Mga Katangian ng Pagpapakatao - Edukasyon sa Pagpapakatao 10
Document Details
Uploaded by Deleted User
Tags
Related
- Edukasyon sa Pagpapakatao Grade 6, Unang Markahan, Modyul 1, PDF
- Edukasyon sa Pagpapakatao, Unang Markahan, Modyul 3: Pamilya: Susi sa Makabuluhang Pakikipagkapuwa - PDF
- EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO-9 (Quarter 1) Notes PDF
- Edukasyon sa Pagpapakatao - Ikasampung Baitang - Ikalawang Markahan - Modyul 5
- Good Manners and Right Conduct (Edukasyon sa Pagpapakatao) PDF
- EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 7 EXAMINATION TEST PDF
Summary
Ang dokumento ay naglalaman ng mga konsepto sa pagpapakatao batay sa mga katangian ng isip at kilos-loob ng tao. Binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-unawa sa mga kakayahang taglay ng tao at kung paano ito makaaapekto sa kanyang pag-unlad.
Full Transcript
**Week \# :** 2 **Title : Mga Katangian ng Pagpapakatao** **Subject : Edukasyon sa Pagpapakatao 10** **Subject Teacher :** Kassandra Mai F. Macapagal **Course Objective/s:** - - - - Bilang persona, ano-ano ang ginagawa mo upang malinang ang iyong pagka-sino? Ikaw ay isang obra maestra...
**Week \# :** 2 **Title : Mga Katangian ng Pagpapakatao** **Subject : Edukasyon sa Pagpapakatao 10** **Subject Teacher :** Kassandra Mai F. Macapagal **Course Objective/s:** - - - - Bilang persona, ano-ano ang ginagawa mo upang malinang ang iyong pagka-sino? Ikaw ay isang obra maestra ng Diyos sapagka't ikaw ay nilikhang kawangis Niya. May epekto ba ang katagang ito sa iyo? Ang katagang ito ay isang pampukaw at isang hamon sa tao sa pangkalahatan kung nagagawa niyang kumilos ayon sa pagkakalikha sa kanya... ang magpakatao. Higit kanino man, ang tao ang inaasahang may malaking papel na gagampanan sa mundong kaniyang kinaroroonan at ginagalawan. Mahalaga rito ang gagawin niya sa kaniyang sariling pagkatao bilang persona upang tuluyang makamit ang kaniyang pagiging personalidad. Bagama't sinasabing madaling maging tao ngunit mahirap magpakatao, hindi sinasabing hindi ito kayang gawin ng tao. Sa Baitang 7 ng Edukasyon sa Pagpapakatao, naging malinaw sa iyo na ang tao ay natatanging nilikhang nabubuhay sa mundo. Ano ba ang nagpapabukod-tangi sa tao sa ibang nilikhang may buhay upang makamit niya ang layunin ng pagkakalikha sa kaniya bilang tao? Sa kaniyang pag-iisip, pagpapasiya, at pagkilos, nagiging bukodtangi ang tao. Sa modyul na ito babalikan mong muli ang taglay mong kakayahan bilang tao upang matugunan mo ang hamon ng pagpapakatao. Paano mo nga ba gagamitin ang kakayahan na itinuturing pa ngang isang kapangyarihan? Tuklasin mo ang mahalagang perlas ng karunungang inihanda para sa iyo sa pagpapatuloy ng iyong pag-aaral ng modyul na ito. Inaasahang masasagot ang mahalagang tanong na: Paano dapat gamitin ang isip at kilos-loob ng tao? 𝕬𝖓𝖌 𝕸𝖆𝖙𝖆𝖆𝖘 𝖓𝖆 𝕲𝖆𝖒𝖎𝖙 𝖆𝖙 𝕿𝖚𝖓𝖌𝖚𝖍𝖎𝖓 𝖓𝖌 𝕴𝖘𝖎𝖕 𝖆𝖙 𝕶𝖎𝖑𝖔𝖘-𝖑𝖔𝖔𝖇 Ang tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos kaya't siya ay tinawag na kaniyang obra maestra. Naalaala mo ba ang linyang ito sa Baitang 7 ng Edukasyon sa Pagpapakatao? Ano ba ang pagkaunawa mo sa kahulugan nito? Ang pagkakalikha ayon sa wangis ng Diyos ay nangangahulugan na ang tao ay may mga katangiang tulad ng katangiang taglay Niya. Binigyan Niya ang tao ng kakayahang mag-isip, pumili, at gumusto. Ang tao ay nilalang na may likas na kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Ang kaniyang konsensiya ay indikasyon ng naturang orihinal na katayuang ito. Ang kakayahang gumawa ng malayang pagpili ay isa pang sumasalamin sa paglalang sa tao na kawangis ng Diyos. Ang mga katangian at kakayahang ito ang nagpapaiba sa tao sa iba pang nilikha ng Diyos. Mahalagang maging malinaw sa iyo ang pagkakaiba mo bilang tao sa hayop at maging matatag ang pagkaunawa rito upang mabigyang direksiyon ang iyong kilos at malinang kung sino ka bilang tao. Isang mahalagang konsepto na iyong nalaman tungkol sa pagkakaiba ng tao ng hayop sa Modyul 1 ay ang kaalamang ikaw, bilang tao ay nilikhang hindi tapos -- di tulad sa hayop. Ibig sabihin, ang hayop ay walang pinaghahandaang kinabukasan sapagkat sa kapanganakan pa lamang, tukoy na kung ano siya sa kaniyang paglaki. Bakit sinasabing hindi nilikhang tapos ang tao? Sapagkat walang sinuman ang nakaaalam kung ano ang kahihinatnan niya mula sa kaniyang kapanganakan, o magiging sino siya sa kaniyang paglaki. Siya ay may pinaghahandaang kinabukasan na siya mismo ang lililok para sa kaniyang sarili. Kaya nga patuloy ang pagkilos ng bawat tao patungo sa paghahanap ng mga piraso na makatutulong upang siya ay maging TAPOS. Balikan natin ang kakayahang taglay ng tao. Bagama't may mga kakayahan siyang taglay rin ng hayop, nagkakaiba ang paraan kung paano ito ginagamit sa ibang pagkakataon. Ayon sa pilosopiya ni Santo Tomas de Aquino, ang tao ay binubuo ng ispiritwal at materyal na kalikasan. Kakabit ng kalikasang ito ay ang dalawang kakayahan ng tao. (E. Esteban, 1990, ph.48) 1\. **Ang pangkaalamang pakultad** (*knowing faculty*) dahil sa kaniyang panlabas at panloob na pandama at dahil sa isip kaya't siya ay nakauunawa, naghuhusga, at nangangatwiran 2\. **Ang pagkagustong pakultad** (*appetitive faculty*) dahil sa mga emosyon at dahil sa kilos-loob Ipinakita ito ni Esteban gamit ang tsart sa ibaba: ![](media/image2.png) Nakaaalam ang tao hindi lang dahil sa kaniyang isip kundi dahil din sa kaniyang pandama. Sa pamamagitan ng mga panlabas na pandama-, ang paningin, pandinig, pandama, pang-amoy, at panlasa, nagkakaroon ang tao ng direktang ugnayan sa reyalidad. Ang reyalidad ang siyang nagpapakilos sa kapangyarihan o kakayahang makaalam. Ang mga panloob na pandama naman ay ang: kamalayan, memorya, imahinasyon, at instinct. - - - - Ang *panloob na pandama* ay walang direktang ugnayan sa reyalidad kaya't dumidepende lamang ito sa impormasyong hatid ng panlabas na pandama. Mula sa impormasyong hatid ng mga panlabas na pandama na kakayahang ito, napupukaw, at kumikilos ang pagkagustong pakultad sapagkat sa bawat pagkilos ng kaalaman, nagbubunga ito ng pagkapukaw ng emosyon. Sa bahaging ito makikitang may tatlong kakayahan na nagkakapareho sa hayop at sa tao ayon kay Robert Edward Brenan: ang **pandama** na pumupukaw sa kaalaman, pagkagusto (*appetite*) na pinagmumulan ng pakiramdam at emosyon, at ang pagkilos o paggalaw (*locomotion*). Bagama't parehong taglay ng tao at hayop ang mga kakayahan, nagkakaiba ang paraan kung paano nila ginagamit ang mga ito. Masasabing ang hayop ay may kamalayan sa kaniyang kapaligiran dahil sa may matalas siyang pakultad o kakayahan upang kilalanin ang bagay na nakikita, tunog o kaya'y amoy ng kaniyang paligid lalo na kung ito ay may kaugnayan sa kaniyang buhay. Mayroon din itong pakiramdam sa kung ano ang mabuti at masama para sa kaniyang kabutihan o kapakanan. May kakayahan din itong gumawa ng paraan upang makuha ang kaniyang ninanais. Samakatwid, ang mga kakayahang ito ng hayop ay ginagamit nang walang ibang kahulugan sa kaniya kundi upang kumilos para pangalagaan o protektahan ang kaniyang sarili. Dito naiiba ang tao sa hayop dahil bukod sa pandama, ang tao ay may isip hindi lamang upang makaalam kundi upang makaunawa at maghusga. Ang makaunawa ay ang kakayahang makakuha ng buod ng karanasan at makabuo ng kataga upang bigyan ito ng kahulugan. Ang maghusga ay ang kakayahang mangatwiran. Mayroon din siyang malayang kilos-loob bukod sa damdamin at emosyon upang magnais o umayaw. Nangangahulugan itong dahil may isip at kilos-loob ang tao, magagawa niyang pigilin ang pandama at emosyon at mailagay ang paggamit nito sa tamang direksyon. Maaaring piliin ng tao ang kaniyang titingnan o kaya'y pakikinggan at maaari niyang pigilin ang kaniyang emosyon upang hindi ito makasama sa kaniya at sa pakikitungo niya sa iba. Ito ang binanggit noong ikaw ay nasa Baitang 7 na kakayahang taglay ng tao na nagpapabukod-tangi sa kaniya sa iba pang nilikha. ISIP Bigyang-linaw natin ang kabuuang kalikasan ng tao upang lubos itong maunawaan. Ayon sa paliwanag ni De Torre (1980), ang kaalaman o impormasyong nakalap ng pandama ng tao ay pinalalawak at inihahatid sa isip upang magkaroon ito ng mas malalim na kahulugan. Nangangahulugan lamang na magsisimulang gumana ang isip kapag nalinang na ang pandama ng tao. Ang isip ay walang taglay na kaalaman o ideya mula sa kapanganakan ng tao. Nakukuha niya ito sa ugnayan niya sa reyalidad sa pamamagitan ng mga panlabas na pandama. Samakatwid ang kakayahang ito na nakakabit sa materyal na katawan ang nagbibigay ng kaalaman sa isip. Kung ang pandama ay depektibo, nagkakaroon ito ng epekto sa isip.![](media/image8.png) Muli, naunawaan mo sa aralin sa Baitang 7 na ang isip ay may kakayahang mag-isip, alamin ang diwa at buod ng isang bagay. Ito ay may kapangyarihang maghusga, mangatwiran, magsuri, mag-alaala, at umunawa ng kahulugan ng mga bagay. Higit sa lahat, may kakayahan itong matuklasan ang katotohanan. Ang **katotohanan** ayon kay Fr. Roque Ferriols, ay ang "tahanan ng mga katoto." (Dy, 2012). Ibig sabihin, may *kasama ako na nakakita o may katoto ako na nakakita sa katotohanan*. Ano ang katotohanan na dapat makita? Ito ay ang mayroon o ang nandiyan na kailangang lumabas sa pagkakakubli at lumilitaw dahil sa pagiging bukas ng isip ng taong naghahanap nito. Halimbawa nito ay ang sakripisyo ng magulang para sa anak. Totoo itong nandiyan, ngunit kung isasarado ng anak ang kaniyang pag-iisip, hindi niya ito makikita. Sa kabilang dako, kung magiging bukas ang kaniyang isip, makikita niya ang sakripisyong ginagawa ng kaniyang magulang para sa kaniya. Kung totoo ito, hindi lang ito totoo sa akin, maibabahagi ko ito sa aking kapuwa at makikita rin ito ng iba. Nagiging saksi siya sa katotohanang mahal siya ng kaniyang magulang. Ang katotohanan ay sumasakasaysayan (*historical*) dahil hindi hiwalay ang katotohanan sa tao, sa mga katoto na nakaaalam nito. Dagdag pa rito, ang tao ay sumasakasaysayan din - sumasakop sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Isang halimbawa nito ay ang kaalamang ang daigdig ay flat. Totoo ito noong unang panahon, ang mga taong nakaaalam nito ay taong nabuhay noong unang panahon. Dahil nagbabago ang panahon, nagbabago ang tao, nag-iiba ang kanilang pananaw. Ngayon ang daigdig ay bilog. Masasabi ba nating mali sila noon? Ang sagot ay hindi, dahil noon, ang tinanggap na katotohanan ay flat ang daigdig. Sa natuklasang katotohanan, lalo lamang naliwanagan, lumawak, at umunlad ang kaalaman at ito ang kontribusyon natin ngayon. Nadagdagan natin ang kaalaman noon. Kaya't ang paghahanap ng isip sa katotohanan ay hindi nagtatapos; ang katotohanan ang siyang tunguhin ng isip. Ayon kay Dy, ang **isip** ay may kakayahang magnilay o magmuni-muni kaya't nauunawaan nito ang kaniyang nauunawaan. Ito ang ipinaliwanag at tinalakay sa Modyul 1 na katangian ng pagpapakatao, ang kamalayan sa sarili. Dahil ang tao ay may isip, may kakayahan siyang pag-isipan ang kaniyang sarili. Kaya't sa pagtatanong ko sa sarili kung sino ako, nagmumuni-muni ako; ginagawa kong obheto ng aking pag-iisip ang sarili. Matatawag itong kakayahan ng taong lumayo o humiwalay sa sarili at gawing obheto ng kamalayan ang sarili tungo sa pagsasaibayo sa sarili (*self-transcendence*). Dahil dito, kaya niyang pigilin ang sarili, ang udyok ng damdamin at pagnanasa. Halimbawa, maaari niyang sabihin sa sariling "masarap ang pagkain pero sandali muna, hindi puwede sa akin yan." O kaya'y dahil galit ako gusto kong pagsalitaan ang kaibigan ko ng masasakit na salita, pero kung gagawin ko iyon baka masira ang aming pagkakaibigan, kaya kailangan kong magpakahinahon at kausapin na lamang siya.![](media/image6.png) Isa pa sa nagagawa ng tao dahil sa kaniyang isip ay ang kakayahang kumuha ng buod o esensiya sa mga partikular na bagay na umiiral (*mag-abstraksiyon*). Ito ang ikalawang katangian ng pagpapakatao na tinalakay sa Pagpapalalim sa Modyul 1. Dahil sa kakayahang ito ng isip, ang tao ay nakabubuo ng kahulugan at kabuluhan ng bagay (*man is a meaning maker*). Halimbawa nito ay ang nakikita kong paraan ng pakikitungo sa kapuwa mula sa mag-aaral na tumulong sa kaniyang guro na bitbit ang mabigat na laptop (hindi sa hangad na pagsipsip), sa magandang samahan ng magkakamag-aral, ang pakikinig sa sinasabi ng bata, at ang pagmano sa nakatatanda ay nagbigay sa akin ng kahulugan na ang pakikitungo sa kapuwa ay pagbibigay galang sa kaniya. Ito ang katotohanang natuklasan ko tungkol sa pakikitungo sa kapuwa. Nagkakaroon ng sariling katayuan ang kaniyang pinag-iisipan; sa ibang pananalita, ayon pa kay Dy, nahuhulog ang mga bagay at tao sa isang kahulugan o katotohanan at humihingi sa tao na maging saksi, maging tapat sa katotohanan. Samakatwid, ang tao ay may kakayahang magbigay-kahulugan at maghanap ng katotohanan. Ano naman ang natatandaan mo tungkol sa kilos-loob sa Baitang 7? Inilarawan ito ni Santo Tomas bilang isang makatuwirang pagkagusto (*rational appetency*) sapagkat ito ay naaakit sa mabuti at lumalayo sa masama. Umaasa ito sa isip, kaya't mula sa paghuhusga ng isip ay sumusunod ang malayang pagnanais ng kilos-loob. Upang maunawaan ang kalikasan ng kilos-loob bilang natatanging kakayahan ng tao, mahalagang ihambing ito sa emosyonal na buhay ng hayop. Sa hayop, anuman ang mapukaw na emosyon ay kumikilos ito nang naaayon dito. Kung ito ay galit, maaari itong mangagat (*depende sa kalikasan ng hayop*). Samantalang sa tao, dahil may kamalayan at may kakayahan itong kumuha ng buod o esensiya sa mga bagay na umiiral, maaaring ang emosyon at ang kilos-loob ay magkakaroon ng magkaibang pagkilos. Halimbawa, maaaring piliin ng kilos-loob na hindi kumain ng masasarap na pagkain na nakahain sa mesa bagama't ang kaniyang emosyon ay naaakit dito. Kaya't maaari niyang sabihing "*Gusto ko, subalit ayaw ko sapagkat masama ang mga ito sa aking kalusugan.*" Ibinibigay ng isip ang katwiran bilang isang kakayahan upang maimpluwensiyahan ang kilos-loob. Mahalaga ito sa moral na pagpili, sapagkat kailangang kilalanin ang pagkakaiba ng nararamdaman o emosyon at ang paghuhusga at pagpapasiya sapagkat may kakabit itong moral na tungkulin. Ang tao lamang ang makagagawa nito at hindi ang hayop. Dahil sa kamalayan at kakayahang kumuha ng buod o esensiya ng mga bagay na umiiral, nabibigyang-kahulugan ng isip ang isang sitwasyon. Dahil din sa dalawang katangiang ito, nagkaroon ng mundo ang tao (hindi lang kapaligiran), at ito ay may sariling katayuan (*object in itself*). May kahulugan ang mundo, may taglay na halaga ang sitwasyon na kinaroroonan ng tao. May tawag ang pagpapahalaga. Kapag nabigyan ng kahulugan ang isang bagay o sitwasyon, nagkakaroon ito ng tawag sa tao (*calling*) na dapat niyang tugunan. Maaaring ang tawag na ito ay ang tumulong sa kapuwa ayon sa sitwasyon. Ang tumugon sa obhektibong hinihingi ng sitwasyon ay katarungan, na minimum ng pagmamahal. May kakayahan ang taong maramdaman at gawin ito dahil sa katangian ng tao na umiiral na nagmamahal (*ens amans*), ang ikatlong katangian ng pagkatao ng tao ayon kay Max Scheler. Ang pagmamahal, ayon kay Scheler, ay ang pinakapangunahing kilos sapagkat dito nakabatay ang iba't ibang pagkilos ng tao. Ang pagmamahal ay maipakikita sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapuwa na siyang pinagmumulan ng tunay na kaligayahan na hinahanap ng tao sa kaniyang sarili. Ayon pa rin sa kaniya, ang pagmamahal ay pagmamahalaga sa nakahihigit na halaga ng minamahal ayon sa kaniyang esensiya o buod. Tumutubo ang minamahal at nagmamahal.![](media/image1.png) Kapag pinaglilingkuran natin ang iba, napaaalalahanan tayo na walang anumang bagay sa buhay na ito ang nagtatagal maliban sa ugnayang nabuo natin sa ibang tao. Walang mas mabuting paraan para makaugnayan natin ang iba kundi sa pagtutulungan lamang para sa kabutihang panlahat. Tinatawag tayo ng Diyos na tumulong sa kapuwa upang ipadama natin ang pagmamahal sa kanila. Naranasan mo na ba ito? Ano ang iyong naging pakiramdam? Ipinanganak man ang taong hindi TAPOS, nilikha naman siyang kawangis ng Diyos na may isip at kilos-loob upang tuklasin ang katotohanan at buuin ang kaniyang pagkatao sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa kaniyang kapuwa. Sa puntong ito maaaring sabihing ang ginawang paglikha ng Diyos ay hindi pa tapos, nagpapatuloy ito sa kamay ng mga taong nagsisikap lilukin ang kanilang kinabukasan, mga taong nagsisikap paunlarin ang kanilang sarili at abutin ang pagka-sino ng kanilang pagiging tao. Samakatuwid, magagawa ng taong magpakatao at linangin ang mga katangian ng kaniyang pagkatao dahil sa kaniyang isip at kilosloob. Nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay ng tao kung inilalaan ito sa pagsasabuhay ng katotohanan, sa pagmamahal, at sa paglilingkod sa kapuwa. Sa palagay mo, patungo ka kaya rito? Pangalan: \_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_ Petsa: \_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_ Pangkat: \_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_ ESP 10 Pagtataya 2: Piliin ang letra ng tamang sagot. 1\. Ang tao ay tinawag na \_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_ dahil siya\'y nilikhang kawangis ng Diyos. 2\. Ito ang pagkakaroon ng kakayahang kilalanin at alalahanin ang nakalipas na pangyayaru o karanasan. 3\. Ito ay walang direktang ugnayan sa reyalidad kaya\'t dumidipende lamang ito sa impormasyong hatid ng panlabas na pandama. 4\. Ayon kay Fr. Roque Ferriols, ang katotohanan ay ang \_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_\_. 5\. Ito ay may kakayahang magnilay o magmuni-muni kay\'t nauunawaan nito ang kaniyang nauunawaan. 6\. Ito ay inilarawan ni Santo Tomas bilang makatwirang pagkagusto. 7\. Ito ay kakayahang lumikha ng larawan sa kanyang isip at palawakin ito. 8\. Ito ay pagkakaroon ng malay sa pandama, nakapag-bubuod at nakapag-uunawa. 9\. Ito ay kakayahang maramdaman ang isang karanasan at tumugon nang hindi dumadaan sa katwiran. 10\. Ayon sa kanya, ang tao ay binubuo ng ispiritwal at materyal na kalikasan. **AWTPUT 2**: Batay sa larawan, ipaliwanag ang kahalagahan ng paggamit ng isip sa paggawa ng desisyon at kilos-loob buhat ng pagmamahal. Isip at Kilos-loob