Sinaunang Roma at Republikang Romano PDF
Document Details
Uploaded by SilentDarmstadtium7134
Tags
Summary
Ang dokumentong ito ay nagbibigay-panimula sa sinaunang Roma at sa Republikang Romano, na nagsasama ng mga alamat, mga mahahalagang pangyayari, at impluwensiya sa pag-unlad ng kabihasnan. Sinisiyasat din nito ang mga salik na nag-ambag sa pag-usbong ng Kabihasnang Romano at ang mga tungkulin at mga bahagi ng Republikang Romano.
Full Transcript
**Sinaunang Roma** Ang Roma ay matatagpuan sa kapatagan ng Latium sa gitnang-kanlurang bahagi ng Italya, isang tangway na hugis bota sa gitna ng Dagat Mediterraneo. Ang pamayanan ng Roma ay umusbong malapit sa Ilog Tiber at ang lupain sa rehiyong ito ay mainam para sa pagsasaka. Ang lokasyon ng Rom...
**Sinaunang Roma** Ang Roma ay matatagpuan sa kapatagan ng Latium sa gitnang-kanlurang bahagi ng Italya, isang tangway na hugis bota sa gitna ng Dagat Mediterraneo. Ang pamayanan ng Roma ay umusbong malapit sa Ilog Tiber at ang lupain sa rehiyong ito ay mainam para sa pagsasaka. Ang lokasyon ng Roma ay malapit din sa karagatan, ngunit sapat pa rin ang layo nito sa baybayin upang maging ligtas mula sa pamiminsala ng mga pirata. Daanan din ang Roma ng mga manlalakbay na nanggagaling sa Hilaga at Timog Italya. **Alamat ng Pagkakatatag ng Roma** Ayon sa alamat, matapos matalo ang Troy sa Digmaang Trojan laban sa mga Mycenaean, ang bayani ng Troy na si Aeneas ay tumakas at nagtatag ng pamayanan sa Italya. Si Aeneas ang pinaniniwalaang ninuno ng mga nagtatag ng Roma. Ang nagtatag ng Roma ay ang kambal na sina Romulus at Remus, mga anak nina Rhea Silvia at Mars, ang diyos ng digmaan. Para mamatay, ipinatapon ang kambal sa Ilog Tiber, ngunit sila ay natagpuan ng isang babaeng lobo na siyang nag-alaga sa kanila. Natagpuan sila ng pastol na si Faustulus. Pinatalsik nina Romulus at Remus ang haring si Amulius, na siya umanong nagpatapon sa magkapatid, at itinatag ang Roma sa pamayanan kung saan sila nailigtas. Dahil sa isang pagtatalo, pinaslang ni Romulus si Remus, at siya ang naging unang hari ng Roma. Humanap si Romulus ng mga taong nais manirahan sa kaniyang pamayanan ngunit ang karamihan ng sumama sa kaniya ay kalalakihan. Kaya naman, ninakaw niya ang kababaihan ng pamayanang Sabine malapit sa kanilang pamayanan upang dumami ang populasyon ng Roma. **Kasaysayan ng Pagkakatatag ng Sinaunang Pamayanan ng Roma** Sa pagsisimula ng ika-11 siglo BCE, ang ilang grupo mula sa Gitnang Europa ay lumipat ng tirahan at napadpad sa Italya. Sila ay kabilang sa mga tribong Italic. Isa sa mga tribong Italic ay Latin. Ayon sa kasaysayan, itinatag ng mga Latin ang unang pamayanan sa Roma sa kalagitnaan ng ika-8 siglo BCE. Ang lugar kung saan naitatag ang unang pamayanan ay ang Palatine, isa sa pitong burol na malapit sa Ilog Tiber. Ang Roma nang maitatag ay isa lamang sa mga lungsod-estado ng Italya. Ang mga Latin, na kalaunan ay nakilala sa tawag na Romano, ay hindi mahilig sa digmaan; sa halip, sila ay masisipag na mamamayan ng kanilang lugar. Noong ikapitong dantaon BCE, ang mga Romano ay pinatalsik ng mga Etruscan, isang tribo mula sa hilaga ng Roma. Nang masakop, ipinakilala at ipinatupad ng mga Etruscan sa Roma ang kanilang kaugalian sa larangan ng pulitika. Isang halimbawa nito ay ang senado o lupon ng tagapayo ng hari ng pamamahalang monarkiya. Ang senado ay binubuo ng mga ***patrician*** o mayayaman at mahahalagang tao sa lipunan. Samantala, ang nakararaming mamamayan ay mga ***plebeian***, mga pangkaraniwang tao tulad ng magsasaka, manggagawa, at mangangalakal. **Pag-usbong ng Kabihasnang Romano** Ang pag-usbong ng Kabihasnang Romano mula sa isang payak na pamayanan ay bunsod ng iba't ibang salik. Pag-aralan natin ang mga salik na ito. **Impluwensya ng Ibang Kabihasnan** Ang Roma ay naging bukas sa impluwensiya ng ibang kabihasnan at mga pamayanang nasa Italya. Mula sa mga Etruscan sa hilaga, natuto ang mga Romano ng arkitektura, paggawa ng sistema ng irigasyon at drainage, at realistikong estilo ng paggawa ng sining. Mula sa mga Griyego sa Timog Italya, nakuha nila ang paniniwala sa mga diyos at diyosa ng Griyego at mga kuwento mula sa literatura ng kabihasnang Gresya. Nagmula naman sa mga Latin ang kanilang wika. Mula sa mga Sabine, natutuhan ng mga Romano ang disiplina at pakikipaglaban. **Monarkiya ng Sinaunang Roma** Itinatag ang Roma noong 753 BCE. Ayon sa mga tala, monarkiya ang uri ng pamahalaan na gumabay sa Roma. Ang monarkiya ng Roma ay nagtagal nang mahigit 200 taon at pinamunuan ng anim na hari (hindi kasama si Romulus na bunga lamang ng isang alamat o mito). Ang hari ang namahala sa estado at mga pag-aari nito, gumawa ng batas, namuno sa hukuman, at kumontrol sa hukbo. Ang tatlong huling hari ng Roma ay mga Etruscan. Dahil sa kalupitan ni Tarquinius Superbus, pinatalsik siya ng mga Romano. Sinubukan ni Tarquinius na ibalik ang trono sa kaniyang pamilya sa pamamagitan ng paghingi ng tulong militar mula sa mga kalahi, ngunit sila ay pinigilan ng mga Romano. Nabigo si Tarquinius, at tinapos ng mga Romano ang monarkiya. Matapos ito ay nagtayo sila ng bagong sistema ng pamamahala---ang **republika**. **Republikang Romano** Matapos mapatalsik ang huling hari ng mga Etruscan noong 509 BCE, itinatag ng mga Romano ng isang pamahalaang wala nang hari at sa halip ay pinamunuan ng Senado at ng mga mamamayan ng Roma---ang **republika**. Kung ang mga Griyego ay may mga lungsod-estado o polis, ang mga Romano ay mayroon namang republika. Ito ay kumakatawan sa mamamayang Romano at naging matibay at malakas na pundasyon sa pagpapalawak at pagpapalakas ng kanilang kapangyarihan bilang isang imperyo. **Administrasyon ng Republikang Romano** Ang dalawang pangunahing sangay ng Republikang Romano ay ang Senado at ang Popular na Asamblea. Ang ***Senado*** o ***Council of Elders*** na binubuo ng 300 na lalaking patrician ay nagsisilbi habambuhay. Ang Senado ay nagbibigay ng payo sa mga mahistrado. Samantala, ang Asamblea ay nagsisilbing sangay para sa paggawa ng mga batas. Ang administrasyon ng estado sa ilalim ng Republika ay binubuo ng mga opisyal na inihalal ng Senado at ng ***Asambleya*** upang mamuno sa loob ng maiksing termino. Ang dalawa sa mahahalagang posisyon sa administrasyon ng estado ay ang *consul* at *praetor*. Ang mga ***consul*** ang nagsilbing punong tagapamahala. May dalawang consul na inihahalal ng Senado. Sila ay humahawak ng isang taong termino. Ang mga consul ang pangunahing namamahala ng pamahalaan at nagpapadala ng hukbo sa mga labanan. Kapag ang isang consul ay nasa labanan, ang isa pa ay nananatili sa estado upang mamuno. Ang posisyon ng ***praetor*** ay itinatag noong 366 BCE. Ang praetor ang namamahala sa Roma kapag ang dalawang consul ay wala sa estado. Maaari ring mamuno sa mga hukbo ang praetor kung kinakailangan. Siya ang nagsisilbing hukom at tagapagtaguyod ng hustisya. **Lipunan ng Republikang Romano** Ang lipunan ng Republikang Romano ay binubuo ng dalawang grupo: ang mga ***patrician*** o mayayaman na nagmula sa mga pamilya ng mga senador noong panahon ng monarkiya, at ang ***plebeian*** o mga malaya at karaniwang mamamayan. Magkaiba ang mga karapatan ng mga plebeian at mga patrician. Ang mga plebeian ay maaaring bumoto, ngunit ang mga patrician lamang ang maaaring humawak ng posisyon sa lipunan. Hindi rin maaaring ikasal ang isang plebeian sa isang patrician. Noong ikalimang siglo, ang mga plebeian ay nagsimulang humingi ng pulitikal at panlipunang hustisya o pagkakapantay-pantay. Napagtanto ng mga patrician na hindi nila maipagtatanggol ang estado nang walang tulong ng mga plebeian. Kaya naman noong 471 BCE, itinatag nila ang ***Konseho ng Plebeian*** na nagbigay ng oportunidad sa kanila na gumawa ng batas. Noong 445 BCE, nagkaroon ng batas na nagpahintulot na ikasal ang mga plebeian sa mga patrician. Nagkaroon din ng reporma na nagbukas ng posisyon ng consul para sa mga plebeian. Bagamat nagkaroon ng mga batas na nagbigay ng pantay na karapatan sa mga plebeian at patrician, iilang pamilyang patrician at plebeian lamang ang namuno sa pamahalaan. **Ang Pagbagsak ng Republikang Romano** Ang pananakop at pakikidigma ay nagdulot ng paglawak ng teritoryo at kapangyarihan ng Roma, ngunit ito ay nagdulot din ng mga problema sa lipunang Romano. Ang mga magsasakang nagsilbi bilang sundalo sa digmaan ay bumalik sa kanilang lupain, ngunit ang mga lupain ay nasira na ng digmaan o kinamkam na ng mayayaman habang sila ay nagsisilbi. Nawalan ng trabaho ang mga magsasaka at lumipat sila sa mga siyudad. Nagkaroon din ng alitan sa mga namamahala sa estado. Nagkaroon ng dalawang uri ng grupo ng aristokrata---mga ***optimate*** na nais mapanatili ang kanilang benepisyo bilang aristokrata, at mga ***populares*** na nais magsagawa ng mga reporma para sa mga mamamayan. Ang dalawang populares na nais magsagawa ng reporma ay ang magkapatid na sina Tiberius at Gaius. Naniwala si Tiberius na ang mga problema sa lipunan ng Roma ay dulot ng kawalan ng trabaho ng mga magsasaka. Sinuportahan niya ang pagpasa ng isang batas na nagbibigay ng lupa sa mga ito. Ipinapatay si Tiberius, ngunit itinuloy ni Gaius ang kaniyang mga reporma. Sa bandang huli, si Gaius ay ipinapatay rin. Nagkaroon ng ilang pagkatalo ang Roma sa digmaan at marami ang nagalit sa Senado. Tumakbo bilang consul si Marius na nagwagi sa ilang labanan sa Aprika. Nagsagawa siya ng reporma sa militar bilang consul. Pinahintulutan niyang maging sundalo ang mahihirap na kinabibilangan ng mga magsasakang nawalan ng trabaho. Pinangakuan niya rin ng lupain ang mga sundalo. Dahil sa ginawa niyang reporma, ang mga sundalo ay naging matapat sa mga heneral. Sinamantala ni Lucius Cornelius Sulla ang pagkakataong ito sa pamamagitan ng paggamit ng lakas ng hukbo upang makuha ang titulong diktador. Naging halimbawa si Lucius Cornelius Sulla ng mga heneral na nagnais makakuha ng kapangyarihan upang mamuno sa Roma. Tuluyang nanghina ang Republika nang lumakas ang mga heneral na naging diktador at tumindi ang mga alitan sa loob ng Senado.