Modyul 5: Kakayahang Komunikatibo ng mga Pilipino PDF

Summary

Ang dokumentong ito ay isang modyul sa komunikasyon na tumatalakay sa kakayahang komunikatibo ng mga Pilipino sa aspetong pragmatiko at diskorsal. Nakapaloob dito ang mga depinisyon at halimbawa ng mga konsepto na mahalaga sa pakikipagtalastasan. Binibigyang-diin ang mga elemento ng speech act theory at cooperative principle.

Full Transcript

Modyul 5 KAKAYAHANG KOMUNIKATIBO NG MGA PILIPINO KAKAYAHANG PRAGMATIK Isa pang kakayahang dapat taglayin ng isang indibidwal para sa mabisang komunikasyon ay ang kakayahang pragmatiko. Tumutukoy ang kakayahang ito sa abilidad niyang ipabatid ang kanyang mensahe nang may sen...

Modyul 5 KAKAYAHANG KOMUNIKATIBO NG MGA PILIPINO KAKAYAHANG PRAGMATIK Isa pang kakayahang dapat taglayin ng isang indibidwal para sa mabisang komunikasyon ay ang kakayahang pragmatiko. Tumutukoy ang kakayahang ito sa abilidad niyang ipabatid ang kanyang mensahe nang may sensibilidad sa kontekstong sosyo-kultural at gayon din sa abilidad niyang mabigyang-kahulugan ang mga mensaheng nagmumula sa iba pang kasangot sa komunikatibong sitwasyon (Fraser, 2010). Mahihinuhang kaakibat ng pagkatuto sa pragmatika ang pag-aaral ng kahulugang ibinabahagi ng pinagmulan ng mensahe, ng kahulugang batay sa konteksto ng mensahe, ng mas epektibong pagpapabatid liban sa paggamit ng mga salita at ng nosyon ng agwat o distansya (Yule, 1996 & 2003). Inaasahan, kung gayon, na ang isang indibidwal na may kakayahang pragmatiko ay mabisang naihahayag ang kanyang mga mensahe sa pinakamainam na paraan, hindi lamang sa paggamit ng salita kundi ng iba pang estratehiya. Liban dito, inaasahan din sa kanya ang kakayahang unawain ang kanyang mga kausap batay sa kanilang mga sinasabi, o di-sinasabi na may lubos na pagsasaalang-alang sa konteksto ng komunikasyon. Speech Act Theory Hindi lamang nakatuon sa kontekstong gramatikal ang pragmatika, kundi sa mga mas malalalim at tagong kahulugan ng mga salita at mga pagganap sa sitwasyong komunikatibo, maiuugnay kung gayon dito ang teorya ng speech act. Ang naturang konsepto ay pinasimulan ng pilosopong si John Austin (1962) at ipinagpatuloy nina Searle (1969) at Grice (1975). Pinaniniwalaan ng teoryang ito na nagagamit ang wika sa pagganap sa mga kilos at kung paanong ang kahulugan at kilos ay maiuugnay sa wika (Clark, 2007). Sa pagpapaliwanag ni Yule (1996 & 2003) ang mga speech act na ito ay mga kilos na ginanap sa pamamagitan ng mga pagpapahayag. Kabilang sa mga ito ang paghingi ng paumanhin, pagrereklamo, papuri, paanyaya, pangako o pakiusap. Halimbawa, sa pahayag ng isang amo sa kanyang empleyado na Magpaalam na na sa iyong mga kasama, higit pa ito sa isang linggwistikong pahayag. Maliban sa gramatikal na kahulugan nito, maaaring pamamaraan ito ng pagsasabing tinatanggal na ang nasabing empleyado sa trabaho. Isa itong halimbawa ng tinatawag na speech act. Samantala, tinawag ni Auston (sa Clark, 2007) ang berbal na komunikasyon bilang speech act at tinukoy niyang sa bawat speech act, may tatlong magkakaibang akto na nagaganap nang sabay-sabay. Ang mga ito ay tinatawag niyang locutionary, perlocutionary at illocutionary act. Sa pagpapaliwanag ni Yule (1996) sa kanyang aklat na Pragmatics, inilahad niya na: 1. Ang locutionary act ay ang batayang akto ng pahayag o ang paggawa ng isang makabuluhan na linggwistikong pahayag. 2. Ang illocutionary act ay tumutukoy sa intension at gamit ng pahayag. Ang paggawa ng mga linggwistikong pahayag ay hindi lamang ginawa nang walang dahilan. May nasasaisip na tiyak na paggagamitan sa mga ito. 3. Ang perlocutionary act naman ay tumutukoy sa epekto ng mismong pahayag. Halimbawa: Nagtimpla ako ng lemonada. Sa kasong ito, ang locutionary act ay ang mismong pagsasabi ng naturang pahayag na Nagtimpla ako ng lemonada. Dahil ang intensyon nito ay upang anyayahan ang kausap na uminom, maituturing kung gyaon na illocutionary act ang pag-anyayang ito. Mula sa intensyong yayain ang kausap, inaasahang sasaluhan siya nito sa pag-inom ng lemonada. Ito naman ang perlocutionary act na tinatawag ding perlocutionary effect. Upang maging epektibo sa mga ugnayang kinabibilangan, mahalaga kung gayon ang masusing pagtukoy ng pinatutungkulan sa illocutionary act ang mahusay nitong pagganap sa perlocutionary effect. Inaasahan ding maging mahusay ang pinagmumulan ng mensahe sa kanyang pagpapahayag ng locutionary act. Sa ganitong paraan, nagiging maayos ang daloy ng komunikasyon at masasabing matagumpay na naisagawa ang mga layunin ng akto. Gayon pa man, gaano man kahusay ang mga kasangkot sa isang sitwasyong komunikatibo, naririyan pa rin ang posibilidad ng mga suliranin lalo na kung may hindi nabigyang-kahulugan nang tama ng pinatutungkulan ng illocutionary act sa isang sitwasyon. Ipinakikita nito ang kompleksidad ng komunikasyon at ang pagiging di- perpekto ng prosesong ito. Halimbawang sinabing Mag-uusap tayo mamaya, maaaring nagbabadya ito ng pagbabanta dahil may nagawang kasalanan ang pinatutungkulan, ng pagkagiliw sapagkat matagal nang di-nagkakausap ang mga kasangkot sa sitwasyonn o ng pagkakaroon ng mahalagang sasabihin ng nagsasalita sa nakikinig. Mahirap ang pagbibigay-kahulugan sa mga ganitong pahayag sapagkat hindi lamang ito nangangailangan ng pag-alam ng mga naitalagang kondisyon ayon sa linggwistikong pahayag kundi nagsasangkot din ito ng iba pang paktor tulad na lamang ng kaalaman sa nakagawiang paggamit ng salita ng kausap, mga nakagawiang tradisyon at ng mismong sitwasyon. Cooperative Principle Upang mapagtagumpayan ang mga ganitong hamon sa komunikasyon, isa pang paraan ang makatutulong para sa ikalulutas ng mga hamong ito – ang pagsasanay sa prinsipyo ng kooperasyon o mas kilala bilang cooperative principle (Grice, 1975). Ayon sa prinsipyong ito, ang mga kasangot sa komunikasyon ay inaasahang makikiisa para sa isang makabuluhang pag-uugnayan. Naglahad si Grice (1975; nasa Clark, 2007) ng apat na prinsipyo na magagamit bilang gabay sa pakikisangkot sa mga interaksyong interpersonal. Tinawag niyang maxims of conversation ang mga ito. Narito ang mga prinsipyo sa kumbersasyon na kaniyang binanggit: 1. Ang prinsipyo ng kantidad ay naiugnay sa dami ng impormasyong kailangang ibigay. a. Ibigay ang inaasahang dami ng impormasyong mula sa iyo. b. Huwag lalampas sa impormasyong inaasahan mula sa iyo. 2. Ang prinsipyo ng kalidad ay naiuugnay sa katotohanan ng ibinibigay na impormasyon. a. Huwag sabihin ang pinaniniwalaan mong hindi totoo. b. Huwag mong banggitin ang mga bagay na wala kang sapat na katibayan. 3. Ang prinsipyo ng relasyon ay naiuugnay sa halaga ng ibinibigay na impormasyon. a. Panatilihing mahalaga ang mga ibinibigay na impormasyon. 4. Ang prinsipyong pamaraan ay naiuugnay sa paraan ng pagbibigay sa impormasyon. a. Iwasan ang pagbibigay ng mga pahayag na mahirap maunawaan. b. Iwasan ang pagbibigay ng malalabong ideya. c. Gawing maiksi at huwag magpaligoy. d. Ayusin ang pagpapahayag. Batay sa mga prinsipyong ito, pansinin ang kasunod na sitwasyon: Lalapit si Vincent kay DJ na nakaupo sa may bangko sa ilalim ng punong manga. Sa ilalim ng bangko ay isang nakahilatang pusang putting-puti ang balahibo. Vincent: Maamo baa ng pusa mo? DJ: Oo naman. Bubuhatin ni Vincent ang putting pusa sa ilalim ng bangkong inuupuan ni DJ. Vincent: Aray, kinalmot ako! Sabi mo, maamo? DJ: Hindi ‘yan ang pusa ko! Mapapansin na nagaproblema sa sitwasyong ito dahil sa kawalan ng pakikiisa ni DJ sa kombersasyon. May paglabag sa tinatawag na prinsipyo ng kantidad sapagkat hindi sapat ang impormasyong kanyang ibinigay upang hindi sana nagana pang aksidente o maling pag-aakala ni Vincent. Kung sinabi niya sanang maamo ang pusa niya ngunit hindi ito ang nasa ilalim ng bangko, maaaring naiwasan sana ang pangyayari at nagkaunawaan sila. Bagaman isa rin itong indikasyon ng kawalan ng intensyon ni DJ para makiisa sa ugnayan. May dalawang aral, kung gayon na, maaaring makuha sa sitwasyong nailahad. Una, bilang kasangkot sa isang komunikatibong sitwasyon, dapat may kakayahan kang malaman kung nakikiisa ang iyong mga kasama sa sitwasyong kinasasangkutan. Ito ay upang makapag-adjust sa mga bagay-bagay na dapat mong gawin. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pagbasa o pagpapakahulugan sa mga senyas na di-berbal na namamayani sa konteksto ng usapan. Ikalawa, dapat sikaping magbigay ng sapat na makabuluhang mga impormasyon ang bawat kasapi sa usapan upang maging matagumpay ang komunikasyon. Pansinin ang isa pang sitwasyon: Trisha: Nasaan ang mga file para sa programa bukas? Macy: Nasa cabinet ni Prop. Lee. Sa ikalawang drawer nito. Kung papansinin, umaayon ito sa prinsipyo ng kooperasyon. Una, kompleto ang detalye ng impormasyong kinakailangan. Hindi labis at hindi rin kulang. Naibigay ang ninanais na impormasyon. Ikalawa, sinabi ni Macy ang totoong kinalalagyan ng mga hinahanap na file ayon sa katiyakang pinanghahawakan niya base marahil sa personal niyang pagkakaalam sa aktuwal na kinaroroonan ng mga ito. Ikatlo, dahil tiyak at totoo ang mga impormasyong ibinigay ng mga kasangkot, naitanong ang nais malaman, at naibigay ang kasagutang hinahanap, napanatili ang halaga ng bawat impormasyon. Ikaapat, malinaw, maayos at di-mapaligoy ang palitan ng pahayag. Naging maayos kung gayon ang daloy ng komunikasyon. Komunikasyong Di-Berbal Kasama sa kakayahang pragmatik ang pag-unawa sa mga tagong kahulugan na hindi matutunghayan sa mga salitang inihahayag sa usapan, mahalaga, kung gayon, ang kaalaman sa di-berbal na komunikasyon. Tinatayang 70% ng mga pakikipagtalastasang interpersonal ay binubuo ng mga di-berbal na simbolo. Ito ang mga senyas na hindi gumagamit ng salita subalit mas nakapagpapalinaw sa kahulugan ng mga pahayag. Ang mga di-berbal na senyas ay kinabibilangan ng mga sumusunod: 1. Chronemics. Mahalaga ang oras. Ito ay isang bagay na kulang sa maraming tao. Ang paggamit ng oras, kung gayon, ay maaaring kaakibatan ng mensahe. Halimbawa, ang pagdating nang huli sa isang job interview ay maaaring iinterpret na kakulangan ng disiplina. Samantala, ang pagdating naman nang maaga sa isang salu-salo ay maaaring makainsulto sa magbibigay ng salu-salo dahil maaari niya itong ikataranta sa paghahanda. Ang pagtawag sa telepono sa madaling araw ay malamang na ikagalit ng ibang tao. Maaari niyang iplagay iyong sinasadyang pang-iistorbo sa kanyang pagpapahinga at kung gayo’y isang kabastusan. Ngunit maaari rin naman niya iyong ipalagay na isang matinding pangangailangan o isang emergency. 2. Proxemics. Maaaring may kakulangan din ang espasyong inilalagay natin sa pagitan ng ating sarili at ng ibang tao. Ano ang iyong iisipin kung ang kaharap mo sa jeep na iyong sinasakyan ay halos magkapalitan na ang mukha, ika nga, sa kabila ng kaluwagan ng sasakyan? Paano ka makipag-usap sa iyong kasintahan? Gaano ang layo ninyo sa isa’t isa kadalasan? Gayon din ba ang layo mo kapag ika’y nakikipag-usap sa isang kaibigan, o sa isang di-kakilala o sa isang pangkat ng tagapakinig kapag ika’y nagtatalumpati? Hindi, di ba? May iba’t ibang uro ng proxemics distance tayong ginagawa sa iba’t ibang pagkakataon at ang distansyang ito ay maaaring mangahulugang intimate, personal, social o public. a. Public distance: 12 ft or more b. Social distance: 4-12 ft c. Personal distance: 1 ½-4 ft d. Intimate distance: up to 1-1/2 ft May mga pagkakaibang kultural kaugnay ng distansyang pisikal at pag-aayos ng pisikal na seting ng mga bagay-bagay. Sa britanya, halimbawa, bibihira ang pisikal na kontak sa pagitan ng mga tao. Maliban kung sila ay magkakaibigan, pakikipagkamay na ang pinakatanggap na anyo ng kontak. 3. Kinesics. Maraming sinasabi ang ating katawan, minsan pa nga’y higit pa sa mga tunog na lumalabas sa ating bibig. Kaya nga may tinatawag sa Ingles na body language. Ang ating pananamit at kaanyuan ay maaaring may mensahe rin. Ano ang iyong iisipin sa isang taong patpatin ang pangangatawan at halos kuba na kung maglakad? Ang ating tindig at kilos ay maaari ring magsalita para sa atin. Kapag nakakakita tayo ng isang lalaking tuwid na tuwid at matikas ang tindig, ang ang agad na inaakala natin sa kanya? Kung sa lobby ng isang ospital ay may makita kang isang lalaking paroo’t parito, ano ang ipapalagay mo sa kanya? Ang kumpas ng kamay ay isa ring may mayamang pinanggagalingan ng mensaheng di-berbal. Maaaring ang kumpas ay regulative katulad ng kumpas ng pulis sa pagpapahinto ng mga sasakyan sa daan o kumpas ng isang guro sa pagpapatahimik ng mga bata. Mayroon din tayong mga tinatawag na descriptive na kumpas na maaaring maglarawan ng laki, haba, layo, taas at hugis ng isang bagay. Ang paghampas ng kamay sa mesa, sabay na pagtaas ng dalawang kamay, pagkuyom ng palad at pakikipagkamay ay tinatawag na mga kumpas na emphatic. 4. Haptics. Ito ay tumutukoy sa paggamit ng sense of touch sa pagpapahatid ng mensahe. Sa ating wika, may iba-iba tayong tawag sa paraan ng paghawak sa ibang tao o bagay at bawat paraan ay may kanya-kanyang kahulugan. 5. Iconics. Sa ating paligid ay marami kang makikitang simbolo o icons na may malinaw na mensahe. Sa pintuan ng mga palikuran, ano’ng simbolo ang nagpapahiwatig na ang isa ay pambabae at ang isa naman ay panlalaki? Paano sinisimbolo na bawal manigarilyo sa isang lugar? Anong simbolo ang ginagamit sa mga lugar na para sa may kapansanan? Anong simbolo ang makikita sa botelya ng lason o sa reseta ng mga doktor, o sa tanggapan ng mga husgado? Sa mga kalsada o daan, ano-anong simbolong panlasangan ang iyong makikita? 6. Colorics. Ang kulay ay maaari ring magpahiwatig ng damdamin? Ano ang ipinapahiwatig ng damit na itim? Ng bandilang pula? Ng taling dilaw sa noo? Sa mga interseksyon ng daan, ano ang ibig sabihin ng ilaw na dilaw, berde at pula? Ano ang ipinapahiwatig ng puting panyo? Sadya ngang ang kulay ng mga bagay-bagay ay madalas nating nilalapatan ng kahulugan. 7. Paralanguage. Ito ay tumutukoy sa paraan ng pagbigkas sa isang salita. Ang salitang oo, halimbawa, ay maaaring mangahulugan ng pagsuko, pagsang-ayon galit, kawalan ng interes o paghamon depende kung paano iyon binigkas. Nakapaloob din dito ang pagbibigay-diin sa mga salita, bilis ng pagbigkas, paghinto sa loob ng pangungusap, lakas ng boses at taginting ng tinig. Ang mga ito ay maaaring magpabago-bago sa kahulugan kahit ng isang salita lamang. Halimbawa, subukan mong bigkasin ang tunog na oh sa iba’t ibang paraan. Ano ang posbleng kahulugan ng bawat paraan mo ng pagbigkas ng tunog na iyon? 8. Oculesics. Tumutukoy ito sa paggamit ng mata sa paghahatid ng mensahe. Hindi nga ba’t may iba’t ibang kahulugan ang pamumungay, pagkindat, panlalaki at panlilisik ng mga mata? 9. Objectics. Paggamit ito ng mga bagay sa paghahatid ng mensahe. Paano mo ipapahayag ang galit gamit ang tsinelas o sinturon? Paano mo ipapahayag ang pag-ibig gamit ang bulaklak? Ano’ng bagay ang ginagamit ng mga holdper upang makapanakot ng kanilang biktima? 10. Olfactorics. Nakatuon naman ito sa pang-amoy. Isipin na lang, bakit nilalagyan ng pandan ang sinaing? Bakit ka nagtatakip ng ilong magkaminsan? Sadyang may kaakibat na mensahe ang mga nasabing halimbawa. 11. Pictics. Hindi rin maitatago ang ating damdamin at tunay na intension sa ating mukha. Sa mukha, maaaring makita kung ang isang tao ay masaya, umiibig, malungkot, nag-aalala, natatakot, may suliranin, nahihirapan, galit o di kaya’y nag-iisip. 12. Vocalics. Paggamit ito ng tunog, liban sa pasalitang tunog. Halimbawa nito ay ang pagsutsot sa pagtawag ng pansin ng isang tao. Ilan pang halimbawa nito ay pag-ehem, pag-tsk-tsk at pagbuntong-hininga. Ang kahandaang bigyang kahulugan ang mga simbolong di-berbal na karaniwang pumapaloob sa mga talastasang interpersonal at pampubliko ay isang malaking hakbang para maging mas mahusay ang participant sa isang sitwasyong komunikatibo. Mahalaga ito para makita ang mga tagong kahulugan na lingid sa mga gramtikal na konstruksyon ng mga lingguwistikong pahayag. Presupposition Mapapaigting pang lalo ang kakayahang makita ang mga bagay-bagay na tago at di-sinasabi nang tuwiran ng taong kausap o ng tekstong binabasa sa pamamagitan ng presupposition. Tumutukoy ito sa isang bagay na ipinagpapalagay ng nagsasalita na totoo at ipinapagpapalagay rin niyang nalalaman ng nakikinig. Mahalaga ang pagtukoy ng nakikinig sa mga pagpapalagay na ito sapagkat may mga pagkakataong kailangang linawin o baguhin ang mga pagpapalagay lalo na kung hindi naman ito totoo. Ang kabiguang masuri ang mga pahayag at malinaw ito ay nangangahulugang pagtanggap na lamang sa pagpapalagay na ito ng nagsasalita. Sa kabilang dako, upang mapaghusay ang kabuoan ng komunikasyon, inaasahang hindi lamang ang nakikinig o tumatanggap ng mensahe ang kailangang maging masusi sa pagtukoy sa mga ganitong pagpapalagay. Kinakailangan ding ang nagsasalita ay may pagsusuri sa katotohanan mula sa kanyang pagpapalagay bagamat ipinapagpapalagay niya itong totoo. Makabubuti sa isang ugnayan kung malilinaw pa rin ang mga pagpapalagay ng isang panig sa kabila. Maiibsan kung naisasagawa ang mga prinsipyo sa kooperatibong pakikipag-usap. Pansinin ang mga sumusunod na pahayag: a. Huli ka na naman. (Ipinapalagay na nahuli ka na dati.) b. Nagkukunwari siyang may sakit. (Ipinapalagay na wala talaga siyang sakit.) c. Walang nakakapansin na siya’y may problema. (Ipinapalagay na siya’y may problema.) d. Kailan ka pa tumigil uminom? (Ipinapalagay na siya’y dating umiinom.) Sa mga pagkakataon na sa isang talastasan ay may pagpapalagay ang nagsasalita, pareho ba sila ng pagpapalagay ng taong pinatutungkulan niya? Nagkakaroon ng suliranin sa pagpapabatid ng mensahe kung may magkaibang pagpapalagay ang mga taong kasangkot sa eksena. Halimbawang ikaw ay testigo sa isang aksidenteng kinasangkutan ng isang rumaragsang motorsiklo na nakabangga sa isang batang babae. Patawid noon ang bata habang ang stop light ay nakapulang signal subalit humaharurot ang motorsiklo at nabangga niya ang bata. Hindi mo napansin kung naging berde na ang ilaw ng traffic light at tanging ang komosyon na ang iyong napansin. Pulis: Gaano kabilis ang motor nang humarurot ito habang naka-red light? Ikaw:. Kung sasagutin mo, halimbawa, ang katanungan ng pulis ayon sa iyong tantiya o pagsasabing mabilis talaga ito at sinasagot mo lamang ang kanyang katanungan, tinatanggap mo na kung ang pagpapalagay o presupposition sa pahayag na mabilis na tumatakbo ang motor, at naka-red light nang tumatakbo ito. Ang totoo, hindi mo napansin kung naka-red light pa nang mabangga ang bata. Hindi ka tiyak kung nabangga siya habang nakahinto dapat ang mga sasakyan. Ipinahihiwatig ng halimbawang ito na may mga pahayag na may kasama nang mga pagpapalagay at kapag hindi ito nasuri nang maigi ng pinatutungkulan, maaaring tanggapin na lamang niya ang pagpapalagay kahit hindi siya sigurado sa katotohanan nito. Pagkamagalang o Politeness Upang maging lubos ang kakayahang pragmatiko ng isang tao, kailangan din niyang matutuhan ang konsepto ng pagkamagalang. Iba’t iba ang asosasyon sa konsepto ng pagkamagalang. Maaaring iugnay dito ang pagkamahinahon, pagkamabuti, o hindi pagiging taklesa. Sa lingguwistika, ito ay iniuugnay sa konsepto ng mukha o face. Sabi ni George Yule (2003), ang mukha ng tao ay ang kanyang imaheng pampubliko. Ito raw ang kanyang emosyonal at sosyal na pagtaya sa sarili na inaasahan din niyang makikita ng iba. Ang pagkamagalang, kung gayon, ay ang pagpapakita ng pagpapahalaga sa mukha ng ibang tao. Pansinin ang mga kasunod na mga pahayag: a. Akin na ang tubig. b. Pakiabot nga (po) ang tubig. Sa pahayag (a), ipinapakita rito ang kapangyarihang sosyal. Magagawa lamang ito kung ang nagsasalita ay may mas mataas na katungkulan kaysa sa inuutusan. Maaari ring may mas edad na ang nag-uutos sapagkat isang kabastusan kung ganito ang pagsasabi ng isang nakababata sa isang nakatatanda. Samantala sa pahayag (b), makikita ang pagtatanggal sa kaakibat na kapangyarihang sosyal sa pahayag (a). ipinapakita nito ang isang pakiusap na sa kaso ng kulturang Pilipino ay laging inaasahan maging ano man ang katayuan sa buhay. Ang paraan ng pakikipag-usap o paghahayag sa mga mensahe ay nagkakaiba- iba depende sa kulturang kinalakhan. May mga kulturang kung magsalita ay straightforward at mayroon namang indirect. Sa ganitong pagkakaiba ng kapaligiran, magiging magkaiba ang pagtanaw sa kung ano ang akma at di-akmang paghahayag ng mga mensahe. Mahalagang konsiderasyon ito upang matutong mag-adjust depende sa hinihingi ng pagkakataon na batay sa pragmatika ng mga mensaheng ipinababatid. Maliban dito, sinasalamin din na ang pagkamagalang ay magkakaiba depende sa kultural na oryentasyon ng isang tao, ngunit kung may malawak na kaalamang kultural ang isang tao, mas makapag-aadap siya sa mga sitwasyong kailangan niyang makibagay ayon sa kahingian ng mga pagkakataon. KAKAYAHANG DISKORSAL Sa pinakasimpleng pagpapakahulugan, ang kakayahang diskorsal ay tumutuon hindi sa interpretasyon ng mga indibidwal na pangungusap kundi sa koneksyon ng magkakasunod na mga pangungusap tungo sa isang makabuluhang kabuoan (Savignon, 2007). Pumapaloob sa kakayahang ito ang abilidad na maunawaan at makalikha ng mga anyo ng wika na mas malawig kaysa sa mga pangungusap. Kabilang dito ang mga kwento, pag-uusap, mga liham at iba pa na may angkop na kohesyon, kohirens at organisasyong retorikal. Kasama rin dito ang kakayahang lohikal na maisaayos ang mga pahayag para makalikha ng isang malawig at mahabang pahayag ngunit may kaisahan (Saez & Martin, 2010). Ang kakayahang diskorsal ay tumutukoy din sa pagtiyak sa kahulugang ipinapahayag ng mga teksto/sitwasyon ayon sa konteksto. Samakatuwid, saklaw nito ang kakayahan sa pag-unawa ng mga salita at sa iba’t ibang antas ng diskurso mula salita hanggang sa mga buong pangungusap at talata. Ang paglinang ng kakayahang diskorsal ay nakasalalay sa patuloy na pagbabasa-basa, pagsusuri at pag-unawa sa binasa, paggamit ng materyales na tulad ng diksyunaryo at tesawro, at matamang pakikinig sa kausap at pag-unawa sa mga salita batay sa konteksto. Masasabi mo bang may kakayahang diskorsal ang isang taong nagpahayag ng sumusunod? “Pumunta ako sa palengke kanina. Maglaro tayo. Makikita mo ang hinahanap mo. Isasama kita. Marami-rami rin ang kanyang kinain. Napaiyak ako sa palabas sa telebisyon.” Malinaw ba ang pahayag? Ano ang dapat gawin upang maging makabuluhan ang pahayg? Tandaan, may dalawang bagay na isinasaalang-alang upag malinang ang kakayahang diskorsal – ang cohesion o pagkakaisa at coherence o pagkakaugnay- ugnay. Kohesiyon at Kohirens 1. Kohisyon Ang kohisyon, ayon kina Halliday at Hassan (1976), ay tumutukoy sa ugnayan ng kahulugan sa loob ng teksto. Maituturing na may kohisyon ang mga pahayag kung ang interpretasyon ng isang pahayag ay nakadepende sa isa pang pahayag. Makikita ito sa susunod na halimbawa: Maraming pagbabago sa pakikisama ni Sarah. Naging madalas na ang kanyang pagdalo sa mga gawain sa komunidad. Napapadalas na rin ang pagboboluntaryo niya upang manguna sa mga gawain. Masasabing may kohisyon ang mga ito sapagkat may mga elementong nag- uugnay sa bawat pahayag. Tinatawag itong cohesive links. Sa halimbawang ito, ito ay ang mga panghalip na ginagamit upang iugnay sa pangngalang Sarah (Sarah – kanyang(ng) – niya). Sa kabilang banda, maaarin rin namang semantiko ang pag-uugnay. Halimbawa, Magara ang sasakyan. Politiko ang may-ari. Kahit walang leksikal na kohisyon tulad nang sa una, may koneksyon pa rin ang dalawang pahayag dahil sa relasyong semantiko ng mga iti. Ang pagiging politiko ng may- ari ng sasakyan ay nagbibigay sa kanya ng kakayahang makabili ng ganoong klaseng sasakyan (magarang sasakyan). Tinatawag naman itong semantikong kohisyon. 2. Kohirens Tumutukoy naman ang kohirens sa kaisahan ng lahat ng pahayag sa isang sentral na ideya. Dapat malaman ng isang nagdidiskurso na may mga pahayag na may leksikal at semantikong kohisyon ngunit walang kaisahan. Tunghayan ang isang halimbawa: Maraming pagbabago sa pakikisama ni Sarah. Naging madalas na ang kanyang pagdalo sa mga gawain sa komunidad. Napapadalas na rin ang pagboboluntaryo niya upang manguna sa mga gawain. Si Sarah ay may asawa. kung tutuusin, may kaugnayang leksikal ang huling pahayag (Sarah – kanya (ng) – niya – Sarah) sa lahat ng mga naunang pahayag dito, kung gayon ay kohisib ito, sublait wala itong kaisahan sa pinakatuon na mensahe ng pahayag – ang pagbabago sa pakikitungo ni Sarah. Makikita, kung gayon, ang kawalan ng kohirens sa sitwasyong ito. Ang kohirens ay hindi talaga nag-eeksist sa wika kundi sa mga taong gumagamit nito (Yule, 2003). Nakadepende ang pagkakaroon ng kaisahan sa mga pahayag sa persepsyon ng nakikinig o bumabasa ng diskurso. Sa pagtinging ito, inaasahang ang pagdidiskurso ay maging maingat sa pagtatatag ng malinaw na kaisahan ng kahulugan ng bawat niyang pahayag sa isang sentral na ideyang tinatalakay sa kanyang diskurso. Ito ay upang maging madali ang paggagap ng nakikinig o bumabasa sa kahulugan ng mga pahayag nito at hindi magkaroon ng taliwas o ibang persepsyon ukol sa pahayag. Mga Sanggunian: Bernales, R. A., Pascual MA. A., Ravina, E. A., (2016). Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Valenzuela City. Jo-Es Publishing House, Inc. Briones, JK. R., San Juan, DM. M., (2016). Salimbay: Mga Teorya at Praktika ng Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Makati City. Don Bosco Press, Inc. Dayag, A. M., del Rosario, M. G., (2016). Pinagyamang Pluma Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino. Quezon City. Phoenix Publishing House

Use Quizgecko on...
Browser
Browser