Aralin 1: Globalisasyon PDF
Document Details
Uploaded by Deleted User
Tags
Summary
Ang dokumentong ito ay isang panimulang lektura tungkol sa globalisasyon. Nakasaad dito ang kahulugan at kasaysayan ng globalisasyon sa daigdig. Tinalakay din ang mga dahilan ng pagsilang nito, at ang mga positibo at negatibong epekto nito.
Full Transcript
**[KAHULUGAN NG GLOBALISASYON]** Ang Globalisasyon ay tumutukoy sa malaya at malawakang pakikipag-ugnayan ng mga bansa sa mga gawaing pampulitika, pangkabuhayan, panlipunan, panteknolohiya, at pangkultural. Ayon kay Ritzer (2011) - ito ay proseso ng mabilisang pagdaloy o paggalaw ng mga tao, bagay,...
**[KAHULUGAN NG GLOBALISASYON]** Ang Globalisasyon ay tumutukoy sa malaya at malawakang pakikipag-ugnayan ng mga bansa sa mga gawaing pampulitika, pangkabuhayan, panlipunan, panteknolohiya, at pangkultural. Ayon kay Ritzer (2011) - ito ay proseso ng mabilisang pagdaloy o paggalaw ng mga tao, bagay, impormasyon at produkto sa iba't ibang direksiyon na nararanasan sa iba't ibang panig ng daigdig. Batay naman sa sinabi ni Macromer Luis (2018), ang globalisasyon ay ang kaparaanan kung paano nagiging global ang mga lokal na produkto o serbisyo. Nakatulong ang globalisasyon sa malayang pag-ikot ng mga produkto at serbisyo sa bawat bansa sa daigdig. Sinasalamin ng globalisasyon ang makabagong mekanismo upang higit na mapabilis ng tao ang ugnayan sa bawat isa. Itinuturing din ito bilang proseso ng interaksyon at integrasyon sa pagitan ng mga tao, kompanya, bansa o maging ng mga samahang pandaigdig na pinabibilis ng kalakalang panlabas at pamumuhunan sa tulong ng makabagong teknolohiya at larangan ng impormasyon. Paano nga ba nagsimula ang globalisasyon? **[KASAYSAYAN NG GLOBALISASYON SA DAIGDIG]** Nakatulong nang malaki sa pagsisimula ng globalisasyon ang tinatawag na *Silk Road.* Malaki ang ginampanang papel ng mga rutang ito sa kalakalan sa pagitan ng Tsina at mga bansa sa Gitnang Silangang Asya at Europa sa pagitan ng Ika-12 Siglo hanggang Ika-18 Siglo. Hindi matatawaran ang kontribusyon nito sa pagpapalawak sa palitan ng mga kaalaman at ideya ng mga tao kasama ang mga produktong nagmula sa Tsina tulad ng telang seda, mga porselana at mga sangkap pampalasa o *spices* na mula sa Silangan patungo sa Europa. Isa pang pangyayari sa kasaysayan ng daigdig na nagpalakas sa paglawak ng globalisasyon ay ang ginawang pananakop ni Alexander the Great sa Timog-Silangang Asya, Hilagang Aprika at Katimugan ng Europa dala ang kultura ng makalumang Gresya. Nagbunga ito ng pagsasama ng Kulturang Kanluranin at Silanganin na higit na kilala sa tawag na Kulturang Hellenistiko. Pinalakas din ng Panahon ng Pagtuklas at Pananakop ang globalisasyon. Itinulak ng panghahangad ng mga Europeo na makatuklas ng mga panibagong rutang pangkalakalan patungo sa Silangan ang pagsisimula ng kapanahunan na ito mula unang bahagi ng ika-15 siglo hanggang mga unang bahagi ng ika-17 siglo. Ang mga bansang Europeo tulad ng Spain, Portugal, Netherlands at England ay naging masigasig sa panggagalugad ng mga bagong lupain na mapagkukunan ng mga likas na yaman at produktong madadala nila sa pamilihan ng Europa. Sa pamamagitan ng pananakop, nagkaroon sila ng mga bagong kolonya na magagawa nilang mga pamilihan at mapagdadalhan ng kanilang mga sobrang produkto. Ang pagsilang ng Rebolusyong Industriyal sa England noong Ika-19 na siglo ay isa rin sa mga pangyayaring nagpayabong sa globalisasyon. Maraming makabagong imbensyon at makinarya ang lalo pang nagpaunlad sa industriyalisasyon sa Europa. Sumilang ang sistema ng pagpapabrika na nagbunga ng malawakang pangangailangan sa mga hilaw na materyales. Ang pag-unlad ng teknolohiya noong Ika-20 siglo ang lalo pang nagpabilis ng paglaganap ng globalisasyon sa daigdig. Naging mabilis ang komunikasyon nang maimbento ang telepono at paglawak ng sistema ng koreo. Bumilis din ang paglalakbay dahil sa pag-unlad sa larangan ng transportasyong panghihimpapawid. Sa pagsisimula ng ika-21 siglo lalong lumawak ang malayang kalakalan sa daigdig kasabay ang pagsilang ng *Information Age* na nagpabilis sa paglilipat ng mga kaalaman sa mga kontinente dulot ng paggamit ng mga *satellite* at *fiber optic* na nagkokonekta sa mga bansa sa *World Wide Web.* **[DAHILAN NG PAGSILANG NG GLOBALISASYON]** Ang pagsilang ng globalisasyon ay bunga na rin ng paghahangad ng tao na matustusan ang lahat ng kanyang pangangailangan upang mabuhay. Dahil dito kinikilala ng mga bansa sa daigdig na hindi sila mabubuhay nang walang pakikipag-ugnayan sa bawat isa. Ito ang dahilan upang ang mga bansa ay humanap ng mga paraan upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga mamamayan. **[MGA EPEKTO NG GLOBALISASYON]** Sa kasalukuyang panahon, nanatili pa rin na isang kontrobersyal na isyu ang globalisasyon. Hati ang pananaw ng mga tao tungkol dito. Ang mga sumusunod ay mga positibo at negatibong epekto ng globalisasyon: **POSITIBONG EPEKTO** 1. Umunlad ang kalakalang pandaigdig na nauwi sa paglago ng pandaigdigang transaksyon sa pananalapi bunga ng pagkaroon ng Pandaigdigang Pamilihan. 2. Lumaki ang produksyon ng mga kalakal at serbisyo kasabay ang pagtaas ng bilang ng mga trabaho na bunga ng paglawak ng pamumuhunan ng mga dayuhang mangangalakal. Dumami ang mga Transnasyunal at Multinasyunal na mga korporasyon. 3. Nalansag ang epekto ng "Cold war" na nagbunga ng malapit na ugnayan ng mga bansa. Nagbunga ito ng pagtatayo ng mga pandaigdigan at panrehiyong samahan ng mga bansa tulad ng UNITED NATIONS, ASEAN, APEC at marami pang iba. 4. Umunlad ang larangan ng agham na nakatulong sa pagtuklas ng mga gamot sa iba't ibang sakit at mga epidemya. Sa kasalukuyan ay patuloy ang pag-aaral upang makatuklas ng gamot at vaccine para sa Covid 19. **[NEGATIBONG EPEKTO ]** 1. Nalugi ang mga lokal na industriya dulot ng malakas na kompetisyon mula sa mga dambuhalang korporasyon. Lalo pang humina ang mga lokal na negosyo dahil sa pag-aalis ng mga patakarang nagbibigay proteksyon sa mga ito. Nagbunga ito ng malawakang kawalan ng trabaho at pagtaas ng antas ng kahirapan. 2. Bumaba ang halaga ng sahod ng mga manggagawa dahil sa paglakas ng kompetisyon sa paggawa. Maraming mga pabrika ang gumagamit na ng mga makinarya sa paggawa ng produkto na lalong nagpababa sa pangangailangan sa mga manggagawa. 3. Pagkasira ng kalikasan dahil sa hindi tamang paggamit sa mga pinagkukunan ng mga sangkap sa paggawa ng produkto. Naging talamak na suliranin ang polusyon sa hangin at tubig dulot ng industriyalisasyon. 4. Dahil sa pag-unlad sa larangan ng transportasyon naging mabilis ang paglalakbay ng mga tao sa halos lahat ng sulok ng daigdig. Nagbunga ito ng pagkakaroon ng mga pandaigdigang pandemya. Noong 2003 kumalat sa buong daigdig ang SARS (Severe Acute Respiratory Syndrome) na nagmula sa Hongkong at Tsina. Noong 2014 kumalat ang Ebola mula sa Aprika. Noong 2015 ang MERS-CoV or Middle East Respiratory Syndrome na nagmula sa mga bansang Arabyano particular na ang Saudi Arabia kung saan naitala ang unang kaso nito noong 2012 at ngayong 2019 ang New Corona Virus o mas higit na kilala sa tawag na COVID-19 na mula sa Tsina.