Noli Me Tangere PDF - Jose Rizal (Tagalog)

Summary

This is a Tagalog translation of Jose Rizal's novel, Noli Me Tangere. It details the cultural and societal context of the Philippines during the late 19th century though the story.

Full Transcript

The Project Gutenberg EBook of Noli Me Tangere, by Jose Rizal This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this eBook or online at www.gu...

The Project Gutenberg EBook of Noli Me Tangere, by Jose Rizal This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this eBook or online at www.gutenberg.org Title: Noli Me Tangere Author: Jose Rizal Translator: Pascual H. Poblete Release Date: December 30, 2006 [EBook #20228] Language: Tagalog *** START OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK NOLI ME TANGERE *** Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza, and the Online Distributed Proofreading Team (http://www.pgdp.net). Thanks to the following for their help in making this project possible: Elmer Nocheseda, Jerome Espinosa Baladad, Matet Villanueva, Ateneo Rizal Library-Filipiniana Section, and the Filipinas Heritage Library. The ebook is being released in commemoration of Dr. José Rizal's 110th Death Anniversary on December 30, 2006. Handog ng Proyektong Gutenberg ng Pilipinas para sa pagpapahalaga ng panitikang Pilipino.(http://www.gutenberg.ph) Decorative motif NOLI ME TANGERE HUAG ACONG SALANG̃IN NINO MAN Decorative motif Dr. Jose Rizal Dr. J. RIZAL NOLI ME TANGERE Novelang wicang Castila na tinagalog NI PASCUAL H. POBLETE Kilalang manunulat at Tagapatnubay ng̃ mg̃a unang Pamahayagang Tagalog. ¿Anó? Di bagá cayâ macalálabas sa inyong mang̃a dulaan ang isang »Was? Es dürfte kein Cäsar auf euren César? Tangí na bagá lamang macalálabas Bühnen sich zeigen?—Kein Achill, doon ang isang Aquiles, kein Orest, keine Andromacha mehr?« ang isang Orestes, ó Andrómaca? ¡Aba! Cung ganyan namang ualâ na tayong namamasdan cung di Nichts! Man sieht bei uns nur Pfarrer, ang mg̃a nang̃ang̃atungculan sa bayan, Commerzienräthe,—Fähndriche, mg̃a pari, mg̃a alférez at mg̃a Secretärs oder Husarenmajors. secretario, ang mg̃a húsar, comandante at mg̃a alguacil. Datapowa't sabihin mo, ¿anó ang dakilang bagay na magagawâ nang »Aber, ich bitte dich, Freund, was kann mg̃a alibughang ito? ¿Pang-gagaling̃an denn dieser Misere—Großes begegnen, bagá ang ganitóng mg̃a técas was kann Großes denn durch sie geschehn?« ng̃ mg̃a di caraniwang gawá? SCHILLER. Ang anino ni Shakespeare. Decorative motif MAYNILA Limbagan ni M. Fernandez PAZ, 447, Sta. Cruz. Ang sabing NOLI ME TANGERE ay wikang latin. Mg̃a wika sa Evangelio ni San Lúcas. Ang cahulugán sa wikang tagalog ay HUWAG ACONG SALANG̃IN NINO MAN. Tinatawag din namáng NOLI ME TANGERE ang masamang bukol na nacamamatay na CANCER cung pamagatán ng̃ mg̃a pantás na mangagamot. Sa hang̃ad na ang mg̃a librong NOLI ME TANGERE at FILIBUSTERISMO, na kinatha ng̃ Dr. Jose Rizal ay maunáwa at málasapang magaling ng̃ catagalugan, ang mg̃a doo'y sinasabing nagpapakilala ng̃ tunay nating calayaan at ng̃ dapat nating gawiin, at nacapagpapaálab, namán ng̃ ning̃as ng̃ ating puso sa pag-ibig sa kinamulatang lupa, minatapat cong ipalimbag ang isinawikang tagalog na mg̃a librong yaon, sa dahilang sa bilang na sampòng MILLONG (sampong libong libo) filipino, humiguit cumulang, ay walang dalawampong libo ang tunay na nacatatalos ng̃ wicang castila na guinamit sa mg̃a kinathang yaón. Cung pakinabang̃an ng̃ aking mg̃a calahi itong wagás cong adhica, walang cahulilip na towa ang aking tatamuhin, sa pagca't cahit babahagya'y nacapaglicod acó sa Inang-Bayan. Maynila, unang araw ng̃ Junio ng̃ taong isang libo siyam na raan at siyam. SATURNINA RIZAL NI HIDALGO, ó NENENG RIZAL. NOLI ME TANGERE Catha sa wicang castila ni Dr. José Rizal at isinatagalog ni Pascual H. Poblete TALAAN NG NILALAMAN 1. ISANG PAGCACAPISAN. 2. CRISOSTOMO IBARRA 3. ANG HAPUNAN 4. HEREJE AT FILIBUSTERO 5. ISANG BITUIN SA GABING MADILIM 6. CAPITANG TIAGO 7. MAIROG NA SALITAAN SA ISANG "AZOTEA" 8. MANGA ALAALA 9. MANGA CAUGALIAN NG BAYANG ITO 10. ANG BAYAN 11. ANG MANG̃A MACAPANGYARIHAN 12. ANG LAHAT NANG MANGA SANTO 13. MGA PAUNANG TANDA NANG UNOS 14. ANG ULOL NA SI TASIO Ó ANG FILOSOFO 15. ANG MGA SACRISTAN 16. SI SISA 17. BASILIO 18. MGA CALOLOWANG NAGHIHIRAP 19. MGA KINASAPITAN NG ISANG MAESTRO SA ESCUELA 20. ANG PULONG SA TRIBUNAL 21. CASAYSAYAN NANG BUHAY NANG ISANG INA 22. MANGA ILAW AT MGA DILIM 23. ANG PANGIGISDA 24. SA GUBAT 25. SA BAHAY NG FILOSOFO 26. ANG "VISPERA" NG "FIESTA." 27. SA PAGTATAKIPSILIM. 28. MANG̃A SULAT 29. ANG UMAGA. 30. SA SIMBAHAN. 31. ANG SERMON. 32. ANG "CABRIA". 33. LAYANG-CAISIPAN. 34. ANG PAGCAIN. 35. MGA SALISALITAAN. 36. ANG UNANG DILIM 37. ANG GOBERNADOR GENERAL 38. ANG PROCESION. 39. SI DONA CONSOLACION. 40. ANG CATUWIRA'T ANG LACAS. 41. DALAWANG PANAUHIN. 42. ANG MAG-ASAWANG DE ESPADAÑA. 43. MGA PANUCALA. 44. PAGSISIYASAT NG CONCIENCIA. 45. ANG MGA PINAG-UUSIG. 46. SABUNGAN. 47. ANG DALAWANG GUINOONG BABAE. 48. ANG HINDI MAGCURO 49. ANG TINGIG NG MGA PINAG-UUSIG. 50. ANG MAG-ANAK NINA ELIAS. 51. MGA PAGBABAGO. 52. ANG SULAT NG̃ MG̃A PATAY AT ANG MG̃A ANINO. 53. IL BUON DI SI CONOSCE DA MATTINA. 54. QUIDQUID LATET, ADPAREBIT, NIL INULTUM REMANEBIT. 55. ANG CAPAHAMACAN. 56. ANG SABIHANAN AT ANG INAACALA. 57. ¡VAE VICTIS! 58. ANG SIMUMPA. 59. ANG KINAGUISNANG BAYAN AT ANG MGA PAG-AARI. 60. MAG-AASAWA SI MARIA CLARA. 61. ANG PANGHUHULI SA DAGATAN. 62. PAGPAPALIWANAG NI PARI DAMASO. 63. ANG GABING SINUSUNDAN NG̃ PASCO NG̃ PAGNG̃ANG̃ANAC. PANGWACAS NA BAHAGUI. MGA LARAWAN 1......Ang Doctor De Espadaña at ang canyang guinoong asawa ang "Doctora" Doña Victorina.... 2. —¡Binatà, mag-íng̃at pô cayó! ¡Mag-aral cayó sa inyóng amá!—anáng teniente sa canyá. 3. —Laguì bang isinaísip mo acó? ¿Hindî mo ba acó linimot?... 4. —....Mananatili ang ating capangyarihan hanggang sa capangyarihang iya'y nananalig...... 5. —¡Ah! at ¿anó ang guinawâ mo sa bangcay pagcatapos?—ang ipinagpatuloy na pagtanóng ng̃ maselang. 6. —¿Inanó mo ang aking amá—ani Ibarra sa fraile. 7. —¡Doo'y walâ sino mang nagsasabi sa aking aco'y magnanacaw!—ang idinuctóng ni Crispín;—¡hindî itutulot ng̃ nanay! ¡Cung maalaman niyang aco'y pinapalò.... 8. —At cayóng nacacakita ng̃ casam-an, ¿anó't hindî ninyo pinag-isip na bigyang cagamutan? 9. ¡Nasirà ang isip ni Sisa! ¡Higuít ang calungcutan ng̃ canyang hinibíc-hibíc cay sa capanglaw-panglawang náririnig na mg̃a daíng cung gabíng ng̃itng̃it ng̃ dilím at umaatung̃al ang lacás ng̃ unós! 10. —¿Hindî pô ba maglalagay namán cayó ng̃ inyong "paletada" guinoong Ibarra?—anang cura. SA AKING TINUBUANG LUPA Nátatalà sa "historia" ng̃ mg̃a pagdaralità ng̃ sangcataohan ang isáng "cáncer" na lubháng nápacasamâ, na bahagyâ na lámang másalang ay humáhapdi't napupucaw na roon ang lubháng makikirót na sakít. Gayón din naman, cailán mang inibig cong icáw ay tawáguin sa guitnâ ng̃ mg̃a bágong "civilización", sa hang̃ad co cung minsang caulayawin co ang sa iyo'y pag- aalaala, at cung minsan nama'y ng̃ isumag co icáw sa mg̃a ibáng lupaín, sa towî na'y napakikita sa akin ang iyong larawang írog na may tagláy ng̃ gayón ding cáncer sa pamamayan. Palibhasa'y nais co ang iyong cagaling̃ang siyáng cagaling̃an co rin namán, at sa aking paghanap ng̃ lalong mabuting paraang sa iyo'y paggamót, gágawin co sa iyo ang guinágawà ng̃ mg̃a tao sa úna sa canilang mg̃a may sakít: caniláng itinátanghal ang mg̃a may sakít na iyan sa mg̃a baitang ng̃ sambahan, at ng̃ bawa't manggaling sa pagtawag sa Dios ay sa canilá'y ihatol ang isáng cagamutan. At sa ganitóng adhica'y pagsisicapan cong sipîing waláng anó mang pacundang̃an ang iyong tunay na calagayan, tatalicwasín co ang isáng bahagui ng̃ cumot na nacatátakip sa sakít, na anó pa't sa pagsúyò sa catotohanan ay iháhandog co ang lahát, sampô ng̃ pagmamahál sa sariling dang̃ál, sa pagcá't palibhasa'y anác mo'y tagláy co rin namán ang iyong mg̃a caculang̃án at mg̃a carupucán ng̃ púsò. ANG CUMATHA. Europa, 1886. Decorative motif NOLI ME TANGERE I. ISANG PAGCACAPISAN. NAG-ANYAYA ng̃ pagpapacain nang isáng hapunan, ng̃ magtátapos ang Octubre, si Guinoong Santiago de los Santos, na lalong nakikilala ng̃ bayan sa pamagát na Capitang Tiago, anyayang bagá man niyón lamang hapong iyón canyang inihayág, laban sa dati niyang caugalìan, gayón ma'y siyang dahil na ng̃ lahát ng̃ mg̃a usap-usapan sa Binundóc, sa iba't ibang mg̃a nayon at hanggang sa loob ng̃ Maynílà. Ng̃ panahóng yao'y lumalagay si Capitang Tiagong isáng lalaking siyang lalong maguilas, at talastas ng̃ ang canyang bahay at ang canyang kinamulatang bayan ay hindî nagsásara ng̃ pintô canino man, liban na lamang sa mg̃a calacal ó sa anó mang isip na bago ó pang̃ahás. Cawang̃is ng̃ kisláp ng̃ lintíc ang cadalîan ng̃ pagcalaganap ng̃ balítà sa daigdigan ng̃ mg̃a dápò, mg̃a lang̃aw ó mg̃a "colado", na kinapal ng̃ Dios sa canyang waláng hanggang cabaitan, at canyang pinararami ng̃ boong pag-irog sa Maynílà. Nang̃agsihanap ang ibá nang "betún" sa caniláng zapatos, mg̃a botón at corbata naman ang ibá, ng̃uni't siláng lahát ay nang̃ag iisip cung paano cayâ ang mabuting paraang bating lalong waláng cakimìang gagawin sa may bahay, upang papaniwalàin ang macacakitang sila'y malalaon ng̃ caibigan, ó cung magcatao'y huming̃í pang tawad na hindî nacadalóng maaga. Guinawâ ang anyaya sa paghapong itó sa isáng bahay sa daang Anloague, at yamang hindî namin natatandâan ang canyang bilang (número), aming sásaysayin ang canyang anyô upang makilala ng̃ayón, sacali't hindî pa iguiniguibá ng̃ mg̃a lindól. Hindî camí naniniwalang ipinaguibâ ang bahay na iyon ng̃ may-arì, sa pagca't sa ganitong gawa'y ang namamahala'y ang Dios ó ang Naturaleza, na tumanggap din sa ating Gobierno ng̃ pakikipagcayarì upang gawín ang maraming bagay.—Ang bahay na iyo'y may calakhan din, tulad sa maraming nakikita sa mg̃a lupaíng itó; natatayô sa pampang ng̃ ilog na sang̃á ng̃ ilog Pasig, na cung tawaguin ng̃ iba'y "ría" (ilat) ng̃ Binundóc, at gumáganap, na gaya rin ng̃ lahát ng̃ ilog sa Maynílà, ng̃ maraming capacan-ang pagcapaliguan, agusán ng̃ dumí, labahan, pinang̃ing̃isdâan, daanan ng̃ bangcang nagdádala ng̃ sarisaring bagay, at cung magcabihirà pa'y cucunán ng̃ tubig na inumín, cung minamagalíng ng̃ tagaiguib na insíc. Dapat halataíng sa lubháng kinakailang̃ang gamit na itó ng̃ nayong ang dami ng̃ calacal at táong nagpaparoo't parito'y nacatutulig, sa layong halos may sanglibong metro'y bahagyâ na lamang nagcaroon ng̃ isang tuláy na cahoy, na sa anim na bowa'y sirâ ang cabiláng panig at ang cabilâ nama'y hindî maraanan sa nálalabi ng̃ taon, na ano pa't ang mg̃a cabayo, cung panahóng tag-init, canilang sinasamantala ang gayong hindî nagbabagong anyô, upang mulà roo'y lumucsó sa tubig, na ikinagugulat ng̃ nalilibang na táong may camatayang sa loob ng̃ coche ay nacacatulog ó nagdidilidili ng̃ mg̃a paglagô ng̃ panahón. May cababâan ang bahay na sinasabi namin, at hindî totoong magaling ang pagcacàanyô; cung hindî napagmasdang mabuti ng̃ "arquitectong" namatnugot sa paggawâ ó ang bagay na ito'y cagagawán ng̃ mg̃a lindól at mg̃a bagyó, sino ma'y walang macapagsasabi ng̃ tucoy. Isáng malapad na hagdanang ma'y cacapitáng culay verde, at nalalatagan ng̃ alfombra sa mumunting panig ang siyang daanan mulâ sa silong ó macapasoc ng̃ pintuang nalalatagan ng̃ "azulejos" hanggang sa cabahayán, na ang linalacara'y napapag-itanan ng̃ mg̃a maceta at álagaan ng̃ mg̃a bulaclac na nacalagay sa "pedestal" na lozang gawâ sa China, na may sarisaring culay at may mg̃a dibujong hindî mapaglirip. Yamang walang bantay-pintô ó alilang huming̃î ó magtanong ng̃ "billete" ó sulat na anyaya, tayo'y pumanhic, ¡oh icaw na bumabasa sa akin, catoto ó caaway! sacali't naaakit icaw ng̃ tugtog ng̃ orquesta, ng̃ ilaw ó ng̃ macahulugáng "clin-clan" ng̃ mg̃a pingga't cubiertos at ibig mong mapanood cung paano ang mg̃a piguíng doon sa Perla ng̃ Casilang̃anan. Cung sa aking caibigán lamang at sa aking sariling caguinhawahan, hindî catá pápagalin sa pagsasaysay ng̃ calagayan ng̃ bahay; ng̃uni't lubháng mahalagá ito, palibhasa'y ang caraniwan sa mg̃a may camatayang gaya natin ay tulad sa pawican: hinahalagahan at hinihirang tayo alinsunod sa ating talucab ó tinatahanang bahay; dahil dito't sa iba pang mg̃a anyô ng̃ asal, cawang̃is ng̃a ng̃ mg̃a pawican ang mg̃a may camatayan sa Filipinas.—Cung pumanhic tayo'y agad nating marárating ang isáng malowang na tahanang cung tawaguin doo'y "caida", ayawán cung bakit, na ng̃ gabing ito'y guinagamit na "comedor" at tuloy salón ng̃ orquesta. Sa guitna'y may isáng mahabang mesa, na nahihiyasan ng̃ marami at mahahalagang pamuti, na tila mandin cumikindat sa "colado," taglay ang catamistamisang mg̃a pang̃acò, at nagbabalà sa matatacuting binibini, sa walang malay na dalaga, ng̃ dalawang nacaiinip na oras sa casamahán ng̃ mg̃a hindî cakilala, na ang pananalita't mg̃a pakikikiusap ay ang caraniwa'y totoong cacaiba. Namúmucod ng̃ di ano lamang sa mg̃a ganitong handang sa mundo'y nauucol, ang sumasapader na mg̃a cuadrong tungcol sa religión, gaya bagá ng̃ "Ang Purgatorio," "Ang Infierno," "Ang hulíng Paghuhucom," "Ang pagcamatáy ng̃ banal," "Ang pagcamatáy ng̃ macasalanan," at sa duyo'y naliliguid nang isáng maring̃al at magandañg "marco" na anyong "Renacimiento" na gawâ ni Arévalo, ang isáng mabuting ayos at malapad na "lienzo" na doo'y napapanood ang dalawang matandang babae. Ganitó ang saysay ng̃ doo'y titic: "Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje, na sinasamba sa Antipolo, sa ilalim ng̃ anyong babaeng magpapalimos, dinadalaw sa canyang pagcacasakít ang banal at bantog na si Capitana Inés". Tunay mang ang pagcacapinta'y hindî nagpapakilala ng̃ "arte" at cabutihang lumikhâ, datapowa't nagsasaysay naman ng̃ caraniwang mamalas: ang babaeng may sakít ay tila na bangcay na nabûbuloc, dahil sa culay dilaw at azul ng̃ canyang mukhâ; ang mg̃a vaso't iba pang mg̃a casangcapan, iyang maraming mg̃a natitipong bagay bagay sa mahabang pagcacasakít ay doo'y lubhang mabuti ang pagcacasipì, na ano pa't napapanood patí ng̃ linálaman. Sa panonood ng̃ mg̃a calagayang iyong umaakit sa pagcacagana sa pagcain at nagúudyoc ng̃ ucol sa paglasáp ng̃ masasaráp na bagay bagay, marahil acalain ng̃ iláng may masamáng isipan ang may-arì ng̃ bahay, na napagkikilalang magalíng ang calooban ng̃ halos lahát ng̃ mg̃a magsisiupô sa mesa, at ng̃ huwag namáng máhalatang totoo ang canyang panucalà, nagsabit sa quízame ng̃ maririkít na lámparang gawâ sa China, mg̃a jaulang waláng ibon, mg̃a bolang cristal na may azogueng may culay pulá, verde at azul, mg̃a halamang pangbíting lantá na, mg̃a tuyóng isdáng botete na hinipa't ng̃ bumintóg, at iba pa, at ang lahát ng̃ ito'y nacúculong sa may dacong ílog ng̃ maiinam na mg̃a arcong cahoy, na ang anyo'y alang̃ang huguis europeo't alang̃ang huguis insíc, at may nátatanaw namáng isáng "azoteang" may mg̃a balag at mg̃a "glorietang" bahagyâ na naliliwanagan ng̃ mg̃a maliliit na farol na papel na may sarisaring culay. Nasasalas ang mang̃agsisicain, sa guitnâ ng̃ lubháng malalakíng mg̃a salamín at na ng̃agníningning na mg̃a araña: at doon sa ibabaw ng̃ isáng tarimang pino ay may isáng mainam na "piano de cola", na ang halaga'y camalácmalác, at lalò ng̃ mahalagá ng̃ gabíng itó, sa pagca't sino ma'y walang tumútugtog. Doo'y may isáng larawang "al óleo" ng̃ isáng lalaking makisig, nacafrac, unát, matuwíd, timbáng na tulad sa bastóng may borlas na tagláy sa mg̃a matitigás na daliring puspós ng̃ mg̃a sinsíng: wari'y sinasabi ng̃ larawan: —¡Ehem! ¡masdán ninyó cung gaano carami ang suot co at aco'y hindî tumatawa! Magagandá ang mg̃a casangcapan, baga man marahil ay hindî maguinhawahang gamitin at nacasasamâ pa sa catawan: hindî ng̃â ang icaiilag sa sakít ng̃ canyáng mg̃a inaanyayahan ang naiisip ng̃ may-arì, cung dî ang sariling pagmamarikít.—¡Tunay at cakilakilabot na bagay ang pag-iilaguín, datapowa't cayó namá'y umuúpô sa mg̃a sillóng gawáng Europa, at hindî palaguing macacátagpò cayó ng̃ ganyán!—itó marahil ang sinasabi niya sa canilá. Halos punô ng̃ tao ang salas: hiwaláy ang mg̃a lalaki sa mg̃a babae, tulad sa mg̃a sambahang católico at sa mg̃a sinagoga. Ang mg̃a babae ay iláng mg̃a dalagang ang iba'y filipina at ang iba'y española: binúbucsan nila ang bibíg upang piguilin ang isáng hicáb; ng̃uni't pagdaca'y tinátacpan nilá ng̃ caniláng mg̃a abanico; bahagyâ na nang̃agbubulung̃an ng̃ iláng mg̃a pananalitâ; anó mang pag-uusap na ipinagsúsumalang pasimulán, pagdaca'y naluluoy sa iláng putól- putól na sábi; catulad niyáng mg̃a ing̃ay na náriring̃ig cung gabí sa isáng bahay, mg̃a ing̃ay na gawâ ng̃ mg̃a dagâ at ng̃ mg̃a butikî. ¿Bacâ cayâ naman ang mg̃a larawan ng̃ mg̃a iba't ibang mg̃a "Nuestra Señora" na nagsabit sa mg̃a pader ang siyang ninilit sa mg̃a dalagang iyong huwag umimíc at magpacahinhíng lubós, ó dito'y talagang natatang̃ì ang mg̃a babae? Ang tang̃ing sumasalubong sa pagdatíng ng̃ mg̃a guinoong babae ay isáng babaeng matandang pinsan ni capitán Tiago, mukhang mabait at hindî magaling magwicang castilà. Ang pinacaubod ng̃ canyáng pagpapakitang loob at pakikipagcapuwa tao'y walâ cung ang dî mag-alay sa mg̃a española ng̃ tabaco at hitsô, at magpahalíc ng̃ canyang camáy sa mg̃a filipina, na ano pa't walang pinag-ibhán sa mg̃a fraile. Sa cawacasa'y nayamot ang abáng matandang babae, caya't sinamantala niya ang paglagapác ng̃ isang pinggang nabasag upang lumabás na dalidalì at nagbububulong: —¡Jesus! ¡Hintay cayó, mg̃a indigno! At hindî na mulíng sumipót. Tungcol sa mg̃a lalaki'y nang̃agcacaing̃a'y ng̃ cauntî. Umaaticabong nang̃agsasalitaan ang iláng mg̃a cadete; ng̃uni't mahihinà ang voces, sa isa sa mg̃a súloc at manacanacang tinitingnan nila at itinuturo ng̃ dalirî ang iláng mg̃a taong na sa salas, at silasila'y nang̃agtatawanang ga inililihim ng̃ hindi naman; ang bilang capalit nama'y ang dalawang extrangero na capowâ nacaputî ng̃ pananamit, nang̃acatalicod camáy at dî umíimic ay nang̃agpaparoo't paritong malalakí ang hacbang sa magcabicabilang dulo ng̃ salas, tulad sa guinágawâ ng̃ mg̃a naglalacbay-dagat sa "cubierta" ng̃ isáng sasacyán. Ang masaya't mahalagáng salitàa'y na sa isang pulutóng na ang bumubuo'y dalawang fraile, dalawang paisano at isáng militar na canilang naliliguid ang isáng maliit na mesang kinalalagyan ng̃ mg̃a botella ng̃ alac at mg̃a biscocho inglés. Ang militar ay isang matandang teniente, matangcád, mabalasic ang pagmumukhâ, na ano pa't anaki'y isang Duque de Alba na napag-iwan sa escalafón ng̃ Guardia Civil. Bahagyâ na siya nagsásalita, datapuwa't matigás at maiclî ang pananalitâ.—Ang isá sa mg̃a fraile'y isang dominicong bata pa, magandá, malinis at maningning, na tulad sa canyang salamín sa matang nacacabit sa tangcáy na guintô, maaga ang pagca ugaling matandâ: siya ang cura sa Binundóc at ng̃ mg̃a nacaraang tao'y naguing catedrático sa San Juan de Letran. Siya'y balitang "dialéctico", caya ng̃a't ng̃ mg̃a panahong iyóng nang̃ang̃ahas pa ang mg̃a anac ni Guzmang makipagsumag sa paligsahan ng̃ catalasan ng̃ ísip sa mg̃a "seglar", hindî macuhang malitó siya ó mahuli cailan man ng̃ magalíng na "argumentador" na si B. de Luna; itinutulad siya ng̃ mg̃a "distingo" ni Fr. Sibyla sa máng̃ing̃isdang ibig humuli ng̃ igat sa pamamag-itan ng̃ sílò. Hindî nagsasálitâ ang dominico at tila mandin pinacatitimbang ang canyang mg̃a pananalità. Baligtád ang isá namáng fraile, na franciscano, totoong masalitâ at lalò ng̃ maínam magcucumpás. Bagá man sumusung̃aw na ang mg̃a uban sa canyang balbás, wari'y nananatili ang lácas ng̃ canyang malusóg na pang̃ang̃atawán. Ang mukhâ niyang magandá ang tabas, ang canyang mg̃a pagting̃ing nacalálaguim, ang canyáng malalapad na mg̃a pang̃á at batìbot na pang̃ang̃atawan ay nagbibigay anyô sa canyáng isáng patricio romanong nagbalát cayô, at cahi't hindî sinasadya'y inyóng mágugunitâ yaong tatlong monjeng sinasabi ni Heine sa canyáng "Dioses en el destierro", na nagdaraang namamangcâ pagcahating gabi sa isang dagatan doon sa Tyrol, cung "equinoccio" ng̃ Septiembre, at sa tuwing dumaraa'y inilálagay ng̃ abang mámamangca ang isáng salapíng pílac, malamíg na cawang̃is ng̃ "hielo," na siyang sa canya'y pumupuspos ng̃ panglulumó. Datapuwa't si Fray Dámaso'y hindî mahiwagang gaya nilá; siya'y masayá, at cung pabug-al bug-al ang canyáng voces sa pananalità, tulad sa isang taong cailan ma'y hindi naaalang-alang, palibhasa'y ipinalálagay na banal at walâ ng̃ gágaling pa sa canyáng sinasabi, kinacatcat ang sacláp ng̃ gayóng ugalî ng̃ canyáng táwang masayá at bucás, at hangang sa napipilitan cang sa canya'y ipatawad ang pagpapakita ng̃ mg̃a paang waláng calcetín at mg̃a bintíng mabalahíbo, na icakikita ng̃ maraming pagcabuhay ng̃ isáng Mendicta sa mg̃a feria sa Kiapò. Ang isa sa mg̃a paisano'y isang taong malingguit, maitím ang balbás at waláng íkinatatáng̃ì cung dî ang ilóng, na sa calakhá'y masasabing hindî canyá; ang isá, nama'y isang binatang culay guintô ang buhóc, na tila bagong datíng dito sa Filipinas: itó ang masilacbóng pinakikipagmatuwiranan ng̃ franciscano. —Makikita rin ninyó—ang sabi ng̃ franciscano—pagca pô cayó'y nátirang iláng bowan dito, cayó'y maniniwálà sa aking sinasabi: ¡ibá ang mamahala ng̃ bayan ng̃ Madrid at ibá, ang mátira sa Filipinas! —Ng̃uni't.... —Acó, sa halimbáwà—ang patuloy na pananalitâ ni Fr. Dámaso, na lalong itinaas ang voces at ng̃ dî na macaimíc ang canyang causap—aco'y mayroon na ritong dalawampo at tatlong taóng saguing at "morisqueta", macapagsasabi aco ng̃ mapapaniwalâan tungcól sa bagay na iyan. Howág cayóng tumutol sa akin ng̃ alinsunod sa mg̃a carunung̃an at sa mabubuting pananalitâ, nakikilala co ang "indio". Acalain ninyong mulá ng̃ aco'y dumatíng sa lupaíng ito'y aco'y iniucol na sa isang bayang maliit ng̃a, ng̃uni't totoong dúmog sa pagsasaca. Hindî co pa nauunawang magalíng ang wicang tagalog, gayon ma'y kinúcumpisal co na ang mg̃a babae at nagcacawatasan camí, at lubháng pinacaíbig nila aco, na ano pa't ng̃ macaraan ang tatlóng taón, ng̃ aco'y ilipat sa ibáng báyang lalong malakí, na waláng namamahálà dahil sa pagcamatáy ng̃ curang "indio" roon, nang̃agsipanang̃is ang lahat ng̃ babae, pinuspos acó ng̃ mg̃a handóg, inihatid nila acong may casamang música.... —Datapowa't iya'y nagpapakilala lamang.... —¡Hintáy cayó! ¡hintay cayó! ¡howag naman sana cayóng napacaning̃as! Ang humalili sa akin ay hindí totoong nagtagal na gaya co, at ng̃ siya'y umalís ay lalò ng̃ marami ang naghatíd, lalo ng̃ marami ang umiyác at lalo ng̃ mainam ang música, gayóng siya'y lalò ng̃ mainam mamálò at pinataas pa ang mg̃a "derechos ng̃ parroquia", hangang sa halos nag-ibayo ang lakí. —Ng̃uni't itutulot ninyó sa aking.... —Hindî lamang iyan, nátira aco sa bayang San Diegong dalawampong taón, may iláng bowán lamang ng̃ayong aking.... iniwan (dito'y nagpakitang tila masamâ ang loob). Hindî maicacait sa akin nino mang dalawampong tao'y mahiguít cay sa catatagán upang makilala ang isang bayan. May anim na libo ang dami ng̃ taong namamayan sa San Diego, at bawa't tagaroo'y nakikilala co, na parang siya'y aking ipinang̃anac at pinasuso: nalalaman co cung alín ang mg̃a lisyang caasalan nito, cung anó ang pinang̃ang̃ailang̃an niyon, cung sino ang nang̃ing̃ibig sa bawa't dalaga, cung ano anong mg̃a pagcadupilas ang nangyari sa babaeng itó, cung sino ang tunay na amá ng̃ batang inianac, at iba pa; palibhasa'y kinucumpisal co ang calahatlahatang taong-bayan; nang̃ag-iing̃at ng̃ mainam sila sa canicaniláng catungculan. Magsabi cung nagsisinung̃aling aco si Santiagong siyang may arì nitong bahay; doo'y marami siyang mg̃a lupà at doon camí naguíng magcaibigan. Ng̃ayo'y makikita ninyó cung anó ang "indio"; ng̃ aco'y umalís, bahagya na acó inihatid ng̃ ilang mg̃a matatandáng babae at iláng "hermano" tercero, ¡gayóng nátira aco roong dalawampong taón! Ng̃uni't hindî co mapagcúrò cung anó ang cabagayán ng̃ inyong mg̃a sinabi sa pagcacaális ng̃ "estanco ng̃ tabaco"—ang sagot ng̃ may mapuláng buhóc na causap, na canyang sinamantala ang sandaling pagcatiguil dahil sa pag-inom ng̃ franciscano ng̃ isang copita ng̃ Jerez. Sa pangguiguilalas ng̃ dî anó lamang ni Fr. Dámaso ay cauntî nang mabitiwan nito ang copa. Sandalíng tinitigan ang binata at: —¿Paano? ¿paano?—ang sinabi pagcatapos ng̃ boong pagtatacá.— Datapowa't ¿mangyayari bagang hindî ninyo mapagwarì iyang casíng liwanag ng̃ ílaw? ¿Hindî ba ninyó nakikita, anác ng̃ Dios, na ang lahat ng̃ ito'y nagpapatibay na totoo, na pawang cahaling̃án ang mg̃a pagbabagong utos na guinágawà ng̃ mg̃a minìstro? Ng̃ayo'y ang may puláng buhóc naman ang natigagal, lalong ikinunot ng̃ teniente ang canyang mg̃a kilay, iguinagalaw ang ulo ng̃ taong bulilit na parang ipinahahalatâ niyang biníbigyan niyang catuwiran ó hindi si Fray Dámaso. Nagcasiya na lamang ang dominico sa pagtalicód sa canilang lahat halos. —¿Inaacalà bagá ninyó...?—ang sa cawacasa'y nagawang tanóng ng̃ boong catimpian ng̃ binátà, na tinítitigan ng̃ boong pagtatacá ang fraile. —¿Na cung inaacalà co? ¡Sinasampalatayanan cong gaya ng̃ pagsampalataya sa Evangelio! ¡Napaca "indolente" ang "indio"! —¡Ah! ipatawad po ninyong salabatin co ang inyong pananalitâ—anang binatà, na idinahan ang voces at inilapít ng̃ cauntî ang canyang upuan; sinabi po ninyo ang isang salitâ na totoong nacaakit sa aking magdilidili. ¡Tunay ng̃a cayang catutubò ng̃ mg̃a dalisay na tagarito ang pagca "indolente," ó nangyayari ang sinasabi ng̃ isang maglalacbáy na taga ibang lupain, na tinátacpan natin ng̃ pagca indolenteng ito ang ating sariling pagca indolente, ang pagcáhuli natin sa pagsulong sa mg̃a carunung̃an at ang ating paraan ng̃ pamamahala sa lupaíng nasasacupan? Ang sinabi niya'y ucol sa mg̃a ibang lupaíng sacóp, na ang mg̃a nananahan doo'y pawang sa lahì ring iyan!... —¡Ohó! ¡Mg̃a cainguitan! ¡Itanong pô ninyo cay guinoong Laruja na nacakikílala rin sa lupaíng itó; itanong ninyo sa canya cung may mg̃a catulad ang camangmang̃an at ang pagca "indolente" ng̃ indio! —Tunay ng̃a—ang sagót namán ng̃ bulilít na lalaking siyang binangguit— ¡hindî po cayó macacakita sa alin mang panig ng̃ daigdíg ng̃ híhiguit pa sa pagca indolente ng̃ indio, sa alin mang panig ng̃ daigdíg! —¡Ni iba pang lalong napacasama ng̃ asal na pinagcaratihan, ni iba pang lalong hindî marunong cumilala ng̃ utang na loob! —¡At ng̃ ibang lalong masamâ ang túrò! Nagpasimulâ ang binatang mapulá ang buhóc ng̃ pagpapaling̃apling̃ap sa magcabicabilà ng̃ boong pag-aalap-ap. —Mg̃a guinoo—ang sinabing marahan—tila mandin tayo'y na sa bahay ng̃ isang "indio". Ang mg̃a guinoong dalagang iyan.... —¡Bah! huwag cayóng napaca magugunigunihin! Hindî ipinalalagay ni Santiagong siya'y "indio," bucód sa roo'y hindî siya naháharap, at.... ¡cahi't náhaharap man siya! Iya'y mg̃a cahaling̃án ng̃ mg̃a bágong dating. Hayaan ninyong macaraan ang ilang bowan; magbabago cayóng isipán pagca cayo'y nacapagmalimít sa maraming mg̃a fiesta at "bailujan", nacatulog sa mg̃a catre at nacacain ng̃ maraming "tinola". —Tinatawag po ba ninyong tinola ang bung̃ang cahoy na cahawig ng̃ "loto" na... ganyan... nacapagmamalimutin sa mg̃a tao? —¡Ano bang loto ni loteria!—ang sagot ni párì Dámasong nagtátawa;— nagsasalitâ cayó ng̃ mg̃a cahaling̃án. Ang tinola ay ang pinaghalong inahíng manoc at sacá úpo. ¿Buhat pa cailán dumating cayó? —Apat na araw—ang sagot ng̃ binatang ga namumuhî na. —¿Naparito ba cayong may catungculan? —Hindi pô; naparito acó sa aking sariling gugol upang mapagkilala co ang lupaíng itó. —¡Aba, napacatang̃ì namang ibon!—ang saysay ni Fr. Dámaso, na siya'y minamasdan ng̃ boong pagtatacá—¡Pumarito sa sariling gugol at sa mg̃a cahaling̃án lamang! ¡Cacaibá namáng totoo! ¡Ganyang caraming mg̃a libro... sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang dáling noo.... Sa ganya'y maraming sumulat ng̃ mg̃a dakílang libro! ¡Sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang daling noo.... —Sinasabi ng̃ "cagalanggalang po ninyo" ("Vuestra reverencia"), párì Dámaso—ang biglang isinalabat ng̃ dominico na pinutol ang salitaan—na cayo'y nanaháng dalawampong taón sa bayang San Diego at cayo umalis doon.... ¿hindî pô ba kinalúlugdan ng̃ inyong cagalang̃an ang bayang iyon? Biglang nawalâ ang catowaan ni Fr. Dámaso at tumiguil ng̃ pagtatawá sa tanóng na itong ang anyo'y totoong parang walang anó man at hindî sinásadyâ. Nagpatuloy ng̃ pananalitâ ang dominico ng̃ anaki'y lalong nagwáwalang bahálà: —Marahil ng̃a'y nacapagpipighati ang iwan ang isáng bayang kinátahanang dalawampong taón at napagkikilalang tulad sa hábitong suot. Sa ganáng akin lamang naman, dinaramdam cong iwan ang Camilíng, gayóng iilang buwan acóng nátira roon... ng̃uni't yaó'y guinawâ ng̃ mg̃a púnò sa icagagaling ng̃ Capisanan... at sa icágagaling co namán. Noon lamang ng̃ gabíng iyón, tila totoong natilihan si Fr. Dámaso. Di caguinsaguinsa'y pinacabigyanbigyan ng̃ suntóc ang palung̃án ng̃ camáy ng̃ canyáng sillón, huming̃a ng̃ malacás at nagsalitâ: —¡O may Religión ó wala! sa macatuid baga'y ¡ó ang mg̃a cura'y may calayâan ó walâ! ¡Napapahamac ang lupang itó, na sa capahamacán! At sácâ mulíng sumuntóc. —¡Hindi!—ang sagót na paang̃il at galit, at saca biglang nagpatinghigâ ng̃ boong lacás sa hiligán ng̃ sillón. Sa pagcámanghâ ng̃ nang̃asasalas ay nang̃agting̃inan sa pulutóng na iyón: itinungháy ng̃ dominico ang canyáng ulo upang tingnán niya si pári Dámaso sa ilalim ng̃ canyáng salamín sa mata. Tumiguil na sandali ang dalawáng extranjerong nang̃agpapasial, nang̃agting̃inan, ipinakitang saglít ang caniláng mg̃a pang̃il; at pagdaca'y ipinagpatuloy uli ang caniláng pagpaparoo't parito. —¡Masamâ ang loob dahiláng hindî ninyó binigyán ng̃ Reverencia (Cagalang-galang)!—ang ibinulóng sa taing̃a ng̃ binatang mapulá ang buhóc ni guinoong Laruja. —¿Anó pô bâ, ang ibig sabihin ng̃ "cagalanggalang" ninyó (Vuestra Reverencia)? ¿anó ang sa inyo'y nangyayari?—ang mg̃a tanóng ng̃ dominico at ng̃ teniente, na iba't ibá ang taas ng̃ voces. —¡Cayâ dumaráting dito ang lubháng maraming mg̃a sacunâ! ¡Tinatangkílik ng̃ mg̃a pinúnò ang mg̃a "hereje" laban sa mg̃a "ministro" ng̃ Dios! ang ipinagpatuloy ng̃ franciscano na ipinagtutumâas ang canyáng malulusog ó na mg̃a panuntóc. —¿Anó pô ba ang ibig ninyóng sabihin?—ang mulíng itinanóng ng̃ abot ng̃ kilay na teniente na anyóng titindig. —¿Na cung anó ang íbig cong sabíhin?—ang inulit ni Fr. Dámaso, na lalong inilacás ang voces at humaráp sa teniente.—¡Sinasabi co ang ibig cong sabihin! Acó, ang ibig cong sabihi'y pagca itinatapon ng̃ cura sa canyáng libing̃an ang bangcáy ng̃ isáng "hereje," sino man, cahi ma't ang hárì ay waláng catuwirang makialám, at lalò ng̃ waláng catuwirang macapagparusa. ¡At ng̃ayo'y ang isáng "generalito", ang isáng generalito Calamidad...! —¡Párì, ang canyáng Carilagán (ang marilág bagáng Gobernador General) ay Vice-Real Patrono,—ang sigaw ng̃ teniente na nagtindíg. —¡Anó bang Carilagán ó Vice-Real Patrono man!—ang sagót ng̃ franciscanong nagtindíg din.—Cung nangyari itó sa ibáng panaho'y kinaladcád sana siyá ng̃ pababâ sa hagdanan, tulad ng̃ minsa'y guinawâ ng̃ mg̃a Capisanan ng̃ mg̃a fraile sa pusóng na Gobernador Bustamante. ¡Ang mg̃a panahóng iyón ang tunay na panahón ng̃ pananampalataya! —Ipinauunawà co sa inyó na di co maitutulot... Ang "Canyang Carilagán," (ó ang marilág na Gobernador General) ang pinacacatawán ng̃ Canyáng Macapangyarihan, ang Hárì. —¡Anó bang hárì ó cung Roque man! Sa ganáng amin ay waláng ibáng hárì cung dî ang tunay.... —¡Tiguil!—ang sigáw ng̃ tenienteng nagbabalà at wari'y mandin ay nag- uutos sa canyáng mg̃a sundalo;—¡ó inyóng pagsisisihan ang lahát ninyóng sinabi ó búcas din ay magbíbigay sabi acó sa Canyang Carilagán!... —¡Lacad na cayó ng̃ayón din, lacad na cayó!—ang sagót ng̃ boong paglibác ni Fr. Dámaso, na lumapít sa tenienteng nacasuntóc ang camáy.— ¿Acalà ba ninyo't may suot acóng hábito'y walâ acóng...? ¡Lacad na cayo't ipahihíram co pa sa inyó ang aking coche! Naoowî ang salitaan sa catawatawang anyô. Ang cagaling̃ang palad ay nakialam ang dominico.—¡Mg̃a guinoo!—ang sabi niyáng taglay ang anyóng may capangyarihan at iyáng voces na nagdaraan sa ilóng na totoong nababagay sa mg̃a fraile;—huwag sana ninyóng papagligáwligawín ang mg̃a bagay, at howag namán cayóng humánap ng̃ mg̃a paglapastang̃an sa waláng makikita cayó. Dapat nating ibucód sa mg̃a pananalitâ ni Fr. Dámaso ang mg̃a pananalitâ ng̃ tao sa mg̃a pananalitâ ng̃ sacerdote. Ang mg̃a pananalitâ ng̃ sacerdote, sa canyáng pagcasacerdote, "per se", ay hindî macasasakít ng̃ loob canino man, sa pagca't mulâ sa lubós ng̃ catotohanan. Sa mg̃a pananalitâ ng̃ tao, ay dapat gawín ang isá pa manding pagbabahagui: ang mg̃a sinasabing "ab irato", ang mg̃a sinabing "exore", datapuwa't hindî "in corde", at ang sinasabing "in corde". Ang mg̃a sinasabing "in corde" lamang ang macasasakít ng̃ loob: sacali't dating tinatagláy ng̃ "in meate" sa isáng cadahilanan, ó cung nasabi lamang "per accidens", sa pagcacáinitan ng̃ salitàan, cung mayroong.... —¡Ng̃uni't aco'y "por accidens" at "por mi" ay nalalaman co ang mg̃a cadahilanan, pári Sibyla!—ang isinalabat ng̃ militar, na nakikita niyáng siya'y nabibilot ng̃ gayóng caraming mg̃a pag tatang̃itang̃i, at nang̃ang̃anib siyáng cung mapapatuloy ay siyá pa ang lalábas na may casalanan.—Nalalaman co ang mg̃a cadahilanan at papagtatang̃iin ng̃ "cagalang̃an pô ninyo" (papagtatang̃itang̃iin pô ninyo). Sa panahóng wala si pári Dámaso sa San Diego ay inilibíng ng̃ coadjutor ang bangcáy ng̃ isáng táong totoong carapatdapat...; opò, totoong carapatdapat; siya'y macáilan cong nácapanayam, at tumúloy acó sa canyáng bahay. Na siya'y hindi nang̃umpisál cailan man, at iyán bagá'y ¿anó? Acó ma'y hindi rin nang̃ung̃umpisál, ng̃uni't sabihing nagpacamatáy, iya'y isáng casinung̃aling̃an, isáng paratang. Isáng táong gaya niyáng may isáng anác na lalaking kinabubuhusan ng̃ boong pag-irog at mg̃a pag-asa, isáng táong may pananampalataya sa Dios, na nacacaalám ng̃ canyang mg̃a catungculang dapat ganapín sa pamamayan, isáng táong mapagmahál sa capurihán at hindi sumisinsay sa catuwiran, ang ganyáng tao'y hindî nagpápacamatay. Ito'y sinasabi co, at hindî co sinasabi ang mg̃a ibáng aking iniisip, at kilanlíng utang na loob sa akin ng̃ "cagalang̃an" pô ninyó. At tinalicdán ang franciscano at nagpatuloy ng̃ pananalitâ: —Ng̃ magcágayo'y ng̃ magbalic ang curang itó sa bayan, pagcatapos na maalipustá ang coadjutor, ang guinawa'y ipinahucay ang bangcáy na iyón, ipinadala sa labás ng̃ libing̃an, upang ibaón hindi co maalaman cung saan. Sa caruwagan nang bayang San Diego'y hindi tumutol; tunay ng̃a't iilan lamang ang nacaalam, walang camag-anac ang nasirà, at na sa Europa ang canyang bugtóng na anác; ng̃uni't nabalitaan ng̃ Gobernador General, at palibhasa'y táong may dalisay na púsò, ay hining̃i ang caparusahán... at inilipat si pári Dámaso sa lalong magaling na bayan. Itó ng̃â lamang ang nangyari. Ng̃ayo'y gawín ng̃ "inyó pong cagalang̃án" ang pagtatang̃itang̃i. At pagca sabi nitó'y lumayò sa pulutóng na iyón. —Dináramdam cong hindî co sinásadya'y nábanguit co ang isáng bagay na totoong mapang̃anib ani párì Sibylang may pighatî.—Datapuwa't cung sa cawacasa'y nakinabang naman cayó sa pagpapalít-bayan.... —¡Anó bang pakikinabang̃in! ¿At ang nawáwalâ sa mg̃a paglipat... at ang mg̃a papel... at ang mg̃a... at ang lahát ng̃ mg̃a náliligwín?—ang isinalabat na halos nauutál ni Fr. Dámaso na hindi macapagpiguil ng̃ galit. Untiunting nanag-úli ang capisanang iyón sa dating catahimican. Nang̃agsidatíng ang ibá pang mg̃a tao, caacbáy ang isáng matandáng castilàng piláy, matamís at mabaít ang pagmumukhâ, nacaacay sa bísig ng̃ isáng matandáng babaeng filipinang punô ng̃ culót ang buhóc, may mg̃a pintá ang mukhâ at nacasuot europea. Sila'y sinalubong ng̃ bating catoto ng̃ naroroong pulutóng, at nang̃agsiupô sa tabí ng̃ ating mg̃a cakilala ang Doctor De Espadaña at ang guinoong asawa niyang "doctora" na si Doña Victorina. Doo'y napapanood ang iláng mg̃a "periodista" at mg̃a "almacenero" na nang̃agpaparoo't parito at waláng maalamang gawín. —Ng̃uni't ¿masasabi pô ba ninyo sa akin, guinoong Laruja, cung anóng tao cayâ ang may arì ng̃ bahay?—ang tanóng ng̃ binatang mapulá ang buhóc.— Aco'y hindî pa naipapakilala sa canyá. —Ang sabihana'y umalís daw, acó ma'y hindi co pa siyá nakikita. —¡Dito'y hindî cailang̃anang mg̃a pagpapakilala!—ang isinabád ni Fr. Dámaso,—Si Santiago'y isáng táong mabaít. —Isang táong hindi nacátuclas ng̃ pólvorâ—ang idinugtong ni Laruja. —¡Cayó pô namán, guinoong Laruja!—ang sinabi sa malambing na pagsisi ni Doña Victorinang nag-aabanico.—¿Paano pô bang matutuclasan pa ng̃ abang iyón ang pólvora, ay alinsunod sa sabi'y natuclasan na ito ng̃ mg̃a insíc na malaong panahón na?.....Ang Doctor De Espadaña at ang canyang guinoong asawa ang "Doctora" Doña Victorina...—Imp. de M Fernández, Paz 447, Sta. Cruz. —¿Nang mg̃a insíc? ¿Nasisirà bâ ang isip ninyo?—ang sabi ni Fr. Dámaso, —¡Tumahán ng̃â cayó! ¡Ang nacátuclas ng̃ paggawâ ng̃ pólvora'y isang franciscano, isá sa aming samahan, Fr. Hindî co maalaman Savalls, ng̃ siglong... ¡icapitó! —¡Isang franciscano! Marahil naguíng misionero sa China, ang párì Savalls na iyan—ang itinutol ng̃ guinoong babae na hindî ipinatatalo ng̃ gayongayon lamang ang canyang mg̃a isipan. —Marahil Schwartz ang ibig pô ninyong sabihin, guinoong babae—ang itinugón namán ni Fr. Sibyla, na hindî man lamang siya tinítingnan. —Hindî co maalaman; sinabi ni Fr. Dámasong Savalls: walâ acóng guinawâ cung dî inulit co lamang ang canyang sinalitâ. —¡Magalíng! Savalls ó Chevás, ¿eh anó ng̃ayon? ¡Hindî dahil sa isáng letra ay siya'y maguiguing insíc!—ang mulíng sinaysay na nayáyamot ang franciscano. —At ng̃ icalabing-apat na siglo at hindî ng̃ icapitó—ang idinugtóng ng̃ dominico, na ang anyo'y parang sinásala ang camalìan at ng̃ pasakitan ang capalaluan niyong isáng fraile. —¡Mabuti, datapuwa't hindî sa paglalabis cumulang ng̃ isáng siglo'y siya'y maguiguing dominico na! —¡Abá, howag pô sanang magalit ang cagalang̃án pô ninyo!—ani párì Sibylang ng̃umíng̃itî.—Lalong magalíng cung siya ang nacátuclas ng̃ paggawâ ng̃ pólvora, sa pagca't sa gayo'y naibsan na niya sa pagcacapagod sa gayóng bagay ang canyang mg̃a capatíd. —¿At sinasabi pô ninyo, párì Sibyla, na nangyari ang bagay na iyón ng̃ icalabíng apat na siglo?—ang tanóng na malakí ang nais na macatalós ni Doña Victorina—¿ng̃ hindî pa ó ng̃ macapagcatawáng tao na si Cristo? Pinalad ang tinátanong na pumasoc sa salas ang dalawang guinoo. Decorative motif Decorative motif II. CRISOSTOMO IBARRA Hindî magagandá at mabubuting bíhis na mg̃a dalaga upang pansinín ng̃ lahat, sampô ni Fr. Sibyla; hindî ang cárilagdilagang Capitan General na casama ang canyang mg̃a ayudante upang maalís sa pagcatigagal ang teniente at sumalubong ng̃ ilang hacbáng, at si Fr. Dámaso'y maguíng tila nawal-an ng̃ díwà: sila'y walâ cung dî ang "original" ng̃ larawang naca frac, na tang̃an sa camáy ang isáng binatang luksâ ang boong pananamit. —¡Magandang gabí pô, mg̃a guinoo! ¡Magandang gabí pô "among"!— ang unang sinabi ni Capitang Tiago, at canyáng hinagcan ang mg̃a camáy ng̃ mg̃a sacerdote, na pawang nacalimot ng̃ pagbebendicion. Inalís ng̃ dominico ang canyang salamín sa mata upang mapagmasdan ang bagong datíng na binatà at namumutlâ si Fr. Dámaso at nangdídidilat ang mg̃a matá. —¡May capurihan acóng ipakilala pô sa inyó si Don Crisòstomo Ibarra, na anác ng̃ nasirà cong caibigan!—ang ipinagpatuloy ni Capitang Tiago.—Bagong galing sa Europa ang guinoong ito, at siya'y aking sinalubong. Umaling̃awng̃aw ang pagtatacá ng̃ máring̃ig ang pang̃alang ito; nalimutan ng̃ tenienteng bumatì sa may bahay, lumapit siya sa binatà at pinagmasdan niya ito, mulâ sa paa hanggang ulo. Ito'y nakikipagbatian ng̃ mg̃a ugaling salitâ ng̃ sandalíng iyon sa boong pulutóng; tila mandin sa canya'y walang bagay na naíiba sa guitnâ ng̃ salas na iyon, liban na lamang sa canyang pananamít na itím. Ang canyang taas na higuít sa caraniwan, ang canyang pagmumukhâ, ang canyang mg̃a kílos ay pawang naghahalimuyac niyang cabataang mainam na pinagsabay inaralan ang catawa't cálolowa. Nababasa sa canyang mukháng bucás at masayá ang cauntíng bacás ng̃ dugong castilà na naaaninag sa isang magandáng culay caymanggui, na mapulapulá sa mg̃a pisng̃i, marahil sa pagcápatira niya sa mg̃a bayang malalamíg. —¡Abá!—ang biglang sinabi sa magalác na pagtatacá—¡ang cura ng̃ aking bayan! ¡Si parì Dámaso: ang matalic na caibigan ng̃ aking amá! Nang̃agting̃inang lahat sa franciscano: ito'y hindi cumilos. —¡Acó po'y pagpaumanhinan ninyó, aco'y nagcámali!—ang idinugtong ni Ibarra, na ga nahihiyâ na. —¡Hindî ca nagcámali!—ang sa cawacasa'y naisagot ni Fr. Dámaso, na sirâ ang voces.—Ng̃uni't cailan ma'y hindî co naguíng caibigang matalic ang iyong amá. Untiunting iniurong ni Ibarra ang canyang camáy na iniacmáng humawac sa camáy ni parì Dámaso, at tiningnan niya itó ng̃ boong pangguiguilalas; luming̃ón at ang nakita niya'y ang mabalasic na anyô ng̃ teniente, na nagpapatuloy ng̃ pagmamasíd sa canya. —Bagongtao, ¿cayó po bâ ang anác ni Don Rafael Ibarra? Yumucód ang binatà. Ga tumindíg na sa canyang sillón si Fr. Dámaso at tinitigan ang teniente. —¡Cahimanawarî dumatíng cayong malualhatì dito sa inyong lupaín, at magtamó nawâ pô cayó ng̃ lalong magandang palad cay sa inyong ama!—ang sabi ng̃ militar na nang̃ing̃inig ang voces. Siya'y aking nakilala at nácapanayam, at masasabi cong siya'y isa sa mg̃a taong lalong carapatdapat at lalong may malinis na capurihán sa Filipinas. —Guinoo—ang sagót ni Ibarrang nababagbag ang púsò—ang inyo pong pagpuri sa aking amá ay pumapawì ng̃ aking mg̃a pag-alap-ap tungcol sa caniyang kinahinatnang palad, na aco, na canyang anác ay di co pa napagtátalos. Napunô ng̃ lúhà ang mg̃a matá ng̃ matandà, tumalicód at umalís na dalídálì. Napag-isa ang binata sa guitnâ ng̃ salas; at sa pagca't nawalâ ang may bahay, walâ siyang makitang sa canya'y magpakilala sa mg̃a dalaga, na ang caramiha'y tinitingnan siya ng̃ may pagling̃ap. Nang macapag-alinlang may iláng minuto, tinung̃o niya ang mg̃a dalagang tagláy ang calugodlugod na catutubong kilos. —Itulot ninyo sa aking lacdang̃an co—anya—ang mg̃a utos ng̃ mahigpit na pakikipagcapwa tao. Pitóng taón na ng̃ayong umalís acó rito sa aking bayan, at ng̃ayong aco'y bumalíc ay hindi co mapiguilan ang nasang aco'y bumáti sa lalong mahalagang hiyas niya; sa canyang mg̃a suplíng na babae. Napilitan ang binatang lumayò roon, sa pagca't sino man sa mg̃a dalaga'y waláng nang̃ahás sumagot. Tinung̃o niya ang pulutóng ng̃ ilang mg̃a guinoong lalaki, na ng̃ mámasid na siya'y dumarating ay nang̃agcabilog. Mg̃a guinoo—anya—may isang caugalían sa Alemaniang pagca pumaparoon sa isang capisanan, at walang masumpung̃ang sa canya'y magpakilala sa mg̃a ibá; siya ang nagsasabi ng̃ canyáng pang̃alan at napakikilala, at sumasagot naman ang mg̃a causap ng̃ sa gayón ding paraan. Itúlot pô ninyó sa akin ang ganitóng ugálì; hindî dahil sa ibig cong dito'y magdalá ng̃ mg̃a asal ng̃ mg̃a tagá ibáng lupain, sa pagca't totoong magaganda rin naman ang ating mg̃a caugalian, cung dî sa pagca't napipilitan cong gawín ang gayong bagay. Bumati na acó sa lang̃it at sa mg̃a babae ng̃ aking tinubuang lúpà: ng̃ayo'y ibig cong bumati naman sa mg̃a cababayan cong lalaki. ¡Mg̃a guinoo, ang pang̃alan co'y Juan Crisóstomo Ibarra at Magsalin! Sinabi naman sa canya ng̃ canyang mg̃a causap ang canicanilang mg̃a pang̃alang humiguit cumulang ang pagca walang cabuluhan, humiguit cumulang ang pagca hindî nakikilala nino man. —Ang pang̃alan co'y A—á!—ang sinabi't sucat ng̃ isang binata at bahagya ng̃ yumucód. —¿Bacâ po cayá may capurihan acong makipagsalitaan sa poetang ang mg̃a sinulat ay siyáng nacapagpanatili ng̃ marubdób cong pagsintá sa kinaguisnan cong bayan? Ibinalità sa aking hindî na raw po cayó sumusulat, datapuwa't hindî nila nasabi sa akin ang cadahilanan... —¿Ang cadahilanan? Sa pagcá't hindî tinatawag ang dakílang ning̃as ng̃ isip upang ipamalingcahod at magsinung̃alíng. Pinag-usig sa haráp ng̃ hucóm ang isang tao dahil sa inilagáy sa tulâ ang isang catotohanang hindi matututulan. Aco'y pinang̃alanang poeta, ng̃uni hindî aco tatawaguing ulól. —At ¿mangyayari po bagang maipaunawà ninyo cung anó ang catotohanang yaon? —Sinabi lamang na ang anac ng̃ león ay león din namán; cacaunti na't siya'y ipinatapon sana. At lumayô sa pulutóng na iyón ang binatang may cacaibang asal. Halos tamátacbo ang isáng táong masayá ang pagmumukhâ, pananamit filipino ang suot, at may mg̃a botones na brillante sa "pechera." Lumapit cay Ibarra, nakipagcamay sa canyá at nagsalitâ: —¡Guinoong Ibarra, hinahang̃ad cong mákilala co pô cayó; caibigan cong matalic si Capitang Tiago, nakilala co ang inyóng guinoong amá...; ang pang̃alan co'y Capitang Tinong, nanánahan aco sa Tundóng kinálalagyan ng̃ inyóng báhay; inaasahan cóng pauunlacán ninyó acó ng̃ inyóng pagdalaw; doon na pô cayó cumain búcas! Bihág na bihág si Ibarra sa gayóng calakíng cagandahang loob: ng̃umíng̃itî si Capitang Tinong at kinucuyumos ang mg̃a camay. —¡Salamat po!—ang isinagót ng̃ boong lugód.—Ng̃uni't pasasa San Diego po acó búcas... —¡Sáyang! ¡Cung gayo'y sacâ na, cung cayo'y bumalíc! —¡Handâ na ang pagcain!—ang bigáy álam ng̃ isáng lingcod ng̃ Café "La Campana." Nagpasimulâ ng̃ pagpasamesa ang panauhín, bagá man nagpapamanhíc na totoo ang mg̃a babae, lalong lalò na ang mg̃a filipina. Decorative motif Decorative motif III. ANG HAPUNAN Jele jele bago quiere, Tila mandîn totoong lumiligaya si Fr. Sibyla: tahimic na lumalacad at hindî na námamasid sa canyáng nang̃ing̃ilis at manipís na mg̃a labì ang pagpapawaláng halagá; hanggáng sa marapating makipagusap sa pilay na si doctor De Espadaña, na sumásagot ng̃ putól-putól na pananalitâ, sa pagcát siya'y may pagcá utál. Cagulatgulat ang samâ ng̃ loob ng̃ franciscano, sinisicaran ang mg̃a sillang nacahahadláng sa canyáng nilalacaran, at hanggáng sa sinicó ang isáng cadete. Hindî nagkikikibô ang teniente; nagsasalitaán ng̃ masayá ang ibá at caniláng pinupuri ang cabutiha't casaganàan ng̃ haying pagcain. Pinacunot ni Doña Victorina, gayón man, ang canyáng ilóng; ng̃uni't caracaraca'y luming̃óng malakí ang gálit, cawang̃is ng̃ natapacang ahas: mangyari'y natuntung̃an ng̃ teniente ang "cola" ng̃ canyáng pananamít. —Datapuwa't ¿walâ pô bâ, cayóng mg̃a matá?—anyá. —Mayroon pô, guinoong babae, at dalawáng lalóng magalíng cay sa mg̃a matá ninyó; datapowa't pinagmámasdan co pô iyang inyóng mg̃a culót ng̃ buhóc —ang itinugón ng̃ militar na iyong hindî totoong mápagparayâ sa babae, at sacâ lumayô. Bagá man hindî sinasadya'y capuwâ tumung̃o ang dalawáng fraile sa dúyo ó ulunán ng̃ mesa, marahil sa pagca't siyáng pinagcaratihan nilá at nangyari ng̃â ang mahíhintay, na tulad sa nang̃agpapang̃agaw sa isáng cátedra: pinupuri sa mg̃a pananalitâ ang mg̃a carapatán at cataásan ng̃ ísip ng̃ mg̃a capang̃agáw; datapua't pagdaca'y ipinakikilala ang pabaligtad, at nang̃ag-úung̃ol at nang̃ag- uupasalà cung hindî silá ang macapagtamó ng̃ caniláng hang̃ád. —¡Ucol pô sa inyó, Fr. Dámaso! —¡Ucol pô sa inyó, Fr. Sibyla! —Cayo ang lalong unang cakilala sa bahay na itó... confesor ng̃ nasirang may bahay na babae, ang lalong may gulang, may carapatán at may capangyarihan.... —¡Matandáng matanda'y hindî pa naman!—ng̃uni't cayo pô naman ang cura nitong bayan!—ang sagót na matabang ni Fr. Dámasong gayón ma'y hindî binibitiwan ang silla. —¡Sa pagca't ipinag-uutos pô ninyó'y acó'y sumusunod!—ang iniwacás ni Fr. Sibyla. —¡Aco'y hindî nag-uutos!—ang itinutol ng̃ franciscano—¡aco'y hindî nag- uutos! Umuupô na sana si Fr. Sibylang hindî pinápansin ang mg̃a pagtutol na iyón, ng̃ macasalubong ng̃ canyang mg̃a matá ang mg̃a matá ng̃ teniente. Ang lalong mataas na oficial sa Filipinas, ayon sa caisipán ng̃ mg̃a fraile, ay totoong malakí ang cababaan sa isáng uldog na tagapaglútò ng̃ pagcain. "Cedant arma togæ", ani Cicerón sa Senado; "cedant arma cotae" anang mg̃a fraile sa Filipinas. Datapuwa't mapitagan si Fr. Sibyla, caya't nagsalitâ: —Guinoong teniente, dito'y na sa mundo po tayo at walâ sa sambahan; nararapat po sa inyo ang umupô rito. Datapuwa't ayon sa anyô ng̃ canyang pananalita'y sa canya rin nauucol ang upuang iyón, cahi't na sa mundo. Ang teniente, dahil yatà ng̃ siya'y howag magpacagambalà, ó ng̃ huwag siyang umupô sa guitnâ ng̃ dalawáng fraile, sa maiclíng pananalita'y sinabing áyaw siyang umupô roon. Alín man sa tatlóng iyo'y hindî nacaalaala sa may bahay. Nakita ni Ibarrang nanonood ng̃ boong galác at nacang̃itî sa mg̃a pagpapalamang̃ang iyón sa upuan ang may bahay. —¡Bakit pô, Don Santiago! ¿hindi pô bâ cayó makikisalo sa amin?—ani Ibarra. Ng̃uni't sa lahat ng̃ mg̃a upuan ay may mg̃a tao na. Hindî cumacain si Lúculo sa bahay ni Lúculo. —¡Tumahimic pô cayó! howag cayóng tumindîg!—ani Capitang Tiago, casabay ng̃ pagdidíin sa balicat ni Ibarra. Cayâ pa namán gumágawâ ang pagdiriwáng na ito'y sa pagpapasalamat sa mahál na Vírgen sa inyóng pagdatíng. Nagpagawâ acó ng̃ "tinola" dahil sa inyó't marahil malaon ng̃ hindî ninyó nátiticiman. Dinalá sa mesa ang isáng umáasong malaking "fuente". Pagcatapos maibulóng ng̃ dominico ang "Benedícte" na halos walâ sino mang natutong sumagot, nagpasimulâ ng̃ pamamahagui ng̃ laman ng̃ fuenteng iyon. Ng̃uni't ayawan cung sa isáng pagcalibáng ó iba cayáng bagay, tumamà cay párì Dámaso ang isáng pinggang sa guitnâ ng̃ maraming úpo at sabáw ay lumálang̃oy ang isáng hubád na líig at isáng matigás na pacpác ng̃ inahíng manóc, samantalang cumacain ang ibá ng̃ mg̃a hità at dibdíb, lalong lalò na si Ibarra, na nagcapalad mapatamà sa canyá ang mg̃a atáy, balonbalonan at ibá, pang masasaráp na lamáng loob ng̃ inahíng manóc. Nakita ng̃ franciscano ang lahát ng̃ itó, dinurog ang mg̃a úpo, humigop ng̃ cauntíng sabáw, pinatunóg ang cuchara sa paglalagáy at bigláng itinulac ang pingga't inilayô sa canyáng harapán. Nalílibang namáng totoo ang dominico sa pakikipagsalitàan sa binatang mapulá ang buhóc. —¿Gaano pong panahóng nápaalis cayó sa lupaíng ito?—ang tanóng ni Laruja cay Ibarra. —Pitóng taón halos. —!Aba! ¿cung gayó'y marahil, nalimutan na ninyó ang lupaíng ito? —Baligtád pô; bagá man ang kinaguisnan cong lupa'y tila mandin linilimot na acó, siyá'y laguì cong inaalaala. —¿Anó po ang íbig ninyóng sabihin?—ang tanóng ng̃ mapuláng buhóc. —Ibig cong sabíhing may isang taón na ng̃ayóng hindî aco tumátangap ng̃ ano mang balità tungcol sa bayang itó, hanggang sa ang nacacatulad co'y ang isang dî tagaritong hindî man lamang nalalaman cung cailan at cung paano ang pagcamatay ng̃ canyang ama. —¡Ah!—ang biglang sinabi, ng̃ teniente. —At ¿saan naroon pô cayo at hindî cayo tumelegrama?—ang tanong ni Doña Victorina.—Tumelegrama cami sa "Peñinsula" ng̃ cami'y pacasal. —Guinoong babae; nitong huling dalawang tao'y doroon aco sa dacong ibabâ ng̃ Europa, sa Alemania at sacâ sa Colonia rusa. Minagaling ng̃ Doctor De Espadaña, na hanggá ng̃ayo'y hindî nang̃ang̃ahás magsalitâ, ang magsabi ng̃ cauntî: —Na... na... nakilala co sa España ang isang polacong tagá, Va... Varsovia, na ang pang̃ala'y Stadtnitzki, cung hindî masamâ ang aking pagcatandâ; ¿hindî pô bâ ninyó siya nakikita?—ang tanong na totoong kimî at halos namumula sa cahihiyan. —Marahil pô—ang matamís na sagót ni Ibarra—ng̃uni't sa sandalîng itó'y hindî ko naaalaala siyá. —¡Aba, hindî siyá maaring ma... mapagcamal-an sa iba!—ang idinugtóng ng̃ Doctor na lumacás ang loob.—Mapulá ang canyáng buhóc at totoong masamáng mang̃astílà. —Mabubuting mg̃a pagcacakilalanan; ng̃uni't doo'y sa casaliwàang palad ay hindî aco nagsasalitâ ng̃ isa man lamang wicang castílà, liban na lamang sa ilang mg̃a consulado. —At ¿paano ang inyóng guinágawang pamumuhay?—ang tanong ni Doña Victorinang nagtátaca. —Guinagamit co pô ang wícà ng̃ lupaíng aking pinaglálacbayán, guinoong babae. —¿Marunong po bâ naman cayo ng̃ inglés?—ang tanong ng̃ dominicong natira sa Hongkong at totoong marunong ng̃ "Pidggin-English", iyang halo- halong masamáng pananalitâ ng̃ wicà ni Shakespeare ng̃ anác ng̃ Imperio Celeste. —Natira acóng isang taón sa Inglaterra, sa casamahán ng̃ mg̃a táong inglés lamang ang sinásalitâ. —At ¿alín ang lupaíng lalong naibigan pô ninyó sa Europa?—ang tanóng ng̃ binatang mapulá ang buhóc. —Pagcatapos ng̃ España, na siyang pang̃alawá cong Báyan, alín man sa mg̃a lupaín ng̃ may calayâang Europa. —At cayó pong totoong maraming nalacbáy... sabihin ninyó, ¿anó pô bâ ang lalong mahalagáng bagay na inyong nakita?—ang tanóng ni Laruja. Wari'y nag-isíp-ísíp si Ibarra. —Mahalagáng bagay, ¿sa anóng cauculán? —Sa halimbawà... tungcól sa pamumuhay ng̃ mg̃a báyan... sa búhay ng̃ pakikipanayám, ang lácad ng̃ pamamahalà ng̃ báyan, ang úcol sa religión, ang sa calahatán, ang catás, ang cabooan.... Malaong nagdidilidili si Ibarra. —Ang catotohanan, bágay na ipangguilalás sa mg̃a báyang iyan, cung ibubucod ang sariling pagmamalakí ng̃ bawa't isá sa canyáng nación.... Bago co paroonan ang isáng lupain, pinagsisicapan cong matalós ang canyáng historia, ang canyáng Exodo cung mangyayaring masabi co itó, at pagcatapos ang nasusunduan co'y ang dapat mangyari: nakikita cong ang iguiniguinhawa ó ipinaghihirap ng̃ isáng baya'y nagmúmulâ sa canyáng mg̃a calayâan ó mg̃a cadilimán ng̃ isip, at yamang gayó'y nanggagaling sa mg̃a pagpapacahirap ng̃ mg̃a namamayan sa icágagalíng ng̃ calahatán, ó ang sa canilang mg̃a magugulang na pagca walang ibáng iniibig at pinagsusumakitan cung dî ang sariling caguinhawahan. —At ¿walâ ca na bagáng nakita cung dî iyán lámang?—ang itinanóng na nagtátawa ng̃ palibác ng̃ franciscano, na mulâ ng̃ pasimulàan ang paghapon ay hindî nagsásalita ng̃ anó man, marahil sa pagcá't siya'y nalilibang sa pagcain; hindî carapatdapat na iwaldás mo ang iyong cayamanan upang walâ cang maalaman cung dî ang bábahagyang bagay na iyán! ¡Sino mang musmós sa escuelaha'y nalalaman iyán! Nápating̃ín na lamang sa canyá si Ibarra't hindî maalaman cung anô ang sasabihin; ang mg̃a iba'y nang̃agtiting̃inan sa pagkatacá at nang̃ang̃anib na magcaroon ng̃ caguluhan.—Nagtátapos na ang paghapon, ang "cagalang̃án pô ninyo'y busóg na"—ang isásagot sana ng̃ binatà; ng̃uni't nagpiguil at ang sinabi na lamang ay ang sumúsunod: —Mg̃a guinoo; huwág cayóng magtátaca ng̃ pagsasalitang casambaháy sa akin ng̃ aming dating cura; ganyán ang pagpapalagáy niyá sa akin ng̃ acó'y musmós pa, sa pagcá't sa canyá'y para ring hindî nagdaraan ang mg̃a taón; datapowa't kinikilala cong utang na loob, sa pagcá't nagpapaalaala sa aking lubós niyóng mg̃a áraw na madalás pumaparoon sa aming báhay ang "canyáng cagalang̃án", at canyáng pinaúunlacan ang pakikisalo sa pagcain sa mesa ng̃ aking amá. Sinulyáp ng̃ dominico ang franciscano na nang̃ang̃atal. Nagpatuloy ng̃ pananalitâ si Ibarra at nagtindíg: —Itulot ninyó sa aking acó'y umalís na, sa pagcá't palibhasa'y bago acóng datíng at dahil sa búcas din ay aco'y áalis, marami pang totoong gágawín acóng mg̃a bágay-bágay. Natapos na ang pinacamahalagá ng̃ paghapon, cauntî lamang cung aco'y uminóm ng̃ alac at bahagyâ na tumítikim acó ng̃ mg̃a licor. ¡Mg̃a guinoo, mátungcol nawâ ang lahát sa España at Filipinas! At ininóm ang isáng copitang alac na hanggáng sa sandalíng iyó'y hindî sinásalang. Tinularan siyá ng̃ Teniente, ng̃uni't hindî nagsasabi ng̃ anó man. —¡Howág pô cayóng umalís!—ang ibinulóng sa canyá, ni Capitang Tiago. —Dárating na si María Clara: sinundô siyá ni Isabel. Paririto ang sa báyang bágong cura, na santong tunay. —¡Paririto acó búcas bago acó umalís. Ng̃ayo'y may gágawin acóng mahalagáng pagdalaw. At yumao. Samantala'y nagluluwal ng̃ samâ ng̃ loob ang franciscano. —¿Nakita na ninyó?—ang sinasabi niyá sa binatang mapulá ang buhóc na ipinagcucucumpas ang cuchillo ng̃ himagas. ¡Iyá'y sa pagmamataas! ¡Hindî nilá maipagpaumanhíng silá'y mapagwicaan ng̃ cura! ¡Ang acalà nilá'y mg̃a taong may cahulugán na! ¡Iyán ang masamáng nacucuha ng̃ pagpapadalá sa Europa ng̃ mg̃a bátà! Dapat ipagbawal iyán ng̃ gobierno. —At ¿ang teniente?—ani Doña Victorinang nakikicampí sa franciscano— ¡sa boong gabíng ito'y hindî inalís ang pagcucunót ng̃ pag-itan ng̃ canyáng mg̃a kilay; magalíng at tayo'y iniwan! ¡Matandâ na'y teniente pa hanggá ng̃ayón! Hindî malimutan ng̃ guinoong babae ang pagcacabangguít sa mg̃a culót ng̃ canyáng buhóc at ang pagcacayapac sa "encañonado" ng̃ canyáng mg̃a "enagua." Ng̃ gabíng yaó'y casama ng̃ mg̃a ibá't ibáng bagay na isinusulat ng̃ binatang mapulá ang buhóc sa canyáng librong "Estudios Coloniales," ang sumúsunod: "Cung anó't macahihilahil sa casayahan ng̃ isáng piguíng ang isáng liig at isáng pacpác sa pinggán ng̃ tinola." At casama ng̃ mg̃a iba't ibáng paunáwà ang mg̃a ganitó:—"Ang taong lalong waláng cabuluhán sa Filipinas sa isáng hapunan ó casayahan ay ang nagpapahapon ó nagpapafiesta: macapagpapasimulâ sa pagpapalayas sa may bahay at mananatili ang lahát sa boong capanatagán."—"Sa mg̃a calagayan ng̃ayón ng̃ mg̃a bagay bagay, halos ay isáng cagaling̃ang sa canilá'y gágawin ang huwág paalisín sa caniláng lupaín ang mg̃a filipino, at huwág man lamang turúan siláng bumasa".... Decorative motif Decorative motif IV. HEREJE AT FILIBUSTERO Nag-aalinlang̃an si Ibarra. Ang hang̃in sa gabí, na sa mg̃a buwáng iyó'y caraniwang may calamigán na sa Maynilà, ang siyáng tila mandín pumawì sa canyáng noo ng̃ manipís na úlap na doo'y nagpadilím: nagpugay at huming̃á. Nagdaraan ang mg̃a cocheng tila mg̃a kidlá't, mg̃a calesang páupahang ang lacad ay naghíhing̃alô, mg̃a naglálacad na tagá ibá't ibáng nación. Tagláy iyáng paglacad na hindî nang̃agcacawang̃is ang hacbáng, na siyáng nagpapakilala sa natitilihan ó sa waláng mágawà, tinung̃o ng̃ binatà ang dacong plaza ng̃ Binundóc, na nagpapaling̃ap-ling̃ap sa magcabicabilà na wari'y ibig niyáng cumilala ng̃ anó man. Yao'y ang mg̃a dating daan at mg̃a dating báhay na may mg̃a pintáng putî at azul at mg̃a pader na pinintahán ng̃ putî ó cung dilî caya'y mg̃a anyóng ibig tularan ang batóng "granito" ay masamâ ang pagcacáhuwad; nananatili sa campanario ng̃ simbahan ang canyáng relós na may carátulang cupás na; iyón ding mg̃a tindahan ng̃ insíc na iyóng may marurumíng tabing na násasampay sa mg̃a varillang bacal, na pinagbalibalicucô niyá isáng gabí ang isá sa mg̃a varillang iyón, sa pakikitulad niyá sa masasama ang pagcaturong mg̃a bátà sa Maynilà: sino ma'y waláng nagtowíd niyón. —¡Marahan ang lacad!—ang ibinulóng, at nagtulóy siyá sa daang Sacristía. Ang mg̃a nagbíbili ng̃ sorbete ay nananatili sa pagsigáw ng̃: ¡Sorbeteee! mg̃a huepe rin ang siyáng pang-ilaw ng̃ mg̃a dating nang̃agtítindang insíc at ng̃ mg̃a babaeng nagbíbili ng̃ mg̃a cacanin at mg̃a bung̃ang cahoy. —¡Cahang̃ahang̃à!—ang sinabi niyá—¡itó rin ang insíc na may pitóng taón na, at ang matandáng babae'y... siyá rin! Masasabing nanaguinip acó ng̃ gabíng itó sa pitóng taóng pagca pa sa Europa!.. at ¡Santo Dios! nananatili rin ang masamang pagcálagay ng̃ bató, na gaya rin ng̃ aking iwan! At naroroon pa ng̃a't nacahiwalay ang bató sa "acera" ng̃ linílicuan ng̃ daang San Jacinto at daang Sacristía. Samantalang pinanonood niyá ang catacatacáng pananatiling itó ng̃ mg̃a báhay at ibá pa sa báyan ng̃ waláng capanatilihán, marahang dumapò sa canyáng balicat ang isáng camáy; tumungháy siyá'y canyáng nakita ang matandáng Teniente na minámasdang siyáng halos nacang̃itî: hindî na tagláy ng̃ militar yaóng mabalasic niyáng pagmumukhâ, at walâ na sa canyá yaóng mg̃a kilay na totoong canyáng ikinatatang̃ì sa ibá. —¡Bagongtao, magpacaing̃at cayó! ¡Mag-aral pô cayó sa inyóng amá—ang sinabi niyá. —Ipatawad pô ninyó; ng̃uni't sa acalà co'y inyóng pinacamahál ang aking amá; ¿maaarì pô bang sabihin ninyó sa akin cung ano ang canyáng kináhinatnan?—ang tanóng ni Ibarra na siyá'y minámasdan. —¿Bakit? ¿hindî pô bâ ninyó nalalaman?—ang tanóng ng̃ militar. —Itinanóng co cay Capitáng Tiago ay sumagót sa aking hindî niyá sasabihin cung dî búcas na. ¿Nalalaman po bâ ninyó, sacalì? —¡Mangyari bagá, na gaya rin namán ng̃ lahát! ¡Namatáy sa bilangguan! Umudlót ng̃ isáng hacbáng ang binatà at tinitigan ang Teniente. —¿Sa bilangguan? ¿sinong namatáy sa bilangguan?—ang itinatanóng. —¡Abá, ang inyó pong amá, na nábibilanggô!—ang sagót ng̃ militar na may cauntíng pangguiguilalás. —Ang aking amá... sa bilangguan... ¿napipiít sa bilangguan? ¿Anó pô ang wicà ninyó? ¿Nakilala pô bâ ninyó ang aking amá? ¿Cayó pô ba'y...? ang itinanóng ng̃ binatà at hinawacan sa brazo ang militar. —Sa acalà co'y hindî acó námamalî; si Don Rafael Ibarra. —¡Siyá ng̃a, Don Rafael Ibarra!—ang marahang ùlit ng̃ binatà. —¡Ang boong ísip co'y inyó pong nalalaman na!—ang ibinulóng ng̃ militar, na puspós ng̃ habág ang anyô ng̃ pagsasalitâ, sa canyáng pagcahiwatig sa nangyayari sa cálolowa ni Ibarra; ang acalà co'y inyóng...; ng̃uni't tapang̃an ninyó ang inyóng loob! ¡dito'y hindî mangyayaring magtamóng capurihán cung hindî nabibilanggô! —¡Dapat cong acaláing hindî pô cayó nagbíbirô sa akin—ang mulîng sinabi ni Ibarra ng̃ macaraan ang iláng sandalíng hindî siyá umíimic! ¿Masasabi pô bâ ninyó sa akin cung bakit siyá'y nasasabilangguan? Nag-anyóng nag-iisip-isip ang militar. —Ang aking ipinagtátacang totoo'y cung bakit hindî ipinagbigay alam sa inyó ang nangyayari sa inyóng familia. —¡Binatà, mag-íng̃at pô cayó! ¡Mag-aral cayó sa inyóng amá!—anáng teniente sa canyá.—Imp. de M. Fernández Paz, 447, Sta Cruz. —Sinasabi sa akin sa canyáng hulíng sulat, na may isáng taón na ng̃ayón, na huwág daw acóng maliligalig cung dî niya acó sinusulatan, sa pagcá't marahil ay totoong marami siyang pinakikialamán; ipinagtatagubilin sa aking magpatuloy acó ng̃ pag-aaral... at ¡benebendicìonan acó! —Cung gayó'y guinawâ niyá ang sulat na iyán sa inyó, bago mamatay; hindî malalao't mag-íisang taón ng̃ siyá'y aming inilibíng sa inyóng bayan. —¿Anóng dadahilana't nábibilanggô ang aking amá? —Sa cadahilanang totoong nacapagbíbigay puri. Ng̃uni't sumama pô cayó sa aki't acó'y paroroon sa cuartel; sasabihin có hang̃gáng tayo'y lumalacad. Cumapit pô cayó sa aking brazo. Hindî nang̃ag-imican sa loob ng̃ sandalî; may anyóng nagdidilidili ang matandâ at wari'y hiníhing̃i sa canyáng "perilla," na hinihimashimas, na magpaalaala sa canyá. —Cawang̃is ng̃ lubós pô ninyóng pagcatalastás—ang ipinasimulâ ng̃ pagsasalitâ—ang amá pô ninyó'y siyáng pang̃ulo ng̃ yaman sa boong lalawigan, at bagá man iniibig siyá't iguinagalang ng̃ marami, ang mg̃a ibá'y pinagtatamnan namán siyá ng̃ masamáng loob, ó kinaíinguitán. Sa casaliwàang palad, camíng mg̃a castilang naparito sa Filipinas ay hindî namin inuugalì ang marapat naming ugalíin: sinasabi co itó, dahil sa isá sa inyóng mg̃a nunong lalaki at gayón din sa caaway ng̃ inyóng amá. Ang waláng licát na paghahalihalilí, ang capang̃itan ng̃ asal ng̃ mg̃a matataas na púnò, ang mg̃a pagtatangkilic sa di marapat, ang camurahan at ang caiclîan ng̃ paglalacbay-bayan, ang siyáng may sála ng̃ lahát; pumaparito ang lalong masasamâ sa Península, at cung may isáng mabaít na máparito, hindî nalalao't pagdaca'y pinasásamâ ng̃ mg̃a tagarito rin. At inyóng talastasíng maraming totoong caaway ang inyóng amá sa mg̃a cura at sa mg̃a castílà. Dito'y sandalíng humintô siyá. —Ng̃ macaraan ang iláng buwán, búhat ng̃ cayó po'y umalís, nagpasimulâ na ang samàan ng̃ loob nilá ni párì Dámaso, na dî co masabi ang tunay na cadahilanan. Biníbigyang casalanan siyá ni párì Dámasong hindî raw siyá nagcucumpisal: ng̃ una'y dating hindî siyá nang̃ung̃umpisal, gayón ma'y magcaìbigan siláng matalic, na marahil natatandaan pa pô ninyó. Bucód sa rito'y totoong dalisay ang capurihán ni Don Rafael, at higuít ang canyáng pagcabanál sa maraming nang̃agcucumpisal at nang̃agpapacumpisal: may tinútunton siyá sa canyáng sariling isáng cahigpithigpitang pagsunód sa atas ng̃ magandáng asal, at madalás sabihin sa akin, pagca násasalitâ niyá ang mg̃a sámàang itó ng̃ loob: "Guinoong Guevara, ¿sinasampalatayanan po bâ ninyóng pinatatawad ng̃ Dios ang isáng mabigát na casalanan, ang isáng cusang pagpatáy sa cápuwâ táo, sa halimbáwà, pagcâ, nasabi na sa isáng sacerdote; na táo rin namáng may catungculang maglihim ng̃ sa canyá'y sinasaysay, at matacot másanag sa infierno, na siyáng tinatawag na pagsisising "atricion"? ¿Bucod sa duwag ay waláng hiyáng pumapanatag? Ibá ang aking sapantahà tungcól sa Dios—ang sinasabi niyá—sa ganáng akin ay hindî nasasawatâ ang isáng casam-an ng̃ casam-an din, at hindî ipinatatawad sa pamamag-itan ng̃ mg̃a waláng cabuluháng pag-iyác at ng̃ mg̃a paglilimós sa Iglesia." At inilálagáy niyá sa akin ang ganitóng halimbáwà:—"Cung aking pinatáy ang isáng amá ng̃ familia, cung dahil sa catampalasanan co'y nabao't nálugamì sa capighatìan ang isáng babae, at ang mg̃a masasayáng musmós ay naguíng mg̃a dukháng ulila, ¿mababayaran co cayâ ang waláng hanggang Catowiran, cung aco'y cusang pabitay, ipagcatiwalà co ang líhim sa isáng mag-iing̃at na howag máhayag, maglimós sa mg̃a cura na siyáng hindî tunay na nang̃agcacailang̃an, bumilí ng̃ "bula de composición," ó tumang̃istang̃is sa gabí at araw? ¿At ang bao at ang mg̃a ulila? Sinasabi sa akin ng̃ aking "conciencia" na sa loob ng̃ cáya'y dapat acóng humalili sa táong aking pinatáy, ihandóg co ang aking boong lacás at hanggáng aco'y nabubuhay, sa icágagalíng ng̃ familiang itóng acó ang may gawâ ng̃ pagcapahamac, at gayón man, ¿sino ang macapagbibigay ng̃ capalít ng̃ pagsintá ng̃ amá?"—Ganyán ang pang̃ang̃atuwiran ng̃ inyó pong amá, at ang anó mang guinagawa'y isinasangayong láguì sa mahigpit na palatuntunang itó ng̃ wagás na caasalán, at masasabing cailán ma'y hindî nagbigáy pighatî canino man; baligtád, pinagsisicapan niyáng pawîin, sa pamamag-itan ng̃ magagandáng gawâ, ang mg̃a tang̃ing casawìan sa catuwirang, ayon sa canyá'y guinawâ raw ng̃ canyáng mg̃a nunò. Datapuwa't ipanumbalic natin sa canyáng samaan ng̃ loob sa cura, ang mg̃a pagcacaalit na ito'y lumúlubhà; binábangguit siyá ni párì Dámaso buhat sa púlpito, at cung dî tinutucoy siyá ng̃ boong liwanag ay isáng himalâ, sa pagca't sa caugalian ng̃ paring iyá'y mahihintay ang lahát. Nakikinikinita co nang masamâ ang cahahangganan ng̃ bagay na itó. Muling humìntóng sandali ang matandáng Teniente. —Naglílibot ng̃ panahón iyón ang isáng naguíng sundalo sa artillería, na pinaalís sa hucbó dahil sa malabis na cagaspang̃án ng̃ canyáng ásal at dahil sa camangmang̃ang labis. Sa pagca't kinacailang̃an niyáng mabuhay, at hindi pahintulot sa canyá ang magtrabajo ng̃ mabigát na macasisirà ng̃ aming capurihan, nagtamó siyá, hindî co alám cung sino ang sa canyá'y nagbigáy, ng̃ catungculang pagca manining̃il ng̃ buwís ng̃ mg̃a carruaje, calesa at ibá pang sasacyán. Hindî tumanggáp ang abâ ng̃ anó mang túrò, at pagdaca'y napagkilala ng̃ mg̃a "indio" ang bagay na itó: sa ganang canilá'y totoong cahimahimalâ, na ang isang castilà'y hindî marunong bumasa't sumulat. Pinaglilibacan ang culang palad, na pinagbabayaran ng̃ cahihiyan ang násising̃il na buwís, at nalalaman niyáng siyá ang hantung̃an ng̃ libác, at ang bagay na itó'y lalong nacáraragdag ng̃ dating masamâ at magaspáng niyang caugalîan. Sadyang ibinibigay sa canyá ang mg̃a sulat ng̃ patumbalíc; nagpapaconwarî siya namáng canyang binabasa, at bago siyá pumifirma cung sáan nakikita niyang waláng sulat, na ang parang kinahig ng̃ manóc na canyáng mg̃a letra'y siyáng larawang tunay ng̃ canyáng cataohan; linálang̃ap niyá ang masasacláp na cairing̃ang iyón, ng̃uni't nacacasing̃il siyá, at sa ganitóng calagayan ng̃ canyang loob ay hindi siyá gumagalang canino man, at sa inyóng ama'y nakipagsagutan ng̃ lubhang mabibigat na mg̃a salitâ. Nangyari isáng araw, na samantalang pinagpipihitpihit niyá ang isáng papel na ibinigáy sa canyá sa isáng tindahan, at ibig niyáng málagay sa tuwíd, nagpasimuláng kinawayán ang canyáng mg̃a casamahan ng̃ isáng batang nanasoc sa escuela, magtawá at itúro siya ng̃ dalirì. Nariring̃ig ng̃ táong iyón ang mg̃a tawanan, at nakikita niyáng nagsásaya ang libác sa mg̃a dî makikibuing mukhâ ng̃ nang̃aroroon; naubos ang canyang pagtitiis, bigláng pumihit at pinasimulâang hinagad ang mg̃a batang nang̃agtacbuhan, at sumísigaw ng̃ "ba," "be," "bi," "bo," "bu." Pinagdimlán ng̃ galit, at sa pagca't hindî siya mang-abot, sa canilá'y inihalibas ang canyáng bastón, tinamaan ang isá sa úlo at nábulagtâ; ng̃ magcagayo'y hinandulong ang nasusubasob at pinagtatadyacán, at alín man sa nang̃agsisipanood na nanglilibac ay hindî nagcaroon ng̃ tapang na mamag-itan. Sa casamaang palad ay nagdaraan doon ang inyóng amá. Napoot sa nangyari, tinacbó ang manining̃il na castilà, hinawacan siyá sa brazo at pinagwicaan siyá ng̃ mabibigát. Ang castilàng marahil ang ting̃ín sa lahát ay mapulá na, ibinuhat ang camáy, ng̃uni't hindî siyá binigyang panahón ng̃ inyong amá, at tagláy iyáng lacás na nagcácanulô ng̃ pagca siyá'y apó ng̃ mg̃a vascongado... anáng ibá'y sinuntóc daw, anáng ibá namá'y nagcasiyá, na lamang sa pagtutulac sa canyá; datapowa't ang nangyari'y ang tao'y umúgà, napalayô ng̃ iláng hacbáng at natumbáng tumamà, ang úlo sa bató. Matiwasay na ibinang̃on ni Don Rafael ang batang may sugat at canyáng dinalá sa tribunal. Sumuca ng̃ dugô ang naguing artillerong iyón at hindî na natauhan, at namatáy pagcaraan ng̃ iláng minuto. Nangyari ang caugalìan, nakialám ang justicia, piniit ang inyóng amá, at ng̃ magcagayo'y nang̃agsilitáw ang mg̃a lihim na caaway. Umulán ang mg̃a paratang, isinumbóng na siyá'y FILIBUSTERO at HEREJE: ang maguing "hereje" ay isáng casawîang palad sa lahát ng̃ lugar, lalong lalo na ng̃ panahóng iyóng ang "alcalde" sa lalawiga'y isáng taong nagpaparang̃alang siyá'y mapamintacasi, na casama ang canyáng mg̃a alílang nagdárasal ng̃ rosario sa simbahan ng̃ malacás na pananalitâ, marahil ng̃ marinig ng̃ lahat at ng̃ makipagdasal sa canya; datapuwa't ang maguíng FILIBUSTERO ay lalong masamâ cay sa maguíng "hereje," at masamâ pang lalò cay sa pumatáy ng̃ tatlóng mánining̃il ng̃ buwís na marunong bumasa, sumulat at marunong magtang̃îtangì. Pinabayàan siyá ng̃ lahát, sinamsám ang canyáng mg̃a papel at ang canyáng mg̃a libro. Isinumbóng na siyá'y tumátanggap ng̃ "El Correo de Ultramar" at ng̃ mg̃a periódicong gáling sa Madrid; isinumbóng siya, dahil sa pagpapadalá sa inyó sa Suiza alemana; dahil sa siyá'y násamsaman ng̃ mg̃a sulat at ng̃ larawan ng̃ isáng paring binitay, at ibá pang hindî co maalaman. Kinucunan ng̃ maisumbóng ang lahát ng̃ bágay, sampô ng̃ paggamit ng̃ bárong tagalog, gayóng siyá'y nagmulâ sa dugóng castilà. Cung naguing ibá sana ang inyóng amá, marahil pagdaca'y nacawalâ, sa pagcá't may isáng málicong nagsaysáy, na ang ikinamatáy ng̃ culang palad na manining̃il ay mulâ sa isáng "congestión"; ng̃uni't ang canyáng cayamanan, ang canyáng pananalig sa catuwiran at ang canyáng galit sa lahát ng̃ hindî naaayon sa cautusán ó sa catuwiran ang sa canyáng nang̃agpahamac. Acó man, sacali't malakí ang aking casuclamán sa pagluhog sa paggawâ ng̃ magalíng nino man, humaráp acó sa Capitán General, sa hinalinhan ng̃ ating Capitán General ng̃ayón; ipinaliwanag co sa canyáng hindî mangyayaring maguíng "filibustero" ang tumatangkilik sa lahát ng̃ castilang dukhâ ó naglalacbay rito, na pinatutuloy sa canyáng bahay at pinacacain at ang sa canyáng mg̃a ugát ay tumátacbo pa ang mapagcandiling dugóng castílà; ¡nawaláng cabuluháng isagót co ang aking úlo, at ang manumpâ acó sa aking carukhâan at sa aking capuriháng militar, at walâ acó ng̃ nasunduan cung dî magpakita sa akin ng̃ masamáng pagtanggáp, pagpakitâan acó ng̃ lalong masamâ sa aking pagpapaalam at ang pamagatán acó ng̃ "chiîlado"! Humintô ang matandâ ng̃ pananalità upang magpahing̃á, at ng̃ canyáng mahiwatigan ang hindî pag-imíc ng̃ canyáng casama, na pinakikinggan siyá'y hindî siyá tinítinguan, ay nagpatuloy: —Nakialam acó sa usapín sa cahing̃ian ng̃ inyóng amá. Dumulóg acó sa bantóg na abogadong filipino, ang binatang si A—; ng̃uni't tumangguí sa pagsasanggalang.—"Sa akin ay matatalo"—ang wicà sa akin.—Panggagaling̃an ang pagsasanggaláng co ng̃ isáng bagong sumbong na laban sa canyá at marahil ay laban sa akin. Pumaroon pô cayó cay guinoong M—, na masilacbóng manalumpátì, taga España at lubháng kinaaalang-alang̃anan. "Gayón ng̃a ang aking guinawâ, at ang balitang abogado ang nang̃asiwa sa "causa" na ipinagsanggalang ng̃ boong catalinuhan at caningning̃án. Datapwa't marami ang mg̃a caaway, at ang ilá'y mg̃a líhim at hindî napagkikilala. Saganà ang mg̃a sacsíng sabuát, at ang caniláng mg̃a paratang, na sa ibang lugar ay mawawal-ang cabuluhán sa isáng salitang palibác ó patuyâ ng̃ nagsásanggalang, dito'y tumitibay at tumítigas. Cung nasusunduan ng̃ abogadong mawaláng cabuluhán ang caniláng mg̃a bintáng, sa pagpapakilala ng̃ pagcacalabán-lában ng̃ canicanilang saysáy at ng̃ mg̃a saysáy niláng sarili, pagdaca'y lumálabas ang mg̃a ibáng sumbóng. Isinusumbóng niláng nang̃amcám siyá ng̃ maraming lúpà, hining̃án siyáng magbayad ng̃ mg̃a casiráan at mg̃a caluguiháng nangyari; sinabi niláng siya'y nakikipagcaibigan sa mg̃a tulisán, upang pagpitaganan nilá ang kanyáng mg̃a pananím at ang canyáng mg̃a hayop. Sa cawacasa'y nagulóng totoo ang usapíng iyón, na anó pa't ng̃ maguíng isáng taòn na'y waláng nagcacawatasáng sino man. Napilitang iwan ng̃ "alcade" ang canyáng catungculan, hinalinhán siyá ng̃ ibang, ayon sa balita'y, masintahin sa catuwiran, ng̃uni't sa casaliwâang palad, ito'y iláng buwán lamang nanatili roon, at ang napahalili sa canyá'y napacalabis naman ang pagca maibiguín sa mabuting cabayo. Ang mg̃a pagtitiis ng̃ hirap, ang mg̃a samâ ng̃ loob, ang mg̃a pagdarálitâ sa bilangguan, ó ang canyáng pagpipighatî ng̃ canyáng mapanood ang gayóng caraming gumaganti ng̃ catampalasanan sa guinawâ niyá sa caniláng mg̃a cagaling̃an, ang siyáng sumirà sa catibayan ng̃ canyáng catawang bacal, at dinapúan siyá, niyáng sakít na ang libing̃an lamang ang nacagagamot. At ng̃ matatapos na ang lahát, ng̃ malapit ng̃ tamuhín niyá, ang cahatuláng siyá'y waláng casalanan, at hindî catotohanang siyá'y caaway ng̃ Bayang España, at di siyá, ang may sala ng̃ pagcamatáy ng̃ mánining̃il, namatáy sa bilanggúang walâ sino man sa canyáng tabí. Dumatíng acó upang mapanood ang pagcalagót ng̃ canyáng hining̃á. Tumiguil ng̃ pananalitâ ang matandâ; hindi nagsalitâ si Ibarra ng̃ anó man. Samantala'y dumatíng silá sa pintúan ng̃ cuartel. Humintô ang militar, iniabót sa canyá ang camáy at nagsabi: —Binatà, ipagtanóng ninyó cay Capitang Tiago ang mg̃a paliwanag. Ng̃ayó'y ¡magandáng gabí pô! Kinacailang̃an cong tingnán cung may nangyayaring anó man. Waláng imìc na hinigpît na mairog ni Ibarra ang payat na camáy ng̃ Teniente, at hindî cumikibo'y sinundán ng̃ canyáng mg̃a matá itó, hanggáng sa dî na mátanaw. Marahang bumalíc at nacakita siyá ng̃ isáng nagdaraang carruaje; kinawayán niya ang cochero: —¡Sa Fonda ni Lala!—ang sinabing bahagyâ na mawatasan. —Marahil nanggaling itó sa calabozo—ang inisip ng̃ cochero sa canyáng sarili, sacá hinaplit ng̃ látigo ang canyáng mg̃a cabayo. Decorative motif Decorative motif V. ISANG BITUIN SA GABING MADILIM Nanhíc si Ibarra sa canyáng cuarto, na nasadacong ilog, nagpatihulóg sa isáng sillón, at canyáng pinagmasdán ang boong abót ng̃ ting̃in, na malakí ang natatanaw, salamat sa nacabucás na bintanà. Totoong maliwanag, sa caramihan ng̃ ilaw, ang catapát na báhay sa cabiláng ibayo, at dumárating hanggáng sa canyáng "cuarto" ang mg̃a masasayáng tínig ng̃ mg̃a instrumentong may cuerdas ang caramihan.—Cung hindî totoong guló ang canyáng isip, at cung siyá sana'y maibiguíng macaalam ng̃ mg̃a guinágawâ ng̃ capowâ táo'y marahil ninais niyáng mapanood, sa pamamag-itan ng̃ isáng gemelos, ang nangyayari sa kinalalagyán ng̃ gayóng caliwanagan; marahil canyáng hinang̃âan ang isá, riyán sa mg̃a cahimáhimaláng napapanood, isá riyán sa mg̃a talinghagang napakikita, na maminsanminsang nátitingnan sa mg̃a malalakíng teatro sa Europa, na sa marahan at caayaayang tínig ng̃ orquesta ay nakikitang sumisilang sa guitnâ ng̃ isáng ulán ng̃ iláw, ng̃ isáng bumúbugsong agos ng̃ mg̃a diamante at guintô, sa isáng cárikitdìkitang mg̃a pamuti, nababalot ng̃ lubháng manipís at nang̃ang̃aninag na gasa ang isáng diosa, ang isáng "silfide" na lumalacad na halos hindî sumasayad ang paa sa tinatapacan, naliliguid at inagaapayanan ng̃ maningning na sinag: sa canyáng pagdatíng ay cusang sumisilang ang mg̃a bulaclác, nagbíbigay galác, ang mg̃a sayáw, nang̃apupucaw ang matimyás na tugtugan, at ang mg̃a pulutóng ng̃ mg̃a díablo, mg̃a ninfa, mg̃a sátiro, mg̃a génio, mg̃a zagala, mg̃a ángel mg̃a pastor ay sumásayaw, guinagalaw ang mg̃a pandereta, nang̃agpapaliguidliguid at inihahandog ng̃ bawa't isá sa paanan ng̃ diosa ang canícaniláng alay. Napanood sana ni Ibarra ang cagandagandahang dalagang timbáng at matowíd ang pang̃ang̃atawán, tagláy ang mainam na pananamít ng̃ mg̃a anác na babae ng̃ Filipinas, na nangguíguitnâ sa nacaliliguid na sarisaring táo na masasayáng cumikilos at nang̃agcucumpasan. Diyá'y may mg̃a insíc, mg̃a castilà, mg̃a filipino mg̃a militar, mg̃a cura, mg̃a matatandáng babae, mg̃a dalaga, mg̃a bagongtao, at ibá pa. Na sa tabí ng̃ diosang iyón si párì Dámaso, at si párì Dámaso'y ng̃umíng̃iting catulad ng̃ isáng nasacaluwalhatîan; si Fr. Sibyla ay nakikipagsalitaan sa canyá, at iniaayos ni Doña Victorina sa canyáng pagcagandagandang buhóc ang isáng tuhog na mg̃a perla at mg̃a brillante, na cumíkislap ng̃ sarisaring kináng ng̃ culay ng̃ bahaghárì. Siyá'y maputî, nápacaputî marahil, ang mg̃a matáng halos laguing sa ibabâ ang ting̃ín ay pawang nang̃agpapakilala ng̃ isáng cálolowang cálinislinisan, at pagcâ siyá'y ng̃umíng̃itî at nátatanyag ang canyáng mapuputî at malilìt na mg̃a ng̃ípin, masasabing ang isáng rosa'y bulaclác lamang ng̃ cahoy, at ang garing ay pang̃il ng̃ gadya lamang. Sa pag-itan ng̃ nang̃ang̃aninag na damít na piña at sa paliguid ng̃ canyáng maputî at linalic na líig ay "nang̃agkikisapan," gaya ng̃ sabi ng̃ mg̃a tagalog, ang masasayáng mg̃a matá, ng̃ isáng collar na mg̃a brillante. Isáng lalaki lamang ang tila mandin hindî dumaramdam ng̃ canyáng maningníng na akit: itó'y isáng batà pang franciscano, payát, nanínilaw, putlâin, na tinátanaw na dî cumikilos ang dalaga, buhat sa maláyò, cawáng̃is ng̃ isáng estátua, na halos hindî humíhing̃á. Datapuwa't hindî nakikita ni Ibarra ang lahát ng̃itó: napapagmasdan ng̃ canyáng mg̃a matá ang ibáng bagay. Nacúculong ang isáng munting luang ng̃ apat na hubád at maruruming pader; sa isá sa mg̃a pader, sa dácong itáas ay may isáng "reja"; sa ibabaw ng̃ maramí at casuclamsuclam na yapacán ay may isáng baníg, at sa ibabaw ng̃ baníg ay isáng matandáng lalaking naghíhing̃alô; ang matandáng lalaking nahihirapan ng̃ paghing̃á ay inililing̃ap sa magcabicabilà ang mg̃a mata at umiiyac na ipinang̃ung̃usap ang isáng pang̃alan; nag-íisa ang matandáng lalaki; manacanacang náriring̃ig ang calansíng ng̃ isáng tanicalâ ó isáng buntóng-hining̃áng naglalampasan sa mg̃a pader... at pagcatapos, doon sa maláyò'y may isáng masayáng piguíng, hálos ay isáng mahalay na pagcacatowâ; isáng binata'y nagtátawa, ibinubuhos ang álac sa mg̃a bulaclác, sa guitnâ ng̃ mg̃a pagpupuri at sa mg̃a tang̃ing tawanan ng̃ mg̃a ibá. At ¡ang matandáng lalaki'y catulad ng̃ pagmumukhà ng̃a canyáng amá! ¡ang binata'y camukhâ niyá at canyáng pang̃alan ang pang̃alang ipinang̃ung̃usap na casabáy ang tang̃is! Itó ang nakikita ng̃ culang palad sa canyáng harapán. Nang̃amatáy ang mg̃a ílaw ng̃ catapát na báhay, humintô ang músìca at ang caing̃ayan, ng̃uni't náririnig pa ni Ibarra ang cahapishapis na sigáw ng̃ canyáng amá, na hinahanap ang canyáng anác sa canyáng catapusáng horas. Inihihip ng̃ catahimicán ang canyáng hungcag na hining̃a sa Maynilà, at warì mandi'y natutulog ang lahát sa mg̃a bísig ng̃ walâ; náriring̃ig na nakikipaghalínhinan ang talaoc ng̃ manóc sa mg̃a relój ng̃ mg̃a campanario at sa mapangláw na sigáw na "alerta" ng̃ nayáyamot na sundalong bantáy; nagpapasimulâ ng̃ pagsung̃aw ang capirasong bowán; wari ng̃a'y nang̃agpapahing̃aláy na ang lahát; si Ibarra man ay natutulog na ri't marahil ay napagál sa canyáng malulungcot na mg̃a caisipán ó sa paglalacbáy. Ng̃uni't hindî tumutulog, nagpúpuyat, ang batang franciscanong hindî pa nalalaong nakita nating hindî cumikilos at hindî umíimic. Napapatong ang síco sa palababahan ng̃ durung̃awan ng̃ canyáng "celda" at saló ng̃ pálad ng̃ camáy ang putlai't payát na mukhâ, canyáng pinanonood sa maláyò ang isáng bituing numíningning sa madilím na lang̃it. Namutlâ at nawalâ ang bituwin, nawalâ rin ang mg̃a bahagyáng sínag nang nagpápatay na bowán; ng̃uni't hindî cumilos ang fraile sa canyáng kinálalagyan: niyao'y minamásdan niyá, ang malayong abót ng̃ ting̃ing napapawî sa ulap ng̃ umaga sa dacong Bagumbayan, sa dacong dagat na nágugulaylay pa. Decorative motif Decorative motif VI. CAPITANG TIAGO Sundin namán ang loob mo dito sa lupa! Samantalang natutulog ó nag-aagahan ang ating mg̃a guinoo'y si Capitang Tiago ang ating pag-usapan. Cailán ma'y hindî tayo naguíng panauhín niyá, walâ ng̃a tayong catuwiran ó catungculang siyá'y pawaláng halagá at huwág siyáng pansinín, cahi't sa mahalagáng capanahunan. Palibhasa'y pandác, maliwanag ang culay, bilóg ang catawán, at ang mukhâ, salamat sa saganang tabâ, na alinsunod sa mg̃a nalúlugod sa canyá'y galing daw sa lang̃it, at anáng mg̃a caaway niyá'y galing daw sa mg̃a dukhâ, siyá'y mukháng bátà cay sa tunay niyáng gulang: sino ma'y maniniwalang tatatlompo't limang taón lamang siyá. Táong banál ang laguing anyô ng̃ canyáng pagmumukhâ ng̃ panahóng nangyayari ang sinasaysay namin. Ang báo ng̃ canyáng úlong bilóg, maliit at nalalaganapan ng̃ buhóc na casing itím ng̃ luyong, mahabà sa dacong harapán at totoong maiclî sa licuran; hindî nagbabago cailán man ng̃ anyô ang canyáng mg̃a matang malilíit man ay dî singkít na gaya ng̃ sa insíc, mahayap na hindî sapát ang canyáng ilóng, at cung hindî sana pumang̃it ang canyáng bibíg, dahil sa napacalabís na pagmamascada niyá at pagng̃àng̃à, na sinisimpan ang sapá sa isáng pisng̃í, na siyáng nacasisirà ng̃ pagcacatimbang ng̃ tabas ng̃ mukhâ, masasabi naming totoong magalíng ang canyáng paniniwalà at pagpapasampalatayáng siyá'y magandáng lalaki. Gayón mang napapacalabis ang canyáng pananabaco't pagng̃àng̃à ay nananatiling mapuputî ang canyáng mg̃a sariling ng̃ipin, at ang dalawang ipinahirám sa canyá ng̃ dentista, sa halagáng tiglalabing dalawang piso ang bawa't isá. Ipinalalagay na siyá'y isá sa mg̃a lalong mg̃a mayayamang "propietario" sa Binundóc, at isá sa lalong mg̃a pang̃ulong "hacendero", dahil sa canyáng mg̃a lúpà sa Capampang̃an at sa Laguna ng̃ Bay, lalonglalò na sa bayan ng̃ San Diego, na doo'y itinataas taón taón ang buwis ng̃ lúpà. Ang San Diego ang lalong naiibigan niyáng báyan, dahil sa caligaligayang mg̃a páliguan doon, sa balitang sabung̃án, ó sa mg̃a hindî niyá nalilimot na canyáng naaalaala: doo'y nátitira siyá ng̃ dalawáng buwán sa bawa't isáng taón, ang cadalian. Maraming mg̃a báhay si Capitang Tiago sa Santo Cristo, sa daang Anloague at sa Rosario. Siyá't isáng insíc ang may hawác ng̃ "contrata" ng̃ opio at hindî ng̃a cailang̃ang sabíhing silá'y nang̃agtutubò ng̃ lubháng malakí. Siyá ang nagpapacain sa mg̃a bilanggô sa Bilibid at nagpapádala ng̃ damó sa maraming mg̃a pang̃ulong báhay sa Maynilà; dapat unawâing sa pamamag-itan ng̃ "contrata." Casundô niyá ang lahát ng̃ mg̃a pinunò, matalinò, magalíng makibagay at may pagcapang̃ahás, pagcâ nauucol sa pagsasamantalá ng̃ mg̃a pagcâ iláng ng̃ ibá; siyá ang tang̃ing pinang̃ang̃anibang capang̃agáw ng̃ isáng nagng̃ang̃alang Perez, tungcól sa mg̃a "arriendo" at mg̃a "subasta" ng̃ mg̃a sagutin ó pang̃ang̃atungculang sa towi na'y ipinagcacatiwálâ ng̃ Gobierno ng̃ Filipinas sa mg̃a camáy ng̃ mg̃a "particular". Cayâ ng̃a't ng̃ panahóng nangyayari ang mg̃a bagay na itó, si Capitang Tiago'y isáng taong sumasaligaya; ang ligaya bagáng macacamtan sa mg̃a lupaíng iyón ng̃ isáng táong maliit ang báo ng̃ úlo: siyá'y mayaman, casundô ng̃ Dios, ng̃ Gobierno at ng̃ mg̃a táo. Na siyá'y casundô ng̃ Dios, itó'y isáng bagay na hindî mapag-aalinlang̃anan: halos masasabing marapat sampalatayanan: waláng cadahilanan upang mácagalit ng̃ mabaít na Dios, pagcâ magalíng ang calagayan sa lúpà, pagcâ sa Dios ay hindî nakikipag-abot-usap cailán man, at cailán ma'y hindî nagpapautang sa Dios ng̃ salapî. Cailán ma'y hindî nakipag-usap sa Dios, sa pamamag-itan ng̃ mg̃a pananalang̃in, cahi't siyá'y na sa lalong malalakíng mg̃a pagcaguipít; siyá'y mayaman at ang canyáng salapî ang sa canyá'y humahalili sa pananalang̃in. Sa mg̃a misa at sa mg̃a "rogativa'y" lumaláng ang Dios ng̃ mg̃a macapangyarihan at mg̃a palalong mg̃a sacerdote. Lumaláng ang Dios, sa canyáng waláng hanggáng cabaitan, ng̃ mg̃a dukhâ, sa iguiguinhawa ng̃ mg̃a mayayaman, mg̃a dukháng sa halagáng piso'y macapagdarasal ng̃ cahi't labing anim na mg̃a misterio at macababasa ng̃ lahát ng̃ mg̃a santong libro, hanggáng sa "Biblia hebráica" cung daragdagan ang bayad. Cung dahil sa isáng malakíng caguipita'y manacánacáng kinacailang̃an ang mg̃a saclolo ng̃ calang̃itan at waláng makita agád cahi't isáng candilang pulá ng̃ insíc, cung magcagayo'y nakikiusap na siyá sa mg̃a santo at sa mg̃a santang canyáng pintacasi, at ipinang̃ang̃acò sa canilá ang maraming bagay upang silá'y mapilitan at lubós mapapaniwalaang tunay na magalíng ang canyáng mg̃a hang̃ád. Datapuwa't ang totoong lálò niyáng pinang̃ang̃acuan at guináganapan ng̃ mg̃a pang̃acò ay ang Virgen sa Antipolong Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje; sapagcá't sa iláng may caliliitang mg̃a santo'y hindî ng̃a lubháng gumáganap at hindî rin totoong nag-uugaling mahál ang táong iyón; ang cadalasa'y pagcâ kinamtán na niyá ang pinipita'y hindî na muling nágugunítà ang mg̃a santong iyón; tunay ng̃a't hindî na namán silá mulíng liniligalig niyá, at cung sacali't napapanaho'y talastás ni Capitáng Tiagong sa calendario'y maraming mg̃a santong waláng guinágawâ sa lang̃it marahil. Bucód sa roo'y sinasapantáhà niyáng malakí ang capangyariha't lacás ng̃ Virgen de Antipolo cay sa mg̃a ibáng Virgeng may dalá mang bastóng pilac, ó mg̃a Niño Jesús na hubó't hubád ó may pananamít, ó mg̃a escapulario, mg̃a cuintás ó pamigkís na cuero ("correa"): marahil ang pinagmumulaàn nitó'y ang pagcâ hindi mápalabirô ang Guinoong Babaeng iyón, mápagmahal sa canyáng pang̃alan, caaway ng̃ "fotografía", ayon sa sacristán mayor sa Antipolo, at sacâ, pagca siya'y nagagalit daw ay nang̃íng̃itim na cawang̃is ng̃ luyong, at nanggagaling namán sa ang ibáng mg̃a Virgen ay may calambután ang púsò at mapagpaumanhin: talastás ng̃ may mg̃a táong iniibig pa ang isáng haring "absoluto" cay sa isáng haring "constitucional", cung hindî náriyan si Luis Catorce at si Luis Diez y Seis, si Felipe Segundo at si Amadeo Primero. Sa cadahilanan ding itó marahil cayâ may nakikitang mg̃a insíc na di binyagan at sampóng mg̃a castilang lumalacad ng̃ paluhód sa balitang sambahan; at ang hindî lamang napag-uusísà pa'y ang cung bakit nang̃agtatanan ang mg̃a curang dalá ang salapî ng̃ casindácsindác na Larawan, napasa sa América at pagdatíng doo'y napacácasal. Ang pintuang iyán ng̃ salas, na natátacpan ng̃ isáng tabing na sutlâ ay siyáng daang patung̃ó sa isáng maliit na capilla ó pánalang̃inang dî dapat mawalâ sa alin mang báhay ng̃ filipino: naririyan ang mg̃a "dios lar" ni capitan Tiago, at sinasabi naming mg̃a "dios lar," sa pagca't lalong minamágaling ng̃ guinoong ito ang "politeismo" cay sa "monoteismo" na cailan ma'y hindî niyá naabót ng̃ pag-iisip. Doo'y may napapanood na mg̃a larawan ng̃ "Sacra Familia" na pawang garing mulâ, sa ulo hangang dibdib, at gayon din ang mg̃a dacong dulo ng̃ mg̃a camáy at paa, cristal ang mg̃a matá, mahahabà ang mg̃a pilíc matá at culót at culay guintô ang mg̃a buhóc, magagandáng yárì ng̃ escultura sa Santa Cruz. Mg̃a cuadrong pintado ng̃ óleo ng̃ mg̃a artistang taga Pácò at taga Ermita, na ang naroroo'y ang mg̃a pagpapasakít sa mg̃a santo, ang mg̃a himalâ ng̃ Vírgen at iba pa; si Santa Lucíang nacatitig sa lang̃it, at hawác ang ísáng pinggáng kinalalagyan ng̃ dalawá pang matáng may mg̃a pilìc-matá at may mg̃a kílay, na catulad ng̃ napapanood na nacapintá sa "triángulo" ng̃ Trinidad ó sa mg̃a "sarcófago egipcio"; si San Pascual Baylon, San Antonio de Padua, na may hábitong guingón at pinagmámasdang tumatang̃is ang isáng Niño Jesús, na may damit Capitan General, may tricornio, may sable at may mg̃a botang tulad sa sayáw ng̃ mg̃a musmós na batà sa Madrid: sa ganáng cay Capitan Tiago, ang cahulugan ng̃ gayóng anyó'y cahi't idagdág ng̃ Dios sa canyáng capangyarihan ang capangyarihan ng̃ isáng Capitang General sa Filipinas, ay paglalaruan din siyá ng̃ mg̃a franciscano, na catulad ng̃ paglalarò sa isáng "muñeca" ó larauang taotauhan. Napapanood din doon ang isáng San Antonio Abad, na may isáng baboy sa tabí, at ang ísip ng̃ carapatdapat na Capitan, ang baboy na iyó'y macapaghihimalâng gaya rin ni San Antonio, at sa ganitóng cadahilana'y hindî siyá, nang̃ang̃ahás tumawag sa hayop na iyón ng̃ "baboy" cung dî "alágà ng̃ santo señor San Antonio;" isáng San Francisco de Asís na may pitông pacpác at may hábitong culay café, na nacapatong sa ibabaw ng̃ isáng San Vicente, na walâ cung dî dádalawang pacpac, ng̃uni't may dalá namáng isáng cornetín; isáng San Pedro Mártir na biyác ang ulo, at tang̃an ng̃ isáng dî binyagang nacaluhod ang isâng talibóng ng̃ tulisán, na na sa tabi ng̃ isáng San Pedro na pinuputol ang taing̃a ng̃ isáng moro, na marahil ay si Malco, na nang̃ang̃atlabi at napapahindîc sa sakít, samantalang tumatalaoc at namamayagpag ang sasabung̃ing nacatuntong sa isáng haliguing "dórico", at sa bagay na ito'y inaacalà ni Capitang Tiago, na nacararating sa paguiguîng santo ang tumagâ at gayon din ang mátagà. ¿Sino ang macabibilang sa hucbóng iyón ng̃ mg̃a larawan at macapagsasaysay ng̃ mg̃a canicanyáng túng̃o't mg̃a cagaling̃ang doo'y natitipon?!Hindî ng̃a magcacasiyang masabi sa isáng capítulo lamang! Gayón ma'y sasabihin din namin ang isáng magandang San Miguel, na cahoy na dinorado at pinintahán, halos isáng metro ang táas: nang̃ang̃atábì ang arcángel, nanglilisic ang mg̃a mata, cunót ang noo at culay rosa ang mg̃a pisng̃í; nacasuot sa caliwáng camay ang isáng calasag griego, at iniyayambâ ng̃ canan ang isang kris joloano, at handang sumugat sa namimintacasi ó sa lumapit sa canyá, ayon sa nahihiwatigan sa canyáng acmâ at pagting̃íng hindî ang tung̃o'y sa demoniong may buntót at may mg̃a sung̃ay na ikinacagat ang canyáng mg̃a pang̃il sa bintíng dalaga ng̃ arcángel. Hindî lumalapit sa canyá cailán man si Capitang Tiago, sa tacot na bacâ maghimalâ. ¿Mamacailán bagáng gumaláw na parang buháy ang hindî lamang iisáng larawan, cahi't anóng pagcapang̃itpang̃it ang pagcacágawang gaya ng̃ mg̃a nanggagaling sa mg̃a carpintería sa Paete, at ng̃ mang̃ahiyâ at magcamít caparusahán ang mg̃a macasalanang hindî nananampalataya? Casabiháng may isáng Cristo raw sa España, na nang siyá'y tawaguing sacsí ng̃ mg̃a nang̃acò sa pagsinta, siyá'y sumang-ayo't nagpatotoo, sa pamamag-itan ng̃ minsang pagtang̃ô ng̃ úlo sa haráp ng̃ hucóm; may isáng Cristo namáng tinanggál sa pagcapácò ang canang camáy upang yacapin si Santa Lutgarda; at ¿anó? hindî ba nababasa ni Capitang Tiago sa isáng maliit na librong hindî pa nalalaong inilalathalà, tungcol sa isáng pagsesermong guinawâ sa pamamag-itan ng̃ tinang̃òtang̃ô at kinumpáscumpás ng̃ isáng larawan ni Santo Domingo sa Soriano? Waláng sinabing anó man lamang salitâ ang santo; ng̃uni't naacalà ó inacalà ng̃ sumulat ng̃ librito, na ang sinabi ni Santo Domingo sa cany?

Use Quizgecko on...
Browser
Browser