadaan ang mga sekretong nakatago sa bahay. Hindi sekreto ng tahanan ang metapisika, bagkus malalim at malawak na katotohanan na umaanyaya sa lahat. Ang pambungad sa metapisika ay pintuan na bumubukas sa kalaliman at kalawakan, sa kaparangan, kabundukan, kalangitan. - Noong nakapasok na siya sa pintuan yumayapak siya sa malawak na lupain na palayo nang palayo ang mga hangganan sinusukuban ng langit na pataas nang pataas ang tuktok ang mga laylaya'y palayo nang palayo sinisikatan ng sariwang araw ang kabuoan. ### Nilalaman at hangganan **YUGTO 1** **MERON** Mayroon tayong mga isip na may nilalaman at may mga hangganan. Kung iisipin ko ang dalawa, bilang dalawa lamang, malinaw na malinaw ang mga hangganan: hindi dalawang kalabaw o dalawang traktor, hindi dalawang tao o saging o botelyang bir. Hindi naman isa o tatlo o sampu. Kundi basta't dalawa. At ano ang nilalaman? Isipin mo muna ang isa. Hindi isang kalabaw o isang traktor, hindi isang tao o isang tutubi o isang botelyang alak, kundi basta't isa. Titigan mo at isipin itong isang ito at saka mo doblehin. Pag-ulit ng isa: diyan natin makukuha ang nilalaman ng ating isip kapag iniisip natin ang dalawa. Isipin mo naman ang langgam. Ipinagbabawal ng isip mo na lumusot sa mga hangganan ang alupihan, uod, o elepante. Ang nilalaman nitong isip na ito ay iyong mga mapulang gumagapang na masakit kumagat, iyong mga gumagapang na maitim na sabik na sabik lumusob sa asukal at pulot at nangingiliti sa halip na kumagat. Sakop na rin iyong mga malaki-laking gumagapang sa kugon at talahiban at pati sa kakahuyan: matulis at mabangis ang kagat, tumatalab pati sa damit na makapal. Mayroon pa bang ibang sakop sa nilalaman nitong isip na ito? Hindi ko alam, ngunit kung may ibang mga gumagapang na nakakahawig nitong naturang tatlo, sakop pa ang mga iyan sa isip: langgam. Dito tayo namumulatan na may kalabuan ang isip, langgam. Hindi natin alam ang lahat ng sinasakop nito. At kung tutuusin mo, hindi mo sana ako naintindihan noong sinabi kong mapula, maitim, at malaki-laking gumagapang, kung hindi mo na nakikilala ang mga ito sa mula't mula pa. May kalabuan ang nilalaman at hangganan ng isip, langgam. Hindi naman natin masasabi na walang hangganan o nilalaman ang isip, langgam. May tunay na pagkamalinaw ang isip na ito. Iba ang isip langgam sa isip elepante. Hindi mapagkakamalan ang dalawa. - lisipin natin ngayon ang punongkahoy. Hindi sakop dito ang anomang kaisipan ukol sa tao o sa hayop. Bawal pumasok sa hangganan ang mga halamang gumagapang gaya ng pakwan, upo't patola. Nasa labas ng mga hangganan ang punong kawayan at ang punong niyog o punong saging at punong papaya. Ngunit, sakop ang mga punong mangga, punong bayabas, punong molabe, tangile, nara, atbp. Dito nakikita natin na may pagkaugnay sa isa't isa ang ating mga isip na may nilalaman at hangganan. Ang nilalaman ng isip puno ay, "tumutubo sa lupa at nakatatayo sapagkat may sariling tibay." At sapagkat iyan ang nilalaman, hindi maaring ipasok sa hangganan ang hayop, tao, patani, patola. Kung puno lamang ang pinag-uusapan, makapapasok sa hangganan ang niyog, kawayan, at molabe. Ngunit, kung ukol sa punongkahoy ang usapan, may panloob na balangkas ng puno na itinutukoy, at hindi masasakop ang punong kawayan; masasakop naman ang punong molabe. Mayroon din kalabuan ang isip, punongkahoy, palibhasa'y hindi natin alam ang lahat ng kayang sakupin nitong isip na ito. Ngunit, may tunay na pagkamalinaw din. - Maihahambing ang mga isip na may nilalaman at hangganan sa kahon. May nilalaman at hangganan ang mga kahon. At sa ating paghahambing, kailangan nating mag-imbento ng isang espesyal na kahon na may kalabuan ang mga hangganan; ngunit, may tunay na mga hangganan pa rin. Iba iba ang mga kaugnayan ng mga kahon sa isa't isa. May mga kabit-kabit. May mga kahon sa loob ng mga kahon. Kung minsan may mga kahon na sa isang paningin ay nasa loob ng isang kahon, at sa ibang paningin naman ay hindi. Marahil sapat na ito upang mamulatan tayo na may isang uring pag-iisip na may nilalaman at may mga hangganan. Gumaganap tayo ng ganitong uring pag-iisip araw-araw. Nililikha ba natin o basta't likas na nalilikha ito sa atin? Sa palagay ko, ang unang maiisipan natin ay na nalilikha ito sa atin na halos hindi natin sinasadya; sa ating pakiramdam, halos aksidente itong sumasapit sa ating kaisipan. Wala akong kamalayan kung papaanong nangyayari na kapag sinabi mo sa akin: isipin mo ang dalawa, langgam, atbp., alam ko kung ano ang hinihiling mo. Natutuklasan ko kaagad itong mga kaisipang ito sa loob ko. Ngunit, nilikha ko rin itong mga pag-iisip na ito. Naiisip ko lamang ang dalawa sapagkat madalas nang nangyari na, sa aking sariling pagsisikap, nagbilang ako ng daliri, saging, botelya, atbp., at madalas din ako nagbilang ng basta't bilang at walang bagay na binibilang. At nakaiisip ako ng langgam, dahil sa aking nakaraang masusing pagmamasid sa mga gumagapang na ito. Naiisip ko rin ang mga sari-saring punong nabanggit batay sa aking nakaraan na at umiiral pang pakikihalubilo sa mga sari-saring punong ito. - Kaya't ang hindi-ako (dalawa, langgam, puno, atbp.) ay siyang paksa ng mga isip na may nilalaman at may mga hangganan; at ako, bilang palaisip, ay siyang tumatanggap at lumilikha sa pag-uunawa ukol sa mga hindi-akong ito. - Kung minsan ba'y nagiging nilalaman-na-may-hangganan ang kaisipan ukol sa mismong ako? Magagawa ko bang kaisipang may hangganan ang aking sarili? Subukan natin. Iisipin kong "ako": basta't ako, hindi ikaw o siya o elepante... Oo pala. Maari ding isipin ang ako sa ganitong paraan. At kung masusi kong uunawain, nakikita ko yata na, habang iniisip ko ang ako sa ganitong paraan, nagiging may-hangganang-nilalalaman-ng-isip ang ako. Isang kaisipan na nasa harap ng isip ko, na maari kong bali-baliktarin. At sapagkat nasa harapan ng aking isip at mapaglalaruan ko pa ang nilalaman-ng-isip-na-may-hangganan na ako, lumalabas na, kahit na hindi ko namamalayan, ginagawa kong isang uring hindi-ako ang ako. - Ngunit hindi pa yata tapos ang kuwento. Sino iyong nag-iisip sa ako bilang may-hangganang-nilalaman-ng-isip? ...na isang uring hindi-ako? Sino ang nag-iisip sa ako bilang kaisipang nasa harap ko na maari ko pang bali-baliktarin? Ako pa rin! Hindi ko pa rin magawang nilalaman ng isip ang mismong ako-na-nag-iisip. Ang tunay na ako, sa kanyang kalaliman, ay palaging nakakawala sa lambat ng mga kaisipang may hangganan. Ang ako na umiisip sa ako ay hindi pa rin magagawang basta't nilalaman ng kaisipan... - Sa mga ganyang pagmumuni-muni, maari akong matauhan na ako'y lihim na kalalimin... at maari din akong maghinala, at sa wakas matauhan, na mahiwagang kalaliman din si kapuwa-tao. - Ano ang itatawag natin sa mga isip na may-nilalaman-na-may-hangganan? May isang katagang Latin na madalas gamiting pagtukoy sa ganitong uring kaisipan: conceptus, na maari nating gawin: konsepto. Ang conceptus ay isang inilihi at binuo sa sinapupunan ng ina. Tinutukoy ng conceptus ang isang buhay na bunga ng bisa ng ina at hindi ina. Ang taong nag-iisip, babae man siya o lalaki, maihahambing sa inang nagbubuo ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Ang binubuo ng taong nag-iisip, ang kanyang pinakaanak ay ang mga nilalaman ng kanyang isip: mga bunga ng bisa ng siya at hindi-siya. - Ang ako at hindi-ako. Iyan ang pinagmumulan ng konsepto. Isang mahaba at kasiya-siyang istorya ang ating matutuklasan sa ating pagmumuni-muni, ukol sa pagsilang ng karunungan mula sa pakikipagtagpo ng ako at hindi-ako. Paksa ito ng hindi matapos-tapos na pagtataka. Ngunit, bago natin talakayin ito, pagmuni-munihan muna natin ang daigdig ng purong konsepto. - **Konsepto at ang "Meron ba?"** - Kung minsan nangyayari na naglilikha ang ating isip ng isang daigdig na purong konsepto. Nalilimutan ko ang buong pananaliksik ukol sa ako at hindi-ako. Basta't mga konsepto ang tinititigan ng pansin ng aking isip.. Kung minsan lumilikha pa ako ng bagong konsepto. Maari akong lumikha ng bagong konseptong matematiko. O maari kong isipin ang konseptong dalawa at, pagkatapos, lumikha ng konsepto ng taong may dalawang ulo. - Maari akong mag-imbento ng konsepto ng taong may sari-saring katangian: si Maria Clara, si Hamlet, atbp. Sa lahat nito, hindi ko binibigyan diin kung ako o kung sino ang nag-imbento. Basta't ang madiin na pagtitig ng aking pansin ay nahuhulog sa mga sari-saring konsepto. - At kapag dumating na ang tao sa purong pagtitig sa konsepto, gumagalaw siya sa isang nibel ng purong kaisipan. Magkalapit sa kanyang isip ang numero 11 at ang hayop; magkasingkonsepto si Crisostomo Ibarra at ang matalik kong kaibigan; ang asong kalaro niya sa kanyang tahanan at ang sa kuwentong palaka na marunong magsalita, at sumabog sa kanyang pagnanais na maging pinakalaking hayop sa balat ng lupa. Lahat ay mga nilalaman ng mga kaisipan na may mga hangganan. - Ngunit, kapag tinanong, "Meron ba?" nabubuwag ang daigdig ng purong konsepto at para bagang biglang nabububay ang ilan sa mga gumagalaw sa daigdig na ito. - Meron bang nabuhay na Crisostomo Ibarra? Meron bang palakang marunong magsalita at sa kayabanga'y sumabog? Wala. Meron ba akong kaibigan? Meron ba siyang aso? Meron. Meron ba akong dalawang tainga at dalawang butas sa ilong? Meron. Meron bang dalawa na basta't dalawa lamang? Wala. - Noong tinanong iyong "Meron ba?" parang naging hangin si Ibarra, ang palakang sumabog, at ang dalawang basta't numero; o ni hindi parang hangin, sapagkat meron hangin, ngunit, walang Ibarra, palaka, dalawa .... at kapag wala, wala. Kasabay nito, ang aking dalawang tainga at dalawang butas ng ilong, ang kaibigan ko at ang kanyang aso, ay lumitaw na talagang-talaga: talagang totoo. - Araw-araw natin ginagamit ang salitang "may," "mayroon," "meron." Titigan natin ito ng pansin sandali. Meron ba kayong aso? Tatanungin ko sa aking kaibigan. Habang hindi pa siya sumasagot, ang iniisip ko ay isang mali-naw na malabong konsepto ng aso at ako'y napapaligiran ng isang papawirin ng "ewan," "baka," "kaya." - Kung ako'y nasa daigdig ng purong konsepto, makaiimbento ako ng anomang konsepto ng anomang aso. Maari kong gawing kasinlinaw o kasin-labo-ayon sa gusto ko itong konseptong ito. Ngunit, ang tanong ko sa aking kaibigan ay hindi gumagalaw sa daigdig ng purong konsepto. Guma-galaw ako, gumagalaw kami, sa talagang nangyayari. Meron akong talagang hindi alam; talagang gustong malaman. Alam niya; siya'y makapagbibigay-alam. Kaya't sa kanya nakabitin ang aking "Meron ba?" Sa kanya nakabitin ang aking "ewan," "baka," "kaya." - Habang nagtatanong ako ng "Meron ba?" nakatitig ako sa isang hindi: hindi ko alam. Ngunit, itong hinding tinititigan ko ay nakabatay sa isang oo: oo ikaw ka't ako ako: oo matalik kitang tagapagbigay-alam sa isa't isa. - Nawawala ba ang konsepto kapag tinanong, "Meron ba?" Hindi, sapag-kat ginagamit ang konsepto sa pagsabing "Meron ganito," o "Meron ganoon." At kung walang konsepto, hindi malalaman kung anong meron ang sinasabi. Meron akong dalawang butas sa ilong. Meron Petra na mabait, tapat na kai-bigan, at tahimik. Ang aking iniisip sa konsepto ay siyang talagang umiiral sa meron. - Kung ganoon, ang natututunan ko pala sa pagganap sa "tanong-sagot-meron?" ay na talagang meron akong ilong na dalawa ang butas, meron Petra na mabait, tapat na kaibigan, at tahimik. Noon may konseptong ako-na-may-dalawang-butas-ang-ilong at may konseptong Petra-na-mabait-tapat-na-kaibigan-tahimik. At kasama ng mga konsepto, may tanong: Meron kayang mga ganito? Noon: konsepto at tanong-"Meron kaya?" Ngayon: konsepto na parang nalunod sa meron. - Tumpak at malinaw ang konseptong ilong-na-may-dalawang butas. Ngunit, sa sandaling binigkas ko na meron akong ilong na may dalawang butas, pumasok ako sa tunay na katalagahan. Binigkas ko ang aking sarili. Sa abot-tanaw na aking kinagagalawan, na aking "kinamemeronan," maraming mga ilong na may dalawang butas. Ngunit, nang binigkas ko ang aking ilong, binigkas ko ang isang ilong na bahagi ng aking sarili, na kapag dumarama o umaamoy, ako ang dumarama o umaamoy. Ang konseptong ilong-na-may-dalawang-butas ay konseptong magagamit sa pagbigkas ng libu-libong ilong. Ngunit, kapag ginamit ko sa pagbigkas na meron akong ilong na may dalawang butas, ang konsepto ay ginamit sa isang kilos ng aking diwa, isang kilos na pinatototoo ang aking ilong bilang sarili kong karanasan, buhay, at pagmamalay. At itong pagka-sarili-kong-karanasan-at-buhay-at-pagmamalay ay wala sa unang nabanggit natin na malinaw at tumpak na konsepto. Samakatuwid, kapag binigkas ang meron, hindi ang konsepto ang binibigkas, kundi ginagamit ang konsepto upang itukoy ang isang talagang umiiral, talagang meron at nagmemeron. Ang tinutukoy ng konsepto ay hindi konsepto. At ang pag-uunawa ko sa tinutukoy ng konsepto ay umaapaw sa konsepto. Sa aking pag-uunawa ay kumakapit ako sa mismong meron at sabay tumatalab sa, at tinatablan ng meron. - Gumamit ako ng isang mahabang kataga: pagka-sarili-kong-karanasan-at-buhay-at-pagmamalay. Marahil napansin mo na, sa paghubog ko ng katagang ito, naghubog din ako ng bagong konsepto. Baka ang nilalaman ng konseptong pagka-sarili-kong-karanasan-at-buhay-at-pagmamalay ay ang mga hindi magkasya sa konseptong ilong-na-may-dalawang-butas. Kaya't iyong meron na sinabi nating hindi maisasakonsepto ay maisasakonsepto din yata, kung maghubog lamang tayo ng sunud-sunod na bagong konsepto. Ganito ba?. - Pagmasdan natin uli ang konseptong pagka-sarili-kong-karanasan-at-buhay-at-pagmamalay. Hinubog ko itong konseptong ito upang itawag sa iyong pansin na, kapag binigkas ko na meron akong ilong na may dalawang butas, iyong konseptong ilong-na-may-dalawang-butas ay ginagamit sa pagbigkas ng meron na umaapaw sa hangganan ng konseptong ilong-na-may-dalawang-butas. Sa palagay ko ay nagkakaintindihan tayo. Natupad natin ang layunin kung bakit hinubog iyong konseptong pagka-sarili-kong-karanasan-at-buhay-at-pagmamalay. Ngunit, hiwalayin muna natin ang konseptong hinubog, sa kalagayan at layunin kung bakit hinubog. Pagmasdan natin ang konseptong pagka-sarili-kong-karanasan-at-buhay-at-pagmamalay. Bilang purong konsepto, lumalabas ito bilang kakayahang tumukoy sa anomang personal kong karanasan, sa nararamdaman ko sa tuktok ng aking ulo o sa talampakan, sa puso o sa tiyan, sa kaisipang sarili na pinagmamalaki ko, o aking ikinahihiya, sa aking pinakalihim na pagmumuhi o pagnanais. At maari mo ring gamitin ang naturang konsepto, upang itukoy ang iyong sarili at pinakapersonal na karanasan. - Bumalik tayo ngayon sa aking pagbigkas ng aking ilong na may dalawang butas. Binigkas ko itong ilong na ito, hindi bilang nag-iisang gumagalaw sa daigdig, kundi bilang ilong ko, sangkap ko, isa sa mga gumagalaw sa galaw ng aking buhay at karanasan at pagmamalay. Ang talagang binigkas ko ay hindi ang aking ilong kundi ang aking sarili, bilang may ilong. At noong binigkas ko ang aking sarili, pumasok na ang ugat ukol sa buong usapan ukol sa kung sino ako, sino ba ang tao, at iba pa. - **Mga taong binibigkas kapag binigkas ang meron** - Si Petra ang bibigkasin ko ngayon. Meron Petra na mabait, tapat na kaibigan, at tahimik. Bago ako gumising sa meron, iniisip ko ang pangalang Petra at mga konsepto ng bait, katapatan at katahimikan. Ngunit, sa meron, hinaharap namin ng kausap ko si Petrang buhay. At ang mga konseptong ginamit ko ay binigyan ang kausap ko ng panimulang pag-uunawa kay Petra. Kung ako makatotohanan at kung may wastong paniniwala sa akin ang kausap ko, alam na niya ngayon na si Petra ay mabait at tapat na kaibigan at tahimik. Ngunit, kung palaisip nang kahit kaunti ang kausap ko, mamumulatan din siya na marami pa siyang hindi alam. Maraming uring kabaitan, katapatan, at katahimikan. Ano ba ang tinutukoy dito? At isa pa: Ano bang tao ang tinuturing ko-ako na kausap niya na mabait, tapat, at tahimik? Sa larangan ng purong konsepto maaring malinis at malinaw ang lahat, ngunit, kapag meron ang kinagagalawan, masalimuot ang usapan, sapagkat hindi na purong isip, kundi talagang nangyayari ang pinag-uusapan. - Isa pang mapagmamasdan ng aking kausap kung mag-iisip pa siya: Makikita niya na noong binigkas ko ang meron ni Petra, binigkas ko ang meron ko. Ako, bilang nakikilala ni Petra, bilang nais makaunawa kay Petra, bilang may kuro-kurong ibig ipamahagi sa kausap ko - at sa kataposan, tumatalab at lumalampas sa lahat ng mga "bilang" na ito: ako bilang ako. At makikita rin natin na sa pagbigkas ko sa meron ni Petra at sa meron ko, binibigkas ko rin ang meron ng kausap ko: siya, bilang kausap at katrato ko, bilang itinuturing kong masisiyahan sa sasabihin ko, bilang kaharap ko. At tinatablan at lumalampas sa mga "bilang" na ito: siya bilang siya. At hindi maipagkakaila na sa pagbigkas sa meron ko at sa meron ni Petra at sa meron ng kausap ko, sabay ring binibigkas ang meron ng bumabasa nitong mga nakasulat dito: ikaw, bilang maliksing bumabasa o mabagal, bilang nasisiyahan o naiinis, bilang nasisiglahan o nababagot: at lumalampas at tinatablan ng lahat ng "bilang" na ito: ikaw bilang ikaw. - Nakahahawig dito ang mangyayari kung iisipin mo muna ang isang bato, isang puno, isang silya. Halimbawa, may bato sa palad ng aking kamay. Noong una, iniisip ko lamang ang bato. Kaisipang may nilalaman: isang may hugis na matigas. Kaisipang may hangganan: hindi lupa, hindi kahoy. Ngayon binibigkas ko ang meron nitong batong nasa palad ng aking kamay. Ang tanging hugis at tanging tigas nito. Ang tanging tunog kapag nilagpak sa semento o sa kahoy. Ang tanging balangkas-kimiko ng nilalaman nito. - Suriin natin sandali ang mga katangiang tinawag ko sa iyong pansin sa aking pagsisikap na paliwanagin ang ginawa ko noong binigkas ko: meron bato sa palad ng aking kamay. Tanging hugis, tigas, tunog, balangkas-kimiko. Ikaw, kaibigan, nakaupo o naglalakad yata o nakatayo o baka naglalakbay sa isang kalesa o eroplano. Habang binabasa mo ang aking mga sinulat ukol sa bato, inilalarawan mo sa iyong sarili ang aking mga pagmumukha habang itinuturo ko sa iyo, sa pamamagitan ng aking labi, ang batong nasa palad ng aking kaliwang kamay, habang itong mga binabasa mo ay sinusulat ng bolpeng tangan ng aking kanan. Habang tayo'y kapuwang nasa ganitong paghaharapan (ako sa iyo, ikaw sa akin) ang mga konseptong ginagamit ko ukol sa hugis, tigas, tunog, balangkas-kimiko; ay talagang pinahihiwatig sa iyo, ang meron nitong batong ito. - Talagang nakiugnay ka, nakakapit ang iyong pag-uunawa, dito sa talagang nangyayari sa palad ng aking kaliwang kamay, sa bukod-tanging batong bumibigat sa aking palad. - Ngunit, ihiwalay natin ang mga naturang konsepto sa ating kasalukuyang pakikipagharapan, at makikita natin na ang mga konseptong ito ay magagamit sa pagtukoy sa anomang ibang bato o sa anomang ibang bagay (silya man o makina o ano) na may hugis at tigas, at maaring ihulog sa lupa at semento, at maaring suriin ang balangkas kimiko. Ngunit, sa kalagayan ng ating paghaharapan, ng aking pagbigkas sa tatlo: sa bato, sa ikaw, sa ako - o sabihin na natin: sa buong kalagayang kinagagalawan ng tatlo-ang mga naturang konsepto ay nakaturo sa bukod-tanging batong ito, at may binibigay upang tayo'y mamulat sa pagka-bukod-tangi nitong batong ito, nang kumagat ang ating kaalaman-hindi-kaalaman sa batong ito. - **Matatanong bang, "Ano ang meron 1?"** - Ano ba itong meron? Hindi yata tama ang tanong. Sa kadalasan nagtatanong tayo ng "ano" habang sinusuri natin ang isang bagay na maaring ituro ng daliri, ligirin, hipuin. Nagtatanong din tayo ng "ano" kung ang usapan ay ukol sa isang matitigan at mababakuran ng isip; sa madali't sabi, sa isang may nilalaman at hangganan: sa isang maisasakonsepto. Ngunit, hindi maisasakonsepto ang meron. Kaya't papaano nating matatanong kung ano ang meron? - Kung ang kahulugan ko ay: Ano ba ang mga nilalaman at hangganan ng meron? - lihis ang aking pagtatanong. Tamang maghanap ng mga hangganan, halimbawa, ng kabayo. Maaaninagan ang mga hangganan nito kapag sinabi mong hindi kalabaw, hindi kompyuter. Medyo ko mauunawaan ang mga hangganan ng "dalawa at kalahati" kapag sinabi mong hindi dalawa, hindi tatlo. Ngunit, ano ang mahihindi mo sa meron? Hindi wala! Ang kabaligtaran ng meron ay wala at hindi tunay na kabaligtaran sapagkat ang wala ay wala. Ang meron ay hindi isang malaking konseptong supot na mapagkakasyahan ng lahat ng mga ibang konsepto. Kung ihahambing mo ang meron sa supot, ang hangganan ay wala. Walang supot. - Meron ka bang baon? Meron. Saan? Kung wala ang isinagot mo, tapos na ang kuwento. Hindi na tatanungin kung nasaan pa. Meron ka bang ninanais? Meron. Sinabi mong meron ikaw. Meron na meron ka. Pagnanais ang iyong pagmemeron. Bakit ba matindi ang iyong pagnanais? Sapagkat marami ang wala sa iyo. Ang pagbigkas mong wala ay padaplis na pagbigkas sa iyong meron. Meron na meron ka at buong buo ang iyong loob na lalo pang tumindi ang iyong meron. - Kapag hindi ginagamit ang wala sa padaplis na pagbigkas ng meron, ang kahulugan ng wala ay hinding hinding hindi. Ang meron naman ay oong-oong oo. - Samakatuwid, hindi na ba matatanong kung ano ang meron? Kung ang kahulugan ng "ano" ay gaya ng sa "Ano ba ang konsepto ng...?" tiyak na hindi wastong tanungin kung ano ang meron. Ngunit, meron bang ibang kahulugan ang "ano?" Pagmasdan natin. - **Matatanong bang, "Ano ang meron?" 2** - Sabihin natin na sa simula ng isang kurso sa pisika, tinanong ng guro: Ano ba ang pisika? Ano ba ang metodo nitong agham na ito? Kapag matapos na ang pagpapalitan ng kuro kuro, tiyak na hindi sasabihin ng guro: May apat na kuro kuro ukol sa kahulugan ng pisika: ABKD. Sapagkat ang karamiha'y pumanig sa K. iyan ang kahulugang gagamitin natin sa kursong ito. Tatlo ang kuro kuro ukol sa metodo ng pisika: UWY. U ang nagwagi; U ang ating metodo. Hindi suwipistik ang agham. Tinanong ng guro: Ano ang pisika? Ano ang metodo ng agham? Marahil nang malaman niya kung gaano kalalim ang kaalaman ng mga mag-aaral; nang makaisip siya ng mga patakarang angkop sa mga mag-aaral na ito. O marahil meron hinala ang guro, at pagnanais, na may karunungang nasa kanyang mag-aaral na wala sa kanya, at umaasa siyang meron siyang matututuhan sa kanila. - Lumabas ang pisika bilang isang disiplinang makaagham, bilang metodo at karunungan. Hindi ito maaring basta-bastahin ng guro o ng mga mag-aaral. Nauuna at namumuno sa kanila ang metodo't karunungang ito. Kailangan nilang bumagay dito bago maaring mangyari na matutubuan sila ng kakayahang humubog at umimbento ng mga bagong teorya at bagong metodo. - Kaya't ang kahulugan ng "ano" sa "Ano ang pisika?" ay hindi: bigyan mo ako ng isang pangungusap na minsanang ilalarawan ang mga nilalaman at minsanang ilalagda ang mga hangganan ng pisika. Kundi: magturo ka, magpahiwatig, magbukas ng landas nang makapasok ako sa daigdig ng metodo at karunungang ito. - Matatanong ko yata ngayon kung ano ang meron. Pareho yata ang kahulugan ng "ano" sa "Ano ang pisika?" sa "Ano ang meron?" Pagmasdan natin. Nauuna at namumuno ang pisika sa guro at sa mga mag-aaral. Wala pa sila; hindi pa sila nababalisa o nananaliksik ukol sa pisika, umiiral na ang pisika. Maari nga silang maging mapaglikha sa larangan ng pisika. Maari pang mangyari na magpatubo sila ng galing na makapagbabago sa buong patakaran ng pisika. Ngunit, kung sa kinabukasan sila'y biglang mawalan ng interes sa pisika, hindi mawawala ang pisika. Ganoon din yata ang meron. Nauuna at namumuno sa akin ang meron. Wala pa ako; hindi pa ako nababalisa o nananaliksik ukol sa meron, meron na. Maari nga akong maging mapaglikha sa larangan ng meron. Baka maari pang mangyari (sino ang nakaaalam?) na kaya kong magpatubo ng galing na makapagbabago sa mga patakaran ng meron. Ngunit, kung bukas bigla akong mawalan ng interes sa meron, hindi mawawala. Meron pa rin. Parehong pareho yata ang pisika at ang meron. - Ngunit, ituloy natin ang pagmamasid. Mahihiwatigan tayo ukol sa mga hangganan ng pisika, kapag sinabi nating hindi kimika, hindi sosiyolohiya, hindi drama. Ngunit hindi maipahihiwatig ang mga hangganan ng meron, sapagkat walang hangganan ang meron. Pisika, kimika, sosiyolohiya, drama: apat ito sa pangkaraniwang patakarang ginagamit ng iba't ibang tao (ayon sa kanilang iba't ibang talino at kahiligan) sa pagsusuri, pananaliksik, paglikha, pagbabago sa ganito o ganoong manipis na nibel ng meron. Kapag ang pananaliksik sa pisika ay humintong manaliksik sa pisika, hindi na pisika ang tawag sa kanyang ginagawa. Kapag huminto namang manaliksik sa meron ang nananaliksik sa meron; ang ginagawa niya ay meron pa rin, bagama't hindi na siya mulat na nagmemeron pa siya. At kung tutuusin natin, ang ginagawa ng pisiko bago siya magpisika, habang siya'y nagpipisika, at kapag hindi na siya nagpipisika, ay pawang meron. At walang katapusan ang usapang ito. - Maihahambing sa abot-tanaw ang pagmumulat ko sa meron. Nakatingala akong tatanaw sa itaas. Payuko akong tatanaw sa baba. Lilingon ako sa kaliwa at sa kanan. Babaling ako sa harapan at sa likuran. Paiikutin ko ang aking mata, at pati ang ulo. Ibig na ibig kong tanawin