Buod ng Mga Mahahalagang Konsepto sa ESP 10 (Tagalog) PDF
Document Details
Uploaded by GloriousHeliotrope1586
Koronadal National Comprehensive High School
Tags
Related
- Modyul 7: Mga Yugto ng Makataong Kilos (ESP 10)
- Edukasyon sa Pagpapakatao - Ikasampung Baitang - Ikalawang Markahan - Modyul 5
- Edukasyon sa Pagpapakatao - Ikasampung Baitang - Ikalawang Markahan - Modyul 5: Ang Pagkukusa ng Makataong Kilos PDF
- ESP 10 Module 7: Mga Yugto ng Makataong Kilos at Hakbang sa Moral na Pagpapasiya PDF
- EsP 10 Q2 Mod 1: Ang Pagkukusa sa Makataong Kilos PDF
- EsP 10 Q2 Modyul 2: Mapanagutan sa Sariling Kilos (PDF)
Summary
Ang dokumentong ito ay naglalahad ng mga konsepto tungkol sa makataong kilos, kilos ng tao at mga salik na nakaaapekto sa mga kilos na ito. Saklaw nito ang mga konsepto, kahulugan, halimbawa at iba pang impormasyon. Ito'y isang maikling buod ng key concepts.
Full Transcript
**ESP 10 Quarter 2: BUOD NG MGA MAHAHALAGANG KONSEPTO** **Modyul 5: ANG MAKATAONG KILOS** Ayon kay Agapay, ang kilos ang nagbibigay patunay kung ang isang tao ay may kontrol at pananagutan sa sarili. May dalawang uri ng kilos ang tao: **ang kilos ng tao (acts of man) at makataong kilos (human act...
**ESP 10 Quarter 2: BUOD NG MGA MAHAHALAGANG KONSEPTO** **Modyul 5: ANG MAKATAONG KILOS** Ayon kay Agapay, ang kilos ang nagbibigay patunay kung ang isang tao ay may kontrol at pananagutan sa sarili. May dalawang uri ng kilos ang tao: **ang kilos ng tao (acts of man) at makataong kilos (human act).** **Ang kilos ng tao (acts of man)** ay likas sa tao o ayon sa kanyang kalikasan at hindi ginagamitan ng isip at kilos-loob. Halimbawa nito ay ang mga biyolohikal at pisyolohikal na kilos na nagaganap sa tao tulad ng paghinga, pagtibok ng puso, pagkurap ng mata, pagkaramdam ng sakit mula sa isang sugat, paghikab at iba pa. **Ang makataong kilos (human act)** ay kilos na isinagawa ng tao nang may kaalaman, malaya, at kusa. Ito ay ginamitan ng isip at kilos-loob kaya't may kapanagutan ang tao sa pagsasagawa nito. Ito ay kilos na malayang pinili mula sa paghuhusga at pagsusuri ng konsensiya. Pananagutan ng taong nagsagawa ng makataong kilos ang bunga ng kaniyang piniling kilos. **Tatlong uri ng Kilos ayon sa Kapanagutan (Accountability)** Kailangang maging maingat ang tao sa paggawa ng makataong kilos sapagkat ang mga ito ay maaaring maging isyung moral o etikal. Ito ay dahil ang kilos na ito ay ginagawa nang may pang-unawa at pagpipili dahil may kapanagutan (accountability). Ayon kay Aristoteles, may tatlong uri ng kilos ayon sa kapanagutan: **kusang-loob , di kusang-loob, at walang kusang-loob.** **Kusang-loob.** Ito ang kilos na may kaalaman at pagsang-ayon. Ang gumagawa ng kilos ay may lubos na pagkaunawa sa kalikasan at kahihinatnan nito. **Di-kusang-loob.** Ito ang kilos na may kaalaman ngunit kulang ang pagsang-ayon. Makikita ito sa kilos na hindi isinagawa bagaman may kaalaman sa gawain na dapat isakatuparan. **Walang kusang-loob.** Ito ang kilos walang kaalaman kaya't walang pagsang-ayon sa kilos. Ang kilos na ito ay hindi pananagutan ng tao dahil hindi niya alam kaya't walang pagkukusa. **Modyul 6: MGA SALIK NA NAKAAAPEKTO SA PANANAGUTAN NG TAO SA KAHIHINATNAN NG KILOS AT PASYA** **Layunin, Paraan, Sirkumstansiya, at Kahihinatnan** Hindi lahat ng kilos ng tao ay maituturing na makatao. Ang makataong kilos ay bunga ng ating isip at kagustuhan na nasasalamin ang ating pagkatao. Kung ano tao at kung ano ang kalabasan ng ating kilos ay batay sa ating pagpapasiya. Nangangahulugan ito na hindi lahat ng ating isinasagawang kilos ay mabuti. **Sa etika ni Sto. Tomas de Aquino, ang moral na kilos ay ang makataong kilos sapagkat malayang patungo ito sa layunin na pinag-isipan. Ang papel na ginagampanan ng isip ay humusga at mag-utos. Ang papel naman ng kilos-loob ay tumutungo sa layunin o intensiyon ng isip. Ang panloob na kilos ay nagmumula sa isip at kilos-loob. Samantalang ang panlabas na kilos ay ang pamamaraan na ginagamit upang isakatuparan ang panloob na kilos**. Hindi maaaring maging hiwalay ang dalawang ito sapagkat kung masama ang panloob, magiging masama rin ang buong kilos, kahit mabuti ang panlabas. **May mga salik na nakaaapekto sa resulta ng kilos, kung ito ay maituturing na mabuti o masama. Ang mga ito ang batayan sa paghuhusga kung ang kilos ay moral o hindi.** ***Una***, **Layunin**. Ito ay tumutukoy sa panloob na kilos kung saan nakatuon ang kilos-loob. Ito rin ay tumutukoy sa taong gumagawa ng kilos (doer); hindi ito nakikita o nalalaman ng ibang tao dahil ito ay personal sa taong gumagawa ng kilos. Ito ang pinakalayunin o pinatutunguhan ng kilos. ***Ikalawa***, **Paraan**. Ito ay ang panlabas na kilos na kasangkapan o paraan upang makamit ang layunin. Ayon kay Sto. Tomas de Aquino, may nararapat na obheto ang kilos. ***Ikatlo***, **Sirkumstansiya**. Ito ay tumutukoy sa isang kondisyon o kalagayan ng kilos na nakababawas o nakadaragdag sa kabutihan o kasamaan ng isang kilos. ***Narito ang iba't ibang sirkumstansiya:*** **1. Sino.** Ito ang tumutukoy sa taong nagsasagawa ng kilos o sa taong maaaring maapektuhan ng kilos. **2. Ano.** Ito ang tumutukoy sa mismong kilos, gaano ito kalaki o kabigat. **3. Saan.** Ito ang tumutukoy sa lugar kung saan ginagawa ang kilos. **4. Paano.** Ito ay tumutukoy sa paraan kung paano isinagawa ang kilos. **5. Kailan.** Ito ay tumutukoy kung kailan isasagawa ang kilos. ***Ikaapat***, **Kahihinatnan.** Ang lahat ng ginagawang kilos ng tao ay may dahilan, batayan, at may kaakibat na pananagutan. **Mga Salik na Nakaaapekto sa Makataong Kilos** **1. Kamangmangan**. Isa sa pinakamahalagang elemento ng makataong kilos ay ang papel ng isip. Ang kamangmangan ay tumutukoy sa kawalan o kasalatan ng kaalamang dapat taglay ng tao. Ito ay may dalawang uri: nadaraig (vincible) at hindi nadaraig (invincible). **2. Masidhing Damdamin.** Ito ay ang dikta ng bodily appetites, pagkiling sa isang bagay o kilos (tendency) o damdamin. **3. Takot.** Katatapos lang ni Diegong manood ng isang nakatatakot na palabas. Habang nag-iisa, naglalaro sa isip niya ang mga napanood kaya pakiramdam niya ay may nakatingin sa kanya. **4. Karahasan.** Ito ay ang pagkakaroon ng panlabas na puwersa upang pilitin ang isang tao na gawin ang isang bagay na labag sa kanyang kilos-loob at pagkukusa. **5. Gawi.** Ang mga gawaing paulit-ulit na isinasagawa at naging bahagi na ng sistema ng buhay sa araw-araw ay itinuturing na gawi (habits). **Modyul 7: MGA YUGTO NG MAKATAONG KILOS** ***Sitwasyon:*** Nakakita si Ryan ng isang bagong modelo ng cellphone sa isang mall kung saan siya namamasyal. Lahat ng kaniyang mga kaibigan ay mayroon na nito. Suriin natin ang paglalapat ng makataong kilos sa sitwasyong ito. 1\. **Pagkaunawa sa layunin**. Matagal na niyang nais magkaroon ng cellphone na bago sapagkat ang ginagamit niya ay luma na. 2\. **Nais ng layunin**. Ang unang reaksiyon ni Ryan ay ang pagkakaroon ng pagnanasa rito. Nag-iisip na siya kung saan kukuha ng pera para mabili ito. 3\. **Paghuhusga sa nais makamtan**. Ito ang nais ng kaniyang kalooban, ang magkaroon ng bagong modelo ng cellphone. 4\. **Intensiyon ng layunin**. Hanggang ngayon ay wala pa ring kalayaan si Ryan napumili sapagkat ang kaniyang kilos-loob ay likas na tumatanggap lamang kung ano ang mabuti na sinasabi ng kaniyang isip. Mayroon siyang pera ngunit iniipon niya iyon para sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Kailangan niyang pumili, bilhin niya ang bagong modelo ng cellphone o hayaang maubos ang pera para sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Kung itinigil na niya ang ideya na bilhin ang cellphone, natatapos na rito ang moral na kilos. Ngunit, kung nag-isip pa siya ng ibang alternatibo tulad ng panghihiram ng pera sa mga kaibigan o barkada, ang moral na kilos ay nagpapatuloy. Pinag-iisipan na niya ngayon ang ibat ibang paraan upang mabili ang bagay na iyon. Bibilhin ba niya ito ng cash o installment? o nanakawain ba niya ito? 5\. **Masusing pagsusuri ng paraan**. Ang pagsusuri ng paraan na kaniyang gagawin ay nagpapatuloy at ang pagsang-ayon niya sa mga nasabing pagpipilian. 6\. **Paghuhusga sa paraan**. Ngayon ay huhusgahan na niya kung alin ang pinakamabuti. Pagbabayad sa kabuuang halaga, pagbabayad paunti-unti, o pagnanakaw; pagkatapos ay huhusgahan niya ang pinakamabuti sa lahat. 7\. **Praktikal na paghuhusga sa pinili**. Ang isip ay kasalukuyang pumipili ng pinakamabuting paraan. 8\. **Pagpili**. Dito ay pumapasok na ang malayang pagpapasiya na kung saan ang kaniyang isip ay nag-uutos na bilhin ang nasabing cellphone. 9\. **Utos**. Matapos niya itong bilhin ay ginamit na niya ito agad. 10\. **Paggamit**. Ngayon ay mauunawaan niya kung angkop ba ang kaniyang isinagawang kilos. 11\. **Pangkaisipang kakayahan ng layunin**. Ngayon ay ikatutuwa niya ang pagtatamo niya ng cellphone. 12\. **Bunga.** Ito ang resulta ng kaniyang pinili. Maaaring hindi tayo palaging may kamalayan sa mga yugtong ito o sa pagkakasunod-sunod nito, ngunit mahalaga na malaman ang bawat yugto upang maging gabay sa bawat kilos sa araw-araw na buhay. Sa katunayan, ang moral na kilos ay nagtatapos na sa ikawalong yugto -- ang pagpili. Kung kaya't kailangan ng masusing pagninilay bago isagawa ang pagpili. Hindi ito madali dahil kailangan itong pag-aralang mabuti at timbangin ang bawat panig ng mga bagay-bagay upang makita kung alin ang mas makabubuti dahil dito nakasalalay ang anumang maaaring kahinatnan nito. **Modyul 8: LAYUNIN, PARAAN, SIRKUMSTANSYA, AT KAHIHINATNAN NG MAKATAONG KILOS** Hindi lahat ng kilos ng tao ay maituturing na makatao. Ang makataong kilos ay bunga ng ating isip at kagustuhan na nasasalamin ang ating pagkatao. Kung ano tayo at kung ano ang kalalabasan ng ating kilos ay batay sa ating pagpapasiya. Nangangahulugan ito na hindi lahat ng ating isinisagawang kilos ay mabuti. Sa etika ni Sto Tomas de Aquino, ang moral na kilos ay ang makataong kilos sapagkat malayang patungo ito sa layunin na pinag-isipan. Ang papel na ginagampanan ng isip ay humusga at mag-utos. Ang papel naman ng kilos-loob ay tumutungo sa layunin o intensiyon ng isip. Ang panloob na kilos ay nagmumula sa isip at kilos-loob. Samantalang ang panlabas na kilos ay ang pamamaran na ginagamit upang isakatuparan ang panloob na kilos. Hindi maaaring maging hiwalay ang dalawang ito sapagkat kung masama ang panloob, magiging masama rin ang buong kilos, kahit mabuti ang panlabas. ***Mga Batayan sa Paghuhusga kung ang Kilos ay Moral o Hindi. Ito ay mga salik na nakakaapekto sa resulta ng kilos, kung ito ay maituturing na mabuti o masama.*** Una, **Layunin**. Ito ay tumutukoy sa panloob na kilos kung saan nakatuon ang kilos-loob. Ito rin ay tumutukoy sa taong gumagawa ng kilos (doer); hindi ito nakikita o nalalaman ng ibang tao dahil ito ay personal sa taong gumagawa ng kilos. Ito ang pinakalayunin o pinatutunguhan ng kilos. Halimbawa: Binigyan ni Tanya ng pagkain ang kaniyang kamag-aral na walang baon. Ginawa niya ito dahil nais niyang kumopya sa kaniyang kaklase sa pagsusulit sa Matematika. Mabuti ba ang layunin ng kilos? May paggalang ba ito sa dignidad ng kamag-aral? Ayon kay Sto Tomas de Aquino, ang pamantayan sa kabutihan ng layunin ay kung iginagalang ng taong nagsasakilos ang dignidad ng kaniyang kapwa. Sa halimbawa na iyong nabasa, ipinapakita na mabuti ang pagbibigay ng pagkain sa kamag-aral na walang baon ngunit ang layunin ay masama. Dito mahuhusgahan na ang kilos ay masama sapagkat masama ang kaniyang layunin. Ikalawa, **Paraan**: Ito ay ang panlabas na kilos na kasangkapan o paraan upang makamit ang layunin. Halimbawa: Sa kilos na kumain, ang obheto ay makakain. Ngunit kung kakain ka ng bato, ito ay masama dahil hindi kinakain ang bato. Ang kilos ng uminom ay may obheto na makainum. Ngunit kung iinom ka ng muriatic acid ito ay masama dahil nakakamatay ito. Samakatuwid ang paraan ng kilos ay ang nararapat na kilos dahil ang kabutihan ng panlabas na kilos ay ang nararapat na obheto nito. Ikatlo, **Sirkumstansiya**. Ito ay tumutukoy sa isang kondisyon o kalagayan ng kilos na nakababawas o nakadaragdag sa kabutihan o kasamaan ng isang kilos. Ikaapat, **Kahihinatnan**. Ang lahat ng ginagawang kilos ng tao ay maydahilan, batayan, at may kaakibat na pananagutan anuman ang gawing kilos ay may kahihinatnan. Mahalaga na masusing pag-isipan at pagplanuhang mabuti ang anumang isasagawang kilos dahil mayroon itong katumbas na pananagutan na dapat isaalng-alang. Kung minsan, nagkakaroon ng suliranin sa pagpapasiya dahil sa kawalan ng kaalaman kung ang pinili niyang kilos ay mabuti o masama. Kung minsan dahil sa bilis ng takbo ng isip ng tao ay nakapag-iisip at nakagagawa siya ng kilos na hindi tinitingnan ang kahihinatnan nito. Ang mabuting kilos ay dapat palaging mabuti hindi lamang sa kalikasan nito kundi sa motibo at sirkumstansya kung paano ito ginagawa. Kaya't mula sa layunin, paraan, at sirkumstansya ng kilos ay madaling makikita o masusuri ang kabutihan o kasamaan nito.