Document Details

ExcitedJaguar4791

Uploaded by ExcitedJaguar4791

Tags

Globalization Social studies International relations Filipino education

Summary

This document is about Globalization, which is a process of rapid exchange of people, goods, information and products across different parts of the world. The interconnected exchange of goods and services influenced economic, political, social, technological and cultural aspects. The document details how globalization changed communication systems, travel, and cultural influences. It explores the historical background and implications in the context of Philippine society.

Full Transcript

**Learning Competency**: Naipaliliwanag ang konseptong globalisasyon. Ang **[globalisasyon]** ay proseso ng mabilisang pagdaloy o paggalaw ng mga tao, bagay, impormasyon at produkto sa iba't-ibang direksyon na nararanasan sa iba't ibang panig ng daigdig. (Ritzer,2011) Itinuturing din ito bilang pro...

**Learning Competency**: Naipaliliwanag ang konseptong globalisasyon. Ang **[globalisasyon]** ay proseso ng mabilisang pagdaloy o paggalaw ng mga tao, bagay, impormasyon at produkto sa iba't-ibang direksyon na nararanasan sa iba't ibang panig ng daigdig. (Ritzer,2011) Itinuturing din ito bilang proseso ng interaksyon at integrasyon sa mga pagitan ng mga tao, kompanya, bansa o maging ng mga samahang pandaigdig na pinabibilis ng kalakalang panlabas at pamumuhunan sa tulong ng teknolohiya at impormasyon. Maituturing na panlipunang isyu ang globalisasyon sapagkat tuwiran nitong binago, binabago at hinahamon ang pamumuhay at perenbial institusyon na matagal nang naitatag. **[Perennial institutions]** ang mga pamilya, simbahan, pamahalaan at paaralan sapagkat ang mga ito ay matatandang institusyong nananantili pa rin sa kasalukuyan dahil sa mahahalagang gampanin nito. **Globalisasyon** ang tawag sa **malaya at malawakang pakikipag-ugnayan** ng mga bansa sa mga gawaing **pampolitika, pang-ekonomiya, panlipunan, pan-teknolohiya at pangkultural**. May mga salik at pangyayari na naging dahilan ng pag-usbong ng globalisasyon sa ating mundo. Ang ilan sa mga ito ay; - **pagkakaroon ng pandaigdigang pamilihan,paglago ng pandaigdigang transaksyon sa pananalapi,** - **pag-unlad ng mga makabagong pandaigdigan transportasyon at komunikasyon,** - **paglawak ng kalakalan ng transnational corporations,** - **pagdami ng foreign direct investments sa iba't ibang bansa,** - **at pagpapalaganap ng makabagong ideya at teknolohiya.** Ang **globalisasyon** ay tinitingnan bilang isang pangmalawakang integrasiyon o pagsanib ng iba't ibang prosesong pandaigdig. Halimbawa dahil sa mabilisang ugnayan at migrasyon ng mga tao sa iba't ibang panig ng daigdig. Ang **[terorismo]** ay mabilis ding nakapagdudulot ng malaking pinsala sa buhay, ari-arian at institusyong panlipunan. Mabilis na tumugon ang mga bansa sa banta ng terorismo sa pamamagitan ng **palitan ng mga impormasyon at kolaborasyon** na naging dahilan ng pagkakabuo ng mga mahigpit na polisiya at patakaran tungkol sa migrasyon na nagpabagal naman ng integrasyong sosyo-kultural. Isa sa mga pangyayaring lubusang nakapagpabago sa buhay ng tao sa kasalukuyan ay ang globalisasyon. Mula paggising, pagpasok sa paaralan, panonood ng telebisyon at maging sa hapag-kainan ay mababanaag ang manipestasyong ito. Itinuturing din ito bilang proseso ng interaksyon at integrasyon sa pagitan ng mga tao, kompanya, bansa o maging ng mga samahang. **Kung paano binago ng globalisasyon ang sistema ng komunikasyon**, **paglalakbay, ekonomiya, kultura at politika sa ating bansa?** **Anu-ano ang mga impluwensiya nito sa pamumuhay ng tao?** Sa **komunikasyon**, lahat ng tao ay gumagamit na ng **[cellphone]**, upang mapadali nito ang transaksyon. Gumagamit ito ng **[Internet]**. Sa balita naman mayroon na tayong [**telebisyon**, **radio**] at iba pa para maparating ang balita. May mga **news network** din na naghahatid ng mga balitang pandaigdig tulad ng **CNN, BCC** at iba pa. Sila din ang nakatulong sa globalisasyon dahil naiparating at naipalabas nila ang mga balita sa iba't ibang dako sa mundo. Sa **Larangan ng teknolohiya**, dahil sa **globalisasyon**, nagkakaroon din ng pagkakataon makagawa ng ilang trabahong online -- based, kaya dumami ang **[call center agents]**, maging ang home based online at ang pinaka uso ngayon ang proseso ng barter ay sa pamamagitan ng **[Facebook.]** Sa **paglalakbay** milyon-milyong mga tao pumunta sa ibang panig ng mundo, upang magbakasyon, mag-aral, mamasyal o magtrabaho. Dahil sa higit na malayang paglalakbay ng mga tao sa iba't ibang panig ng mundo, madaling kumalat ang iba't ibang sakit tulad ng **AIDS, SARS, H1N1 FLU, Ebola at MERS-COV** at **2019 N- Corona Virus**. Ang pag-unlad ng **telekomunikasyon** at **information technology** tulad ng **[kompyuter, Internet at cellular phone]** ay lalong nagpabilis sa takbo ng kalakalan. Mas maraming **[free trade agreements]** ang naisulat na nagpapaluwag ng kalakalan. Sa **[politika]** mas madaling magpupulong-pulong ang mga pinuno sa mga bansang kasapi sa organisasyon upang magtulungan para sa kapakanan ng kanilang pangangailanagan. [Sa **larangan ng kultura**] ,ang daming popular na kultura ang napapansin sa buong daigdig tulad ng pakikinig ng mga musika ng **Koreano** kahit hindi maintindihan,marami pa rin ang tumatangkilik. Dahil sa globalisasyon, ang panonood ng **[K drama o soap opera]** ay kinahihiligan na rin ng mga Pilipino at iba pang bansa. Maging sa estilo ng pananamit halo-halo na rin. Halimbawa ang mga kabataan sa iba't ibang panig ng mundo kadalsan nang nagsuot ng maong na pantalon o jeans, t-shirt, sapatos na goma, sandals at iba pa. Kasama rin dito ang pagdadala ng mga negosyong nagtitinda ng mga damit. Dahil dito, tumataas ang kita ng mga negosyo kasama ang pagpapalaganap ng pop culture. **Learning Competency**: Naipaliliwanag ang pangkasaysayan ng globalisasyon AP10IPE-Ih18 May limang perspektibo o pananaw tungkol sa kasaysayan at simula ng globalisasyon. **Una** ay ang paniniwalang ang 'globalisasyon' ay taal o nakaugat sa bawat isa. Ayon kay Nayan Chanda (2007), manipestasyon ito ng paghahangad ng tao sa maalwan o maayos na pamumuhay na nagtulak sa kaniyang makipagkalakalan, magpakalat ng pananampalataya, mandigma't manakop at maging adbenturero o manlalakbay. Ang **pangalawang** pananaw o perkspektibo ay nagsasabi na ang globalisasyon ay isang mahabang siklo (cycle) ng pagbabago. Ayon kay Scholte (2005), maraming 'globalisasyon' na ang dumaan sa mga nakalipas na panahon at ang kasalukuyang globalisasyon ay makabago at higit na mataas na anyo na maaaring magtapos sa hinaharap. Mahirap tukuyin ang panahon kung kailan nagsimula ang globalisasyon kaya higit na mahalagang tingnan ang iba't ibang siklong pinagdaanan nito. Sa kabilang banda, ang **pangatlong** pananaw ng globalisasyon ay naniniwalang may anim na 'wave' o epoch o panahon na siyang binigyang-diin ni Therborn (2005). Para sa kanya, may tiyak na simula ang globalisasyon at ito'y makikita sa talahanayan na nasa kasunod na pahina. **Panahon Katangian** **\*Ika-4 hanggang ika-5 siglo (4th-5th Century)** Globalisasyon ng Relihiyon (Pagkalat ng Islam at Kristiyanismo) **\*Huling bahagi ng ika-15 siglo** Pananakop ng mga Europeo **(late 15th century**) **\*Huling bahagi ng ika-18 siglo hanggang** Digmaan sa pagitan ng mga bansa **unang** **sa bahagi ng ika-19 na siglo** Europa na nagbigay-daan sa **(late 18th-early** **19th century)** Globalisasyon **\*Gitnang bahagi ng ika-19 na siglo** Rurok ng Imperyalismong Kanluran **hanggang 1918** **\*Post-World War II** Pagkakahati ng daigdig sa dalawang puwersang ideolohikal partikular ang komunismo at kapitalismo **\*Post-Cold War** Pananaig ng kapitalismo bilang sistemang pang-ekonomiya. Nagbigay-daan sa mabilis na pagdaloy ng mga Produkto, serbisyo, ideya, teknolohiya at iba pa sa pangunguna ng United States. Mula sa talahanayan, itinampok ni Therborn na ang globalisasyon ay hindi isang bagong penomenon o pangyayari at hindi rin siklo. Hawig ng **ikaapat** na pananaw ang ikatlo. Ayon dito, ang simula ng globalisasyon ay mauugat sa ispesipikong pangyayaring naganap sa kasaysayan. Sa katunayan, posibleng maraming pinag-ugatan ang globalisasyon. Ilan dito ang sumusunod: Pananakop ng mga Romano bago man maipanganak si Kristo (Gibbon 1998) o Pag-usbong at paglaganap ng Kristyanismo matapos ang pagbagsak ng Imperyong Roman o Paglaganap ng Islam noong ikapitong siglo o Paglalakbay ng mga Vikings mula Europe patungong Iceland, Greenland at Hilagang America o Kalakalan sa Mediterranean noong Gitnang Panahon o Pagsisimula ng pagbabangko sa mga siyudad-estado sa Italya noong ika-12 siglo Maaaring nagsimula ang globalisasyon sa kalagitnaan ng ika-20 siglo nang unang ginamit ang telepono noong 1956 o nang lumapag ang 'transatlantic passenger jet' mula New York hanggang London. Maaari rin namang nagsimula ito nang lumabas ang unang larawan ng daigdig gamit ang satellite ng taong 1966. Mayroon ding nagsasabi na ang globalisayon ay nagsimula noong taong 2001 nang pabagsakin ng mga terorista ang Twin Towers sa New York. Ang pangyayaring ito ay gumising sa marami na kinakailangan ang higit na pag-aaral sa isang 'global' na daigdig. Ang **huling** pananaw o perspektibo ay nagsasaad na ang globalisasyon ay penomenong nagsimula sa kalagitnaan ng ika-20 siglo. Tatlo sa mga pagbabagong naganap sa panahong ito ang sinasabing may tuwirang kinalaman sa pag-usbong ng globalisasyon. Ito ay ang: Pag-usbong ng Estados Unidos bilang global power matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ipinakita ng Estados Unidos sa daigdig ang kaniyang lakas-militar nang talunin ang Japan at Germany sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naungusan ang France at Great Britain sa usaping pang-ekonomiya at sakupin ang mga Asyanong bansang Korea (taong 1950) at Vietnam (taong 1960-70). Bagamat ang mga makapangyarihang korporasyon sa daigdig ay nagsimula noong ika-18 hanggang ika-19 na siglo mula sa Germany, Great Britain at United States, marami sa mga ito ay kasalukuyang nagtutuon ng pansin sa ibang bansa particular sa mga developing nations. Isa sa mga halimbawa nito ay ang Ford at General Motors. Dati'y mamimili ng sariling bansa ang pokus ng mga kompanyang ito subalit sa kasalukuya'y malaking bahagdan o porsyento ng kanilang kita ay nanggagaling sa mga bansa sa Asya at Latin America. **Learning Competency:** Naipaliliwanag Globalisasyong Politikal. (AP10IPE-Ih18} Ang **globalisasyong politikal** ay tumutukoy sa pag-usbong ng magkakaugnay at magkakasamang patakaran, batas, at sistema sa iba't ibang bansa. Layunin nitong mapalapit ang mga bansa sa pamamagitan ng kooperasyon, pakikipag-ugnayan, at pagkakaroon ng mga kasunduan sa iba\'t ibang larangan gaya ng kalakalan, seguridad, kalusugan, at kapaligiran. Sa globalisasyong politikal, mas nagiging bukas ang mga bansa sa impluwensya ng ibang pamahalaan at pandaigdigang institusyon, na maaaring makapagpabago sa kanilang mga polisiya at pamamaraan ng pamumuno. **Globalisasyong politikal** na maituturing ang mabilisang **ugnayan** sa pagitan ng mga **bansa, samahang rehiyunal** at **maging ng pandaigdigang organisasyon** na kinakatawan ng kani-kanilang pamahalaan. Tulad ng nabanggit sa unang bahagi ng aralin, ang mga **kasunduang bilateral at multilatera**l sa pagitan ng mga bansa ay nagbigay daan sa epektibo at episyenteng ugnayan ng mga bansa na nagdulot naman ng mabilis na palitan ng mga produkto, ideya, kahusayang teknikal at maging ng migrasyon ng kani-kanilang mamamayan. Ang **bilateral talks** ay ang pag-uusap na nasa pagitan ng dalawang bansa nang sabay-sabay, na nagbibigay sa kanila ng pabor sa katayuan ng pangangalakal sa bawat isa. Ang mga layunin ng bilateral deal ay pareho sa isang multilateral deal, maliban lang sa ito ay  pagitan ng dalawang bansa na negosasyon.   Ang kagandahan ng isang bilateral na kasunduan ay mas madaling makipag-ayos dahil  sa dalawang bansa lamang ang may kinalaman; mas mabilis na epekto, mas mabilis ang mga benepisyo sa pag-aani. Madali din ipatupad ang napagkasunduan, lalo na kung ang arbitrasyon ang tinukoy na paraan upang malutas ang isang hindi pagkakaunawaan Ang **multilateral talks** naman ay mga kasunduan  sa pagitan ng tatlo o higit pang mga bansa. Ang mga ito ay may  inilalaang mga benepisyo tulad ng pagbawas sa mga taripa at gawing mas madali para sa mga kalakalan ng bansa na mag-import at mag-export ng mga produkto, magbigay ng malawak na pag-access sa mga merkado ng bawat isa at dagdagan ang paglago ng ekonomiya ng bawat bansa. Ang mga kasunduang ito ay nagsasa-ayos  sa pagpapatakbo ng negosyo at regulasyon ng commerce; nagtatag ng makatarungang pamantayan sa paggawa at proteksyon sa kapaligiran. Ang mga layuning ito ay upang mapanatili ang isang kapakanan ng bansa mula sa pagnanakaw ng iba pang intelektuwal na pag-aari, pagtapon ng mga produkto sa isang murang halaga, o paggamit ng hindi patas na subsidyo. Ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas sa Australia, China, Japan, South Korea, Thailand, US at iba pang mga bansa ay nagdala ng mga oportunidad **pang-ekonomiko at pangkultural** sa magkabilang panig. Halimbawa nito ang economic and technical aid na ibinibigay ng ilang bansa sa Pilipinas. Nariyan ang JICA Project ng Japan, BEST Project ng Australia, military assistance ng US, at mga tulad nito. Sa Timog-Silangang Asya naman halimbawa, kinakitaan ang mga bansang miyembro ng **Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)** ng mas maigting na ugnayan sa nagdaang mga taon na isa sa nagbigay daan sa mabilis na pag-angat ng ekonomiya ng rehiyon. Kasalukuyang pinaghahandaan ng mga bansang kaanib nito ang ASEAN Integration sa taong 2030 na naglalayong mapaigting ang koordinasyon ng bawat isa upang higit na maging maayos ang pamumuhunan, kalakalan, at pagtutulungang politikal. Kaugnay sa globalisasyong politikal ay ang gampanin ng mga **pandaigdigang institusyon** sa pamamahala ng mga bansa. Narito ang ilang halimbawa ng mga pandaigdigang institusyon na may mahalagang papel sa iba\'t ibang larangan ng pandaigdigang ugnayan: **United Nations (UN)** -- Isang organisasyon ng mga bansa na itinatag upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa buong mundo, magtaguyod ng karapatang pantao, magbigay ng humanitarian aid, at itaguyod ang sustainable development. **World Health Organization (WHO)** -- Isang ahensya ng United Nations na nakatuon sa mga isyung pangkalusugan sa buong mundo, tulad ng pagpigil at pag-kontrol ng mga sakit, pagbibigay ng mga rekomendasyon ukol sa kalusugan, at pagpapalaganap ng mga kaalaman sa medikal. **International Monetary Fund (IMF)** -- Isang institusyong pandaigdigan na nagbibigay ng financial assistance at nagpapayo sa mga bansa tungkol sa mga usaping ekonomiya, lalo na sa mga bansang may problema sa kanilang utang o ekonomiya. **World Bank** -- Isang pandaigdigang institusyong nagbibigay ng pautang at tulong-pinansyal sa mga bansa upang makapagpatayo ng mga proyektong pangkaunlaran at upang makabawas sa kahirapan. **World Trade Organization (WTO)** -- Isang organisasyon na nagtatakda ng mga alituntunin sa kalakalan sa pagitan ng mga bansa upang mapanatili ang patas at maayos na kalakalan sa buong mundo. **International Criminal Court (ICC)** -- Isang hukuman na tumutugon sa mga kaso ng matinding paglabag sa karapatang pantao, tulad ng genocide, crimes against humanity, at war crimes. **Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)** -- Isang regional na organisasyon na naglalayong mapalakas ang kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa Southeast Asia, kabilang ang usapin sa ekonomiya, seguridad, at kultura. **North Atlantic Treaty Organization (NATO)** -- Isang alyansang militar na binubuo ng mga bansa sa North America at Europe, na may layuning magtulungan sa pagtiyak ng seguridad at depensa ng mga miyembrong bansa. Ang mga institusyong ito ay may kanya-kanyang tungkulin at misyon na nakatutok sa pag-unlad, kapayapaan, at seguridad ng iba\'t ibang bansa at rehiyon sa mundo. Ayon sa artikulo ni **Prof. Randy David** na pinamagatang, 'The Reality of Global pandaigdigang organisasyon tulad ng **United Nations, European Union, Amnesty International** at mga tulad nito sa mga polisiya at programang kinahaharap ng isang bansa. May magandang dulot ang globalisasyong politikal kung ang layunin nito ay tulungan ang mga bansa upang higit na maisakatuparanang mga programa at proyektong mag-aangat sa pamumuhay ng mga mamamayan nito ngunit maaari rin itong maging sagabal sa pag-unlad ng isang bansa kung ang kanilang interes ang bibigyang pansin. Kung tutuusin, hindi mapaghihiwalay ang manipestasyong ekonomikal, politikal at kultural sa usaping globalisasyon. Ang mga ito ay sabay-sabay na nagpapabago ng buhay ng maraming tao hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. **Kabutihan ng Ugnayang Pandiplomatiko sa Bansa:** **Pagpapalawak ng Ekonomiya** -- Nakatutulong ang ugnayang pandiplomatiko sa pagpapalawak ng mga oportunidad para sa kalakal at pamumuhunan. Dahil dito, may mga pagkakataon para sa mga lokal na produkto na maipakilala sa ibang bansa, na makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas. **Pagtataguyod ng Kapayapaan at Seguridad** -- Sa pamamagitan ng mabuting ugnayan sa ibang bansa, nakapagtatatag ng kasunduan sa seguridad at kapayapaan. Nababawasan ang banta ng mga sigalot at mas napapanatili ang kapayapaan sa rehiyon. **Pagtutulungan sa Teknolohiya at Agham** -- Nagbibigay-daan ito sa mga programang pang-agham at teknolohikal na makatutulong sa pag-unlad ng bansa, tulad ng pagsasanay sa mga lokal na siyentipiko at pagpapahusay ng mga kasanayan sa teknolohiya. **Pagpapalitan ng Kultura** -- Sa ugnayang ito, mas napapalapit ang mga kultura ng iba\'t ibang bansa, na nakatutulong sa pagkakaintindihan at pagkakaroon ng pagpapahalaga sa kultura ng bawat isa. **Pagkakaroon ng Tulong sa Panahon ng Sakuna** -- Sa panahon ng mga sakuna o kalamidad, mas mabilis na nakatatanggap ng tulong mula sa ibang bansa ang Pilipinas dahil sa mabuting ugnayang pandiplomatiko. **Di Kabutihan ng Ugnayang Pandiplomatiko sa Bansa:** **Pagkakaroon ng Utang na Loob** -- Minsan, dahil sa pagtanggap ng tulong, maaaring mabawasan ang kalayaan ng bansa sa paggawa ng mga desisyon, lalo na kung may kondisyon ang tulong na natanggap. **Pagdepende sa Ibang Bansa** -- Sa sobrang pakikipagtulungan, maaaring magdulot ito ng sobrang pagdepende ng bansa sa mga dayuhang produkto, teknolohiya, at tulong. Ito ay maaaring humina ang kakayahan ng bansa na umunlad ng sariling kusa. **Panganib sa Seguridad** -- May mga pagkakataong ang ugnayang pandiplomatiko ay nagiging daan para makapasok ang mga dayuhang interes na maaaring magdulot ng panganib sa seguridad ng bansa. **Pagkawala ng Sariling Kultura** -- Sa palagiang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa, maaaring unti-unting makalimutan ng mga Pilipino ang sariling kultura at makasanayan ang mga dayuhang gawi. **Hindi Pantay na Ugnayan** -- May mga bansang mas malakas at may mas malaking impluwensya sa relasyon. Maaaring magsanhi ito ng hindi pantay na kasunduan kung saan mas malaki ang benepisyo ng isang bansa kaysa sa isa. **Kabutihan ng Ugnayang Pandiplomatiko sa Bansa:** **Pagpapalawak ng Ekonomiya** -- Ang kasunduan sa kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Japan, tulad ng *Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA)*, ay nagpapahintulot sa mas maraming lokal na produkto na ma-export sa Japan. Kasama sa kasunduang ito ang mas mababang taripa sa ilang produkto, kaya mas maraming produktong Pilipino ang maipakikilala sa Japanese market, tulad ng saging, niyog, at pinya, na nakatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas. **Pagtataguyod ng Kapayapaan at Seguridad** -- Sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, may pagtutulungan sa larangan ng depensa, lalo na sa pagsasanay ng mga sundalo at pagbabahagi ng mga kagamitang militar. Nakakatulong ito sa pagpapanatili ng seguridad ng Pilipinas, lalo na sa mga isyung pang-teritoryal at iba pang banta sa seguridad. **Pagtutulungan sa Teknolohiya at Agham** -- Ang ugnayan ng Pilipinas sa South Korea sa larangan ng teknolohiya ay nagbigay-daan sa pagpapahusay ng teknolohiya ng transportasyon, gaya ng sa Philippine National Railways (PNR). Sa tulong ng mga makabagong tren at sistema mula sa South Korea, mas umuunlad ang imprastruktura ng transportasyon sa bansa. **Pagpapalitan ng Kultura** -- Ang pagkakaroon ng *Philippine-Korea Cultural Exchange Program* ay nagpapahintulot sa pagpapalitan ng mga sayaw, sining, musika, at wika sa pagitan ng Pilipinas at South Korea. Maraming Pilipino ang mas nagiging pamilyar sa kulturang K-pop, K-drama, at Korean food, habang mas nakikilala rin ang kulturang Pilipino sa South Korea. **Pagkakaroon ng Tulong sa Panahon ng Sakuna** -- Sa kasagsagan ng bagyong Yolanda noong 2013, maraming bansa tulad ng Estados Unidos, Japan, at Australia ang nagpadala ng tulong at mga gamit sa relief operations sa Pilipinas. Dahil sa mabuting ugnayang pandiplomatiko, mas mabilis na dumating ang mga tulong na ito at nakatulong sa agarang pagbangon ng mga nasalanta. **Di Kabutihan ng Ugnayang Pandiplomatiko sa Bansa:** **Pagkakaroon ng Utang na Loob** -- Sa pagkatanggap ng tulong mula sa China para sa pagtatayo ng ilang imprastruktura sa Pilipinas, maaaring magkaroon ng presyon ang Pilipinas na sumang-ayon sa ilang kasunduan na pabor sa China, gaya ng sa mga usaping pang-teritoryo sa West Philippine Sea. **Pagdepende sa Ibang Bansa** -- Dahil sa sobrang pag-angkat ng bigas mula sa Vietnam at Thailand, nagiging dependent ang Pilipinas sa mga bansang ito sa usapin ng pagkain. Kapag nagkaroon ng krisis sa mga bansang ito, maaaring makaranas ang Pilipinas ng kakulangan sa suplay ng bigas. **Panganib sa Seguridad** -- Ang pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa sektor ng telecommunications, tulad ng sa China Telecom, ay maaaring magdulot ng pangamba sa seguridad ng impormasyon. May mga agam-agam na maaaring magamit ito sa pang-eespiya o pagkuha ng sensitibong impormasyon mula sa Pilipinas. **Pagkawala ng Sariling Kultura** -- Dahil sa pagpasok ng mga banyagang kultura tulad ng western fashion at pop culture, unti-unting nawawala ang pagpapahalaga ng ilan sa mga tradisyunal na kaugalian ng Pilipino. Halimbawa, ang pagsasagawa ng ilang tradisyonal na ritwal ay hindi na gaanong binibigyang pansin ng mga kabataan. **Hindi Pantay na Ugnayan** -- Sa mga kasunduan sa kalakalan, gaya ng ilang bahagi ng *ASEAN Free Trade Agreement (AFTA)*, may mga pagkakataong mas nakikinabang ang mga mas malalakas na ekonomiya tulad ng Singapore at Malaysia kaysa sa mas maliit na ekonomiya ng Pilipinas, na nagdudulot ng hindi balanseng kompetisyon sa merkado **Learning Competency**: Naipaliliwanag Globalisasyong Ekonomiko. (AP10IPE-Ih18) **Pangunahing Konsepto** **GLOBALISASYONG EKONOMIKO** - Sentro sa isyung globalisasyon ang ekonomiya na umiinog sa **kalakalan ng mga** **produkto at serbisyo**. Mabilis na nagbago ang paraan ng palitan ng mga produkto at serbisyo sa pagitan ng mga bansa sa daigdig sa nagdaang siglo. Kinakitaan ito ng pag-usbong ng malalaking korporasyon na ang operasyon ay nakatuon hindi lamang sa bansang pinagmulan kundi maging sa ibang bansa. Ayon sa United Nations Commission on Transnational Corporations and Investment, ang **(Transnational Companies) TNC** ay tumutukoy sa mga kompanya o negosyong nagtatatag ng pasilidad sa ibang bansa. Ang kanilang serbisyong ipinagbibili ay batay sa pangangailangang lokal. Binibigyang kalayaan na magdesisyon, magsaliksik, at magbenta ang mga yunit na ito ayon na rin sa hinihingi ng kanilang pamilihang lokal. Marami sa kanila ay kompanyang petrolyo, I.T. consulting, pharmaceutical, at mga kauri nito. Halimbawa nito ang kompanyang - **Shell,** - **Accenture,** - **TELUS International Phils.,** - **at Glaxo-Smith Klein (halimbawang produkto ay sensodyne at panadol).** Samantala, ang **(Multinational Companies) MNC** ay ang pangkalahatang katawagan na tumutukoy sa mga namumuhunang kompanya sa ibang bansa ngunit ang mga produkto o serbisyong ipinagbibili ay hindi nakabatay sa pangangailangang lokal ng pamilihan. Ilang halimbawa nito ay ang - **Unilever,** - **Proctor & Gamble,** - **Mc Donald's,** - **Coca-Cola,** - **Google,** - **UBER,** - **Starbucks,** - **Seven-Eleven, T** - **oyota Motor,** - **Dutch Shell, at iba pa.** Dinala ng mga korporasyong nabanggit ang mga produkto at serbisyong naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Sa katunayan, batay sa datos ng International Monetary Fund, ang ilan sa mga MNCs at TNCs ay higit pa ang kinikita sa **Gross Domestic Product (GDP)** ng ilang mga bansa. Ayon sa artikulong pinamagatang Top Filipino firms building Asean empires ng Philippine Daily Inquirer na nailathala noong Pebrero 9, 2017, ilan sa mga MNCs at TNCs sa Vietnam, Thailand at Malaysia ay pag-aari ng mga Pilipino tulad ng J**ollibee, URC, Unilab, International Container Terminal Services Inc. at San Miguel Corporation**. Binigyang pansin dito ang halaga ng mga nasabing korporasyon sa pamilihan ng mga bansa sa Timog Silangang Asya. Hindi lamang sa Timog Silangang Asya matatagpuan ang ilang korporasyong pag-aari ng mga Pilipino. Batay sa artikulo ni **John Mangun** ng pahayagang Business Mirror noong Marso 9, 2017, ilang mga korporasyong Pilipino tulad ng **SM, PNB, Metro Bank, Jollibee, Liwayway Marketing Corporation**, ang itinayo sa China at nakararanas ng patuloy na paglago. Ilan sa mga implikasyong ito ay ang pagdami ng mga produkto at serbisyong mapagpipilian ng mga mamimili na nagtutulak naman sa pagkakaroon ng kompetisyon sa pamilihan na sa kalaunan ay nagpapababa ng halaga ng mga nabanggit na produkto. Bukod dito, **nakalilikha rin ito ng mga trabaho** para sa mga manggagawang Pilipino. Ang pagkalugi ng mga lokal na namumuhunan dahil sa **di-patas na kompetisyong** dala ng mga multinational at transnational corporations na may napakalaking puhunan. Sa kalaunan, maraming namumuhunang lokal ang tuluyang nagsasara. Malaki rin ang kakayahan ng mga ito na impluwensyahan ang polisiya na ipinatutupad ng pamahalaan ng iba't ibang bansa tulad ng **pagpapababa ng buwis, pagbibigay ng tulong-pinansyal, at maging ang pagpapagaan ng mga batas patungkol sa paggawa at isyung pangkapaligiran**. Nagbubunga ito sa kalaunan ng higit na pagyaman at paglakas ng mga nasabing MNCs and TNCs nagdudulot naman ng paglaki ng agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. **Learning Competency: Naipapaliwanag ang konsepto at dahilan ng migrasyon dulot ng globalisasyon (AP10IPP-IIa-1)** **Sa panahon ngayon, maraming mga Pilipino ang umalis sa kanilang tirahan at pumunta sa ibang lugar o bansa. Hindi maipagkaila na maraming mga Pilipino ang iniwan ang kani-kanilang pamilya upang mangingibang bansa. Bakit nga ba? Ilan sa mga rason ang ang dulot ng kahirapan at gustong makatulong sa pamilya.** **Ang lumilipat patungo sa ibang pook upang doon na manirahan ay tinatawag na migrasyon. Ang mga tao ay nagmimigrasyon patungo sa ibang bansa o lalawigan. Madaming mga dahilan ang mga Pilipino kung bakit sila'y nagmimigrasyon papunta sa ibang lugar at ang pangunahong kadahilanan ay kahirapan. Ang kanilang pag-alis ay katumbas ng salapi o kita na kanilang pinagtratrabahuan. Maaring sa lugar na kanilang pinuntahan ay isang maunlad na bansa at sa tingin nila ay madali silang uunlad dahil sa laki ng sahod.** **Ayon sa Commision on Filipino Overseas, may tinatayang 8.6 milyong Pilipino ang noong 2009 ang naninirahan sa iba't ibang bansa kasama ang magtratrabaho bilang seaman. Ito ay patunay na parami ng parami ang mga umaalis sa bansa upang makapagbigay ng masaganang pamumuhay sa kani-kanilang pamilya na naiiwan na ang kapalit ay ang pagtitis na malayo sa mga mahal sa buhay.** **Ngunit hindi lamang sa ibang bansa may naganap na migrasyon, maging sa loob din ng bansa. Madami din sa mga tao na nagmimigrasyon lalo na sa malaking bayan o lungsod tulad ng Maynila kaya lumalaki ag populasyon dito.** **Ang migrasyon ay tumutukoy sa proseso ng pag-alis o paglipat ng tao mula sa isang pook patungo sa ibang pook upang doon manirahan ito man ay pansamantala o 'di kaya'y pangmatagalan. Maraming dahilan kung bakit ito nagaganap, dahil sa kabuhayan, tirahan, oportunidad at maging sa mga sakunang nagaganap sa kanilang pinanggalingan. Hindi lang overseas o pangingibang bansa nagaganap ang migrasyon dahil sa kahit anong rehiyon o lugar na kapag ang tao ay lumilipat ito'y maituturing na migrasyon. Meron ding itong kaakibat na epekto, ito man ay nakakabuti o 'di nakakabuti.** **May dalawang uri ng migrasyon:** **1. Migrasyong panloob** **Ito ay ang paglipat ng tao sa loob lamang ng bansa, maaring ito ay sa** **lalawigan, bayan o rehiyon.** **2. Migrasyong panlabas** Ito ay kapag lumilipat ang mga tao upang manirahan sa ibang bansa, pag alis o paglabas ng tao sa bansa. **Sa pag-aaral ng migrasyon partikular ng international migration ay mahalagang maunawaan ang ilang termino o salitang madalas gamitin sa disiplinang ito. Una na rito ay ang pagkakaiba ng *flow* at *stockfigures*.** **Ang *flow* ay tumutukoy sa dami o bilang ng mga nandarayuhang pumapasok sa isang bansa sa isang takdang panahon na kadalasan ay kada taon. Madalas ditong gamitin ang mga salitang *inflow*, entries o *immigration*. Kasama din dito ang bilang ng mga taong umaalis o lumalabas ng bansa na madalas tukuyin bilang *emigration*, *departures* o *outflows*. Kapag ibinawas ang bilang ng umalis sa bilang ng pumasok nakukuha ang tinatawag na *net migration*.** **Samantala, ang *stock* ay ang bilang ng nandayuhan na naninirahan o nananatili sa bansang nilipatan. Mahalaga ang *flow* sa pag-unawa sa trend o daloy ng paglipat o *mobility* ng mga tao habang ang *stock* naman ay makatutulong sa pagsusuri sa matagalang epekto ng migrasyon sa isang populasyon.** **Learning Competency:** Napag-alaman ang konsepto at perspektibong pananaw ng migrasyon **(AP10IOO-IIa-1**) Maraming sanhi ng paglabas ng mga manggagawang Pilipino sa bayang sinilangan. Batay sa teorya ni David Ricardo, ang ***'labor theory of value'*** ang halaga ay nagmumula sa paggawa, ngunit paano nga ba gagawa kung wala rin anumang posisyong nakalaan para sa mga manggagawa? Isa sa mga pangunahing salik nito ay ang "malala" nang kawalan ng trabaho dahil sa krisis pang-ekonomiya na tinatamasa ng bansa. Ayon kay Susan Ople, isang *undersecretar*y sa 'tulay' program at ng Ople center, totoo nga marahil na kulang pa rin sa pondo ang inaalok ng gobyerno sa sector ng serbisyo, industriya at paggawa. Dahil sa kawalan ng trabaho sa bansa, natutulak na mangingibang-bayan ang mahgit sa **8.3 milyong Pilipinong** migranteng manggagawa o mga ***Overseas Filipino Workers* (OFW's).** Araw-araw 3,400 OFW's ang naipapapadala sa ibang bansa para magtrabaho, at nakabatay naman ito sa 2009 estatistika ng DOLE ukol sa bilang na umaalis na OFW sa bansa. Patunay ito na paparami pa ring manggagawa ang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil sa kawalan ng sapat na trabahong local. Ayon kay **Romeo Lagman**, kasalukuyang undersecretary for employment and manpower development ng DOLE, napakalaking kawalan ito sa parte ng Pilipinas dahil karamihan ng mga umalis ay mga bagong taos pa lamang sa kolehiyo at napipilitang magtrabaho sa ibang bansa sa pag-asang doon matatamasa ang seguridad sa trabaho. Itinuturing namang ***"brain waste"*** para sa mga bansang pinupuntahan nila dahil ang mga OFW ay pumapasok sa mga trabahong mas mababa sa antas ng kanilang kasanayan. Ilang halimbawa dito ay mga dktor na namamasukan bilang nars, at mga guro na ngayon ay mga caregiver at domestic helper. **1. Globalisasyon ng migrasyon** Tumataas ang bilang ng mga bansang nakararanas at naaapektuhan ng migrasyon. Ang mga bansang madalas puntahan o dayuhin tulad ng Australia, New Zealand, Canada at United States ay patuloy pa ring dinadagsa at sa katunayan ay nadadagdagan pa ang bilang ng mga bansang pinagmumulan nito. Malaking bilang ng mga migrante ay mula sa mga bansa sa Asya, Latin America at Africa. **2. Mabilisang paglaki ng migrasyon** Ang kapal o dami ng mga nandarayuhan ay patuloy ang pagtaas sa iba't ibang rehiyon ng daigdig. Malaki ang implikasyon nito sa mga batas at polisiya na ipinatutupad sa mga destinasyong bansa. **3. Pagkakaiba-iba ng uri ng migrasyon** Hindi lamang iisang uri ng migrasyon ang nararanasan ng halos lahat ng mga bansang nakapaloob sa usaping ito. May mga bansang nakararanas ng ***labour migration*, *refugees migration*** at maging ng permanenteng migrasyon nang sabay-sabay. Bukod sa nabanggit, mayroon pang tinatawag na ***irregular, temporary* at *permanent migrants*.** Ang ***irregular migrants*** ay ang mga mamamayan na nagtungo sa ibang bansa na hindi dokumentado, walang permit para magtrabaho at sinasabing overstaying sa bansang pinuntahan. ***Temporary migrants*** naman ang tawag sa mga mamamayan na nagtungo sa ibang bansa na may kaukulang permiso at papeles upang magtrabaho at manirahan nang may takdang panahon. Ang ilan sa halimbawa nito ay mga ***foreign students*** na nag aaral sa bansa at mga negosyante na maaari lamang manirahan pansamantala ng anim (6) na buwan. Samantala, ang ***permanent migrants*** ay mga overseas Filipinos na ang layunin sa pagtungo sa ibang bansa ay hindi lamang trabaho kundi ang permanenteng paninirahan sa piniling bansa kaya naman kalakip dito ang pagpapalit ng **pagkamamamayan o *citizenship***. **4. Pagturing sa migrasyon bilang isyung politikal** Malaki ang naging implikasyong politikal ng migrasyon sa mga bansang nakararanas nito. Ang usaping pambansa, pakikipag-ugnayang bilateral at rehiyunal at maging ang polisiya tungkol sa pambansang seguridad ay naaapektuhan ng isyu ng migrasyon. **5. Paglaganap ng '*migration transition'*** Ang ***migration transition*** ay nagaganap kapag ang nakasanayang bansang pinagmumulan ng mga nandarayuhan ay nagiging destinasyon na rin ng mga manggagawa at refugees mula sa iba't ibang bansa. Partikular dito ang nararanasan ng South Korea, Poland, Spain, Morocco, Mexico, Dominican Republic at Turkey. **6. Peminisasyon ng migrasyon** Malaki ang ginagampanan ng kababaihan sa usaping migrasyon sa kasalukuyan. Sa nagdaang panahon, ang ***labour migration* at *refugees*** ay binubuo halos ng mga lalaki. Nang sumapit ang 1960, naging kritikal ang ginampanan ng kababaihan sa ***labour migration***. Sa kasalukuyan ang mga manggagawang kababaihan ng Cape Verdians sa Italy, Pilipina sa Timog-Kanlurang Asya at Thais sa Japan ay nagpapatunay rito. **Learning Competency: Nasusuri ang dahilan at epekto ng migrasyon dulot ng globalisasyon.** **Pangunahing Konsepto** **1. Ang pagbabago sa mga pagpapahalaga at *pamamaraan sa pamumuhay.*** Sa kabila ng patuloy na pagtugon sa mga gastusing pampamilya, ang mga anak na naiiwan ay masyadong nahihikayat sa mga materyal na bagay dala ng mas maluwag na pagtatamasa sa mga naipapadala ng magulang. Ang mga kabataan ay nagkakaroon ng masidhing pagtangkilik sa produktong dayuhan kaya nakakaligtaan ang ating mga sariling produkto. At ang patuloy na pagbabalik at paghahangad na makapagtrabaho sa ibang lugar ay dahilan at hindi makapagserbisyo sa kapwa mamamayan at sa sariling bayan ang ilan sa mga Pilipino. Ang mga ito ay ilan sa mga pagbabago ng kamalayan sa pagpapahalaga at pamamaraan sa pamumuhay ng pamilyang Pilipino. **2. Ang mabagal na pag-unlad sa pangkaisipan at panlipunan na aspekto ng mga anak.** Isang kritikal na yugto ang panahon ng pagdadalaga at pagbibinata, ito ang yugto na nahuhubog ang kanilang kabutihan, kaganapan ng kanilang sarili, at ang pagpapaunlad buhat sa kabataan tungo sa mas mapanagutang pagkatao (Erikson, 1968). Mahalaga ang presensiya at mabuting halimbawa ng magulang sa mga anak sa panahong ito. Ang kawalan ng presensiya at tuwirang pagkalinga ng isa sa mga magulang ay may epekto sa moral na pagpapahalaga ng kabataan. Maaaring maging dahilan ito ng mga maling pagpapasiya ng kabataan, pagkakaroon ng maling kamalayan sa mga bagay-bagay at sitwasyong kakaharapin niya sa pamayanan. **3. Maaaring maging dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa at panghihina ng katatagan ng pamilya.** Hindi natin maitatanggi na nagiging dahilan din ng paghihiwalay ng ilang mag-asawa ang matagalang pagkalayo sa isa't isa, na nagiging daan sa pagkasira ng kanilang ugnayang mag-asawa. Isa ring nakalulungkot na katotohanan ay ang pagkalayo ng loob ng mga anak sa magulang na napalayo sa kanila sa matagal na panahon dahil sa migrasyon, taliwas sa kung parehong nakalakihan ng anak ang mga magulang, at nakapaghubog ng matatag na pakikipag-ugnayan sa isa't isa. **4. Ang nagbabagong konsepto ukol sa tradisyonal na pamilya sa transnasyunal na pamilya**. Sa kulturang Pilipino, ang ama ang pangunahing tumutugon sa mga pangangailangang pampamilya. Ang ina ang nagtataguyod ng kaayusan at pangangalaga sa mga anak at nakadepende sa asawa sa mga pangangailangang pinansiyal. Ang ama naman ang pangunahing tagapagpasiya sa pamilya. Dahil sa ganitong sistema, kumpleto ang pamilya. Sa transnasyunal na pamilya, ang mga babae ay tumutulong na sa pagtustos ng kinapangunahing gastusin, nagkakaroon ng pagkakataong magpasiya para sa pamilya subalit nawawalan ng pagkakataong gabayan ang mga anak, dahil sa malayo sila sa mga ito. Ito ang ilan lang sa mga pagbabago sa nakagisnang sistema at kultura ng pamilyang Pilipino. **5. Ang pagkakaroon ng puwang at kakulangan ng makabuluhang komunikasyon at atensiyon ng magulang sa anak at ng anak sa magulang.** Ang komunikasyon at paglalaan ng atensiyon sa pamilya ang nagpapatatag ng pagkakaugnay ng bawat miyembro sa isa't isa. Ang hamon ng globalisasyon ang dahilan ng mga makabagong pamamaraan sa pakikipagtalastasan o ang tinatawag na virtual na komunikasyon, na madalas nagagamit ng mga anak at magulang dahil na rin sa makabagong panahon at ang tanging paraan para sa kanilang pakikipag-ugnayan. Ang dating harapang pag-uusap na mas nakapagpapadama ng iba't ibang positibong damdamin at malayang pagpapahayag ng saloobin ay unti-unting nagkaroon ng harang dahil sa mga sitwasyong tulad ng pagtatrabaho sa ibang bansa. Ang cellphone, computer, video calling at ang mga internet connection ang tanging nag-uugnay sa mga miyembro ng pamilya. At madalas, pinansiyal na aspekto ang mga napag-uusapan lamang, dahil sa limitadong oras at panahon, ayaw mabigyan ng alalahanin ang mga magulang na malayo sa kanilang piling, ayaw maipaalam ng magulang ang tunay na sitwasyon sa ibang bansa. Dahil sa mga ito, ang tunay na pagkakalapit at pagpapalitan ng mga saloobin ay hindi na napaglalaanan ng atensiyon. **Pagharap sa Hamon ng Migrasyon** Ang pagharap sa mga epekto ng migrasyon sa pamilyang Pilipino ay nangangailangan ng mga konkretong hakbang upang maging handa ang mga anak at mga magulang at upang mapagtagumpayan ang mga negatibong epekto ng pangingibang bansa. Sa ganitong sitwasyon nagsisimula ang pagmamahalan ng mag-asawa. Ayon kay St. Thomas Aquinas, *"itinuturing na ang pag-aasawa at ang buhay pagpapamilya ay nauugnay sa kalikasan ng pagkatao."* Kaya nararapat ang pagpapatatag ng pagmamahalan ng mag-asawa. Tulad ng natutuhan mo sa Modyul 1, ang pagmamahalan ng mag-asawa ang batayan ng katatagan ng pamilya. Sa katatagang ito nahuhubog ang pagkatao ng bawat miyembro na handang humarap sa mga hamon ng makabagong panahon. Ang sumusunod ay mga hakbang upang maging handa sa mga epekto ng migrasyon sa pamilyang Pilipino: (Marie E. Aganon, 1995) 1\. Pag-oorganisa at pagbuo ng mga *counseling centers* 2\. Patuloy na paghubog ng mga pagpapahalaga at birtud sa mga anak 3\. Pag-oorganisa at pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan 4\. Pagbibigay ng mga programang pang OCWs tulad ng makabuluhang pamumuhunan sa negosyo at pagsasakatuparan ng R.A. 8042 **Learning Competency:** Naipapaliwanag ang kalagayan, suliranin at pagtugon sa isyu ng paggawa sa bansa. **Pangunahing Konsepto** **Ang mga manggagawang Pilipino ay humaharap sa iba't ibang anyo ng suliranin at hamon sa paggawa tulad ng mababang pasahod, kawalan ng seguridad sa pinapasukang kompanya, 'job-mismatch' bunga ng mga 'job-skills mismatch,' iba't ibang anyo ng kontraktuwalisasyon sa paggawa, at ang mura at flexible labor.** Isang hamon din sa paggawa ay ang mabilis na pagdating at paglabas ng mga puhunan ng mga dayuhang namumuhunan na mas nagpatingkad naman ng kompetisyon sa hanay ng mga dayuhang kompanya at korporasyon sa bansa. Dahil dito mas nahikayat ang mga namumuhunan na pumasok sa bansa na nagdulot ng iba't ibang isyu sa paggawa. Dahil sa paglaganap ng globalisasyon naaapektuhan nito maging ang workplace na kung saan nagbunga ito ng pagtatakda ng mga pandaigdigang samahan tulad ng **Word Trade Organization (WTO)** ng mga kasanayan o kakayahan sa paggawa na globally standard para sa mga manggagawa. Naglalagak ang mga multi-national company ng mga investment para sa mga trabaho sa bansa na kung saan ang mga kasanayan na kakailanganin ng isang manggagawa ay nakabatay sa mga naging kasunduan ng bansa sa mga kompanyang ito. Ilan sa maraming naidulot ng globalisasyon sa paggawa ay ang mga sumusunod: 1\. demand ng bansa para sa iba't ibang kakayahan o kasanayan sa paggawa ng globally standard; 2\. mabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na produkto na makilala sa pandaigidigan pamilihan; 3\. binago ng globalisasyon ang workplace at mga salik ng produksyon tulad ng pagpasok ng iba't ibang gadget, computer/IT programs, complex machines at iba pang makabagong kagamitan sa paggawa; at 4\. dahil sa mura at mababa ang labor o pasahod sa mga manggagawa kaya't madali lang sa mga namumuhunan na magpresyo ng mura o mababa laban sa mga dayuhang produkto o mahal na serbisyo at pareho ang kalidad sa mga produktong lokal. Ang mga pagbabagong ito ay nakaapekto sa mga manggagawa sa iba't ibang aspekto na nagbunsod ng maraming isyu sa paggawa na hinaharap ng mga manggagawang Pilipino sa kasalukuyan upang magkaroon ng desente at marangal na pamumuhay.

Use Quizgecko on...
Browser
Browser