Rebyuwer KomPan 1stQ PDF
Document Details
Uploaded by Deleted User
Tags
Related
- Komunikasyon sa Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino (KPWKP) Midterms PDF
- Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino - KOMPAN PDF
- TALAAN-NG-KONSEPTO-Q1W1-W3 PDF Filipino Notes
- Introduksyon sa Komunikasyon (FIL01 - CO1.1) - Mapúa University PDF
- KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO - LESSON 2.2 PDF
- KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO (KPWKP) Q2 Linggo 3 PDF
Summary
This document discusses the meaning and importance of language, including different types of language and their characteristics. It provides information on language development and various aspects of communication. This is a handout for the first quarter.
Full Transcript
KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO (Hand-out Unang Markahan) KAHULUGAN NG WIKA Ayon kay NOAH WEBSTER (1974) - “Ang wika ay isang sistema ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng mga pasulat o pasalitang simbolo.” Ayon...
KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO (Hand-out Unang Markahan) KAHULUGAN NG WIKA Ayon kay NOAH WEBSTER (1974) - “Ang wika ay isang sistema ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng mga pasulat o pasalitang simbolo.” Ayon kina PAZ, HERNANDEZ at PENEYRA (2003:1) - “Ang wika ay tulay na ginagamit para maipahayag at mangyari ang anumang minimithi o pangangailangan natin. Ito ay behikulo ng ating ekspresyon at komunikasyon na epektibong nagagamit.” Ayon naman kay HENRY GLEASON - “Ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura.” Ayon sa CAMBRIDGE DICTIONARY - “Ang wika ay isang sistema ng komunikasyong nagtataglay ng mga tunog, salita at gramatikang ginagamit sa pakikipagtalastasan ng mga mamamayan sa isang bayan o sa iba’t ibang uri ng gawain” Ang wika ay may katapat na salitang Latin na “lingua” at salitang Pranses na “langue” na tumutukoy sa wika at dila. Ang dila ay bahagi ng katawan na ginagamit sa pagbigkas at ang bawat posisyon nito ay nakabubuo ng mga tunog. Naniniwala si CHARLES DARWIN “Ang wika ay hindi tunay na likas sapagkat ang bawat wika ay kailangan munang pag- aralan bago matutuhan.” Wikang Pambansa- Ito ay wikang pinagtibay ng pambansang pamahalaan na ginagamit sa pamamahala at pakikipag-ugnayan sa mamamayang kaniyang sakop. Wikang Opisyal- Ito ay ang prinsipal na wikang ginagamit sa edukasyon, pamahalaan, politika, komersiyo at industriya. Wikang Panturo- Ito ay wikang ginagamit sa pagtatamo ng mataas na antas ng edukasyon. KAHALAGAHAN NG WIKA 1. Instrumento ng komunikasyon- Ang wika, pasalita man o pasulat ay pangunahing kasangkapan ng tao sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipan. Samakatuwid, ang mabisang paggamit ng wika ay mahalaga sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa dahil tayong mga tao ay nilikhang panlipunan. 2. Nag-iingat at nagpapalaganap ng kaalaman- Maraming kaalaman ang naisasalin sa ibang saling-lahi at napapakinabangan ng ibang lahi dahil sa wika. 3. Nagbubuklod ng bansa- Ano mang wika ay maaaring maging wika ng pang-aalipin, ngunit maaari rin itong gamitin upang pagbuklurin ang isang bansa sa layuning pagpapalaya. 4. Lumilinang ng malikhaing pag-iisip- Ang wikang nakasulat sa ating nababasa o wikang sinasalita ng mga tauhan sa pelikula na ating naririnig ang nagdidikta sa ating isipan upang gumana at lumikha ng imahinasyon, at kung gayo’y nalilinang ang ating malikhaing pag-iisip. KATANGIAN NG WIKA 1. Ang wika ay masistemang balangkas -lahat ng wika sa daigdig ay sistematikong nakasaayos sa isang tiyak na balangkas. Walang wika ang hindi nakaayon sa balangkas na ito. Lahat ng wika ay nakabatay sa tunog. PONEMA-makahulugang tunog ng isang wika. PONOLOHIYA-makaagham na pag-aaral ng makahulugang tunog ng isang wika. MORPEMA-maliit na yunit ng salita. MORPOLOHIYA-makaagham na pag-aaral ng maliit na yunit ng salita. SINTAKSIS-makaagham na pag-aaral ng mga pangungusap. DISKURSO- kapag nagkaroon na ng makahulugang palitan ng mga pangungusap. 2. Ang wika ay sinasalitang tunog - hindi lahat ng tunog ay wika sapagkat hindi lahat ng tunog ay may kahulugan. Tatlong (3) salik para makapagsalita 1. enerhiya- ito ang pwersang nalilikha ng hanging papalabas galing sa baga. 2. artikulador- nagpapagalaw sa hangin na lumilikha ng tunog. 3. resonador- responsible sa pagbabago-bago ng tunog o nagmomodipika ng tunog. 3. Ang wika ay pinipili at isinasaayos - Sa lahat ng pagkakataon, pinipili natin ang wikang ating gagamitin upang tayo ay maunawaan ng ating kausap. 4. Ang wika ay arbitraryo - ang isang taong walang ugnayan sa isang komunidad ay hindi matututong magsalita kung paanong ang mga naninirahan sa komunidad na iyon ay nagsasalita sapagkat ang esensya ng wika ay panlipunan. 5. Ang wika ay ginagamit - Ang wika ay kasangkapan sa komunikasyon at katulad ng iba pang kasangkapan, kailangang patuloy itong ginagamit. Idagdag pa na kapag ang wika ay hindi na ginagamit, ito ay unti-unting mawawala at tuluyang mamamatay. 6. Ang wika ay nakabatay sa kultura - Nagkakaiba-iba ang mga wika sa daigdig dahil sa pagkakaiba-iba ng mga kultura ng mga bansa at mga pangkat. 7. Ang wika ay nagbabago - Dinamiko ang wika. Ang isang wika ay maaaring madagdagan ng mga bagong bokabularyo bunga ng pagiging malikhain ng mga tao. ANTAS NG WIKA Ang pagkakaroon ng antas ng wika ay isa pang mahalagang katangian nito. Tulad ng tao, ang wika ay nahahati rin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kaantasan nito. Kung tutuusin, ang antas ng wikang madalas na ginagamit ng isang tao ay isang mabisang palatandaan kung anong uri siya ng tao at kung aling antas-panlipunan siya nabibilang. Mahalagang maunawaan ng lahat ng tao ang mga antas ng wikang ito nang sa gayo’y maibagay niya ito sa kanyang katayuan, sa hinihingi ng panahon at pook, at maging sa okasyong dinadaluhan. Mahahati ang antas ng wika sa kategoryang Pormal at Impormal. A. Pormal -ito ang mga salitang istandard dahil kinikilala, tinatanggap at ginagamit ng higit na nakararami lalo na ng mga nakapag-aral ng wika. 1. Pambansa -ito ang mga salitang karaniwang ginagamit sa mga aklat pangwika/pambalarila sa lahat ng mga paaralan. Ito rin ang wikang kadalasang ginagamit ngn pamahalaan at itinuturo sa mga paaralan. 2. Pampanitikan -ito naman ang mga salitang gamitin ng mga manunulat sa kanilang akdang pampanitikan. Ito ang mga salitang karaniwang matatayog, malalalim, makulay, at masining. B. Impormal -ito ang mga salitang karaniwan, palasak, pang-araw-araw na madalas nating gamitin sa pakikipag-usap at pakikipagta-lastasan sa mga kakilala at kaibigan. 1. Lalawiganin -ito ang mga bokabularyong dayalektal. Gamitin ang mga ito sa mga partikular na pook o lalawigan lamang, maliban kung ang mga taal na gumagamit nito ay magkikita-kita sa ibang lugar natural na nila itong naibubulalas. Makikilala rin ito sa pagkakaroon ng kakaibang tono, o ang tinatawag ng marami na punto. 2. Kolokyal –ito’y mga pang-araw-araw na salita na ginagamit sa mga pagkakataong impormal. Maaaring may kagaspangan nang kaunti ang mga salitang ito ngunit maaari rin itong maging repinado ayon sa kung sino ang nagsasalita nito. Ang pagpapaikli ng isa, dalawa o higit pang salita lalo na sa mga pasalitang komunikasyon ay mauri rin sa antas na ito. 3. Balbal –ito ang tinatawag sa Ingles na Slang. Sa mga pangkat-pangkat nagmumula ang mga ito upang ang mga pangkat ay magkaroon ng sariling codes. Mababang antas ito ng wika, bagama’t may mga dalubwikang nagmumungkahi ng higit pang mababang antas, ang antas na bulgar (halimbawa nito ay mga mura at mga salitang may kabastusan). Iba pang Konseptong Pangwika Unang Wika - Tawag sa wikang kinagisnan mula sa pagsilang at unang itinuro sa isang tao. Tinatawag din itong katutubong wika, mother tongue, arterial na wika, at kinakatawan din ng L1. Sa wikang ito pinakamataas o pinakamahusay na naipahahayag ng tao ang kanyang mga ideya, kaisipan, at damdamin. Ito ang wikang natutuhan at ginamit ng isang tao simula pagkapanganak hanggang sa panahon kung kailan lubos nang naunawaan at nagagamit ng tao ang nasabing wika. Ikalawang Wika -ito ay ang wikang natutuhan at ginagamit ng isang tao labas pa sa kanyang unang wika. Ang wikang ito ay hindi taal o katutubong wika para sa tagapagsalita ngunit isang wikang ginagamit din sa lokalidad ng taong nagsasalita. Ikatlong Wika -Ibang bagong wika na naririnig o nakikilala na kalauna’y natututuhan at nagagamit sa pakikipagtalastasan sa mga tao sa paligid na nagsasalita rin ng wikang ito. Nagagamit ng isang indibidwal ang wikang ito sa pakikiangkop sa lumalawak na mundong kanyang ginagalawan. Patakarang Pangwika Monolingguwalismo -ito ay patakarang pangwikang nagpapatupad ng iisang wika sa isang bansa tulad ng mga bansang England, France, South Korea, at Japan. Iisang wika ang umiiral bilang wika ng komersiyo, wika ng negosyo, at wika ng pakikipagtalastasan sa pang-araw-araw na buhay. Monolingguwal naman ang tawag sa taong may kakayahan at gumagamit lamang iisang wika sa kanyang pang-araw-araw na buhay. Bilingguwalismo -ayon kay Leonard Bloomfield (1935), isang Amerikanong lingguwista, ito ay ang paggamit o pagkontrol ng isang tao sa dalawang wika na tila ba ang dalawang ito ay kanyang katutubong wika. Perpektong Bilingguwal ang tawag sa taong may kakayahang gamitin ang dalawang wika gamit ang makrong kasanayan. Bilingguwal naman ang tawag sa taong kayang gamitin ang dalawang wika ngunit hind isa lahat ng pagkakataon. Multilingguwalismo -ito ay patakarang pangwika na kung saan maraming wika ang umiiral o ginagamit sa isang bansa. Ang Pilipinas ay maituturing na isang bansang multilingguwal dahil sa humigit-kumulang 150 mga wika ang umiiral dito na sa kasalukuyang pag-aaral ay nasa humigit-kumulang 130 na lamang. Maliban dito mayroon nang MTB-MLE (Mother-Tongue Based Multilingual Education) na patakarang pangwika sa mga paaralan. Multilingguwal naman ang tawag sa mga taong kayang gumamit ng higit sa dalawang wika. Polyglot naman ang tawag sa taong gumagamit nang higit sa tatlong wika gamit ang makrong kasanayan katulad ng ating pambansang bayani na si Jose P. Rizal. HOMOGENOUS at HETEROGENOUS na Wika -Tumutukoy sa pagkakaroon ng iisang porma o estandard na anyo nito o kaya ay pagkakaroon ng iba’t ibang porma o barayti. Ayon sa Merriam-Webster Dictionary HOMOGENOUS -nagmula ito sa salitang Griyego na homogenes, mula sa hom- na nangangahulugan ng uri o klase at genos na nangangahulugan ng kaangkan o kalahi. -ito ay nangangahulugang isang klase mula sa iisang lahi o angkan. Kung ilalapat sa Wika, -tumutukoy ito sa pagkakaroon ng iisang anyo at katangian ng wika. -mahalaga ang language uniformity o ang pagkakaroon ng iisang estandard ng paggamit ng isang partikular na wika. HETEROGENOUS -nakapaloob sa palagay na ito ang iba’t ibang konsepto ng dayalektal na baryasyon sa wika. HALIMBAWA -maaaring magkaroon ng magkakaibang porma at uri ang wikang Ingles batay sa iba’t ibang grupo ng taong nagsasalita nito. ❖ British English ❖ American English ❖ Third World Englishes -Filish (Filipino-English) -Singlish (Singaporean English) -Inlish (Indian English) LINGGUWISTIKONG KOMUNIDAD -isang termino sa sosyolingguwistiks na tumutukoy sa isang grupo ng mga taong gumagamit ng iisang uri ng barayti ng wika at nagkakaunawaan sa mga ispesipikong patakaran o mga alituntunin sa paggamit ng wika. Tandaan -hindi lahat ng nagsasalita ng isang wika ay kasapi ng isang tiyak na lingguwistikong komunidad. HALIMBAWA Ang isang Amerikano ay maaaring mag-aral ng wikang Tagalog, ngunit hindi kailanman siya magiging kabilang sa lingguwistikong komunidad ng mga taal na Tagalog. Ibig sabihin, ang pagkakaiba-iba ng paraan ng paggamit ng isang wika ay nagtatakda rin ng iba’t ibang lingguwistikong komunidad. Ayon kay Yule (2014) -ang wika at pamamaraan ng paggamit nito ay isang porma ng panlipunang identidad at ginagamit, malay man o hindi, upang ipahiwatig o maging palatandaan ng pagiging kasapi ng isang tao sa isang tiyak na grupong panlipunan. VARAYTI/BARAYTI NG WIKA 1. DAYALEK -nalilikha ng dimensyong heograpiko. -tinatawag din itong wikain sa iba pang aklat. -wikang ginagamit sa isang partikular na rehiyon, lalawigan o pook, malaki man o maliit. -makikilala hindi lamang sa pagkakaroon nito ng set ng mga distinct na bokabularyo kundi maging sa punto o tono at sa estraktura ng pangungusap. 2. SOSYOLEK -nabubuo batay sa dimensyong sosyal. -tinatawag din itong sosyal na barayti ng wika dahil nakabatay ito sa mga pangkat panlipunan. -makikilala ang iba’t ibang barayti nito sa pagkakaroon ng kakaibang rehistro na tangi sa pangkat na gumagamit ng wika. JARGON -tanging bokabularyo ng isang partikular na pangkat ng gawain. Kung minsan, ang mga jargon ng isang larangan ay may kakaibang kahulugan sa karaniwan o sa ibang larangan. strike (Sports, Labor Law) operation (Medicine, Military) nursery (Agriculture, Education) JEJEMON/ JEJE WORDS -paghahalo ng mga numero, titik, at/o simbolo. COÑOTIC / COÑO SPEAK -malalang paghahalo ng wikang Ingles at Filipino. 3. IDYOLEK -Kani-kaniyang paraan ng paggamit ng wika. Pansinin kung paano nagkakaiba-iba ang idyolek ng mga sumusunod na brodkaster kahit pa sila ay gumagamit ng iisang wika. a. Mike Enriquez b. Noli de Castro c. Gus Abelgas 4. ETNOLEK ▪ Mula sa salitang etniko at dayalek ▪ Mula sa mga etnolingguwistikong grupo ▪ Taglay nito ang mga salitang nagiging bahagi na ng pagkakakilanlan ng isang pangkat-etniko 5.REGISTER ▪ Barayti ng wika kung saan naiaangkop ng isang nagsasalita ang uri ng wikang ginagamit niya sa sitwasyon at sa kausap. 6 at 7. PIDGIN at CREOLE PIDGIN -tinatawag sa Ingles na nobody’s native language. HALIMBAWA Pansinin ang pananagalog ng mga Intsik. Ganito ang madalas na maririnig sa kanila: Suki, ikaw bili tinda mura. CREOLE -isang wika na unang naging pidgin at kalaunan ay naging likas na wika (nativized). -Nagkaroon nito sapagkat may komunidad na mga tagapagsalita ang nag- angkin dito bilang kanilang unang wika. HALIMBAWA Chavacano Mga Tungkulin ng Wika ayon kay M.A.K. Halliday 1. Interaksyonal- Tungkulin ng wikang ginagamit ng tao sa pagtatatag, pagpapanatili at pagpapatatag ng relasyong sosyal sa kapwa tao. Ang tao ay nilikhang panlipunan (social beings, not only human beings). Sa pasalitang paraan, pinakamahusay na halimbawa nito ang mga pormularyong panlipunan, pangungumusta, at pagpapalitan ng biro. Sa pasulat na paraan, pinakamahusay na halimbawa nito ang sulat-pangkaibigan. 2. Instrumental- Tungkulin ng wikang ginagamit sa pagtugon sa mga pangangailangan. Nagagamit ang tungkuling ito sa pakikiusap o pag-uutos. Ang paggawa ng liham- pangangalakal ay isang mahusay na halimbawa nito. 3. Regulatori/Regulatoryo- Tungkulin ng wikang ginagamit sa pagkontrol o paggabay sa kilos o asal ng ibang tao. Sa madaling sabi, ito ang pagsasabi ng kung ano ang dapat o hindi dapat gawin. Pinakamahusay na halimbawa nito ang pagbibigay ng direksyon, paalala o babala. 4. Personal- Tungkulin ng wikang ginagamit sa pagpapahayag ng sariling damdamin o opinyon. Sa mga talakayang pormal o impormal ay gamit na gamit ang tungkuling ito. Samantala, ang pagsulat ng liham sa patnugot at ng mga kolum o komentaryo ay mga halimbawa nito sa pasulat na anyo. 5. Imahinatibo- Tungkulin ng wikang ginagamit sa pagpapahayag ng imahinasyon sa malikhaing paraan. Makikilala ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga Idyoma, tayutay, sagisag, at simbolo. Gamitin ang tungkuling ito sa mga akdang pampanitikan tulad ng tula, nobela, at maikling katha. 6. Heuristik/Heuristiko- Tungkulin ng wikang ginagamit sa paghahanap o paghingi ng impormasyon. 7. Impormatibo/Representatibo- Tungkulin ng wikang ginagamit sa pagbibigay ng impormasyon. Gamit o Paraan ng Pagbabahagi ng Wika ayon kay Jakobson 1. Pagpapahayag ng damdamin (Emotive) – Saklaw nito ang pagpapahayag ng mga saloobin, damdamin, at emosyon. 2. Pagpapahayag ng impormasyon (Informative) – paglalahad ng impormasyon 3. Panghihikayat (Conative) – Ito ay ang gamit ng wika upang makahimok at makaimpluwensya sa iba sa pamamagitan ng pag-uutos at pakiusap. 4. Pagsisimula ng pakikipag-ugnayan (Phatic) – Ginagamit ang wika upang makipag-ugnayan sa kapwa at makapagsimula ng usapan. 5. Pagbanggit ng saloobin, ideya, at opinyon (Expressive) – Ito ay paglalahad ng nararamdaman mula sa pinag-uusapan. 6. Paggamit bilang sanggunian (Referential) – ipinakikita nito ang mga gamit ng wikang nagmula sa aklat at iba pang sangguniang pinagmulan ng kaalaman upang magparating ng mensahe at impormasyon. 7. Paggamit ng kuro-kuro (Metalingual) - Ito ang gamit na lumilinaw sa mga suliranin sa pamamagitan ng pagbibigay ng komento sa isang kodigo o batas. 8. Patalinghaga (Poetic) Saklaw nito ang gamit ng wika sa masining na paraan ng pagpapahayag gaya ng panulaan, prosa, sanaysay, at iba pa. 9. Pagbibigay ng panibagong tawag (Labelling) Ang gamit ng wika kapag nagbibigay tayo ng bagong tawag o pangalan sa isang tao o bagay. Kasaysayan ng Pag-unlad Wikang Pambansa Unang Bahagi Sinasabing ang wika sa Pilipinas ay kabilang sa malaking pamilya ng mga wikang Austronesian. Kabilang sa pamilyang ito ang sumusunod:(1) mga wika mula sa Formosa sa hilaga hanggang New Zealand sa timog, (2) mula isla ng Madagascar sa may baybayin ng Africa hanggang Easter Island sa gitnang Pasipiko. Ang limang daang wikang kasali sa pamilyang Austronesian ay sangwalo(1/8) ng mga wika sa mundo. Hindi rin matatawaran ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang wikang pambansa na nagbibigkis sa mamamayan. Gamit ang isang wika, mabilis na magkakaunawaan sa isang lipunan. Sa mga nagdaang aralin, naunawaan natin kung paano isinilang ang wikang pambansa sa kabila ng mahigit na isang daang wikang umiiral sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Panahon ng Katutubo Sadyang malaking palaisipan sa mga siyentipiko at antropologo kung paano umusbong ang mga taong unang nanirahan sa Pilipinas. Narito ang ilan sa mga ito: Teoryang Pandarayuhan Ayon kay Dr. Henry Otley Beyer, Amerikanong Antropologo noong 1916, may tatlong pangkat ng taong dumating sa Pilipinas na nagpasimula ng lahing Pilipino. Ang mga ito ay grupo ng Negrito, Indones, at Malay. Nasira ang teoryang ito ni Beyer tungkol sa unang lahing nanirahan sa bansa nang matagpuan ng mga arkeologo sa pangunguna ni Dr. Robert B. Fox ang harap ng isang bungo at isang buto ng panga sa yungib ng Tabon sa Palawan noong 1962. Ito ang nagpatunay na mas unang dumating sa Pilipinas ang tao kaysa sa Malaysia na sinasabing siyang pinanggalingan ng mga Pilipino. Tinatawag na Taong Tabon ang mga labing natagpuan dito. Tinatayang nanirahan ang mga unang taong ito sa yungib ng Tabon may 50,000 taon na ang nakaraan. Ngunit makalipas ang ilang taon ay natagpuan naman ni Dr. Armand Mijares ang isang buto ng paa na sinasabing mas matanda pa sa taong Tabon sa kuweba ng Callao, Cagayan. Tinawag itong Taong Callao na sinasabing nabuhay nang 67,000 taon na ang nakalipas. Teoryang Pandarayuhan mula sa Rehiyong Austornesyano Isa sa pinakabagong teorya tungkol sa pinagmulan ng lahing Pilipino ay Teorya ng pandarayuhan mula sa rehiyong Austronesyano. Pinaniniwalaan nito na ang mga Pilipino ay nagmula sa lahing Autronesian. Ito ay hinango sa salitang Latin na “Auster” na nangangahulugang “south wind” at “Nesos” na ang ibig sabihin ay “isla”. May dalawang paniniwalang teorya kung saan nagmula ang mga Austronesian. Ayon kay Wilheim Solheim II, ang mga ito ay nagmula sa mga isla ng Sulu at Celebes na tinawag na Nusantao. Sa pamamagitan ng kalakalan, migrasyon, at pag- aasawa ay kumalat ang mga Astronesian sa iba’t ibang panig ng rehiyon. Ayon naman kay Peter Bellwood, ang mga ito ay nagmula sa Timog Tsina at Taiwan na nagtungo sa Pilipinas noong 5,000 BC. Kung susuriin, batay sa mga nabanggit na teorya, ang unang taong nanirahan sa Pilipinas ay nagtataglay na ng mga patakarang pangkabuhayan, kultura, at paniniwalang panrelihiyon. Gayundin, mahihinuha na sila man ay may sarili nang wikang ginagamit bagama’t pinaniniwalaang walang isang wikang nanaig sa Pilipinas noon. Gayunpaman, napatunayang marunong sumulat at bumasa ang mga katutubo. May sinusunod silang pamamaraan ng pagsulat na tinatawag na Baybayin. Ang mga ito ay matatagpuang nakasulat sa biyas ng kawayang matatagpuan sa Museo ng Aklatang Pambansa at ng Unibersidad ng Santo Tomas. Sinasabing malaking bahagi ng kanilang ginawa noon ay hindi na matagpuan sapagkat sinunog na ng mga dayuhang Espanyol ang mga ito sa dahilang kagagawan daw ito ng diyablo. Maliban sa dahilang iyon, nabuo sa kanilang sarili na magiging sagabal iyon sa pagpapalaganap nila ng pananampalatayang Katoliko. Ang Baybayin ay binubuo ng labimpitong titik, tatlong patinig at 14 na katinig. Binibigkas ang katinig na may kasamang tunog na /a/. Kung ang patinig ay bibigkasin ng may kasamang patinig na /e/ o /i/ nilalagyan ang titik ng tuldok o kudlit sa itaas, samantalang tuldok o kudlit sa ibaba naman kung ang nais isama ay /o/ o /u/. Panahon ng Espanyol Pagkatapos ng mga katutubo, ang mga Kastila naman ang nandayuhan sa Pilipinas. Layunin nilang ikintal sa isip at puso ng mga katutubo ang Kristiyanismo. Ayon sa mga Espanyol, nasa kalagayang ”barbariko”, ”di sibilisado” at ”pagano” ang mga katutubo noon kung kaya’t dapat lamang nilang gawing sibilisado ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. Ngunit naging malaking usapin ang wikang gagamitin sa pagpapalawak ng Kristiyanismo. Naniniwala sila noong mga panahong iyon na mas mabisa ang paggamit ng katutubong wika sa pagpapatahimik sa mamamayan kaysa sa libong sundalong Espanyol. Ang panananakop nila sa Pilipinas ay naging katumbas na ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Ang mga prayleng Espanyol ang siyang naging institusyon ng mga Pilipino. Upang maisagawa ang layunin, inuna nila ang paghahati ng mga isla ng mga pamayanan. Nakita nila na mahirap palaganapin ang relihiyon, patahimikin, at gawing masunurin ang mga Pilipino kung iilan lamang ang prayleng mangangasiwa. Ang pamayanan ay nagkaroon na malaking epekto sa pakikipagtalastasan ng mga katutubo. Nang sakupin ng mga Espanyol ang mga katutubo, mayroon nang sariling wikang ginagamit ang mga ito sa pakikipag-usap at pakikipagkalakalan ngunit pinigil nila. Sa loob ng maraming taon, sinikil nila ang kalayaan ng mga katutubong makipagkalakalan sa ibang lugar upang hindi na rin nila magamit ang wikang katutubo. Kahit na inalis ang restriksyong iyon, hindi pa rin nila magawa ang pag-alis at ang paglilipat-lipat ng bayan dahil sa takot sa prayle, moro, at maging sa mga tulisan. Muling inulit ni Haring Felipe II ang utos tungkol sa pagtuturo ng wikang Espanyol sa lahat ng katutubo noong ika-12 ng Marso 1634. Nabigo ang nabanggit na kautusan kaya si Carlos II ay lumagda ng isang dekrito na inuulit ang probisyon ng nabanggit na kautusan. Nagtakda din siya ng parusa para sa mga hindi susunod dito. Noong Disyembre 29, 1972, si Carlos IV ay lumagda sa isa pang dekrito na nag-uutos na gamitin ang wikang Espanyol sa lahat ng paaralang itatatag sa pamayanan ng mga Indio. Mababatid sa parte ng kasaysayang ito na nanganib ang wikang katutubo. Sa panahong ito, lalong nagkawatak-watak ang mga Pilipino. Matagumpay na nahati at nasakop ng mga Espanyol ang mga katutubo. Hindi nila itinanim sa isipan ng mga Pilipino ang kalahagahan ng isang wikang magbibigkis ng kanilang mga damdamin. Panahong ng Rebolusyong Pilipino Matapos ang mahigit na tatlong daang taong pananahimik dahil sa pananakop ng mga Espanyol, namulat ang mga mamamayan sa kaapihang kanilng dinaranas. Sa panahong ito, maramimg Pilipino ang naging matindi ang damdaming Nasyonalismo. Nagtungo sila sa ibang bansa upang kumuha ng mga karunungan. Nagkaroon din ng kilusan ang propagandista noong 1872 na siyang naging simula ng kamalayan upang maghimasik. Itinatag din nina Andres Bonifacio ang katipunan. Ang wikang Tagalog ang ginamit sa kanilang mga kautusan at pahayagan. Ito ang sinasabing unang hakbang tungo sa pagtataguyod ng wikang Tagalog. Nang panahong iyon sumibol sa mga manghihimagsik na Pilipino ang kaisipang “ISANG BANSA, ISANG DIWA” laban sa mga Espanyol. Pinili nilang gamitin ang Tagalog sa pagsulat ng mga sanaysay, tula, kuwento, liham, at mga talumpati na punumpuno ng damdaming Makabayan. Masisidhing damdamin laban sa mga Espanyol ang pangunahing paksa ng kanilang mga isinusulat. Kahit si Rizal at iba pang propagandistang sumulat na gamit ang wikang Espanyol ay nakabatid na ang wika ay malaking bahagi upang mapagbuklod ang mga kababayan nila. Masasabing ang unang konkretong pagkilos ng mga Pilipino ay nang pagtibayin ang Konstitusyon ng Biak-na-Bato noong 1899. Ginawang opisyal na wika ang Tagalog bagama’t walang isinasaad na ito ang magiging wikang pambansa ng Republika. Nang itinatag ang Unang Republika sa pamumuno ni Aguinaldo, isinaad sa Konstitusyon na ang paggamit ng wikang Tagalog ay opsyonal. Doon lamang sa mga gawaing nangangailangan ng paggamit ng wikang Tagalog ito gagamitin. Sinasabing pamamayani ng mga ilustrado sa Asembleyang Konstitusyonal ang pangunahing dahilan nito. Nais ding maakit ni Aguinaldo ang mga ‘di Tagalog. Nakalulungkot isiping naging biktima ng politika ang wikang Tagalog. Nag-uumpisa pa lamang sana itong lumago ay napailalim na naman ito sa dayuhang wika. Panahon ng Amerikano Pagkatapos ng mga kolonyalismong Espanyol, dumating naman ang mga Amerikano sa pamumuno ni Almirante Dewey. Nagsimula na naman ang pagkakaiba ng mga Pilipino kaya nabago muli ang sitwasyong pangwika ng Pilipinas dahil nadagdag ang wikang Ingles na nagkaroon ng malaking kaugnayan sa buhay ng mga Pilipino. Ginamit ang wikang Ingles bilang wikang panturo nang panahong iyon. Sa dinami-rami ng wika’t wikain sa Pilipinas ay isang wikang dayuhan ang naging wikang panturo at ito rin ang ginamit na wikang pantalastasan. Buhat sa antas primarya hanggang kolehiyo, Ingles ang naging wikang panturo. Dahil sa pagnanais na maisakatuparan ang mga plano alinsunod sa mabuting pakikipag-ugnayan, nagkaroon ng pambansang sistema ng edukasyon sa kapuluan. Inaasahang sa pamamagitan ng sistema nila ng edukasyon, magiging tama ang edukasyon ng mamamayan, masaklaw at magtuturo sa mga Pilipino ng pamamahala sa sariling bayan, at higit sa lahat ay mabibigyan din sila ng isang wikang nauunawaan ng lahat para sa mabisang pakikipagtalastasan sa buong kapuluan. Ang komisyong pinangungunahan ni Jacob Schurman ay naniniwalang kailangan ng Ingles sa edukasyong primarya. Nagtakda ang komisyon ng Batas Blg. 74 noong ika-21 ng Marso, 1901 na nagtatag ng mga paaralang pambayan at nagpahayag na Ingles ang gagawing wikang panturo.Hindi naging madali para sa nagsisipagturo ang paggamit agad ng Ingles sa mga mag-aaral sa ikauunawa nila ng tinatawag na tatlong R (reading, writing, arithmetic). Hindi maiwasan ng mga guro ang paggamit ng bernakular sa kanilang pagpapaliwanag sa mga mag-aaral. Naging dahilan ito upang ang Superintende Heneral ng mga paaralan ay magbigay ng rekomendasyon sa Gobernador Militar na ipagamit ang bernakular bilang wikang pantulong. Pinagtibay naman ng Lupon ng Superyor na Tagapayo ang resolusyon sa pagpapalimbag ng mga librong pamprimarya na Ingles-Ilokano, Ingles Tagalog, Ingles –Bisaya, at Ingles-Bikol. Noong 1906, pinagtibay ang isang kurso sa wikang Tagalog para sa mga gurong Amerikano at Pilipino sa panahon ng bakasyon ng mga mag-aaral. Nang sumunod na taon, may ipinakilalang bill sa Asembleya na nagmumungkahi sa paggamit ng mga diyalekto sa pambayang paaraln ngunit ito ay hindi pinagtibay. Naniniwala ang mga kawal na Amerikano na mahalagang maipalaganap agad sa kapuluan ang wikang Ingles upang mapadaling magkaunawaan ang mga Pilipino at Amerikano. Mga sundalo ang unang nagsipagturo ng Ingles at sumunod ang grupong kinilala sa tawag na Thomasites. Noong taong 1931, ang Bise Gobernador Heneral George Butte na siyang Kalihim ng Pambayang Pagtuturo ay nagpahayag ng kanyang panayam ukol sa paggamit ng bernakular sa pagtuturo sa unang apat na taong pag-aaral. Sinabi rin niyang hindi kailanman magiging wikang pambansa ng mga Pilipino ang Ingles sapagkat hindi ito ang wika ng tahanan. Sumang-ayon sa kanya sina Jorge Bocobo at Maximo Kalaw. Ngunit matibay ang pananalig ng Kawanihan ng Pambayang Paaralan na nararapat lamang na Ingles ang ituro sa pambayang paaralan. Ang sumusunod ay ilan sa mga dahilang nagtataguyod ng paggamit ng Ingles: (1) Ang pagtuturo ng bernakular sa mga paaralan ay magreresulta sa suliraning administrabo. Ang mga mag-aaral ay mahihirapang lumipat sa ibang pook ng kapuluan sa kadahilanang iba-iba ang itinuturong wika sa iba-ibang rehiyon. Kung Ingles lamang ang ituturo sa lahat walang magiging suliranin dito. (2) Ang paggamit ng iba’t ibang bernakular sa pagtuturo ay magdudulot lamang ng rehiyonalismo sa halip na nasyonalismo. (3) Hindi magandang pakinggan ang magkahalong wikang Ingles at bernakular. (4) Malaki na ang nagasta ng pamahalaan para sa edukasyong pambayan at paglinang ng Ingles upang maging wikang pambansa. (5) Ingles ang nakikitang pag-asa upang magkaroon ng pambansang pagkakaisa. (6) Ingles ang wika ng pandaigdigang pangangalakal. Ang paggamit ng wika ay makatutulong sa katayuan ng Pilipinas sa daigdig ng pangangalakal. (7) Ang Ingles ay mayaman sa katawagang ito upang mapaunlad ang kalinangan sa Pilipinas. (8) Yamang nandito na ang Ingles ay kailangang hasain ang paggamit nito. Kasaysayan ng Pag-unlad Wikang Pambansa Ikalawang Bahagi Ang Panahon ng Hapones Habang nagaganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binomba ng hukbo ng mga sundalong Hapones ang Pilipinas noong Disyembre 8, 1941. Naganap ito isang araw pagkaraang bombahin ng mga Hapones ang Pearl Harbor, Hawaii at Estados Unidos, pagkaraan ng ilang mga linggo, umatras sina Heneral Douglas Mac Arthur na kasama ang pamahalaan ni Manuel L. Quezon na noon ay nanunungkulan bilang pangulo ng Pilipinas. Pinasok ng militar ng Hapon ang Maynila noong Enero 2, 1942. Sumuko ang Bataan sa puwersa ng mga Hapones noong Abril 9, 1942. Noong Oktubre 1944, nagsimula ang digmaan ng pagpapalaya sa Pilipinas mula sa mga Hapones nang lumapag ang mga puwersa ni Douglas Mac Arthur sa Tangway ng Leyte. Naproklama bilang bagong pangulo ng Pilipinas si Sergio Osmeňa nang mamatay si Manuel L. Quezon. Malakas na binomba ng mga sundalo ng Estados Unidos ang Maynila noong Pebrero, 1945. Dahil nasa isalim ng kolonya ng Estados Unidos kaya’t sinakop ng Hapon ang Pilipinas. Ngunit para sa karamihang manunulat na Pilipino, isang biyaya sa larangang panitikan ng bansa ang pangyayaring ito. Sumibol nang lubos ang panitikan ng bansa sa panahong ito dahil ipinagbawal ng namumunong Hapon ang paggamit ng wikang Ingles at itinaguyod ang pagpapayaman sa panitikan gamit ang mga katutubong wika sa bansa. Sinunog din ang mga aklat na nasusulat sa Ingles upang masigurong hindi mababahiran ng kanluraning ideya ang panitikang nilikha. Ang panahong ito sa kasaysayan ng bansa at ng panitikan ay tinaguriang Gintong Panahon ng Panitikang Pilipino dahil higit na malaya ang mga Pilipino sa pagsulat ng panitikan at pagsanib ng kultura, kaugalian at paniniwalang Pilipino. Sa panahon ding ito kinilala ang mga manunulat na babaeng Pilipino sa katauhan nina Liwayway A. Arceo at Genoveva Edroza-Matute dahil sa mga naikintal na maka-feministang maikling kuwento. Ang Panahon ng Pagsasarili Hulyo 4, 1946 ipinahayag na ang wikang opisyal sa Pilipinas ay Tagalog batay sa Batas Komonwelt bilang 570. Sa panahong ito nabalam na naman ang pagpapaunlad sa wikang pambansa dahil muling namayagpag ang wikang Ingles bilang midyum ng komunikasyon sa mga pahayagan at pamahalaan. Sa pamamagitan ng proklamasyong bilang 12 na nilagdaan ni Pangulong Ramon Magsaysay noong Marso 26, 1951, ipinagdiwang ang Linggo ng Wikang Pambansa. Nagsimula ang pagdiriwang mula Marso 29 hanggang Abril 4 taon-taon. Nilagdaan ni Pangulong Ramon Magsaysay ang Proklamasyon Blg. 186 noong Setyembre 23, 1955 na nag-uutos sa paglilipat ng petsang Linggo ng Wika mula ika-13 hanggang 19 ng Agosto bilang pagbibigay ng kahalagahan sa kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon (Agosto 19). Nagpalabas si Kalihim Jose E. Romero ng Kagawaran ng Edukasyon ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 noong Agosto 13, 1959 nagsasaad na kailanma’t tutukuyin ang Wikang Pambansa, ang salitang Pilipino ang gagamitin. Higit na binigyang halaga ang paggamit ng wikang Pilipino sa panahong ito. Lahat ng tanggapan at gusali ay ipinangalan sa wikang Pilipino. Ang mga dokumentong panggobyerno tulad ng panunumpa sa trabaho, pasaporte at visa ay nakasaad din sa Pilipino. Ginamit din ang wikang Pilipino sa mass media tulad ng telebisyon, radyo komiks, magasin, at diyaryo. Noong Pebrero 1956, nilagdaan ni Gregorio Hernandez Direktor ng Paaralang Bayan ang Sirkular 21 na nag-uuutos na ituro at awitin ang Pambansang Awit sa mga paaralan. Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96 na nagtatadhana ng pagsasa-Pilipino ng mga pangalan ng gusali, edipisyo at tanggapan ng pamahalaan noong Oktubre 24, 1967. Noong Marso 27, 1968, nilagdaan ni Rafael Salas, Kalihim Tagapagpaganap, ang Memorandum Sirkular Blg. 96 na nag-aatas ng paggamit ng wikang Pilipino sa mga opisyal na komunikasyon sa mga transaksyon ng pamahalaan. Memorandum Sirkular Blg. 488 noong Hulyo 29, 1972 na humihiling sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan na magdaos ng Linggo ng Wika. Sa kabila ng mga pagbabagong ito, hindi pa rin matanggap ng ibang sektor ang Pilipino bilang wikang Pambansa. Maraming mga pagtatalong pangwika ang naganap sa 1972 Kombensyong Konstitusyunal. Naging mainit na isyu ang probisyong pangwika hanggang sa ang naging resulta ay maraming pagtatalo at pag-aaral sa probisyong Seksiyon 3 (2) ng Artikulo XV na nasa kasalukuyang Konstitusyon ng Pilipinas. Samantalang “Ang Batasang Pambansa ay magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng pambansang wikang Pilipino at hangga’t hindi binabago ang batas, ang Ingles at Pilipino ang mananatiling mga wikang opisyal ng Pilipinas.” Kasalukuyang Panahon (1987) Si Corazon Aquino, ang unang babaeng Pangulo ng Pilipinas. Sa Saligang Batas 1987 at ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117, ang Surian ng Wikang Pambansa ay pinalitan ng Linangan ng mga Wika ng Pilipinas na pagkaraan ay binuwag naman nang buuin ang bagong Konstitusyon ng Pilipinas. Pinalabas ni Lourdes Quisumbing ng Departamento ng Edukasyon, Kultura at Isports ang Kautusan Blg. 52 na nag-uutos sa paggamit ng Filipino bilang panturo sa lahat ng antas ng paaralan kaalinsabay ng Ingles na nagtatakda sa patakaran ng Edukasyong Bilingguwal. Artikulo XIV Seksiyon 6 ng Saligang Batas ng 1987 “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay FILIPINO. Ayon kay Virgilio Almario, ang wikang opisyal ay itinadhana ng batas na maging wika ng talastasan ng pamahalaan batay sa kasalukuyang konstitusyon (Konstitusyon ng 1987, Artikulo XIV, Seksyon 6 & 7). “Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino, at hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.” Ang wikang panturo ay ang opisyal na wikang ginagamit sa pormal na edukasyon. Sa pangkalahatan ay Filipino at Ingles ang mga opisyal na wika at wikang panturo sa mga paaralan.