Summary

This document discusses the concepts of colonialism and imperialism, outlining their definitions and distinctions. It also explores different types of colonialism, providing examples and details. The document is focused on Filipino history and social studies lessons.

Full Transcript

**Kahulugan ng Kolonyalismo at Imperyalismo** Madalas na itinuturing ng mga manunulat na magkasingkahulugan ang mga terminong kolonyalismo at imperyalismo. Karaniwang pinagpapalit-palit ang paggamit ng mga ito sa pagtukoy sa pananakop ng isang lahi sa iba pang lahi. Gayunman, ayon kay Barbara Arnei...

**Kahulugan ng Kolonyalismo at Imperyalismo** Madalas na itinuturing ng mga manunulat na magkasingkahulugan ang mga terminong kolonyalismo at imperyalismo. Karaniwang pinagpapalit-palit ang paggamit ng mga ito sa pagtukoy sa pananakop ng isang lahi sa iba pang lahi. Gayunman, ayon kay Barbara Arneil, isang propesor ng agham pampolitika sa University of British Columbia, nagsimula lamang na ituring na \"magkasingkahulugan\" ang dalawang termino matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil sa mahabang panahon ay magkaiba ang kahulugan ng mga ito. Ang imperyalismo ay galing sa salitang Latin na imperium na nangangahulugang \"ganap na kontrol o pagsakop.\" Taglay ng salitang ito ang konotasyon ng marahas at militaristang pagsakop sa ibang lahi. Nakabatay ito sa paniniwala na mas mababa ang ibang lahi kompara sa lahing mananakop, kaya naman karapat-dapat silang sakupin. Ang kolonyalismo naman ay nagmula sa salitang Latin na colonia na tumutukoy sa "tinitirhang lupain o bukid.\" Inuugnay ito sa dalawa pang salita-colere na nangangahulugang "palaguin\" at colonus na tumutukoy naman sa \"magsasaka.\" Orihinal na tumutukoy ang kolonyalismo sa paglipat ng isang populasyon sa ibang teritoryo. Nakabatay ito sa paniniwala na nahuhuli sa pag-unlad ang lilipatang teritoryo, kaya kailangan itong paunlarin sa pamamagitan ng pagsasaka. Ang etimolohiya (pag-aaral sa pinagmulan ng isang salita) ng imperyalismo at kolonyalismo ang batayan ng pagkakaiba ng dalawa. Sa kaso ng imperyalismo, ito ay laging inuugnay sa paggamit ng dahas upang masakop ng mga dayuhan ang isang teritoryo at pangkat ng mga tao. Kadalasan din na pinamamahalaan nila ang nasakop na teritoryo mula sa labas-ibig sabihin, walang paglipat o migrasyon ng malaking bahagi ng populasyon tungo sa teritoryong sinakop. Sa kaso naman ng kolonyalismo, bagaman madalas din itong may konotasyon ng karahasang militar, hindi ito pangunahing katangian ng kolonyalismo. Ibig sabihin, maaaring matawag na kolonyalismo ang paglipat ng populasyon ng isang grupo sa ibang teritoryo kahit walang karahasang nangyari sa proseso ng paglipat. Halimbawa, may isang liham si Jose Rizal sa kapwa niya propagandista na si Mariano Ponce noong Abril 1889, kung saan tinawag niyang \"mga kolonyang Pilipino sa Europa\" ang populasyon ng mga Pilipinong naninirahan sa Espanya. Kung sa imperyalismo, pinamamahalaan ng mga mananakop ang teritoryo mula sa labas (sa kanilang pinagmulang lugar), sa kaso ng kolonyalismo ay pinamamahalaan ng mga mananakop ang teritoryo mula sa loob ng bansang sinakop mismo. Ngunit anuman ang pagkakaiba ng dalawa, madalas na pareho itong nararanasan ng mga katutubong mamamayan ng lugar na nilipatan o sinakop, lalo na kung mas makapangyarihan ang mga mananakop o mga dayuhan kaysa sa sinakop o nilipatang bayan. Para pa rin kay Barbara Arneil, mahalagang maunawaan ang kaibahan ng imperyalismo at kolonyalismo dahil may makabuluhan itong implikasyon sa lipunan. Negatibo ang naidulot ng pagbibigay ng parehong kahulugan sa dalawa. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagsimula na ring gamitin ang terminong kolonyalismo para sa militaristang pananakop ng mga dayuhan sa isang teritoryo, kung saan ang pamamahala ay isinasagawa mula sa labas. Samakatwid ay naging kasingkahulugan na ito ng imperyalismo. Dahil sa pananaw na ang imperyalismo at kolonyalismo ay tumutukoy lamang sa pananakop ng mga banyaga, nakaligtaan na ng mga kritiko na punahin na posible ring umiral ang kolonyalismo sa loob ng isang bansa kahit walang panlabas na pananakop na nagaganap. Ito ang dahilan kung bakit hindi gaanong napupuna ang nangyayaring paniniil at pananamantala ng mga mamamayan sa sarili nilang mga kababayan. Upang mas maunawaan ang puntong ito, makatutulong na matutuhan ang iba\'t ibang uri ng kolonyalismo. Mga Uri ng Kolonyalismo Ang kolonyalismo ay may iba\'t ibang uri. **[1. Klasikong kolonyalismo (Classic colonialism)]** - Ito ang pinakakilalang uri ng kolonyalismo. Tumutukoy ito sa pananakop ng mga banyaga sa ibang teritoryo at paglipat ng maliit na bahagi ng kanilang populasyon sa naturang teritoryo. Sa ganitong uri ng kolonyalismo, kadalasang nagkakahalo ang lahi ng banyagang populasyon at katutubong populasyon. Isang halimbawa nito ang kolonyalismong Espanyol sa Pilipinas. Ang populasyong Espanyol na nanirahan sa Pilipinas ay tinawag na peninsulares, dahil ipinanganak sila sa tangway (o peninsula) ng Iberia, kung saan matatagpuan ang Espanya. Ang anak ng mga migranteng Espanyol na ipinanganak sa Pilipinas ay tinawag namang insulares dahil sa pagiging insular o kapuluan ng Pilipinas. Nakapangasawa ng Espanyol ang ilang mga Pilipino, at ang kanilang mga naging anak ay tinawag naman na mestizo (tumutukoy sa paghahalo ng lahi). **[2. Paninirahang kolonyalismo (Settler colonialism)]** - Tulad ng klasikong kolonyalismo, ang paninirahang kolonyalismo ay inilalarawan din bilang pagsakop ng banyagang lahi sa ibang teritoryo. Ngunit kompara sa klasikong kolonyalismo, ang paninirahang kolonyalismo ay inuugnay sa paglipat o migrasyon ng malaking bahagi ng populasyon ng mananakop tungo sa teritoryo ng sinakop. Sa uring ito, hindi lamang nagsasanib ang banyagang lahi (mananakop) at katutubong lahi (sinakop), bagkus ay unti-unti pang inaangkin ng mga dayuhan ang lupain ng mga katutubo na nagiging dahilan ng pagliit ng bilang o pagkaubos ng katutubong populasyon. Kadalasang bahagi ng paninirahang kolonyalismo ang elemento ng henosidyo (genocide). Tumutukoy ang henosidyo sa sistematikong pagpaslang sa isang lahi upang lubos na malipol ito. Isang halimbawa ng ganitong uri ng kolonyalismo ay ang pagsakop ng mga Briton ng Britanya sa mga lupain sa Hilagang Amerika (kalaunang naging Estados Unidos) na humantong sa labis na pagliit ng populasyon ng mga Katutubong Amerikano (American Indian), ang mga orihinal na naninirahan sa rehiyon. Ang mayorya ng mga mamamayan ng Estados Unidos sa kasalukuyan ay hindi mga katutubo sa Amerika, bagkus ay mga migrante mula sa Britanya. Kapareho rin nito ang kolonyalismo ng Britanya sa Australia, kung saan halos maubos din ang populasyon ng mga katutubo. Sa kasalukuyan, isang napapanahong halimbawa ng paninirahang kolonyalismo ang ginagawa ng Israel sa Palestine, kung saan labis na lumiit at patuloy pang nababawasan ang teritoryo ng mga Palestino dahil sa unti-unting pangangamkam ng Israel sa lupain ng Palestine upang gawing panahanan ng mga Israeli. **3. Neokolonyalismo (Neocolonialism)** - Ang ibig sabihin ng neo ay \"bago,\" kaya naman ang tuwirang salin nito ay \"bagong kolonyalismo.\" Tinawag itong bago dahil hindi tulad ng klasikong kolonyalismo, hindi na tuwirang sakop ng isang bansa ang kanyang kolonya. Ang dating kolonya ay may pormal nang kalayaan, may sariling pamahalaan, at may karapatan sa sariling teritoryo. Gayunman, kahit may pormal na kalayaan na ang dating kolonya, patuloy pa rin itong naiimpluwensiyahan ng dating mananakop sa iba\'t ibang aspekto tulad ng politika, ekonomiya, kultura, at usaping panlipunan. Ang pag-impluwensiyang ito sa dating kolonya ay di-tuwiran. Isang halimbawa nito ang nararanasan ng Pilipinas kaugnay ng dating mananakop na mga Amerikano. Kahit pa may pormal nang kalayaan ang Pilipinas, patuloy na naiimpluwensiyahan ng Estados Unidos ang mga desisyong pampolitika ng bansa. Ang mga patakaran at programang pang-ekonomiya at maging kultura ng bansa ay patuloy na kakikitaan ng bakas ng impluwensiyang Amerikano. **4. Domestikong kolonyalismo (Domestic colonialism**) - Gaya ng nabigay na halimbawa sa simula ng aralin, tumutukoy ito sa ginagawang malawakang pananamantala o persekusyon ng dominanteng grupo (karaniwang mayorya sa lipunan) sa kanilang sariling mga kababayan na madalas ay may natatangi o naiibang etnisidad o relihiyon. Isang malinaw na halimbawa nito ang pagpaslang, pagkamkam sa mga lupain, at iba pang anyo ng karahasan na ginagawa ng pamahalaan ng Myanmar sa mga Rohingya, na bagaman may ibang relihiyon at nabibilang sa ibang pangkat- etniko ay mga naninirahan din sa Myanmar. **5. Maramihang kolonyalismo (Multiple colonialism)** - Ito ay isang uri ng kolonyalismo kung saan sinasakop at inaabuso nang magkakasabay ng iba\'t ibang grupo ang isang pangkat o bayan. Iginiit ng kasalukuyang dekano ng Institute of Islamic Studies ng Unibersidad ng Pilipinas na si Julkipli Wadi, na isa sa mga maituturing na nakararanas ng maramihang kolonyalismo ay ang Mindanao. Aniya, sa loob ng mahabang panahon ay napabayaan ito ng pamahalaan ng Pilipinas, patuloy na naiimpluwensiyahan ng Estados Unidos, at pinagsasamantalahan ng mga lokal na negosyanteng Pilipino. **[DALAWANG YUGTO NG KOLONYALISMO AT IMPERYALISMO SA TIMOG-SILANGANG ASYA]** Dumaan ang Timog-Silangang Asya sa dalawang yugto ng kolonyalismo at imperyalismo mula noong ika-16 na siglo hanggang sa kalagitnaan ng ika-20 siglo. **[Ang unang yugto ay tumutukoy sa pamamayani ng Portugal at Espanya]** bilang mga unang imperyong sumakop sa Timog-Silangang Asya, partikular sa mga kapuluang bansa nito. Iba\'t iba ang salik na nagtulak sa dalawang Europeong bansa upang maglayag at galugarin ang Silangan. Una ay ang pagkakalimbag ng aklat ni Marco Polo noong taong 1300. Si Marco Polo ay isang mangangalakal mula sa Venice na naglakbay sa iba\'t ibang bahagi ng Asya, partikular sa Tsina, noong 1271 hanggang 1295. Nang nakulong siya sa Genoa, nakilala niya si Rustichello da Pisa at ikinuwento sa kanya ang mga karanasan sa paglalakbay. Isinulat ito ni Rustichello sa isang aklat at pinamagatang Il Milione. Tinatayang naisulat niya ito noong 1298. Mas nakilala ang aklat sa titulong The Travels of Marco Polo. Ang aklat na ito ay pumukaw sa interes ng mga Europeo sa kagandahan kultura at likas na yaman ng Asya, at nag-udyok sa kanila na maglayag patungong Silangan. **Ikalawa, nais ng mga Europeo na makontrol ang kalakalan ng mga produktong pampalasa, tulad ng kanela, kardamomo, klabo, at luyang dilaw**. Ang kalakalan ng mga pampalasa ay nakasentro sa Timog-Silangang Asya dahil narito ang Moluccas o Maluku (mga pulo sa Indonesia) na isa sa pangunahing pinagmumulan ng mga pampalasa. Malaki ang kita mula sa kalakalang ito dahil ipinagbibili ang mga pampalasa sa mataas na presyo. Mahal ang mga pampalasa dahil hindi ito matatagpuan sa Europa, mainam itong gamitin para sa pagpreserba ng karne, at mahalaga itong sangkap na nagpapasarap sa pagkain. Ang pagkakaroon ng kontrol sa kalakalan ng mga pampalasa ay isa sa mga dahilan ng kompetensiya sa pagitan ng Portugal at Espanya sa mga teritoryo sa Timog- Silangang Asya. **[Ikatlo, hangad din ng Portugal at Espanya na palaganapin ang Kristiyanismo sa mga bansang hindi Kristiyano]**. Bilang mga nangungunang Katolikong kaharian sa Europa, nais nilang ipangaral ang Kristiyanismo sa mga lugar na kanilang masasakop. Gayunman, kung paano nila ginamit ang pananakop para palaganapin ang Kristiyanismo, gayundin nila ginamit ang Kristiyanismo upang bigyang-katwiran ang kanilang pananakop. Sa katunayan, nakatanggap sila ng basbas mula sa Santo Papa ng Simbahang Katolika na si Alexander VI. Sa pamamagitan ng isang deklarasyon na tinawag na \"Inter Caetera\" noong 1493, binigyan ng karapatan ang Portugal at Espanya na paghatian at angkinin ang mga teritoryong kanilang \"matutuklasan\" sa paglalakbay. Ang mga salik na ito ay madalas na ibinubuod sa idea na \"God, gold, and glory,\" na sinasabing pangunahing layunin ng pananakop ng mga Europeo sa Asya, partikular ng Portugal at Espanya. Sa unang yugtong ito ng kolonyalismo sa Timog-Silangang Asya noong ika-16 na siglo, matagumpay na nasakop ng Portugal ang mga pulo ng Indonesia, habang napasakamay naman ng mga Espanyol ang Pilipinas. Sa pagtatapos ng ika-16 na siglo at pagsisimula ng ika-17 siglo, isa-isang dumating ang iba pang Europeo sa Timog-Silangang Asya, na pinangunahan ng mga Olandes, Pranses, at Briton. Ito ang maituturing na ikalawang yugto ng kolonyalismo sa Timog-Silangang Asya. Sa pagkakataong ito ay hindi na lamang kapuluang Timog-Silangang Asya ang nasakop ng mga Europeo, kundi pati ang kalupaang Timog-Silangang Asya na kinabibilangan ng kasalukuyang Vietnam, Laos, Cambodia, at Myanmar. Kaiba sa unang yugto na nakatuon sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo, may katangiang sekular ang ikalawang yugto ng kolonyalismo. Nang unang marating ng mga Olandes, Pranses, at Briton ang kalupaang Timog-Silangang Asya, pangangalakal at hindi pananakop ang kanilang layunin. Gayunman, nagkaroon ng tensiyon kalaunan sa pagitan ng kanilang ekonomikong interes at kapangyarihan ng mga katutubong imperyo sa kalupaang Timog-Silangang Asya, na humantong sa tuwirang mga digmaan at ganap na pananakop sa rehiyon. Isa sa mga pangunahing naging salik na nagtulak sa mga Briton, Olandes, at Pranses na tumungo sa Timog-Silangang Asya ay ang naganap na Rebolusyong Industriyal sa Europa noong huling bahagi ng ika-18 siglo. Ang Rebolusyong Industriyal ay nagdulot ng malaking pagbabago sa lipunan, mula sa pagiging agrikultural tungo sa pagiging industriyal, kung kaya tumaas ang produksiyon ng mga ipinagbibiling produkto. Dahil ito sa pagkakaimbento sa mga makinang ginagamit sa mga pabrika, gayundin ang pagkalikha ng malalaking sasakyang pandagat at panlupa na magagamit para sa transportasyon ng mga kalakal. Pinaunlad ng Rebolusyong Industriyal ang ekonomiya ng mga bansang Europeo, tulad ng Pransiya, Britanya, at Olanda. Dahil sa mabilis at maramihang produksiyon, tumaas ang pangangailangan ng mga Europeo sa mga hilaw na materyales. Ang pananakop ang isa sa nakita nilang solusyon. Ang kanilang mga teritoryong masasakop sa Asya ang magsisilbing mapagkukunan ng mga hilaw na materyales para sa pagbuo ng mga produkto. Bukod sa pagiging hanguan ng mga hilaw na materyales, nakita rin nila ang mga kolonya sa Asya bilang potensiyal na merkado o pamilihan. Dahil sa bilis at dami ng produksiyon, nagkaroon ng labis na mga produkto (surplus products) kompara Sa pangangailangan ng mga Europeo. Ang mga hilaw na materyales na nakuha sa mga kolonya ay ginamit para sa produksiyon ng mga produkto na ipinagbili rin sa mga kolonya, na nagsilbing karagdagang merkado. Bukod sa nakatipid ang mga naturang bansang Europeo dahil sa mas murang hilaw na materyales na mula sa mga kolonya, mas tumaas din ang kanilang kita sa pagbebenta ng mga sobrang produkto sa kanilang mga kolonya. Ngunit kung paanong ang ganitong sistema ay lubos na nagpayaman sa mga Europeo, labis naman ang paghihirap na dulot nito sa mga kolonya sa Timog-Silangang Asya. Bukod sa pagkasira ng likas na yaman ng mga kolonya dahil sa paghango ng maraming hilaw na materyales, naging pasanin din sa kanilang ekonomiya ang pagiging merkado ng mga sobrang produkto. Ang salik na ito ng Rebolusyong Industriyal ang nagbigay ng motibasyon at kapangyarihan sa mga bagong imperyalistang Europeo upang paghati-hatian ang kalupaan at kapuluang Timog-Silangang Asya. Sinimulan nila ito sa pakikipagkalakalan sa mga katutubong kaharian, na unti-unting humantong sa direktang pananakop. Sinakop ng Olanda ang Indonesia at nakuha ng Britanya ang Malaysia at Burma (kasalukuyang Myanmar). Napasakamay naman ng mga Pranses ang tinagurian nilang rehiyong Indotsina na kinabibilangan ng Vietnam, Laos, at Cambodia. **Natatanging Karanasan ng Thailand sa Panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo** Sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya, naiiba ang naging karanasan ng Siam (ngayon ay Thailand) sa usapin ng kolonyalismo at imperyalismo. Ito lamang ang tanging kaharian na hindi tuwirang nasakop ng mga banyaga. Ayon kay Miltond Osborne, isang Australianong historyador, may dalawang pangunahing dahilan ito. **[Una, nagsilbing buffer state ang Thailand]**. Ang buffer state ay isang estado na nasa pagitan ng dalawang magkatunggaling bansa na nagsisilbing pamigil na magkaroon ng tuwirang labanan ang dalawang bansa. Ang Siam ay nasa gitna ng Vietnam na kontrolado ng mga Pranses, at ng Burma na hawak naman ng mga Briton. Ang pagpapalawak ng kapangyarihan ng mga Pranses patungo sa Siam ay banta sa pamamahala ng mga Briton sa Burma. Gayundin, magiging banta ang kapangyarihan ng Briton sa mga Pranses na nasa Vietnam. Kaya naman ang hindi pakikialam o pagpapalawak ng kapangyarihan ng parehong bansa sa Siam ay paraan upang mapanatili nila ang kapayapaan. **[Ikalawa, may kinalaman din ito sa mahusay na pamamahala ng mga hari ng Siam.]** Halimbawa, naging mahusay si Haring Mongkut sa pagyakap sa mga bagong kaalaman at makabagong teknolohiya mula sa Kanluran. Bumuo rin siya ng mga polisiyang diplomatiko na makaiiwas sa mga sitwasyon na maaaring gamitin ng mga Kanluraning bansa bilang dahilan ng kanilang pag-atake sa Siam. Ang ganitong mga polisiya ay ipinagpatuloy rin ng kanyang anak na si Haring Chulalongkorn. Mula nang maupo sa trono si Chulalongkorn noong 1868, naging opisyal na polisiya na ng Siam ukol sa ugnayang panlabas nito ang neutralidad o pagiging walang kinakampihan, na madalas nilang ilarawan gamit ang metapora ng \"pagyuko ng kawayan sa ihip ng hangin.\" Tulad ng kawayan na yumuyuko sa malakas na ihip ng hangin upang hindi ito mabali, mas pinili ng Siam na makipagkasundo sa mga makapangyarihang bansa upang mapanatili ang kalayaan nito. Kasama sa kompromisong isinagawa ng Siam sa Pransiya at Britanya ang pagkakaroon ng espesyal na pakikipagkalakalan sa kanila, pagpapagamit ng ilang lupain nito upang tirhan ng mga dayuhan, at pagbibigay ng iba\'t ibang pribilehiyong legal sa mga Pranses at Briton. **[KARANASANG KOLONYAL NG KAPULUANG TIMOG-SILANGANG ASYA]** Bagaman unibersal ang karanasan sa kolonyalismo (na naganap sa mayorya ng daigdig), bawat kontinente at bahagi nito ay may natatanging karanasan. Sa bahaging ito, matutunghayan ang naiibang karanasan ng kapuluang Timog-Silangang Asya sa kolonyalismo, partikular ng Pilipinas, Malaysia, at Indonesia. Sisimulan ito sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa pagdating ng kolonyalismo sa rehiyon. **Pagdating ng mga Mananakop sa Kapuluang Timog-Silangang Asya** Ang Pilipinas ang naging kolonya ng Espanya sa Timog-Silangang Asya. Dumaong ang mga Espanyol sa Pilipinas noong 1521 sa pangunguna ni Ferdinand Magellan. Hindi naging matagumpay si Magellan sa tangkang pagsasailalim sa mga katutubo sa kapangyarihan ng Espanya dahil nagapi sila ng puwersa ni Lapulapu sa Mactan na ikinamatay ni Magellan. Ngunit dahil sa "pagkakatuklas" ni Magellan sa Pilipinas, sunod-sunod ang ginawa ng Espanya na pagpapadala ng ekspedisyon sa Pilipinas. Kabilang na rito ang ekspedisyon ni Alonso de Saavedra Ceron (1527-1529) at Ruy Lopez de Villalobos (1542-1546). Ang naging matagumpay na ekspedisyon ng mga Espanyol sa Pilipinas ay ang ekspedisyon ni Miguel Lopez de Legazpi. Narating ni Legazpi ang Pilipinas noong 1565 at nagtatag ng unang pamayanan sa Cebu. Pagdating ng 1570 hanggang 1571, nagtungo naman ang kanyang puwersa sa Luzon. Dito ay nakasagupa nila ang mga puwersa ng kaharian ng Maynila at Tondo na pinamumunuan ni Raha Sulayman at Lakandula. Matapos nilang mapasakamay ang Maynila ay idineklara ito ni Legazpi bilang sentro ng kapangyarihang kolonyal ng Espanya sa Pilipinas. Si Legazpi rin ang itinalaga bilang kauna-unahang gobernador-heneral ng Espanya sa Pilipinas. Mahalaga ang naging papel ng apo ni Legazpi na si Juan de Salcedo sa pagsakop sa malaking bahagi ng Luzon matapos ang pagbagsak ng Maynila. Ipinadala siya sa katimugang bahagi ng Luzon, kung saan matagumpay niyang nasakop ang Cainta, Taytay, Laguna, Tayabas (Quezon), at Camarines. Pagkatapos ay tumungo naman siya pahilaga at matagumpay na nasakop ang Zambales at Pangasinan. Siya rin ang nanguna sa paggapi sa mga Ilokano, at nagawa niyang makontrol ang Ilocos at Cagayan. Mula sa paglalakbay sa Ilocos ay bumalik si Salcedo sa Maynila, kung saan niya inihanda ang kanyang puwersa patungong Bicol. Pagkatapos magapi ang mga Bikolano ay sinimulan niya ang pamamahala ng mga Espanyol. Bilang gantimpala sa tagumpay ni Salcedo, ipinagkaloob sa kanya ng hari ng Espanya ang rehiyon ng Ilocos. Itinatag niya rito ang Villa Fernandina (kasalukuyang Vigan). Dito rin siya sa Vigan namatay noong ika-11 ng Marso 1576 sa edad na 27. Ang Visayas, malaking bahagi ng Luzon, at maliit na bahagi ng Mindanao ay napasakamay ng mga Espanyol (bagaman sa mga bahagi ng Mindanao na nasakop ay hindi naging matatag ang kanilang kapangyarihang kolonyal). Samantala, bigo sila sa makailang ulit na pagtatangkang sakupin ang Cordillera at ang kanlurang bahagi ng Mindanao na kontrolado ng mga sultanato. Una namang napadpad ang mga Portuges sa mga pulo na saklaw ng kasalukuyang mga bansang Indonesia, Malaysia, Timor-Leste, Singapore, at Brunei. Narating nila noong 1509 ang rehiyon, partikular ang Malacca (nasa Malaysia ngayon) na isa sa pinakamahahalagang sentro ng kalakalan noong ika-16 na siglo. Si Heneral Alfonso de Albuquerque ang siyang nanguna sa pagpaplano ng pagsakop ng Portugal sa Malacca. Matapos nilang makubkob ang Goa (sa India) noong 1510, matagumpay naman nilang nasakop ang Malacca noong 1511, dalawang taon matapos ang una nilang pagdaong dito. Ang estratehikong lokasyon ng Malacca ay nakatulong upang mas mapalawak ng Portugal ang teritoryo nito sa Timog-Silangang Asya. Sa pagsakop nito sa Malacca, nagkaroon ng monopolyo ang mga Portuges sa kalakalan ng mga pampalasa at mga produktong Tsino. Estratehiya rin ito ni Albuquerque upang maputol ang ugnayang pangkalakalan ng mga Portuges sa mga mangangalakal na Muslim sa Venice, na kanilang kakompetensiya sa kalakalan sa Europa. Kalaunan, naidagdag ng Portugal sa kanilang teritoryo ang Timor-Leste, gayundin ang Moluccas na kilala sa tanyag na bansag na Spice Islands. Nanatili sa kapangyarihan ng mga Portuges ang Malacca sa loob ng 130 taon, hanggang sa maagaw ito ng mga Olandes noong 1641. Ang teritoryong nanatiling sakop ng Portugal sa loob ng mahabang panahon ay ang Timor-Leste na naging kolonya nito mula 1702 hanggang 1975 (kung kailan naging bahagi ito ng teritoryo ng Indonesia). Sa pagtatapos ng ika-16 na siglo at pagsisimula ng ika-17 siglo, dumating ang iba pang bansang Europeo sa kapuluang Timog-Silangang Asya at hinamon ang pangingibabaw ng kapangyarihan ng Portugal at Espanya. Isa na rito ang Olanda. Sa pangunguna ni Cornelis de Houtman, naglayag ang apat na barko na may sakay na 249 katao noong 1595 mula Olanda at nakarating sa Banten, Java noong Hunyo 1596. Noong 1602, itinatag nila ang Dutch East India Company upang isulong ang ekonomikong interes ng Olanda sa Asya, partikular sa kapuluang Timog-Silangang Asya. Nagsimula ang matagumpay nilang pananakop sa maraming bahagi ng Indonesia nang makubkob ni Jan Pieterszoon Coen ang Batavia (kasalukuyang Jakarta) noong 1619. Ang Batavia at Sumatra ang naging sentro ng kapangyarihang kolonyal ng Olanda sa Indonesia. Pagsapit ng 1641, naagaw ng mga Olandes mula sa mga Portuges ang Malacca, at naging hudyat ito ng tuluyang paghina ng kapangyarihan ng Portugal sa rehiyon. Bahagyang may pagkakaiba ang naging pananakop ng mga Olandes sa Timog-Silangang Asya kung ikokompara sa pananakop ng mga Espanyol at mga Portuges. Kung ang mga Espanyol at Portuges ay nakatuon sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo, itinutok naman ng mga Olandes ang pansin sa aspektong pampolitika at pang-ekonomiya at hindi nila gaanong pinakialaman ang mga paniniwala at relihiyon ng mga katutubo. Ang Britanya ay naging mahigpit na karibal ng Olanda sa kapangyarihan sa kapuluang Timog-Silangang Asya. Sa katunayan, tatlong malalaking digmaan ang naganap sa pagitan ng mga Briton at Olandes mula 1642 hanggang 1674. Sa Malaysia, pansamantalang naagaw ng mga Briton mula sa mga Olandes ang Malacca noong panahon ng Digmaang Napoleoniko. Naibalik ito sa kamay ng mga Olandes noong 1818, ngunit tuluyan na itong napunta sa kontrol ng mga Briton noong 1825. Nakuha rin ng mga Briton ang Penang noong 1786. Sinundan ito ng pagsakop nila sa Singapore sa pangunguna ni Stamford Raffles noong 1819. May bentaha ang kanilang pagkontrol sa Singapore bilang daungan ng mga sasakyang pandagat dahil magagamit nila ito upang kompetensiyahin ang monopolyo ng mga Olandes sa kalakalan sa rehiyon. Noong 1826, pinag-isa ng mga Briton ang tatlong sentro ng kalakalan na Penang, Singapore, at Malacca, at tinawag itong Straits Settlements. Matatagpuan sa Singapore ang sentro ng pamamahala ng Straits Settlements mula noong 1832. Umiral sa matagal na panahon ang kompetisyon sa teritoryo sa pagitan ng Britanya at Olanda. Nahinto lamang ito nang maganap ang Kasunduang Anglo-Olandes sa London ika-17 ng Marso 1824. Ang kasunduang ito ay naging daan upang maitakda ang noong ganap na hanggahan ng teritoryo sa pamamagitan ng pagpayag ng Olanda sa okupasyon. ng Britanya sa Tangway ng Malaya at pagbabalik ng mga posesyon ng Britanya sa Sumatra sa Olanda. Nagresulta ito kalaunan sa pagkakabuo ng kasalukuyang teritoryo ng Malaysia at Indonesia. Itinakda ang mga hangganan batay sa kanilang ekonomikong interes sa pakikipagkalakalan. Ang kasunduan ng dalawang bansa ay isinagawa rin upang mapigilan ang paglawak ng kapangyarihan ng mga Pranses sa Europa. Bagaman magkatunggali ang mga Olandes at Briton sa kanilang interes sa Timog-Silangang Asya, batid nila ang kahalagahan ng pagkakaisa upang mapigilan ang Pransiya sa pagsakop nito sa mga kaharian sa Europa. Nanatili ang Indonesia sa ilalim ng kapangyarihang kolonyal ng mga Olandes hanggang 1949, habang nasakop naman ng mga Malaysia hanggang sa makalaya ito noong 1957. **[PAMAMAHALANG KOLONYAL SA KAPULUANG TIMOG-SILANGANG ASYA]** Nang sakupin ng mga Kanluranin ang Timog-Silangang Asya, pinamahalaan nila mga ito alinsunod sa sistemang pampolitika na nakagisnan nila sa Europa. Sa Pilipinas, naging sentralisado ang sistemang pampamahalaan na binuo ng mga Espanyol. Ang yunit pampolitika na barangay na umiiral na sa kapuluan bago pa man dumating ang mga Espanyol ay kanilang pinanatili. Pinalitan lamang nila ang titulong datu, na ginagamit ng mga pinuno ng barangay, at ginawa itong cabeza de barangay. Bago dumating ang mga Espanyol, \"bayan\" ang tawag sa mas malaking yunit pampolitika na binubuo ng maraming barangay at kadalasang matatagpuan sa bunganga ng mga ilog. Ayon sa akademikong si Mary Jane Rodriguez-Tatel, ang salitang bayan ay hango sa salitang balayan o bahayan na tumutukoy sa kalipunan ng mga balay o bahay o lugar kung saan itinatayo ang mga ito. Ginamit ng mga Espanyol ang salitang pueblo kapalit ng katawagang bayan. Ang pinuno ng pueblo ay tinawag na gobernadorcillo (na ang literal na kahulugan ay \"maliit na gobernador\"). Tanging ang mga posisyong cabeza de barangay at gobernadorcillo lamang ang maaaring hawakan ng mga katutubo noon. Ang mas matataas na katungkulan ay nakalaan na para sa mga Espanyol. Portyser Alcaldia naman ang tawag sa yunit pampolitika na katumbas ng probinsiya sa kasalukuyan. Ang namamahala rito ay tinatawag na alcalde mayor. Binibigyan naman ng ibang katawagan ang isang probinsiya kung saan kailangang papayapain ang lugar laban sa mga nag-aalsang katutubo. Tinawag nila itong corregimiento na pinamamahalaan ng corregidor, isang militar na opisyal. Ang lahat ng mga katungkulang nabanggit ay nasa ilalim ng gobernador-heneral. Siya ang may pinakamataas na kapangyarihan sa buong kapuluan, na noon ay tinawag ng mga Espanyol na Las Islas Filipinas. Ang gobernador-heneral ng Pilipinas ang may pananagutan sa viceroy na namamahala sa Nueva Espanya (kasalukuyang Mexico). Ang pamamahala sa Pilipinas sa panahong iyon ay nasa ilalim ng Nueva Espanya. Ang viceroy naman ay direktang may pananagutan sa reyna o hari ng buong imperyong Espanyol. Bahagyang may pagkakaiba ang pamamahala ng mga Olandes sa Indonesia kung ikokompara sa sentralisadong pamahalaang kolonyal ng mga Espanyol sa Pilipinas. Kaunting teritoryo lamang ng Indonesia ang nasa ilalim ng tuwirang pamamahala ng mga Olandes. Mas marami ang mga tinatawag na \"katutubong estado.\" Tumutukoy ito sa mga lugar kung saan pumayag ang mga katutubong pinuno na mapasailalim sa kapangyarihan ng mga Olandes kapalit ng panananatili ng kanilang pamamahala sa kanilang teritoryo. Sa katunayan, sa unang bahagi pa ng ika-20 siglo magiging ganap, tuwiran, at mahigpit ang kontrol ng mga Olandes sa buong kapuluan ng Indonesia. Sa unang yugto ng kanilang kolonisasyon, pinagtuunan ng pansin ng mga Olandes ang pagtatayo ng ilang mga paaralan para sa aristokrasya o pamilya ng mga katutubong pinuno. Ang mga nakapagtapos sa mga paaralang ito ay itinatalaga sa iba\'t ibang posisyon sa pamahalaan. Sa ganitong paraan napanatili ng mga mananakop ang ilang kapangyarihan ng mga katutubong pinuno. Noong 1808, naganap ang isa sa mahahalagang transisyon sa sistema ng pamamahala sa Indonesia. Sa taong ito ipinadala si Marshal Herman Willem Daendels upang maging gobernador-heneral sa Batavia at mapatatag ang depensa ng Java laban sa mga Briton. Nagpatupad siya ng reporma sa pamahalaan, kung saan binawasan niya ang kapangyarihan ng mga bupati o mga katutubong pinuno ng Java. Sa halip na manatiling pinuno ng kani-kanilang teritoryo, itinuring sila bilang mga nakabababang kawani ng pamahalaang kolonyal. Nagbunga ito kalaunan ng mga pag-aalsa laban sa mga Olandes. Sa kaso naman ng Malaysia, tatlong magkakahiwalay na yunit pampolitika ang binuo ng mga Briton sa bansa. Ang pag-iral ng magkakahiwalay na yunit pampolitika ay sumasalamin sa mga pamayanan sa Malaysia na may natatangi at kanya-kanyang sistemang pampolitika bago pa man dumating ang mga Briton. Ang una sa tatlong yunit na ito ay ang Straits Settlements. Ito ay binuo noong 1826 at nasa tuwirang pamamahala ng Britanya. Ang pinuno nito ay isang kinatawang Briton na tinatawag na gobernador. Ang ikalawang yunit naman na inorganisa noong 1895 ay tinawag na Federated Malay States (FMS). Binubuo ito ng Pahang, Selangor, Perak, at Negeri Sembilan. Nagtalaga ang Britanya ng isang tagapangasiwang Briton sa bawat estado na bahagi ng FMS. Ang ikatlong yunit ay ang Unfederated Malay States (UMS) na kinabibilangan ng Terengganu, Kedah, Kelantan, Perlis, at Johor. Bagaman kinilala ng FMS at UMS ang kapangyarihan ng mga tagapangasiwang Briton, nanatili pa rin ang ilang aspekto ng kapangyarihan ng mga lokal na pinuno ng dalawang yunit na ito. Sa FMS at UMS, parehong nasa kamay ng mga pinunong Malay ang pagresolba ng mga isyung may kinalaman sa relihiyon at kultura. Ang pagkakaiba lamang nila ay resident ang tawag sa tagapangasiwang Briton na tumutulong sa pamamahala ng FMS, habang advisor naman ang tawag sa administrador na nasa UMS. Samantala, ang gobernador ng Straits Settlement ay nagsisilbing high commissioner na may kapangyarihang sumasaklaw rin sa FMS at UMS. **[Mga Kilusang-Bayan sa Kapuluang Timog-Silangang Asya laban sa Kolonyalismo at Imperyalismo]** Sa harap ng kolonyalismong Kanluranin, hindi nanatiling tahimik na tagamasid lamang ang mga mamamayan ng Timog-Silangang Asya. Sa panahon ng pananakop ng mga banyaga, nagsagawa sila ng pakikipaglaban na tinawag na \"digmang-bayan.\" Sa likod ng mga digmaang ito ay ang mga tinatawag na kilusang-bayan. Minaliit lamang ng mga mananakop ang mga pagkilos na ito na kinonsidera nilang insureksiyon o pag-aaklas. Sa pananaw nila, ito ay pagrerebelde na ginagawa ng mga mangmang na katutubong ayaw ng pagbabago at pag-unlad. Ngunit ang inaakala nilang ordinaryong insureksiyon lamang ay isinagawa ng mga kilusang-bayan upang mabawi ang kanilang dangal, karapatan, at kabuhayan na inagaw ng mga mananakop. Ipapakita sa bahaging ito ang ilang halimbawa ng mga digmang-bayan na naganap sa kapuluang Timog-Silangang Asya sa panahon ng kolonyalismo. Sa Indonesia, isa sa mga malawakang digmang-bayan na naganap ay ang Digmaang Javanese noong 1825 hanggang 1830. Pinangunahan ito ni Pangeran Diponegoro, prinsipe ng Java na sumalungat sa pamamahalang kolonyal. Naniniwala ang kanyang mga tagasuporta na siya ang Ratu Adil (\"makatwirang datu o hari\"). Pinaniniwalaan ng ilang mga mamamayan ng Java na balang araw ay darating ang isang Ratu Adil na siyang magbabalik ng nawalang kapayapaan at kasaganaan sa kanilang bansa. Naging matagumpay sa loob ng tatlong taon ang pakikipaglaban nina Diponegoro laban sa mga Olandes, at napanatili nilang matatag ang kanilang tanggulan sa mga kabundukan ng Yogyakarta. Gayunman, mula 1828 ay nagsimula ang sunod-sunod na panalo ng mga Olandes sa mga labanan, hanggang sa napilitan si Diponegoro na makipagkasundo sa mga mananakop. Ngunit imbes na makipagkasundo, hinuli siya, ipinakulong, at ipinatapon sa Makassar. Sa lugar na ring ito siya namatay noong 1855. Ang maituturing na pinakamahabang digmang-bayan na naganap sa Indonesia. ay ang Digmaang Aceh (1873-1913). Nagsimula ito nang magpadala ng ekspedisyon ang mga Olandes upang sakupin ang sultanato ng Aceh sa Sumatra noong 1873. Ang matagal na digmaang ito ang isa sa mga dahilan ng paghina ng kapangyarihan ng Olanda at nakapigil sa pagpapalawak pa ng imperyong Olandes sa Timog-Silangang Asya. Nagsimula lamang na magwagi ang mga Olandes noong huling bahagi ng dekada 1890 sa tulong ni Christiaan Snouck Hurgronje na nagpakadalubhasa sa Islam at katutubong kultura. Nagsilbi siyang tagapayo sa pamahalaang kolonyal kung paano Aceh upang mabawasan mas makaaangkop ang mga Olandes sa kultura at relihiyon ng ang populasyong naghihimagsik laban sa kanila. Tuluyang nagapi ang mga katutubo sa Digmaang Aceh noong 1908, bagaman 1912 lamang sumuko pang nalalabing gerilya. age.asniqili se milau M Habang nagaganap ang ikatlong yugto ng Digmaang Aceh, naganap naman agad sa Indonesia ang isa pang digmang-bayan, ang Pag-aalsang Bali (1908). Sumiklab ito dahil sa pagtatangka ng mga Olandes na gawing monopolyo ang kalakalan ng opyo, isang narkotiko na ginagamit sa medisina ngunit kapag inabuso ay may masamang epekto sa katawan. Bago ang 1908, iniluluwas ng mga mangangalakal na Tsino at Buginese (mga mamamayan ng Bugis) ang opyo sa Bali, at nagbabayad sila ng buwis sa mga raha. Ngunit noong 1908, nagpasiya ang mga Olandes na magkaroon ng monopolyo ng opyo, kung saan sila lamang ang maaaring magbenta nito. Ikinagalit ito ng mga Balinese dahil mangangahulugan ito ng pagkalugi ng mga raha at pagkawala ng kabuhayan ng maraming mamamayan. Bilang pagkontra sa bagong polisiya ng mga Olandes, inilunsad ng ilang mamamayan sa lungsod ng Klungkung ang isang pag-aalsa. Dahil dito, binomba ng mga Olandes ang Klungkung na ikinasawi ng nasa 400 Balinese. Ang mga maharlika naman ng Klungkung ay ipinatapon sa Lombok. Sa Pilipinas, marami ring naganap na digmang-bayan laban sa mga Espanyol na pinangunahan ng mga kilusang-bayan. Isa sa pinakamaagang labanan ang tinagurian ng Pilipinong historyador na si Zeus Salazar na \"Sabwatang Tondo.\" Ang mga inapo ng mga dating pinuno ng Maynila na sina Magat Salamat at Agustin de Legazpi ay nakipagsabwatan sa ilang pinuno ng sultanato ng Brunei noong 1587-1588 upang mapatalsik ang mga Espanyol sa kapuluan. Gayunman, natuklasan ito agad ng mga Espanyol kaya nabigo ang planong pag-aalsa. Marami sa mga nag-alsa ang napaslang, habang ang iba ay ipinatapon sa ibang lugar. Isa ring mahalagang kilusang-bayan sa Pilipinas ang Cofradia de San Jose na itinatag noong 1832 at pinangunahan ni Apolinario de la Cruz, na kilala rin sa tawag na \"Hermano Pule.\" Isinulong ng kapatiran ang pagsasabuhay ng mabubuting gawi bilang Kristiyano na sinamahan ng elemento ng katutubong relihiyon, ngunit binatikos ng arsobispo ang kapatiran at pinaghinalaan ng gobernador-heneral bilang mapanghimagsik. Nag-alsa ang mga kasapi ng Cofradia de San Jose dahil sa persekusyon at diskriminasyong naranasan nila sa kaparian at pamahalaang Espanyol. Kinilala ng mga kasapi ng cofradia si Hermano Pule bilang \"hari ng Katagalugan\" sa panahong tumiwalag ang mga ito sa Simbahang Katolika. Nang nahuli si Hermano Pule noong 1841, nilitis siya agad at pinatawan ng kamatayan sa Tayabas. Ang maituturing na pinakamatagal na digmang- bayan sa Pilipinas laban sa mga Espanyol ay ang Digmaang Moro sa pagitan ng mga Espanyol at mga Muslim sa Pilipinas. Nagsimula ito sa paglusob ng mga Espanyol, sa pangunguna ni Miguel Lopez de Legazpi, sa kaharian ng Maynila na pinamumunuan noon nina Raha Sulayman at Lakandula. Sa Sultanato ng Maguindanao, isa sa mga itinuturing na bayaning Muslim na lumaban sa mga Espanyol ay si Sultan Kudarat noong ika-17 siglo. Nagwakas lamang ang Digmaang Moro noong 1898 nang tuluyan nang mapalayas ang mga Espanyol sa Pilipinas. Marami pang ibang digmang-bayan ang naganap sa Pilipinas, kabilang na ang pag-aalsang Tamblot (1621-1622) sa Bohol na pinangunahan ng babaylan na si Tamblot; pag-aalsang Bankaw (1621-1622) na pinamunuan ni Datu Bankaw (o Bancao) ng Limasawa; pag-aalsang Tapar (1663) sa Panay na pinangunahan ng babaylan na si Tapar; pag-aalsang Rivera (1718) sa Cagayan na pinamunuan ni Francisco Rivera; at pag-aalsang Dagohoy (1744-1829) sa Bohol rin na sinimulan ni Francisco Dagohoy at ipinagpatuloy ng kanyang mga tagasuporta na tumagal nang 85 taon. Hindi tulad ng Indonesia at Pilipinas, walang malawakang digmang-bayan na naganap sa Malaysia. **Imperyalismong Hapones sa Kalupaang Timog-Silangang Asya** Sa isang liham ni Jose Rizal sa kaibigan niyang si Mariano Ponce, nabanggit niya na bagaman malagim ang ginawang pagpaparusa ng mga Espanyol sa tinaguriang tatlong paring martir na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora, mayroon itong naidulot na mabuti sa lipunang Pilipino. Dahil sa pagpatay sa tatlong paring martir, nabuksan ang isip at napukaw ang damdamin ng mga Pilipino sa karahasan ng mga Espanyol. Paliwanag ni Rizal, mas natututo minsan ang bayan na lumaban kapag sukdulan na ang pang-aapi nitong nararanasan. Ang ganitong aral ay makikita rin sa kaso ng mga bansa sa kalupaang Timog-Silangang Asya. Noong panahon ng imperyalismo, daang taon na tiniis ng mga Asyano ang pang-aapi ng mga Europeo. Sa pagsisimula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang bagong anyo ulit ng kaapihan ang naranasan nila. Sa pagkakataong ito, sa kamay naman ng mga Hapones. Habang naiipit sa dalawang puwersang imperyalista, unti-unting namulat ang kaisipan at nagising ang damdaming makabayan ng mga mamamayan ng Timog-Silangang Asya. Napagtanto nilang bagaman iba\'t ibang karahasan ang dinanas nila dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagbigay-daan din ang mga ito tungo sa kanilang unti-unting paglaya. Sa pagpasok ng dekada 1940, ang kapangyarihan ng mga Pranses sa Indotsina ay nagsimulang hamunin ng mga bagong mananakop. Sa pagkakataong ito, ang bagong mananakop ay hindi mga Europeo, bagkus ay kapwa Asyano. Sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang bansang Hapon ay pumanig sa Alemanya at Italya bilang bahagi ng Puwersang Axis. Habang ang mga Aleman at Italyano ay lumulusob at inookupa ang maraming bansa sa Europa, nagpapalawak naman ang Hapon ng imperyo nito sa Asya, partikular sa Pasipiko. Bagaman malaking pinsala sa buhay at ari-arian ang naidulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa mga mamamayan ng kalupaang Timog-Silangang Asya, nagbigay rin ito ng pagkakataon upang higit na mag-alab ang damdaming makabayan ng mga Asyano na pinasimulan ng mga naunang kilusang nasyonalista. Ang sandaling pagwawagi ng mga Hapones laban sa mga Pranses at Briton. sa Timog-Silangang Asya ay nagbukas sa kamalayan ng mga mamamayan ng Cambodia, Laos, at Burma na posible palang matalo ng mga Asyano ang mga Europeo. Namulat sila sa katotohanan na hindi absoluto ang kapangyarihan ng mga Kanluranin. Sa araling ito, matutunghayan natin ang agawan sa kapangyarihan sa pagitan ng mga Hapones at mga Europeo, at ang aktibong pagkilos ng mga mamamayan ng Timog- Silangang Asya upang unti-unting makamit ang kanilang kalayaan. **Vietnam** Labis na humina ang puwersa ng mga Pranses sa Vietnam nang bumagsak sa kamay ng mga Aleman ang Pransiya noong Hunyo 1940. Sinundan ito ng paglusob sa Indotsina ng Thailand, na kapanalig ng Alemanya at Hapon. Matapos itong lusubin ng Thailand, ipinadala ng bagong maka-Aleman na pamahalaan sa Pransiya si Jean Decoux bilang bagong gobernador-heneral sa Indotsina. Noong ika-22 ng Setyembre 1940, pumasok sa isang kasunduan si Decoux sa mga Hapones. Alinsunod sa kasunduan, pinayagan ang pamahalaang Hapones na magpadala ng 30 000 sundalo upang humimpil sa Indotsina. Ang pagkatalo ng mga Pranses sa mga Aleman sa Europa at mga Thai (na umatake sa Indotsina) ay nagbigay ng inspirasyon sa mga nasyonalistang kilusan sa Vietnam. Napagtanto nilang kayang talunin ang Pransiya tulad ng nagawa ng Alemanya. At higit pa rito, naipakita ng pangyayari na posibleng matalo ng isang bansang Asyano (tulad ng Thailand) ang imperyong matagal nang sumasakop sa kanila. Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig nagkaroon ng pagkakataon si Ho Chi Minh na hikayatin ang mga komunistang Vietnamese na makipag-alyansa sa iba pang nasyonalistang kilusan. Ang malawakang alyansang ito ay tinaguriang Viet Nam Doc Lap Dong Minh Hoi (League for the Independence of Vietnam), na kalaunan ay pinaiksi at naging Viet Minh. Naging bukas ang Viet Minh sa paglahok ng lahat ng mga nasyonalistang kilusan na lumalaban sa mga Pranses at Hapones. Si Ho Chi Minh din ang nagsilbing pangkalahatang kalihim ng Viet Minh. Pagsapit ng 1943 ay labis na dumami ang mga kasapi ng Viet Minh. Sinuportahan ito ng halos lahat ng mga nasyonalista, mga intelektuwal, at mga magsasaka. Pagsapit ng 1944 ay mayroon na itong kalahating milyong kasapi. Pinili ni Ho Chi Minh at ng Viet Minh na makipagtulungan sa Puwersang Allied na kinabibilangan ng Pransiya, Estados Unidos, at Britanya, kapalit ng kondisyon na kikilalanin ng mga ito ang Viet Minh bilang lehitimong kinatawan ng sambayanang Vietnamese. Sa kabilang banda ay nakipagsundo naman ang ilang Pranses na kakampi ng Puwersang Axis sa mga Hapones. Pumayag ang mga Hapones na patuloy na pamunuan ng mga Pranses ang Vietnam bilang kinatawan nito sa bansa. Bilang kapalit ay binibigyan naman ng pagkain at mga armas ng Pransiya ang mga Hapones. Ang ginawang ito ng mga Pranses ay nagdulot ng pagkagutom sa mga mamamayang Vietnamese dahil mula sa kanilang kabuhayan kinukuha ng mga Pranses ang sinusuplay na pagkain sa mga Hapones. Sa katunayan, ayon sa mga dalubhasa sa kasaysayang Vietnamese na sina Vu Hong Lien at Peter Sharrock, nasa 2 milyong katao sa Vietnam ang namatay sa gutom. Pranses noong Tuluyang napabagsak ng Hapon ang pamahalaang kolonyal ng mga ika-9 ng Marso 1945. Mula dito ay naging mas tuwiran na ang pamamahala ng Hapon sa Vietnam. Upang makuha ang malawak na suporta ng mga Vietnamese, hinikayat ng mga Hapones ang dating emperador ng Vietnam na si Bao Dai na ideklara ang kalayaan ng Vietnam sa kondisyon na idedeklara itong malaya sa konteksto ng binubuong Greater East Asia Co-Prosperity Sphere ng mga Hapones. Ang Greater East Asia Co-Prosperity Sphere ay tumutukoy sa paglaya ng mga bansang Asyano mula sa mga Kanluraning mananakop at pag-unlad nila sa pamumuno ng mga Hapones at ayon sa huwaran ng bansang Hapon. Ngunit malinaw sa ilang nasyonalistang Vietnamese na tulad ng mga Pranses, gusto lamang din ng mga Hapones na pagharian ang buong Indotsina. Kaya sa halip na paniwalaan ang pangakong \"Asya para sa mga Asyano\" ng mga Hapones, nagtayo ang Viet Minh ng sarili nitong pamahalaan at idineklara ang Tan Trao bilang kanilang kabesera. Sa pamamagitan ng kanyang heneral na si Vo Nguyen Giap, nakipag-ugnayan si Ho Chi Minh sa American Office of Strategic Services. Ang pakikipag-alyansa sa Estados Unidos ay paraan ng Vietnam upang hamunin ang kapangyarihan ng Hapon sa Indotsina. Nagpadala ang mga Amerikano ng mga sandata sa Viet Minh at nagbigay ng pagsasanay militar sa mga sundalong Vietnamese. Naging matagumpay ang ugnayang Vietnam-Estados Unidos na humantong sa tuluyang pagsuko ng mga Hapones noong ika-15 ng Agosto 1945. Mula sa Tan Trao, inilipat ni Ho Chi Minh ang pamahalaan ng Viet Minh sa Hanoi. Mabilis din nilang nahikayat si Emperador Bao Dai na lumagda ng kautusan na pormal na kumikilala sa kapangyarihan ng Viet Minh bilang tunay na kinatawan ng taumbayan. Cambodia Higit na masalimuot ang sitwasyon ng politika sa Cambodia noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagsalitan ang Thailand, Hapon, at Pransiya sa pagsakop sa Cambodia noong panahong ito. Noong 1940 ay sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga Pranses at mga Thai. Nagapi ang pamahalaang kolonyal ng Pransiya na nasa Cambodia, kaya naman napilitan itong isuko ang ilang teritoryo ng Cambodia sa Thailand, tulad ng Battambang at Siem Reap. Sa simula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, limitado lamang ang puwersa ng mga Hapones sa Cambodia dahil sa pakikipag-alyansa ng gobernador-heneral ng Indotsina na si Jean Decoux sa mga Hapones. Ang gobernador-heneral na ito ay itinalaga ng maka-Alemanyang pamahalaan ng Pransiya. Bilang konteksto, nang masakop ng mga Aleman ang Pransiya, mula Paris ay inilipat ang kabesera sa Vichy. May mga Pranses na ipinagpatuloy ang paglaban sa mga Aleman. Ang mga Pranses na ito ay pinangunahan ni Heneral Charles de Gaulle. Ngunit mas maraming Pranses ang piniling pumanig sa mga Aleman. Isa na rito si Jean Decoux. Dahil kapanalig ng mga Hapones sa digmaan ang mga Aleman, napilitan din ang mga Pranses na nasa Cambodia na makipagtulungan sa mga Hapones. Pumayag ang mga Pranses na gawing himpilan ng mga sundalong Hapones ang ilang teritoryo ng Cambodia. Mga Pranses din sa Cambodia ang nagsuplay ng karbon at goma sa mga Hapones na ginamit nila sa digmaan. Bilang kapalit nito, pinahintulutan ng mga Hapones ang mga Pranses na patuloy na pamahalaan ang Cambodia. Tulad sa Vietnam, nagsilbing kinatawan ng mga Hapones ang mga naiwang Pranses sa Cambodia. Mainam din na desisyon para sa mga Hapones na iwan sa mga Pranses ang responsabilidad ng pamamahala sa Cambodia upang matutukan nito ang digmaan sa kalakhang Pasipiko. Nagbago ang kalagayang ito sa Cambodia dahil sa mga kaganapan sa Europa. Naglunsad ng malawakang paglusob ang Puwersang Allied sa Pransiya upang mabawi ito mula sa mga Aleman. Ang malawakang paglusob na ito ay binansagan sa kasaysayan na Normandy landings. Pinangunahan ito ng Estados Unidos, Britanya, at Canada, na pawang mga kaalyado ng Pransiya. Matapos na maibalik muli ang malayang pamahalaan sa Paris, isa sa naging prayoridad ng mga Pranses ay ang mapatalsik ang mga Hapones sa Indotsina. Ang pagbagsak ng puwersa ng mga Aleman sa Pransiya ay nangangahulugan na hindi na rin maaaring magsilbing kinatawan ng mga Hapones ang mga Pranses na nasa Cambodia. Kaya dinakip ng mga Hapones ang mga dati nilang kakamping Pranses, ikinulong ang maraming sundalong Pranses, at pinaslang pa ang ilan sa kanila. Upang makuha ang malawak na suporta ng mga mamamayang Cambodian, hinikayat ng mga Hapones si Haring Norodom Sihanouk na ideklara ang kalayaan ng Cambodia mula sa mga Pranses. Ngunit gaya sa Vietnam, ang kalayaang ito ay nakapaloob sa konteksto ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere. Sinunod ni Sihanouk ang mga Hapones at idineklara ang kalayaan ng Cambodia noong Marso 1945. Ngunit umiral ang kalayaang ito sa maikling panahon lamang. Nagtagumpay ang mga Pranses na mabawi ang Cambodia matapos magapi ang mga Hapones sa buong Indotsina. Sa pangunguna ni Heneral Charles de Gaulle, sinikap ng mga Pranses na maipasailalim muli ang Cambodia sa kolonyalismong Pranses matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bago maganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang hangad lamang ng mga nasyonalistang Lao ay mapanatili ang kanilang pagkakakilanlan sa kabila ng matinding impluwensiya ng Thailand sa kanluran at Vietnam sa silangan. Upang mangyari ito, nakatuon sila sa tulong at suporta ng Pransiya. Ngunit nang dumating ang mga mananakop na Hapones, nagkaroon ng ibang mukha ang nasyonalismong Lao. Dahil sa pagpanalo ng mga Hapones sa mga Pranses, namulat sila na hindi totoo ang dati nilang paniniwala na napakalakas ng mga Pranses. Kung kaya, nagbago ang layunin ng mga aktibistang Lao at itinuon ang kanilang pagkilos sa pagkakamit ng kalayaan. Nang makalaya ang Pransiya mula sa pananakop ng Alemanya sa Europa, sinimulan ng Hapon ang pagpaplano para sa paglulunsad ng operasyong Meigo Sakusen o kudeta ng mga Hapones upang magapi ang nalalabing puwersang Pranses na nasa Indotsina. Bilang bahagi ng paghahanda, nagpadala ang mga Hapones ng halos 200 sundalo upang humimpil sa Thakhek. Bagaman Luang Phrabang ang kabesera ng Laos, mas pinili nilang maging himpilan ang Thakhek dahil sa estratehikong lokasyon nito na malapit sa gitna ng Laos at madaling puntahan mula Vietnam. Sa pamamagitan nito ay mas madaling makapagpapadala ang mga Hapones ng puwersa mula sa Vietnam, at gayundin mula sa Laos patungong Vietnam. Bukod sa Thakhek, naglagay rin ng ilang sundalo ang mga Hapones sa Savannakhet at Xieng Khouang.

Use Quizgecko on...
Browser
Browser