PAGSULAT SA PILING LARANGAN (AKADEMIK) PDF
Document Details
Uploaded by Deleted User
Tags
Summary
Ang dokumento ay naglalaman ng mga aralin, gawain at tanong ukol sa akademikong pagsulat sa Tagalog. Binibigyang kahulugan ang akademikong pagsulat at binabanggit ang layunin, gamit, katangian at anyo nito. May kasamang mga tanong at mga gawain.
Full Transcript
# PAGSULAT SA PILING LARANGAN (AKADEMIK) ## Ang Kahalagahan ng Pagsusulat at Ang Akademikong Pagsulat Sa pagtatapos ng aralin, kayo ay inaasahang: - Nabibigyang-kahulugan ang akademikong pagsusulat. - Nakikilalang iba't ibang akademikong sulatin ayon sa: - Layunin - Gamit - Katangian...
# PAGSULAT SA PILING LARANGAN (AKADEMIK) ## Ang Kahalagahan ng Pagsusulat at Ang Akademikong Pagsulat Sa pagtatapos ng aralin, kayo ay inaasahang: - Nabibigyang-kahulugan ang akademikong pagsusulat. - Nakikilalang iba't ibang akademikong sulatin ayon sa: - Layunin - Gamit - Katangian - Anyo - Nakapagsasagawa ng panimulang pananaliksik kaugnay ng kahulugan at katangian - Napapahalagahan ang akademikong pagsulat sa pamamagitan ng mga gawain ## PAUNANG PAGSUBOK: Panuto: Isaayos ang mga ginulong letra na may kaugnayan sa pagsulat upang maibigay ang wastong sagot sa bawat bilang. 1. Nais maipabatid o malaman. - **samenhe** 2. Tumutukoy sa pagpapahiwatig ng mga ideya. - **losimob** 3. Proseso ng paglilipat ng mga salita o mensahe sa malapit na katumbas. - **aslinpagas** 4. Kakayahang nakukuha ng isang tao sa pamamagitan ng karanasan o pag-aaral. - **kamanala** 5. Kapasidad o abilidad ng isang tao. - **sakanayna** ## Ano nga ba ang kahulugan ng pagsulat? Ang pagsulat ay pagsasalin sa papel o sa anomang kasangkapang maaaring magamit na mapagsasalinan ng mga nabuong salita, simbolo at ilustrasyon ng isang tao o mga tao sa layuning maipahayag ang kanyang/ kanilang kaisipan. Ito ay kapwa isang pisikal at mental na aktibiti na ginagawa para sa iba't ibang layunin. Ito ay pisikal na aktibiti sapagkat ginagamit dito ang kamay at mata. Mental na aktibiti rin ito sapagkat hindi maaaring hindi gamitin ang utak sa pagsusulat. Hindi biro ang gawaing pagsulat. Nangangailangan ng puspusang mental at konsiderableng antas ng kaalamang teknikal at iba pang kasanayan upang makabuo ng isang sulatin na may kalidad. ## Gawain #1 Panuto: Sagutin ng TAMA o MALI ang mga pahayag tungkol sa pagsulat. Isulat ang sagot sa inyong papel. 1. Ang malikhaing pagsulat at teknikal na pagsulat ay kapwa maituturing na akademikong pagsulat. **MALI** 2. Ang paggamit ng mga kolokyal at balbal na wika ay maituturing na pormal. **MALI** 3. Ang wikang Filipino ang opisyal na wika ng Pilipinas. **TAMA** 4. Ang mga awit, kwento at dula ay kabilang sa akademikong pagsulat. **MALI** 5. Hindi dapat isaalang-alang ang paksa sa pagsusulat. **MALI** ## Sa iyong sariling pananaw, ano nga ba ang kahalagahan ng pagsusulat at ang akademikong pagsulat? ## Akademikong Pagsulat Isang masinop at sistematikong pagsulat ukol sa isang karanasang panliipuunan. May katangian itong pormal, obhetibo, may paninindigan, may pananagutan, at may kalinawan. ## Ang Pagsusulat Malaking tulong ang pagsusulat lalong lalo na sa mga taong nakasusulat, nakababasa at maging sa pagdokumento ng mga mahahalagang pangyayari. Ayon kay Mabelin (2012), ang pagsusulat ay isang pagpapahayag ng kaalamang kailanman ay hindi maglalaho sa isipan ng mga bumasa at babasa sapagkat ito ay maaaring pasalin-salin sa bawat panahon. Maaaring mawawala ang alaala ng sumulat ngunit ang kaalamang kanyang ibinahagi ay mananatili. ## Layunin ng Pagsulat Ayon kay Mabelin (2012). Ang layunin sa pagsasagawa ng pagsulat ay maaaring mahati sa dalawang bahagi. Una, ito ay maaaring personal o ekspresibo kung saan ang layunin ng pagsulat ay nakabatay sa pansariling pananaw, karanasan, naiisip, o nadarama ng manunulat. Ang ganitong paraan ng pagsulat ay maaaring magdulot sa bumabasa ng kasiyahan, kalungkutan, pagkatakot, o pagkainis depende sa layunin ng taong sumusulat. Ang karaniwang halimbawa nito ay ginagawa ng mga manunulat ng sanaysay, maikling kuwento, tula, dula, awit, at iba pang akdang pampanitikan. Pangalawa, ito naman ay panlipunan o pansosyal kung saan ang layunin ng pagsulat ay ang makipag-ugnayan sa ibang tao o sa lipunan na ginalagalawan. Ang ibang halimbawa nito ay ang pagsulat ng liham, balita, korespondensiya, pananaliksik, sulating panteknikal, tesis, at iba pa. ## Sa pangkalahatan, narito ang kahalagahan o ang mga benipesyo na maaaring makuha sa pagsusulat: - Mahahasa ang kakayahang mag-organisa ng mga kaisipan at maisulat ito sa pamamagitan ng obhektibong paraan. - Malilinang ang kasanayan sa pagsusuri ng mga datos na kakailanganin sa isinisagawang imbestigasyon o pananaliksik. - Mahuhubog ang kaisipan sa pamamagitan ng mapanuring pagbasa sa pamamagitan ng pagiging obhektibo sa paglatag ng mga kaisipang isusulat batay sa mga nakalap na impormasyon. - Mahihikayat at mapauunlad ang kakayahan ng mag-aaral at makikilatis ang mahahalagang datos na kakailanganin sa pagsulat. - Maaaliw sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pagkakaroon ng pagkakataong makapag-ambag ng kaalaman sa lipunan. - Mahuhubog ang pagbibigay pagpapahalaga nang paggalang at pagkilala sa mga gawa at akda. - Malilinang ang kasanayan sa pagkalap ng mga impormasyon mula sa iba't ibang batis ng kaalaman para sa akademikong pagsusulat. ## Mga Gamit o Pangangailangan sa Pagsulat Kailangan nating mabatid ang mga dapat tandaan sa pagsusulat partikular ng akademikong pagsulat. Narito ang mga iilan: 1. **Wika** - Nagsisilbing behikulo para maisatitik ang mga kaisipan, kaalaman, damdamin, karanasan, impormasyon, at iba pang nais ipabatid ng taong nais sumulat. Dapat matiyak kung anong uri ng wika ang gagamitin upang madaling maunawaan sa uri ng taong babasa ng akda. Nararapat magamit ang wika sa malinaw, masining, tiyak, at payak na paraan. 2. **Paksa** - Ang pagkakaroon ng isang tiyak at maganda na tema ng isusulat ay isang magandang simula dahil dito iikot ang buong sulatin. Kailangan na magkaroon ng sapat na kaalaman sa paksang isusulat upang maging makabuluhan, at wasto ang mga datos na ilalagay sa akda o komposisyong susulatin. 3. **Layunin** - Ang layunin ang magsisilbing gabay sa paghabi ng mga datos o nilalaman ng isusulat. 4. **Pamaraan ng Pagsulat** - May limang paraan ng pagsulat upang mailahad ang kaalaman at kaisipan ng manunulat batay na rin sa layunin o pakay sa pagsusulat. - **Paraang Impormatibo** - Ang pangunahing layunin nito ay magbigay ng bagong impormasyon o kabatiran sa mga mambabasa. - **Paraang Ekspresibo** - Ang manunulat ay naglalayong magbahagi ng sariling opinyon, paniniwala, ideya, obserbasyon, at kaalaman hingil sa isang tiyak na paksa batay sa kanyang sariling karanasan o pag-aaral. - **Pamaraang Naratibo** - Ang pangunahing layunin nito ay magkuwento o magsalaysay ng mga pangyayari batay sa magkakaugnay at tiyak na pagkakasunod-sunod. - **Pamaraang Deskriptibo** - Ang pangunahing pakay ng pagsulat ay maglarawan ng katangian, anyo, hugis ng mga bagay o pangyayari batay sa mga nakikita, naririnig, natunghayan, naranasan at nasaksihan. - **Pamaraang Argumentatibo** - Naglalayong manghikayat o mangumbinsi sa mga mambabasa tungkol sa isang isyu o pananaw. 5. **Kasanayang Pampag-iisip** - Taglay ng manunulat ang kakayahang maganalisa upang masuri ang mga datos na mahalaga o hindi na impormasyon na ilalapat sa pagsulat. Kailangang makatuwiran ang paghahatol upang makabuo ng malinaw at mabisang pagpapaliwanag at maging obhetibo sa sulating ilalahad. 6. **Kaalaman sa Wastong Pamamaraan ng Pagsulat** - Dapat ding isaalangalang sa pagsulat ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa wika at retorika partikular sa wastong paggamit ng malaki at maliit na titik, wastong pagbaybay, paggamit ng batas, pagbuo ng talata, at masining at obhetibong paghabi ng mga kasipan upang makabuo ng isang mahusay na sulatin. 7. **Kasanayan sa Paghahabi ng Buong Sulatin** - Ito ay tumutukoy sa kakayahang mailatag ang mga kaisipan at impormasyon mula sa panimula hanggang sa wakas na maayos, organisado, obhetibo, at masining na pamamaraan ang isang komposisyon. ## TAKDANG ARALIN: - Mga Uri ng Pagsulat - Mga Katangiang Dapat Taglayin ng Akademikong Pagsulat