AP 8 ARALIN 27 (PDF)
Document Details
Uploaded by LuckiestUnderstanding6978
Tags
Related
- Ang Kolonyalismo at Imperyalismo sa Timog Silangang Asya
- Ang Europe sa Panahon ng Paggalugad at Kolonyalismo PDF
- Ang mga Asyano sa Panahon ng Paggalugad at Kolonyalismo PDF
- Ang Konsepto ng Kolonyalismo at Imperyalismo - Pag-aaral ng Kasaysayan
- AP7 MATATAG Q2 Week 1 - Kolonyalismo at Imperyalismo with Unang Misa PDF
- Kolonyalismo at Imperyalismo: Araling Panlipunan 7
Summary
Ang dokumento ay naglalaman ng mga aralin tungkol sa ikalawang yugto ng kolonyalismo, na nagsisimula noong ikalabing-walong siglo hanggang 1914. Nagtatalakay ito tungkol sa mga dahilan at epekto ng pagpapalawak ng mga kolonya sa Africa.
Full Transcript
# Batayan at pag-igting ng ikalawang yugto ng kolonyalismo ## Ang Rebolusyong Siyentipiko at Rebolusyong Industriyal Ang Rebolusyong Siyentipiko at Rebolusyong Industriyal noong ikalabingwalong siglo ang naging salik sa mabilis na paglalakbay sa karagatan bunga ng mga bagong tuklas na teknolohiya....
# Batayan at pag-igting ng ikalawang yugto ng kolonyalismo ## Ang Rebolusyong Siyentipiko at Rebolusyong Industriyal Ang Rebolusyong Siyentipiko at Rebolusyong Industriyal noong ikalabingwalong siglo ang naging salik sa mabilis na paglalakbay sa karagatan bunga ng mga bagong tuklas na teknolohiya. Ginamit ang tuklas na steamboat upang lalong magalugad ang karagatan at mga makikitid na ilog. Sa pamamagitan ng telegrapo, naging mabilis ang pakikipag-ugnayan ng mga bansa. Naging posible ang mahabang paglalakbay sapagkat natuklasan ang paggamit ng medisina tulad ng gamot na quinine, isang uri ng gamot para sa malarya. Dahil dito, nakatagal ang mga maglalayag sa paglalakbay sa mahabang panahon sa karagatan. Bunga ng mga bagong tuklas na ito, sumidhi ang paghahangad sa paghahanap ng mga lupain na maaaring gawing pamilihan na pagdadalhan ng mga produktong nagawa. Ang mga bagong tuklas na makinarya ay nakapagpabilis at nakapagparami ng produksiyon kung kaya't kinailangan ng mas maraming pagtatayuan ng mga bagong pabrika. Ang mga produktong gaya ng rubber, copper, at ginto ay nanggaling sa Africa; ang bulak at jute sa India; at ang lata sa Timog-Silangang Asya. Ang mga hilaw na sangkap na ito ay nakatulong sa pagpapalaki at pagpapalago ng mga industriya sa Amerika at sa Europa. ## Ang mga Kolonya Ginampanan ng mga kolonya ang mahalagang papel ng pagiging bagong pamilihan at paglalagakan ng mga produkto ng mga Europeo. Ang mga kolonya ay nagsilbing tagapagluwas ng mga hilaw na sangkap na kailangan sa pagbubuo ng mga produktong ginagawa sa mga pabrika ng mga Kanluranin. Ang ganitong kalakaran ay umiral sa mahabang panahon. ## Ang Pagpapalawak ng mga Teritoryo Ang pagpapalawak ng teritoryo ng mga Europeo ay nagsimula noong ikalabinlimang siglo ngunit ang proseso ng mas higit na pagpapalawak ay bumilis sa pagsapit ng ikalabingwalong siglo. Nanguna ang Portugal at ang Espanya sa yugtong ito na sinundan ng Inglatera at ng Pransiya. Lalo pang lumawig ang kapangyarihan ng mga Kanluranin sa ikalabinsiyam na siglo. Nanguna ang Gran Britanya, Pransiya, Alemanya, Rusya, at Netherlands. Gumamit sila ng iba't ibang pamamaraan sa pagpapalawak kani-kanilang mga imperyo. Sa huling bahagi ng ikalabingsiyam na siglo, sasali na sa paligsahan ang Estados Unidos at ang Hapon. Ito na ang simula ng ikalawang yugto ng imperyalismo. ## Lawak ng Ikalawang Yugto ng Kolonyalismo Sa pamamagitan ng pinagsamang kapangyarihan sa karagatan, sentralisadong pamahalaan, at industriyalisadong ekonomiya, naging mas malawak ang imperyo ng mga Kanluranin mula sa ikalabingwalong siglo hanggang sa 1914. ### Sa Africa Simula ng matuklasan ni Vasco da Gama ang ruta patungong Africa, nagtayo na ng mga kolonya sa may baybayin ng Africa ang mga Kanluranin. Ngunit bago ang ikalabingwalong siglo, kaunti lamang ang kaalaman ng mga Europeo sa Africa. May mga naglakbay na mga eksplorador ngunit hindi nila nagalugad ang kasuluk-sulukan ng Africa. Ito ay dahil sa mga mapanganib na mga ilog, madidilim na kagubatan, at mababangis na mga hayop rito. Tanging sa hilagang bahagi nito pamilyar ang mga manlalakbay. Ang kalawakan ng rainforest at mga damuhan nito ay hindi pa natutuklasan. Sa pamamagitan ni David Livingstone, isang Scottish na doktor, nakilala ang mayamang Africa. Siya ang kauna-unahang manlalakbay sa Africa na nakasaksi sa kagandahan ng mga likas na yaman nito. Taong 1841 nang magtungo siya sa Africa para sa isang misyong medikal. Ito ang nagbigay sa kaniya ng pagkakataong galugarin ang kontinente. Sa loob ng dalawang taon ng kaniyang pamamalagi, sumulat siya ng isang aklat na naglalaman ng kaniyang mga karanasan at paglalarawan sa Africa sa pamamagitan ni Henry Stanley, isa ring manlalakbay. Natagpuan niya si Livingstone sa Tanganyika (kasalukuyang Tanzania). Dito ay nagkaroon siya ng pagkakataong makausap si Livingstone bago pa ito binawian ng buhay dahil sa sakit. ### Scramble for Africa (1879-1900) Ang mga kaalamang inihatid ni Livingstone ang nag-udyok sa mga Kanluranin na pagbayuhin ang kanilang pag-angkin sa Africa. Naging sentro ng pag-aagawan ang Africa, na sa wikang Ingles ay binansagang Scramble for Africa, ng mga Europeo, sa huling bahagi ng ikalabingwalong siglo. Mula 1450 hanggang 1750, ang mga Europeo ay nakikipagkalakalan na sa Africa kung kaya't ang ugnayan ng mga Europeo at mga African ay hindi na bago. Ang pangunahing dahilan ng kanilang ugnayan ay nauukol sa kalakalan ng mga alipin. Ang mga African ay ginagamit bilang tagagawa sa mga naitayong plantasyon ng mga Europeo. Nakapagtatag na rin sila ng ilang mga kolonya sa baybayin ng Africa. Nagtapos ang kalakalan ng mga alipin noong 1800. Sumidhi ang pagnanais ng mga Europeo na mapasok ang Africa hindi para sa mga alipin, kundi para makuha ang mga hilaw na sangkap nito tulad ng palm oil, bulak, diamond, cocoa, at rubber. Naging masigla ang kalakalan ng mga Kanluranin sa hilagang bahagi ng Africa lalo na sa Ehipto at sa Ethiopia. Ang Gran Britanya ang itinuring na pinakamakapangyarihan sa kalakalang pandaigdig bunga ng Rebolusyong Industriyal. Dahil dito, lumawig ang kaniyang nasasakupan at nakapagtatag ito ng mga estasyon sa baybayin ng Africa. Sa loob ng isang dekada, namayagpag ang kaniyang kapangyarihan. Ngunit pagsapit ng 1880, humina ang posisyon nito at naapektuhan ang pang-ekonomiyang ugnayan sa mga naitatag na kolonya. Humarap ang Gran Britanya sa mga suliraning komersyal, teknolohika, at pandagat. Tumamlay ang kaniyang ekonomiya at nawala ang dominasyon sa kalakalang pandaigdig. Sinamantala ng mga karibal ng Gran Britanya ang sitwasyong kinakaharap ng bansa. Naging daan ito upang ibaling ng Alemanya, Pransiya, at Italya ang kanilang tuon sa Africa. Ginalugad nila ang loob ng Africa noong 1914 at magmula rito ay nagsimula nang paghatian ng mga Kanluranin ang Africa. Nasakop ng Pransiya ang Algeria noong 1848 at ang kanluran naman ay nailagay sa kanilang kontrol noong 1898. Nailagay naman ang Congo sa mga kamay ng Belgium. Kinuha ng Italya ang paligid ng Tripoli at pinag-awayan ng Pransiya at ng Alemanya ang Morocco. Sa taong 1870, 10 porsiyento ng kabuuang Africa ay nasa kontrol ng mga Europeo at sa taong 1895, 90 porsiyento ng Africa ay naging mga kolonya na ng mga Europeo. Pinakamalawak ang naitatag na pamahalaang kolonyal ng Pransiya at Gran Britanya. ### Berlin Conference (1884-1885) Ang susi ng politikal na paligsahan ng mga Europeo sa kolonisasyon ng Africa ay ang Berlin Conference. Ipinatawag ni Otto von Bismarck, kilala bilang Iron Chancellor ng Alemanya, ang kinatawan ng labinlimang nasyon upang tugunan ang matinding paligsahan ng mga ito sa pagkuha ng likas na yaman ng Africa. Sa pamamagitan ng kumperensya, naisaayos ang paghahatian ng mga Kanluranin sa Africa. Bunga nito, tanging ang Ethiopia at ang Liberia ang naiwang malaya sa kamay ng mga dayuhang mananakop. ### Sa Timog Asya Ginamit ng Gran Britanya ang bagong tuklas na ruta sa pagtatatag ng pamahalaang kolonyal sa India. Itinatag ang British East India Company na nagbigay-daan upang makontrol ng mga British ang kalakalan ng ruta tungo sa India. Ito ang dahilan sa pagiging mayaman ng kompanya na nagdala ng malaking kita sa imperyo at sa mga mangangalakal na naging bahagi ng kalakalan. Ang kompanya ring ito ang susi upang maipakilala ang kaisipan, kultura, edukasyon, at teknolohiya ng Gran Britanya sa India. Nang lumaon, inilipat sa pamamahala ng imperyo ang India. Dahil sa nakamit na kayamanan mula rito, tinawag ng mga British ang India na brightest jewel. Samantala, naging mahigpit na kakumpetensiya ng Britanya ang Pransiya sa kalakalan sa India. Itinatag ng Pransiya ang French East India Company, ang kompanyang binigyan ng karapatan ng pamahalaan ng Pransiya na mangalaga sa kalakalan sa mga kolonya nito. Matindi ang naging labanan ng dalawang bansa na humantong sa isang digmaan. Sa dalawang pagkakataon, ang Britanya at ang Pransiya ay nasangkot sa digmaan, ang una ay alitan dahil sa kolonya sa Hilagang Amerika sa pamamagitan ng Seven Years' War noong 1756-1763, at pangalawa ay dahil sa India. Hinadlangan ng mga Ingles ang mga Pranses sa pamamagitan ng Battle of Plassey noong 1757 kung saan natalo ang mga Pranses. Ang pag-iral ng mga patakarang pampolitika, pang-ekonomiya, at panlipunan ang Gran Britanya sa India. Ang mga patakarang ipinatupad ay naging marahas. Ang mga katutubong tradisyon gaya ng suttee o sati ay ipinagbawal. ### Sino Siya sa Kasaysayan? Otto von Bismarck (1815-1898) Taong 1849, nahalal si Otto von Bismarck sa mababang kapulungan ng Prussian Chamber of Deputies. Sa pagkakataong ito, nasa panig siya ng mga Prussian. Hinirang siya ni Frederick William IV bilang kinatawan ng mga Prusyan sa Federal Diet ng Frankfurt dahil sa kaniyang katapatan sa monarkiya. Ipinadala siya sa Rusya noong 1859 bilang embahador ng Prussia at nang lumaon ay lumipat siya sa Paris bilang embahador sa kaharian ni Napoleon III. Ginugol niya ang labing-isang taon bilang embahador kung kaya't napalawak niya ang kaniyang karanasan sa pandayuhang gawain bago siya nahirang bilang Punong Ministro ng Prussia noong Setyembre 1862. Sa pamamagitan niya, ang mahinang bansa ay naging isang malakas na teritoryo. Naipanalo niya ang tatlong digmaang kinasangkutan ng Prussia at napag-isa niya ang imperyong Aleman. Sa loob ng mahigit 28 taon bilang punong ministro ng Prussia at 19 na taon bilang Chancellor ng imperyong Aleman, naiwan niya ang isang malawak na langkay-langkay na samahan ng mga estado at nagtaglay siya ng isang makapangyarihang industriya at militar sa Europa. ### Ang mga babaeng balo, sa paniniwalang Hindu, ay pinagbabawalang mag-asawa, ngunit nagpanukala ng mga batas ang mga Ingles na maaari nang mag-asawa ang mga balo. Kabilang sa mga ipinatupad ng mga Ingles ay ang pagpataw ng buwis sa mga may-ari ng lupa at ang mga lahing Puti lamang ang inilalagay sa mga posisyon sa pamahalaan. Bunga nito, sumiklab ang isang rebelyon na kung tawagin ay Rebelyong Sepoy. Ang mga Sepoy ay mga kawal sa India. Sila ay nag-alsa upang tutulan ang pagsisimula ng pag-impluwensiya ng mga Ingles sa kanilang pananampalataya at panlipunang pamumuhay. Napag-alaman ng mga Sepoy na ang taba ng baboy at baka ay ginagamit na panlinis sa mga sandata. Sa paniniwalang Muslim, ang taba ng baboy ay marumi, at para sa mga Hindu, ang taba ng baka ay sagrado. Isang direktang paglapastangan sa kanilang relihiyon ang ginawa ng mga Ingles. Upang mapanatili ang kapangyarihan ng Britanya, tumulong na ang pamahalaan upang mapigil ang rebelyon. Ang pamahalaang Ingles ang direktang namahala sa India mula sa British East India Company pagkatapos ng rebelyon. Upang mapangalagaan ang interes ng Britanya, nagtalaga ang pamahalaan ng isang viceroy na kinatawan ng pamahalaang Ingles. Noong 1876, ganap nang itinalaga si Queen Victoria bilang "Emperatris ng India. Dahil sa naganap na rebelyon, binigyuan ng pagkakataon ang mga katutubong manungkulan sa pamahalaan lalo na ang lahat ng nakiisa sa mga Ingles ngunit ang maseselang posisyon ay nasa pamahalaang ingles. ## Upang maipalaganap ang pangunahing interes sa kalakalan sa India, nagtatag ng isang sentralisadong pamahalaan. Iba’t ibang reporma ang isinagawa ng pamahalaang sentral, at una na rito ang pagpapaunlad ng transportasyon. Sa pagitan ng 1850 hanggang 1870, nagtatag ng sistema ng komunikasyon at irigasyon. Nagpatayo rin ng mga ospital at mga paaralan. Nilapatan ng lunas ang mga sakit tulad ng malarya at tuberkulosis na noon ay hindi alam ng mga katutubo kung paano lulunasan. Sa mga paaralan, ginamit ang wikang Ingles bilang midyum ng panturo. Maging ang mga bagong kaalaman sa teknolohiya ay ipinakilala sa mga katutubo. May mga Indian na ipinadala at pinag-aral sa Inglatera. Isa sa pinakamahalagang reporma sa panahong ito ay ang pagbubukas ng Kanal Suez. Sa pamamagitan nito, naging mabilis ang ugnayan ng Britanya at India. Ang Kanal Suez ang pinakamadaling ruta na nag-uugnay sa Dagat Mediteraneo at Dagat Pula. ## Sa Timog-Silangang Asya Hangad ng mga Kanluraning makuha ang Spice Island kung kaya't nagpatuloy ang pagsakop nila sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Nailagay sa kontrol ng Gran Britanya ang Malacca, Singapore, at Burma. Samantala, napunta naman ang Vietnam, Cambodia, at Laos sa pamamahala ng Pransiya. Kinontrol at pinamahalaan ng Espanya ang Pilipinas sa loob ng mahigit 300 taon at pagkatapos ay sinundan ito ng pananakop ng Estados Unidos. Patuloy na pinamahalaan ng Netherlands ang Indonesia. Bukod tangi ang Thailand, sa lahat ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya, na napanatili ang kaniyang kasarinlan. Nakilala ang Thailand bilang Buffer State o estado sa pagitan ng mga teritoryong kolonyal ng Inglatera at ng Pransiya. Tulad ng nangyari sa India, nagtatag ng sentralisadong pamahalaan ang mga kolonyalista upang maging ganap ang kanilang pagkontrol sa mga sakop na bansa. Nagpatupad din sila ng mga repormang nakapagpabago ng pamumuhay ng mga tao. ## Silangang Asya Ang Tsina ang pinakamalaking bansa sa Asya na matatagpuan sa silangang rehiyon. Bago pa man manakop ang mga Kanluranin, matagal na ang ugnayang kalakalan ng Europa at ng Tsina. Bagaman naging malawak ang pananakop ng mga Kanluranin, hindi gaanong naapektuhan ang Tsina dahil sa paggamit nito sa patakarang isolation. Gayunman, wala ring nagawa ang Tsina nang tuluyang manghimasok ang mga Kanluranin. Tanging ang daungan sa Canton ang ibinukas ng mga Tsino para sa kalakalan. Mahigpit sila sa mga mangangalakal na Kanluranin. Nagpataw sila ng mataas na buwis sa mga mangangalakal. Higit ang pangangailangan ng mga Kanluranin sa mga produkto ng Tsina tulad ng seda at porselana kung kaya't mas mataas ang kanilang iniaangkat kaysa iniluluwas. Dahil dito, naisip ng mga Ingles na magluwas ng opyo sa Tsina bilang pantapat sa inga seda at porselana. Naging matagumpay naman ang mga Ingles sapagkat naging mabili ang opyo sa mga Tsino. Tinanggap ng mga Tsino ang opyo dahil isa itong mahalagang sangkap sa medisina ngunit nang lumaon, nahilig at nalulong ang mga Tsino sa opyo. Sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Britanya at ng Tsina dahil sa pagsira ng mga opisyal ng adwana ng Canton sa dalang opyo ng mga Ingles. ### Digmaang Opyo Tinawag na Digmaang Opyo (Opium Wars) ang labanang ito ng Tsina at ng Gran Britanya. Ang ugat ng alitan ay ang ginawang pagkumpiska at pagsunog ng mga Tsino sa natagpuang mga opyo sa isang barko ng mga Ingles. Nakita ng pamahalaan ng Tsina ang masamang epekto ng opyo sa mga mamamayan kaya nito ginawa ang pagsira sa mga kalakal. Nagalit ang mga Ingles kung kaya’t sumiklab ang digmaan. Umabot ng tatlong taon ang unang Digmaang Opyo, mula 1839 hanggang 1842. Walang hukbong pandagat ang Tsina kaya natalo ito sa unang labanan. Pinirmahan ng dalawang bansa ang Treaty of Nanking noong Agosto 29, 1842, na nagtapos sa digmaan. Kabilang sa mga probisyon ng kasunduan ay ang mga sumusunod: 1. Pagbubukas ng mga daungan ng Amoy, Canton, Foochow, Ningpo, at Shanghai; 2. Pagkakaloob ng Hong Kong sa Gran Britanya; 3. Pagbabayad pinsala ng Tsina sa Gran Britanya na nagkakahalaga ng 21 milyong dolyar; at 4. Pagkakaloob sa Gran Britanya ng karapatang extraterritoriality o pagpapairal ng batas ng mga dayuhan sa hurisdiksyon ng isang bansa. Nangangahulugan na ang mga Ingles ay may karapatan na hindi litisin sa Tsina kahit pa ito ay may nagawang kasalanan sa Tsina. Ang ikalawang Digmaang Opyo ay sumiklab noong 1856 hanggang 1860 sa pagitan ng Tsina, Gran Britanya, at Pransiya. Dahilan pa din ng digmaan ang pagsira ng pamahalaan ng Tsina sa opyo ng mga Ingles. Sumali ang Pransiya sa digmaan dahil sa isang misyonerong Pranses na nasawi sa Tsina dulot ng pangyayari. Tulad ng naunang digmaan, natalo ang Tsina at nilagdaan nito ang Treaty of Tientsin noong 1858 na tumapos sa digmaan. Sa ilalim ng kasunduan, pumayag ang Tsina sa mga sumusunod na probisyon: 1. Pagbubukas ng karagdagang 11 daungan para sa kalakalan ng mga Kanluranin; 2. Gagawing legal ang kalakalang opyo; at 3. Pagtanggap sa mga kinatawang diplomatiko ng mga Kanluranin. ### Sphere of Influence Isang epekto ng pagkatalo ng Tsina sa mga Digmaang Opyo ay ang unti-unting paghina ng katatagan ng pamahalaan nito. Nawala sa kaniya ang kapangyarihan sa mga lugar na itinuturing niyang mga protektorado. Kinuha ng Pransiya ang Indo-Tsina at napunta ang Burma sa Gran Britanya. Sa bisa ng Treaty of Shimonoseki na nilagdaan ng Tsina noong 1894, napunta sa Hapon ang lahat ng karapatan ng Tsina sa Korea, Formosa na kasalukuyang Taiwan, at mga pulo ng Pescadores. Sinamantala ng mga Kanluranin ang kahinaan ng pamahalaan ng Tsina na ipagtanggol ang kanilang integridad sa kanilang mga nasasakupan at tuluyang sinakop ang bansa. Subalit hindi katulad ng ibang bansa sa Asya, hindi sinakop ng mga Kanluranin ang buong Tsina. Hinati ng mga Kanluranin ang Tsina sa mga sphere of influence noong 1900. Ito ay tumutukoy sa pangingibabaw ng karapatan ng Kanluraning bansa na kontrolin ang ekonomiya at pamumuhay ng mga tao sa mga rehiyong napunta sa kanilang mga kamay. Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng karapatan ang mga Kanluraning bansa na magpatayo ng iba’t ibang impraestruktura gaya ng kalsada, tren, at mga gusali upang paunlarin ang kanilang sphere of influence. Ipinatupad din sa mga lugar na ito ang karapatang extraterritoriality. Ginawa ito ng mga Kanluranin upang maiwasan ang hidwaan sa isa’t isa. Sumali rin sa hatian sa Tsina ang isang Asyanong bansa, ang Hapon. Nakuha nito ang karapatan sa mga isla ng Formosa, Pescadores, at Liadong Peninsula bunga ng pagkatalo ng Tsina sa Digmaang Sino-Hapon noong 1894. ### Open Door Policy Ang paghahati-hati ng Tsina sa mga sphere of influence ay nagdulot ng pangamba sa Estados Unidos ng Amerika dahil sa posibilidad na isara ang Tsina sa pakikipagkalakalan sa ibang bansa na wala sa sphere of influence nito. Nangangahulugang maaapektuhan ang ugnayang pangkalakalan ng Estados Unidos sa Tsina. Iminungkahi ni John Hay, Secretary of State ng Estados Unidos, na ipatupad ang open door policy na humihikayat sa pagiging bukas ng Tsina sa pakikipagkalakalan sa ibang bansa na wala sa sphere of influence. Nakapaloob sa mungkahi ni John Hay ang mga sumusunod: * Pagrespeto sa karapatan at kapangyarihan sa pakikipagkalakalan sa mga lugar na sakop ng sphere of influence ng mga Kanluranin; * Pagbibigay ng karapatang mangolekta ng buwis sa mga produktong inaangkat mula sa bansa; at * Paggalang sa mga itinakdang halaga ng buwis ng mga Kanluraning bansa sa paggamit ng mga kalsada, tren, at daungan sa kani-kanilang mga sphere of influence. Dahil sa open door policy, napanatili ng Tsina ang kaniyang kalayaan, sa kabila ng pagkontrol ng mga mananakop sa kaniyang ekonomiya. Naalis sa mga Tsino ang kapangyarihang magtakda ng kanilang mga patakaran para sa mga dayuhan. Higit sa lahat, gumuho ang dating matatag na pamamahala ng mga emperador dahil sa panghihimasok ng mga dayuhan. Pumasok ang iba’t ibang impluwensiya ng mga Kanluranin na nakaapekto sa kanilang iniingatan at ipinagmamalaking kultura. Ipinatupad ng Hapon ang patakarang closed door policy upang maiwasan ang panghihimasok ng mga dayuhan. Pinaunlad ng Hapon ang kaniyang ekonomiya at napangalagaan ang kaniyang kultura dahil sa pagsasara ng kaniyang mga daungan mula sa dayuhan. Bagama’t may ugnayan sa mga bansang Netherlands, Tsina, at Korea, hindi nito pinahintultutang makapasok sa bansa ang mga dayuhan. Para sa mga Kanluranin, ang Hapon ay isang kanais-nais na bansa, na tulad ng mga bansa sa Asya ay nagtataglay ng mayamang likas na yaman. Sa pagnanais nilang masakop ang Hapon, nagpadala ng kanilang mga kinatawan ang bansang Gran Britanya, Pransiya, Rusya, at Estados Unidos subalit lahat sila ay tinanggihan ng Hapon. Ipinadala ni Pangulong Milliard Filmore ng Estados Unidos si Commodore Matthew Perry upang hilingin sa emperador ng Hapon na buksan ang kaniyang mga daungan para sa mga barko ng Estados Unidos. Nakita ng mga Hapones ang naglalakihang barko ng Estados Unidos na armado ng kanyon. Napagtanto nila na maa-aring mangyari sa kanila ang sinapit ng Tsina kaya upang maiwasan ang pakididigma sa isang malakas na bansa, tinanggap ng Hapon ang Estados Unidos sa bisa ng Kasunduan sa Kanagawa noong 1854. Napagkasunduan ng dalawang bansa ang pagbubukas ng mga daungan ng Hakodate at Shimoda para sa mga barko ng Estados Unidos. May pahintulot din na magtayo ng kaniyang embahada ang Estados Unidos sa Hapon. Sa pagbubukas ng Hapon, nakapasok na rin sa bansa ang mga Kanluranin tulad ng Gran Britanya, Pransiya, Alemanya, Rusya, at Netherlands. Bunga ng pagbubukas ng Hapon, nawala sa kamay ng Shogunato ng Tokugawa ang kapangyarihan at pinalitan ng bagong pamahalaan sa pamumuno ni Emperador Mutsuhito. Ang pamumuno ni Mutsuhito ay nakilala bilang Meiji era na nangangahulugang enlightened rule. Niyakap ni Emperador Mutsuhito ang mga pagpasok ng mga dayuhan sapagkat naniniwala siya na ang mabisang paraan sa pakikitungo sa mga Kanluranin ay ang pagyakap sa modernisasyon. Ang lahat ng mga makabagong kaalaman na kanilang natutuhan mula sa mga dayuhan ay kanilang ginamit upang sila ay umunlad sa kabila ng panghihimasok ng mga ito sa kanilang bansa. # Tandaan * Nabuo ang pagtatatag ng mga imperyo noong ikalabinsiyam na siglo. Sa kasaysayan, tinawag ang panahong ito na Panahon ng Imperyalismo. * Ang panahon mula 1871 hanggang 1914 ay itinuturing na panahon ng mabilis na paglawak ng kapangyarihang Kanluranin o westernization ng ibang mga lupain sa Daigdig. * Bunga ng masigasig na paggagalugad ng mga Europeo, nasakop nila ang halos lahat ng mga bansa sa Asya, Africa, at Amerika. * Hindi nagkakaiba ang mga layunin ng mga mananakop sa una at ikalawang yugto ng kolonyalismo-ang pagkakaroon ng kapangyarihang pangkabuhayan, pampolitika, at pangkultura. Pinakamahalaga ang pagkakaroon ng yaman mula sa lupaing sakop at likas na yamang maaaring gamitin sa mga industriya. * Pinakamalawak ang kolonya ng Britanya sa lahat ng mananakop. Kasama sa bansang sakop nito sa Africa ang Sierra Leon, Liberia, Nigeria, Tanganyica, Congo-Bechuanaland, South Africa, Ehipto, Sudan, Besutoland, Trasvaal, Union of South Africa, at Gold Coast. * Maraming aspekto ng buhay ang naapektuhan ng pananakop. Ang mga gawaing pampolitika, pang-ekonomiya, panlipunan, pang-espiritwal, at pangkultura ay ginamit ng mga mananakop upang ganyakin ang mga bansang sakop na sumusunod sa kanilang ipinagawa tulad ng pagtatrabaho sa mga taniman at pagawaan ng barko at pagsisilbi sa hukbo.