GE 10: Aralin 1- Ang Wika (PDF)
Document Details
Uploaded by EnergeticCatSEye9381
University of Southern Mindanao
Tags
Related
- Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan PDF
- Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kultura ng Pilipinas Reviewer PDF
- Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kultura (Tagalog) PDF
- Modyul sa Fil101: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan 2020-2021 PDF
- Wika, Kultura at Lipunan - Aralin 1 (ACLC College)
- Kasaysayan ng Wika sa Panahon ng Hapon at Bagong Lipunan PDF
Summary
Ang dokumentong ito ay naglalahad ng mga impormasyon tungkol sa wika, kultura, at lipunan. Ipinapakita nito ang kaugnayan ng wika sa lipunan at kultura, na nagsisilbing pangunahing instrumento sa pakikipag-ugnayan ng mga tao.
Full Transcript
Aralin 1 Ang Wika Inaasahang Bunga ng Pagkatuto: Pagkatapos ng Aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang: 1. Nabibigyang kahulugan ang wika 2. Nasusuri ang Pinagmulan ng Wika 3. Nakikilala ang iba’t ibang tanyag na personalidad na nagbigay ng depinisyo...
Aralin 1 Ang Wika Inaasahang Bunga ng Pagkatuto: Pagkatapos ng Aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang: 1. Nabibigyang kahulugan ang wika 2. Nasusuri ang Pinagmulan ng Wika 3. Nakikilala ang iba’t ibang tanyag na personalidad na nagbigay ng depinisyon sa wika 4. Napag-iiba ang mga Teorya sa Wika 5. Nakapagbibigay ng sariling opinyon tungkol sa iba’t ibang Pananaw sa Wika 6. Naihahambing ang Tungkulin ng Wika ayon kay Geoffrey Leech, M.A.K. Halliday, at ang Teorya ng Speech Act ni J.L. Austin Introduksyon Ang wika, kultura, at lipunan ay magkaugnay. Wika ang pangunahing ginagamit ng tao bilang instrumento sa kaniyang pakikipag-ugnayan sa lipunan at kultura. Binanggit ni Hoebel (1966) na ang isang lipunan o komunidad ay maaaring mabuhay nang walang wika ngunit walang maunlad na kalinangan o kultura kung walang wika. Sinabi ni Eller (2009) na lahat ng mga nilalang, kahit halaman, ay nakikipag-usap sa iba’t ibang paraan, sa kahulugan ng pagpapadala at pagtanggap ng impormasyon. Kahit mga hayop ay nakagagawa rin ng kakayahan ng tao, isa na rito ang kakayahang linggwistiko. Ang wika ay isang simbolikong komunikasyon ng gumagamit ng mga tunog at/o kilos na pinagsama ayon sa mga panuntunan na nagbubunga ng mga kahulugang napagkasunduan ng isang lipunan at mauunawaan ng lahat na nakikibahagi sa wikang iyon (Haviland et al., 2011 at Eller, 2009). Nakapaloob ang wika ng tao sa lumang- lumang sistema ng kilos-tawag (age-old gesture-call system) na kung saan ang mga galaw ng katawan at mga ekspresyon ng mukha, kasama ang mga katangian ng tunog tulad ng tono at lakas ng tunog ay may ginagampanang papel sa paghahatid ng kahulugan (Eller, 2009). WALANG TAONG NAMUMUHAY NANG MAG-ISA. Ang tuluyang pag-unlad ng tao ay dulot din sa kaniyang patuloy na pakikipagkapwa gamit ang wikang alam niya. Hindi rin mahihiwalay sa pag-unlad ng buhay ang kultura at lipunang kinabibilangan ng tao. Higit pa, ang wika niya ay nakasalalay sa kultura at kaniyang lipunan. Ang wika at lipunan ang dalawang salitang komplikado na naging isang simbolo ng lipunan para makilala ang mga tao. Ang isang KULTURA ay binubuo ng mga ideya at mga pananaw sa mundo na nagpapaalam at nasasalamin sa pag-uugali ng mga tao. Dahil dito ang wika ay mahalaga sa pag-andar ng kultura ng tao. Ang mga panlipunang pagbabago ̶ tulad ng edad, kasarian, at katayuan ng ekonomiya ̶ ay maaaring makaimpluwensya kung paano ginagamit ng mga tao ang wika. Ang WIKA ay isang espesyal na sistema ng komunikasyong oral at pasulat. Nailalahad ito sa paraang berbal at di-berbal. 1.1. Wika Ang pinakamahalagang interes sa pag-aaral sa wika ay hindi ang wika mismo kundi ang gamit nito ̶ kung paano ang wika nagpakilala sa tao, ang sosyal niyang kaligiran, mga pangarap at mithiin, persepsyon sa bawat isa, at ang sitwasyon sa lipunan na kung saan siya kasapi (A.D Edwards, 1979). Bawat wika ay may perpektong sistema, kaya walang sinomang makapagsabi na nakahihigit o mas nangunguna ang wika niya kaysa sa iba. Kung may pangalan o simbolo ang isang bagay sa mga Amerikano, ganoon din ito sa mga Pilipino. Sa mahigit na 6,000 wika sa buong daigdig, walang nakalalamang o superyor na wika. 1.2 Pinagmulan ng Wika Mula sa aklat nina Fromkin, V. at Rodman, R. (1983) ay sinasabing ang lahat ng kultura ay may kani-kanilang kuwento ng pinagmulan ng wika. Kung minsan, ang mga kuwentong ito ay walang kabuluhan ngunit kinawiwilihan at pinaniniwalaan dahil parang may katotohanan nga para sa kanila. Sa aklat naman ni Darsna Tyagi (2006), sinasabing sa China, naniniwala sila na ang Son of Heaven na si Tien-Zu ang nagbigay ng wika at kapangyarihan. Sa Japan naman, ang manlilikha nila ng wika ay si Amaterasu. Ang ibang teorya ay nagsasabing ang wika ay kasama na ng pag-anak o paglikha ng tao. Ang Genesis Story/Divine Theory ay nagpapaliwanag din na ibinigay ng Diyos sa tao ang wika. Binigyan ng Diyos ng kapangyarihan ang tao para sa magpangalan sa mga bagay- bagay. Sa mga Babylonian, ang nagbigay raw ng wika sa kanila ay si God Nabu at para sa mga Hindu, ang kakayahan nila sa wika ay ibinigay ng babaeng Diyos nila na si Saravasti na asawa ni Brahma, ang tagalikha ng sangkatauhan. GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 2 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050 Totoo man o hindi ang lahat ng ito, dahil wala pang wika, may iba’t ibang paraan ng komunikasyon noong unang panahon. Ayon pa rin kay Hoebel (1966), walang makapagsasabi kung saan o kung paano ba talaga nagsimula ang wika. Maaaring ang tao noon ay nakikipagkomunikasyon sa pamamagitan ng pag-iyak, paghiyaw, pagkilos o paggalaw, pagkumpas ng kamay hanggang ang mga senyas na ito ay binigyan ng mga simbolo at kahulugan. ***Tandaan na ang pahapyaw na pag-aaral na ito sa wika ay makatutulong sa pag-unawa kung bakit ang bawat indibidwal ay kakaiba hindi lamang sa pisikal na kaanyuan kundi maging sa kanyang pananalita na isa sa batayan kung bakit kakaiba sa lahat. Ang wika bilang isang kultura ay malaking aspekto sa pagkilala sa kapwa. 1.3 Depinisyon ng Wika 1. Edward Sapir (1949) - isang likas at makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdamin at mithiin. 2. Caroll (1954) - isang sistema ng mga sagisag na binubuo at tinatanggap ng lipunan. Ito ay resulta ng unti-unting paglilinang sa loob ng maraming dantaon at pagbabago sa bawat henerasyon, ngunit sa isang panahon ng kasaysayan, ito ay tinutukoy na isang set ng mga hulwaran ng gawi na pinag-aaralan o natutuhan at ginagamit sa iba’t ibang antas ng bawat kasapi ng pangkat o komunidad. 3. Todd (1987) - isang set o kabuuan ng mga sagisag na ginagamit sa komunikasyon. Ang wikang ginagamit ng tao ay hindi lamang binibigkas na tunog kundi ito ay sinusulat din. Ang tunog at sagisag na ito ay arbitraryo at sistematiko. Dahil dito, walang dalawang wikang magkapareho bagaman ang bawat isa ay may sariling set ng tuntunin. 4. Buensuceso - isang arbitraryong sistema ng mga tunog o ponema na ginagamit ng tao sa pakikipagsapalaran. 5. Tumangan, Sr. et al. (1997) - isang kabuuan ng mga sagisag ng panandang binibigkas na sa pamamagitan nito ay nagkakaunawaan, nagkakaisa, at nagkakaugnay-ugnay ang isang pulutong ng mga tao. GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 3 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050 1.4 Iba’t Ibang Teorya sa Wika 1. Bow-wow – Pinaninindigan ng teoryang ito ang pangggagaya sa mga likas na tunog gaya ng ngiyaw ng pusa at tilaok ng manok. 2. Pooh-pooh – Ito ay naniniwalang ang wika ay galing sa instinktibong pagbulalas na pananalitang nalikha ay mga padamdam na nagpapahayag ng biglang sulak at masidhing damdamin. 3. Ding-dong – Ito ay kilala rin sa tawag na teoryang natibisko na may ugnayang misteryo ang mga tunog at katuturan ng isang wika at bagay-bagay sa paligid. 4. Yum-yum – Ito ay nagsasaad na ang tao ay tumutugon sa pamamagitan ng kumpas sa alinmang bagay na nangangailangan ng aksyon. 5. Yo-he-ho – Ito ay naniniwalang ang wika ay nagmula sa mga ingay na nalikha ng mga taong magkatuwang sa kanilang pagtatrabaho sa puwersang pisikal. 6. Tarara-boom-de-ay – Ito ay mga tunog mula sa ritwal ng mga sinaunang tao na naging daan upang magsalita ang tao. Ang mga sayaw, sigaw, o ingkantasyon, at mga bulong ay binigyan nila ng kahulugan at sa pagdaraan ng panahon, ito ay nagbago. 7. Tore ng Babel – Batay sa istorya ng Bibliya, iisa lang ang wika noong unang panahon kaya't walang suliranin sa pakikipagtalastasan ang tao. Naghangad ang tao na higitan ang kapangyarihan ng Diyos, naging mapagmataas at nag-ambisyong maabot ang langit, at nagtayo ng pakataas-taas na tore. Mapangahas at mayabang na ang mga tao, subalit pinatunayan ng Diyos na higit siyang makapangyarihan kaya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ginuho niya ang tore. Ginawang magkakaiba ang wika ng bawat isa, hindi na magkaintindihan at naghiwa-hiwalay ayon sa wikang sinasalita (Genesis 11:1-8). 8. Sing-song – Iminungkahi ng linggwistang si Jesperson na ang wika ay nagmula sa paglalaro, pagtawa, pagbulong sa sarili, panliligaw, at iba pang mga bulalas- emosyonal. Iminungkahi pa niya na taliwas sa iba pang teorya, ang mga unang salita ay sadyang mahahaba at musikal, at hindi maiikling bulalas na pinaniniwalaan ng marami. GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 4 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050 9. Hey you! – Hawig ito ng teoryang pooh-pooh. Iminungkahi ng linggwistang si Revesz na bunga ng interpersonal na kontak ng tao sa kaniyang kapwa tao ang wika. Ayon kay Revesz, nagmula ang wika sa mga tunog na nagbabadya ng pagkakakilanlan (Ako!) at pagkakabilang (Tayo!). Napapabulalas din tayo bilang pagbabadya ng takot, galit o sakit (Saklolo!). Tinatawag din itong teoryang kontak. 10. Coo Coo – Ayon sa teoryang ito, ang wika ay nagmula sa mga tunog na nalilikha ng mga sanggol. Ang mga tunog daw na ito ang ginaya ng matatanda bilang pagpapangalan sa mga bagay-bagay sa paligid, taliwas sa paniniwala ng marami na ang mga bata ang nanggagaya ng tunog ng mga matatanda. 11. Babble Lucky – Ayon sa teoryang ito, ang wika raw ay nagmula sa mga walang kahulugang bulalas ng tao. Sa pagbubulalas ng tao, sinuwerte lamang daw siya nang ang mga hindi sinasadya at walang kabuluhang tunog na kanyang nalikha ay naiugnay sa mga bagay-bagay sa paligid na kalaunan ay naging pangalan ng mga iyon. 12. Hocus Pocus – Ayon kay Boeree (2003), maaaring ang pinanggalingan ng wika ay tulad ng pinanggalingan ng mga mahikal o relihiyosong aspekto ng pamumuhay ng ating mga ninuno. Maaari daw kasing noo’y tinatawag ng mga unang tao ang mga hayop sa pamamagitan ng mga mahikal na tunog na kalaunan ay naging pangalan ng bawat hayop. 13. Eureka! – Sadyang inimbento ang wika ayon sa teoryang ito. Maaari daw na ang ating mga ninuno ay may ideya ng pagtatakda ng mga arbitraryong tunog upang ipakahulugan sa mga tiyak na bagay. Nang ang mga ideyang iyon ay nalikha, mabilis na iyong kumalat sa iba pang tao at naging kalakaran sa pagpapangalan ng mga bagay-bagay (Boeree, 2003). 14. La-la – Mga pwersang may kinalaman sa romansa. Ang salik na nagtutulak sa tao upang magsalita. 15. Mama – Ayon sa teoryang ito, nagmula ang wika sa mga pinakamadadaling pantig ng pinakamahahalagang bagay. Pansinin nga naman ang mga bata. Sa una’y hindi niya masasabi ang salitang mother ngunit dahil ang unang pantig ng nasabing salita ang pinakamahalaga diumano, una niyang nasasabi ang mama bilang panumbas sa salitang mother. GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 5 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050 16. Wikang Aramean - Believes that all languages originated from their language, Aramean or Aramaic ng Syria. May paniniwalang ang kauna-unahang wikang ginagamit sa daigdig ay ang lenggwahe ng mga Aramean. Sila ang mga sinaunang taong nanirahan sa Syria (Aram) at Mesopotamia. Tinatawag na Aramaic ang kanilang wika. 1.5 Iba’t Ibang Pananaw sa Wika Sinabi ng Virgilio Almario na, “Kung ano ang wika mo, iyon ang pagkatao mo”. Natumbok nito ang ugnayan ng wika, kultura, at lipunan. Bagaman pamilya ang unang may malaking ambag sa paghubog ng pagkatao ngunit patuloy na pakikisalamuha sa lipunan ay magdudulot din nang higit na ambag sa pagiging tao. Maaaring manatili ang ilang kinagawian at pwede ring may mababago hindi lamang sa ugali o paniniwala ngunit posible ring sa wika na sinasalita (Hal. ASEAN). Ayon na kay Trudgill (2000) na may panlipunang tungkulin ang wika (Hal. OFW). Dagdag niya, may dalawang aspekto ng gawi sa wika na mula sa panlipunang punto de bista; (1) ang tungkulin ng wika sa pagbuo ng panlipunang relasyon, at (2) ang papel na ginagampan ng wika sa paghahatid ng impormasyon tungkol sa pagsasalita. Ayon naman kina Tumangan, Sr. et al (1977), sa pamamagitan ng wika ay nagkakaintindihan ang isang pulutong ng tao. Mungkahing kaisipan naman ni Malinowski, ang wika ang pangunahing instrumento pagkakaisa at pakikipagtalamitam (Geller, 1998). 1.6 Tungkulin ng Wika sa Lipunan Ang lipunan ay malaking pangkat ng mga tao na may karaniwang set ng pag- uugali, ideya, saloobin, at namumuhay sa tiyak na teritoryo at itinuturing ang mga sarili bilang isang yunit. Ang wika, pasalita man o pasulat, ang instrumentong ginagamit ng mga tao sa loob ng lipunang ito upang makipag-ugnayan sa isa’t isa. Gumaganap ng napakahalagang papel ang wika sa buhay ng tao kaya naging isang panlipunang penomenon ito. Isa sa pangunahing tunguhin ng wika ay gamit sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtalastasan sa kapwa upang magkaunawaan sa isa’t isa. Ginagamit niya ang wika at nakikipag-usap siya sa kapwa upang magpahayag ng marami GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 6 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050 at iba’t ibang dahilan gaya ng pagpapahayag ng mga damdamin, pagkuha ng impormasyon, paghahanap ng mga bagay, paghingi ng kapatawaran, at iba pa. Makabuluhan ang paggamit ng wika sapagkat gumaganap ito ng mga tungkulin na pagbuo at pagpapatuloy ng relasyon sa loob ng isang lipunan. Ang paggamit naman ng wika sa lipunan ay nangangahulugan ding kahusayan sa pagpili ng mga salitang tumutugon sa mga pagnanais ng tao sa kanyang pakikipagtalastasan. Tungkulin ng wika sa Lipunan (Geoffrey Leech, 2013) 1. Nagbibigay-kaalaman. Ito ang pinakaimportante sa lahat ng tugkulin ng wika sa lipunan. Nakatuon ito sa mensahe ng bagong impormasyon na ibinabahagi. Nakadepende ito sa katotohanan o halaga ng kaasipan ng mensahe. Ang halimbawa nito ay ang pagbabasa ng balita at pagkilala kung alin sa mga ito ang fake news o totoong balita. Halimbawa: “May Martial Law sa Mindanao kaya marami ang namamatay rito.” May dalawang impormasyon na dala ang balitang ito gaya ng pagkakaroon ng martial law at sa dami ng namatay. Ngunit, ituturing ito ng mga Mindanaon na fake news kahit totoo pang may martial law dahil hindi naman tama ang katuturan ng pahayag na marami ang namatay rito. 2. Nagpapakilala. Ginagamit o magagamit ang wika sa pagpapahayag ng damdamin o ugali ng nagsasalita. Ang tagapagsalita o manunulat sa isang wika ay sinusubukang ipahayag ang kaniyang damdamin sa tungkulin ito ng wika sa lipunan. Ito ay nagbibigay ng malinaw na imahen ng pagkatao ng tagapagsalita o manunulat sapagkat naglalahad ito ng kanyang impresyon at ang pagbago-bago ng mga ito. Makikita natin ito sa mga akdang pampanitikan tulad ng tula at iba pang genre ng panitikan. Halimbawa: Ang tungkulin na ito ay pumupukaw sa pagpapahayag ng tiyak na damdamin sa mga halimbawang pahayag na: “Masaya akong nakadalo ka, hindi makukumpleto ang araw ko kung hindi kita nakasama.” Ang pahayag na ito ay damdamin ng nagsasalita na maaaring magbago o hindi. Halimbawa rin nito ang pagtawa o pag-iyak mo dahil sa pinanonood mo. 3. Nagtuturo. Ito’y may layuning magbigay ng impluwensiya sa pag-uugali ng iba. Malinaw itong makikita sa mga pahayag na nag-uutos o nakikiusap. Ang tungkuling ito GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 7 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050 ng wika sa lipunan ay nagbibigay ng diin sa tumatanggap ng pahayag kaysa sa nagbibigay ng mensahe. Gayompaman, ito ay nagpapahayag ng tungkulin ng wika na hindi gaanong mahalaga dahil hindi ito pwersahan o may dalang kapangyarihang sundin. Ekspresyon itong may halong konotatibong kahulugan o pagpapahiwatig kaya kung hindi makukuha ibig sabihin, hindi matutupad ang kahulugan ng mensahe. Sa kabilang banda, ipinapahayag din ito nang may paglalambing o di kaya’y pagpapahayag na may halong pagpaparinig. Halimbawa: Ang nanay niya ay nagsasabing “Ang init” ay parinig o pahiwatig na ipinapabubukas/saksak niya ang bentilador sa anak o kausap. Ito rin ang sitwasyon sa mga magbabarkada na naiihi at nagyaya sa pamamagitan ng pagsasabing “Naiihi ako”. Sa pag-uutos naman, magagawa ito sa pamamagitan ng pakiusap gaya ng “Pakiabot nga iyon”. 4. Estetika. Ito ay gamit ng wika para sa kapakanan ng paggamit o paglikha ng wika o linguistic artifact mismo at wala nang iba pa. Tuon ng tungkuling ito ang ganda ng paggamit ng wika. May pagdiriin din tungkol sa paraan ng pagpapahayag ng isang mensahe kaysa idyolohikal na halaga nito. Halimbawa: Maaaring mabighani ka sa iyong manliligaw dahil sa husay at galing niya sa pagbigkas ng mga salita sa spoken poetry. 5. Nang-eenganyo. Mahirap tumbasan sa wikang Filipino ang phatic na tungkulin ng wika sa lipunan. Ito ay nagsasabi ng pagiging bukas o mapagsimula ng komunikasyon sa kapwa kaya tinumbasan ito ng nang-eenganyo. Maaaring ito ay berbal o di-berbal na pakikipagtalastasan na nagbibigay ng palatandaan ng pagiging laging handa o bukas sa pakikipagtalastasan na nagbibigay palatandaan ng pagiging laging handa o bukas sa pakikipagtalastasan at pagpapanatili nang maayos na relasyon sa inyong lipunan. Sa kulturang Pilipino, ang pagtatanong kung saan ka pupunta ay isang hudyat ng pagsisimula ng komunikasyon at anyo na rin ng pangungumusta sa kaibigan o kakilala. Hindi ito palatandaan ng pagiging mapang-usisa o tsismosa. Mapapansin din ito sa isang lugar na wala kang kilala ngunit nakikipag-usap ka sa isang tao ng kahit ano bilang simula ng inyong komunikasyon na hahantong naman sa pagiging magkaibigan. GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 8 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050 Pitong Tungkulin ng Wika (M.A.K. Halliday) 1. Regulatoryo – Ito ang tungkulin ng wikang tumutukoy sa pagkontrol ng ugali o asal ng ibang tao. Ang pagbibigay ng direksyon o panuto o hakbang sa paggawa ng gawain. 2. Personal – Ang tungkuling ito ay tumutukoy sa pagpapahayag ng sariling opinyon o kuro-kuro sa paksang pinag-uusapan. Mga halimbawa nito ay ang pagsusulat ng talaarawan (diary) at kritismo o opinyon hinggil sa isang bagay o isyu. 3. Heuristiko – Ito ay tumutukoy sa pagkuha o paghanap ng impormasyon na may kinalaman sa paksang pinag-aaralan. Halimbawa nito ay pagbabasa ng iba’t ibang sanggunian, pananaliksik, balita, atbp. 4. Instrumental – Ito ang tungkulin ng wikang tumutugon sa mga pangangailangan ng tao gaya ng pakikipag-ugnayan sa iba. Ang halimbawa ng tungkulin na ito ay ang pagbibigay ng mensahe (pasulat man o elektroniko). 5. Impormatibo – Ito ay kabaliktaran ng heuristiko. Ito ay may kinalaman sa pagbibigay ng impormasyon sa paraang pasulat at pasalita. Kung ang Heuristiko ay pagkuha ng impormasyon, ang impormatibo naman ay pagbibigay ng impormasyon. Halimbawa nito ang panayam, presentasyon, at pagtuturo. 6. Interaksyonal – Ito ay pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa; pakikipagbiruan, pagkukwento, debate, at iba pa. 7. Imahinatibo – Ito ay malikhaing paraan ng pagpapahayag ng imahinasyon. Halimbawa nito ang pagsusulat ng akda tulad ng maikling kuwento, pabula, dula, nobela, at iba pa. Isa pa sa maglilinaw o dagdag pagpapaliwag sa tungkulin o gampanin ng wika ay ang Teoryang Speech Act. Teoryang Speech Act Ang teorya ng speech act ay ikinokonsidera ang wika bilang aksyon kaysa bilang instrumento lamang sa pagpapahayag. Ito ay binuo ni J.L. Austin, isang Britanong pilosopo ng wika, ipinakilala niya ito noong taong 1975 sa kaniyang tanyag na aklat na pinamagatang “How to do things with words”. Kalaunan, nagdala ng bagong aspekto ng GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 9 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050 teorya si John Searle sa mas mataaas na dimensyon. Ang teoryang ito ay madalas magamit sa larangan ng pilosopiya ng wika. Si Austin ang kauna-unahang nakabuo ng ideyang ang tao ay hindi lamang gumagamit ng wika upang maipaalam ang isang bagay- bagay bagkus isinasagawa rin ito. Ano nga ba ng teoryang ito? ✓ Nakabatay sa isang premis na ang wika ay isang mode of action sa paniniwalang kayang mabago ng salita ang realidad. ✓ Isang paraan ng pag-convey (pagdala) ng impormasyon; ang pananalita o diskurso ay kaugnay ng aksyon. ✓ Ayon sa mga naniniwala sa teoryang ito, ang yunit ng komunikasyong linggwistik ay hindi ang simbolo, salita o ang pangungusap mismo, kundi ang produksyon o paglikha ng mga simbolo, salita o pangungusap sa pagganap ng kanilang tinatawag na speech acts. ✓ Ang speech act sa paliwanag ni Searle (1971) ay sinasabing may iba’t ibang kasama o kaugnay na kahulugan ang mga salita o pahayag na binibitawan ng tagapagsalita depende sa kaniyang layunin. Ibig sabihin, ang akto ng utterance ay kung paano at ano ang layunin ng pagkasabi. ✓ Ang pangunahing krayterya ay hindi ang kung totoo ba o hindi ang sinasabi, kundi, kung paano nagampanan ang “act” nang tama o apropriyet, may lugod at naaayon sa kombensyon, tuntunin o regulasyon na kinikilala pareho ng tagapagsalita at tumatanggap ng mensahe. ✓ Tumutukoy sa paniniwalang anoman ang ating sabihin, lagi na itong may kaakibat na kilos maging ito man ay paghingi ng paumanhin, pagbibigay-babala, paghihimok, at iba pa. Halimbawa: BABALA! Madulas ang sahig. (Sinomang mapapadaan ay pinapayuhang mag-ingat.) May tatlong pangunahing komponent ang mga aktong linggwistik: 1. Aktong lokyusyonari o akto ng pagsasabi ng isang bagay. Hindi nangangailangan ng pagkilos ng nagsasalita. Ito ay nagsasabi o nagpapahayag sa karaniwang pamamaraan. (May kahulugan) Halimbawa: “May tao sa labas ng bahay” ani ni Bea. GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 10 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050 2. Aktong ilokyusyonari o ang pagganap/performans sa akto ng pagsasabi ng bagay. Naaayon sa tamang tono, atityud, damdamin, motibo o intensiyon. Pagsasagawa ng aksyon o akto sa pagsabi ng anoman. (May pwersa) Halimbawa: “May tao sa labas ng bahay!” napatayo at gulat na bulalas ni Bea. 3. Aktong perlokyusyonari o ang pagsasabi ng isang bagay na kadalasang nagpoprodyus ng mga tiyak na konsikwensyal na epekto. Tinatawag na akto o kaganapang totoo. Pagsasabi ng anoman ay lumilikha ng epekto sa damdamin, isipan, kilos ng nagsasalita, kausap, at ng iba pang tao. (May Konsikwens) Halimbawa: “May tao sa labas ng bahay!” napatayo at gulat na bulalas ni Bea na naging dahilan nang pagkagulat din ng kaniyang mga kasambahay. GE 10: Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan Pahina 11 ng 11 Modyul USMKCC-COL-F-050