Aralin 2: Ang Gamit at Uri ng Pagsulat PDF
Document Details
Uploaded by SnappyElPaso
Tags
Summary
Ang dokumento ay isang artikulo na nakatuon sa iba't ibang mga paraan ng pagsulat at mahahalagang salik na dapat isaalang-alang sa anumang akademiko o propesyonal na papel. Tinatalakay nito ang mga kasanayan sa pagsulat, kabilang ang wastong gamit ng wika, paksa, layunin, at mga paraan sa pagsulat.
Full Transcript
Aralin 2: Ang Gamit at Uri ng Pagsulat Ang mga manunulat o may-akda ay hindi lamang basta-basta sumusulat ng naaayon lamang sa kanilang nais o gusto. Gaya ng nabanggit, maaaring para sa iba ang pagsulat ay madaling kasanayan lamang na nagagawa ng nakapikit. Maaaring tama ka sa iyong...
Aralin 2: Ang Gamit at Uri ng Pagsulat Ang mga manunulat o may-akda ay hindi lamang basta-basta sumusulat ng naaayon lamang sa kanilang nais o gusto. Gaya ng nabanggit, maaaring para sa iba ang pagsulat ay madaling kasanayan lamang na nagagawa ng nakapikit. Maaaring tama ka sa iyong naturan, maaari kang magsulat ng hindi nakikita ang iyong nagagawa subalit mahusay ba ang iyong pagkakalikha? Iyan ang dapat mong matutuhan. Mahalaga ang pagkakaroon ng interes at ng wastong kaalaman kung paano magiging isang mahusay na manunulat. Una sa lahat, dapat mabatid mo ang mga bagay na dapat isaalang-alang sa pagsusulat partikular na sa akademikong pagsulat. Narito ang ilan sa mga ito: 1. Wika Ito ang magsisilbing behikulo upang maisatitik ang mga kaisipan, kaalaman, damdamin, karanasan, impormasyon at iba pang nais ilahad ng isang taong nais sumulat. Mahalagang magamit mo ito sa malinaw, masining, tiyak at payak na paraan. 2. Paksa Ito ang magsisilbing pangkalahatang iikutan ng mga ideyang dapat nakapaloob sa akda. Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa paksang isusulat ay napakahalaga upang malaman, makabuluhan, at wasto ang mga datos na ilalagay sa akda o komposisyong susulatin. 3. Layunin Ang layunin ang magsisilbing giya o gabay mo sa paghabi ng mga datos o nilalaman ng iyong isusulat. Kailangang matiyak na matutugunan ng iyong isusulat ang motibo nang iyong pagsusulat ng sa gayon ay maganap mo ang iyong pakay sa katauhan ng mambabasa. 4. Pamamaraan sa Pagsulat May limang pangunahing pamamaraan ng pagsulat upang mailahad mo ang kaalaman at kaisipan bilang manunulat ayon sa layunin o pakay sa pagsulat. Ito ay ang I.E.D.N.A. o ang sumusunod: Pamaraang Impormatibo – ang pangunahing layunin nito ay magbigay ng impormasyon o kabatiran sa mambabasa. Pamaraang Ekspresibo – naglalayon ang manunulat na magbahagi ng sariling opinyon, paniniwala, ideya, obserbasyon at kaalaman hinggil sa isang paksa batay sa kanyang sariling karanasan. Pamaraang Naratibo – ang pangunahing layunin nito ay magkuwento o magsalaysay ng mga pangyayari batay sa magkakaugnay at tiyak na pagkakasunod-sunod. Pamaraang Deskriptibo – ang pangunahing pakay ay maglarawan ng mga katangian, anyo, hugis ng mga bagay, mga pangyayari batay sa mga nakita, natunghayan, narinig, nasaksihan o naranasan. Pamaraang Argumentatibo – kung ang saan ang pagsulat ay naglalayong manghikayat o mangumbinsi sa mga mambabasa. Madalas ito ay naglalahad ng proposisyon at mga isyu ng argumentong dapat pagtalunan o pag-usapan. 5. Kasanayang Pampag-iisip Sa pagsulat, kailangang taglayin ng manunulat ang kakayahang mag-analisa o magsuri ng mga datos na mahalaga o hindi gaanong mahalaga o maging ng mga impormasyong dapat isama sa akdang isusulat. Kailangang maging lohikal ang kanyang pag-iisip upang makabuo ng malinaw at mabisang pagpapaliwanag at higit sa lahat dapat maging obhetibo siya sa pagpapaliwanag ng mga impormasyon o kaisipang ilalahad sa sulatin. 6. Kaalaman sa Wastong Pamamaraan sa Pagsulat Dapat isaalang-alang sa pagsulat ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa wika at retorika. Partikular sa wastong paggamit ng malaki at maliit na titik, wastong pagbabaybay, paggamit ng bantas, pagbuo ng makabuluhang pangungusap, pagbuo ng talata at masining at obhetibong paghabi ng mga kaisipan sa pagbuo ng isang malinaw at mahusay na komposisyon. 7. Kasanayan sa Paghabi ng Buong Sulatin Tumutukoy ito sa kakayahang mailatag ang mga kaisipan at impormasyon sa isang maayos, organisado, obhetibo, at masining na pamamaraan mula simula hanggang wakas ng akda. Batid mo na ang mga dapat isaalang-alang sa pagsulat upang makabuo ng isang makabuluhan at mahusay na komposisyon o sulatin. Kung iyong susuriin, ang pagsusulat ay hindi basta lamang. Gaya ng nabanggit, maraming mga tao ang hindi nakakapagsulat ng mahusay na akda subalit kung iyong pinagtutuunan ng pansin at bibigyang-diin ay iyong matutunan at maaari ka na ring makabuo ng iyong sariling obra. Mga Uri Ng Pagsulat 1. Malikhaing Pagsulat (Creative Writing) Pangunahing layunin nito ay ang maghatid ng aliw, makapukaw ng damdamin, at makaantig ng imahinasyon at isipan ng mambabasa. Karaniwang bunga ito ng malikot at malikhaing isipan ng manunulat na maaaring batay sa totoong pangyayari o kathang-isip lamang. ✔ Maikling kwento ✔ Dula ✔ Tula ✔ Maikling sanaysay ✔ Komiks ✔ Kalyeserye ✔ Iskrip ng Teleserye ✔ Musika ✔ Pelikula at iba pa 2. Propesyonal na pagsulat (Professional Writing) Ito ay ang sulating may kinalaman sa mga sa isang tiyak na larangang natutuhan sa akademya o paaralan. Binibigyang-pansin nito ay ang paggawa ng mga sulatin o pag- aaral tungkol sa napiling propesyon o bokasyong ng isang tao. Hal: Guro – paggawa ng lesson plan, pagsulat ng mga pagsusulat Doktor o nars (nasa larangan ng medisina) – paggawa ng medical report at narrative report tungkol sa physical examination 3. Dyornalistik na Pagsulat (Journalistic Writing) Ito ay may kinalaman sa mga sulating may kaugnayan sa pamamahayag. Kasama na rito ang pagsulat ng balita, editorial, lathalain, artikulo, at iba pa. 4. Reperensiyal na Pagsulat (Referential Writing) Layunin ng sulating ito na bigyang-pagkilala ang mga pinagkunang kaalaman o impormasyon o impormasyon sa paggawa ng konseptong papel, tesis at disertasyon. Layunin din ng pagsulat na ito na irekomenda sa iba ang mga sangguniang maaaring mapagkunan ng mayamang kaalaman hinggil sa isang tiyak na paksa. Karaniwang nakikita ang sulating ito sa huling bahagi ng isinagawang pananaliksik o kaya naman ay sa kabanatang naglalaman ng Review of Related Literature. 5. Akademikong Pagsulat (Academic Writing) Ang akademikong pagsulat ay isang intelektwal na pagsulat. Ang gawaing ito ay nakatutulong sa pagpapataas ng kaalaman ng isang indibidwal sa iba’t ibang larangan. Carmelita Alejo et al. (2005) Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik. Ang akademikong pagsulat ay may sinusunod na partikular na kumbensyon tulad ng pagbibigay ng suporta sa mga ideyang pangangatwiran. Edwin Mabilin et al. (2012). Ang lahat ng uri ng pagsulat ay produkto o bunga lamang ng akademikong pagsulat.