Ang Pagpapasa ng Batas Rizal PDF
Document Details
Uploaded by Deleted User
Florentino A. Ineigo, Jr.
Tags
Summary
This paper details the political and social context surrounding the passage of Republic Act 1425 (Batas Rizal) in the Philippines in 1956. It analyzes issues like controversies in the legislature, religious opposition, and public opinion around the law.
Full Transcript
Ang “Ikalawang Paglilitis” kay Jose Rizal: Ang Pagpapasá ng Batas Republika 1425 FLORENTINO A. INIEGO, JR. N aganap ang trahedya ng unang paglilitis kay Jose Rizal noong 11 Disyembre 1896 nang basahan siya ng sakdal sa kasong rebelyon at sa pagtatag diumano ng isang samahang labag sa bata...
Ang “Ikalawang Paglilitis” kay Jose Rizal: Ang Pagpapasá ng Batas Republika 1425 FLORENTINO A. INIEGO, JR. N aganap ang trahedya ng unang paglilitis kay Jose Rizal noong 11 Disyembre 1896 nang basahan siya ng sakdal sa kasong rebelyon at sa pagtatag diumano ng isang samahang labag sa batas. Pinagtibay ang parusang kamatayan noong 28 Disyembre. Binaril man siya sa Bagumbayan noong 30 Disyembre at wala mang kabaong o ngalan na sa kanyang puntod ang mabakas, hindi nailugmok ang hangarin ng mga Filipino na ipagpatuloy ang mga simulating itinaguyod ng ating pambansang bayani (Peralejo 1999, 22-23, 58). Makalipas ang animnapung taon, naulit ang kasaysayan sa katauhan ng mga bagong taga-usig. Naganap ang kontrobersyal na “ikalawang paglilitis” kay Rizal. Sa kasong ito, ang nasasakdal ay ang mga nobelang isinulat ni Rizal. Inihain nina Sen. Claro M. Recto at Sen. Jose P. Laurel, Sr. noong 3 Abril 1956 ang Senate Bill 438 (“An Act to Make Noli Me Tangere and El Filibusterismo Compulsory Reading Matter In All Public and Private Colleges and Universities and For Other Purposes”). Inihain naman ni Kong. Jacobo S. Gonzales noong 19 Abril ang House Bill 5561, ang bersyon ng panukalang batas sa Kongreso. Sa pagsubaybay sa mga pang-araw-araw na laman ng mga balita sa mga pahayagan mula nang simulan ang “ikalawang paglilitis”—mula 3 Abril hanggang 12 Hunyo 1956—tatalakayin ng papel na ito ang 151 deliberasyon ng panukalang batas sa Senado at Kongreso. Bibigyang- pansin ang kontrobersyal na mga tunggaliang nagluwal sa makasaysayang pagpapasá ng Batas Republika 1425. Ilalahad ang batayan ng oposisyon ng hirarkiya ng simbahang Katoliko. Iuulat ang opinyong publiko sa labas ng Senado at Kongreso. At mula rito ay aalamin ang mga balakid na hinarap ng mga makabayang mambabatas sa kanilang pagtatanggol laban sa mga bagong tagapag-usig sa buhay at mga akda ni Rizal. Sa muling paglilitis na ito kay Rizal, matagumpay bang naibangon ng sambayanan ang kadakilaan ni Rizal at maging ang kanyang mga akda? Ang Muling Pagsigla ng Nasyunalismo at Pagbabanyuhay ng Kaisipang Rizal Ang muling pagsigla ng nasyunalismo at pagbabanyunhay ng bisyon at mithiin ni Rizal ay iniluwal ng pagbabanggaan ng mga magkatunggaling pwersa ng reaksyon sa lipunang Pilipino. Nasa isang panig ang mga pwersang nagtataguyod sa dayuhang interes at anti- demokratikong patakaran ng administrasyon. At nasa kabila naman ang mga pwersa na patuloy na nagtataguyod at nakikipaglaban sa simulain ng nasyunalismo, kasarinlan, at demokrasya na ibinandila ng mga bayani at martir ng sambayanan. Ang taong 1956 ay ang ikatlong taon ng panunungkulan ni Presidente Ramon Magsaysay—ang tinaguriang “tao ng masa” at “tagapagligtas ng demokrasya.” Upang tuparin ang mga programang nakatatak sa kanyang pangalan, isa sa pinagkakaabalahan ni Magsaysay ay ang pagpapatupad ng repormang agraryo—ang “lupa para sa walang lupa.” Ngunit habang nag-aabot siya ng titulo ng lupang “biyaya” sa mga magsasaka, hawak naman niya sa kabilang kamay ang armas na kumikitil sa armadong pag-aalsa sa kanayunan—ang pagpuksa sa kilusang Huk o Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB). Habang sa kalunsuran naman ay nakaumang ang pangil ng Batas Anti-Subersyon (Republic Act 1700) na ang layunin ay likhain ang histerya ng malaganap na kampanyang anti- Komunista at supilin ang demokratikong karapatan ng mamamayan na magtipun-tipon at mamahayag (Constantino at Constantino 1996, 299- 332; Guerrero 1986, 57-60). 152 Bilang masugid na tagasuporta ng patakaran ng imperyalismong Estados Unidos (EU), sa ayuda ng Central Intelligence Agency (CIA), pinalakas at pinahigpit ni Magsaysay ang kontrol ng dayuhan sa patakarang pang-ekonomiya ng bansa. Pinalala ng Bell Trade Act at ng Kasunduang Laurel-Langley ang pagkaalipin ng Pilipinas sa imperyalismong EU sa probisyon nitong magkaroon ng pantay na karapatan (parity rights) ang mga negosyo nito sa bansa. Nakapaloob dito ang walang patumanggang paglimas sa likas na yaman ng bansa, pagluluwas ng mga murang hilaw na materyales, at malayang paglalabas sa bansa ng tubo ng mga dayuhang korporasyon. Sa kabilang banda, naging instrumento din si Magsaysay upang malayang gamitin ng imperyalismong EU ang mga base militar nito sa Pilipinas upang maglunsad ng digmaang agresyon sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Dahil dito lalong tumingkad ang mala-kolonyal na relasyon ng dalawang bansa at napanatili ang malapyudal, atrasado, at agraryong katangian ng Pilipinas (ibid.). Sa Unibersidad ng Pilipinas ay binabatikos naman ng mga makabayan at liberal na estudyante at guro ang panghihimasok ng simbahang Katoliko sa sekular na katangian ng edukasyon sa unibersidad. Sumiklab sa labas ng mga silid-aralan hanggang sa Malakanyang ang protesta laban sa panukalang imposisyon ng kursong “relihiyoso” sa kurikulum ng pangkalahatang edukasyon at ang pagbabawal sa pag-iral ng mga “greek-lettered” na fraterniti/soriti sa kampus (Manila Daily Bulletin 1956a, D26).1 Panahon ito nang papahigpit pang pagsaklot ng mga kuko ng agila, pagbusal sa bibig ng taumbayan, at patuloy na paglukob ng mga naka-abitong awtoridad sa dambana ng malayang kaisipan. Silang patuloy na sumisikil sa pagsambulat ng mga aninong naglalamay sa gabi ng pagbabangon at umaapula sa liyab ng sulo ng katarungan, kalayaan, at kasarinlan. Sa ganitong kalagayan iniluwal ng makabayang Senador Recto ang kanyang krusada upang muling buhayin ang nasyunalismo sa kanyang panawagan sa SB 438: …that there is a need for the nation to rededicate itself to the ideals of freedom and nationalism for which our heroes lived and died remembering with special fondness and devotion to Rizal and his writings, particularly his two important novels 153 which the national character and have become a constant and inspiring source of patriotism for our youth.2 At ang naturang panawagan ay matingkad na ibinandila ng titulo ng SB 438 na “An Act to Make Noli Me Tangere and El Filibusterismo Compulsory Reading Matter In All Public and Private Colleges and Universities and For Other Purposes.” Ang Unang Bugso ng Deliberasyon sa Senado Isinumite ni Sen. Laurel sa Komite ng Edukasyon ng Senado noong 3 Abril 1956 ang SB 438. Isinumite ito ng Komite noong 4 Abril sa Senado at iminumungkahi nito na aprubahan ang buong panukalang batas nang walang pagbabago. Dito nagsimulang ikalendaryo ng Senado ang deliberasyon sa panukalang batas.3 Tila walang kontrobersyang magaganap sa Senado dahil inaprubahan agad ng mayorya ng mga senador ang SB 438 at tatlo lamang ang tumutol dito. Ang mga tumutol ay ito ay sina: Sen. Mariano J. Cuenco, Sen. Francisco Rodrigo, at Sen. Decoroso Rosales.4 Ngunit nang sabihin ni Laurel sa unang bugso ng mga pagdinig noong 16 hanggang 18 Abril na “walang alitang pangrelihiyon na kasangkot” sa kanyang inisponsor na batas, nagsimulang uminit hanggang sa kumulo ang balitaktakan sa Senado. Ito na ang laging laman ng mga ulo ng balita ng mga pahayagan, at niyanig nang higit sa dalawang buwan ang buong bansa dahil sa isang napakakontrobersyal na panukalang batas (Manila Daily Bulletin 1956b; Manila Times 1956a). Sa panig ni Senador Rodrigo, dating opisyal ng Catholic Action of the Philippines at tumatayong tagapagsalita ng simbahang Katoliko sa Senado, sang-ayon siya na itakda ang mga akda ni Rizal “on a required basis but not as compulsory reading matter” (ibid.). Idineklara naman ni Senador Rosales na “subersibo” ang dalawang nobela ni Rizal at ipinahayag niya ang pangambang “…the books of Rizal will yet accomplish what the Hukbalahap failed to do” (Manila Daily Bulletin 1956c). Nagsalita rin sa hearing si Jose Ma. Hernandez, Chancellor ng San Sebastian College at Presidente ng Catholic Action of the Philippines. 154 Binanggit niya na ang SB 438 ay “pedagogically unsound on the ground that the youth enrolled in country’s colleges and universities are immature and incapable of reading Rizal.” Ngunit nang tanungin siya ni Laurel, “[b]ut when do you think the Filipino student will be able to understand Rizal’s writings?”, walang kongkretong kasagutan si Hernandez. Sa halip, kanyang binanggit na isang pananabotahe sa simbahang Katoliko sa Pilipinas ang batas dahil tuwirang inatake ni Rizal ang mga dogma at praktika ng simbahan sa nobelang Noli (Manila Daily Bulletin 1956d). Sinundan ni Fr. Jesus Cavanna, mula sa Order of St. Vicente de Paul at kilalang specialist sa mga akda ni Rizal, ang mga litanya ng pagbatikos ng simbahan partikular sa mga tauhan sa nobela na marahas na bumatikos sa simbahang Katoliko, sa mga prayle at alagad ng simbahan noon—sina Ibarra, Elias, at Pilosopong Tasyo. Ayon sa kanya, “…it would be dangerous to expose young minds to possible perversion against the Catholic church” (ibid.). Sa panig ng mga pro-Rizal, dumalo sa hearing si Judge Guillermo Guevarra at nagbigay ng reaksyon sa pahayag ng mga anti-Rizal na diumano ay isang paglabag sa “academic freedom” ang pagtutol nila sa pagpapasá ng SB 438. Ayon kay Guevarra, “the state has every right to prescribe what should be read in the schools of the country and (that) the bill was not violating any constitutional provision, much less violating academic freedom of colleges and universities” (Manila Daily Bulletin 1956e). Pinaalalahan din ni Guevarra si Cavanna ukol sa pangamba niya sa mga tampok na tauhan ni Rizal sa kanyang mga nobela: “…the Church has nothing to fear, unless of course they are afraid that such practices still exist and that the successors of the prototypes described in Rizal’s novels are still with us.” Nilagom niya ang kanyang tugon sa mga anti-Rizal na ang pagtutol sa SB 438 ay isang “…direct moral support to Spanish prosecutors of the Filipino hero” (Manila Times 1956b). Nagpahayag din ng pagsuporta si Nieves Baens del Rosario ng organisasyong Panitikang Kababaihan at kanyang binanggit na ang “compulsory nature” ng batas ang “the only way to make the youth of today follow the right path.” Hinango naman ng Alagad ni Rizal (Knights 155 of Rizal) ang kanilang pagsuporta sa SB 438 mula sa popular na sawikain ni Manuel Luis Quezon: “My loyalty to my religion ends, where my loyalty to my country begins” (ibid.; Manila Daily Bulletin 1956e). Ang Solidong Oposisyon ng Hirarkiya ng Simbahang Katoliko sa SB 438 Ang unang bugso ng mga debate sa hearing sa Senado ay panimulang ehersisyo pa lamang ng solidong paghahanda ng simbahang Katoliko laban sa SB 438. Dahil dito, muling naging isyung pulitikal at lalong naging popular sa pambansang antas ang buhay at mga akda ni Rizal. Umalingawngaw muli sa kasaysayan ang naunang deklarasyon ng Comision permanente de censura (Board of Censorship noong 1887) na ang Noli ay “heretical, impious, and scandalous in the religious order, and antipatriotic, subversive of the public order, offensive to the government of Spain and to its method of procedure in these islands, in the political order” (Totanes 1987, 19). Upang ikonsolida ang kanilang hanay, nagbuo ng solidong prente ang buong organisasyon ng simbahang Katoliko laban sa SB 438. Ang Catholic Action of the Philippines, Congregation of Missions, Knights of Columbus, Catholic Teachers Guild, Student Catholic Action, at iba pang samahang Katoliko ay nagsama-sama sa pag-lobby sa Senado, paglalabas ng pahayag sa iba’t ibang publikasyon, at pagkakampanya sa pulpito at sa mga kolehiyo at unibersidad upang pigilin ang paglaganap ng opinyong publiko na pabor sa SB 438. Inilabas ng hirarkiya ng simbahang Katoliko noong 21 Abril ang kanilang “pastoral letter” upang pormal na ipahayag ang solidong oposisyon ng simbahang Katoliko. Binasa ito sa mga sermon sa simbahan at inilathala sa mga publikasyong Katoliko. Nailathala ito bilang isang full page ad statement sa Manila Times noong 23 Abril (Manila Times 1956c). Kinuwestiyon ng mga Senador ang “authenticity” ng letter dahil wala itong pirma ng mga Arsobispo ng simbahang Katoliko sa buong Pilipinas. Ngunit sa proseso ng mainitang debate sa Senado inamin ni Archbishop Rufino J. Santos na “official,” “authentic,” at “binding” ang pastoral letter para sa lahat ng Katoliko sa Pilipinas (Manila Daily Bulletin 1956f ). 156 Ang buod ng nilalaman ng pastoral letter laban sa SB 436 ay ang mga sumusunod: Una, ang SB 438 ay lantarang paglabag sa Canon 1399 ng Canon Law na nagsasaad na ipinagbabawal ang “…books of any writers defending heresy or schism, or tending in any way to undermine the very foundation of religion”; At ikalawa, ang pagtutol sa “compulsory nature” ng batas na “…tantamount to forcing our Catholic youth to read doctrinal attacks against their religion.” Idinagdag din ng pastoral letter na wala namang reserbasyon ang simbahang Katoliko kay Rizal bilang pambansang bayani o mismo ang layunin na italaga ang patriotismo sa edukasyon ng mga kabataan. Ngunit ang mahigpit nilang tinututulan ay ang mga anti-Katolikong pahayag na siyang nilalaman ng dalawang nobela ni Rizal. Idinetalye ang mga kwantitatibong ebidensya ng anti-Katolikong atake sa mga nobela ni Rizal sa testimonya ni Father Cavanna sa mga pagdinig sa Senado. Diumano, sa 333 pahina ng Noli, 25 pahina lamang ang naglalaman ng patriotismo habang 120 pahina ang may anti- Katolikong pahayag. Samantalang sa 293 pahina ng Fili, 41 pahina ang nakalaan sa patriotismo habang 80 pahina ang nagsasaad ng anti- Katolikong pahayag (Manila Daily Bulletin 1956g). Ang kampanya ng simbahang Katoliko ay sinundan pa ng anunsyo sa publiko sa Cebu, Iloilo, at Bacolod na magsasara ang 600 paaralan at kolehiyong Katoliko sa sandaling maipasa bilang batas ang SB 438 (Manila Daily Bulletin 1956c). Nagbitaw din ng pahayag si Bishop Manuel Yap ng Bacolod na makatitikim ng “parusa” ang sinumang mambabatas sa Senado at Kongreso na sumang-ayon sa pagpapasa ng panukalang batas. Ang “parusang” ito ay tumutukoy sa pagkakait ng “Catholic vote” sa sunod na halalan (Manila Daily Bulletin 1956b). Naglabas din ng pahayag ng pagtutol sa SB 438 ang Student Catholic Action of the Philippines na kumakatawan sa higit sa 100,000 mag-aaral sa pamamagitan ng presidente nitong si Jose Concepcion Jr. (Manila Times 1956d). 157 Ang Maaksyong Deliberasyon at Komedya sa Kongreso Ipinanukala ni Kong. Jacobo Z. Gonzales noong 19 Abril bilang House Bill 5561 ang ibang bersyon ng panukalang batas sa Kongreso. Ngunit noong 9 Mayo na lamang aktuwal na nagsimula ang deliberasyon ng Kongreso rito. Ito ay dahil sa pinagtangkaan pang bawiin ang rekomendasyon ng Komite sa Edukasyon sa ilalim ni Kong. Carmen Dinglasan-Consing at ni Kong. Miguel Cuenco (kapuwa mga anti-Rizal bill) noong 2 Mayo (Manila Daily Bulletin 1956h). Tila nanganganib nga ang katayuan ng HB 5561 sa Kongreso. Noong 3 Mayo ay muntik nang maibasura ang panukalang batas sa kaunting kalamangan na walong boto. Sumang-ayon ang 45, tumutol ang 37, samantalang isa ang nag-abstain (Manila Daily Bulletin 1956i). Narito ang isang alinlangan ng mga Kongresman kung bakit nanganganib ang HB 5561: “My district is predominantly Catholic. If I vote in favor of the Bill, I may not be elected next year and I want to return to Congress… Between my God and my country, I choose God.” (Manila Daily Bulletin 1956j) Naging maaksyon pa ang deliberasyon sa Kongreso habang nagbabalitaktakan, humantong pa sa suntukan ang debate noong 9 Mayo. Isang anti-Rizal na si Kong. Ramon Durano mula sa Cebu at pro-Rizal na si Kong. Emilio Cortez ng Pampanga ang pumasok sa “ring” upang pisikal na magbakbakan. Bagamat hindi klaro ang punto ng kanilang deliberasyon, mabuti na lamang at inawat ang dalawa na nagbunga sa dalawang oras na pagkaantala sa pagdinig (Manila Daily Bulletin 1956k). Umeksena rin ang mga komedyante habang tinatalakay ang anti-Katolikong nilalaman ng Noli. Nang tanungin ng pro-Rizal bill na si Kong. Mario Bengzon ang anti-Rizal bill na si Kong. Consing kung naniniwala siya sa purgatoryo, narito ang sagot ng huli: “Bengzon would go there (purgatory) when he dies.” Nagtawanan ang ilang mga Konggresman. Sumagot naman si Bengzon: “I would not mind so long as the purgatory was air-conditioned.” At kinalampag ng halakhakan ang buong Kongreso. 158 Ang Opinyong Publiko Sa Labas ng Senado at Kongreso Dahil sa todo-todong kampanyang anti-Rizal bill sa Senado at Kongreso, sa mass media, sa mga kolehiyo at unibersidad, at sa buong relihiyong institusyon, dagdag pa ang mariing banta sa mga politikong pumapanig sa pagpapasa ng panukalang batas, mahihinuha na tila pumapabor ang direksyon ng ihip ng hangin laban sa SB 438. Ang pesimistikong pangamba sa pagsusulong ng krusadang Rizal ay malungkot na ipinahayag ng isang opisyal ng gobyerno sa Manila na tila nagaganap ang “muling pagpaslang kay Rizal” (Manila Daily Bulletin 1956l). Ngunit sa labas ng dalawang kapulungan at sa mga sulok ng simbahan, dumadaluyong ang malaking alon ng mga tagasuporta sa panukalang batas nina Recto at Laurel. Sa hanay ng mga kilalang historikal na personalidad, buong- tatag na pagsang-ayon sa SB 438 ang ipinahayag ng tatlong nabubuhay pang mga heneral ng himagsikan. Ito ay sina Hen. Emilio Aguinaldo sa Cavite, Hen. Servillano Aquino ng Tarlac, at Hen. Mamerto Natividad ng Nueva Ecija. Ang Kamaynilaan ay maingay na sumuporta sa SB 438 dahil kay Mayor Arsenio Lacson na bukod sa kanyang programa sa radyo ay dumayo pa sa Iloilo, Bacolod, at Cebu upang ikampanya ang pagsasabatas ng panukala nina Recto at Laurel. Bukod kay Lacson, ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Bulacan, Tarlac, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, at Nueva Vizcaya ay sumang-ayon din sa SB 438. Ang Philippine Public School Teachers Association, 100 kaguruan sa Unibersidad ng Pilipinas, 400 gurong mula sa Iloilo Normal School, ang Student Council Association of the Philippines, at ang College Editors Guild ay nagpahayag din ng mainit na pagsuporta sa SB 438. Nagpahayag din ng suporta ang iba pang mga relihiyosong samahan: Sovereign Grand Lodge of the Philippine Archipelago (Mason), Philippine Independent Church, Philippine Federation of Christian Churches, Methodist Youth Fellowship, Women Society of Christian Service sa Bulacan, Bathalismo sa Nueva Ecija, at Watawat ng Lahi. Maging ang mga Muslim sa Mindanao, sa pamamagitan ng Sulu Fraternity at Islamic Congress, ay botong-boto sa SB 438. 5 159 Sa kabilang banda, mahalagang bigyang-pansin ang paglahok ng Iglesia ni Kristo (INK) sa ilalim ng pamumuno ni Erano Manalo sa pagsusulong ng adhikaing Rizal bago pa man ipanukala ang SB 438. Sa mga artikulo sa publikasyong Pasugo mula 1953-1955, inilathala ng INK ang serye ng mga pagsasalin sa wikang Tagalog ng talambuhay ni Rizal na isinulat ni Rafael Palma (The Pride of the Malay Race) na nauna nang ipinagbawal gamitin ng mga Katoliko sa kanilang mga paaralan. Laman din nito ang mga datos upang pasinungalingan ang retraksyon ni Rizal sa kanyang mga sinulat at pagbabalik-loob niya sa simbahang Katoliko; gayundin, ang muling pagsariwa sa mga anti-Katolikong pahayag ni Rizal sa kanyang nobelang Noli at sa “Liham sa mga Kababaihan ng Malolos.”6 Kasabay ng pakikialam ng isang paring Katoliko sa usaping akademiko sa Unibersidad ng Pilipinas, nagpahayag din ng mariing pagtutol ang INK sa paggigiit ng simbahang Katoliko na isama bilang batayang kurso ang relihiyon sa akademikong kurikulum ng pampublikong paaralan (Sandoval 1955). Sa tingin ng INK, ang napipintong kampanya ng simbahang Katoliko na sapilitang igiit ang kursong relihiyon sa edukasyon ay tugon upang lutasin ang “pagguho ng Batikano sa Pilipinas” dahil sa naobserbahang pagliit ng bilang ng populasyon ng mga Romano Katoliko sa bansa.7 Ito ang mga sirkumstansyang nagtulak kaya’t lalong naging kontrobersyal at lamnin halos araw-araw ng mga balita sa pahayagan ang isyu ukol kay Rizal. Kaya tila libreng pagpapatalastas ng Senado at Kongreso sa publiko ang nangyari sa mga nobela ni Rizal. Inilarawan nga ng mga pahayagan na “selling like hotcakes” at dapat tanghaling “bestseller” ang Noli at Fili sa mga bookstore sa Manila sa noong 1956 (Philippines Free Press 1956). Kompromiso sa Bingit ng Kabiguan at Opensiba Tungo sa Tagumpay Dahil sa pabagu-bagong timbangan ng lakas sa pagitan ng mga sang-ayon at di-sang-ayon sa SB 438, naghain ng kompromiso ang simbahan upang pahupain ang mga alitan. Sa kabilang banda, ipinagpatuloy nina Recto at Laurel ang opensiba upang ganap na mapagwagi ang kanilang nasyunalistang krusada sa Senado. 160 Iniulat noong 19 Abril na kung maaari’y maglakip ng mga talababa (footnotes) sa di-kinaltasang (“unexpurgated”) bersyon ng Noli at Fili ang mga paaralan na nasa pamamahala ng simbahang Katoliko. Pumayag naman si Laurel sa kompromisong ito (Manila Times 1956e). Ngunit simula lamang ito ng pagsasamantala sa ipinakitang siwang ng kaluwagan ng Senado. Kasunod na hiniling ni Rodrigo ang “sekretong pulong” sa pagitan ng Senado at simbahang Katoliko sa ngalan ng kahinahunan at kapayapaan. Ngunit kakaiba na ang naramdaman ni Recto rito. Agad niyang tinutulan ang “sekretong pulong” at binanggit niyang dapat isapubliko ang anumang deliberasyong ukol sa panukalang batas (Manila Daily Bulletin 1956m). Sinundan pa ito ng matinding opensiba ni Recto sa “pastoral letter” na inilabas noong 21 Abril. Puro papuri diumano sa pambansang bayani ngunit puro batikos naman sa nilalaman ng kanyang mga akda. Nanindigan si Recto, na kapag iwinaksi ang mga nobela ni Rizal, para mo na ring binura sa isipan ng kabataan ang alaala ni Rizal (Manila Daily Bulletin 1956n). Muling tinuligsa ni Recto ang bantang “parusang pulitikal” na binitawan ni Bishop Yap sa Bacolod laban sa mga pro-Rizal bill. Tinagurian niya si Yap bilang isang “modern day Torquemada” at ang bantang pagkakait ng botong Katoliko sa mga senador at kongresman na pro-Rizal bill ay isang malinaw na ebidensya ng interbensyon ng simbahan sa mga usaping saklaw ng estado. Matwid niyang ipinahayag na kanyang ipaglalaban ang pagwawagi ng kanyang panukalang batas hanggang sa wakas (Manila Daily Bulletin 1956o).8 Samantala, tila lumambot din ang solidong bloke ng pro-Rizal bill sa Senado. Noong 3 Mayo, naghain ng amyenda sa SB 438 ang apat na Senador sa pangunguna ni Sen. Emmanuel Pelaez. Taglay ang sentimiyento ng simbahang Katoliko, iminungkahi nila na ang mga akda ni Rizal “should be made available in libraries of school and not prescribed as compulsory reading.” Gayundin, na ibilang ang mga akda ni Rizal sa “anthology of the best writings of the nation’s heroes for reading and study in school.” Karugtong ng amyendang ito ang pagtatakda sa Noli at Fili bilang “supplementary reading matter” sa kolehiyo sa halip na gawing “compulsory” (Manila Daily Bulletin 1956g). 161 Ngunit noong 9 Mayo ay nagmungkahi din si Laurel ng amyenda na mas mahigpit pa sa probisyong “compulsory” ng orihinal na panukalang batas: Gamitin ang “unexpurgated versions or English translation” (di- kinaltasang bersyon) ng mga nobela ni Rizal bilang “basic text” sa kolehiyo. Ngunit agad naman itong tinutulan nina Rodrigo at Rosales. Sa halip ipinanukala nila na gamitin ang “expurgated” o ang kinaltasang edisyon ng mga nobela ni Rizal. At bilang tugon, tinutulan din ito nina Recto at Laurel dahil sa isa itong “pagbabaluktot sa mga historikal na katotohanan” (Manila Daily Bulletin 1956p). Sa kabila ng patuloy na paggigiit at pagmamatigas sa kung ano ang magiging katanggap-tanggap sa dalawang panig, inaprubahan ng Senado (23 ang sumang-ayon,1 ang absent) ang panukalang batas noong 17 Mayo (Laurel 1960, 138) taglay ang mga sumusunod na amyenda: 1. Hindi itutulak ng naaprubahang batas ang “compulsory reading” ng mga nobela ni Rizal; 2. Hindi karaka-rakang isasama sa kurikulum ng lahat ng paaralan, kolehiyo at unibersidad (pribado at publiko) ang mga “kurso ukol sa buhay at mga akda ni Jose Rizal” partikular ang kanyang dalawang nobelang pulitikal na ayon sa hirarkiyang Katoliko ay mapanganib sa kanilang paniniwala; 3. Ang di-kinaltasang bersyon (unexpurgated version) ng dalawang nobela sa orihinal na Espanyol o salin sa Ingles ay gagamitin lamang bilang “batayang teksto” sa mga kolehiyo at unibersidad; 4. Maaaring di-gamitin (exempted) ng mga estudyanteng Katoliko ang di-kinaltasang bersyon ng mga nobela ni Rizal sa pamamagitan ng pagbigay sa mga awtoridad ng paaralan ng nakasulat na sinumpaang salaysay na nagsasaad na ito’y labag sa kanilang paniniwala. Gayunpaman, kailangan nilang kunin ang itinakdang kurso ukol sa buhay at mga akda ni Jose Rizal. (Manila Daily Bulletin 1956p)9 Taglay din ang mga amyendang tinalakay sa Senado, ipinasa ng Kongreso ang HB 5561 noong 17 Mayo—71 ang sang-ayon, 6 ang 162 tumutol, 2 ang abstain, at 17 ang absent (Laurel 1960, 138). At noong 12 Hunyo, opisyal na nilagdaan ni Presidente Magsaysay ang Batas Rizal sa pamamagitan ng Batas Republika 1425 (Manila Daily Bulletin 1956q). Ang Tagumpay ni Rizal, Tagumpay ng Nasyunalismo Kung sa unang paglilitis ay nagawa ng kolonyalismong Espanyol na gapiin si Rizal, matapos ang “ikalawang paglilitis” matagumpay na naibangon ang dangal at alaala ng ating pambansang bayani. Sa orihinal na panukalang inihain ni Recto at Laurel noong 3 Abril 1956, ang SB 438, at ni Gonzales noong 19 Abril, ang HB No. 5561 (“An Act to Make Noli Me Tangere and El Filibusterismo Compulsory Reading Matter In All Public and Private Colleges and Universities and For Other Purposes”), naamyendahan ito sa titulong An Act to Include in the Curricula of All Public and Private Schools, Colleges and Universities Courses on the Life, Works, and Writings of Jose Rizal, Particularly his Novel Noli Me Tangere and El Filibusterismo, Authorizing the Printing and Distribution Thereof, and for Other Purposes Sa kabuuan, ang tunay na nagtagumpay sa pagpapasá ng Batas Rizal (RA 1425) ay ang diwa ng nasyunalismo na nakakintal sa imortalidad ng buhay at mga akda ni Rizal. Isang dakilang pagsisikap na nagdulot at magdudulot pa nang malaking epekto sa kaisipang pulitikal, sosyal, at kultural sa henerasyon ng mga kabataan noon at maging sa kasalukuyan. Isang pagpapatunay na hindi nalugmok sa libingan ang hangarin ni Rizal at ng mga martir ng sambayanan na nakibaka para isang malaya at demokratikong Pilipinas. Tagumpay ito ni Jose Rizal! Tagumpay ito ng mga bayani at martir ng sambayanan! Tagumpay ito ng sambayanang Pilipino! 163 Mga Tala (Endnotes) 1 Mahalagang basahin din ang artikulong Evangelista 1999. 2 Ito ang pambungad na pahayag sa orihinal na bersyon ng SB 438 na kronolohikal na inilahad sa Laurel 1960. 3 Sa kabuuang istorya ukol sa pagpapasa ng batas sinangguni dito ang History of Bills and Resolutions - 1954-1957 ng Senate of the Philippines, 267. 4 Si Sen. Cuenco ay kapatid ni Archbishop Jose Maria Cuenco ng Iloilo at si Sen. Rosales ay kapatid ni Archbishop Julio Rosales ng Samar. 5 Ang listahan ng mga indibidwal at samahang sumusuporta sa SB 438 ay hango sa mga balita ng Manila Daily Bulletin mula 23 Abril 23 hanggang 5 Mayo 1956. 6 Sangguniin ang serye ng artikulong “Rizal versus Iglesia Katolika,” Pasugo, Enero-Hunyo, 1953; “Ang Retraksyon ay Pag-upasala sa Isang Patay na Wala Nang Magagawa” at “Isang Paglibak sa Lahing Pilipio ang Pamamalakad ng Iglesia Katolika na si Dr. Rizal ay Nagretraksyon,” Pasugo, Disyembre 1953. Gayundin ang “Ang mga Payo ni Rizal sa Kanyang mga Kababayan,” Pasugo, Hunyo 1954 at “Nahahalata rin ang mga Kaaway ni Rizal Kahit Magbabalatkayo,” Pasugo, Disyembre 1954. 7 Ayon kay de la Costa: “While the Philippines is still a predominantly Catholic country, the proportion of Catholics to the total population has dropped from 91% to 81.8% in 1953.” Basahin din ukol dito ang mga artikulong “Gumuguho na ang Batikano sa Pilipinas,” Pasugo, Marso 1953; “Panghihimasok ng Relihiyon,” Pasugo, Enero 1955; “A Threat to Democracy,” Pasugo, Marso 1955; at, “On Religious Instruction,” Pasugo, Hulyo 1955. 164 8 Si Torquemada ay pinuno ng Inquisition sa Espanya na nag-utos na patayin ang libu-libong tao na pinaghihinalaang mga heretiko. 9 Ang mga amyendang ito ang napagkaisahan sa second reading ng Senado noong 12 Mayo 1956. 165 Sanggunian Constantino, Renato at Constantino, Letizia R. 1996. Ang bagong lumipas II 1940-1965, salin ni Ariel Borlongan. Quezon City: University of the Philippines Press. De la Costa, Horacio, S.J. 1953. The catholic church in 1953. Sunday Times Magazine, 15 February. Evangelista, Oscar L. 1999. Some historical notes on Father John P. Delaney, S.J. and his student welfare ideas. Professorial Chair Paper, College of Social Sciences and Philosphy Publications, Unibersidad ng Pilipinas. Guerrero, Amado. 1986. Lipunan at rebolusyong Pilipino, Ika-apat na Edisyon. Laurel, J.B. Jr. 1960. The trials of the Rizal bill. Historical Bulletin IV(2): 130-139. Manila Daily Bulletin. 1956a. Religious issue splits U.P. campus, 9 April: D26. —. 1956b. Senate opens discussion on Rizal’s novels. 16 April 16: 1, 21. —. 1956c. Rosales warns 600 schools may close. 28 April: 1, 19. —. 1956d. Church opens drive to stop Rizal’s novels. 20 April: 1, 19. —. 1956e. Witnesses defends Rizal’s works in heated hearings. 21 April: 1, 15. —. 1956f. Congress warned by bishop on Rizal bill. 7 May: 1. —. 1956g. Recto bill faces defeat as foes line up ‘solid front’. 3 May: 1, 19. 166 —. 1956h. Press efforts to stop Rizal bill. 2 May: 1. —. 1956i. House shelves attempt to kill measure. 4 May: 1. —. 1956j. Recto bill on Rizal faces defeat. 3 May: 13. —. 1956k. Cortez, Durano exchange blows as debate opens. 10 May: 1. —. 1956l. Lacson, catholics clashed over Rizal. 1 May: 18. —. 1956m. Urge secret senate-church negotiation. 24 April: 1, 19. —. 1956n. Impugn church aim in attacking Rizal. 28 April: 1. —. 1956o. Senator flay Bacolod bishop for meddling. 8 May: 1, 19. —. 1956p. Rizal bill sponsors reject compromise, set showdown today. 12 May: 1, 21. —. 1956q. Magsaysay signs Rizal bill into law. 13 June: 1, 9. Manila Times. 1956a. Rizal opposition on senate folds. 18 April: 1, 8. —. 1956b. Clash rages on Rizal bill. 21 April: 1, 8. —. 1956c. Statement of the Philippine hierarchy on the novels of Dr. Jose Rizal ‘noli me tangere’ and ‘el filibusterismo. 23 April: 9. —. 1956d. Statement, Student Catholic Action of the Philippines. 2 May: 2. —. 1956e. Laurel yields on footnotes. 19 April: 1. Peralejo, Cezar C., tagasalin. 1999. Ang paglilitis kay Rizal. Quezon City: UP Sentro ng Wikang Filipino. 1999. Philippines Free Press. 1956. Editorial. Best sellers. 12 May: 1. 167 Sandoval, Cipriano. 1955. A meddling priest. Pasugo, Abril. Senate of the Philippines. History of bills and resolutions - 1954-1957. Totanes, Stephen Henry S. 1987. The historical impact of the noli me tangere and the el filibusterismo. Nasa The noli me tangere, a century after: An interdisciplinary perspective Budhi Papers No. 7, ed. Soledad Reyes. Quezon City: Phoenix Publishing House. 168