Modyul 5: Kakayahang Komunikatibo ng mga Pilipino PDF

Summary

Ang dokumentong ito ay naglalahad ng mga konsepto ng kakayahang sosyolingguwistika sa Filipino, na naglalarawan kung paano nagbabago ang paggamit ng wika depende sa konteksto. Nasasaklawan din nito ang mga konsiderasyon sa mabisang komunikasyon, tulad ng setting, participants, at ang layunin ng usapan.

Full Transcript

Modyul 5 KAKAYAHANG KOMUNIKATIBO NG MGA PILIPINO KAKAYAHANG SOSYOLINGGUWISTIK Nag-iiba ang paggamit ng wika ng isang indibidwal depende sa taong kanyang kausap. Minsan iniaayon din niya ito sa lugar kung saan siya naroon at kaniya ring kinokonsidera ang paksa ng usapin na...

Modyul 5 KAKAYAHANG KOMUNIKATIBO NG MGA PILIPINO KAKAYAHANG SOSYOLINGGUWISTIK Nag-iiba ang paggamit ng wika ng isang indibidwal depende sa taong kanyang kausap. Minsan iniaayon din niya ito sa lugar kung saan siya naroon at kaniya ring kinokonsidera ang paksa ng usapin na tinatalakay. Lahat ng mga ito ay paktor na bibigyang-pansin ng isang indibidwal sa kanyang pakikipag-ugnayan sa iba. Bakit nga ba ito ginagawa ng mga taong nasasangkot sa isang komunikatibong gawain? Malaki ang kinalaman dito ng konsepto ng kakayahang sosyolingguwistiko na ipinakilala nina Canale at Swain (1983) at ipinaliwanag din ni Savignon sa Communicative Competence Theory and Classroom Practice: Text and Context in Second Language Learning (1997) sa kanyang mas malalimang pagtingin dito sa konteksto ng pagtuturo ng wika. Ano nga ba ang kakayahang sosyolingguwistik? Sa pagpapaliwanag ni Savignon (1997), sinabi niyang ang kakayahang sosyolingguwistik ay isang kakayahan ng gumagamit ng wika na nangangailangan ng pag-unawa sa konteksto ng lipunan kung saan niya ito ginagamit. Kabilang sa pag- unawang ito ang kaalaman sa gampanin ng mga kasangkot sa komunikasyon, ang mga ibinabahagi nilang kaalaman, at ang tunguhin ng pag-uugnayang nagaganap. Sinabi rin niyang sa sapat lamang na kaalaman sa mga bagay na ito masasabing angkop ang isang pahayag. Gaya ng kakayahang gramatikal, mahalaga ito sa mabisang komunikasyon, sapagkat ang bawat sitwasyong komunikatibo – halimbawa ay usapang tahanan, komunidad, paaralan, simbahan, palengke, chat/internet, forum at iba pa – ay nakaaapekto sa pormalidad o impormalidad ng pagpapahayag ng mga kasangkot o aktor sa komunikasyon. Sa tahanan, komunidad, palengke at chat ay karaniwang impormal o conversational ang paraan ng pagpapahayag, habang sa paaralan at simbahan naman ay karaniwang pormal. Kung tutuusin, mas maluwag din ang pagpapatupad sa mga tuntunin sa ortograpiya o pagbabaybay at maging sa iba pang aspekto ng gramatika, sa sitwasyong komunikatibo sa Internet, sapagkat malaya ang nasabing forum at walang may kakayahang magdikta o magtakda ng mga tuntunin sa komunikasyon doon. Mga Konsiderasyon sa Mabisang Komunikasyon Sa unang kabanata, nabanggit na ang wika ay hindi lamang pinipili. Upang maging mabisa ang komunikasyon, kailangan din itong isaayos. Si Dell Hymes (sa Tumangan, et al., 2000) ay nagbigay ng ilang mungkahi kung paano dapat isaayos ang paggamit ng wika. Ayon kay Hymes, kailangang isaalang-alang ang ilang konsiderasyon upang matiyak na magiging mabisa ang komunikasyon. Ginamit niya ang akronim na S.P.E.A.K.I.N.G. 1. Setting (Saan nag-uusap?) Hindi maaaring ang pakikipag-usap sa kaibigan sa gitna ng lansangan ay maging katulad ng pakikipag-usap sa kanya sa loob ng simbahan. Ang lugar ay may malaking impluwensya sa komunikasyon. Kung hindi ito isaalang-alang, maaari kang mapagkamalang bastos o walang pinag-aralan. Subukan mong magsisigaw sa loob ng inyong klase. Ano kaya ang kahihinatnan mo? 2. Participants (Sino ang kausap?) Mahalagang isaalang-alang din kung sino ang kausap o kinakausap. Dapat ding magbago-bago ang paraan ng ating pakikipagtalastasan depende sa kung sino ang taong nasa ating harapan o di kaya’y sinusulatan. Halimbawa, maaari mong sabihing Pare, pahiram nga ng bolpen mo sa iyong kaibigan, ngunit hindi mo maaaring sabihin iyon sa iyong ama. Subukan mo kayang sabihin iyon sa kanya, ano kaya ang magiging reaksyon niya? Bakit? Paano ba ang angkop na pahayag kung ang gayong diwa ay sasabihin mo sa kanya? 3. Ends (Ano ang layunin sa pag-uusap?) Mga layunin o pakay ng pakikipagtalastasan. Dapat bigyan ng konsiderasyon ang pakay o layunin sa pakiipag-usap. Hindi ba’t kung tayo ay hihingi ng pabor ay gumagamit tayo ng paraang nagpapakita ng pagpapakumbaba? At kung nais din nating kumbinsihin ang kausap ay iba ang ating pamamaraan? Samakatuwid, nararapat na isaalang-alang ang layunin natin upang maiangkop natin ang paraan ng ating pakikipagtalastasan. 4. Act Sequence (Paano ang takbo ng usapan?) Ang komunikasyon ay dinamiko. Samakatuwid, maging ang isang usapan ay nagbabago. May mga usapang nagsisimula sa biruan, napupunta sa asaran, humahantong sa pikunan at nauuwi sa awayan. Pansinin ang takbo ng usapang ito na maaaring nagsimula sa kindatan, napunta sa pagpapakilala, humantong sa kuwentuhan at nauwi sa hatiran. Ano sa palagay mo ang susunod na takbo ng kanilang usapan? Kung ikaw ay isang babaeng walang interes na magpaligaw, ano ang gagawin mo sa unang yugto pa lamang ng pakikipag-usap sa isang lalaki? 5. Keys (Pormal ba o Impormal ang usapan?) Nakakita ka na ba ng isang taong nakakamiseta at naka-shorts sa isang debut party? O di kaya’y ng isang taong naka-gown o barong-Tagalog habang naglalaro ng basketball o volleyball? Parang ganito rin ang magiging hitsura mo kung hindi mo isaalang-alang ang pormalidad ng isang okasyon sa iyong pakikipag-usap sa ibang tao? Kung gayon, kung pormal ang okasyon, paano ka makikipag-usap? Anong salita ang iyong gagamitin? Kung makikipag-usap ka sa iyong pamilyar na kaibigan, gayon din ba ang paraan ng iyong pagsasalita at ang mga salitang iyong gagamitin? 6. Instrumentalities (Ano ang midyum ng usapan?) Sa madaling salita, kailangang ikonsider din ang tsanel o daluyan ng komunikasyon. Daluyang sensori ba o daluyang institusyunal? Bakit kailangang isaalang- alang ito? Pakaisipin mo. Maaari mo bang ikuwento sa iyong kaibigan ang nobelang nabasa sa pamamagitan ng telegrama? Maipapaamoy mo ba sa kanya ang halimuyak ng bulaklak sa pamamagitan ng telepono? Susulat ka pa ba sa bumbero kung nasusunog na ang bahay mo? Kung hindi mo kayang magsinungaling nang harapan, magdadahilan ka pa ba sa iyong kasintahan sa kanyang harapan? Kung mahusay kang gumawa ng sulat o ng tula, paano ka manliligaw kaya? Ang midyum ang humuhubog at naglilimita sa isang mensahe. Kung mabisang maisasaalang-alang ito, kung gayon, magiging kontrolado natin ang hugis, lawak at limitasyon ng mensahe sa komunikasyon. 7. Norm (Ano ang paksa ng usapan?) Mahalagang maisaalang-alang din ng isang tao ang paksa ng usapan. Halimbawa, maaaring hindi mo na igigiit ang iyong katwiran kung batid mong limitado lamang ang nalalaman mo sa paksa ng isang pagtatalo. Makabubuti ring itikom na lamang ang bibig ung sa gitna ng talakayan ay wala ka namang nalalaman sa paksang tinatakay. May mga paksa ring eksklusibo. Halimbawa, may mga paksang pambabae, kung paanong may panlalaki rin. Makabubuti, kung gayon, sa mga lalaki ang umiwas sa mga talakayang may paksang eksklusibo sa mga babae kung paanong makabubuti sa mga babae ang umiwas sa pakikilahok sa mga talakayang may paksang eksklusibong panlalaki. 8. Genre (Nagsasalaysay ba? Nakikipagtalo? Nagmamatuwid? Naglalarawan? O nagpapaliwanag/naglalahad?) Mahalagang batid ng isang tao kung ano ang genre na ginagamit ng kanyang kausap, nang sa gayo’y malaman din niya kung ano ang genre na kanyang gagamitin. Madalas, bunga ng miskomunikasyon sa genre, nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang tao. Pansinin ang usapang ito sa pagitan ng isang mag-ina: Ina: Aba! Marunong ka nang mangatuwiran ngayon ha! Anak: Hindi naman po, inay. Nagpapaliwanag lang ako. Inakala ng ina, kung gayon, na ang genre na ginagamit ng kanyang anak sa usapang iyon ay pangangatwiran. Samantala, ipinalalagay naman ng anak na ang ginagamit niyang genre ay pagpapaliwanag o paglalahad lamang. Isang malinaw na miskomunikasyon! Mga Sanggunian: Bernales, R. A., Pascual MA. A., Ravina, E. A., (2016). Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Valenzuela City. Jo-Es Publishing House, Inc. Briones, JK. R., San Juan, DM. M., (2016). Salimbay: Mga Teorya at Praktika ng Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Makati City. Don Bosco Press, Inc. Dayag, A. M., del Rosario, M. G., (2016). Pinagyamang Pluma Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino. Quezon City. Phoenix Publishing House

Use Quizgecko on...
Browser
Browser