🎧 New: AI-Generated Podcasts Turn your study notes into engaging audio conversations. Learn more

Iya_Modyul_5_Rizal(2).pdf

Loading...
Loading...
Loading...
Loading...
Loading...
Loading...
Loading...

Transcript

Modyul 5 BUHAY NI RIZAL: MATAAS NA EDUKASYON AT BUHAY SA IBANG BANSA Palmo R. Iya Fakulti, Departamento ng mga Agham Panlipunan Panimula...

Modyul 5 BUHAY NI RIZAL: MATAAS NA EDUKASYON AT BUHAY SA IBANG BANSA Palmo R. Iya Fakulti, Departamento ng mga Agham Panlipunan Panimula Matututunan mo sa modyul na ito ang mataas na edukasyong nakamit ni Dr. Jose Rizal at ang naging buhay niya sa ibang bansa mula 1882-1892. Pangunahing ilalahad dito ang kaniyang pag-aaral sa larang ng Medisina at Pilosopiya at Sulat kasama na ang mga karanasan at iba’t ibang nagawa niya upang maisakatuparan ang tunay na layon ng kaniyang pangingibang bansa. Binubuo ng dalawang (2) pangunahing bahagi ang modyul na ito: 1. mataas na edukasyon ni Rizal at 2. ang naging buhay niya sa ibang bansa (Espanya, 1882-1885; Paris, Pransiya at Berlin, Alemanya, 1885-1887; Pagdaan/Pagbisita sa Hongkong, Macao, Japan, at Estados Unidos, 1888; London, 1888-1889; Paris – Ikalawang Pagdating, 1889; Brussels, Belhika, 1890; Madrid – Ikalawang Pagdating, 1890-1891; Biarritz, Pransiya, 1891; Ghent, Belhika, 1891; at ang naging buhay niya sa Hongkong, 1891-1892 bago siya bumalik muli sa Pilipinas). Mga Inaasahang Pagkatuto sa Paksa: Pagkatapos mong pag-aralan ang modyul na ito, inaasahang ikaw ay: 1. Makapagtatalakay ng buhay-estudyante ni Rizal at ang kaniyang mga karanasan at nagawa sa ibang bansa; 2. Makapagpapaliwanag ng mga sitwasyon at prinsipyo kung paano mabuhay sa ibang bansa na malayo sa mga mahal sa buhay; 3. Makapagpapahalaga sa mga prinsipyo at sistema ng buhay na ipinamalas ni Rizal bilang isang estudyante, turista, repormista, at rebolusyonaryong Pilipino; at 4. Makapagbibigay ng mga sitwasyon kung paano magamit ang mga prinsipyo at sistema ng buhay ni Rizal sa kasalukuyang panahon. Gawain 1: Lunsarang Katanungan 1. Bago mo simulan ang pag-aaral sa modyul na ito, mainam na sagutin mo muna ang mga tanong sa ibaba. Mamarkahan ang iyong mga tugon batay sa inihandang rubrik. (20 puntos) Pamantayan Puntos Gradong Sukat 1. 3 7 10 Malinaw na Nangangailangan ng Mahusay Napakahusay pagpapaliwanag 10 Pagpapabuti Naipaliwanag nang Naipaliwanag Bahagyang malinaw ang mga nang napakalinaw naipaliwanag ang mga ideyang tumutugon sa ang mga ideyang ideyang tumutugon sa paksang tinalakay tumutugon sa paksang tinalakay paksang tinalakay 1 2. Faktuwal 3 7 10 na datos 10 Nangangailangan ng Mahusay Napakahusay Pagpapabuti Bahagyang nailahad ang Nailahad nang mahusay Nailahad nang mga faktuwal na datos ang mga faktuwal na katangi-tangi ang na sumusuporta sa datos na sumusuporta mga faktuwal na paksang tinalakay sa paksang tinalakay datos na sumusuporta sa paksang tinalakay Tanong #1. Bakit ka pumasok/nag-aral sa Pamantasang De La Salle Dasmariñas? Sariling desisyon mo ba ang pagpasok mo rito sa pamantasan o may nagpanukala/nagpasyang ikaw ay mag-aral dito? ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ Tanong #2. Nakaranas ka na bang mangibang bansa? Kung oo, ano ang dahilan ng iyong pangingibang bansa? Kung hindi pa, nais mo bang pumunta sa ibang bansa? Bakit? ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ 2 I. MATAAS NA EDUKASYON Pagkuha ng mga Kursong Medisina at Pilosopiya at Sulat sa Unibersidad Central de Madrid Hindi nasiyahan si Jose Rizal sa kaniyang natamong edukasyon sa Pilipinas. Pagkaraang matapos ang ikaapat na taon ng kursong medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas, Maynila, nagpasya siyang ipagpatuloy ang pag-aaral1 ng kursong ito sa Europa. Noong Nobyembre 3, 1882, nag-enrol si Rizal sa dalawang kurso, Medisina at Pilosopiya at Sulat sa Unibersidad Central de Madrid sa Espanya. Noong Hunyo 21, 1884, iginawad sa kaniya ng nasabing unibersidad ang digri ng Lisensiyado sa Medisina. Nang sumunod na taong pang-akademiko (1884-1885), pinag-aralan niya at naipasa ang lahat ng asignatura para sa digri ng Doktor ng Medisina. Ngunit dahil hindi siya nakapagpakita ng kaniyang tesis na kailangan ng isang nagtatapos at di pa rin niya nababayaran ang kaniyang mga pagkakautang, ang diploma bilang doktor ay hindi naigawad sa kaniya (Zaide at Zaide 1997, 92). Tunghayan sa ibaba ang ulat ng mga grado ni Rizal sa dalawang kursong kinuha niya sa Unibersidad Central de Madrid: Medisina* Ikalimang Taon (1882-1883) Pagpapatuloy ng Kurso sa Medisina na sinimulan sa Unibersidad ng Santo Tomas, Maynila Asignatura Grado Klinika Medikal Mahusay Klinika Pangsiruhiya 1 Mahusay Klinika Obstetrikal 1 Mainam Klinikal Legal Pinakamahusay Ikaanim na Taon (1883-1884) Asignatura Grado Klinika Medikal 2 Mahusay Klinika Pangsiruhiya 2 Mahusay na mahusay Lisensiya sa Medisina iginawad noong Hunyo 21, 1884 na may antas na “Mahusay” Doktorado (1884-1885) Asignatura Grado Kasaysayan ng Siyensiyang Medisina Mainam Pagsusuring Pangsiruhiya Mahusay Histolohiyang Normal Pinakamahusay Doktor ng Medisina (hindi iginawad, ang dahilan ay nabanggit na sa unahan) *Pinagkunan: Zaide at Zaide 1997, 92. Hinango mula sa Wenceslao E. Retana, Vida y Escritos del Dr. Jose Rizal (Madrid: Libreria General de Victoriano Suarez, 1907), 68-69. 1 Gayunpaman, maliban sa ipagpapatuloy ang pag-aaral ng medisina, kailangan niyang mapag-aralan ang buhay at kultura, wika at kaugalian, industriya at komersiyo, at pamahalaan at batas ng mga bansang Europeo nang sa gayon ay makapaghanda siya sa kaniyang dakilang misyon na mareporma ang sistema ng kolonyal na pamamamahala ng mga Espanyol sa Pilipinas at kung hindi man ay mapalaya ang kaniyang mga kababayan sa kamay ng mga mapang- aping Espanyol. Ito ang sinasabing lihim na misyon ni Rizal sa kaniyang pangingibang bansa na kasama sa plano ng kaniyang Kuya Paciano at ng iba pang makabayang Pilipino (Zaide at Zaide 1997, 68). 3 Maliban sa Medisina, natapos din ni Rizal ang kaniyang pag-aaral sa Pilosopiya at Sulat sa nasabing unibersidad nang may matataas na grado. Iginawad sa kaniya ang digri ng Lisensiyado sa Pilosopiya at Sulat ng Unibersidad Central de Madrid noong Hunyo 19, 1885 (kaniyang ika-24 na kaarawan), na may antas na “Pinakamahusay” (Sobresaliente). Ito ang kaniyang rekord pang-eskolastika sa kursong ito: Pilosopiya at Sulat** 1882-83 Asignatura Grado Wikang Espanyol Pinakamahusay (na may iskolarsyip) Wikang Arabe Pinakamahusay (na may iskolarsyip) 1883-84 Asignatura Grado Kasaysayang Unibersal 1 Mahusay na mahusay Pangkalahatang Literatura Pinakamahusay 1884-85 Asignatura Grado Kasaysayang Unibersal 2 Pinakamahusay Literaturang Griyego at Latin Pinakamahusay (na may napanalunang gantimpala) Griyego 1 Pinakamahusay (na may napanalunang gantimpala) ** Pinagkunan: Zaide 1997, 93. Hinango mula sa Jose Rizal, Letters Between Rizal and Family Members, 1876-1896 (Manila: National Heroes Commission, 1964), 154. Sa pagkakamit ng digri ng Lisensiyado sa Pilosopiya at Sulat, naging kuwalipikado si Rizal sa pagkapropesor ng humanidades sa anumang unibersidad sa Espanya. At sa pagtanggap niya ng digri ng Lisensiyado sa Medisina, maaari na siyang magpraktis ng Medisina. Subalit hindi na niya inisip na kumuha pa ng digri ng Doktor ng Medisina dahil ito, kasama na ang Lisensiyado sa Pilosopiya at Sulat, ay maaari lamang gamitin sa pagtuturo. Batid ni Rizal na habang makapangyarihan ang mga prayle at sila ang nagmamay-ari ng mga paaralan, magiging mahirap para sa kaniya bilang “indio” at “Asyano” na makapagturo (94). 4 Ang Unibersidad Central de Madrid sa Espanya noong Dantaon 19. Hinangong larawan mula sa google. Isa sa hindi makalilimutan ni Rizal sa kaniyang naging karanasan sa Unibersidad Central de Madrid ay ang kaniyang pakikilahok sa naganap na demonstrasyon ng mga estudyante. Noong Nobyembre 20-22, 1884, ang lungsod ng Madrid ay nayanig ng mga madugong demonstrasyong pinasimunuan ng mga mag- aaral ng unibersidad. Si Rizal, Valentin Ventura, at ilang estudyanteng Pilipino ay sumali rito, kasama ang mga estudyanteng Kubano, Mehikano, Peruvano, at Espanyol. Ang demonstrasyon ng mga estudyante ay dahil sa paunang salita ni Dr. Miguel Morayta, propesor ng kasaysayan, sa pambungad na seremonya ng taong pang-akademiko noong Nobyembre, kung saan ipinahayag niya ang “kalayaan ng agham at ng guro.” Ang ganitong liberal na pananaw ay kinondena ng mga Katolikong obispo ng Espanya, na nagpahayag ng ekskomunikasyon kay Dr. Morayta at ng lahat ng nagbunyi sa talumpati nito. Sa lansangan, sinisigaw ng mga estudyante ang kanilang pagtutol: “Mabuhay si Morayta! Ibagsak ang mga obispo!” Halos lahat ng mga estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo (Batas, Medisina, Pilosopiya at Sulat, atbp.) ay sumali sa malaking demonstrasyong ito. Sinubukan ng mga pulis na pigilin ang mga nagagalit na estudyante ngunit nabigo sila. Naging madugo ang kaguluhan sa unibersidad at sa kalsada. Armado ng mga pamalo, bato, at kamao, nakipaglaban ang mga estudyante sa mga puwersa ng pamahalaan. Maraming propesor ng unibersidad ang lantarang nagpakita ng kanilang suporta para sa hanay ng mga estudyante. Ang Rektor (hindi napangalanan ni Rizal) na sumuporta rin sa mga estudyante ay napilitang magbitiw sa kaniyang posisyon at pinalitan siya ni Dr. Creus na ayon sa liham ni Rizal sa kaniyang pamilya noong Nobyembre 26, 1884 ay “ang rektor na kinaiinisan ng lahat” (90). Pagpapakadalubhasa sa Optalmolohiya Paris, Pransiya (1885-1886) at Heidelberg, Alemanya (1886) Pagkaraaang matapos ang pag-aaral sa Unibersidad Central de Madrid, si Rizal na noo’y 24 na taong gulang at isa nang manggagamot ay nagtungo sa Paris para magpakadalubhasa sa optalmolohiya. Ito ang napili niyang sangay sa medisina dahil nais niyang gamutin ang mga mata ng kaniyang ina. Nanirahan si Rizal sa Paris nang apat na buwan, mula Nobyembre 1885 hanggang Pebrero 1886. Nagtrabaho at nagsanay siya kay Dr. Louis de Weckert (1852-1906), ang nangungunang optalmolohistang Pranses sa loob ng apat na buwan. Pagkatapos nito, ipinagpatuloy ni Rizal ang pagpapakadalubhasa sa optalmolohiya sa Heidelberg, Alemanya. Nagtrabaho siya sa Ospital ng mga Mata sa Unibersidad ng 5 Heidelberg sa ilalim ng direksiyon ni Dr. Otto Becker, kilalang optalmolohistang Aleman. Dumalo rin siya sa mga panayam ni Dr. Becker at Prop. Wilhelm Kuehne ng nasabing unibersidad. Dahil dito, lalong lumawak ang kaalaman ni Rizal sa optalmolohiya (95-98). Si Rizal bilang isang optalmolohista. Orihinal na larawan galing sa Archives of Ophthalmology, Pebrero 2001 isyu. Hinangong larawan mula sa google. Mapamaraang Gawi ni Rizal Bilang Mag-aaral sa Ibang Bansa Nagbuhay-Spartan si Rizal noong siya’y nag-aral sa Madrid. Alam niyang nasa Espanya siya para mag-aral at ihanda ang sarili mapaglingkuran ang lupang tinubuan. Kaya natuto siyang magbadyet ng kaniyang pera at oras. Naging masinop siya sa buhay, ginagasta lamang ang pera para sa pagkain, damit, matirhan, at mga aklat. Hinding-hindi siya nag-aksaya kahit isang peseta sa pagsusugal, pag-inom ng alak, at pambababae. Ang perang natitipid niya ay ipinambibili niya ng mga libro kung kaya’t nakapagtipon siya ng may kalakihang aklatang pribado.2 Ang tanging bisyo ni Rizal ay bumili ng tiket ng loterya para sa bawat bola nito sa Loterya ng Madrid. Ang kaniyang bakanteng oras ay inilalaan niya sa pagbabasa at pagsusulat, pagdalaw sa mga kapwa Pilipinong estudyante sa bahay ng mga Paterno (Antonio, Maximino, at Pedro), at pagsasanay ng pag-eeskrima at pagbaril. Kung minsan sa panahon ng tag-araw, kapag sumasapit na ang takip-silim, nakikipagkuwentuhan din siya sa mga estudyanteng galing sa Cuba, Mexico, Argentina, atbp. kolonya ng Espanya sa Timog at Sentral Amerika (77). Noong dumanas ng krisis pinansiyal ang pamilyang Rizal sa Calamba sanhi ng pagbagsak ng ani ng palay at tubo dahil sa tagtuyo at pananalakay ng mga balang, madalas na huli ang pagdating ng padalang pera kay Rizal. Minsan nga’y walang dumarating na padalang pera sa Madrid kaya totoong naghirap si Rizal. Isang makabagbag-damdamin sa buhay ni Rizal sa Madrid ay nangyari noong Hunyo 25, 1884. Dahil wala siyang kapera-pera, hindi siya nakapag-agahan ng araw na iyon. Walang laman ang sikmura, pumasok 2 Kasama sa koleksiyon ng mga aklat ni Rizal ang mga sumusunod: Bibliya, Hebrew Grammar, Lives of the Presidents of the United States from Washington to Johnson, Complete Works of Voltaire (9 na tomo), Complete Works of Horace (3 tomo), Complete Works of C. Bernard (16 na tomo), History of the French Revolution, The Wandering Jew, Ancient Poetry, Works of Thucydides, The Byzantine Empire, The Characters ni La Bruyere, The Renaissance, Uncle Tom’s Cabin ni Harriet Beecher Stowe, Works of Alexander Dumas, Louis XIV and his Court, at iba pang libro tungkol sa medisina, pilosopiya, wika, kasaysayan, heograpiya, sining, at agham. 6 siya sa kaniyang klase sa unibersidad, sumali sa isang paligsahan sa wikang Griyego at nanalo ng gintong medalya. Nang gabing iyon, nakapaghapunan siya dahil siya ang naging panauhing tagapagsalita sa isang bangketeng3 inihandog kina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo sa Restawran Ingles, Madrid (83). Iba pang Gawaing Pang-edukasyon Sa kabila ng pagiging abala sa dalawang kursong kaniyang pinag-aaralan sa Unibersidad Central de Madrid, nagawa pang mag-aral ni Rizal ng pagpinta at eskultura sa Akademya ng Sining ng San Fernando sa Espanya. Kumuha rin siya ng mga pribadong gurong magbibigay sa kaniya ng mga aralin sa wikang Pranses, Aleman, Ingles, at Italyano. Pinag-aralan niya ang mga wikang ito sapagkat naghahanda siya sa paglalakbay sa iba’t ibang bansa sa Europa. Batid niyang mahalaga ang mga wikang ito sa pag-aaral ng mga kaugalian ng mga tao roon na mapaghahanguan niya ng mga aral na makatutulong sa kaniyang mga kababayan sa Pilipinas. Nagsanay rin siya sa pakikipag-eskrima at pagbaril sa Bulwagang Armas nina Sanz at Carbonell. Hindi niya kinalimutang palakasin ang kaniyang katawan dahil batid niyang makatutulong ito sa kaniyang pag-aaral at pagpapakadalubhasa upang lubos niyang magampanan ang kaniyang makabayang misyon (76-77). Si Rizal at Antonio Luna sa Paris habang nagsasanay sa pag-eeskrima. Hinangong larawan mula sa google. 3 Ang bangkete noong Hunyo 25, 1884 ay inihandog ng komunidad ng mga Pilipino para ipagdiwang ang kambal na tagumpay ng mga Pilipinong pintor sa Pambansang Eksposisyon ng Sining sa Madrid. Ang Spoliarium ni Luna ay nanalo ng unang gantimpala at ang Virgenes Cristianas Expuestas al Populacho ni Hidalgo ay pangalawang gantimpala. Binigkas ni Rizal ang kaniyang pagbati sa dalawang dakilang pintor at idiniin na ang tagumpay sa sining ay pumaibabaw sa hatiang pangheograpiya at pinagmulan na lahi dahil ang pagiging henyo ay unibersal. Ang talumpating binigkas ni Rizal ay hinangaan ng marami ngunit nagpagalit ito sa mga prayle sa Pilipinas dahil binatikos niya rito ang panlalait at pagiging bulag ng masasamang alagad ng simbahan sa kapuluan. Nakarating ang balitang ito maging sa pamilyang Rizal-Mercado sa Calamba kung kaya’t sumulat ang ina ni Rizal sa kaniya na tumigil na ito sa pagsusulat ng mga artikulong magpapagalit sa mga prayle sa Pilipinas at huwag nang ipagpatuloy pag-aaral na maaaring maging sanhi ng kaniyang maagang pagpanaw (Garcia et al. 2011, 115-117). 7 Ang kaniyang pagkahilig sa karunungan ay pinunuan niya sa pamamagitan ng pagbisita sa mga galerya, silid-aklatan, at museo, pagbabasa at pagsasaliksik ng mga aklat sa anumang bagay, kasama na rito ang tungkol sa inhenyeriyang pangmilitar. Maliban sa pagsusulat at paglalathala ng mga tula, sanaysay, at nobela, nakipagkilala at nakipagkaibigan din si Rizal sa mga Europeong siyentipiko at iskolar upang mabilis niyang malaman at maunawaan ang politikal at ekonomikong kalagayan ng mga bansa sa Europa. Nagtatag din siya ng mga samahan gaya ng Samahang Kidlat4 (na naging “Indios Bravos”5 o Matatapang na Indian) at Samahang R.D.L.M.6 Sumali at naging aktibo rin si Rizal sa iba pang asosasyon gaya ng Pandaigdigang Asosasyon ng mga Filipinohista,7 Circulo Hispano-Filipino,8 Kilusang Propaganda,9 at Masonerya.10 4 Itinatag ni Rizal noong Marso 19, 1889 sa Paris, ang Samahang Kidlat ay binubuo ng mga magkakaibigang kababayan ni Rizal na sina Antonio at Juan Luna, Gregorio Aguilera, Fernando Canon, Lauro Dimayuga, Julio Llorente, Guillermo Puatu, at Baldomero Roxas. Itinatag ito ni Rizal para mapagsama-sama ang kabataang Pilipinong nasa kabisera ng Pransiya nang sa gayo’y sama-sama silang magsasaya sa pagbisita sa lungsod sa panahon ng Eksposisyong Unibersal. Kaya ito’y tinawag sa ganitong ngalan dahil tulad ng kidlat ay mabilis at panandalian lamang, hanggang idinaraos ang Eksposisyon sa Paris noong 1889. 5 Ang pangalan ng samahang ipinalit sa Samahang Kidlat. Layunin nitong maipagmalaki ng mga Pilipino ang kanilang pagiging “indio” sa pamamagitan ng pagpapahusay sa kanilang pag-iisip at pangangatawan. Naging inspirasyon nila Rizal ang palabas na “Bufallo Bull” sa pagpapangalan ng kanilang samahan. Ang “Bufallo Bull” ay isang pagtatanghal ng mga Amerikanong Indian na buong pagmamalaking ipinamalas ang kanilang kahusayan sa pangangabayo at ang maringal nilang katutubong kasuotan na may balahibong pandigma at pintura. 6 Isa pang samahang itinatag ni Rizal sa Paris noong panahon ng Eksposisyong Unibersal ng 1889. Ang R.D.L.M. na ang ibig sabihin ay Redencion de los Malayos (Para sa Katubusan ng mga Malayo) ay naglalayong matubos ang lahing Malayo. Si Rizal ay naniniwalang ang lahing Pilipino ay lahing Malayo rin. 7 Naitatag ang pandaigdigang asosasyong ito sa inisyatiba ni Rizal. Layunin nitong mapag-aralan ang Pilipinas mula sa siyentipiko at pangkasaysayang pananaw. Ang mga opisyal nito: Pangulo – Dr. Ferdinand Blumentritt (Austriyano), Pangalawang Pangulo – G. Edmund Plauchut (Pranses), Tagapayo – Dr. Reinhold Rost (Anglo-Aleman), Tagapayo – Dr. Antonio Ma. Regidor (Pilipino-Espanyol), at Kalihim – Dr. Jose Rizal (Pilipino). 8 Ang organisasyong ito ay naglalayong maipahayag nang malaya ang mga paghihirap na dinaranas ng mga Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng mga Espanyol. Ito ay binuo ng mga estudyanteng Pilipino na nag-aaral sa Madrid sa pamumuno ni Juan Atayde, kasama ang ilang mga Espanyol na dating nanirahan sa Pilipinas, karamihan ay mga Liberal, gaya ni Pedro Ortiga y Rey na naging alkalde ng Maynila at Consejero de Ultramar para sa Pilipinas.. Maliban kay Jose Rizal, kasama rin sa organisasyong ito sina Marcelo H. Del Pilar, Juan Luna at Graciano Lopez Jaena. Sila ay nakalathala ng diyaryong “Revista del Circulo Hispano-Filipino” na nagpapahayag ng mga saloobin sa mga masamang ginagawa ng mga Espanyol sa Pilipinas. 9 Isang kilusang itinatag sa Espanya ng mga Pilipinong ilustrado sa Europa. Ilan sa mga kasapi nito ay sina Rizal, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, at magkapatid na Juan at Antonio Luna. Isa sa mga pangunahing layunin ng kilusan ang pagkakaroon ng pantay na pagtingin at karapatan sa mga Espanyol at mga Pilipino, pagkakaroon ng representasyon ng Pilipinas sa Cortes (ang kongreso ng Espanya), sekularisasyon ng mga parokya, pagbubuo ng sistema ng edukasyon na labas sa impluwensiya ng mga prayle, paglansag ng polo y servicio (sapilitang paggawa) at bandala (sapilitang pag-bibili ng mga produkto ng pamahalaang kolonyal), at pagkakaroon ng batayang kalayaan sa pagpapahayag. Nabuo ang kilusan dahil sa paglago ng diwang nasyonalista sa kamalayan ng mga Pilipinong nakapag-aral na pinaigting ng mga pangyayaring pangkasaysayan tulad ng pagbitay sa tatlong pari na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora. Ang mga propagandista ay naglabas ng pahayagang La Solidaridad. 10 Isang pandaigdigang samahan ng mga intelektuwal at may malayang kaisipan para sa kapatiran at pagtutulungan, na gumagamit ng mga lihim na seremonya at senyas, binatikos ng Masonerya ang pang-aabuso at kalupitan ng mga prayleng Espanyol sa mga kolonya sa panahon ni Rizal. Naging Punong Mason noong Nobyembre 15, 1890 sa Madrid at noong Pebrero 15, 1892 ay ginawaran naman si Rizal ng diploma bilang Punong Mason ng Le Grand Orient de France sa Paris. Ginamit ni Rizal sa Masonerya ang sagisag na “Dimasalang.” Sumali si Rizal sa samahang ito upang makahingi ng tulong para malabanan ang mga prayle sa Pilipinas. 8 II. BUHAY NI RIZAL SA IBANG BANSA Si Rizal sa Espanya, Unang Pagdating (1882-1885) Si Rizal sa Barcelona Noong Hunyo 16, 1882, dumating si Rizal sa Barcelona, ang pinakadakilang lungsod ng Cataluña at pangalawang pinakamalaking lungsod ng Espanya. Bagama’t ang unang impresyon ni Rizal sa lungsod ay hindi maganda,11 nabago ito nang matuklasan niyang dakila nga ang lugar na may atmospera ng kalayaan at liberalismo at ang mga tao rito ay bukas ang puso, mapagpatuloy, at matatapang. Malugod na tinanggap si Rizal ng mga Pilipino na ila’y mga kaeskuwela niya sa Ateneo. Nagbigay sila ng isang salu-salo para sa kaniya sa kanilang paboritong cafe sa Plaza de Cataluña. Ikinuwento nila kay Rizal ang magagandang tanawin ng Barcelona pati na ang kaugalian ng mga Espanyol. Ibinahagi naman ni Rizal ang pinakahuling balita at usap-usapan sa Pilipinas (Zaide at Zaide 1997, 74). “El Amor Patrio” (Pag-ibig sa Tinubuang Lupa) Sa Barcelona, isinulat ni Rizal ang isang makabayang sanaysay na pinamagatang “El Amor Patrio”12 at ito’y ipinadala niya sa kaniyang kaibigang si Basilio Teodoro Moran, tagapaglathala ng Diariong Tagalog, ang kauna-unahang pahayagan sa Maynila na nasa wikang Tagalog at Espanyol. Ang “El Amor Patrio” na nakasulat sa ilalim ng sagisag na pangalang “Laong Laan” ang unang sanaysay/artikulong isinulat ni Rizal sa Espanya. Lumabas ito sa Diariong Tagalog noong Agosto 20, 1882 at nailathala sa dalawang teksto – Espanyol at Tagalog (salin ni Marcelo H. del Pilar ang tekstong Tagalog). Naging kapansin-pansin sa mga mambabasa ang nasabing sanaysay dahil sa damdaming maka-Pilipino nito. Sinasabi ng sanaysay na walang ibang bayan ang mga Pilipino kundi ang Pilipinas kaya dapat mahalin ng mga ito ang kanilang lupang tinubuan. Binati si Rizal sa kaniyang sinulat na ito ni Basilio Moran at hiningan pa ng ibang artikulo. Bilang tugon sa kahilingan, ipinadala niya ang ikalawang artikulo para sa Diariong Tagalog na may pamagat na “Los Viajes” (Ang mga Paglalakbay). Ang ikatlong artikulo, ang “Revista de Madrid” (Paggunita sa Madrid) na isinulat niya sa Madrid noong Nobyembre 29, 1882 ay isinauli sa kaniya dahil nagsara ang Diariong Tagalog sanhi ng kakulangan sa pondo (76). Si Rizal sa Madrid Pinalipas ni Rizal ang tatlong buwan sa Barcelona bago siya tumulak patungong Madrid, kabisera ng Espanya, matapos na matanggap ang masamang balitang ang salot ng kolera ay kumakalat sa Maynila at mga karatig pook nito. Ibinalita rin sa kaniya ni Jose Cecilio (Chengoy) ang pangungulila ng kaniyang pinsang kasintahang si Leonor Rivera. Setyembre 1882 nang dumating si Rizal sa Madrid. Gaya ng nabanggit na sa unahan, ipinagpatuloy ni Rizal sa Madrid ang kaniyang pag-aaral at ang kaniyang makabayang misyon. Sa Unibersidad Central de Madrid, natapos niya ang Medisina at Pilosopiya at Sulat. Nag-aral din siya ng pagpinta at eskultura; kumuha ng mga pribadong gurong magbibigay sa kaniya ng mga aralin sa wikang Pranses, Aleman, at Ingles; nagsanay sa pakikipag-eskrima at pagbaril. Sa 11 Hindi maganda ang unang impresyon ni Rizal sa Barcelona dahil una siyang tumuloy sa isang maruming paupahang bahay na nasa makitid na daan ng “pinakapangit na bahagi ng bayan” at ang mga tauhan at panauhin ng bahay-paupahan ay ipinagsasawalang-bahala siya. 12 Maaaring tunghayan ang buong teksto sa https://www.academia.edu/5807656/PAG_IBIG_SA_TINUBUANG_LUPA. 9 lungsod ding ito, naisulat ni Rizal ang kalahating bahagi ng kaniyang nobelang Noli Me Tangere (Garcia et al. 2011, 111; Zaide at Zaide 1997, 76-77; Rivera et al. 2002, 54). Si Rizal at ang mga Pilipinong Kababayan niya sa Madrid Nakatagpo ni Rizal ang kaniyang mga kababayan sa Madrid gaya nina Pedro Paterno, Graciano Lopez Jaena, Gregorio Sancianco, Juan at Antonio Luna, Felix Hidalgo, Marcelo del Pilar, Mariano Ponce, Jose Maria Panganiban, at iba pa. Sa mga ito, si Lopez Jaena at del Pilar ang naging malapit sa kaniya kung kaya’t pinangunahan nilang tatlo ang Kilusang Propaganda na naglalayong magkaroon ng pantay na pagtingin at karapatan sa mga Espanyol at mga Pilipino, magkaroon ng representasyon ang Pilipinas sa Cortes (ang kongreso ng Espanya), sekularisasyon ng mga parokya, pagbubuo ng sistema ng edukasyon na labas sa impluwensiya ng mga prayle, paglansag ng polo y servicio (sapilitang paggawa) at bandala (sapilitang pag-bibili ng mga produkto ng pamahalaang kolonyal), at pagkakaroon ng batayang kalayaan sa pagpapahayag. Ang mga ideya at plataporma ng mga propagandistang Pilipino ay inilalathala nila sa pahayagang La Solidaridad. Si Rizal kasama ng mga Pilipinong kasapi ng Kilusang Propaganda sa Madrid. Hinangong larawan mula sa google. Sumapi rin si Rizal sa Circulo Hispano-Filipino, isang samahan ng mga Espanyol at Pilipino sa Madrid. Layunin nitong maipahayag nang malaya ang mga paghihirap na dinaranas ng mga Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng mga Espanyol. Ang samahan ay nakalathala ng diyaryong “Revista del Circulo Hispano-Filipino” na nagpapahayag ng mga saloobin sa mga masamang ginagawa ng mga Espanyol sa Pilipinas. Dahil nahilingan ng mga kasapi ng samahang ito, sumulat si Rizal ng isang tulang pinamagatang “Mi Piden Versos” (Hinihilingan Nila Ako ng Berso)13 at itinula niya noong pagdiriwang ng mga Pilipino ng Bisperas ng Bagong Taon sa Madrid noong 1882. Sa malungkot na tulang ito, ibinuhos ni Rizal ang paghihinagpis ng kaniyang puso (Garcia et al. 2011, 112-114). 13 Ang buong teksto ng tula ay matutunghayan sa Gregorio F. Zaide at Sonia M. Zaide, Jose Rizal: Buhay, mga Ginawa at mga Sinulat ng Isang Henyo, Manunulat, Siyentipiko, at Pambansang Bayani (Lungsod Quezon: All- Nations Publishing Co., Inc., 1997), 78-80. 10 Pakikipagkaibigan kay Consuelo Ortiga y Perez Sa Madrid, nakilala ni Rizal ang dalagang anak ni Don Pablo Ortiga y Rey14 na si Consuelo Ortiga y Perez. Dahil sa pagiging maginoo at taglay na mga talento, naakit sa kaniya ang dalaga. Hinandogan niya ito ng tulang pinamagatang “A La Señorita C.O.y.P.” (Para kay Binibining C.O.y.P.) na naglalaman ng kaniyang paghanga sa dalaga. Ngunit bago maging ganap ang kanilang pag-iibigan, lumayo si Rizal dahil: 1. may kasunduan na sila ni Leonor Rivera at 2. ang kaniyang kaibigan at kasama sa Kilusang Propaganda na si Eduardo de Lete ay umiibig kay Consuelo at hindi niya nais na masira ang kanilang pagkakaibigan dahil lamang sa isang magandang babae (Zaide at Zaide 1997, 77-78). Si Consuelo Ortiga y Perez. Mula kay Pablo Trillana III, The Loves of Rizal and other Essays on Philippine History, Art, and Public Policy via positivelyfilipino.com. Si Rizal Bilang Mason Sa Espanya, nakasalamuha ni Rizal ang mga kilalang Espanyol na liberal at republikano na karamihan ay Mason (mga intelektuwal at may malayang kaisipan) kasama na rito sina Miguel Morayta, Francisco Pi y Margal, Manuel Becerra, Emilio Junoy, at Juan Ruiz Zorilla. Sumali siya sa lohiyang masoniko na “Acacia” sa Madrid noong 1883. Naging Punong Mason noong Nobyembre 15, 1890 sa Madrid at noong Pebrero 15, 1892 ay ginawaran naman si Rizal ng diploma bilang Punong Mason ng Le Grand Orient de France sa Paris. Ginamit ni Rizal sa Masonerya ang sagisag na “Dimasalang.” Bilang isang mason, isinulat niya ang Science, Virtue, and Labor na binigkas niya noong 1889 sa Lohiya Solidaridad, Madrid. Sumali si Rizal sa samahang ito upang makahingi ng tulong para malabanan ang mga prayle sa Pilipinas (81-82). 14 Si Don Pablo ay naging alkalde ng Maynila noong administrasyon ng liberal na gobernadora-heneral na si Carlos Maria de la Torre (1869-1871) at kinalaunan ay naitaas ang posisyon at naging pangalawang pangulo ng Konseho ng Pilipinas sa Ministeryo ng mga Kolonya (Ultramar). 11 Si Rizal na may kasuotang Mason. Hinangong larawan mula sa google. Pagsaludo ni Rizal kina Luna at Hidalgo Noong gabi ng Hunyo 25, 1884, nagkaroon ng salu-salo ang komunidad ng mga Pilipino upang ipagdiwang ang kambal na tagumpay ng mga Pilipinong pintor sa Pambansang Eksposisyon ng Sining sa Madrid. Ang Spoliarium ni Juan Luna ay nanalo ng unang gantimpala (medalyang ginto) at ang Virgenes Cristianas Expuestas al Populacho ni Felix Resurreccion Hidalgo ay pangalawang gantimpala (medalyang pilak). Ang Spoliarium ni Juan Luna na nagkamit ng unang gantimpala. Hinangong larawan mula sa google. 12 Ang Virgenes Cristianas Expuestas al Populacho ni Hidalgo na nagkamit ng pangalawang gantimpala. Hinangong larawan mula sa google. Sa nasabing salu-salo, naanyayahan si Rizal na maging panauhing tagapagsalita. Sa kaniyang talumpati, binigkas ni Rizal ang kaniyang pagbati kina Luna at Hidalgo bilang dalawang tagumpay ng Espanya at Pilipinas, na ang tagumpay sa sining ay pumaibabaw sa hatiang pangheograpiya at pinagmulan na lahi dahil ang pagiging henyo ay unibersal. Inatake rin niya ang mga prayle sa Pilipinas na hindi naniniwalang ang katalinuhan ay pandaigdig (84). Si Rizal sa Pransiya at Alemanya (1885-1887) Nabanggit na sa unahan ang sanhi ng pagtungo ni Rizal sa Paris at Berlin pagkaraang tapusin ang pag-aaral sa Madrid. Ito ay upang magpakadalubhasa siya sa optalmolohiya na siyang sangay ng medisina na napili niya dahil nais niyang gamutin ang mga mata ng kaniyang ina. Kaakibat ng pag-aaral sa optalmolohiya, ipinagpatuloy ni Rizal ang kaniyang lihim na misyon – ang pagmamasid sa mga gobyerno at batas, kultura at tradisyon ng mga Europeo, sa panahong ito ng mga Pranses at Aleman (Garcia et al. 2011, 125). Si Rizal sa Paris, Pransiya (1885-1886) Naging katulong at mag-aaral si Rizal sa klinika ni Dr. Louis de Wecker (1852-1906), isang dalubhasang optalmolohistang Pranses. Natutunan niya mula rito ang aktuwal na pag-oopera ng mata, ang mga bagong pag-aaral hinggil sa mga sakit ng mata, at ang iba’t ibang teknik sa operasyon ng mata. Pagkatapos ng mga gawain sa klinika ni Dr. Wecker, binibisita ni Rizal ang kaniyang mga kaibigan gaya ng pamilya ng mga Pardo de Tavera (Trinidad, Felix, at Paz), Juan Luna, at Hidalgo. Ang madalas niyang pakikisalamuha sa kaniyang mga kababayan sa siyudad ay naging daan sa mabilis niyang pagkatuto sa pagsasalita at pag-unawa ng wikang Pranses (126). 13 Si Rizal, pangalawa mula sa kaliwa sa likuran, kasama ng pamilyang Pardo de Tavera sa Paris. Hinangong larawan mula sa google. Sa estudyo ni Luna, nakipagtalakayan si Rizal kay Luna ng mga suliranin sa sining at pinaghusay niya ang sariling teknik sa pagpinta. Tinulungan niya si Luna sa pamamagitan ng pagmodelo sa ilang larawan nito. Sa kambas na “Kamatayan ni Cleopatra,” si Rizal ang modelo bilang paring Ehipto. Sa “Sanduguan,” siya ang nagmodelo bilang Sikatuna, kasama si Trinidad Pardo de Tavera na siya namang naging Legazpi (Zaide at Zaide 1997, 96). Si Rizal sa Heidelberg, Alemanya (1886-1887) Pagkaraang makangalap ng karanasan bilang optalmolohista sa klinika ni Dr. Wecker, nilisan ni Rizal ang Paris patungong Alemanya. Dumating siya sa Heidelberg, makasaysayang lungsod sa Alemanya na kilala sa matanda nitong unibersidad at romantikong kapaligiran noong Pebrero 3, 1886. Sa Heidelberg, naging popular si Rizal sa mga Alemang estudyante ng batas dahil sa kahusayan niya sa ahedres (chess). Dahil dito, ginawa siyang miyembro ng Samahan ng mga Manlalaro ng Ahedres. Nagtrabaho siya sa Ospital ng mga Mata ng Unibersidad ng Heidelberg sa ilalim ng direksiyon ni Dr. Otto Becker, tanyag na optalmolohistang Aleman. Upang higit na madagdagan pa ang kaniyang kaalaman sa larang ng optalmolohiya, dumalo rin siya ng mga panayam ni Dr. Becker at Prop. Wilhelm Kuehne sa nasabing unibersidad. 14 Ang tatlong-palapag na gusaling Baroque ng Unibersidad ng Heidelberg na naitatag noong 1386. Hinangong larawan mula sa google. Napuna ni Rizal na iginagalang ng mga Alemang Katoliko at Protestante ang diwa ng ekumenismo15 dahil nabubuhay sila nang may pagkakasundo. Sa isang simbahan sa bayan, ang kalahati nito ay ginagamit ng mga Katoliko at ang kalahati ay sa mga Protestante (98). Noong tagsibol ng 1886, nabighani si Rizal sa pamumukadkad ng mga bulaklak sa may pampang ng Ilog ng Neckar. Ang ganda ng mga bulaklak ay nagpaalala sa kaniya ng kanilang marikit na hardin sa Calamba. Nangungulila, isinulat niya noong Abril 22, 1886 ang tulang “A Las Flores de Heidelberg” (Para sa mga Bulaklak ng Heidelberg). Sa Wilhelmsfeld, Heidelberg, tumira si Rizal sa rektoryo ng isang butihing Protestanteng Pastor na si Dr. Karl Ullmer. Naging mabuti niyang kaibigan at tagahanga ang pastor at ang pamilya nito (99-100). Sa Heidelberg, isinulat din ni Rizal ang una niyang liham sa wikang Aleman kay Propesor Ferdinand Blumentritt, Direktor ng Ateneo ng Leitmeritz, Austria. Napag-alaman ni Rizal na ang Austriyanong etnolohista ay interesado sa mga wika ng Pilipinas. Dahil dito, pinadalhan niya ito ng sulat na may kalakip na isang aklat na pinamagatang Aritmetica na inilathala sa dalawang wika (Espanyol at Tagalog) ng Limbagan ng Unibersidad ng Santo Tomas. Ang may-akda ng nasabing aklat ay si Rufino Baltazar Hernandez, katutubo ng Santa Cruz, Laguna. Si Blumentritt, ang Austriyano, ay naging matalik na kaibigan ni Rizal, ang Pilipino. Nagkaroon ng palagiang pagsusulatan at tunay na pagkakaibigan ang dalawa na tumagal ng habambuhay (100-1001). Si Rizal sa Leipzig at Dresden, Alemanya Dumalo ng mga panayam si Rizal tungkol sa kasaysayan at sikolohiya sa Unibersidad ng Leipzig. Nakipagkaibigan siya kay Propesor Friedrich Ratzel, bantog na mananalaysay na Aleman, at Dr. Hans Meyer, Alemang antropolohista. Sa Leipzig, isinalin ni Rizal sa Tagalog ang William Tell ni Friedrich Schiller mula sa wikang Aleman. Sa gayon, malalaman ng mga Pilipino ang kuwento tungkol sa kampeon ng kasarinlan ng mga Suwiso. Natuklasan ni Rizal na pinakamababa sa Europa ang antas ng pamumuhay sa Leipzig kaya nanirahan siya sa lungsod na ito ng dalawa’t kalahating buwan. Dito siya nagwasto ng ilang kabanata ng 15 Ang doktrina at gawain sa pagkakaisa ng mga Kristiyano sa buong mundo. Gayunpaman, hindi lamang sa Sangkakristiyanuhan kumikilos ang diwa ng ekumenismo. Isa rin itong pangkalahatang pagtitipon at pagkakasundo ng iba’t ibang relihiyon o sekta sa buong mundo. 15 kaniyang pangalawang nobela at araw-araw din siyang nag-eehersisyo sa gymnasium ng lungsod. Dahil sa kaniyang kaalaman sa Aleman, Espanyol, at ibang wikang Europeo, nakapagtrabaho si Rizal bilang proofreader sa isang limbagan kaya kumita rin siya ng kaunting salapi (102). Noong Oktubre 29, 1886, umalis si Rizal ng Leipzig papuntang Dresden kung saan niya nakilala si Dr. Adolph B. Meyer, Direktor ng Museo Antropolohikal at Etnolohikal. Pagkatapos ng dalawang araw na pagtigil niya sa Dresden, tumuloy na si Rizal sa Berlin. Ang William Tell ni Friedrich Schiller na isinalin ni Rizal sa Tagalog mula sa wikang Aleman. Hinangong larawan mula sa google. Tinanggap si Rizal ng Sirkulo Siyentipiko ng Berlin Sa lungsod na ito, nakipagkilala si Rizal sa mga dakilang siyentipiko. Nakilala niya sa kauna- unahang pagkakataon si Dr. Feodor Jagor, bantog na manlalakbay at siyentipikong Aleman at may-akda ng Travels in the Philippines, aklat na nabasa at hinangaan ni Rizal noong nag-aaral siya sa Maynila. Binisita ni Dr. Jagor ang Pilipinas noong 1859-1860, bago isilang si Rizal. Sa kaniyang aklat, inihula ni Jagor ang pagbagsak ng kolonyalismong Espanyol sa Pilipinas at ang pagdating ng mga Amerikano sa Pilipinas. Dala ni Rizal ang isang liham ng pagpapakilala na ginawa ni Blumentritt. Ipinakilala naman ni Dr. Jagor si Rizal kay Dr. Rudolf Virchow, bantog na Alemang antropolohista, at sa anak nitong si Dr. Hans Virchow, propesor ng Panlarawang Anatomiya. Nakilala rin ni Rizal si Dr. W. Joest, kilalang Alemang heograpo. Nagtrabaho rin siya sa klinika ni Dr. Karl Ernest Schweigger (1830-1905), bantog na Alemang optalmolohista. Naging kasapi si Rizal ng Samahang Antropolohikal at Samahang Heograpikal, sa tulong ng rekomendasyon nina Dr. Jagor at Dr. Meyer. Pinatunayan dito na ang kaalaman ni Rizal sa agham ay kinilala ng mga siyentipikong Europeo. Siya ang unang Asyano na nabigyan ng ganitong karangalan. Inanyayahan naman ni Dr. Virchow si Rizal na magbigay ng panayam sa Samahang Etnograpiko ng Berlin. Bilang tugon, isinulat at binasa ni Rizal noong Abril 1887 ang Tagalische Verkunst (Sining Metrikal ng Tagalog). Ang panayam ay inilathala ng samahan nang taong ding iyon at naging paborable ang puna dito ng maraming siyentipiko (103-104). Buhay ni Rizal sa Berlin Ang mga sumusunod ay mga dahilan kung bakit nanirahan si Rizal sa Alemanya: 1. Mapalawak ang kaniyang kaalaman sa optalmolohiya, 2. Mapaunlad ang kaniyang pag-aaral sa mga agham at wika, 16 3. Obserbahan ang kalagayang politikal at ekonomiko ng bansang Alemanya, 4. Makipagkilala sa mga bantog na Alemang siyentipiko at iskolar, at 5. Mailathala ang kaniyang unang nobela, Noli Me Tangere. Naging matipid at masinop ang pamumuhay ni Rizal sa Berlin. Nagtrabaho siya bilang katulong sa klinika ni Dr. Schweigger, eminenteng Alemang optalmolohista. Sa gabi, dumadalo siya sa mga panayam sa Unibersidad ng Berlin. Sa kanyang tinutuluyang bahay, pinanatili niyang malusog ang katawan sa pamamagitan ng araw- araw na ehersisyo. Nagsanay din siya sa pagsasalita ng wikang Aleman, Pranses, at Italyano. Nais niyang magpakadalubhasa sa wikang Pranses nang sa gayo’y magamit niya ang wikang ito sa pagsusulat, gaya ng alam niyang gawin sa Espanyol. Kumuha pa siya ng pribadong pagtuturo sa ilalim ni Madame Lucie Cerdole upang lubos na matutunan ang wikang Pranses. Sa mga bakanteng oras, binibisita ni Rizal ang kanayunan sa paligid ng Berlin, inoobserbahan ng mabuti ang kaugalian, pananamit, tahanan, at gawain ng mga magbubukid. Iginuhit niya ng larawan ang lahat ng nakikita niya. Tuwang-tuwa siya sa pamamasyal sa Unten den Linden, madalas na puntahan ng kabataan sa Berlin, para makipag-inuman ng beer at makipagkuwentuhan at makipagkaibigan sa mga taga-Berlin (104). Pananaw ni Rizal sa Kababaihang Aleman Isa sa pinakamahalagang liham ni Rizal nang siya ay nasa Alemanya ay para sa kaniyang kapatid na si Trinidad. Sa kaniyang sulat noong Marso 11, 1886, ipinahayag ni Rizal ang mataas na pagpapahalaga at paghanga niya sa kababaihang Aleman na aniya ang mga ito ay seryoso, masipag, edukado, at palakaibigan.16 Hindi siya tsismosa, magarbo, at palaaway gaya ng babaing Espanyol. Hindi siya partikular sa magagandang damit at mamahaling alahas, bagaman nakapagdadamit din siya ng maayos gaya ng ibang babae sa buong mundo. Ipinanghihinayangan ni Rizal na sa Pilipinas, ang kababaihan ay mas binibigyan ng kabuluhan ang kanilang pananamit kaysa kanilang nalalaman. Gayunman, pinuri niya ang sensitibong pandama, mabining pagkilos, debosyon, at hospitalidad ng kababaihang Pilipino, lalo na yaong mga nasa lalawigan na di pa gaanong sopistikado. Kung mapapanday nila ang kanilang talino sa pamamagitan ng edukasyon at pagkakaroon ng interes sa mga kalakarang pandaigdig, puna ni Rizal, makukuha nila ang respeto ng kalalakihan. Kaya pinayuhan ni Rizal si Trinidad na habang bata pa, magsikap itong magbasa at matuto (104). Mga Kaugalian ng mga Aleman Bukod sa kababaihang Aleman, hinangaan din ni Rizal ang mga kaugalian ng mga Aleman na inoobserbahan niya ng mabuti. Kailangang bigyang-tuon ang pagiging mabuting tagapagmasid ni Rizal sa mga kaugalian ng mga tao sa lahat ng bahagi ng daigdig. Kinagiliwan ni Rizal ang mga kaugalian ng mga Aleman tuwing Pasko na pumuputol ng puno ng pino (pine tree) at pinapalamutian ng mga parol, papel, ilaw, manyika, kendi, prutas, atbp. Sa paligid ng punong ito, ipinagdiriwang ng pamilya ang okasyon. Isa pang interesanteng kaugaliang Aleman na napuna ni Rizal ay ang pagpapakilala sa sarili sa mga estranghero sa isang pagtitipon. Sa Alemanya, kapag ang isang lalaki ay dumalo sa isang salu-salo at natuklasan niyang wala siyang kakilala roon, siya na mismo ang lalapit sa mga panauhin at magpakilala sa sarili, nakikipagkamay sa kanila. Ayon sa etiketa ng mga Aleman, hindi mabuting asal para sa bisita na maging mapag-isa at hintayin pa ang maybahay para ipakilala siya sa ibang panauhin (105-106). 16 Matutunghayan din sa “Liham ni Rizal sa mga Dalagang Taga-Malolos” na isinulat ng pambansang bayani noong Pebrero 17, 1889 sa London, Inglatera habang ginagawa ang anotasyon sa aklat ni Antonio de Morga na Sucesos de las Islas Filipinas. 17 Pinakamalungkot na Taglamig sa Berlin Ang taglamig ng 1886 sa Berlin ang pinakamalungkot na taglamig na naranasan ni Rizal sa Europa. Sa panahong ito, naghihirap siya dahil walang perang dumating mula sa Calamba dahil ang mga pananim ng mga taga-Calamba ay sinira ng mga balang. Ang diyamanteng singsing na ibinigay sa kaniya ng kapatid na si Saturnina ay naisanla na. Hindi siya makapagbayad sa may-ari ng paupahang bahay. Kailangan niyang magtipid kaya isang beses sa isang araw na lamang siya kung kumain. At ang kaniyang kinakailangan ay isang pirasong tinapay, tubig, o mumurahing sopas ng gulay (106). Maysakit at walang pera, nawalan na siya ng pag-asang mailathala ang kaniyang unang nobela kaya sa kaniyang desperasyon, muntik niya nang maihagis sa apoy ang manuskrito. Ngunit sa gitna ng kalungkutan at krisis, dumating si Dr. Maximo Viola sa Berlin. Si Dr. Viola ay isang kaibigan ni Rizal na nagmula sa mayamang pamilya ng San Miguel, Bulacan. Tinustusan nito ang pagpapalimbag ng Noli at pinahiram din niya si Rizal ng panggastos araw-araw (110). Paglalakbay ni Rizal sa Europa Kasama si Viola (1887) Pagkaraang mailathala ang Noli, nagbalak si Rizal na bisitahin ang mahahalagang lugar sa Europa. Magkasamang namasyal (ang pamamasyal ay karaniwang libangan noon sa Europa) sa Europa sina Rizal at Viola noong Mayo 11, 1887. Sa Dresden ay nakatagpo nila si Dr. Jagor at nang mabatid nitong paroroon sila sa Leitmeritz, Austriya (ngayo’y Litomerice, Czechoslovakia) upang dalawin si Dr. Blumentritt ay ipinayo nitong magpadala muna ng telegrama upang di lubhang magulat ang matandang propesor sa una nilang pagkikita ((Rivera et al. 2002, 87). Noong Mayo 13, 1887, sinalubong sila ni Dr. Blumentritt sa himpilan ng tren, dala ng propesor ang larawang-guhit17 ni Rizal sa sarili nang sa gayo’y makilala ang kaniyang Pilipinong kaibigan. Tinulungan ni Blumentritt sina Rizal at Viola na makakuha ng kuwarto sa Hotel Krebs. Pagkaraan, dinala niya ang dalawang Pilipino sa kaniyang bahay para makilala ng kaniyang asawa at pamilya. Dahil gusto ni Rizal na maalala ang masasayang oras sa tahanan ni Blumentritt, gumuhit siya ng larawan ng propesor at ibinigay niya ito rito. Tuwang-tuwa si Blumentritt nang matanggap ang regalong ito ni Rizal sa kaniya. Sa Leitmeritz, nakilala rin ni Rizal ang bantog na siyentipikong si Dr. Carlos Czepelak na isang Polano. Ipinakilala rin ni Blumentritt si Rizal kay Propesor Robert Klutschak, kilalang naturalista. Pagkatapos ng Leitmeritz, binisita nina Rizal at Viola ang Prague na doo’y nakilala ang isang propesor ng likas na kasaysayan sa Unibersidad ng Prague na si Dr. Willkomm batay na rin sa rekomendasyong liham mula kay Blumentritt. Dinalaw rin ng dalawa ang Vienna, Roma, at iba pang lungsod sa Italya. Sa Geneva, Switzerland, tumigil ng labinlimang masasayang araw sina Rizal at Viola. Naghiwalay ang dalawa noong Hunyo 23 – nagbalik si Viola sa Barcelona at ipinagpatuloy ni Rizal ang paglalakbay sa Italya (Zaide at Zaide 1997, 133- 134). Pagkaraan ng isang linggong pagbabakasyon sa Roma, handa nang umuwi si Rizal sa Pilipinas. Sumulat siya sa kaniyang ama na siya’y paparating na (136). Hong Kong at Macao (1888) Nilisan muli ni Rizal ang Pilipinas noong Pebrero 1888 dahil tinutugis siya ng mga makapangyarihang Espanyol (lalo na ng mga prayle) na lubhang nagalit sa kaniyang unang makabayang nobela, ang Noli Me Tangere. Mula Maynila, ang barkong Zafiro na sinakyan niya ay sumapit sa Hong Kong noong Pebrero 8, 1888. Habang nasa Hong Kong, na isang kolonya ng Britanya, sumulat si Rizal kay 17 Bago pa magkita ng personal si Rizal at Blumentritt, nagpadala na ng larawang-guhit si Rizal sa sarili sa kaibigan niyang ito. Ang nasabing larawang-guhit ang dinala niya sa himpilan ng tren upang makilala ang pambansang bayani. 18 Blumentritt upang ipahayag ang kapaitang nararamdaman niya sa buhay dulot ng pagtutugis sa kaniya ng mga makapangyarihang prayle. Sa Hong Kong, tumuloy si Rizal sa Otel Victoria. Masayang tinanggap si Rizal ng mga Pilipinong residente sa Hong Kong kabilang na sina Jose Maria Basa, Balbino Mauricio, at Manuel Yriarte (anak ni Francisco Yriarte, alkalde mayor ng Laguna). Si G. Basa na ipinatapon ng Pamahalaang Espanyol sa Hong Kong noong 1872 dahil sa pag-aalsa sa Cavite ay matagal nang naninirahan sa doon. Siya ay kapanalig ni Rizal sa pagsusulong ng kaginhawaan at kalayaan ng Pilipinas at naging tagapamahagi at tagapagbili ng Noli sa Hong Kong at sa Pilipinas. Si G. Mauricio naman ay isa sa mga kusang umalis sa Pilipinas at tumira sa Hong Kong upang makaiwas sa pag-uusig ng mga Espanyol noong 1872. Isang Espanyol, si Jose Sainz de Veranda na dating kalihim ni Gob. Hen. Terrero ay naniktik kay Rizal habang ito’y nasa Hong Kong. Pinaniniwalaang kinomisyon siya ng mga awtoridad na Espanyol para subaybayan si Rizal. Sa sulat ni Rizal kay Blumentritt noong Pebrero 16, 1888, sinabi niya na ang Hong Kong ay maliit ngunit napakalinis na lungsod. Maraming Portuges, Hindu, Ingles, Tsino, at Hudyong naninirahan at may mga Pilipino na ang karamiha’y naipatapon sa Marianas Islands noong 1872 (153). Sa dalawang linggong pagbisita ni Rizal sa Hong Kong, kaniyang pinag-aralan ang pamamaraan ng buhay, wika, drama, at kaugalian ng mga Tsino. Sa kaniyang talaarawan, kaniyang isinulat ang mga sumusunod na karanasan sa Hong Kong: 1. Maingay na selebrasyon ng Bagong Taon ng mga Tsino dahil sa walang tigil na pagpapaputok ng kuwitis na nangyari mula Pebrero 11 (Sabado) hanggang Pebrero 13 (Lunes); 2. Maingay na teatrong Tsino na may maingay na manonood at maingay na musika; 3. Ang salu-salong lauriat, kung saan ang mga panauhin ay pinagsisilbihan ng iba’t ibang putahe ng pagkain; 4. Ang ordeng Dominiko ang pinakamayamang ordeng panrelihiyon sa Hong Kong dahil sa mga negosyo nito. Nagmamay-ari ito ng mahigit 700 bahay na paupahan at marami itong sosyo sa mga dayuhang bangko. Mayroon itong milyon-milyong dolyares na nakadeposito sa mga bangko at gumagana ito ng malaking interes. 5. Sa mga sementeryo sa Hong Kong na sa mga Protestante, Katoliko, at Muslim, yaong sa mga Protestante ang pinakamaganda dahil maayos at inaalagaan ang mga halaman dito at malinis ang mga daan. Ang sementeryo ng mga Katoliko ang pinakamagarbo dahil sa marangya at mamahaling musoleo at marangyang pag-ukit ng mga sepulkro. Payak ang sementeryo ng mga Muslim, na tanging maliit na moske at puntod na may nakasulat na inskripsiyong Arabe ang makikita rito (154). Pagbisita sa Macao Isang kolonyang Portuges na malapit sa Hong Kong ang lungsod ng Macao. Sa bahay ni Don Francisco Lecaros, Pilipinong kasal sa isang Portuges tumuloy sina Rizal at Basa. Mayaman si Don Lecaros at inilaan niya ang kaniyang panahon sa pagtatanim ng iba’t ibang halaman, kasama na ang mga bulaklak na karamiha’y nanggaling sa Pilipinas (153). Sa dalawang araw ni Rizal sa Macao, binisita niya ang teatro, kasino, katedral, simbahan, pagoda, harding botanikal, at basar. Noong Pebrero 20, bumalik sina Rizal at Basa sa Hong Kong lulan muli ng barkong Kiu-Kiang (154). Romantikong Pagbisita sa Japan (1888) Nilisan ni Rizal ang Hong Kong patungong Japan noong Pebrero 22, 1888 sakay ng Oceanic, barko ng Estados Unidos. Humanga siya sa lungsod ng Tokyo na ayon sa kaniyang liham kay Blumentritt ay may 19 mas mataas na antas ng pamumuhay kaysa sa Paris. Malalapad at malalaki rin daw ang mga kalsada sa Tokyo (156). Binisita si Rizal ni Juan Perez Caballero, kalihim ng Legasyong Espanyol sa kaniyang tinutuluyang otel sa Tokyo at inanyayahan siya nito na doon na lamang tumuloy sa Legasyong Espanyol. Noong una ay tinanggihan niya ang alok ngunit tinanggap din niya sapagkat alam ni Rizal na pinasusubaybayan siya ng Pamahalaang Espanyol at wala naman siyang dapat itago rito. Sa pagtanggap sa alok ay makatitipid din siya. Ang balak ni Rizal ay tumigil lamang sa Japan ng ilang araw ngunit siya’y tumagal ng isang buwan at kalahati. Ang dahilan ay upang mabatid niya ang kabuhayan, ang industriya, ang sining, ang kapaligiran, at ang wikang Japanese (Nihongo o Nippongo). Ayon sa kaniyang liham sa kaniyang mga magulang at kapatid, tumigil siya sa Japan nang lalong matagal kaysa balak niya sapagkat kapana-panabik diumano ang bansang ito at inaasahan niyang magkakaroon ng malaking pakikipagpalagayan sa hinaharap ang bansang Japan at Pilipinas (Rivera et al. 2002, 99). Naakit si Rizal sa kagandahan ng Japan – ang mga bulaklak, kabundukan, mga ilog, at magagandang tanawin nito. Napansin din niya ang pagiging magalang, malinis, at masipag ng mga Hapon kasama na ang kagandahan ng pananamit at payak na halina ng mga Haponesa. Naipalagay din niya na kakaunti ang mga magnanakaw sa Japan dahil ang mga bahay ay bukas maging gabi at araw, at sa otel ay ligtas na naiiwan ang ninuman ang pera sa mesa at hindi nawawala. Namalas din niya na bibihira ang mga pulubi na di-tulad sa Maynila. Nakatagpo si Rizal ng isang Haponesang may 23 taong gulang na nagngangalang Seiko Usui na kilala rin sa tawag na O-Sei-San. Anak ng isang samurai na di pa nakararanas ng ligayang dulot ng pag-ibig. Si Rizal sa panahong iyon ay isang malungkot na binatang 27 taong gulang, manggagamot na nadisilusyon sa kaniyang pag-ibig kay Leonor Rivera at biktima ng kawalan ng hustisya sa ilalim ng Pamahalaang Espanyol. Ang pagkakasundo nila sa sining ang siyang naging daan sa kanilang pag-iibigan (Zaide at Zaide 1997, 160). Gayunpaman, kailangang isakripisyo ni Rizal ang pansariling kaligayahan upang maisakatuparan niya sa Europa ang kaniyang misyon para sa kasarinlan ng Pilipinas. Kaya ipinagpatuloy niya ang paglalakbay at iniwan niya si O-Sei-San. Nilisan niya ang Japan noong Abril 13, 1888 sakay ng bapor S.S. Belgic tungo sa Estados Unidos. Si Seiko Usui o O-Sei-San. Hinangong larawan mula sa google. Sina Rizal at Tetcho Isang pasahero ng barkong S. S. Belgic na kinaibigan ni Rizal ay si Tetcho Suehiro, isang palabang Hapon na mamamahayag, nobelista, at kampeon ng mga karapatang pantao na pinalayas ng Pamahalaang Japan, tulad ni Rizal na pinilit ding paalisin sa Pilipinas ng mga awtoridad na Espanyol. 20 Magkapatid sa diwa sina Rizal at Tetcho. Pareho silang makabayan, mahigpit na kaaway ng kawalan ng katarungan at tiraniya. Kapwa nagmamahal sa kapayapaan at ginagamit ang kanilang panulat bilang sandata sa pakikipaglaban para sa kapakanan at ikatutubos ng kanilang mga kababayan (164). Pagbisita ni Rizal sa Estados Unidos (1888) Dumaong ang barkong S.S. Belgic na lulan si Rizal sa San Francisco noong Abril 28, 1888 (Sabado ng umaga). Hindi pinayagang bumaba ng barko ang lahat ng pasahero. Ikinuwarentenas ng mga Amerikanong awtoridad, sa dahilang pangkalusugan ang barko dahil nagmula ito sa Dulong Silangan kung saan diumano’y may epidemya ng kolera. Nagulat si Rizal dahil batid niyang wala naming epidemya ng kolera sa Dulong Silangan. Natuklasan ni Rizal na ang dahilan ng pagkukuwarentenas sa barko ay may kinalaman sa politika. Lulan ng barko ang 643 Tsinong coolie o manggagawa. Nang panahong iyon, tutol ang publiko sa murang halaga ng paggawa ng mga coolie dahil nawawalan ng trabaho ang mga puting manggagawa sa konstruksiyon ng daang-bakal at ang ipinapalit sa kanila’y mga Tsinong coolie. Para makuha ang mga boto ng mga Puti sa California (nalalapit na noon ang eleksiyon), ipinagpaliban ng administrasyon ang pagpasok ng mga Tsinong coolie (167-168). Ang mga Tsinong coolie sa Estados Unidos na nagbibigay ng murang halaga ng paggawa sa konstruksiyon ng daang-bakal. Hinangong larawan mula sa google. Ngunit napuna ni Rizal na hinayaan namang ibaba sa barko nang di napauusukan ang paldo-paldo ng mamahaling sedang Tsino, nakababa rin ang doktor ng barko ng walang nagpoprotestang opisyal ng kalusugan, at ang mga empleyado ng adwana ay ilang beses na umaakyat sa barkong diumano’y may dalang mikrobyong sanhi ng kolera. Pagkaraan ng isang linggo ng pagkukuwarantenas, lahat ng mga pasahero sa primera klase, kasama na si Rizal, ay pinayagang bumaba ng barko. Ngunit ang mga pasaherong Hapon at Tsinong nasa akomodasyong segunda at tersera klase ay inilagay sa kuwarentenas ng mas matagal na panahon. Tumuloy si Rizal sa Otel Palace na noong panahong iyo’y itinuturing na primera klaseng otel sa lungsod ng San Francisco. Pagkaraan ng dalawang araw, nilisan ni Rizal ang San Francisco patungong Oakland lulan ng bangkang pantawid. Sa Oakland, sumakay siya ng tren para sa kaniyang pagbibiyahe sa kabuuan ng kontinente. Naghapunan sa Sacramento sa halagang 75 sentimos at nag-agahan sa Reno, Nevada. Itinala ni Rizal sa kaniyang talaarawan ang mga obserbasyon niya sa mga nadaanang lugar lalong- 21 lalo na ang pamumuhay ng mga taong naninirahan dito. Sa New York, nagwakas ang pagbibiyahe ni Rizal sa Amerika (169-171). Mga Impresyon ni Rizal sa Amerika May mga positibo at negatibong impresyon si Rizal sa Estados Unidos. Ang mga positibong impresyon niya ay ang mga sumusunod: 1. Materyal na kaunlaran ng bansa na nakikita sa malalaking lungsod, lupaing agrikultural, mga umuunlad na industriya, at abalang pagawaan; 2. Ang enerhiya at pagpupursige ng mga Amerikano; 3. Likas na kagandahan ng bansa; 4. Mataas na antas ng pamumuhay; at 5. Mga oportunidad para sa mabuting buhay para sa mahihirap na imigrante. Sa kanilang banda, hindi maganda ang impresyon ni Rizal sa Amerika dahil sa kawalan ng pagkakapantay-pantay na pagtrato sa mga lahi. Ang ganitong pagtrato ay taliwas sa mga prinsipyo ng demokrasya at kalayaang ipinagmamalaki ng mga Amerikano ngunit di naman nila isinasagawa. Ani Rizal, kay Jose Alejandrino, isang Pilipinong nag-aaral ng inhenyeriya sa Belhika, “ang Amerika ay isang bansang may napakagaling na Kalayaan ngunit para lamang sa mga Puti.” (172) Si Rizal sa London, Inglatera (1888-1889) Pagkaraang bisitahin ang Estados Unidos, tumira si Rizal sa London mula Mayo 1888 – Marso 1889. Pinili niya ang lungsod na ito na maging bagong tahanan niya sa tatlong kadahilanan: 1. Madagdagan ang kaniyang kaalaman sa wikang Ingles, 2. Mapag-aralan at mabigyan ng anotasyon ang Sucesos de las Islas Filipinas (Mga Makasaysayang Pangyayari sa mga Isla ng Pilipinas) ni Antonio de Morga, isang pambihirang sipi na naglalaman ng kasaysayan ng Pilipinas na matatagpuan sa Museo ng Britanya, at 3. Ang London ay isang ligtas na lugar para maipagpatuloy niya ang pakikipaglaban sa pagmamalupit ng mga Espanyol (173). Sa London, naglaan si Rizal ng panahon para mapag-aralan ang mga bagay-bagay na Filipiniana. Dito, natapos niya ang anotasyon sa Sucesos ni Morga. Ang nasabing libro ay nailathala sa Mexico noong 1609. Ilang araw din si Rizal sa Museo ng Britanya, binabasa at sinusuri ang librong ito at iba pang librong pangkasaysayan tungkol sa Pilipinas gaya ng sinulat nina Padre Chirino, Padre Colin, Padre Argensola, Padre Plasencia, atbp. Sa mga kasaysayang naisulat noong mga unang taon ng rehimeng Espanyol, itinuturing ni Rizal na pinakamaganda ang sinulat ni Morga dahil walang pagkukunwari at hindi paglalabis sa katotohanan ang pag-uulat na ginawa niya (176-177). Habang nasa London, sumulat ng mga artikulo sa La Solidaridad si Rizal. Ang La Solidaridad, opisyal na pahayagan ng Kilusang Propaganda ay isang makabayang pahayagang itinatag ni Graciano Lopez Jaena sa Barcelona. Layunin ng pahayagan na: 1. Makapagtrabaho nang mapayapa para sa repormang panlipunan at pampolitikal; 2. Mailarawan ang mga kalunus-lunos na kalagayan ng Pilipinas nang ang Espanya ay makagawa ng remedy ukol dito; 3. Labanan ang masasamang puwersa ng reaksiyonaryo at pagkasinauna; 4. Magtaguyod ng mga ideyang liberal at kaunlaran; at 5. Maging kampeon ng mga lehitimong adhikain ng mga Pilipino sa buhay, demokrasya, at kaligayahan. Ang unang artikulo ni Rizal na nailathala sa La Solidaridad ay pinamagatang Los Agricultores Filipinos (Mga Magsasakang Pilipino). Sa artikulong ito, nailarawan ni Rizal ang kalunus-lunos na kalagayan sa Pilipinas 22 na siyang sanhi ng pagkaurong ng bansa. Nailathala ito noong Marso 25, 1889, anim na araw pagkaalis niya sa London patungong Paris (180-181). La Solidaridad, ang pahayagan ng Kilusang Propaganda. Hinangong larawan mula sa google. Habang abala sa pananaliksik sa Museo ng Britanya, natanggap ni Rizal ang balita ukol sa walang tigil na panunuligsa ni Padre Rodriguez sa kanyang Noli. Bilang pagtatanggol, isinulat niya ang polyetong La Vision del Fray Rodriguez (Ang Pananaw ni Padre Rodriguez) na nailathala sa Barcelona sa ilalim ng kaniyang sagisag-panulat na “Dimasalang.” Isa itong satirikang naglalarawan ng masiglang diyalogo sa pagitan nina San Agustino at Padre Rodriguez. Sinabi ni San Agustino kay Padre Rodriguez na siya (si San Agustino) ay kinomisyon ng Diyos na sabihin sa kaniya (si Padre Rodriguez) ang kaniyang pagiging mangmang at ipinaaalam sa kaniya na ang kaniyang (si Padre Rodriguez) penitensiya sa lupa ay ang pagpapatuloy ng pagsulat ng marami pang kamangmangan nang sa gayo’y mas marami ang magtawa sa kaniya. Sa La Vision del Fray Rodriguez, ipinakita ni Rizal ang kaniyang malalim at malawak na kaalaman sa relihiyon at ang kaniyang matalim na satirika (182). Sa London, noong Pebrero 22, 1889, isinulat niya rin ang tanyag na “Liham sa mga Dalaga ng Malolos” sa wikang Tagalog dahil sa kahilingan ni Marcelo H. del Pilar para purihin ang kadalagahan ng Malolos, Bulacan. Ang mga dalagang taga-Malolos ay nagpamalas ng katapangang maipaglaban ang kanilang karapatang makapag-aral ng wikang Espanyol sa paaralan (182). Sa tulong ni Dr. Antonio Regidor, isang matandang abogado-ekonomista na matagal nang naninirahan sa London ay nakilala ni Rizal si Dr. Reinhold Rost, bibliotekaryo ng Ministeryo ng Ugnayang Panlabas at awtoridad sa mga wika at kaugaliang Malayo (174). Hinangaan niya ang talino at ugali ni Rizal kaya tinawag niya itong una perla de hombre (isang perlas ng kalalakihan). Si Dr. Rost din ang patnugot ng Trubner’s Record – peryodiko na naglalaman na naglalaman ng mga pag-aaral sa mga bagay-bagay na Asyano. Hinilingan niya si Rizal na magbahagi ng ilang pag-aaral upang mailathala sa nasabing peryodiko. Dalawang artikulo ni Rizal ang nailathala dito: 1. Specimens of Tagal Folklore (Mga Halimbawa ng Alamat ng mga Tagalog) na nailathala noong Mayo 1889; at 2. Two Eastern Fables (Dalawang Pabula ng Silangan) na nailathala noong Hunyo 1889 (183). Sa London, nangupahan si Rizal sa pamilyang Beckett dahil malapit ito sa Museo ng Britanya na kaniyang pagsasaliksikan. Ang pamilyang Beckett ay may dalawang anak na lalaki at apat na anak na babae. Ang pinakamatanda sa magkakapatid na babae ay si Gertrude na tinatawag na “Gettie” o “Tottie” 23 ng kaniyang mga kaibigan. Naging magkaibigan sina Rizal at Gertrude at ang pagiging magkaibigan ay nauwi sa pag-iibigan. Ngunit bago maging malalim ang kanilang pag-uunawaan, naisip ni Rizal na hindi pa oras para siya’y magpakasal kay Gettie dahil may misyon pa siyang dapat gampanan. Ang pamilyang Beckett na tinuluyan ni Rizal sa London. Hinangong larawan mula sa google. Si Gertrude Beckett. Hinangong larawan mula sa google. Bago lisanin ang London, tinapos ni Rizal ang apat niyang eskultura: 1. Prometheus Bound, 2. The Triumph of Death over Life, 3. The Triumph of Science over Death, 4. Busto ng magkakapatid na babaing Beckett. Ipinadala niya ang The Triumph of Death over Life at The Triumph of Science over the Death sa kaibigan niyang si Propesor Blumentritt sa Leitmeritz. 24 1. Prometheus Bond 2. The Triumph of Death Over Life 3. The Triumph of Science over Death Ang tatlo sa apat na eskulturang nilikha ni Rizal sa London. Mga kuhang larawan mula sa google. Noong Marso 19, 1889, nagpaalam si Rizal sa mga Beckett (lalo na kay Gertrude) at nilisan ang London patungong Paris. Ikalawang Pagdating ni Rizal sa Paris at ang Eksposisyong Unibersal ng 1889 Ang Paris noong tagsibol ng 1889 ay dinumog ng libu-libong turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sa Eksposisyong Unibersal bilang paggunita sa sentenaryo ng Himagsikang Pranses noong 1789. Nahirapang makakuha ng otel at paupahang bahay, pansamantalang tumuloy muna si Rizal sa kaniyang kaibigang si Valentin Ventura sa Blg. 45 Rue Maubeuge at dito niya inayos ang kaniyang anotasyon sa aklat ni Morga. Bandang huli, nakakuha si Rizal ng maliit na silid at kasama niya rito ang dalawang Pilipino – sina Kapitan Justo Trinidad, dating gobernadorsilyo ng Santa Ana, Maynila at isang takas mula sa pagmamalupit ng mga Espanyol, at si Jose Albert, batang estudyanteng taga-Maynila (186-187). Buhay sa Paris Bagaman masaya ang buhay sa Paris, mga makabuluhang bagay pa rin ang pinagkaabalahan ni Rizal. Lagi siyang nasa Bibliotheque Nationale (Pambansang Aklatan ng Pransiya) para masangguni ang mga impormasyong gagamitin niya sa paglalagay ng anotasyon sa aklat ni Morga. Kundi ma’y nasa bahay lamang siya, sinusulatan ang kaniyang pamilya at mga kaibigan, o nasa himnasyo para sa araw-araw niyang ehersisyo, o kaya’y dinadalaw ang mga kaibigan. Sa mga bakanteng oras, naroon siya sa tahanan ng mga kaibigan, gaya nina Pardo de Tavera, Ventura, Boustead, Luna, atbp. Mabuti siyang kaibigan ng tatlong Pardo de Tavera – sina Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera, manggagamot ang bokasyon at pagiging pilolohista ang interes; Dr. Felix Pardo de Tavera, manggagamot din at artista at eskultor; at Paz Pardo de Tavera, asawa ni Juan Luna. Ang mga Pardo de Tavera ay anak ni Don Joaquin Pardo de Tavera, desterado ng 1872 na tumakas sa Marianas at nanirahan sa Pransiya (187). Si Rizal at ang 1889 Eksposisyon sa Paris Manghang-mangha si Rizal sa pagbubukas ng Eksposisyong Unibersal ng Paris noong Mayo 6, 1889. Ang pinakamagandang pantawag-pansin ng eksposisyong ito’y ang Eiffel Tower, na may taas na 984 25 piye at ginawa ni Alexander Eiffel, bantog na inhinyerong Pranses. Dinaluhan ni Rizal at kaniyang mga kaibigan ang seremonyang pagbubukas, at nasaksihan nila ang paggupit sa laso ng Pangulong Sadi Carnot ng Ikatlong Republikang Pranses. Punung-puno ng libu-libong turista mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ang Paris na araw-araw ay tinatayang mga 200 libo ang bisita rito. Ang Eiffel Tower ang pinakamagandang pantawag-pansin ng Eksposisyong Unibersal sa Paris ng 1889. Hinangong larawan mula sa google. Isa sa mga itinanghal sa Eksposisyon ay ang pandaigdigang paligsahan sa sining na sinalihan nina Felix R. Hidaldo, Juan Luna, Felix Pardo de Tavera, at Rizal. Nagwagi ng ikalawang gantimpala ang ipininta ni Hidalgo, ikatlong gantimpala naman ang mga ipininta nina Juan Luna at F. Pardo de Tavera, ngunit ang isinali ni Rizal (busto na iminodelo niya) ay walang napanalunan. Mainam ang pagkakagawa ni Rizal ngunit mas marami ang mas maganda na higit na karapat-dapat para sa pandaigdigang karangalan (188-189). Sina Rizal, Felix Resurreccion Hidalgo, Trinidad H. Pardo de Tavera at Juan Luna sa Paris. Hinangong larawan sa google. 26 Mga Samahang Itinatag ni Rizal sa Paris Noong dumating si Rizal sa Paris mula London, kaniyang itinatag ang isang samahang tinawag na “Samahang Kidlat” na binubuo ng kaniyang mga kababayan gaya nina Antonio at Juan Luna, Gregorio Aguilera, Fernando Canon, Lauro Dimayuga, Julio Llorente, Guillermo Puatu, at Baldomero Roxas. Ang Samahang Kidlat ay samahan lamang ng magkakaibigan at panandalian lamang ang naging buhay. Itinatag ito ni Rizal para mapagsama-sama ang kabataang Pilipinong nasa kabisera ng Pransiya nang sa gayo’y sama-sama silang magsasaya sa pagbisita sa lungsod sa panahon ng Eksposisyong Unibersal. Kaya Samahang Kidlat dahil tulad ng kidlat, ito ay mabilis at panandalian lamang na iiral hanggang idinaraos lamang ang Eksposisyon (189). Ang “Indios Bravos” (Matatapang na Indian) ang samahang ipinalit sa Samahang Kidlat. Layunin nitong maipagmalaki ng mga Pilipino ang kanilang pagiging “indio” sa pamamagitan ng pagpapahusay sa kanilang pag-iisip at pangangatawan. Naging inspirasyon nila Rizal ang palabas na “Bufallo Bull” sa pagpapangalan ng kanilang samahan. Ang “Bufallo Bull” ay isang pagtatanghal ng mga Amerikanong Indian na buong pagmamalaking ipinamalas ang kanilang kahusayan sa pangangabayo at ang maringal nilang katutubong kasuotan na may balahibong pandigma at pintura. Naging masigasig ang mga kasapi ng Indios Bravos sa pagsasanay sa paggamit ng espada at baril. Tinuruan sila ni Rizal ng judo, isang sining ng pagtatanggol sa sarili ng mga Asyano na natutunan niya sa Japan (189-190). Isa pang samahang itinatag ni Rizal sa Paris noong panahon ng Eksposisyong Unibersal ng 1889 ay ang R.D.L.M. na ang ibig sabihin ay Redencion de los Malayos (Para sa Katubusan ng mga Malayo) ay naglalayong matubos ang lahing Malayo sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng makabuluhang dunong: pang-agham, pansining, pampanitikan, atbp. sa Pilipinas. Si Rizal ay naniniwalang ang lahing Pilipino ay lahing Malayo rin. Dapat alalahaning may kolonisasyong proyekto si Rizal sa Borneo na hindi lamang para magkaroon ng isang lugar para may matirhan at mapagtrabahuhan ang mga Pilipino nang may kalayaan (191). Kasama rin sa kontrata ni Rizal para sa kolonisasyon ng Borneo ang mga probisyong gaya ng karapatan ng mga kolonistang bumili ng lupa, walang bayad na gamit sa baybay-dagat at mahabang pag- upa ng 999 na taon, “sapat na panahon para sa maraming henerasyon na makapagbuo ng isang nasyon at maitatag ang estado” nang sa gayo’y maisakatuparan ang pangarap ni Rizal para sa katubusan ng lahing Malayo (192). Hindi nabanggit ang samahang ito ng maraming mananalambuhay ni Rizal. Mahiwaga at palaisipan ang samahang R.D.L.M. dahil mahigpit na binantayan ni Rizal ang lihim ng pagkakatatag nito na ibinatay mula sa Masonerya. Marami itong digri ng pagkakasapi, na ang mga miyembro ay hindi nagkakakila-kilala. Tanging ang mga tapat na kaibigan ni Rizal ang naging kasapi ng samahan gaya nina Gregorio Aguilera, Jose Ma. Basa, Julio Llorente, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, Baldomero Roxas, at Padre Jose Maria Changco (paring Pilipino). Nailathala ang Edisyong may Anotasyon sa Aklat ni Morga Ang pinakatampok na ginawa ni Rizal sa Paris ay ang pagkakalimbag noong 1890 ng Sucesos ni Morga na nilagyan niya ng anotasyon, na ginawa niya sa Museo ng Britanya. Inilimbag ito ng Garnier Freres. Ang Paunang Salita ay isinulat ni Propesor Blumentritt ayon na rin sa kahilingan ni Rizal. Sa kaniyang Paunang Salita, pinuri ni Blumentritt si Rizal para sa kaniyang masusing pangkasaysayang gawa. Ngunit tahasan din niyang pinuna ang dalawang bagay na sa palagay niya ay nagpapakita ng pagkakamali ni Rizal: 1. Ginawa ni Rizal ang pagkakamali ng maraming historyador na kung saan sinuri niya ang nakaraan sa pamantayan ng kasalukuyan (kung tutuusin ang ginawang ito ni Rizal ay isang paraan na ginagamit sadya ng mga historyador sa kanilang pagbubuo ng kasaysayan – ang paghahambing ng nakaraan sa kasalukuyan), at 2. Ang panunuligsa ni Rizal sa Simbahan ay di-makatuwiran dahil ang mga pang-aabuso ng mga prayle ay di dapat ipagkamali na ang Katolisismo ay masama (192). 27 Ang Sucesos ni Morga na may anotasyon ni Rizal at nailathala sa Paris noong 1890. Hinangong larawan mula sa google. Gayunpaman, ang ginawa ni Rizal ay isang henyong materyal ng historyograpiya. Nilagyan niya ng anotasyon at inilathala ang Sucesos ni Morga dahil ito ay isa sa pinakamagandang pagkakasulat ng kasaysayan ng Pilipinas noong unang bahagi ng kanilang pananakop. Sa mga manunulat ng panahong iyon, si Morga ang may tumpak na pagsasalaysay ng mga pangyayari, walang kinikilingan, at hindi nababahiran ng mga pantasyang pambata (193). Sa kaniyang pangkasaysayang manuskrito, pinatunayan ni Rizal na ang mga Pilipino ay sibilisado na bago pa man dumating ang mga Espanyol. Mayroon na silang kasuotan, pamahalaan, batas, sistema ng pagsusulat, panitikan, relihiyon, sining, agham, at kalakalan sa mga kalapit-bayan sa Asya. Pinawalang- saysay ni Rizal ang mga kabulaanang pangkasaysayang pinalaganap ng mga manunulat na Espanyol na nagsasabing ang mga Pilipino ay mga barbaro at walang nalalaman (194). Iba pang Nagawa sa Paris Maliban sa partisipasyon ni Rizal sa Eksposisyong Unibersal ng 1889, pagtatatag ng mga samahan, at paggawa ng anotasyon sa aklat ni Morga, sa lungsod ding ito ng Paris naisulat niya ang dalawang sanaysay na “Ang Pilipinas sa Darating na Siglo” (Filipinas dentro de Cien Años) at “Ang Katamaran ng mga Pilipino” (Sobre La Indolencia de los Filipinos). Sa sanaysay na “Ang Pilipinas sa Darating na Siglo,” ipinahayag ni Rizal ang kaniyang mga pananaw sa kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas, at hinulaan niya ang matrahedyang pagwawakas ng kapangyarihan ng Espanya sa Asya. Inilarawan niya sa simula ng artikulo ang maluwalhating nakaraan ng mga Pilipino, pagkaraa’y inilahad niya ang kanilang kawalan ng pag-unlad na pang-ekonomiya at kalungkutan sa ilalim ng malupit na pananakop ng Espanya. Sa pagwawakas ng artikulo, sinilip ang kinabukasan at binalaan ang Espanya tungkol sa mangyayari sa kaniyang imperyo sa Asya sakaling hindi ito magpatibay ng liberal at malinaw na patakaran sa Pilipinas (196). Ito ay nailathala sa La Solidaridad sa apat na isyu nito: Setyembre 20, Oktubre 31, at Disyembre 15, 1889, at Pebrero 15, 1890. “Ang Katamaran ng mga Pilipino” ay isang sanaysay na nagtatanggol at nagpapaliwanag sa paratang ng mga Espanyol na “tamad” diumano ang mga Pilipino. Sa diwa ng isang tunay na iskolar, gumawa si Rizal ng masusing pag-aaral sa mga dahilan kung bakit ang mga kababayan ay di nagtatrabaho nang maigi sa ilalim ng rehimeng Espanyol. Gamit mismo ang mga tala ng mga Espanyol, pinatunayan ni 28 Rizal na ang mga Pilipino ay hindi likas na tamad. At kung masiyahin at magaan kung magtrabaho man ang mga Pilipino, batid niyang kailangan nilang bagayan ang mainit at tropikal na klima (198-199). Sumulat din si Rizal ng isa pang satirikang pinamagatang Por Telepono bilang tugon sa isa pang manunuligsa ng Noli na si Padre Salvador Font. Nabanggit na sa unahan na ipinagtanggol ni Rizal ang kaniyang Noli sa panunuligsa ni Padre Jose Rodriguez sa pamamagitan ng pagsulat ng isang satirikang polyetong pinamagatang La Vision del Fray Rodriguez. Ang Por Telepono ay isinulat sa ilalim ng sagisag- panulat na Dimas Alang. Inilalarawan nito sa paraang nakatatawa ang pag-uusap sa telepono nina Padre Font na nasa Madrid at ng padre probinsiyal ng Kumbento ng San Agustin sa Maynila. Sa panimulang talata ng satirika, ipinakita di lamang ang husay ni Rizal sa pagsulat kundi pati rin ang kaniyang pang-unawa sa hinaharap na tila nakita niya na darating ang araw ba makapag-uusap ang mga tao sa magkaibayong lupain sa pamamagitan ng telepono. Ipinakita ng kasaysayan na ang unang signal ng radyo-teleponong natanggap ni Marconi sa ibayo ng Atlantik ay noong 1901 – labindalawang taon pagkaraan ng pagkakalathala ng Por Telepono ni Rizal. Nailathala ito bilang polyeto sa Barcelona noong 1889 (201-202). Dito rin sa Paris, naipanukala ni Rizal ang pagtatag ng isang Pandaigdigang Asosasyon ng mga Filipinohista at magkaroon ito ng pampasinayang kumbensiyon sa kabisera ng Pransiya. Layunin ng asosasyon na mapag-aralan ang Pilipinas mula sa siyentipiko at pangkasaysayang pananaw. Ang sumusunod ang mga opisyal nito: Pangulo – Dr. Ferdinand Blumentritt (Austriyano) Pangalawang Pangulo – G. Edmund Plauchut (Pranses) Tagapayo – Dr. Reinhold Rost (Anglo-Aleman) Tagapayo – Dr. Antonio Ma. Regidor (Pilipino-Espanyol) Kalihim – Dr. Jose Rizal (Pilipino) Sa kasamaang palad, hindi pinayagan ng pamahalaang Pranses ang pagtataguyod ng mga kumperensiya ng mga pribadong organisasyon noong panahon ng pandaigdigang eksposisyon (199-200). Isa pang magandang proyekto ni Rizal sa Paris na hindi rin naisakatuparan ay ang panukala niyang magtatag ng makabagong kolehiyo sa Hong Kong para sa mga Pilipino. Sinulatan niya ang kaibigang si Jose Maria Basa tungkol sa bagay na ito. Isang mayamang Pilipinong naninirahan sa Paris, si G. Mariano Cunanan, mula Mexico, Pampanga ang nangakong tutulong sa paglikom ng Php 40,000 bilang paunang kapital para sa kolehiyo. Layunin ng kolehiyo na sanayin at turuan ang kalalakihan buhat sa mabubuti at maykayang pamilya ayon sa pangangailangan ng makabagong panahon at kalagayan. Ang kurikulum ay binubuo ng mga sumusunod na asignatura: Etika – Pag-aaral ng Relihiyon – Likas na Batas – Batas Sibil – Kabutihang Asal – Kalinisan Matematika – Pisika at Kimika – Likas na Kasaysayan – Heograpiya – Ekonomiyang Politikal Kasaysayan ng Daigdig – Kasaysayan ng Pilipinas – Lohika – Retorika at Pagtula Mga Wika: Espanyol – Ingles – Pranses – Aleman – Tsino – Tagalog Gymnastics – Pangangabayo – Pag-eeskrima – Paglangoy – Musika – Pagguhit – Pagsayaw Hindi man natuloy ang panukalang proyektong ito ni Rizal na magtayo ng kolehiyo para sa mga Pilipino sa Hong Kong, ilang taon pagkaraan, habang desterado siya sa Dapitan, nakapagtatag siya ng paaralan para sa mga batang lalaki, at dito niya ginamit ang ilan sa kaniyang matatalinong konsepto sa edukasyon (200). Sa Brusells, Belhika (1890) Nilisan ni Rizal ang Paris noong Enero 28, 1890 patungong Brusells, kabisera ng Belhika. May dalawang dahilan kung bakit kaniyang nilisan ang Paris: 1. napakataas ng halaga ng pamumuhay sa Paris, at 2. ang kasiyahan sa lungsod ay nagiging balakid sa kaniyang pagsusulat lalo na sa pagsulat ng kaniyang ikalawang nobela, ang El Filibusterismo. 29 Buhay sa Brusells Naging abala si Rizal sa pagsusulat ng kaniyang pangalawang nobela sa Brusells. Bukod sa pagsusulat ng mga kabanata ng nobela, sumulat din siya ng mga artikulo sa La Solidaridad at mga liham para sa kaniyang pamilya at mga kaibigan. Dahil manggagamot, nagtrabaho siya sa isang klinika. Para sa kaniyang libangan, nagpupunta siya sa himnasyo para sa kaniyang ehersisyo at sa armori para sa kaniyang pamamaril at pag-eeskrima. Patuloy din siyang nagtipid sa kaniyang araw-araw na mga gastusin na pinatunayan ng kaniyang kasama sa kuwarto na si Jose Alejandrino, isang Pilipinong estudyante ng inhenyeriya (203-204). Habang nasa Brusells, ang kaniyang artikulong Sobre la Nueva Ortografia de la Lengua Tagala (Bagong Ortograpiya ng Wikang Tagalog) ay nailathala sa La Solidaridad noong Abril 15, 1890. Sa artikulong ito, inilatag ni Rizal ang mga panuntunan ng bagong ortograpiyang Tagalog, at buong katapatan at kababaang loob, ibinigay niya ang karangalan sa pagbabagay sa bagong ortograpiyang ito kay Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera, may-akda ng kilalang El Sanscrito en la Lengua Tagala (Ang Sanskrit sa Wikang Tagalog) na nailathala sa Paris noong 1884. Sa bagong ortograpiya ng wikang Tagalog ni Rizal, ang letrang “k” at “w” ang dapat gamitin para sa Espanyol na “c” at “o.” Kaya ang Tagalog na salitang “salacot” ay dapat isulat na “salakot” at ang “arao” ay dapat palitan ng “araw.” (206) Sa Brusells, natanggap ni Rizal ang balita mula kina Juan Luna at Valentin Ventura na ang mga Pilipino sa Espanya ay sinisira ang magandang pangalan ng kanilang nasyon dahil sa labis na pagsusugal. Dahil dito’y sumulat si Rizal kay M. H. del Pilar para paalalahanan ang mga Pilipino sa Madrid na hindi sila pumunta sa Europa para magsugal, kundi para maipaglaban ang Kalayaan ng Inang Bayan. Ang mga Pilipinong sugarol sa Madrid ay nagalit nang malaman ang mga pangaral ni Rizal. Kinutya nila si Rizal at tinawag na “Papa” (Papa ng Roma) sa halip na “Pepe.” Habang nasa Brusells, nabahala si Rizal sa mga sulat na natatanggap niya mula sa Pilipinas. Ang suliraning pang-agraryo sa Pilipinas ay lumalala. Tinaasan ng mga namamahala ng asyendang Dominiko ang upa sa lupa hanggang ayaw nang bayaran ng kaniyang ama ang di-makatuwirang upa. Dahil sa katapangang ipinakita ni Don Francisco, nagsunuran ang ibang kasama at ayaw na rin nilang magbayad ng upa. Nagsampa ng kaso ang ordeng Dominiko para mabawi sa pamilyang Rizal ang kanilang lupa sa Calamba. Samantala, inusig naman ang mga kasama (nangungupahan ng lupa), pati na ang pamilyang Rizal. Si Paciano at ang mga bayaw na sina Antonio Lopez (asawa ni Narcisa) at Silvestre Ubaldo (asawa ni Olympia) ay pinatapon sa Mindoro. Isa pang bayaw, si Manuel T. Hidalgo (asawa ni Saturnina) ang ipinatapon naman sa ikalawang pagkakataon sa Bohol (207-208). Sa panahon ng kalungkutan, nanaginip nang masama si Rizal dulot ng madalas na pag-aalala sa naghihirap niyang pamilyang nasa Calamba. Bagaman hindi mapamahiin, nararamdaman niyang hindi magtatagal ang kaniyang buhay. Hindi sa siya ay natatakot mamatay ngunit nais niyang matapos muna ang kaniyang pangalawang nobela bago niya puntahan ang kaniyang libingan (208-209). Sa gitna ng mga pagdurusa ng kaniyang pamilya, nagbalak na umuwi si Rizal. Ayaw niyang manatili sa Brussels at nagsusulat ng aklat habang ang kaniyang magulang, kamag-anak, at kaibigan ay inuusig sa Pilipinas. Gayunpaman, nagbago ang kaniyang isip nang matanggap niya ang liham ni Paciano na nagkukuwento ng pagkatalo ng kanilang kaso laban sa mga Dominiko. Bagaman ganito ang nangyari sa Maynila, inapela nila ang kaso sa Korte Suprema sa Espanya kaya nangangailangan ng isang abogadong hahawak nito sa Madrid. Kaya sinulatan niya si M. H. del Pilar para kuning abogado. Ipinaalam din niya kay Del Pilar na pupunta siya sa Madrid para personal na pangasiwaan ang kaso. Sa kabila ng mga pasakit sa kalooban bunga ng masasamang balitang dumating mula sa Pilipinas, may nagbigay din naman ng saya kay Rizal sa Brusells. Kay Suzanne Jacoby, ang magandang pamangkin ng kaniyang kasera ay natagpuan ni Rizal ang ligaya. Gaya ng ibang babae – sina Segunda Katigbak, Orang Valenzuela, Leonor Rivera, O-Sei-San, Gertrude Beckett, Consuelo Ortiga y Perez, at Nellie Boustead – si Suzanne ay umibig kay Rizal (212-213). Ngunit hindi nagpakababa’t pumasok sa isang pag-iibigang may 30 bahid ng panlilinlang. Sa mga panahong ito, nakatali pa rin ang puso ni Rizal kay Leonor at ang “misyon” pa rin kung bakit siya nasa Europa ang dapat na unahin niya. Si Suzanne Jacoby. Hinangong larawan mula sa google. Mga Kasawian sa Madrid: Ikalawang Pagdating (1890-1891) Sa pagbabalik ni Rizal sa Madrid noong Agosto 1890, kaniyang sinikap na gamitin ang lahat ng legal na pamamaraan para makamtan ang katarungan para sa kaniyang pamilya at sa mga magsasaka ng Calamba, ngunit siya’y nabigo. Sunod-sunod ang kaniyang kabiguan at kasawian na siyang isa-isahin natin sa bahaging ito. Kawalan ng Hustisya Para sa Pamilya Pagdating sa Madrid, humingi kaagad ng tulong si Rizal sa mga grupo ng Pilipino roon, ang Asociacion Hispano-Filipino, at mga pahayagang liberal sa Espanya (La Justicia, El Globo, La Republica, El Resumen, atbp.) para makamtan ang katarungan ng mga inaaping taga-Calamba kasama na ang kaniyang pamilya. Kasama si Marcelo H. del Pilar (kaniyang abogado) at Dr. Dominador Gomez (kalihim ng Asociacion Hispano-Filipino), pinuntahan nila si Señor Fabie, ang Ministro ng mga Kolonya upang ipahayag ang kaniyang protesta sa mga kawalang katarungang ginawa ni Gob. Hen. Valeriano Weyler at ng mga Dominiko sa mga taga-Calamba. Sa kasawiang-palad, walang nangyari sa panayam ni Rizal kay Ministro Fabie dahil nagbingi-bingihan lamang ang Espanya sa mga karaingan ng mga tao sa kaniyang kolonya (214- 215). Habang ipinaglalaban ni Rizal ang hustisya, may masasamang balita pang nakarating sa kaniya sa Madrid: 1. Kasulatang pagpatalsik na ipinag-utos ng mga Dominiko para kay Francisco Rizal Mercado at iba pang kasama (balita mula sa kaniyang bayaw na si Silvestre Ubaldo); 2. Pagdakip at pagpatapon kina Paciano Rizal, Antonino Lopez, Silvestre Ubaldo, Mateo “Teong” Elejorde, at Dandoy (kamag-anak ng mga Rizal) sa Mindoro (balita mula sa kaniyang kapatid na si Saturnina). Pagpanaw ng Kaibigang si Jose Maria Panganiban Dagdag sa kalungkutan ni Rizal sa Madrid ang pagpanaw ng kaniyang kaibigang si Jose Ma. Panganiban na kasama niya sa Kilusang Propaganda. Si Panganiban ay namatay sa Barcelona noong Agosto 19, 1890 dahil sa matagal nang sakit. Dinamdam niya ng husto ang pagkamatay ng bayaning Bikolano (215). 31 Mga Hamunan Sa mga huling araw ng Agosto 1890, muling nagtipon-tipon ang mga Pilipino sa Madrid. Ang ganitong uri ng pagtitipon ay ginagawa nila nang lingo-linggo. Dumating si Rizal sa nasabing pagtitipon. Pagkaraan ng maraming nainom, naging madaldal ang mga panauhin at kung ano-ano ang pinagkukuwentuhan. Isa sa mga nalasing ay si Antonio Luna. Nagsalita ito nang hindi mabuti ukol kay Nellie Boustead dala ng kaniyang pagkabigo sa nasabing babae na sa kaniyang palagay ay kasalanan ni Rizal. Narinig siya ni Rizal at dahil maginoo, hindi niya mapapayagan ang ganoong pambabastos sa sinumang babae. Galit na galit, hinamon ni Rizal si Luna sa isang duelo. Mabuti na lamang at nahimasmasan si Luna at nagpaumanhin sa masasamang nasabi niya sa dalaga. Si Wenceslao Retana ay hinamon din ni Rizal ng duelo nang sumulat ito ng artikulo sa La Epoca, pahayagang laban sa mga Pilipino. Sa artikulo, kaniyang inihayag na hindi nagbabayad ng upa ang mga kaibigan at kamag-anak ni Rizal kaya’t sila’y pinaalis ng mga Dominiko sa kanilang mga lupa sa Calamba. Ang paglapastangang iyon sa kaniyang mga kaibigan at kaanak ay nagpagalit kay Rizal. Gayunpaman, hindi tinanggap ni Retana ang hamon ni Rizal sa halip ay naglathala siya ng pagbawi at paghingi ng paumanhin sa kaniyang mga sinabi laban sa mga kaibigan at magulang ni Rizal. Natigil ang mapanuligsang panulat laban sa mga Pilipino ni Retana at sa huli ay sumulat siya ng talambuhay ni Rizal bunga ng paghanga niya sa katalinuhan at pagiging martir nito (Rivera et al. 2002, 150-151) Pag-aasawa ni Leonor Rivera Noong Disyembre 1890, tumanggap ng liham si Rizal mula kay Leonor Rivera, kaniyang minamahal na kasintahan, na nagsasabing ikakasal na siya kay Henry C. Kipping, isang inhinyerong Ingles (na siyang pinili ng kaniyang ina) kaya humihingi siya ng tawad kay Rizal. Malaking dagok kay Rizal ang pangyayaring ito sa tuluyang paghihiwalay nila ni Leonor na halos ilang linggo rin ang lumipas bago niya ikuwento ang pangyayari sa kaniyang matalik na kaibigang si Blumentritt (Zaide at Zaide 1997, 218-219) Si Leonor Rivera. Hinangong larawan mula sa google. Hidwaan nina Rizal at Del Pilar Bilang pinuno, sinikap ni Rizal na mapuspos sa mga kababayan ang kaniyang sariling idealismo upang sa ganitong paraan, magkaroon ng prestihiyo ang Kilusang Propaganda. Para makuha ang paggalang ng mga Espanyol, kailangang maging mataas ang kanilang panuntunan sa moralidad, dignidad, at diwa ng pagsasakripisyo. Sa kasamaang palad, hindi sang-ayon ang ilang kababayan sa kaniyang idealismo dahil ang mahalaga sa kanila ay alak, babae, at sugal. Kaya tinanggihan nila ang pamumuno ni Rizal. Ilan sa mga dating tagapagtaguyod niya’y tinalikuran din siya dahil hindi rin sila sang-ayon sa 32 panghihimasok ni Rizal sa kanilang pribadong buhay. Sinuportahan nila si Del Pilar (220). Gayunpaman, nanalo pa rin sa botohan si Rizal kontra Del Pilar subalit binitawan ni Rizal ang pamumuno dahil hindi lubos na nagkakaisa ang kaniyang mga kababayan (221). Para maibsan ang sama ng loob na dulot ng kaniyang mga kabiguan sa Madrid, nagpasyang magpunta si Rizal sa Biarritz, isang bakasyunang lungsod sa Pransiya. Bakasyon sa Biarritz at Pakikipag-ibigan kay Nellie Boustead (1891) Nang dumating si Rizal sa Biarritz, mainit siyang sinalubong ng mga Boustead lalung-lalo na ni G. Boustead na may malaking paghanga sa kaniya dahil sa mga angkin niyang talino. Bilang panauhin ng mag- anak, maayos siyang tinanggap nina Gng. Boustead, Adelina, Nellie, at Tiya Isabel (kapatid ni Gng, Boustead). Pakikipag-ibigan kay Nellie Boustead Dahil nabigo si Rizal sa pag-ibig niya kay Leonor, isinaalang-alang niya ang pagsinta para kay Nellie (o Nelly), ang mas maganda at nakababatang anak na dalaga ng kaniyang maybisita. Natukalasan niyang tunay na dalagang Pilipina si Nellie, matalino, masayahin, at matuwid. Sinulat niya sa matatalik niyang kaibigan, liban kay Propesor Blumentritt, ang kaniyang pag-ibig para kay Nellie at ang intensiyon niyang pakasalan ito. Sinuportahan si Rizal ng kaniyang mga kaibigan lalo na nina M. H. del Pilar, Tomas Arejola, at Antonio Luna na noo’y nagmahal ngunit nabigo sa kaniyang pag-ibig kay Nellie. Niligawan ni Rizal ang nasabing dalaga na nagpakita rin ng pagkagiliw sa kaniya. Si Nellie Boustead. Hinangong larawan mula sa google. Sa kasamaang-palad hindi naging masaya ang wakas ng kanilang pag-iibigan. Hindi tinanggap ang alok na kasal ni Rizal dahil sa dalawang bagay: 1. hindi pumayag si Rizal na tumiwalag sa Katolisismo para yumakap sa pananampalatayang Protestantismo gaya ng hiniling ni Nellie, at 2. ayaw ng ina ni Nellie na maging manugang si Rizal. Hindi hangad ng in ani Nellie, tulad din ng in ani Leonor na itaya ang kaligayahan ng anak sa isang lalaking salat sa mga materyal na bagay, isang manggagamot na walang pasyenteng nagbabayad, isang manunulat na di naman kumikita sa kaniyang panulat, at isang repormistang tinutugis ng mga prayle at opisyal ng pamahalaan sa sariling bayan. Bagaman hindi sila ikinasal, nanatiling mabuting magkaibigan sina Rizal at Nellie. (224-226). 33 Natapos ang El Filibusterismo sa Biarritz Bigo sa pag-ibig, pinagtuunan ni Rizal ang pagsusulat sa kaniyang pangalawang nobela na sinimulan niyang isulat sa Calamba noong 1887. Noong Marso 29, 1891, sa bisperas ng paglisan niya sa Biarritz papuntang Paris, natapos niya ang manuskrito ng Fili (226-227). Sa Paris at Pabalik sa Brussels Nagpaalam si Rizal sa mabubuting Boustead noong Marso 30, 1891 at nagtuloy sa Paris sakay ng tren. Tumuloy siya sa tahanan ng kaibigang si Valentin Ventura. Mula Paris, sinulatan niya ang kaibigang si Jose Ma. Basa sa Hong Kong at ipinahayag ang kaniyang pagnanais na magpunta sa kolonyang ito ng Britanya para doon na magpatuloy ng panggagamot sa mata na siyang ikabubuhay niya. Mula Paris, nagbalik si Rizal sa Brussels at malugod siyang tinanggap ng magkapatid na Jacoby (mga may-ari ng tinutuluyan niya) at higit sa lahat, ni Petite Suzanne (ang dalagang Belga na umibig sa kaniya). Dito sa Brussels, ipinaabot niya sa mga awtoridad ng Kilusang Propaganda ang kaniyang pagbibitiw sa kilusan at ang pagkakansela ng buwanang panustos sa kaniya at ilaan na lamang ang salapi sa pagpapaaral ng estudyanteng Pilipino sa Europa. Kasabay ng pagbibitiw sa Kilusang Propaganda, itinigil na rin ni Rizal ang pagsusulat ng mga artikulo sa La Solidaridad upang makapagpokus sa pagrerebisa ng kaniyang pangalawang nobela at nang ito’y maipalimbag na (227-230). El Filibusterismo Nailathala sa Ghent (1891) Noong Hulyo 5, 1891, nilisan ni Rizal ang Brussels para magtungo sa Ghent, isang kilalang siyudad- unibersidad sa Belhika. Ang mga dahilan niya sa paglipat sa Ghent ay: 1. ang halaga ng pagpapalimbag sa Ghent ay mas mababa kaysa Brussels, at 2. makaiwas sa panghahalina ni Petite Suzanne. Sa Ghent, nakatagpo siya ng dalawang kababayan, sina Jose Alejandrino18 (mula Pampanga) at Edilberto Evangelista19 (mula Maynila) na kapwa nag-aaral ng inhenyeriya sa kilala sa buong mundo na Unibersidad ng Ghent. Dahil na rin sa limitadong pondo, nanirahan si Rizal sa bahay na may mababang paupa, at si Jose Alejandrino ang kasama niya sa kuwarto. Naging matipid at masinop sila sa pamumuhay, yaon lamang mga pangunahing pangangailangan ang natutugunan nila. Para lalo pang makatipid, sila na mismo ang naghahanda ng kanilang agahan sa loob ng kanilang kuwarto (232-233). Ang Pagpapalimbag ng El Filibusterismo Sa Ghent, nakakita si Rizal ng isang tagapaglathala na payag na ilimbag ang kaniyang aklat nang patingi-tingi ang bayad, ang F. Meyer-Van Lo o Press, Blg. 66 Kalye Viaanderen. Isinanla niya ang kaniyang mga alahas nang sa gayon ay maibigay niya ang mga paunang bayad habang inililimbag ang Fili. Upang maipagpatuloy ang pagpapalimbag, nangangailangan siya ng malaking halaga. Dahil ang mga perang inaasahan niya mula sa kaniyang mga kaibigan ay hindi pa dumarating, nangamba siyang hindi na matatapos ang pagpapalimbag ng nobela (233-234). 18 Pagsiklab ng Digmaang Pilipino-Amerikano, hinirang si Jose Alejandrino bilang isang heneral at namuno sa mga sundalong nakatalaga sa Gitnang Luzon. Naging gobernador-militar siya ng Pampanga pagkaraan. Nagsilbi rin siyáng kalihim ng digmaan ng pamahalaang rebolusyonaryo. 19 Noong pumutok ang himagsikan laban sa mga Espanyol, nagbalik si Edilberto Evangelista sa Pilipinas at sumama sa mga manghihimagsik. Gumawa siya ng tanggulan sa Binakayan. Pinagtanggol niya ang tanggulan sa Ilog ng Zapote nang minsang sakupin ang lalawigan ng Cavite ni Heneral Polavieja. Ang labanang ito ang pinakamadugong labanang naganap at sa kauna-unahang pagkakataon namayani ang pangkat ni Heneral Evangelista. Sa kasawiang- palad, napatay si Heneral Evangelista sa Labanan sa Zapote noong Pebrero 17, 1897. 34 Ang kalbaryo ni Rizal sa pagpapalimbag ng Noli ay naulit sa pagpapalimbag ng Fili. Naubos ang kaniyang pondo sa Ghent at sa panahon ng mapait na karanasang ito, muntik niya na ring ipalamon sa apoy ang manuskrito ng Fili gaya ng muntik na niyang gawin sa Noli noong nasa Berlin siya. Nang tila wala nang pag-asa ang lahat, dumating ang tulong mula sa isang di-inaasahan. Nalaman ni Valentin Ventura ang suliranin ni Rizal at kaagad siyang nagpadala ng kinakailangan niyang pondo. Dahil dito, nailabas sa imprenta ang pangalawang nobela20 ni Rizal noon

Tags

Jose Rizal education history Philippines history
Use Quizgecko on...
Browser
Browser