ARALIN 1: PAGSULAT PDF
Document Details
Uploaded by FluentHorseChestnut
Tags
Summary
Ang dokumento ay naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa pagsulat, mga layunin at kahalagahan nito, kasama ang mga halimbawa ng mga akdang pampanitikan at pang-akademik. Ang dokumento ay tungkol sa mga kasanayang pangwika.
Full Transcript
ARALIN 1: PAGSULAT Ang salitang pagsulat ay galing sa salitang-ugat na sulat. Maaari itong tumutukoy sa gawain ng paggamit ng panulat, papel at mga sagisag. Maaari ding tumutukoy ito sa proseso ng pagsasama-sama ng ideya upang makabuo ng kwento, san...
ARALIN 1: PAGSULAT Ang salitang pagsulat ay galing sa salitang-ugat na sulat. Maaari itong tumutukoy sa gawain ng paggamit ng panulat, papel at mga sagisag. Maaari ding tumutukoy ito sa proseso ng pagsasama-sama ng ideya upang makabuo ng kwento, sanaysay at iba pang akda. Ito rin ay kapwa pisikal na aktibidad at mental na aktibidad. Ito ay pisikal dahil ginagamitan ito ng kamay sa pagsulat at ginagawa para sa iba’t ibang layunin. Ito naman ay mental na aktibidad sapagkat ito ay ehersisyo ng pagsasa-letra ng mga ideya ayon sa tiyak na metodo ng debelopment at pattern ng organisasyon na naaayon sa mga tuntunin ng wikang ginamit. Narito ang ilan sa mga taong nagbigay ng kanilang pagpapakahulugan sa pagsulat. Austera et al (2009) “Ang pagsulat ay isang kasanayang naglulundo ng kaisipan at damdaming nais ipahayag ng tao gamit ang pinaka-epektibong midyum ng paghahatid ng mensahe - ang wika.” Royo (2001), na nakasulat sa aklat ni Dr. Eriberto Astorga, Jr. na Pagbasa, Pagsulat at Pananaliksik Malaki ang naitutulong ng pagsulat sa paghubog sa damdamin at isipan ng isang tao. Sa pamamagitan nito, naipapahayag niya ang kanyang damdamin, mithiin, pangarap, agam-agam, bungang-isip at mga pagdaramdam. Dahil din sa pagsulat ay nakikilala niya ang kanyang sarili, ang kanyang kalakasan at kahinaan, ang lawak at tayog ng kanyang isipan at ang naaabot ng kanyang kamalayan. Ang pangunahing layunin ng pagsulat ay ipabatid sa mga tao o lipunan ang paniniwala, kaalaman, karanasan ng taong sumusulat. Mabilin (2012) Ang pagsulat ay isang pagpapahayag ng kaalamang kailanman ay hindi maglalaho sa isipan ng mga bumasa at babasa sapagkat ito ay maaaring magpasalin-salin sa bawat panahon. Maaaring mawala ang alaala ng sumulat ngunit ang kaalamang kanyang ibinahagi ay mananatili sa isipan. Ayon pa rin kay Mabilin (2012) sa kanyang aklat na Transpormatibong Komunikasyon sa Akademikong Filipino, ang layunin sa pagsasagawa ng pagsulat ay maaaring mahati sa dalawang bahagi: ⮚ PERSONAL O EKSPRESIBO - kung saan ang layunin ng pagsulat ay nakabatay sa pansariling pananaw, karanasan, naiisip o nadarama ng manunulat. Ang ganitong uri ng pagsulat ay nakapagdudulot sa mambabasa ng kasiyahan, kalungkutan, pagkatakot, o pagkainis depende sa layunin ng taong sumusulat. Ang karaniwang halimbawa nito ay ang mga sumusunod: ✔ sanaysay ✔ maikling kwento ✔ tula ✔ dula ✔ awit at iba pang akdang pampanitikan ⮚ PANLIPUNAN O SOSYAL - kung saan ang layunin naman nito ay ang pagsulat ay makipag-ugnayan sa ibang tao o sa lipunang ginagalawan. Ang ibang tawag sa layuning ito ay transaksyonal. Ginagawa ang sulating ito taglay ang isang tiyak na layunin at ito ay walang iba kundi ang layuning makipag-ugnayan sa iba at lipunan. Ang karaniwang halimbawa nito ay ang mga sumusunod: ✔ pagsulat ng liham ✔ balita ✔ korespondensya ✔ pananaliksik ✔ sulating pang teknikal ✔ tesis ✔ disertasyon at iba pa Tandaan: Sa kabilang dako, maaari ding magkasabay na maisagawa ang layuning personal at sosyal. Partikular sa mga akdang pampanitikang naisulat bunga ng sariling pananaw na maaaring magkaroon ng kaugnayan sa lipunan tulad na lamang ng talumpati na karaniwang binibigkas sa harap ng madla upang maghatid ng ideya, mensahe at manghikayat sa mga nakikinig. Sa pangkalahatan, narito ang mga kahalagahan o benepisyong maaaring makuha sa pagsusulat, ito ay ang mga sumusunod: 1. Masasanay ang kakayahang mag-organisa ng mga kaisipan at maisulat ito sa pamamagitan ng obhetibong paraan. 2. Malilinang ang kasanayan sa pagsusuri ng mga datos na kakailanganin sa isinasagawang imbestigasyon o pananaliksik. 3. Mahuhubog ang isipan ng mga mag-aaral sa mapanuring pagbasa sa pamamagitan ng pagiging obhetibo sa paglalatag ng mga kaisipang isusulat batay sa mga nakalap na impormasyon. 4. Mahihikayat at mapapaunlad ang kakayahan sa matalinong paggamit ng aklatan sa paghahanap ng mga materyales at mahahalagang datos na kakailanganin sa pagsulat 5. Magdudulot ito ng kasiyahan sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at magkakaroon ng pagkakataong makapag-ambag ng kaalaman sa lipunan 6. Mahuhubog ang pagpapahalaga sa paggalang at pagkilala sa mga gawa at akda ng kanilang pag-aaral at akademikong Pagsisikap Malilinang ang kasanayan sa pangangalap ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang batis ng kaalaman para sa akademikong pagsulat Kaya naman sa limang makrong kasanayang pangwika, ang pagsulat ay isa rin sa mga dapat pagtuunan ng pansin na malinang at mahubog sa mga mag-aaral sapagkat dito masusukat ang kanilang kahandaan at kagalingan sa iba’t ibang disiplina. Ang mga makrong kasanayang tulad ng pakikinig, pagbabasa at panonood ay madalas ang isang indibidwal na gumagawa nito ay kumukuha o nagdaragdag ng mga kaalaaman sa kanyang isipan. Subalit, sa pagsasalita at pagsusulat, ang taong nagsasagawa nito ay nagbabahagi ng kanyang kaisipan at nalalaman tungkol sa isang tiyak na paksa sa pamamagitan ng kanyang sinabi o sinulat.