KABANATA 5: ANG PAGPAPATAPON, PAGLILITIS, AT PAGKAMATAY NI RIZAL PDF

Document Details

ReceptiveTangent

Uploaded by ReceptiveTangent

University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center

Tags

Rizal Filipino History Philippine Revolution Tagalog

Summary

This document discusses the life of Jose Rizal, focusing on his exile to Dapitan. It includes his interactions with various people and his activities during that time. The document also features some of Rizal's notable actions, such as his efforts in education and agriculture in Dapitan. It is likely part of a longer work about Rizal's life.

Full Transcript

1. Masuri ang mga dahilan ng pagkakabitay kay Rizal 2. Masuri ang mga epekto ng pagkakabitay kay Rizal sa pamahalaan ng Espanyol at ang Rebolusyong Filipino Ang pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan ang naging hudyat ng kanyang daranasing paghihirap sa kamay ng mga kastila. Hindi naging daa...

1. Masuri ang mga dahilan ng pagkakabitay kay Rizal 2. Masuri ang mga epekto ng pagkakabitay kay Rizal sa pamahalaan ng Espanyol at ang Rebolusyong Filipino Ang pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan ang naging hudyat ng kanyang daranasing paghihirap sa kamay ng mga kastila. Hindi naging daan ito upang maibsan ang paghihinala at galit ng mga kastila sa kanya. Siya ay dinakip at dumanas ng hindi patas na katarungan sa kanyang paglilitis. Sa huling mga sandali ng kanyang buhay ay sinabi pa niyang hindi siya naging taksil sa Espanya at sa Pilipinas. At ang kanyang pagkamatay na ipinagbunyi ng mga kastila sa kabila ng paninimdim ng sambayanan ang magsisilbing apoy sa nag-iinit na damdamin ng pagbabago, paghihimagsik, paglaya. Noong hatinggabi ng Hulyo 14, 1892 ay isinakay si Rizal sa barkong "Cebu” at itinapon sa Dapitan. Siya ay ipinasailalim sa pangangasiwa ni Kapitan Ricardo Carnicero sa Dapitan. Ang Padre Superyor ng Samahan ng mga Jesuita ng Pilipinas na si Padre Pablo Pastells ay sumulat kay Padre Antonio Obach, Jesuitang misyonaryo sa Dapitan na si Rizal ay maaaring manirahan sa tahanan ng mga paring Jesuita kung sasang-ayon siya sa mga kundisyong babawiin niya ang kanyang mga sinabi laban sa mga pari at susunod sa kanilang mga utos. Hindi sumang-ayon si Rizal sa naturang mga kundisyon at tumira siya sa tahanan ni Kapitan Carnicero na naging kaibigan niya. Naging kaibigan din niya si Kapitan Juan Sitges na pumalit kay Kapitan Carnicero. Bumili siya ng lupa sa Talisay at tinaniman niya ng mga halaman ang kapaligiran nito. Ang mga oras niya ay iniukol niya sa panggagamot, sining, pagbabasa, pagsasaka at mga gawaing-sibiko. Dinalaw siya noong Agosto, 1893 ng kanyang ina at kapatid na si Maria na tumira sa Dapitan ng mahigit na isang taon. Naging matagumpay ang operasyong isinagawa niya sa mata ng kanyang ina. Gumawa siya ng poso na mapagkukunan ng malinis na tubig ng mga mamamayan at mga ilawan sa lansangan sa pamamagitan ng langis ng niyog. Nagbukas siya ng isang paaralan na may labing-anim na estudyante. Tumulong din siya sa pag-aayos at mga gawain sa simbahan. Tinuruan niya ang mga magsasaka ng makabagong paraan sa pagsasaka. Sumosyo siya kay Ramon Carreon sa pangangalakal ng abaca, kopra at isda. Sa kahilingan ng kanyang ina ay sinulat niya ang tulang "Ang Aking Kinaligpitan” (Mi Retiro). Labis ang pangungulila ni Rizal sa kanyang mga kaanak at kaibigan at lalo siyang nalungkot sa pagkamatay ni Leonor Rivera noong Agosto 28, 1893. Dumating si Ginoong Taufer, inhenyerong Americano at ang inampon nitong Irish na si Josephine Bracken sa Dapitan upang magpagamot kay Rizal. Nagkaibigan sa unang pagkikita si Rizal at si Josephine at pagkaraan ng isang buwan ay nagkasundong magpakasal subalit ayaw silang ikasal ni Padre Obach nang walang pahintulot sa Obispo ng Cebu. Labis na nagdamdam si Ginoong Taufer nang malaman ang balak na pagpapakasal ni Rizal at Josephine kaya’t tinangka niyang magpakamatay sa pamamagitan ng paggilit sa kanyang leeg na nasawata naman ni Rizal. Sumama si Josephine sa matanda sa Maynila na bulag pa rin sapagkat ang pagkabulag niya ay wala nang lunas. Umuwi sa Hong Kong nang nag-iisa si Ginoong Taufer at nagpaiwan sa Maynila si Josephine sa piling ng pamilya ni Rizal. Bumalik si Josephine kay Rizal sa Dapitan at sa dahilang wala pa ring paring ibig magkasal sa kanila, kaya’t ikinasal nila ang kanilang sarili sa harap ng Diyos. Maligaya ang naging pagsasama ng dalawa at sa mga liham ni Rizal sa kanyang mga kaanak, pinuri niya si Josephine at ibinalita rin niya ang pagsisilang nito ng sanggol na nabuhay lamang nang tatlong oras. Nabatid ni Rizal buhat sa kaibigang si Dr. Blumentritt ang kahambal-hambal na kalagayang pangkalusugan sa Cuba at sa payo nito ay nakipagkita si Rizal kay Gobernador Heneral Blanco noong Disyembre 17, 1895 upang ialay ang kanyang paglilingkod bilang manggagamot na panghukbo sa Cuba. Nawalan na siya ng pag-asa sa matagal na pagllihintay ng kasagutan mula sa Malakanyang. Noong Hulyo 1, 1896, dumating ang liham mula kay Gobernador Heneral Blanco na nagsasabing siya ay bibigyan na ng pases ng Komandante politico-militar upang makapunta sa Maynila at tutungo siya sa Espanya upang mabigyan siya ng tiyak na tungkulin ng Ministro ng digmaan bilang manggagamot. Dahil sa labis na kaligayahan sa nalalapit niyang paglalakbay, ay sinulat niya ang isang tulang pinamagatang "Awit ng Manlalakbay" (El Canto del Viajero). Si Andres Bonifacio na nakilala si Rizal sa La Liga ay nagustuhan ang opinion nito sa pangangailangan ng paggamit ng armas laban sa mga kastila kaya ipinadala niya si Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan upang makipag-usap kay Rizal. Noong Hunyo 21, 1896, dumating si Valenzuela sa Dapitan at agad na nakipagkita kay Rizal. Sinabi ni Valenzuela kay Rizal ang pagkakatatag ng Katipunan at ang mga layunin nito. Sinabi ni Rizal na hindi dapat umpisahan ang rebolusyon laban sa armadong Kastila kung walang sapat na armas. Naalala niya ang nabigong rebolusyon ng Cuba laban sa Espanya na nabigo dahil sa kakulangan sa armas. Sinabi niyang kumbinsihin ang mga may-kayang Pilipino na sumapi sa Samahan. Iminungkahi niya na pamunuan ni Antonio Luna ang lahat ng operasyong military laban sa mga kaaway. Noong hatinggabi ng Hulyo 31, 1896 ay nilisan ni Rizal ang Dapitan sakay ng barkong Espanya. Kasama niya sina Josephine, Narcisa, apo ni Narcisa na si Angelica, tatlong pamangkin na lalaki at anim na matatapat na mag-aaral. Lahat ng mga taga Dapitan ay nasa baybay-dagat upang sa huling sandali ay masilayan ang minamahal nilang manggagamot. Marami ang lumuluha lalo na ang mga maralitang mag-aaral na hindi makasama sa kawalan ng gugugulin. Dumaong ang bapor na sinasakyan ni Rizal sa Maynila noong Agosto 6, 1896. Ang bapor na sasakyan sana ni Rizal na patungong Espanya ay nakaalis na kaya inilipat siya sa isang bapor pandigmang Kastila, ang "Castilla" na nakapondo sa Kanyakaw, Cavite upang hintayin ang isa pang bapor na tutulak patungong Espanya sa susunod na buwan. Noong Agosto 19, 1896 ay ibinunyag ni Teodoro Patino ang lihim ng Katipunan at nakaabot sa kaalaman ng mga maykapangyarihan. Ika-23 ng Agosto, 1896 nagsimula ang himagsikan sa Pugad Lawin na noo'y sakop ng Kalookan. Nilisan ni Rizal ang bapor "Castilla" at inilipat siya sa bapor "Isla de Panay" noong Setyembre 2, 1896. Noong araw na iyon, ang bayan ng Imus at ibang bayan ng Cavite ay nagsipaghimagsik. Setyembre 3, 1896 ay nilisan ng bapor ang kinahihimpilan sa Kanyakaw at tinungo ang Maynila. Dumating ang mga lantsa at maliliit na bapor at pinalitan ang kamarote ni Rizal ng Kamarote Blg. 22 na malaki ngunit nasa dakong lalong loob. Noong Setyembre 8, 1896 ay dumaong ang bapor sa Singapore. Dinalaw si Rizal ng mga Pilipinong nagsipanirahan doon at pinayuhan siyang umahon at magpaiwan. Hindi pumayag si Rizal sapagkat ayaw niyang masira sa kanyang pangako kay Gobernador Blanco. Dumaong ang bapor sa Colombo noong ika-13 ng Setyembre, 1896 at napansin niya ang malaking pagbabago ng Anden, Suez at Port Said. Nilisan ng bapor ang Port Said at habang naglalakbay sa karagatang Mediterranean ay inaresto si Rizal ng kapitan ng barko na si Kapitan A. Alemany dahil sa utos na nanggaling sa Maynila. Ikinulong siya sa kanyang kamarote sa buong panahon ng paglalakbay at labis na dinamdam ni Rizal ang kawalang- katarungan ng mga Kastila. Noong Oktubre 3, 1896, dumaong sa Barcelona ang bapor lulan si Rizal bilang isang bilanggo. Ginising siya ng mga sundalo sa kanyang kamarote at itinuloy sa bilangguang kuta ng siyudad, ang Fort Muntjuich. Dinalaw siya roon ng komandante ng Cataluna at may kapangyarihan sa Fort Muntjich na si Heneral Despujol, ang may kagagawan ng pagkakatapon niya sa Dapitan. Alas 8:00 nang gabi ring yaon ay isinakay siya sa bapor "Colon" pabalik sa Maynila. Nobyembre 3, 1896 nang dumating ang bapor "Colon" sa Pilipinas at dalidaling dinala si Rizal sa Fort Santiago. Hindi siya pinahintulutang makausap ninuman. Nangalap ang mga Kastila ng ebidensva laban sa kanya. Dinakip ang kapatid ni Rizal na si Paciano, pinarusahan at pilit na pinalalagda sa isang kasulatang nagpapatunay na si Rizal ay may kinalaman sa Katipunan. Tiniis ni Paciano ang mga pagpapahirap ngunit hindi siya napilit lumagda ng mga Kastila. Nagkaroon ng paunang pagsisiyasat na tumagal ng dalawang araw, Nobyembre 20 at 21, 1896. Ang naging imbestigador ay ang opisyal ng Hukumang-Militar Kwartel Heneral na si Koronel Francisco Olive at tinulungan ni Miguel Perez, ang eskribyente ng hukuman. Sa dalawang araw ng pagsisiyasat ay sinagot ni Rizal ang mga tanong nang walang katulong na tagapagtanggol ngunit hindi siya binigyan ng pagkakataong sumagot upang ipagtanggol ang sarili laban sa mga pahavag ng mga kalaban. Noong Disyembre 2, 1896 ay ipinadala ni Gobernador Heneral Blanco ang naging bunga ng unang pagsisiyasat na isinagawa ni Koronel Francisco Olive kay Rafael Dominguez na tanging Huwes-Panghukbo. Ang kabuuang ibinigay ni Dominguez batay sa patotoong testimonial at documental laban kay Rizal ay ang sumusunod: "Lumalabas na ang nasasakdal na si Jose Rizal ay siyang bumuo at kaluluwa ng mga samahang maghihimagsik at awtor ng Inga babasahin at mga aklat na naglalaman ng mga ideang pang-akit sa mga tao upang maghimagsik, at supremo ng pambansang kilusan ng manghihimangsik.” Noong Disyembre 5, 1896, ibinigay ni Rafael Dominguez ang kinalabasan ng pangunang pagsisiyasat kay Gobernador Ideneral Blanco at nagtagubilin na isagawa ang paglilitis sa lalong mabilis na paraan. Hindi pinahintulutan si Rizal na kumuha ng abugadong sibilyan at sa halip ay pinapili siya sa isang talaan na may isang daan at anim na pangalan ng mga una at pangalawang tenyente. Noong Disyembre 10, 1896 ang unang Tenyente ng Artillera na si Luis Taviel de Andrade ang pinili ni Rizal at noong araw ding iyon ay tinanggap niya Ito. Noong Disyembre 11, 1896 ay binasahan si Rizal ng sakdal sa mga salang rebelyon at pagbubuo ng mga samahang labag sa batas. Hindi inamin ni Rizal ang mga sakdal laban sa kanya at noong ika-15 ng Disyembre ay gumawa siya ng isang pahayag (manifesto) na nagpapahayag ng kanyang pagtutol sa makatulisang pag-aalsa. Inirekomenda ni Nicolas dela Peña kay Gobernador Camilo Polavieja na pumalit kay Gobernador Blanco na huwag ipalathala ang manifesto ni Rizal. Disyembre 25, 1896 ay sinulatan ni Rizal ang kanyang tagapagtanggol na si Tenyente Luis de Andrade upang makapag-usap sila ngunit hindi ito nakapunta at binati niya ito ng "MaligayangPasko." Disyembre 26, 1896 ay sinimulan ang paglilitis kay Rizal sa gusaling militar o "Cuartel de Espanya." May pitong miyembro ng hukumang militar ang nakaupo sa tapat ng mahabang mesa na pawang mga opisyal ng militar na nakauniporme. Naroon din si Rizal, ang nasasakdal, Kapitan Luis Taviel de Andrade, Kapitan Rafael Dominguez (Hukom ng Hukbo), Tenyente Enrique de Alcocer (Piskal na Taga-usig), Josephine Bracken, isang kapatid na babae ni Rizal, mga mamamahayag na mga Kastila at mga mamamayan. Gapos ng abot-siko, itim na itim ang kanyang suot na may puting tsaleko at puting kurbata, napapagitan si Rizal sa dalawang sundalo. Kagalanggalan at payapa ang kanyang kaanyuan at mapapansin din ang katiningan ng kanyang kalooban. Sinimulan ni Hukom Dominguez ang paglilitis na nagpaliwanag ng mga sakdal laban kay Rizal. Sumunod na nagsalita at nagpahayag ng buod ng mga sakdal ang Piskal na si Enrique de Alcocer at hiningi niya ang kaparusahang kamatayan dahil daw sa bigat ng mga pagkakasala. Tatlo ang sakdal laban kay Rizal. Ang mga ito ay ang pag-aalsa o rebelyon, sedisyon, at pagbuo ng mga samahang ilegal. Tumayo si Tenyente Luis Taviel de Andrade pagkatapos magsalita ng Piskal at binasa ang kanyang pagtatanggol kay Rizal. Sa kanyang pagsasalita, sinabi niyang "Ang mga hukom ay hindi dapat maging mapaghiganti. Sila'y dapat maging makatarungan." Nagsikap at halos mapaluha siya upang iligtas lamang ang buhay ni Rizal ngunit siya'y hindi abogado at walang karanasan. Tinanong si Rizal kung may nais siyang sabihin at siya'y pinahintulutang basahin ang isang inihandang pahayag upang ipagtanggol ang sarili. Nanatiling bingi ang hukumang-militar sa mga pahayag ni Rizal. Noong araw ding iyon ng paglilitis ay ibinigay kay Gobernador Polavieja ang hatol na kamatayan kay Rizal. Hiningi ni Gobernador Polavieja ang opinion ni Hukom Nicolas dela Peña sa hatol kay Rizal at sinang-ayunan nito ang hatol na kamatayan. Nilagdaan ni Gobernador Polavieja ang hatol na kamatayan kay Rizal noong Disyembre 28 at iniutos ang pagbaril sa kanya sa Disyembre 30 sa Bagumbayan (Luneta). Ika-28 ng Disyembre rin nang lumiham si Doña Teodora Alonzo kay Heneral Camilo Polavieja upang makiusap na huwag ituloy ang hatol na kamatayan kay Rizal. Pagkatapos ng paglilitis, ibinalik si Rizal sa Fort Santiago. Tinanggap ni Rizal ang opisyal na pahayag ng hatol na kamatayan sa kanya at binasa ito sa kanya ni Kapitan Rafael Dominguez. Nilagdaan ito ni Rizal at inilipat siya sa kapilya ng Fort Santiago. Dito na siya namalagi hanggang kinabukasan na araw at oras ng kanyang kamatayan. Dumalaw din kay Rizal si Padre Antonio Rosell na nakasalo niya sa pag-aagahan. Pagkakain nila ay dumating si Tenyente Luis Taviel na pinasalamatan niya sa kanyang walang takot na pagtatanggol sa kanya. Dumalaw rin sa kanya sina Padre Federico Faura, Padre Balaguer at Padre Jose Villaclara. Nagbalik si Padre Balaguer noong hapon at ipinagpatuloy nila ang pagtalakay tungkol sa relihiyon at naging matatag ang paninindigan at paniniwala ni Rizal sa Masonria. Makaraan ang isang oras ay dumating si Doña Teodora at si Rizal ay lumuhod at humingi ng kapatawaran. Sa pag-aalala ng mga maykapangyarihan na mabigyan ng lason si Rizal at madaya ang magsisipanood kinabukasan, hindi pinahintulutan ang paghalik sa kamay ng kanyang ina, ni hagkan ng ina ang kanyang anak. Lumuluha ang mag-ina nang paghiwalayin sila ng guwardiya. Dumating din ang kapatid niyang si Trinidad at humingi ng pahintulot si Rizal na maibigay kay Trinidad ang isang kusinilyang de alkohol bilang isang alaala at binulungan niya ito sa wikang Ingles ng "there is something inside," na alam niyang hindi mauunawaan ng tanod at mauunawaan ni Trinidad na tinuruan niya ng wikang Ingles. Ang sinasabi niyang laman sa loob ay ang tulang "Huling Paalam" (Mi Ultimo Adios). Noong ika-6:00 ng hapon ay dumating ang Decano ng Manila Cathedral na si Don Silvino Lopez Tunon at si Padre March. Noong ika 8:00 ng gabi ay dumating si Padre Balaguer, Padre Viza at si Piskal Gaspar Castano ng Royal Audencia Ika10:00 ng gabi nang dumating ang burador (draft) ng retraksyon mula kay Arsobispo Bernardino Nozaleda. Dahil sa napakahaba, hindi ito nilagdaan ni Rizal. Isa pang burador ng retraksyong inihanda ni Padre Pio Pi, ang Superior ng Misyong Jesuita sa Pilipinas ang ipinakita ni Padre Balaguer kay Rizal at naibigan niya ito maliban sa ilang bagay na ayon kay Rizal ay nangangailngan ng pagbabago. Pagkatapos ng paglagda ay nangumpisal si Rizal kay Padre Villaclara at siya ay namahinga na. Ginising si Rizal nang 1:30 ng umaga at siya'y nanalangin at muling nangumpisal. Lumuhod siya sa altar, nagrosaryo at muling nangumpisal sa ikatlong pagkakataon kay Padre Villagracia. Nang mag-iika-3:30 na ng umaga ay nagmisa si Padre Balaguer. Muling nangumpisal si Rizal sa ikaapat na pagkakataon, nakinig sa misa at nangumunyon. Ika-5:00 nang umaga ay kumain siya ng kanyang huling almusal. Pagkaalmusal ay nilagdaan niya ang mga larawan at aklat na panrelihiyon na ibibigay niyang alaala sa kanyang ina, kay Josephine, at mga kapatid na babae. Hindi nagtagal ay dumating si Josephine at ang kapatid niyang si Narcisa. Hiniling ni Rizal na ikasal sila ni Josephine at ikinasal sila ni Padre Balaguer. Isang aklat dasalan na pinamagatang "Imitacion de Cristo" ang ibinigay na alaala ni Rizal sa kanyang kabiyak na sinulatan niya ang pamagat na dahon ng "To my dear and unhappy wife Josephine, December 30th, 1896 Jose Rizal." Sa ganap na ika-6:00 ng umaga ay sumulat niya ang kanyang hulling liham sa kanyang mga magulang at mag-iika-6:30 ng umaga nang tumunog ang trumpetang naghuhudyat ng paglisan ni Rizal at mga kasama sa Puwersa Santiago patungong Bagumbayan. Nakasuot siya ng ternong itim, itim na kurbata, sombrerong itim, itim na sapatos at puting tsaleko. Binaliti at tinalian sa likuran ang kanyang mga Siko subalit ang pagkakatali sa mga braso ay maluwag at malayang naigagalaw. Mula sa kanyang kanang kamay ay nakalawit ang isang itim na kwintas ng rosaryo. Apat na sundalong nakabayoneta ang nangunguna sa kanila. Siya ay ginigitnaan nina Tenyente Taviel del Andrade sa isang panig at Padre March at Padre Villaclara sa kabilang panig at sinusundan ng iba pang sundalo. Mabagal na lumakad Sina Rizal patungong Bagumbayan sa saliw ng bahaw na tunog ng mga tambol. Natanaw niya ang kanyang kaibigang abugado na si Eduardo Guttierez Repide na bumati sa kanya. Tumingin si Rizal sa langit at nasabi sa isa sa mga pari na kay ganda ng umagang iyon at napakatahimik. Binanggit din niya ang natatanaw na Corregidor at mga bundok ng Cavite na malimit nilang pamasyalan ng kaniyang nobya. Luminga si Rizal sa paligid nang malapit na sila sa Bagumbayan at itinanong sa katabing pari kung Ateneo ang natatanaw niya. Sinagot siya ng pari na iyon nga at sinabi niyang pitong taon ang kanyang ginugol doon. Narating nila ang Bagumbayan na may napakaraming tao na nais sumaksi sa huling sandali ni Rizal. Sa isang malawak na parisukat na naliligiran ng mga sundalo pumasok ang pangkat ni Rizal. Nagpaalam siya sa kanyang tagapagtanggol at sa mga pari. Nang basbasan siya ng isang pari at ilapit sa kanya ang isang krusipiho ay hinagkan niya ito at lumakad siya nang tahimik sa lugar na pinatatayuan sa kanya. Hiniling niya sa kapitang Kastila na barilin siya nang nakaharap subalit tinanggihan ito ng kapitan. Sinabi ni Rizal na kailanman ay hindi siya naging taksil sa kanyang bayan, maging sa Espanya. Hiniling din niya na sa puso siya patamaan at hindi sa kanyang ulo. Tumalikod siya sa mga babaril sa kanya at humarap siya sa dagat. Pinulsuhan siya ni Dr. Felipe Ruiz Castro, isang Kastilang manggagamot ng hukbo at nagulat ito nang malamang normal ang pulso niya na nagpapatunay na hindi siya natatakot mamatay. Narinig ang mga tunog ng tambol at ang pangingibabaw ng sigaw na nag-uutos ng "Barilin" (paputukan). Sinundan iyon ng anim na putok ng mga baril. Pilit ipinihit ni Rizal ang kanyang katawan nang pakanan at paharap at siya'y nabuwal na ang mukha'y nakatingala at nakaharap sa sumisikat na araw. Siya ay pumanaw ganap na ika-7:03 ng umaga. Pumanaw ang isang dakilang Pilipino upang mapanatiling buhay ang pagmamahal sa ating bayan. "Viva Espanya!" ang sigaw ng mga Kastilang nakasaksi at masayang tinugtog ng banda ng hukbo ang "Marcha de Cadiz." Nagdiwang ang mga Kastila sa lahat ng dako at sa pamimighati ng mga Pilipino ay nakintal sa kanilang mga puso at isipan ang isang pangyayaring hindi malilimot ng bawa't Pilipino. Ito ang humihimok sa kanila ng pagpapahalaga sa bayan na susi sa pagkakaisa para sa katarungan. Lulan ng karwahe, dinala ang bangkay ni Rizal sa sementeryo ng Paco. Isinilid ang bangkay niya sa isang pangkaraniwang kahon kasama ang kanyang sumbalilong "derby." Ilang kaibigan ng pamilya ang pinahintulutang makadalo na siyang naglagay ng lapidang nagtataglay ng mga unang titik ng pangalang Jose Protacio Rizal ngunit pabaligtad upang maitago ang pinaglibingan sa kanya dahil sa pangamba ng mga Kastila na gamitin ang kanyang bangkay sa propaganda ng mga katipunero. Ang pangyayaring ito ay katuparan ng isang dakilang misyon, ng kalbaryo ng kadakilaan. Nasalanta man sa pagkamatay niya ang kanyang utak, ang pag-iisip na galing doon naman ay sumalanta sa isang emperyo. Ginising ng kanyang mga isinulat ang nasyonalismo sa mga Pilipino na naging daan sa rebolusyon at napatunayan niya na ang pluma ay mas mabisa kaysa espada.

Use Quizgecko on...
Browser
Browser