Araling Panlipunan 10 - Globalisasyon PDF

Summary

This document provides an overview of globalization, outlining its historical context, different perspectives, and various forms. It touches upon economic globalization, highlighting transnational and multinational companies, and the concept of outsourcing. The document also explores cultural and technological aspects of this phenomenon. It discusses the role of Overseas Filipino Workers (OFWs) within the context of globalization.

Full Transcript

## ARALING PANLIPUNAN 10 ## IKALAWANG MARKAHAN ### MELC 1: Nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng globalisasyon ### Aralin 1: GLOBALISASYON: Dahilan, Konsepto, Perspektibo ng Globalisasyon GLOBALISASYON - ito ay proseso ng mabilisang pagdaloy o paggalaw ng mga tao, bagay, impormasyon at prod...

## ARALING PANLIPUNAN 10 ## IKALAWANG MARKAHAN ### MELC 1: Nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng globalisasyon ### Aralin 1: GLOBALISASYON: Dahilan, Konsepto, Perspektibo ng Globalisasyon GLOBALISASYON - ito ay proseso ng mabilisang pagdaloy o paggalaw ng mga tao, bagay, impormasyon at produkto sa iba't ibang direksiyon na nararanasan sa iba't ibang panig ng daigdig(Ritzer, 2011). - Itinuturing din ito bilang proseso ng interaksyon at integrasyon sa pagitan ng mga tao, kompanya, bansa o maging ng mga samahang pandaigdig na pinabibilis ng kalakalang panlabas at pamumuhunan sa tulong ng teknolohiya at impormasyon. ### Bakit maituturing itong isang isyu? Maituturing na panlipunang isyu ang globalisasyon sapagkat tuwiran nitong binago, binabago at hinahamon ang pamumuhay. ### Limang Perspektibo o Pananaw Tungkol sa Kasaysayan at Simula ng Globalisasyon 1. Ang paniniwalang ang globalisasyon ay taal o nakaugat sa bawat isa. 2. Nagsasabi na ang globalisasyon ay isang mahabang siklo (cycle) ng pagbabago. 3. Naniniwalang may anim na 'wave' o epoch o panahon na siyang binigyang diin ni Therborn (2005). | Panahon | Katangian | |:---|:---| | Ika-4 hanggang ika-5 siglo (4th-5th Century) | Globalisasyon ng Relihiyon (Pagkalat ng Islam at Kristiyanismo) | | Huling bahagi ng ika-15 siglo (late 15th century) | Pananakop ng mga Europeo | | Huling bahagi ng ika-18 siglo hanggang unang bahagi ng ika-19 na siglo (late 18th-early 19th century) | Digmaan sa pagitan ng mga bansa sa Europa na nagbigay-daan sa globalisasyon | | Gitnang bahagi ng ika-19 na siglo hanggang 1918 | Rurok ng Imperyalismong Kanluranin | | Post-World War II | Pagkakahati ng daigdig sa dalawang puwersang ideolohikal partikular ang komunismo at kapitalismo. | | Post-Cold War | Pananaig ng kapitalismo bilang sistemang pang-ekonomiya. Nagbigay-daan sa mabilis na pagdaloy ng mga produkto, serbisyo, ideya, teknolohiya at iba pa sa pangunguna ng United States. | 4. Ang simula ng globalisasyon ay mauugat sa tiyak na pangyayaring naganap sa kasaysayan. Ilan dito ang sumusunod: a. Pananakop ng mga Romano bago pa man maipanganak si Kristo. b. Pag-usbong at paglaganap ng Kristiyanismo matapos ang pagbagsak ng Imperyong Romano c. Paglaganap ng Islam noong ikapitong siglo. d. Paglalakbay ng mga Vikings mula Europe patungong Iceland, Greenland at Hilagang America. e. Kalakalan sa Mediterranean noong Gitnang Panahon. f. Pagsisimula ng pagbabangko sa mga siyudad-estado sa Italya noong ika-12 siglo. 5. Ang globalisasyon ay penomenang nagsimula sa kalagitnaan ng ika-20 siglo. Tatlo sa mga pagbabagong naganap sa panahong ito na sinasabing may tuwirang kaugnayan sa pag-usbong ng globalisasyon: a. Pag-usbong ng Estados Unidos bilang global power matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. b. Paglitaw ng mga multinational at transnational corporations (MNCs and TNCs) c. Pagbagsak ng Soviet Union at ang pagtatapos ng Cold War ## Tatlong Anyo ng Globalisasyon ### 1. Globalisasyong Ekonomiko Sentro sa isyung globalisasyon ang ekonomiya na umiinog sa kalakalan ng mga produkto at serbisyo. a. **Transnational Companies** - Tumutukoy sa mga kompanya o negosyong nagtatatag ng pasilidad sa ibang bansa. Ang kanilang serbisyong ipinagbibili ay batay sa pangangailangang lokal. b. **Multinational Companies** - Ang pangkalahatang katawagan na tumutukoy sa mga namumuhunang kompanya sa ibang bansa ngunit ang mga produkto o serbisyong ipinagbibili ay hindi nakabatay sa pangangailangang lokal ng pamilihan. **Outsourcing** - Tumutukoy ito sa pagkuha ng isang kompanya ng serbisyo mula sa isang kompanya na may kaukulang bayad. Pangunahing layunin nito na mapagaan ang gawain ng isang kompanya upang mapagtuunan nila ng pansin ang sa palagay nila ay higit na mahalaga. **Uri ng outsourcing batay sa uri ng ibinibigay na serbisyo** * **Business Process Outsourcing** - tumutugon sa prosesong pangnegosyo ng isang kompanya. * **Knowledge Process Outsourcing** - nakatuon sa mga gawaing nangangailangan ng mataas na antas ng kaalamang teknikal tulad ng pananaliksik, pagsusuri ng impormasyon at serbisyong legal. **Uri ng serbisyo batay sa layo o distansya na pagmumulan ng kompanyang siyang magbibigay ng serbisyo o produkto:** a. **Offshoring** - pagkuha ng serbisyo ng isang kompanya mula sa ibang bansa na naniningil ng mas mababang bayad. b. **Nearshoring** - pagkuha ng serbisyo mula sa kompanya sa kalapit na bansa. c. **Onshoring o Domestic outsourcing** - pagkuha ng serbisyo sa isang kompanya mula din sa loob ng bansa na magbubunga ng higit na mababang gastusin sa operasyon. ### OFW bilang Manipestasyon ng Globalisasyon Kung mayroon man isang buhay na manipestasyon ng globalisasyon sa ating bansa, ito ay ang mga manggagawang Pilipino na nangingibang-bayan upang magtrabaho o maghanapbuhay. ### 2. Globalisasyong Teknolohikal at Sosyo-Kultural - Mabilis na tinangkilik ng mga mamamayan sa developing countries ang pagggamit ng cellular phones o mobile phone na nagsimula sa mauunlad na bansa. Partikular dito ang mga bansang tulad ng Pilipinas, Bangladesh at India. - Sa kasalukuyan, dama rin sa Pilipinas ang impluwensyang kultural ng mga sikat na pelikula, Korean novela, K-pop culture, at mga kauri nito. ### 3. Globalisasyong Politikal Mabilisang ugnayan sa pagitan ng mga bansa, samahang rehiyunal gaya ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nation) at maging ng pandaigdigang organisasyon na kinakatawan ng kani-kanilang pamahalaan. ## Ilang solusyon sa pagharap ng hamon ng globalisasyon: a. **Guarded Globalization** Pakikialam ng pamahalaan sa kalakalang panlabas na naglalayong hikayatin ang mga lokal na namumuhunan at pangalagaan ang mga ito upang makasabay sa kompetisyon laban sa malalaking dayuhang mamumuhunan. b. **Patas o Pantay na Kalakalan (Fair Trade)** Tumutukoy sa pangangalaga sa panlipunan, pang-ekonomiko at pampolitikal na kalagayan ng maliit na namumuhunan. c. **Pagtulong sa Botton Billion** - Binigyang diin ni Paul Collier (2007) na kung mayroon mang dapat bigyang-pansin sa suliraning pang-ekonomiyang kinakaharap ang daigdig, ito ay ang isang bilyong pinakamahihirap mula sa mga bangsa sa Asya lalo't higit sa Africa. ## IKALAWANG MARKAHAN ## MODYUL 2: MGA ISYU SA PAGGAWA ### Ang Globalisasyon at ang mga Isyu sa Paggawa ### KALAGAYAN NG PAGGAWA SA BANSA Ang mga sumusunod ay mga suliranin na kinakaharap ng mga manggagawang Pilipino sa kasalukuyan: - mababang pasahod, - kawalan ng seguridad sa kompanyang pinapasukan, - job- mismatch/job skills mismatch, - kontraktuwalisasyon, - mura at flexible labor, at - mahirap na kalagayan ng mga manggagawa sa panahon ng pandemya (COVID-19) ### WTO (World Trade Organization) - isang pandaigdigang organisasyon sa pakikipagkalakalan ay nagtakda ng mga pamantayang global sa iba't ibang kasanayan at kakayahan sa paggawa. ### KAKAYAHANG MAKAANGKOP SA PANDAIGDIGANG PAMANTAYAN SA PAGGAWA Sa pagpapatupad ng bagong kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon noong 2012, ang mga kasanayang lilinangin sa mga mag-aaral upang maging globally competitive ay gaya ng mga sumusunod: 1. Media at Technology Skills 2. Learning and Innovation Skills 3. Communication Skills 4. Life and Career Skills Hindi na bagong bagay na kadalasang naririnig natin na karamihan sa mga bagong tapos ng kolehiyo ay sa mga Business Process Outsourcing (BPO) ang bagsak bilang mga call center agents. Ito ay sa dahilang maraming nangangailangan ng mga call center agents, may magaganda itong benepisyo at mataas ang sahod. Ang BPO o Busines Process Outsourcing ay ang sistema kung saan kumukuha ng serbisyo ang pribadong kompanya na ang tanggapan ay nasa ibang bansa. Ang mga call center agents ang tumutugon sa ilang aspeto ng operasyon ng mga kumpanyang nakabase sa ibang bansa. ### Ang Department of Labor and Employment (DOLE) na may layuning maiangat pa ang antas ng kalagayan ng mga manggagawa para sa pantay na oportunidad ng mga Pilipino anuman ang kasarian ay nagbahagi ng apat na haligi para sa isang disente at marangal na paggawa (DOLE 2016). Ito ay ang mga sumusunod: 1. Employment Pillar - Tiyakin ang paglikha ng mga sustenableng trabaho, malaya at pantay na oportunidad sa paggawa, at maayos na workplace para sa mga manggagawa 2. Worker's Right Pillar - Naglalayong palakasin at siguruhin ang paglikha ng mga batas para sa paggawa at matapat na pagpapatupad ng mga karapatan ng mga manggagawa 3. Social Protection Pillar - Hikayatin ang mga kompanya, pamahalaan at mga sangkot sa paggawa na lumikha ng mga mekanismo para sa proteksyon ng manggagawa, katanggap tanggap na pasahod at oportunidad 4. Social Dialogue Pillar Palakasin ang laging bukas na pagpupulong sa pagitan ng pamahalaan at mga manggagawa ### KALAGAYAN NG MGA MANGGAGAWA SA IBA'T IBANG SEKTOR Malaki ang ginampanang papel ng globalisasyon sa kasalukuyang kalagayan ng mga manggagawa. Habang ang sektor ng serbisyo ay lumalaki, lumiliit naman ang sektor ng industriya at agrikultura (PSA 2016). Sa lokal na merkado, mapapansin ang mas mababang presyo ng mga dayuhang kalakal kumpara sa mga produktong lokal dahil sa mas mababang gastusin sa produksyon ng mga dayuhang produkto. ### A SEKTOR NG AGRIKULTURA Ang pagbalanse sa pag-aangkat at pagluluwas ng mga produkto ang isa sa mga hamon ng globalisasyon. Malaki ang naging epekto ng pagdagsa ng mga dayuhang produkto sa mga lokal na magsasaka dahil sa mas mababa nitong presyo dulot ng mga insentibong ibinigay ng pamahalaan sa mga dayuhang kompanya. Naging isang malaking suliranin ito sa mga produktong agrikultural ng bansa dahil sa pagdami nito sa ating merkado. Ngunit may mga lokal na produkto naman na itinatanim sa ating bansa pero ito ay nakalaan lamang sa pagluluwas sa ibang bansa tulad ng saging, mangga, pinya, guyabano at Iba pa. Mga suliraning kinakaharap ng mga lokal na magsasaka: a. kakulangan sa patubig b. suporta ng pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa panahon ng sakuna (bagyo, tagtuyot, pandemya) c. pagsasalin ng mga lupang sakahan (land conversion) upang gawing sutxdibisyon, malls, pabrika at iba pa na nagdulot ng: 1. pagliit ng lupaing agrikultural 2. pagkawasak ng kabundukan at kagubatan 3. pagkasira ng biodiversity 4. pagkawala ng hanapbuhay sa mga pook rural ### B SEKTOR NG INDUSTRIYA Ang pagpasok ng mga dayuhang kumpanya at ng TNCs ay nakaapekto sa sektor ng industriya. Bahagi ito ng naging kasunduan sa pagitan ng International Monetary Fund - World Bank (IMF-WB) na isang pandaigdigang institusyong pinansyal at ng Pilipinas kung saan naging kapalit ng kanilang pagpapautang sa bansa ay ang pagbubukas ng ating pamilihan sa mga dayuhang kumpanya. Ipinatupad ang import liberalizations o pagluluwag sa pagpasok ng mga kalakal mula sa ibang bansa, mga tax incentives sa mga TNCs, deregularisasyon sa patakaran ng pamahalaan at pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo. Ang mga halimbawa ng mga industriyang ito na karamihan ay pagmamay-ari ng mga dayuhan kung saan ang pamantayang kasanayan at kakayahan, pagpili at pagtanggap at pasahod ay naayon sa kanilang mga pamantayan at patakaran ay ang mga: industriya ng konstruksyon, telekomunikasyon, beverages, minahan, at enerhiya. Kaalinsabay nito ang pagkakaroon ng pag-abuso sa karapatan ng mga manggagawa tulad ng: a. mahabang oras ng pagpasok sa trabaho, b. mababang pasahod, c. hindi pantay na oportunidad sa pagpili ng mga empleyado, at d. kawalan ng sapat na seguridad kung may maaksidente o masawi ### C SEKTOR NG SERBISYO Mahalaga ang sektor ng serbisyo sa daloy ng kalakalan dahil ito ang tumitiyak na makararating sa mga mamimili ang mga produkto. Saklaw ng sektor ng serbisyo ay ang subsektor ng pananalapi, komersyo, seguro (insurance), kalakalang pakyawan at pagtitingi, transportasyon, pag-iimbak, komunikasyon, libangan, medikal, turismo, BPO, at edukasyon. Noong 2016, tinataya na mahigit 56.3 bahagdan ng mga manggagawa ay kabilang sa sektor ng serbisyo (NEDA, 2016). Ang patuloy na pagpasok ng mga dayuhang kompanya sa bansa (APEC 2016) ay nangangailangan ng higit na prayoridad mula sa pamahalaan kung paano matutugunan ang kapakanan ng mga manggagawa sa sektor ng serbisyo upang makatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa. Maliban sa mababang pasahod sa mga manggagawang Pilipino, sila ay nakararanas din ng iba't ibang suliranin tulad ng: a. over-worked b. mga sakit na nakukuha ng mga nasa BPO dahil sa hindi normal na oras ng pagtatrabaho c. patuloy na pagbaba ng bilang ng mga Small Medium Enterprises (SMEs) dahil sa pagpasok ng mga supermalls ## MGA SULIRANIN SA PAGGAWA SA BANSA ### A. ISKEMANG SUBCONTRACTING Lumaganap ang pagkakaroon ng subkontrakting dahil sa mabilis na pagdating ng mga dayuhang namumuhunan sa bansa bunsod ng globalisasyon. May mga maririnig tayo sa mga manggagawang Pilipino na sila ay "endo" na o end of contract na. Ang subcontracting ay ang tawag sa sistema na kung saan ang isang kumpanya ay kumukuha ng empleyado o ahensya sa labas ng kumpanya upang tapusin o tumulong sa isang proyekto na kadalasan ay may hanggang anim na buwan lamang ang termino ng pagtatrabaho. Ito ay may dalawang anyo: 1. **Labor Only Contracting** - kung saan ang mga manggagawa ng subkontraktor ay mayroong sapat na kaalaman o kasanayan sa gawain ng kumpanya pero walang sapat na kapital para sa trabaho o serbisyo ang subkontraktor, 2. **Job Contracting** - kung saan ang isang kumpanya ay kumukuha ng subkontraktor na may sapat na puhunan upang gawin ang trabaho o serbisyo para sa kanila (hindi ito pinahihintulutan ng batas dahil sa epekto nito sa seguridad ng mga manggagawa). ### B. UNEMPLOYMENT AT UNDEREMPLOYMENT Ang pagpapatupad ng pandaigdigang pamantayan sa paggawa ay bunsod ng mataas na demand sa manggagawa dulot ng globalisasyon. Sa huling ulat, tinataya ng DOLE na mayroong humigit kumulang na 7.3 milyon ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ng COVID 19 (Manila Bulletin, June 05, 2020). Nangangahulugan ito ng 17.7% na antas ng unemployment na maaari pang madagdagan dahil sa pagsasara ng ibang mga negosyo dahil sa pagpapatupad ng tinatawag na new normal at social distancing. Nagkakaroon ng job mismatch dahil hindi nakasasabay ang bilang ng mga nakatapos ng kolehiyo sa demand ng kasanayan at kakayahan na hinahanap ng mga kumpanya bilang entry requirement. Nangangahulugan ito na ang mga Higher Education Institutions (HEIs) at mga kolehiyo ay hindi nakatutugon sa pangangailangan ng mga pribadong kompanya sa itinakda nilang pamantayan sa pagpili ng empleyado at manggagawa. Sa ngayon marami ang pumapasok sa tinatawag na online selling kung saan sila ay maaaring bahagi ng tinatawag na self-employed without any paid employees. Ang mga ambulant at sidewalk vendors na nagbebenta ng iba't ibang produkto tulad ng kendi, street foods, prutas at iba pa ay mga mala-mangagawa sa mga trabahong masasabing "para-paraan". Tumutukoy ang underemployment sa manggagawa na ang hanapbuhay ay hindi angkop sa kaniyang natapos na pinag-aralan o kakayahan at kasanayan. Subalit tinanggap nya ang trabahong ito dahil wala na siyang ibang mapapasukan. Ang mga underemployed ay nangangailangan ng dagdag na hanapbuhay o bagong trabaho na may mas mahabang oras sa pagtatrabaho o karagdagang oras sa pagtatrabaho. Mas laganap ito sa mahihirap na rehiyon na ang pangunahing hanapbuhay ay nasa sektor ng agrikultura. ### C. MURA AT FLEXIBLE LABOR Ang "mura at flexible labor" ay isa mga paraan ng mga kapitalista upang palakihin ang kanilang kita at tubo sa pamamagitan ng mababang pasahod at paglimita sa panahon ng paggawa ng mga manggagawa. Isa ito sa paraan upang ang mga negosyante ay makaiwas sa labis na produksyon at kapital sa buong mundo. Maraming mga batas ang pinagtibay na pinagmulan ng flexible labor kung saan sa pamamagitan ng probisyon ng mga batas na ito ay madaling naipataw ng mga kapitalista ang mura at flexible labor o kontraktuwalisasyon. Ang Omnibus Investment Act of 1987 at Foreign Investment Act of 1991 ay ilan lamang sa mga batas na nagbigay pahintulot sa mga namumuhunan ng paglipat lipat ng produkyson sa ibang sangay ng kompanya kung mayroong labor dispute na kinahaharap ang kompanya. Sa pamamagitan nito, hindi naaantala ang produksyon ng kumpanya kahit ito ay mga mga legal impediments o sagabal. Ang Department Order 10 ng DOLE ay naglatag ng probisyon na pinapayagan ang pagpapakontrata ng mga trabahong hindi kayang gampanan ng mga regular na manggagawa, pamalit sa mga absent o liban na manggagawa at mga gawain na kailangan ng espesyal na kasanayan at makinarya. Naging malaking usapin ito kaya napalitan ng Department Order 18-02 kung saan ipinagbawal angpagpapakontrata ng mga trabaho at gawaing makaaapekto sa mga regular na manggagawa. ### EPEKTO NG KONTRAKTUWALISASYON SA MGA MANGGAGAWA Sa mga nakaraang dekada, may mga pagawaan na sa bansa ang gumagawa ng flexible working arrangements. Sa sektor ng industriya, kadalasan na sa bawat isang manggagawang regular na empleyado, lima rito ang kontraktuwal o kaswal. Isa sa mga dahilan ng mga kumpanya sa pagkakaroon ng mga kaswal na empleyado ay ang pabago bago sa job orders o purchase orders o ang pagbaba ng presyo ng kanilang produkto sa pandaigdigang merkado. Ang mga kaswal na manggagawa ay hindi nababayaran nang sapat na pasahod at hindi nagtatamasa ng mga benepisyo na mayroon ang isang regular na manggagawa katulad ng pagbabayad ng separation pay, SSS, PhilHealth at iba pa. Maging sa bargaining unit ay hindi rin kasama ang mga kontraktuwal. Hindi rin sila pwedeng sumapi sa mga unyon dahil hindi tiyak ang kanilang security of tenure. Ginagawa ito ng mga negosyante at may ari ng TNCs dahil sa kumpetensya sa ibang bansa kung saan may mataas na demand sa paggawa pero mas mura at flexible ang paggawa katulad ng sa China. ## ARALING PANLIPUNAN 10 ## MODYUL 3: Mga Dahilan at Epekto ng Migrasyon Ang migrasyon ay tumutukoy sa proseso ng pag-alis o paglipat mula sa isang lugar o teritoryong politikal patungo sa iba pa maging ito man ay pansamantala o permanente. Ang mga sanhi ng pag-alis o paglipat ay kalimitang nag-uugat sa ilang dahilan gayundin ang mga epekto nito. **Emigrants** - ito ang mga Filipino na umalis ng bansa upang makasama ang kanilang pamilya, magpakasal, o di kaya naman ay migrasyong base sa skills o kakayahan na may layuning manirahan ng permanente sa ibang bansa na kasama sa bilang ng Commission of Filipino Overseas (CFO). Sila ang mga immigrants o may permanenteng visa holders. **Emigration** - ang proseso ng paglabas ng mga Pilipino papuntang ibang bansa upang manirahan sa itinakdang panahon na may layuning pang-ekonomiya, politikal, kultural, o panlipunan. **Internal Migration (Panloob)** - ito ang paggalaw ng tao sa loob ng bansa upang manirahan na may layuning pang-ekonomiya, politikal, o kultural. **International Migration (Panlabas)** - ito ang pisikal na paggalaw ng tao sa labas ng bansa upang manirahan na may layuning pang-ekonomiya, politikal, kultural, o panlipunan. **International Migrant** - ang tawag sa taong lumabas ng bansa upang doon lumipat ng tirahan. ### 3 Uri ng Migrant **A. Irregular Migrants**- ang sitwasyon kung saan ang mga Pilipino ay nasa ibang teritoryo o estado kung saan may kadalasang hanapbuhay ang dahilan ng walang 'work permit o valid residence. Maaari rin namang expired na ang 'work permit', 'student's visa' o valid residence na tinatawag na 'overstaying'. **B. Permanent Overseas Filipino** - mga overseas Filipino sa ibang bansa na may permanenteng tirahan kasama ng kanilang pamilya o kaya naman ay may 'naturalized status' na ginawad ng bansang tinitirahan. Kasama na rito ang mga Filipinong may dual citizen. **C. Temporary Overseas Filipino** - ito ang mga Filipinong pansamantalang nasa overseas (landbased o sea-based) upang maghanapbuhay, mga missionaries, OFWs, trainees, traders, o kaya mga estudyante. **Refugees** - o asylum refugees- mga lumikas sa kanilang mga tahanan, lugar o bansa na naghahanap ng malilipatan at matitirahan. Sila ay naghahanap ng mga bansang tatanggap sa kanila bilang kategorayang asylum refugees. Madalas sila ay tinatangap sa dahilang 'humanitarian considerations. ### EPEKTO NG MIGRASYON SA GLOBALISASYON 1. Ang lugar na pinagmulan (origin) ng mga migrants at ang kanilang destinasyon ay nagkaroon ng ugnayan (link) sa materyal at sosyo-kultural na aspeto kaya pantay ang naging epekto nito sa globalisasyon ng kalakalan at pananalapi. 2. Ang pagdagsa ng mga migrants sa mga lungsod ay nagpabago ng 'status' ng lugar sa katumbas na pagdagsa ng mga 'transnational' na korporasyon dulot ng migrasyon. 3. Ang migrasyon at globalisasyon ay nagdulot ng 'culural diversity' sa mga lugar na destinasyon. 4. Ito ay nagtulak sa mga demand sa mga 'international skilled workers' na siyang kailangan ng mga transnational corporations. 5. Ang resulta ng migrasyon ay nakapagbibigay ng kaginhawaan sa kanilang mga pamilya at natutugunan ang kanilang mga pangangailangan. 6. Ang 'brain gain' o 'brain drain' ay para sa mga propesyunal na international migrants subalit para sa mga pinagmulan nilang lugar (origin) ay mas lamang ang 'brain drain' sa kanilang bansa. 7. Isa sa mga epekto ay ang pagtanggap ng mga bansa sa mga refugee, Sinasabing ito ay karagdagang alalahanin ng bansang tatanggap.

Use Quizgecko on...
Browser
Browser