Summary

Ang dokumento ay isang gabay sa panukalang proyekto. Inilalarawan nito ang kahulugan, uri, at mga katangian ng panukalang proyekto. Mayroon ding mga tagubilin sa pagsulat, kabilang ang pagpaplano, pagiging realistiko, at paggamit ng angkop na wika.

Full Transcript

# Panukalang Proyekto ## A. Kahulugan, Uri, at Katangian ng Panukalang Proyekto Dahil kritikal ang preparasyon ng isang panukalang proyekto, makabubuting malinaw sa isipan ng nagsasagawa nito kung ano ang maituturing na panukalang proyekto at kung ano naman ang hindi. Mahalaga ding malaman niya ku...

# Panukalang Proyekto ## A. Kahulugan, Uri, at Katangian ng Panukalang Proyekto Dahil kritikal ang preparasyon ng isang panukalang proyekto, makabubuting malinaw sa isipan ng nagsasagawa nito kung ano ang maituturing na panukalang proyekto at kung ano naman ang hindi. Mahalaga ding malaman niya kung paano ito inihahanda para maging malinaw at mahusay ang pagkakabuo nito. Ayon kay Nebiu (2002) ang panukalang proyekto ay detalyadong deskripsyon ng isang serye ng mga aktibidad na naglalayong maresolba ang isang tiyak na problema. Idinagdag pa niya na sa, isang panukalang proyekto, makikita ang detalyadong pagtalakay sa dahilan at pangangailangan sa proyekto (project justification), panahon sa pagsasagawa ng proyekto (activities and implementation timeline), at kakailanganing resources (human, material, and financial resources required). Hindi maituturing na proyekto ang mga dating aktibidad na nauulit sa eksaktong pamamaraan at periodikong isinasagawa, ang mga aktibidad na walang depinido at malinaw na layunin, ang mga aktibidad na maaaring maulit o mailipat kahit saan at sa ano mang oras, at ang mga regular na aktibidad ng organisasyon (Nebiu, 2002). Mahalagang matiyak kung gayon na ang panukala ay hindi isa sa mga nabanggit na ito. Ang isang panukalang proyekto ay kadalasang nakasulat; minsan ito ay sa anyong oral na presentasyon, o kaya ay kombinasyon ng mga ito. Maaari itong internal, o yaong inihahain sa loob ng kinabibilangang organisasyon, o eksternal, na isang panukala para sa organisasyong di-kinabibilangan ng proponent. Ang isang panukalang proyektong isinagawa dahil may pabatid ang isang organisasyon sa kanilang pangangailangan ng isang proposal ay tinatawag na solicited proposal, samantalang kung wala naman at (kusa o nagbaka-sakali lamang ang proponent ay maituturing itong unsolicited, Tinatawag ding invited o imbitado ang solicited, at prospecting ang unsolicited (Lesikar, Pettit, & Flatley, 2000). Mayroon ding tinatawag na maikli at mahabang panukalang proyekto. Ang isang maikling proyekto ay mayroon lamang dalawa hanggang 10 pahina na kadalasan ay nasa anyong liham lamang. Samantalang ang mahabang bersyon ay naglalaman ng mahigit sa sampung pahina. Magkapareho lamang ang nilalaman ng dalawang uri ng proposal; nagiging elaborated lamang at sumusunod sa isang structured format ang mahabang bersyon. Ang uri ng panukalang proyekto ay nakadepende sa kahingian ng organisasyon kung ito ay imbitado, o ng nais ng proponent kung ito ay di-imbitado. ## B. Mga Tagubilin sa Pagsulat ng Panukalang Proyekto Ayon sa American Red Cross (2006), kapag susulat ng isang panukalang proyekto, kailangang gawin ang sumusunod: 1. **Magplano nang maagap**. Wala pa ring kasinghalaga ang sapat na oras sa pagpaplano sa isang proyekto. Kung maagap ang pagpaplano, binibigyang pagkakataon ng nagsasagawa nito na makausap ang mga stakeholder, matalakay ang kanilang pangangailangan, at masuri ang panukalang proyekto nang may sapat na oras. 2. **Gawin ang pagpaplano nang pangkatan.** Kung may kasama sa panukala, makabubuting bigyan ng tungkulin ang bawat isa upang maging kolaboratibo ang paghahanda. Mabibigyan din nito ang bawat isa ng pagkakataong maging aktibo sa pakikilahok sa bawat gawain sa proseso ng pagpaplano at pagsulat ng panukalang proyekto. 3. **Maging realistiko sa gagawing panukala.** Minsan, dahil sa kawalan ng mahusay na pagpaplano, nagiging di-realistiko ang panukala. Dapat maisalang-alang ng nagpapanukala kung ano lamang ang kakayanin sa loob ng panahong nakatalaga at kung ano ang posibleng makamit batay sa mga nag-e-exist na resorses. Tandaan na ang nilalaman ng panukala ay laging SMART (specific, measurable, attainable, realistic, at time-bound). 4. **Matuto bilang isang organisasyon.** Matuto sa sariling karanasan at sa karanasan ng iba. Kung may pagkakataong balik-tanawan at surin ang resulta ng mga naipanukalang proyekto sa organisasyong paghaharapan ng panukala ay gawin ito. Sa paggawa nito, mas mabibigyan ng ideya ang proponent kung paano at ano ang mga konsiderasyon ng organisasyon o indibidwal sa pagtugon sa mga naihahaing panukala sa kanila. 5. **Maging makatotohanan at tiyak.** Huwag maging masaklaw sa mga pahavag sa panukala. Kailangang maging tiyak sa mga ipinapanukala. Kaakibat ng pagiging tiyak ng mga ito, kailangan ding maging makatotohan ang bawat elemento ng panukala. 6. **Limitahan ang paggamit ng teknikal na jargon.** Ang mga teknikal na jargon ay para sa mga teknikal o espesyalisadong indibidwal. Makabubuti sa isang proposal na naisulat ito sa isang wikang pangkaraniwan at naiintindihan ng lahat. Huwag dapat ipalagay na naiintindihan ng nagbabasa ng panukala na ginamit sa pagsulat ang lahat ng mga teknikal jargon 7. **Piliin ang pormat ng panukalang malinaw at madaling basahin.** Marahil, hindi lamang iisang proposal ang naipadala sa organisasyon o sa indibidwal na target ng isang panukala. Kung gayon, makabubuting ang format na napili ay yaong malinaw at madaling basahin. Makatutulong ito ng malaki sa taong nagbibigay ebalwasyon sa panukala. Mas bibigyang pansin din ang isang panukalang malinaw at madaling maunawaan ang nilalaman. 8. **Alalahanin ang prayoridad ng hihingian ng suportang pinansyal.** Maliban sa kawalan ng sapat na pagpaplano, ang kadalasang dahilan ng di-pag-aproba sa isang proposal ay ang di-magkatugmang prioridad ng organisasyong pinaglalaanan ng panukala sa mismong panukalang proyekto. Dahil dito, tiyakin na ang layunin ng panukalang proyekto ay isa sa mga top of the list na prioridad ng hinihingian ng suportang pinasyal o ng mag-aapruba panukala. 9. **Gumamit ng mga salitang kilos sa pagsulat ng panukalang proyekto.** May kakaibang lakas kung mga salitang kilos ang gagamitin sa mga pahavag sa panukalang proyekto. Dahil kailangan ng pag-apruba, mas mabuting may dating maging ang mga salitang gagamitin. Kabilang sa mga salitang kilos na maaaring gamitin ang simulan, i kumpara, maghandog, mangulo, mag- oraganisa, suportahan, magpakuahulugan, gumawa, gumamit at iba pa. Sa pagsaalang-alang sa mga ito, matutulungan kang maghanda ng isang panukalang proyektong may malaking pagkakataon na mapili o maikonsidera ng pinag-aalukan. Sa pagbibigay halaga sa mga gawaing ito, mas makatitiyak kang magiging epektibo ang proposal. ## C. Mga Dapat Gawin Bago ang Pagsulat ng Panukalang Proyekto Binalangkas ni Besim Nebiu sa kanyang aklat na Developing Skills of NGOs Project Proposal Writing (2002) ang mga hakbang na kailangang isagawa ng isang indibidwal o organisasyong nagnanais gumawa ng isang panukalang proyekto. Ayon sa aklat, kailangan ang: 1. **Pag-interbyu sa dati at inaasahang tatanggap ng benepisyo**. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa dati at inaasahang benepisyaryo, magkakaroon ng mas malinaw na pagtingin sa aktuwal nilang pangangailangan. Makatutulong ito upang maging mas tiyak at makatotohanan sa mga detalye ng susulating panukala. Nagkakaroon din ng mas malalim na pag-unawa sa suliranin kung nakausap ng personal ang mga taong kaugnay ng proyektong nais gawin. 2. **Pagbalik-tanaw sa mga naunang panukalang proyekto**. Sa pamamagitan nito, mabibigyang-kamalayan sa mga naging pagkakamali ng mga nauna nang panukala. Dahil dito, mapabubuti ang susunod na panukalang gagawin. Sa tulong din ng prosesong ito, malalaman ang mga panukalang proyekto na nabigyan na ng pansin ng isang granting organization. Kadalasan kasi, ang mga panukalang nauulit lamang ay hindi na binibigyan ng priorioad sa mga aaprubahang panukala. 3. **Pagbalik-tanaw sa mga ulat sa ebalwasyon ng mga proyekto**. Mabibigyan ng tamang datos kung titignang muli ang ebalwasyon ng mga nakalipas na proyekto. Upang hindi magkamali, o malito, balikang muli ang mga ulat sa mga proyektong iniharap sa oraganisasyong pinagpapanukalaan. 4. **Pag-organisa ng mga focus group**. Tiyakin lamang na ang mga taong magiging bahagi ng proyekto ay may pagnanais na makisangkot at mag ambag. Magiging malaking suliranin kung walang pakikibahagi mula sa kanila. 5. **Pagtingin sa mga datos estadistika**. Maging sigurado sa mga datos na ibibigay. Huwag hayaang ibang tao pa ang makadiskubre sa mga kamalian sa mga estadistika at datos na inilahad. Sikaping ibalida ang ano mang datos na ginamit sa proposal. 6. **Pagkonsulta sa mga eksperto**. Mapatataas ang kredibilidad ng panukala kung ikinonsulta ang mga ito sa mga eksperto. Ang kontribusyon mula sa mga eksperto ay makapagbibigay bigat sa halaga ng panukala. 7. **Pagsasagawa ng mga sarbey at iba pa**. Mangalap ng preliminaryong impormasyon at datos para ipakita ang komitment at dedikasyon sa panukalang proyekto. Tiyaking sapat ang mga ito upang mabigyang linaw nito ang tunguhin ng panukala. Malaking tulong din ang mga prelimaryong datos upang mapabuti ang layunin ng isang panukalang proyekto. 8. **Pagsasagawa ng mga pulong at porum sa komunidad**. Makukuha ang kooperasyon ng komunidad kung mayroong tuwirang pagsasangkot sa kanila. Bilang paghahanda sa pagsulat ng panukalang proyekto, isagawa ang mga aksyon ito. Mapatatatag nito ang mga prosesong gagawin at mapahuhusay nito ang mismong proyektong ipinanunukala. ## D. Pagsulat ng Panukalang Proyekto at ang mga Elemento Nito Sa panahong naisagawa na ang mga preliminaryong rekwisitors, handa na sa pagsulat ng isang panukalang proyekto. Sa pagsulat nito, alamin ang mga elementong kasama sa proseso. Sa isang masaklaw na pagtingin, karaniwang naglalaman ang panukalang proyekto ng pahina ng titulo, pahina ng nilalaman, abstrak, kontekts, katuwiran ng proyekto, layunin, target na benepisyaryo, implementasyon ng proyekto, badyet, pagmonitor at ebalwasyon, pag-uulat, pangasiwaan at tauhan at mga lakip (Nebiu, 2002). Upang maunawaan ang mga bahaging ito ng isang panukalang proyekto basahin ang mga deskripsyon ng bawat bahagi. 1. **Titulo ng Proyekto** Ang pahina para sa titulo ay kailangan kung ang proposal ay mas mahaba sa tatlong pahina. Kasama sa pahinang ito ang titulo ng proyekto, pangalan ng nagpapanukalang organisasyon, lugar at petsa ng preparasyon ng panukala at ahensyang pinaglalaanan ng panukala. Tandaan na ang titulo ng proyekto ay dapat na maiksi at tuwiran, at dapat na tumutukoy sa pangunahing aktibidad o inaasahang resulta ng proyekto. 2. **Nilalaman** Idagdag ang pahina ng nilalaman kung ang proposal ay aabot ng 10 o higit pang pahina. Mahalaga ang pahinang ito upang madaling mahanap ang mga bahagi ng proposal. Naglalaman ito ng titulo ng bawat seksyon at ang panimulang pahina ng mga ito. 3. **Abstrak** Ito ang huling ginagawa na bahagi ng panukala. Inaasahang makikita sa abstrak ang pagtalakay sa suliranin, layunin, organisasyon na responsable sa implementasyon, pangunahing aktibidad ng proyekto at ang kabuuang badyet. Ginagawa ang abstrak upang magkaroon ng buod ang buong panukala at mabigyan ng masaklaw na pagtingin ang nagbabasa nito. Tiyaking maikli lamang ang abstrak na ihahanda. 4. **Konteksto** Ang bahaging ito ay naglalaman sa sanligang sosyal, ekonomiko, politikal, at kultural ng panukalang proyekto. Naglalaman ito ng mga kaugnay na datos mula sa mga pananaliksik na naitala mula sa pagpaplano sa proyekto, o ng mga datos na nakolekta mula sa iba't ibang mga sors. 5. **Katwiran ng Proyekto** Ito ang pinakarasyonal ng proyekto. Nahahati ito sa apat na sub-seksyon. *1. Pagpapahayag sa Suliranin. Tinatalakay sa bahaging ito ang tiyak na suliraning pinagtutuunang solusyunan ng panukala. Bininigyang empasis sa bahaging ito kung papaanong ang isang isyu o sitwasyon ay nagiging suliranin. Kaugnay nito, patutunayan din sa bahaging ito kung ano ang pangangailangan ng mga benepisyaryo batay sa nakitang suliranin. *2. Prayoridad na Pangangailangan. Pinagtutuunan ng bahaging ito pagpapaliwanag sa pangangailangan ng mga target na makikinabang dahil sa pagkakaroon ng suliranin, Ipinaliliwanag din sa bahaging to kung paano napagdesisyunan ang mga isasaad na pangangailangan. *3. Interbensyon. Ilalarawan sa bahaging ito ang estratehiyang napili kung papaano sosolusyunan ang suliranin at gayon din tatalakayin kung papaanong magdadala ng pagbabago ang gagawing hakbang. *4. Mag-iimplementang Organisasyon. Sa bahaging ito, ilalarawan ang kapabilidad ng nagpapanukalang organisasyon upang tugunan ang suliraning inilahad. Isinasama sa seksyong ito ang mga nakaraang rekord ng kapasidad sa pagresolba ng mga suliranin. Ihahayag dito kung bakit, sila ang pinakakarapat-dapat upang pagkatiwalaang solusyunan ang suliranin. Binigbigyang empasis din dito ang ekspertis ng organisasyon o ng indibidwal na magsasagawa sa proyekto. 6. **Layunin** Ilalahad sa bahaging ito ang masaklaw na layon ng panukalang proyekto. Kaugnay ng layong ito, isa-isahin din ang mga tiyak na layuning nais makamit ng panukala. Tandaan na sa pagbuo ng isang layunin, ikinokonsidera ang mga sumusunod: *1. Dapat isa lamang ang masaklaw na layunin ng panukala; *2. Dapat na konektado ang masaklaw na layunin sa bisyon ng pagpapaunlad o pagpapabuti; at *3. Dapat napatutunayan ang merito ng kontribusyon ng layon sa bisyon. 7. **Target na Benepisyaryo** Ipakikita sa bahaging ito kung sino ang mga makikinabang sa panukalang proyekto at kung paano sila makikinabang dito. Isasama rito ang detalyadong deskripsyon ng laki at katangian ng mga benepisyaryo. Sa pagtukoy sa mga katangiang ito, maaaring gamitan ng kriterya tulad etnisidad, edad, kasarian, at iba pa. 8. **Implementasyon ng Proyekto** Ipakikita sa bahaging ito ang iskedyul at alokasyon ng resorses. Mahalagang maipakita rito kung sino ang gagawa sa mga aktibidad, at kailan at saan ito gagawin. Mahahati sa dalawang sub-seksyon ang bahaging tio. *1. Iskedyul. Ang detalye ng mga plinanong aktibidad ay dapat maipakita. Magagamit ang mga talahanayan at Gantt Chart sa pagpapakita ng mga ito. *2. Alokasyon. Ipakikita dito ang mga kakailanganin upang isagawa ang mga aktibidad ayon sa iskedyul. Tinutukoy sa bahaging ito ang iba't ibang kategorya ng gastusin upang magkaroon ng buod ng impormasyon ukol sa gastusin na kakailanganin para sa pagbabadyet. Halimbawa ng mga aytem sa bahaging ito ang mga kagamitan, sahod, at mula rito maiuugnay ang yunit, bilang, presyo at iba pa. *3. Badyet. Ito ang buod ng mga gastusin at kikitain ng panukalang proyekto. Sa presentasyon nito, maaaring gumamit ng ano mang format na makapagpapakita ng maliwanag at maayos na daloy ng mga datos na may kinalaman sa gastusin o expenses, at kita o income. Ipakikita sa magkaibang sub-seksyon ang dalawang bahaging ito. *4. Pagmonitor at Ebalwasyon. Nakabatay ang ebalwasyon at pagmonitor sa panukalang proyekto sa kung paano at kailan isasagawa ang mga aktbidad para mamonitor ang pag-unlad ng proyekto; anong metodo ang gagamitin sa pagmonitor at pag-evaluate; at sino ang magsasagawa ng pagmonitor at ebalwasyon. *5. Pangasiwaan at Tauhan. Naglalaman ito ng maikling deskripsyon ng bawat myembro ng grupo na gumawa ng panukalang proposal. Kung ano ang tungkuling nakaatang sa bawat myembro ay kailangang ding isama. Maaaring isama na lamang sa lakip ang curriculum vitae ng mga miyembro. *6. Mga Lakip. Ito ang mga karagdagang dokumento o sulatin na kakailanganin upang lalong mapagtibay ang panukalang proyekto. Isasama rin sa bahaging ito ang ano mang papeles na hihingin ng organisasyon o indibidwal kung saan ipinapanukala ang proyekto. Bagaman hindi istandard ang format na ito, maaaring makagabay ang suhestyon sa mga nagsisimula pa lamang magsulat ng isang panukalang proyekto. Ang pinakamahalagang tandaan ukol sa format ng isang proposal ay ang anyo kung saan malinaw na matatalakay ang panukala at ang kahingian, kung mayroon, ng indibidwal o organisasyon kung saan ihaharap ang panukala.

Use Quizgecko on...
Browser
Browser