GLOBALISASYON (1) (1) PDF
Document Details
Uploaded by SteadiestJasper8554
Tags
Summary
This document discusses the concept of globalization as a social issue and examines its impact on people's lives in the present, tracing the historical context and evolution of globalization. It includes questions for analysis and potential challenges.
Full Transcript
# Paunlarin ## Inaasahan sa bahaging ito na iyong mauunawaan ang globalisasyon bilang isyung panlipunan. Nilalayon din na matapos ang aralin ay iyong maipaliliwanag kung paano nito binago at binabago ang pamumuhay ng tao sa kasalukuyan. ## Paksa: Globalisasyon: Konsepto at Perspektibo Sa paksang...
# Paunlarin ## Inaasahan sa bahaging ito na iyong mauunawaan ang globalisasyon bilang isyung panlipunan. Nilalayon din na matapos ang aralin ay iyong maipaliliwanag kung paano nito binago at binabago ang pamumuhay ng tao sa kasalukuyan. ## Paksa: Globalisasyon: Konsepto at Perspektibo Sa paksang ito, tatalakayin ang mga kaisipang may kinalaman sa globalisasyon partikular ang mga pananaw tungkol sa pag-usbong nito. ## Pagbabago ng pamumuhay Isa sa mga pangyayaring lubusang nakapagpabago sa buhay ng tao sa kasalukuyan ay ang globalisasyon. Mula paggising, pagpasok sa paaralan, panonood ng telebisyon at maging sa hapag-kainan ay mababanaag ang manipestasyong ito. Ngunit, kailan at paano nga ba nagsimula ang pandaigdigang penomenong ito? Paano nito binago ang ating pamumuhay? Ang globalisasyon ay proseso ng mabilisang pagdaloy o paggalaw ng mga tao, bagay, impormasyon at produkto sa iba't ibang direksiyon na nararanasan sa iba't ibang panig ng daigdig. (Ritzer, 2011) Sinasalamin nito ang makabagong mekanismo upang higit na mapabilis ng tao ang ugnayan sa bawat isa. Itinuturing din ito bilang proseso ng interaksyon at integrasyon sa pagitan ng mga tao, kompanya, bansa o maging ng mga samahang pandaigdig na pinabibilis ng kalakalang panlabas at pamumuhunan sa tulong ng teknolohiya at impormasyon. Hindi na bago ang globalisasyon. Hitik ang kasaysayan sa ugnayan ng mga tao sa pamamagitan ng kalakalan sa iba't ibang panig ng daigdig. Sa katunayan, marami sa katangian ng globalisasyon sa kasalukuyan ay may pagkakatulad sa globalisasyong naganap bago sumiklab ang Unang Digmaang Pandaigdig ng taong 1914. Higit na pinabilis ng pag-unlad ng teknolohiya at mga polisiyang ipinatupad sa nagdaang mga taon ang palitan ng mga kalakal at serbisyo, pamumuhunan at maging ng migrasyon. Simula ng taong 1950 halimbawa, ang volume ng pandaigdigang kalakalan ay tumaas ng 20 ulit at mula taong 1997 hanggang 1999 ang dayuhang pamumuhunan ay dumoble mula sa $468 bilyon patungong $827 bilyon. Batay sa inilabas ng World Trade Statistical Review ng World Trade Organization sa taong 2016, ang halaga ng mga produktong naipagbili noong 2015 ay umabot ng $16 na trilyon samantalang nakapagtala ng humigit na $4 na trilyon naman sa serbisyong komersyal. Bagamat bumaba ng kaunti kung ihahambing sa taong 2014, ito ay halos doble naman sa naitala noong 2005. Kung ihahambing sa nagdaang panahon, ang globalisasyon sa kasalukuyan ayon kay Thomas Friedman ay higit na 'malawak, mabilis, mura, at malalim'. Ayon sa kanyang aklat na pinamagatang 'The World is Flat' na nailathala noong taong 2006, 'Any job-blue or white collar-that can be broken down into a routine and transformed into bits and bytes can now be exported to other countries where there is a rapidly increasing number of highly educated knowledge workers who will work for a small fraction of the salary of a comparable American worker.' Ang nasabing katangian ay bunsod ng mga polisiyang nagbukas sa ekonomiya ng mga bansa. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, partikular sa nagdaang dalawang dekada, marami sa mga bansa ang gumamit ng kapitalismo bilang sistemang pang-ekonomiya na nagbigay daan sa mas malawak na kalakalang internasyunal at pamumuhunan. ## Tanong para sa pagsusuri Gamit ang kahulugan ng globalisasyon ay maaari tayong magbigay ng karagdagang mga tanong na makatutulong sa atin upang higit na maunawaan ito. - Ano-anong produkto at bagay ang mabilis na dumadaloy o gumagalaw? - Electronic gadgets, makina o produktong agrikultural? - Sino-sinong tao ang tinutukoy rito? - Manggagawa ba tulad ng skilled workers at propesyunal gaya ng guro, engineer, nurse o caregiver? - Anong uri ng impormasyon ang mabilisang dumadaloy? - Balita, scientific findings and breakthroughs, entertainment o opinyon? - Paano dumadaloy ang mga ito? - Kalakalan, Media o iba pang paraan? - Saan madalas nagmumula at saan patungo ang pagdaloy na ito? - Mula sa mauunlad na bansa patungong mahihirap na bansa o ang kabaligtaran nito? - Mayroon bang nagdidikta ng kalakarang ito? - Sino? United States, China, Germany, Japan, Argentina, Kenya o Pilipinas? - Isyu nga bang maituturing ang globalisasyon? - Bakit? Sa mga kaisipang nabanggit, ang globalisasyon ay tinitingnan bilang isang pangmalawakang intergrasiyon o pagsasanib ng iba't ibang prosesong pandaigdig. Ngunit hindi nangyayari ito sa lahat ng pagkakataon sapagkat may mga pangyayaring nakapagpapabagal nito. ## Suliranin sa globalisasyon Suriin natin ang terorismo na isang hamong pandaigdig bilang halimbawa. Dahil sa mabilisang ugnayan at migrasyon ng mga tao sa iba't ibang panig ng daigdig, ang terorismo ay mabilis ding nakapagdudulot ng malaking pinsala sa buhay, ari-arian at institusyong panlipunan. Mabilis na tumugon ang mga bansa sa banta ng terorismo sa pamamagitan ng palitan ng mga impormasyon at kolaborasyon na naging dahilan ng pagkakabuo ng mga mahigpit na polisiya at patakaran tungkol sa migrasyon na nagpabagal naman ng integrasyong sosyo-kultural. Nariyan ang iba't ibang paalala o advisories na ipinalalabas ng mga bansa sa mga turista nito sa ilang mga bansa tulad ng Pilipinas. Bakit maituturing itong isang isyu? Maituturing na panlipunang isyu ang globalisasyon sapagkat tuwiran nitong binago, binabago at hinahamon ang pamumuhay at mga perennial institusyon na matagal nang naitatag. Perennial institutions ang pamilya, simbahan, pamahalaan at paaralan sapagkat ang mga ito ay matatandang institusyong nananatili pa rin sa kasalukuyan dahil sa mahahalagang gampanin nito. Suriin natin ang mga manipestasyong ito iba't ibang anyo at ang kaakibat nitong hamon. ## Globalisasyon: Perspektibo at Pananaw Upang higit na maunawaan ang globalisayon bilang isang kontemporaryong isyung panlipunan, mahalagang gumamit ng mga pananaw o perspektibo sa pagsusuri nito. May limang perspektibo o pananaw tungkol sa kasaysayan at simula ng globalisasyon. 1. **Taal o nakaugat** - Ang paniniwalang ang 'globalisasyon ay taal o nakaugat sa bawat isa'. - Ayon kay Nayan Chanda (2007), manipestasyon ito ng paghahangad ng tao sa maalwan o maayos na pamumuhay na nagtulak sa kaniyang makipagkalakalan, magpakalat ng pananampalataya, mandigma't manakop at maging adbenturero o manlalakbay. 2. **Mahabang siklo** - Ang paniniwalang ang globalisasyon ay isang mahabang siklo (cycle) ng pagbabago. - Ayon kay Scholte (2005), maraming 'globalisasyon' na ang dumaan sa mga nakalipas na panahon at ang kasalukuyang globalisasyon ay makabago at higit na mataas na anyo na maaaring magtapos sa hinaharap. Mahirap tukuyin ang panahon kung kailan nagsimula ang globalisasyon kaya higit na mahalagang tingnan ang iba't ibang siklong pinagdaanan nito. 3. **Anim na "wave" o "epoch" o panahon** - Ang paniniwalang may anim na 'wave" o epoch o panahon na siyang binigyang-diin ni Therborn (2005). - Para sa kanya, may tiyak na simula ang globalisasyon at ito'y makikita sa talahanayan na nasa kasunod na pahina. | Panahon | Katangian | |---|---| | Ika-4 hanggang ika-5 siglo (4th-8th Century) | Globalisasyon ng Relihiyon (Pagkalat ng Islam at Kristiyanismo) | | Huling bahagi ng ika-15 siglo ( late 15th century) | Pananakop ng mga Europeo | | Huling bahagi ng ika-18 siglo hanggang unang bahagi ng ika-19 na siglo(late 18th- early 19th century) | Digmaan sa pagitan ng mga bansa sa Europa na nagbigay-daan sa globalisasyon | | Gitnang bahagi ng ika-19 na siglo hanggang 1918 | Rurok ng Kanluranin Imperyalismong Dagdag | | Post-World War II | Pagkakahati ng daigdig sa dalawang puwersang ideolohikal partikular ang komunismo at kapitalismo. | | Post-Cold War | Pananaig ng kapitalismo bilang sistemang pang-ekonomiya. Nagbigay-daan sa mabilis na pagdaloy ng produkto, serbisyo, ideya, teknolohiya at iba pa sa pangunguna ng United States. | Mula sa talahanayan, itinampok ni Therborn na ang globalisasyon ay hindi isang bagong penomenon o pangyayari at hindi rin siklo. Hawig ng ikaapat na pananaw ang ikatio. Ayon dito, ang simula ng globalisasyon ay mauugat sa ispesipikong pangyayaring naganap sa kasaysayan. Sa katunayan, posibleng maraming pinag-ugatan ang globalisasyon. Ilan dito ang sumusunod: - Pananakop ng mga Romano bago man maipanganak si Kristo (Gibbon 1998) - Pag-usbong at paglaganap ng Kristyanismo matapos ang pagbagsak ng Imperyong Roman - Paglaganap ng Islam noong ikapitong siglo - Paglalakbay ng mga Vikings mula Europe patungong Iceland, Greenland at Hilagang America - Kalakalan sa Mediterranean noong Gitnang Panahon - Pagsisimula ng pagbabangko sa mga siyudad-estado sa Italya noong ika-12 siglo Maaaring nagsimula ang globalisasyon sa kalagitnaan ng ika-20 siglo nang unang ginamit ang telepono noong 1956 o nang lumapag ang transatlantic passenger jet mula New York hanggang London. Maaari rin namang nagsimula ito nang lumabas ang unang larawan ng daigdig gamit ang satellite ng taong 1966. Mayroon ding nagsasabi na ang globalisayon ay nagsimula noong taong 2001 nang pabagsakin ng mga terorista ang Twin Towers sa New York. Ang pangyayaring ito ay gumising sa marami na kinakailangan ang higit na pag-aaral sa isang global na daigdig. Ang huling pananaw o perspektibo ay nagsasaad na ang globalisasyon ay penomenong nagsimula sa kalagitnaan ng ika-20 siglo. ## Globalisasyon: Tatlong Pagbabago Tatlo sa mga pagbabagong naganap sa panahong ito ang sinasabing may tuwirang kinalaman sa pag-usbong ng globalisasyon. Ito ay ang: 1. **Pag-usbong ng Estados Unidos bilang global power matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.** - Ipinakita ng Estados Unidos sa daigdig ang kaniyang lakas-militar nang talunin ang Japan at Germany sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. naungusan ang France at Great Britain sa usaping pang-ekonomiya at sakupin ang mga Asyanong bansang Korea (taong 1950) at Vietnam ( taong 1960-70). 2. **Paglitaw ng mga multinational at transnational corporations (MNcs and TNCs)** - Bagamat ang mga makapangyarihang korporasyon sa daigdig ay nagsimula noong ika-18 hanggang ika-19 na siglo mula sa Germany. Great Britain at United States, marami sa mga ito ay kasalukuyang nagtutuon ng pansin sa ibang bansa partikular sa mga developing nations. Isa sa mga halimbawa nito ay ang Ford at General Motors. Datiy mamimili ng sariling bansa ang pokus ng mga kompanyang ito subalit sa kasalukuya'y malaking bahagdan o porsyento ng kanilang kita ay nanggagaling sa mga bansa sa Asya at Latin America. (Tatalakayin ang isyung ito sa mga susunod na bahagi.) 3. **Pagbagsak ng Soviet Union at ang pagtatapos ng Cold War** - Sinasabing ang pagbagsak ng 'Iron Curtain at ng Soviet Union noong 1991 ang naghudyat sa pag-usbong ng globalisasyon. Matapos ang pangyayaring ito'y mabilis na nabura ang markang naghahati at naghihiwalay sa mga bansang komunista at kapitalista. Pumasok ang mga multinational companies (MNCs) sa mga bansang dating sakop ng USSR tulad ng Ukraine, Estonia at Latvia. Nagbukas ang mga bansang ito sa migrasyon, media, turismo at ugnayang panlabas. ## Globalisasyon: Anyo ng Globalisasyon Tatalakayin sa paksang ito ang mga anyong globalisasyon na makatutulong sa pagsusuri ng penomenong ito. ### Globalisasyong Ekonomiko Sentro sa isyung globalisasyon ang ekonomiya na umiinog sa kalakalan ng mga produkto at serbisyo. Mabilis na nagbago ang paraan ng palitan ng mga produkto at serbisyo sa pagitan ng mga bansa sa daigdig sa nagdaang siglo. Kinakitaan ito ng pag-usbong ng malalaking korporasyon na ang operasyon ay nakatuon hindi lamang sa bansang pinagmulan kundi maging sa ibang bansa. #### Multinational at Transnational Companies Kilala ang mga ito bilang multinational companies (MNCs) at transnational companies (TNCs). Ayon sa United Nations Commission on Transnational Corporations and Investment, ang TNC ay tumutukoy sa mga kompanya o negosyong nagtatatag ng pasilidad sa ibang bansa. Ang kanilang serbisyong ipinagbibili ay batay sa pangangailangang lokal. Binibigyang kalayaan na magdesisyon, magsaliksik, at magbenta ang mga yunit na ito ayon na rin sa hinihingi ng kanilang pamilihang lokal. Marami sa kanila ay kompanyang petrolyo, I.T. consulting, pharmaceutical, at mga kauri nito. Halimbawa nito ang kompanyang Shell, Accenture, TELUS International Phils., at Glaxo-Smith Klein (halimbawang produkto ay sensodyne at panadol). Samantala, ang MNC ay ang pangkalahatang katawagan na tumutukoy sa mga namumuhunang kompanya sa ibang bansa ngunit ang mga produkto o serbisyong ipinagbibili ay hindi nakabatay sa pangangailangang lokal ng pamilihan. Ilang halimbawa nito ay ang Unilever, Proctor & Gamble, Mc Donald's, Coca-Cola, Google, UBER, Starbucks, Seven-Eleven, Toyota Motor, Dutch Shell, at iba pa. Dinala ng mga korporasyong nabanggit ang mga produkto at serbisyong naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Matatagpuan ang mga nasabing kompanya o korporasyon sa iba't ibang panig ng daigdig. Marami sa mga ito ay pag-aari ng mga lokal at dayuhang namumuhunan na nagtataglay ng malaking kapital. Sa katunayan, batay sa datos ng International Monetary Fund, ang ilan sa mga MNCs at TNCs ay higit pa ang kinikita sa Gross Domestic Product (GDP) ng ilang mga bansa. Suriin ang talahanayan sa ibaba na nagpapakita ng mga kompanya at bansa kasama ang kanilang kaukulang kita sa taong 2011. | Kompanya | Kita | Bansa | GDP | |---|---|---|---| | Yahoo | $5.93 billion | Mongolia | $6.7 billion | | Visa | $6.67 billion | Zimbabwe | $7.47 billion | | Ebay | $10.16 billion | Madagascar | $15.35 billion | | Nike | $19.16 billion | Paraguay | $18.48 billion | | Amazon | $24.07 billion | Latvia | $24.05 billion | | Mc Donald | $32.16 billion | Kenya | $32.16 billion | | Pepsi | $57.83 billion | Oman | $55.62 billion | | Apple | $65.23 billion | Ecuador | $55.91 billion | | Procter and Gamble | $79.69 | Libya | $74.23 billion | | Ford | $128.95 billion | Morocco | $125.48 billion | | GE | $151.63 billion | New Zealand | $140.43 billion | | Walmart | $482 billion | Norway | $414.46 billion | Batay sa talahanayan, ano kaya ang implikasyon nito sa mga bansa kung saan sila matatagpuan? Ayon sa artikulong pinamagatang Top Filipino firms building Asean empires ng Philippine Daily Inquirer na nailathala noong Pebrero 9, 2017, ilan sa mga MNCs at TNCs sa Vietnam, Thailand at Malaysia ay pag-aari ng mga Pilipino tulad ng Jollibee, URC, Unilab, International Container Terminal Services Inc. at San Miguel Corporation. Binigyang pansin dito ang halaga ng mga nasabing korporasyon sa pamilihan ng mga bansa sa Timog Silangang Asya. Hindi lamang sa Timog Silangang Asya matatagpuan ang ilang korporasyong pag-aari ng mga Pilipino. Batay sa artikulo ni John Mangun ng pahayagang Business Mirror noong Marso 9, 2017, ilang mga korporasyong Pilipino tulad ng SM, PNB, Metro Bank, Jollibee, Liwayway Marketing Corporation, ang itinayo sa China at nakararanas ng patuloy na paglago. Malaki ang implikasyon ng pag-usbong ng mga multinational at translational corporations sa isang bansa. Ilan sa mga ito ay ang pagdami ng mga produkto at serbisyong mapagpipilian ng mga mamimili na nagtutulak naman sa pagkakaroon ng kompetisyon sa pamilihan na sa kalaunan ay nagpapababa ng halaga ng mga nabanggit na produkto. Maituturing itong pakinabang sa mga mamimili. Bukod dito, nakalilikha rin ito ng mga trabaho para sa mga manggagawang Pilipino. Ngunit kaakibat ng magandang epekto nito ay ang mga suliraning nakaaapekto sa maraming bilang ng mga Pilipino. Isa na rito ang pagkalugi ng mga lokal na namumuhunan dahil sa di-patas na kompetisyong dala ng mga multinational at transnational corporations na may napakalaking puhunan. Sa kalaunan, maraming namumuhunang lokal ang tuluyang nagsasara. Malaki rin ang kakayahan ng mga ito na impluwensyahan ang polisiya na ipinatutupad ng pamahalaan ng iba't ibang bansa tulad ng pagpapababa ng buwis, pagbibigay ng tulong-pinansyal, at maging ang pagpapagaan ng mga batas patungkol sa paggawa at isyung pangkapaligiran. Nakukuha ang mga nasabing pabor sa pamamagitan ng pananakot na ilipat ang kanilang pamumuhunan patungo sa ibang bansa. Nagbubunga ito sa kalaunan ng higit na pagyaman at paglakas ng mga nasabing MNCs and TNCs nagdudulot naman ng paglaki ng agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. Maliwanag itong natukoy sa pag-aaral ng Oxfam International sa taong 2017. Ayon sa kanilang pananaliksik, ang kinita ng sampung pinakamalalaking korporasyon sa buong mundo sa taong 2015-2016 ay higit pa sa kita ng 180 bansa. Tinukoy din sa nasabing ulat na ang yaman ng nangungunang walong bilyonaryo ay katumbas ng pinagsama-samang yaman ng 3.6 bilyong tao sa daigdig! Paano kaya matutugunan ang mga suliraning kaakibat ng paglakas ng MNCs at TNCS? ## Globalisasyon: Outsourcing Bukod sa mga nabanggit, ang pagdami ng outsourcing companies ay maituturing na manipestasyon ng globalisasyon. Hindi na bago ang konsepto ng outsourcing dahil marami na ang gumagamit nito partikular sa malalaking pribadong kompanya. Tumutukoy ang outsourcing sa pagkuha ng isang kompanya ng serbisyo mula sa isang kompanya na may kaukulang bayad. Pangunahing layunin nito na mapagaan ang gawain ng isang kompanya upang mapagtuunan nila ng pansin ang sa palagay nila ay higit na mahalaga. Isang halimbawa nito ay ang paniningil ng utang ng isang institusyong pinansyal sa mga credit card holders nito. Sa halip na sila ang direktang maningil, minabuti ng ilang kompanya na i-outsource mula sa ibang kompanya ang paniningil sa mga kliyente sa kanilang pagkakautang. Dahil dito mas napagtutuunan nila ng pansin ang higit na mahahalagang bagay tulad ng agresibong pagbebenta (aggressive marketing) ng kanilang produkto at serbisyo na nagbibigay naman ng malaking kita. Maaaring uriin ang outsourcing batay sa uri ng ibinibigay na serbisyo tulad ng Business Process Outsourcing na tumutugon sa prosesong pangnegosyo ng isang kompanya. Nariyan din ang Knowledge Process Outsourcing na nakatuon sa mga gawaing nangangailangan ng mataas na antas ng kaalamang teknikal tulad ng pananaliksik, pagsusuri ng impormasyon at serbisyong legal. Kung gagawin namang batayan ang layo o distansya na pagmumulan ng kompanyang siyang magbibigay ng serbisyo o produkto, maaaring uriin ito sa mga sumusunod: 1. **Offshoring** - Pagkuha ng serbisyo ng isang kompanya mula sa ibang bansa na naniningil ng mas mababang bayad. Saksi ang Pilipinas sa ganitong uri ng outsourcing. Sa pagnanais ng mga outsourcing companies mula United States, at mga bansa sa Europe na makatipid sa mga gastusing kalakip ng nasabing serbisyo minarapat nilang kumuha ng serbisyo sa mga kompanya mula sa bansang Asyano tulad ng India at Pilipinas. Marami sa mga outsorcing companies sa bansa ay tinatawag na Business Process Outsourcing na nakatuon sa Voice Processing Services. Ilan sa mga gawaing kalakip nito ay pagbebenta ng produkto at serbisyo, paniningil ng bayad sa nagamit na serbisyo at produkto, pagkuha ng order ng isang produkto at serbisyo, pagkuha ng mga impormasyon mula sa mga mamimili na magagamit ng mga namumuhunan at mga katulad nitong gawain. Bukod sa pagkakaiba ng oras, karaniwang nagiging suliranin dito ang pagkakaiba ng wika at kultura na nakapagpapabagal ng produksyon. 2. **Nearshoring** - Tumutukoy sa pagkuha ng serbisyo mula sa kompanya sa kalapit na bansa. Layunin nitong iwasan ang mga suliraning kaakibat ng offshoring sapagkat inaasahan na ang kalapit bansang pagmumulan ng serbisyo ay may pagkakahawig kung di man pagkakatulad sa wika at kultura ng bansang nakikinabang sa paglilingkod nito. 3. **Onshoring** - Tinatawag ding domestic outsourcing na nangangahulugan ng pagkuha ng serbisyo sa isang kompanyang mula din sa loob ng bansa na nagbubunga ng higit na mababang gastusin sa operasyon. Tulad ng nabanggit, talamak sa Pilipinas ang offshore outsourcing sa kasalukuyan. Patunay rito ang dumaraming bilang ng call centers sa bansa na pag-aari ng mga dayuhang namumuhunan na ang ilan ay mula sa United States, United Kingdom, at Australia. Malaking bilang ng mga graduates ang nagtatrabaho sa call centers dahil na rin sa mataas na sahod na ibinibigay ng mga ito. Ayon sa Tholons, isang investment advisory firm, sa kanilang Top 100 Outsourcing Destinations for 2016, ang Manila ay pangalawa sa mga siyudad sa buong mundo (sunod sa Bangalore, India) na destinasyon ng BPO. Kasama rin sa listahan ang Cebu City (7th), Davao City (66th), Sta Rosa City (81st), Bacolod City (85th), Iloilo City (90th), Dumaguete City (93rd), Baguio City (94th), and Metro Clark (97th). Malaki ang naitulong ng industriyang ito sa pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas. Ayon sa Information Technology and Business Process Association of the Philippines (IBPAP), pangalawa ito sa pinagkukunan ng dolyar ng bansa. Katunayan, lumikha ito ng 1.2 milyong trabaho at nagpasok ng $22 bilyong dolyar noong taong 2015. Tinukoy ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na kung magpapatuloy ang ganitong takbo ng industriya, malalagpasan nito ang inuuwing dolyar ng mga OFW sa mga susunod na taon. Naging daan din ito sa pagkakaroon ng karagdagang kita sa maraming mga Pilipino na nagbunsod naman ng pagkakaroon ng surplus budget na nailagak sa mga institusyong pinansiyal bilang savings o investment. Iyong matatandaan na binigyang pansin sa asignaturang Ekonomiks ang halaga ng savings at investments sa pag-angat ng ekonomiya ng isang bansa. Samakatuwid, mayroong positibong dulot ang outsourcing sa pamumuhay ng mga Pilipino. ## Globalisasyon: OFW Bilang Manipestasyon ng Globalisasyon Kung mayroon mang isang buhay na manipestasyon ng globalisasyon sa ating bansa, ito ay ang mga manggagawang Pilipino na nangingibang-bayan upang magtrabaho o maghanapbuhay. Sa katunayan, malaking bahagdan ng manggagawang Pilipino ay matatagpuan sa iba't ibang panig ng daigdig partikular sa Timog-kanlurang Asya tulad ng Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates at Silangang Asya tulad ng South Korea, Japan, Taiwan, Hongkong at China. Maging sa kontinente ng Europe at America tulad ng Canada at United States ay kakikitaan ng mga manggagawang Pilipino. Ang pangingibang-bayan ng manggagawang Pilipino ay nagsimula sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos bilang panandaliang tugon sa budget deficit ng kaniyang administrasyon. Naging matagumpay ang stop gap measure na ito. Nang makita ng pamahalaan ang malaking kapakinabangang makukuha dito'y pinaigting pa ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa. Kaya naman nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan. (Higit na palalalimin ang paksang ito sa susunod na aralin.) ## Globalisasyong Teknolohikal at Sosyo-Kultural Hindi lamang sa ekonomiya makikita ang manipestasyon ng globalisasyon. Mababanaag din ito sa aspetong teknolohikal at sosyo-kultural ng mga bansa sa daigdig. Mabilis na tinangkilik ng mga mamamayan sa developing countries ang pagggamit ng cellular phones o mobile phone na nagsimula sa mauunlad na bansa. Partikular dito ang mga bansang tulad ng Pilipinas, Bangladesh at India. Nakatutulong ang teknolohiyang ito sa pagpapabuti ng kanilang pamumuhay. Sa paggamit nito, mabilis na nakahihingi ng tulong sa panahon ng pangangailangan tulad ng kalamidad. Isa rin dito ang mabilis na transaksiyon sa pagitan ng mga tao. Halimbawa nito'y ang pakinabang na nakukuha ng mga mangingisda ng Kerala sa India. Bago pa man pumalaot ang mga mangingisda ay tinatawagan na nila ang mga 'prospektibong mamimili' kaya naman nabibigyang kasiguruhan na sila ay kikita. Sa katunayan, higit walong porsyento ang itinaas ng kanilang kita dahil sa sistemang ito. Sa Pilipinas, talamak ang paggamit ng mobile phones. Sa katunayan, ang pagle-text ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng marami. Ayon sa pag-aaral ni Dr. Pertierra, marami sa mga cellphone users ay hindi lamang itinuturing ang cellphone bilang isang communication gadget, ito ay nagsisilbi ring ekstensiyon ng kanilang sarili kaya naman hindi madaling maihiwalay ito sa kanila. Kung mabilis na binago at binabago ng mobile phone ang buhay ng maraming gumagamit nito, higit na pagbabago ang dinala ng computer at internet sa nakararami. Ito ay nakaagapay sa pagbibigay ng iba't ibang uri ng serbisyo tulad ng e-mail. Napabibilis din nito ang pag-aaplay sa mga kompanya, pag-alam sa resulta ng pagsusulit sa kolehiyo at pamantasan, pagkuha ng impormasyon at balita, pagbili ng produkto at serbisyo na mas kilala sa tawag na e-commerce. Kaugnay sa pagdami ng mobile phones at computer ay ang mabilis na pagdaloy ng mga ideya at konsepto patungo sa iba't ibang panig ng mundo dahil ang mga ito ay nasa digitized form. Ang mga ideyang ito ay nakapaloob sa iba't ibang anyo tulad ng musika, pelikula, videos, larawan, e-books at iba pa na makikita sa iba't ibang social networking sites at service provider. Ang mga sikat na awitin, pelikulang, palabas sa telebisyon, viral videos at pictures, hashtags, memes at mga tulad nito ay ilan lamang sa mga mabilis na kinokonsumo gamit ang electronic device na may internet access. Kalakip nito ang pagtangkilik sa mga ideyang nagmumula sa ibang bansa partikular ang mga nagmumula sa United States. Sa kasalukuyan, dama rin sa Pilipinas ang impluwensiyang kultural ng Koreans sa anyo ng pop culture dahil sa mga sikat na pelikula, Korean novela, K-pop culture, at mga kauri nito. Ang lakas ng impluwensiya ng mga nabanggit ay makikita sa pananamit, pagsasalita at pakikisalamuha ng maraming kabataang Pilipino sa kasalukuyan. Kaalinsabay ng pag-usbong ng mga social networking sites tulad ng facebook, twitter, instagram at Myspace ay ang pagbibigay kakanyahan sa mga ordinaryong mamamayan na ipahayag ang kanilang saloobin sa iba't ibang paksa o usapin. Aktibo nang nakikibahagi ang mga netizen sa mga usaping lubos na nakakaapekto sa kanila. Netizen ang terminong ginagamit sa mga taong gumagamit ng social networking site bilang midyum o entablado ng pagpapahayag. Hindi na sila maituturing na pasibong consumer lamang na tumatangkilik ng iba't ibang produkto at serbisyo. Sa katunayan, ginagamit ng marami ang mga ito upang maipakita nila ang talento at talino sa paglikha ng mga music videos, documentaries at iba't ibang digital art forms. Maituturing silang prosumers na nangangahulugan ng pagkonsumo ng isang bagay o ideya habang nagpo-produce ng bagong ideya. Sa kabila ng mga positibong naidudulot, kaakibat din nito ay mga suliraning may kinalaman sa pagkalat ng iba't ibang uri ng computer viruses at spam na sumisira ng electronic files at minsan ay nagiging sanhi ng pagkalugi ng mga namumuhunan. Bukod dito nagkakaroon din ng mga pagkakataon na makagawa ng intellectual dishonesty dahil sa madaling pag-copy and paste ng mga impormasyon mula sa internet. Huwag ding kalilimutan ang isyu ng pambansang seguridad. Ginagamit ng ilang mga terorista at masasamang loob ang internet bilang kasangkapan sa pagpapalaganap ng takot at karahasan sa mga target nito. Sang-ayon ka ba sa cyber crime law upang mabigyang-tugon ang suliranin ukol dito? Ipaliwanag ang iyong sagot. Ang mga penomenong ito ay nakabubuo ng mga bagong ideyang kultural na mabilis namang naipalalaganap sa iba't ibang panig ng mundo. ## Globalisasyong Politikal Kasabay ng paglaganap ng globalisasyong ekonomikal at sosyo-kultural ay ang paglakas ng globalisasyong politikal. Globalisasyong politikal na maituturing ang mabilisang ugnayan sa pagitan ng mga bansa, samahang rehiyunal at maging ng pandaigdigang organisasyon na kinakatawan ng kani-kanilang pamahalaan. Tulad ng nabanggit sa unang bahagi ng aralin, ang mga kasunduang bilateral at multilateral sa pagitan ng mga bansa ay nagbigay daan sa epektibo at episyenteng ugnayan ng mga bansa na nagdulot naman ng mabilis na palitan ng mga produkto, ideya, kahusayang teknikal at maging ng migrasyon ng kani-kanilang mamamayan. Ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas sa Australia, China, Japan, South Korea, Thailand, US at iba pang mga bansa ay nagdala ng mga oportunidad pang-ekonomiko at pangkultural sa magkabilang panig. Halimbawa nito ang economic and technical aid na ibinibigay ng ilang bansa sa Pilipinas. Nariyan ang JICA Project ng Japan, BEST Project ng Australia, military assistance ng US, at mga tulad nito. Sa Timog-Silangang Asya naman halimbawa