Pamamahayag, Ekonomiya at Wika (Agosto 2, 2007) - Danilo Arao - PDF
Document Details
Uploaded by Deleted User
2007
Danilo Arao
Tags
Related
- Kontemporaryong Isyu PDF
- Mga Isyu sa Pamamahala at Pagharap sa Disaster - Araling Panlipunan 10
- Araling Panlipunan 10 Mga Tala sa Pag-iingat ng Basura at Kagubatan PDF
- Aralin-4.2 PAMAMAHALA NG MGA AMERIKANO PDF
- Pinagmulan ng Lalawigan ayon sa Batas PDF
- Balangkas ng Pamahalaang Kolonyal ng Amerika sa Pilipinas PDF
Summary
Ang artikulong ito ay isang opinyon ni Danilo Arao na tumatalakay sa konteksto ng pamamahayag sa Pilipinas noong Agosto 2, 2007. Tinalakay dito ang mga isyu sa paggamit ng Filipino sa pamamahayag at ang posibleng impluwensiya ng Ingles.
Full Transcript
**Pamamahayag, ekonomiya at wika** **Danilo Arao** ***Konteksto* Pinoy Weekly Taon 6 Blg 29 Agosto 2, 2007** **Hindi kita masisisi kung sa tingin mo'y tabloid lang ang kababagsakan ng mga mamamahayag na gustong magsulat sa Filipino. At kapag sinabing "pamamahayag" na pang-tabloid, maramin...
**Pamamahayag, ekonomiya at wika** **Danilo Arao** ***Konteksto* Pinoy Weekly Taon 6 Blg 29 Agosto 2, 2007** **Hindi kita masisisi kung sa tingin mo'y tabloid lang ang kababagsakan ng mga mamamahayag na gustong magsulat sa Filipino. At kapag sinabing "pamamahayag" na pang-tabloid, maraming may opinyong ito ay ang sensasyonal na pagbabalita ng mga krimen at tsismis sa showbiz.** Kahit ang karamihan sa mga programa sa radyo at telebisyon na gumagamit ng Filipino ay mas nagbibigay ng atensiyon sa krimen at tsismis, pati na rin sa trivia at press release. Mayroon mang seryosong mga balita sa pulitika, ekonomiya at kultura, walang sapat na oras para magpalalim sa pagbibigay ng mga datos at pagsusuri sa maiinit na isyung kinakaharap ng ating bansa. Sa madaling salita, nakikita rin natin ang tinatawag na tabloidization ng radyo at telebisyon, at minsa'y isinisisi ito sa paggamit ng sariling wika sa paghahatid ng balita. Ang ganitong mababang pagtingin sa paggamit ng Filipino sa pamamahayag ay mauugat hindi lang sa klase ng karamihan sa mga tabloid at mga programa sa radyo at telebisyon na natutunghayan natin araw-araw. Sa konteksto ng kultura, ang paggamit ng wika ay depende sa uring kinabibilangan -- Filipino para sa karamihan, Ingles naman para sa iilan. Ang una ay para sa pinagkakaitan, ang huli ay para sa mga nasa kapangyarihan. Dahil ang mga nagkapag-aral sa ating bansa ay produkto ng isang klase ng edukasyong ipinamana ng EU (Estados Unidos), may malaking pagtatangi sa mga taong kayang magsalita at magsulat sa wikang Ingles. Noong nasa elementarya pa ako, pinagmumulta kami kapag nahuling nagsasalita ng wikang Filipino kahit oras ng recess. Para sa mga titser namin noon, isa raw itong epektibong paraan para matuto kaming magsalita ng wikang Ingles. Sa mura naming edad, idiniin ang pangangailangang maging mahusay sa Ingles para sa aming personal na pag-unlad. Sa ngayon, may mga tinatawag na English-speaking zone sa ilang eskuwelahan sa elementarya, hayskul at kolehiyo. At dahil ang administrasyong Macapagal-Arroyo ay idineklara nang Ingles ang dapat na midyum ng pagtuturo sa mga eskuwelahan, asahan nating mas bibigyang pansin pa ang pagpapataas ng English proficiency sa mga estudyante. Hindi man tinanggal ang pagtuturo ng wikang Filipino, malinaw namang mas tinututukan ngayon ang pagpapahusay sa pagsusulat at pagsasalita sa wikang Ingles. May direktang kaugnayan ang polisiyang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa pang-ekonomiyang direksiyon ng ating bansa. Hindi ba't kailangan ang kahusayan sa wikang Ingles kung ang ating ekonomiya ay nakatutok sa pagpapaunlad ng eksport at dayuhang pamumuhunan? Ang outward-looking na oryentasyon ng ekonomiya ay mangangailangan ng mga Pilipinong may kaalaman sa Ingles, ang tinaguriang wika ng pandaigdigang negosyo. Tandaan nating ang ineeksport ng Pilipinas ay hindi lang mga produkto, kundi mga tao mismo. Ayon sa datos ng pamahalaan, tinatayang 3,000 Pilipino ang umaalis araw-araw para makipagsapalaran sa ibang bansa. Para sa mga gustong manatili sa Pilipinas, napipilitan silang pumasok bilang call center agents dahil sa hindi hamak na mataas na kita kahit na ang oras ng kanilang trabaho ay sa panahong tulog ang karamihan sa populasyon. Sa ganitong klaseng trabaho -- mula sa tinaguriang umuunlad na industriya sa ating bansa -- malaking bentahe ang pagiging matatas sa wikang Ingles. Sa okasyon ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, kailangang suriin hindi lang ang kahalagahan ng wikang Filipino kundi ang mga polisiya't programa ng pamahalaan na sa halip na palakasin ang lokal na ekonomiya ay patuloy na umaasa sa labas para sa minimithing pag-unlad. May direktang kaugnayan ang pagpapalakas ng wikang Ingles sa nasabing mga polisiya't programa dahil mas mahalaga, para sa mga nasa kapangyarihan, ang komunikasyon sa pagitan ng mga Pilipino't dayuhan sa halip na sa pagitan ng mga Pilipino mismo. Totoo mang ang klase ng pamamahayag sa wikang Filipino ay maiuugat sa ating kultura, tandaan sana nating hindi lahat ng tabloid sa kasalukuyan ay sensasyonal ang pagbabalita. May ilang babasahing para sa masa na pinipilit na pataasin ang antas ng diskusyon ng mga isyung kinakaharap natin ngayon. Kasama sa iilang ito ang binabasa mo ngayon!