MODYUL SA FILIPINOLOHIYA AT PAMBANSANG KAUNLARAN PDF
Document Details
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
Leomar P. Requejo
Tags
Summary
This document is a module on Filipinolohiya and national development. It covers the definition, nature, and history of Filipino consciousness, culture, and national identity. It discusses the influence of foreign cultures on Filipino culture, the role of language in development, and the importance of Filipinolohiya in achieving national progress. It also provides a course outline and expected outcomes, as well as resources used and activities associated with the course.
Full Transcript
MODYUL SA FILIPINOLOHIYA AT PAMBANSANG KAUNLARAN Kagawaran ng Filipinolohiya Inihanda ni: Leomar P. Requejo, MAF Dalubguro, Kagawaran ng Filipinolohiya Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas 1...
MODYUL SA FILIPINOLOHIYA AT PAMBANSANG KAUNLARAN Kagawaran ng Filipinolohiya Inihanda ni: Leomar P. Requejo, MAF Dalubguro, Kagawaran ng Filipinolohiya Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas 1 No part of this publication may be reproduced or copied by recording or other electronic/mechanical methods, without the prior written permission of the publisher/compiler via [email protected]. Faculty members whose names are printed on the cover are only compilers who collected materials from different authors. This is not for sale and the compilers have no intention to profit from this. Walang bahagi ng publikasyong ito ang maaaring kopyahin sa paraang elektroniko/ mekanikal ng walang nakasulat na pahintulot mula sa nagsagawa ng publikasyon o nagtipon sa pamamagitan ng [email protected]. Ang pangalan ng/ ng mga dalubguro na makikita sa pabalat ng kagamitang panturo ay tanging nagtipon lamang ng materyales mula sa iba’t ibang awtor. Tinitiyak ng mga naghanda ng kagamitang panturo / nagsagawa ng publikasyon na tanging layuning akademiko ang ginawang pagsipi at hindi gagamitin bilang rekurso. 2 FILIPINOLOHIYA AT PAMBANSANG KAUNLARAN GABAY SA KURSO DESKRIPSYON NG KURSO: Tinutugunan ng kurso ang pangangailangan ng isang lapat na kamalayang gagabay sa pagkakaroon ng pagpapahalaga sa pambansang kaunlaran gayundin ang pagsusuri sa iba’t ibang salik na nakakaapekto sa pag-unlad nito. Tatalakayin ang Filipinolohiya at Pambansang Kaunlaran bilang isang kaisipan/prinsipyo at tunguhin na nakalapat sa talino at karunungang Filipino. Pahahalagahan ang Filipino bilang wika ng pagkatuto na pundasyon sa paglikha sa kamalayang makabansa tungo sa hangaring pahalagahan at pauunlarin ang mga industriya ng bansa. Lilinangin ang mga kasanayan sa pag-unawa, pagsusuri at pagsasapraktika ng mga kaisipan sa Filipinolohiya sa pamamagitan ng dokumentasyon at pananaliksik na nakatuon sa tiyak ng larang/disiplina Nahahati ang kurso sa tatlong bahagi: Una ang pag-unawa sa Filipinolohiya bilang isang kaisipan na nagpapabatid sa kahalagahan ng isang industriyang makabansa. Pangalawa ay ang pagsusuri ng kalagayan ng halagahan ng wika, kultura at lipunan batay sa kaisipang Filipinolohiya na may kasamang sa pagsipat sa kalagayan at tagumpay ng ibang bansa sa ugnayang ng programang pangwika at pang-industriya. At pangatlo ay ang tuluyang paglalapat at pagsasapraktika ng mga kaisipan sa pamamagitan ng aktuwal na interaksiyon o emersyon sa mga tiyak na industriya ng/sa bansa bilang bahagi na proseso ng dokumentasyon at pananaliksik na mapag-uugnay ang gampanin ng ng mga batayang kaalamang nakabatay sa danas. Sa dulo ng kurso ay makabubuo ang mga mag-aaral ng isang panimulang papel/pananaliksik na naglalaman ng Filipinolohiya sa industriya ng/sa bansa. INAASAHANG KALALABASAN: 1. Naipaliliwanag nang may husay ang kahulugan at kalikasan ng Filipinolohiya na nakaugnay sa Wikang Filipino, nasyunalismo, siyensya at mamamayan. 2. Nakapaglalahad ng kalagayan at halaga ng Filipinolohiya sa pamamagitan ng paglalatag ng sitwasyong pangkultura, pangwika at panlipunan sa bansa at ibang bansa. 3. Natutukoy ang kronolohikal na kasaysayan ng Industriya sa/ng Bansa. 4. Nakapag-aanalisa ng kalagayan ng Pambansang Industriya sa Pilipinas at sa ibang Bansa 3 5. Nakapagtatamo ng kaalaman at kasanayan sa Industriyal na Pananaliksik (critical research paper) pananaliksik Kritika sa industriya/larang (critical paper on industry). 6. Nakapagbubuo ng artikulong Pananaliksik. AWTLAYN NG KURSO: Kabanata 1: Filipinolohiya: Kahulugan, Kalikasan at Kasaysayan ng Kamalayang Bayan (Diskursong Makabayan, Mamayan at Agham Bayan) a. Ilang Kabatiran sa Kamalayan at Kulturang Filipino b. Araling Pilipino, Philippine Studies at Filipinolohiya bilang Programang Akademiko Kabanata 2: Filipinolohiya: Pagpapahalaga sa Sitwasyong Pangkultura, Pampulitika, at Pang-ekonomiya a. Ang Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, Pantayong Pananaw at Filipinolohiya b. Paghahabi ng mga Pagkakatulad at Pagkakaiba c. Wisyo ng Konseptong Filipino Kabanata 3: Filipinolohiya at/sa Pambansang Kaunlaran a. Ang Pambansang Industriya b. Filipinolohiya tungo sa Pambansang Kaunlaran Kabanata 4: Pagsulat ng Pinal na Kahingian MGA MATERYALES NA GAGAMITIN: Abadilla, B. S. (2002). Wisyo ng Konseptong Filipinolohiya. FILIPINOLOHIYA Abadilla, B. S. (2002). Epistemolohiyang Filipino sa Karungang Filipino. FILIPINOLOHIYA: Opisyal na Dyornal ng Kaguruan ng Kagawaran ng Filipinolohiya AGHAM - Advocates of Science and Technology for the People. (2016). PRAYMER sa Pambansang Industriyalisasyon. Quezon City, Philippines. Apigo, M.V. (2002). Paghahabi ng Landas: Tugon sa hamon ng Ganap na Pag-unawa sa Filipinolohiya. Zalazar, Z. A. (2000). Ang Pantayong Pananaw Bilang Diskursong Pangkabihasnan. Bautista, V.V. at Pe-pua, R. (1991). Pilipinolohiya: Kasaysayan, Pilosopiya at Pananaliksik IBON. (2015, Nobyembre). PRAYMER: APEC at ang Opensiba ng Globalisasyon. Quezon City, Philippines 4 PLANO NG KURSO WEEK KABANATA/PAKSA 1-5 Filipinolohiya: Kahulugan, Kalikasan at Kasaysayan ng Kamalayang Bayan (Diskursong Makabayan, Mamayan at Agham Bayan) a. Ilang Kabatiran sa Kamalayan at Kulturang Filipino b. Araling Pilipino, Philippine Studies at Filipinolohiya bilang Programang Akademiko 6-7 Filipinolohiya: Pagpapahalaga sa Sitwasyong Pangkultura, Pampulitika, at Pang-ekonomiya a. Ang Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, Pantayong Pananaw at Filipinolohiya b. Paghahabi ng mga Pagkakatulad at Pagkakaiba c. Wisyo ng Konseptong Filipino 8-11 Kabanata 3: Filipinolohiya at/sa Pambansang Kaunlaran a. Ang Pambansang Industriya b. Filipinolohiya tungo sa Pambansang Kaunlaran 12-16 Pagsulat ng Pinal na Kahingian 5 KABANATA 1 Filipinolohiya: Kahulugan, Kalikasan at Kasaysayan ng Kamalayang Bayan (Diskursong Makabayan, Mamayan at Agham Bayan) 6 Panimulang Gawain Batay sa iyong mga dating napag-aralan, magbigay ng mga halimbawa ng impluwensya ng mga dayuhan sa Kulturang Filipino. Magbigay rin ng isang maikling paliwanag hinggil sa nakikita mong pangkalahatang epekto nito. 1. 6. 2. 7. 3. 8. 4. 9. 5. 10. ______________________________________________________________________ ____________________________________________________________________________ ____________________________________________________________________________ ____________________________________________________________________________ Unang Talakay Ilang Kabatiran sa Kamalayan at Kulturang Filipino Hindi na bago sa kaalaman ng bawat Filipino ang kasaysayan ng mahabang pananakop sa Pilipinas. Ang mga taong ginugol ng mga dayuhan ay hindi lamang nagdulot ng epekto sa materyal na kalagayan ng mga Filipino at ng bansa bagkus maging sa kamalayan nito. Makikita ito sa namamayaning pagpapahalaga ng mga Filipino sa aspetong Kultural, Ekonomikal at Pulitikal. Halimbawa sa aspetong kultural, higit na namamayani ang pagkilala at paggamit sa wikang banyaga katulad ng Ingles sa larangan ng diskursong pang-akademiko. Dito, nasasagkaan ang kabuuan at ganap na pag-unlad ng pambansang wika at iba pang mga wika ng Pilipinas. Ang pagkabansot ng potensyal ng sariling wika at mayroong malaking epekto sa kabuuang kultura ng bansa kung kaya’t lumalabnaw rin ang pagkakaunawa ng isang Filipino sa kanyang sariling pagkakakilanlan at ang kaugnayan niya sa kanyang sariling bayan. Sa isang bahagi ng papel ni Leomar P. Requejo na pinamagatang “Labas at Loob: Pagbasa sa Iba’t ibang Perspektibong Nakatuon sa Pagkakakilanlan ng mga Filipino” binanggit niya ang prosesong ito ng pagbago ng kultura na partikular sa panahon ng mga Kastila: “Matapos nilang masaksihan at mapag-aralan ang kultura at pamumuhay ng mga Filipino, sumunod na rito ang mga hakbang upang tuluyan itong baguhin o kung hindi man ay mai-proseso sa isang kamalayang hiwalay sa totoong kahulugan nito sa kulturang Filipino. Mula sa pisikal na kaanyuan, pagkain, mga kostumbre, tradisyon, relihiyon at iba pang salik ng kultura – naganap ang isang proseso ng unawa’t salakay sa mga Filipino. Totoong mabisa na mula sa pag-unawa ay higit na magiging madali ang pagsasakatuparan ng iba pang mga layunin ng mga dayuhan sa 7 Pilipinas. Ang kanilang mga isinagawang pagtatala o dokumentasyon at pagsasakaysayan sa kulturang dinatnan sa Pilipinas ay masasabing bahagi ng higit pang malaking hakbang ng pagsalakay.” Makikita sa pahayag sa itaas ang ideya ng unawa’t salakay na ginawa ng mga Kastila sa mga Filipino. Ang kanilang ginawang pag-aaral sa mga gawi at paraan ng pamumuhay ng mga Filipino ang higit na nagpadali sa kanilang mga layunin. Walang pambansang wika ang Pilipinas ng mga panahong ito, wala rin ang mismong konsepto ng bansa. Nakasentro sa iba’t ibang pangkat at lipunan ang pamumuhay ng mga Filipino na naninirahan sa Pilipinas. Sa madaling salita, iba’t iba ang kultura maging ang mga wikang ginagamit ng bawat rehiyon. Ang mga wikang ito ay inaral ng mga dayuhang Kastila upang higit na maging madali ang kanilang pagpasok at pagsasakatuparan ng kanilang mga layunin sa Pilipinas. Sinimulan rin nila ang pagpapalaganap ng Kristyanismo sa bansa na isang pagpapakilala ng bagong kamalayan sa mga Filipino. Mula dito unti-unting nagbago ang pagtingin ng Filipino sa kanyang sarili at sa kayang lipunang ginagalawan. Dahil nauunawaan ng mga Kastila ang kahalagan ng pag-aaral at dokumentasyon, masasabing isa sila sa mga unang nag-aral sa Pilipinas at sa mga naninirahan dito. Malinaw na ginamit nila ang proseso ng pagsasakaysayan sa paghubog ng kamalayan at kabuuang imahe ng mga Filipino sa loob ng Pilipinas at higit sa lahat sa iba pang bansa sa mundo. Higit na naging superyor ang imahe ng mga mananakop mula sa identidad hanggang sa paraan ng pamumuhay kaysa mga Pilipino. Sa kanila nakasentro ang pagdakila at pagtataas ng sarili habang ang mga Pilipino ang nagmumukang kawawa, kontrabida at iba pang uri ng panliiit. Isa sa kongkretong halimbawa nito ay ang bahagi ng sanaysay na History of the Inarticulate mula sa aklat ni William Henry Scott na Cracks in the Parchment Curtain kung saan tinukoy niya na hindi ang pagkiling ng mga Kastila sa kanilang pagsasakasaysayan ang pangunahing problema sa pag-unawa ng kasaysayan ng mga Filipino, kundi ang atuwal na hindi pagsama ng mga Kastila sa mga Filipino sa kasaysayan. Higit nilang pinagtuunan ng pansin ang pagsusulat ng kasaysayan sa mga ginawa nila sa Pilipinas at kung papaano nila ito ginawa. Mayroon lamang maliit na espasyo para sa mga Filipino katulad ng mga naganap na rebolusyon sa Pampanga hanggang Ilocos Norte noong 1660-1661 na ayon kay Scott ay maaaring humigit kumulang lamang sa 150 pahina sa kabuuan ang naging tala ng mga Kastila. At sa mga pahinang ito tanging isa lamang ang nakitang detalye na maaaring magtukoy na naging bida ang isang Filipino sa kasaysayan. Ang matinding galit ng isang Pedro Almazan sa mga Kastila na kanilang inilarawan sa pamamagitan ng pagkakaroon niya ng mga kadena sa kaniyang bahay na nakalaan sa bawat Kastila sa kanilang probinsya. Sinabi ni Scott na nakalusot ang napakagandang detalyeng ito sa pagsasakaysayan ng mga Kastila sa kadahilanang nais nilang ipakita ang imahe ni Almazan bilang isang negatibong paksa sa kasaysayan – ngunit sa kabilang banda ay maaaring unawain ang mga tala tungkol kay Almazan bilang pagpapabatid ng kabayaninan ng isang Filipino. Ang maagang kasaysayan ng bansa ay hindi maikakailang nakaugnay sa mga aktibidad ng mga Kastila sa Pilipinas ngunit hindi ito nangangahuluhan na walang kasaysayan ang mga Filipino bago pa sila dumating. Maaring tingnan na nakita ng mga Kastila na ang mga Filipino ay isang lahing madaling manipulahin, sakupin o paayunin sa kanilang mga polisiya at pamamaraan, ngunit sa mga malalapit na pag-aaral sa mga polisiyang ito, makikita na naimpluwensyahan din ng mga Filipino ang mga Kastila sa kanilang mga polisiya. Isang malinaw na manipestasyon ng matibay na kultura ng mga Filipino na noong naunawaan ng mga Kastila ay kanilang tinugunan at pinamahalaan batay sa kanilang mga layunin. 8 Sa pamamagitan ng mga polisiyang inilatag ng mga Kastila na maaaring tugon sa kung anong pamumuhay mayroon ang mga Filipino, nabago o naapektuhan ang takbo ng pamumuhay o pagtingin ng mga Filipino sa kanyang sarili. Nagkaroon ng ibang pamantayan sa kung ano ang mabuti at masama mula sa mga aral na dala ng Kristyanismo sa bansa – itunuring na mga kampon ni Satanas ang mga Babaylan at ipinagbawal ang pagsamba sa mga anito at mga dyos ng kalikasan. Nagbago rin ang pamantayan maganda at pangit mula sa kulay ng balat, itsura, kisig ng pangangatawan, kasuotan at kabuuang anyo. Pinilit bihisan ang mga Filipino sa isang paraang hindi akma sa klima o panahon na mayroon sa Pilipinas. Ang pamantayan ng mga Kastila ang masusunod sa kung ano ang dapat at hindi at may kauukulang kaparusahan sa hindi pagtugon na lahat ay pumapabor sa interes ng mga Kastila. Pinababa ang katayuan ng mga babae sa lipunan, iniba ang unawa sa mga pinaniniwalaang kaugalian at tradisyon – lahat ay upang maisentro sa mga Kastila ang kapakinabangan. Ganito rin halos ang sinapit ng mga Filipino sa mga Amerikanong mananakop. Ngunit kaiba sa mga Kastila na relihiyon ang naging pangunahing armas sa pananakop ng kamalayan – edukasyon naman ang ginamit ng mga Amerikano. Masasabing isang napakabisang ideolohikal na aparato ang edukasyon dahil dito hinuhubog ang talino at kamalayan ng isang indibiduwal. Ang talinong mabubuo ay siyang magiging gabay niya sa paglikha ng mga pangagailangan niya at ng lipunang kanyang ginagalawan. Ito rin ang kanyang magiging pamantayan at batayan sa pagtingin sa iba’t ibang sitwasyon at mga lilikhaing desisyon. Katulad ng mga Kastila – nakita rin ito ng mga Amerikano. Nabatid nilang hindi sasapat ang kanilang militarisasyon at pisikal na opresyon sa mga Filipino upang umayon ito sa kanilang mga layunin. Sa kadahilanang handang ipagtanggol ng mga Filipino ang kanyang bansa hanggang kamatayan sa mga mananakop ay higit na minabuti ng mga Amerikanong sakupin ang kanilang rebolusyunaryong kamalayan sa pamamagitan ng pagpapalabnaw nito. Ang sistema ng edukasyong na ipinasok ng mga Amerikano sa mga Filipino ay nagdulot ng ilang malinaw na epekto sa kulturang una ng binago ng mga Kastila. Bukod sa mga kustumbre, tradisyon at paniniwala, ang isa sa higit na naapektuhan ay ang wika – nabansot ang sariling wika. Gawain 1: Basahin ang Lisyang Edukasyon ng Pilipino ni Renato Constantino at sagutin ang mga sumusunod na katanungan. 1. Ano ang naging epekto ng edukasyong kolonyal sa pag-iisip ng mga Filipino? 2. Magbigay ng halimbawa ng epekto ng nabanggit na sitemang pang-edukasyon mula sa kasalukuyang panahon at ipaliwanag. 3. Batay sa iyong pagkakaunawa, ano ang nakikita mong solusyon sa lisyang edukasyon ng mga Filipino? 9 ANG LISYANG EDUKASYON NG PILIPINO 1 Renato Constantino (Malayang salin ni Luis Maria Martinez) Ang edukasyon ay isang mahalagang sandata ng isang bansang nagpupunyaging magtamo ng kalayaang pangkabuhayan at pampulitika at nagnanais na muling madalisay ang sariling kultura. Tayong mga Pilipino ay isang gayong bansa. Dahil dito, ang ating edukasyon ay dapat lumikha ng mga Pilipinong may pag-unawa sa saligang suliranin ng bayan at sa mga lunas sa mga suliraning ito. Dapat itong lumikha ng mga Pilipinong may sapat na malasakit sa bayan at may sapat na lakas ng loob na kumilos at magpakasakit para sa katubusan ng Inang Bayan. Makabayang Pagkilos sa Edukasyon Ilang taon na ang nakalipas sapul nang umalingawngaw ang mga makabayang kahilingan sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Ang mga makabayang kahilingang ito ay binigyang-linaw at ipinalaganap ng yumaong Claro M. Recto. Marubdob na isinulong ang mga kahilingang kilalanin ang kapangyarihan ng Pilipinas sa mga base-militar ng Estados Unidos sa ating bansa. Iginiit ang pagtutuwid ng mga tiwaling ugnayang pangkabuhayan ng Pilipinas at ng Estados Unidos. Minsa’y nahamig ang suporta ng mga mangangalakal na Pilipino sa patakarang Pilipino Muna, at maraming iskolar at ekonomista ang nagmungkahing gawing kagyat na kahilingan ng bansa ang paglaya ng ating ekonomya. Nakita sa larangan ng sining ang mga palatandaan ng bagong pagpapahalaga sa ating kultura. Anubaga’t niririndi ng sanlaksang makabayang pagkilos ang iba’t ibang larangan ng gawain. Ngunit wala pa tayong naririnig na organisadong pagkilos ng mga pinuno ng pamantasan para maging makabayan ang ating edukasyon. Bagaman marami sa ating mga lider sa edukasyon ang abala sa pagtatalakay at pagtatalo tungkol sa mas mabuting paraan at mga kasangkapan ng mahusay na pagtuturo, wala ni isa man sa kanila ang nanguna sa pagtataguyod ng tunay na makabayang edukasyon. Totoong may ilang dalubhasa ang sumulat na ng mga akda tungkol sa iba’t ibang aspeto ng nasyonalismo sa edukasyon. Subalit wala pa ring nagagawang isang buong programang pang-edukasyon na maihahambing sa mga programa para sa pagpapalaya ng pulitika at ekonomya ng bansa. Ito’y isang kalagayang lubhang nakalulungkot. Sapagkat nangangahulugan ito na sa simula pa lamang ay lumpo na kaagad ang kilusang makabayan dahil ang mamamayan ay walang muwang sa mga saligang suliranin ng bayan at walang pakialam sa kapakanan ng ating bansa. Mga Bagong Pag-unawa Ang pananaw sa ugnayan ng Pilipinas at ng Estados Unidos ng ilan nating lider pampulitika at pangekonomya ay nagkaroon ng pagbabago bunga ng muling pagsusuri sa ugnayan ng dalawang bansa sapul noong pagpalo ng ika-20 siglo. Ang kanilang pagkilos na naging isang anyo ng nasyonalismong pangkabuhayan at pampulitika ay isang pagtatangkang baguhin ang mga kamaliang nagawa ng mga lider na nauna sa kanila, gayundin upang tapusin ang pagkilos na pinasimulan noong 1896 ng ating mga rebolusyonaryong lider. Subalit patuloy pa ring binabakas ng nakararami sa ating mga lider sa edukasyon ang kanilang ugat sa mga sundalong Amerikanong naging unang mga guro at bahagi ng hukbong sumakop sa ating bayan. Waring hindi nila alam na ang namanang sistemang pangedukasyon at pilosopiya sa likod nito ay angkop lamang sa panahon ng kolonyalismong Amerikano. Ang sistemang pang-edukasyong pinairal ng mga Amerikano ay kinailangang umakma at sadyang iniakma sa pangangailangang pampulitika at pang-ekonomya ng kolonyalismong Amerikano. 1 The Miseducation of the Filipino—Unang nalathala sa Weekly Graphic, Hunyo 8, 1966. 10 Ang Pagbihag sa Kaisipan Ang pinakamabisang paraan ng paglupig sa isang bansa ay ang pagbihag sa kaisipan nito. Ang tagumpay militar ay hindi nangangahulugan ng paggapi sa bansa. Hindi masiseguro ng sinumang konkistador ang pananaig nito sa sinakop na bansa hanggang nananatiling nag-aalab ang diwang mapanghimagsik ng mga mamamayan. Mahusay itong pinamalas nang sakupin ng mga Hapones ang Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi nasindak ang mamamayang Pilipino sa malagim na paghahari ng rehimeng Hapones. Ang mga malupit nitong pamamalakad na lalong tumindi dahil sa matatag na paglaban ng mga Pilipino ay nagtulak lamang sa mga Pilipino na kasuklaman ang mga Hapon. Gayunman, nakita ng mga propagandistang Hapones at ng kanilang mga eksperto sa digmaang sikolohikal ang kahalagahang makuha ang kaisipan ng tao. Kung nagtagal pa sa Pilipinas ang mga Hapones, ang mga batang kanilang pinag-aaral ay malamang na naging matibay na haligi ng kanilang planong ipailalim ang buong Silangang Asya sa kanilang kapangyarihan. Ang isip ng mga batang ito’y maaaring mahubog na sunud-sunuran sa mga patakaran ng imperyalistang Hapones. Ang pagkahubog ng kaisipan ang pinakamabisang paraan ng pananakop. Kaya, ang edukasyon ay nagsilbing sandata sa mga digmaan para sa pagsakop ng mga bansa. Ang hindi maitatatwang katotohanang ito ay batid ng pinunong Amerikano sa Pilipinas noong panahon ng digmaang PilipinoAmerikano. Sang-ayon sa Sensus noong 1903: Iginiit at itinaguyod ni Heneral Otis ang muling pagbubukas ng mga paaralan at siya mismo ang pumili at nagpabili ng mga aklat-pampaaralan. Natalagang superintendent ng mga paaralan ang mga opisyal na Amerikanong karamihan ay paring militar at maraming karaniwang sundalo ng hukbong sandatahan ang naging guro. Ang mga opisyal ng hukbong Amerikano ay naatasang gumanap ng isang espesyal na tungkulin. Kinailangan nilang gumamit ng lahat ng paraan upang payapain ang kalooban ng mga taong ang inaasahang paglaya ay binigo ng pagpasok ng bagong mananakop. Ang pangunahing dahilan ng malawakang paglulunsad ng Amerikanong sistema ng paaralang publiko sa Pilipinas ay ang paniniwala ng mga pinunong militar na walang ibang hakbang ang gayon kadaling makapagpapalaganap ng kapayapaan sa buong kapuluan gaya ng edukasyon. Sa pagmumungkahi ng malaking pondo para sa edukasyon ay sinabi ni Heneral Arthur MacArthur: Ang iminumungkahing pondong ito ay bahagi ng operasyong militar na tinatayang magpapakalma sa mamamayan nang sa gayon ay matamo at mapabilis ang panunumbalik ng katahimikan sa buong kapuluan. Ang mga Ugat ng Edukasyong Kolonyal Samakatuwid, sa simula pa lamang ay kasangkapan na ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas upang lupigin ang mamamayang ipinagtatanggol ang bagong kamit na kalayaan laban sa mananakop na nagpapanggap na kapanalig. Ang edukasyon ng mga Pilipino sa ilalim ng kolonyalismong Amerikano ay isang kasangkapan ng patakarang kolonyal. Kinailangang turuan ang mga Pilipino na maging sunud- sunuran sa patakarang ito. Kailangang hubugin ang mga murang isipan ayon sa mga kaisipang Amerikano. Unti-unting inalis ang mga likas na mithiin ng mga Pilipino upang mabura ang lahat ng palatandaan ng pagtutol. Ginamit ang edukasyon para maakit ang mamamayan sa mga bagong panginoon, kasabay nito’y ang pagpapalabnaw sa kanilang diwang makabayan na katatapos pa lamang magtagumpay laban sa dayuhang kapangyarihan. Ang pagpapakilala ng Amerikanong sistema ng edukasyon ay isang pailalim na hakbang upang lupigin ang matagumpay na nasyonalismo. Gaya ng sinabi ni Ginoong Charles Burke Elliot sa kanyang librong The Philippines: 11 Para sa maraming Amerikano, waring kakatuwa ang imungkahi ang paggamit ng alinmang wika maliban sa Ingles sa mga paaralang wumawagayway ang kanilang bandila. Ngunit sa paaralan ng India at sa iba pang bansang nasa ilalim ng pagkakandili ng Kalakhang Britanya at sa lahat halos ng kolonyang bansa ay pinanatili ang paggamit ng wikang katutubo sa paaralang elementarya. Dahil dito’y napulaan ang Estados Unidos na sapilitan nitong ipinagagamit ang kanyang wika sa mamamayang walang kakayahang tumutol. Siyempre, ang gayong sistema ng edukasyon na mga Amerikano ang nagplano ay magtatagumpay lamang sa ilalim ng pangangasiwa ng mga gurong Amerikano yayamang ang mga gurong Pilipinong sinanay sa mga pamamaraan ng Kastila ay hindi maalam ng wikang Ingles. Madaling isinaayos sa Estados Unidos ang pagpapatala ng mga gurong sundalo. Sa simula ay kompa-kompanya ang pagpapatala ng mga guro, ngunit nang lumaon ay bata- batalyon na. Ang barkong Thomas ay iniakma para pagkargahan sa kanila at noong Hulyo, 1901 ay naglayag ito mula San Francisco na may lulang anim na raang guro—ang ikalawang hukbong panalakay—na talagang ang pinakapambihirang kargamentong dinala sa isang kolonyang bansa sa Silangan. Ang Amerikanong Bise-Gobernador Hindi kailanman minaliit ng mga Amerikano ang kahalagahan ng edukasyon bilang isang kasangkapan ng pananakop. Malinaw itong makikita sa mga pagtatadhana ng Jones Act na nagkaloob ng mas malawak na pangangasiwa ng mga Pilipino sa gobyerno (autonomy). Pero, kahit isinaPilipino ang mga paglilingkod ng gobyerno sa madla, bagaman inihahanda ang mga Pilipino para sa pangangasiwa nila sa kanilang gobyerno, hindi kailanman ipinagkatiwala ang kagawaran ng edukasyon sa kahit sinong Pilipino. Ang bagay na ito’y tiniyak ng Jones Act na nagtatadhana na: Ang pangulo ng Estados Unidos, alinsunod sa payo at pagsang-ayon ng Senado, ay hihirang ng isang bise-gobernador ng Kapuluan ng Pilipinas na magtataglay ng lahat ng kapangyarihan ng Gobernador-Heneral sakaling maging bakante ang gayong puwesto, pansamantalang matanggal, magbitiw o maimbalido, o sakaling pansamantalang lumiban ang Gobernador-Heneral; at ang naturang bise-gobernador ang siyang magiging tagapangulo ng kagawarang tagapagpaganap na kilala sa taguring Kagawaran ng Pagtuturong Pangmadla, na kabibilangan ng kawanihan ng edukasyon at kawanihang pangkalusugan, at maaari siyang bigyan ng GobernadorHeneral ng iba pang gawaing pampangasiwaan na gusto nitong ipagkaloob sa kanya. Anupa’t hanggang noong 1935 ay Amerikano ang nangasiwa sa kagawarang ito. At nang sumakamay ito ng Pilipino sa panahon ng Commonwealth ay nalikha na ang isang bagong henerasyon ng mga “Pilipinong-Amerikano.” Hindi na kailangan ang mga tagamasid na Amerikano sa larangang ito sapagkat nahubog na ang isang bihag na henerasyon na nag-iisip at kumikilos na mandi’y mga Amerikanong kayumanggi ang balat. Pero hindi naman ito nangangahulugan na walang saysay ang lahat ng turo ng mga Amerikano. Kahit paano’y natuto tayong bumasa at sumulat sa Ingles. Nagkaroon tayo ng mga lalake at babaing marunong bumasa at sumulat. Natuto tayong makipagtalastasan sa ibang bansa, lalo na sa bansang Estados Unidos. Ang isang edukasyong pangmasa gaya ng gustong pairalin ng Amerikano ay talagang mabuti kung hindi lang sana nila ginamit ang kanilang programang pang-edukasyon na pangunahing kasangkapan ng kanilang patakarang kolonyal. Sa kasamaang palad, ang tagumpay ng edukasyon bilang kasangkapan ng kolonyalismo ay naging ganap at nadarama ang epekto nito sa habang panahon. Ibinigay 12 natin ang ating kaluluwa kapalit ng kaunting kaalaman sa Ingles. Ang mga kuwento nina George Washington at Abraham Lincoln ay nakapagpalimot sa atin ng ating sariling kabansaan. Dahil sa ating Amerikanong pagtingin sa ating kasaysayan ay naging tulisan ang ating mga bayani sa ating pagtingin, at nalisya ang ating paningin sa hinaharap. Bale-wala ang pagsuko ng mga Katipunero kung ihahambing sa ganap na pagsukong ito na nangahulugan ng pagkagapi ng ating kahulihulihang depensa. Ganito inilarawan ni Dr. Chester Hunt ang pagsukong ito: Ang programang gawing Kanluranin ang kulturang Pilipino kasabay ng pagpapabilis ng paglilipat sa mga katutubo ng pangangasiwa ng kanilang gobyerno ay nagbunga ng pagtanggap ng masa sa kulturang Amerikano na siyang mithiin ng lipunang Pilipino at hindi maiisawang ibunga nito na maging kapitapitagan ang bawat Amerikano sa tingin ng mga Pilipino. Sa madaling sabi, ito ang mabubuting bunga ng maagang sistemang pang-edukasyon sapagkat sa loob ng balangkas ng kolonyalismong Amerikano, kailanman magsalungat ang mga layunin at interes ng Amerikano at Pilipino, nagiging gabay ng mga Pilipino ang mga paaralan sa pagkilos at pag-iisip na makapagsusulong sa interes ng Amerikano. Ang mga Layunin ng Edukasyong Amerikano Ang sistemang pang-edukasyon ay hindi itinatag ng mga Amerikano para sagipin sa kamangmangan ang mga Pilipino. Iniakma ito sa mga masaklaw na layunin ng kanilang pagsakop sa bansa gaya ng mga layuning pangkabuhayan at pampulitika. Ito’y para sanayin ang mga Pilipino na maging mamamayan ng isang bansang sakop ng Estados Unidos. Lumitaw ang tunay na layunin ng mga mananakop na Amerikano sa Benevolent Assimilation Proclamation ni Pangulong McKinley na ipinalabas niya noong Disyembre 21, 1891, noong ang buong bansa, bukod tangi lamang ang Maynila, ay kontrolado na ng mga puwersang Pilipino. Sa kanyang librong The American Occupation of the Philippines ay tama ang sinabi ni Judge Blount: Nakikita ng mga Pilipino na talagang determinado ang Estados Unidos na “iligtas sila sa mga panganib ng maagang pagsasarili,” at kung kailangang gumamit ito ng dahas para maisakatuparan ang banal na layuning ito ay handa itong gumamit ng dahas. Sa kabila ng pagpapahayag ng mga opisyal na Amerikano na sinakop nila ang Pilipinas dahil sa mga dakilang layuning ipagtanggol at gabayan ito, nagdudumilat ang katotohanang ang sambayanang Pilipino ay isang bansang sakop nila na ang kalakarang pambansa ay kailangan nilang iakma sa kalakaran ng kanilang pananakop. Ang sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas ay hinubog ng mahigpit na pangangailangang panatilihin at palawakin ang kontrol ng Estados Unidos sa bansa. Para matamo ito ay sinupil ang lahat ng kilusang naglalayon ng kalayaan. Pinalabas na subersibo ang ganitong mga kilusan. Dahil sa pagkakaroon ng edukasyon ng masaklaw na papel sa pagsakop ng isang bansa, hindi nito naiwasang maging kasangkapan sa paglikha ng mga pag-uugaling angkop sa mga layunin ng kolonyalismong Amerikano. Isang Bayang Inihiwalay sa Kanyang Kahapon Ang una at marahil pinakatusong hakbang ng planong gamitin ang edukasyon bilang isang kasangkapan at patakarang kolonyal ay ang pasiyang gamitin ang Ingles bilang wikang panturo. Ang wikang Ingles ay nagsilbing isang makapal na pader na naghiwalay sa mga Pilipino sa kanilang nakaraan at nang lumaon ay naghiwalay sa ilustrado at sa masa. Ang mga Pilipino ay dinala ng wikang Ingles sa isang naiiba at bagong daigdig. Sa pamamagitan ng librong Amerikano, hindi lamang natuto ng bagong wika ang mga Pilipino. Natutuhan din nila ang isang bagong sistema ng pamumuhay. Isang sistema ng 13 pamumuhayna ibang-iba sa kanilang nakamihasaan ngunit isa lamang katawa-tawang bersiyon ng kanilang pinagtularan. Ito ang simula ng kanilang pagkatuto. Kasabay nito, naging simula rin ito ng kanilang lisyang edukasyon. Sapagkat ang kanilang pagkatuto’y hindi na bilang mga Pilipino kundi bilang mamamayan ng isang bansang sakop ng dayuhang kapangyarihan. Kinailangan alisin sa kanila ang kanilang mga makabayang mithiin sapagkat dapat silang maging mabuting mamamayan ng isang kolonyang bayan. Ang isang ulirang kolonyal ay tunay na kopya ng kanyang kolonyalista. Siya ay masugid na tagasunod ng bagong kalakaran. Kailangan niyang kalimutan ang kanyang nakaraan at itakwil ang mga makabayang adhikain upang mabuhay nang matiwasay kundi man maginhawa sa ilalim ng kaayusang kolonyal. Natutuhan ng bagong henerasyon ng mga Pilipino ang buhay ng mga bayaning Amerikano, ang pag-awit ng mga awiting Amerikano at naging pangitain nila ang pag-ulan ng yelo at si Santa Claus. Ang mga bayani ng naghihimagsik laban sa kolonyalismong Amerikano tulad ni Macario Sakay ay itinuring nilang tulisan at salarin. Itinuro nga ang buhay ng mga bayaning Pilipino pero hindi naman itinuro ang kanilang mga makabayang akda. Ang Espanya’y pinalabas na kontrabida. Ang Estados Unidos, tagapagligtas. Hanggang ngayon, pinagtatakpan ng ating mga aklat pangkasaysayan ang mga kahayupang ginawa sa atin ng mananalakay na hukbong Amerikano gaya ng water cure at reconcentration camps. Talagang hindi maaaring balakin ang isang tunay na edukasyon para sa mga Pilipino sa loob ng bagong kaayusan. Sapagkat ang pagsangguni sa mga katutubong kaalaman at paghalukay sa ating kaugalian ay mauuwi sa pagkahubog ng isang pambansang pagkakakilanlan na salungat ang mga interes sa interes ng nananaig na kapangyarihan. Ito ang dahilan kung kaya ang nakaraan ng mga Pilipino na halos ganap nang natabunan ng tatlong daang taong pagmamalupit ng mga Kastila ay hindi napanariwa sa ilalim ng kolonyalismong Amerikano. Kabaligtaran nito, itinuturing natin ang kasaysayan ng ating mga ninuno na para bang mga banyaga silang napadpad sa ating dalampasigan na wala halos kaugnayan sa atin. Binabasa natin ang kasaysayan ng ating mga ninuno na para tayong mga turista sa isang dayuhang lupa. Mga Pangkabuhayang Pananaw Ang kontrol ng sistemang pangkabuhayan ng sakop na bansa ang batayan ng kapangyarihan ng mananakop. Malupit ang mga paraang ginagamit ng ibang imperyalistang bansa sa pagsasagawa nito di tulad ng Estados Unidos na pino at namumukod-tangi ang pamamaraan. Halimbawa, pinairal nito ang malayang kalakalan bilang patunay ng kabutihang-loob at pagkakawanggawa ng mga Amerikano. Sumasaliw naman ang suporta ng sistemang pang-edukasyon sa pananaw na ito at napapalambot ang mga epekto ng unti-unting pagsakal sa mga Pilipino. Hindi kailanman inamin ng mga Amerikano sa mga Pilipino ang kanilang mga motibo sa pagtungo sa Pilipinas. Sa katunayan, sapul pa ng panahon ng mga Thomasites ay inilalarawan na ng ating mga aklat-pangkasaysayan ang bansang Amerika bilang isang mapagkawanggawang bansa na pumunta dito para lamang sagipin tayo sa Espanya at bahaginan ng biyaya ng kalayaan at demokrasya. Ang halos kawalan natin ngayon ng pag-unawa sa mga motibong pangkabuhayan ng Estados Unidos at sa pananatili ng mga interes nito sa ating bayan ang pinakamalinaw na katibayan ng tagumpay ng kolonyal na edukasyong ipinagkaloob sa atin. Anuanong kaisipang pangkabuhayan ang isinaksak sa ating isipan ng edukasyong Amerikano? Mahalagang makita na nang magtangka ang mga paaralan na magtanim sa isip ng mga mag-aaral ng mga bagay na Pilipino, ang larawan ng Pilipinas na kanilang ipinakita ay isang larawan ng buhay sa kabukiran. Isang Pilipinas na kasing ganda ng kathang isip na larawang iginuhit ni Amorsolo na may isang nakangiting magsasakang matipuno ang katawan at isang magandang dalagang nayon na lalong nagiging kaakit-akit sa suot niyang patadyong. Kasama sa larawan ang isang kalabaw at magandang bahay kubo. Ito ang larawan ng Pilipino na itinatanim ng ating edukasyon sa isip ng ating kabataan na pumipinsala sa ating bayan sa dalawang paraan. 14 Una, pinatitibay nito ang paniniwalang ang Pilipinas ay para talaga sa agrikultura na hindi natin mababago at hindi dapat baguhin. (Makikita natin ang mahigpit na pagkapit sa paniniwalang ito ng ating mga lola at lolo pati ng mga nanay at tatay ng ilan sa atin.) nagbubunga ang paniniwalang ito ng pagwawalang-bahala sa industriyalisasyon. Hindi kasi ito itinuturo sa paaralan. Higit pa rito, nagbubunga ito ng takot na baka hindi mabuti sa atin ang industriyalisasyon, na baka hindi angkop ang katangian ng ating bansa sa isang ekonomiyang industriyal, at baka magdulot lamang ito ng mga katiwaliang panlipunan na sisira sa katiwasayan ng kabukiran. Pangalawa, hindi ipinapakita ng ulirang larawang ito ng buhay sa kabukiran ang kahirapan, ang mga karamdaman, ang kahungkagan ng kultura, ang nakababagot na buhay nayon, ang mapamahiin at mangmang na buhay sa mga atrasadong pamayanan. Para sa mga edukado, ang kabukiran ay isang lugar na maganda lamang bakasyunan. Lumaki sila sa malalaking kabisera at lunsod at wala silang interes na paunlarin ang kabukiran dahil sila’y walang muwang sa mga suliraning pangkabuhayan nito. Para sa kanila’y sapat nang pag-unlad ng nayon ang pagkakaroon ng mga poso artisyano at ilang maliit na negosyong gawang-kamay. Ang mga kasalukuyang pagsisikap na mapaunlad ang mga kalagayan sa buhay ng mga mamamayan sa lalawigan ay nakatuon sa maliliit na problema at hindi sinasaklaw ng mga pagpupunyaging ito ang mahigpit na pangangailangang magkaroon ng reporma sa lupa. Sa pamamagitan ng edukasyong Amerikano, ang mga Pilipino ay hindi lamang natuto ng bagong wika; hindi lamang nila nakalimutan ang sarili nilang wika; sila’y naging mga bagong klaseng Amerikano. Unti-unting lumukob sa kanila ang buhay-Amerikano. Ang ating pagpili ng mga bagay na binibili ay hinubog ng mga kalakal na gawa ng Amerikano na malayang pumapasok sa ating bayan nang walang buwis. Dinakila ang ekonomiyang agrikultural sapagkat umaayon ito sa kolonyal na ekonomiyang kanilang pinatatatag. Ang mga bansang Kanluranin ay inilalarawan sa ating mga aklat bilang mga bansang pinaninirahan ng mga taong higit ang kakayahan kaysa atin sapagkat nakagagawa sila ng mga bagay na hindi man lamang sumagi sa ating isipan na kaya nating gawin. Kontento na tayo na ang mga hilaw na sangkap na ating iniluluwas ay naipambabayad natin sa mga produktong ating inaangkat. Ngayon ay hirati na tayo sa mga produktong ito. At ang pagkahirati nating ito ay hindi basta mababago. Nakapipinsala sa ating ekonomya ang pagkahirati natin sa mga produktong Amerikano. Hindi natin naisip kailanman na puwede rin tayong maging industriyalisado sapagkat itinuro sa atin sa paaralan na pang-agrikultural lamang ang ating bansa dahil ganito ang lupalop ng mundo na ating kinalalagyan, at dahil ganito lamang ang likas na kakayahan ng ating mamamayan. Tulad din tayo ng mga kapwa natin Asyano sa paniniwalang hindi natin kayang patakbuhin ang isang industriyalisadong ekonomya. Ito ang dahilan kaya noong bago magkadigma ay hinahamak natin ang mga produktong Hapones kahit na kasing husay namang talaga ng mga produkto ng Kanluran ang mga produktong ginagawa nito. Hindi tayo makapaniwala na ang isang bansang Asyano gaya ng Bansang Hapon ay magiging kasing-unlad ng Estados Unidos, Alemanya at Inglatera. Pero mga eroplano, barko at mga sandatang gawa ng bansang Hapon ang nagpatalsik sa mga Amerikano at Ingles sa kapangyarihan noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito ang paniniwalang naglalayo sa atin sa mga kalapit na bansang Asyano na napagtanto na ngayon ang pangangailangang durugin ang kolonyalismo kung gustong mabuhay ng malaya, masagana at maligaya. Pagtatanim ng mga Amerikanong Institusyong Pampulitika Ang edukasyong Amerikano ay naghasik ng mga Amerikanong kaisipang pampulitika at nagbunga ng pagtayo ng mga Amerikanong institusyong pampulitika sa Pilipinas. Sa huling talumpati ni Claro M. Recto sa Pamantasan ng Pilipinas ay ipinaliwanag niya ang mga dahilan nito. Tungkol sa mga partidong pampulitika ay sinabi niya: Nakalulungkot ang pangyayaring ang ating mga pangunahing partidong pampulitika ay isinilang at yumabong bago natin nakamtan ang kalayaang pampulitika. Dahil dito’y 15 naging katawa-tawang kopya ang mga partidong pampulitika natin na taglay ang matingkad na katangian ng banyagang modelo tulad ng paggamit ng impluwensiya, pangungurakot, palakasan, pagtanaw sa mga mahalagang usaping pambansa batay sa interes ng kinabibilangang partido. Sinabi kong katawa-tawa dahil hindi nila taglay ang tunay na simulaing mahalaga sa pagtatamo ng tunay na panghabang panahong kalayaan. Sa buong panahon ng kolonyalismong Amerikano, lalo at lalo silang naging kasangkapan ng kolonyalismo sa halip maging tagapagpaliwanag ng mga kagustuhan at mithiin ng mamamayan. Dahil sa kanilang pagwawalang-bahala, nagawa ng kolonyalistang Amerikano na mapatatag ang rehimeng kolonyal at maisulong ang mga pansariling hangarin at interes. Ang tanging naging kapalit nito ay ang konsuwelo-debobong pagdinig ng mga makabagbag damdaming talumpati nila na nagsusumamo ng kalayaan at pagbibigay sa kanila ng puwesto de gobyerno. Hindi naging madali sa mga Amerikano ang pagtatanim ng kanilang mga institusyong pampulitika sa bansa. Sapagkat samantalang gusto nila itong gawin ay gusto naman nilang mapanatili ang pagkakasakal sa mga Pilipino. Hindi nakapagtataka kung ang mga pinuno ng gobyernong Amerikano ay walang ibang pakahulugan sa demokrasya maliban sa kanilang sistema ng demokrasya. Dahil dito, iginiit nila sa mga Pilipino ang mga institusyong pampulitikang nakabuti sa mamamayang Amerikano. Ang mga katutubong institusyon na sana’y sinibulan ng mga katutubong demokratikong kaisipan at balangkas panlipunan ay nasupil. Kaya naman nasusuklam tuloy tayo sa mga bansang nagpupunyaging mapaunlad ang sarili nilang mga institusyong pampulitika ayon sa mga pangangailangan ng kanilang mamamayan na hindi sumusunod sa mga pamamaraang pampulitika ng Kanluran. Pinapaniwala tayo na may ilang pandaigdigang doktrinang pampulitika na dapat pairalin sa lahat ng bansa. Isang halimbawa nito ang paniniwala sa kalayaan ng pamamahayag. Maraming naniniwala na hindi maaaring mapasa-Pilipino lamang ang pamamahayag sapagkat ipagkakait natin sa mga dayuhan ang kalayaan sa pamamahayag. Maaaring ito ay mabuti sa mga malakas na bansang walang panganib na masakop ng mga dayuhan, tulad ng Estados Unidos, pero, mapanganib ito sa mga bansang kalalaya pa lamang, tulad ng Pilipinas, kung saan malakas pa ang kapangyarihan ng dayuhang mananakop. Pangangailangan ng Muling Pagsusuri Ang mga bagong paghiling ng kalayaang pangkabuhayan at ang paggiit ng karapatan nating magpasiya sa sarili ay nagtutulak sa ating mga pinuno sa edukasyon na muling suriin ang kanilang pilosopiya, ang kanilang kaisipan at ang kanilang pangkalahatang oryentasyon sa paghubog ng mga Pilipinong magtatatag, magtataguyod at mangangalaga ng makabayang layunin. Ang patuloy na pagpapanatili ng sistema ng edukasyong kinasangkapan ng kolonyalista, ang pagkakimi sa tradisyunal na oposisyon ay magbubunga lamang sa patuloy na pag-iral ng sistemang ito ng edukasyong hindi angkop sa nagaganap na malalaking pagbabagong pangkabuhayan at pampulitika ng bansa. Maitatanong natin hinggil sa usaping ito kung ano ang mga tungkulin ng isang makabayang edukasyong Pilipino. Ang edukasyon ay hindi dapat tingnan na isa lamang pangangalap ng impormasyon kundi bilang paraan ng paghubog sa tao para mahusay niyang magampanan ang papel niya sa lipunan at maging kapakipakinabang sa lipunang yaon na kanyang kinabibilangan. Samakatuwid, ang edukasyon ay hindi maaaring ihiwalay sa lipunan. At hindi ito maaaring ihiwalay sa tiyak na kalagayan ng isang bansa sa isang tiyak na panahon. Kalokohan ang palagay na dapat maging pare-pareho ang tunguhin ng edukasyon sa lahat ng panig ng daigdig na nangangahulugang kung ano ang mga katangian ng isang Amerikanong edukado ay gayundin dapat ang maging katangian ng Pilipinong nakatapos ng pagaaral. Puwede lamang itong mangyari kung ang antas ng pag-unlad ng ekonomya, pulitika at kultura ng dalawang bansa ay pareho at kung magkapareho ang kanilang mga mithiing pampulitika, pangkultura at pang-ekonomya. Ganito tuloy ang nangyayari sa ating bansa. Hindi lamang natin ginagaya ang Kanluraning edukasyon kundi ginawa nating huwaran ang edukasyon ng Kanluraning bansang ito na may 16 pinakamaunlad na teknolohiya. Napakalaki ng agwat ng lipunang Amerikano at lipunang Pilipino. Sa katunayan, ganap na magkaiba ang kanilang mga adhikain. Pagtataglay ng Kanluraning Pananaw Ang Estados Unidos ay isang bansang ang ekonomya ay nakabatay sa industriya. Ito ay isang bansang ganap nang maunlad. Kolonyal ang ekonomya ng ating bansa. Sa madaling sabi, atrasado ang ating ekonomya at hindi pa maunlad. Ang pulitika ng Estados Unidos ay hindi lamang sa sariling bansa nito nakapangyayari kundi nakapangibabaw sa maraming bansa sa buong daigdig. Kamakailan lamang nakaalpas sa kolonyalismo ang Pilipinas at kailangan pa nitong patuloy na makibaka para sa ganap na kalayaang pampulitika at pang-ekonomya. May masigla at matingkad na kultura ang Estados Unidos. Ito’y isang bansa na ang mga institusyong pangkultura ay malayang umunlad nang walang balakid mula sa ibang bansa. At ang bigkis nito sa kanyang katutubong kultura ay malinaw at ipinagmamalaki sapagkat walang dayuhang lakas na sumapaw dito na sumira at nagpalabo sa kanilang nakaraan at naglayo sa mamamayan sa kanilang minanang kalinangan. Anu-ano ang mga katangian ng kasalukuyang edukasyong Amerikano sang-ayon sa kalagayang pangkabuhayan, pampulitika at pangkultura ng bansang ito. Anu-ano naman ang dapat maging mga katangian ng ating edukasyon sang-ayon sa mga kalagayang pangkabuhayan, pampulitika at pangkultura ng ating bansa? Kapag nakita natin ang pagkakaiba ng dalawang bansang ito makikita natin kung gaano kasalungat sa ating mga interes at sa pag-unlad ng ating bayan ang pagtataglay natin ng ilan sa mga saligang katangian at pananaw ng edukasyong Amerikano. Dahil sa pagiging pinakamakapangyarihang bansa at dahil sa pagkakaroon ng mga pangkabuhayang interes sa maraming panig ng daigdig ay pandaigdigan ang oryentasyon ng Estados Unidos na nakabatay sa isang matatag na makabansang pananaw na malaon nang kinaugalian. Hindi kailangan ng edukasyon ng Estados Unidos na paunlarin ang pangmakabayan ng kabataang Amerikano. Ang Estados Unidos ay panginoon sa kanyang bansa sa lahat ng larangan: pangkabuhayan, pampulitika, at pangkultura. Dahil dito, natural lang na hindi bigyang diin ng edukasyong Amerikano ang uri ng nasyonalismong kailangan nating mga Pilipino. Sa halip, ang internasyonalismo ang higit nitong pinagtuunan ng pansin. Walang masama sa internasyonalismo. Ito ay isang wasto at dakilang kaisipan. Subali’t kapag itinanim ang kaisipang ito sa mga mamamayang walang damdaming makabayan o nakalimutan na ang sariling kabansaan, ito’y magbubunga ng hindi masusukat na mga pinsala. Ang pagbibigay-diin sa pandaigdigang pagkakapatiran ng tao, sa pagiging magkaibigan ng mga bansa, na walang matatag na pundasyon ng nasyonalismo na nagbibigay sa ating mamamayan ng pagmamalaki sa ating sariling mga produkto at pangangalaga sa ating mga likas na kayamanan, ay hindi maganda ang mga idinulot sa atin. Isang matingkad na halimbawa ang ating pambansang katangiang tayo’y bukas-palad sa mga dayuhan na nagagamit nilang kasangkapan upang tayo’y linlangin at pagsamantalahan. Mga Pilipinong Maka-dayuhan Ito ang dahilan kaya hinayaan nating makontrol ng dayuhan ang ating ekonomya. Ipinagmamalaki pa natin ang mga dayuhang nagkamal ng kayamanan sa ating bansa at ipinagkakapuri ang kanilang tagumpay. Ikinalulugod nating marinig sa mga dayuhan na ang ating bayan ay isang paraiso ngunit hindi man lamang sumagi sa ating isip na ito’y paraiso para lamang sa kanila at hindi para sa nakararami sa ating mamamayan. Nang pamunuan ng ilan nating kababayang may malayang pag-iisip ang mga pagkilos para sa nasyonalismo, marami ba sa mga kababayan natin ang sumuporta sa mga pagkilos na ito? Hindi. Walang pakialam ang marami sapagkat wala silang damdaming makabayang mag-uudyok sa kanilang tulungan at ipagtanggol ang ating mga kababayan. Masakit pa nito, may ilang Pilipinong mas inalala ang dayuhan na baka masaling ang damdamin at mag-isip na sila’y ating inaaglahi. Ngunit ang pinakamasakit sa lahat ay ang pagtutol ng maraming Pilipino sa mga makabayang batas na sa isang banda ay dahil sa pagiging kasangkapan nila ng mga dayuhang interes at sa kabilang banda, dahil sa kanilang maling 17 paniniwala na tayong mga Pilipino ay hindi uunlad nang walang tulong ng dayuhang puhunan at ng dayuhang mangangalakal. Ang ating bansa ay bukod-tangi sa lupalop na ito ng mundo na walang makabayang pananaw. Ano ang pinagmulan ng nakakahiyang katangian nating ito? Isang hindi mapasusubaliang ugat nito ang mga paaralan. Halos hindi itinuturo sa mga paaralan ang pagkamakabansa. Oo nga’t itinuturo ang pagkamakabayan subali’t humahangga lamang ito sa makitid at mababaw na pagmamahal sa bayan tulad ng paggalang sa watawat, pagpuri sa kagandahan ng kabukiran at iba pang mga walang saysay na pagpapakita ng kabansaan. Ang masaklaw na bunga ng pagkabigo ng edukasyon ng Pilipinas ay ang pagkakaroon natin ng mamamayang larawan ng kawalang malay at nakasandig sa mga pakikitungo sa mga dayuhan, isang mamamayang manhid sa pag-aalipusta ng ibang bansa, bukas-palad sa mga dayuhan at tumutulong pa sa kanila sa pagdambong sa ating likas na kayamanan. Bakit hindi man lang nababahala ang karamihan ng ating mamamayan sa pagkontrol ng dayuhan sa ating ekonomya? Karamihan ng sisi ay maibabagsak natin sa kolonyal na edukasyon. Hindi sa atin itinuturo ng kolonyal na edukasyon ang wastong pakikitungo sa ibang bansa lalo na sa Espanya at Estados Unidos. Ang binibigyang diin sa pag-aaral ng ating kasaysayan ay ang mga nagawang tulong sa atin ng mga kolonyalista. Ang mga kalupitan at katiwaliang nagawa ng mga Amerikano sa mga unang araw ng kanilang pananakop ay ikinubli ng paimbabaw na kabaitan. Binigyang-diin ang mga magagandang pananalita ni McKinley sa halip na ang tunay na motibo ng kolonyalismong Amerikano. Hanggang ngayon ay ipinalalaganap ang alamat ng pagkakaibigan at natatanging pag-uugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos para maikubli ang mga di-makatarungang ugnayan ng dalawang bansa. Sa pagkahubog sa ganitong klase ng edukasyon itinuring ng Pilipino na isang biyaya ng maykapal ang pagiging kolonya ng ating bayan sa loob ng maraming daang taon. Kaya, hindi na dapat ipagtaka na matapos nating makamit ang kalayaan ay nakalimutan itong ipagtanggol. Hindi na dapat ipagtaka kung noong ituro ng ating mga lider tulad ni Claro M. Recto ang paraan ng ating paglaya ay marami sa ating mamamayan ang nahirapang unawain ang mga makabayang alituntuning malalim na nakatanim sa ibang bansang Asyano. Ang mga pasimuno ng edukasyong Amerikano ay talagang ganap na nagtagumpay. Ang Suliranin ng Wika Ang pinakamalaking problemang rumirindi sa sistema ng edukasyon ng Pilipinas ay ang usapin ng wika. Hanggang ngayon, patuloy ang mga eksperimento para matiyak kung higit na mahusay ang paggamit ng wikang katutubo. Talagang masyado itong katawa-tawa dahil walang ibang wikang higit na gamay ng isang tao maliban sa kanyang sariling wika. Sa alinmang malayang bansa, likas ang paggamit ng katutubong wika sa edukasyon. Pero dito sa atin, masyadong malalim ang pagkagumon natin sa kolonyal na edukasyon na hindi mapagkasunduan ang paggamit ng ating sariling wika na mas maraming Pilipino ang tutol kaysa pabor na gamitin ito. Tulad ng pangkabuhayang pananaw na hindi mabubuhay ang mga Pilipino kung wala ang Estados Unidos, gayundin ang pananaw sa edukasyon na hindi ito maaaring maging tunay na edukasyon kung hindi ito nakabatay sa kahusayan sa paggamit ng Ingles. Matagal nang nakikinikinita ni Rizal ang nakalulunos na bunga ng kolonyal na edukasyon at sa pamamagitan ni Simon, sinabi niyang: Hinihingi ninyo ang pantay na karapatang mapa-Kastila, ang inyong mga kaugalian, at hindi ninyo nakikita na ang inyong ipinaninikluhod ay isang pagpapatiwakal, isang pagdurog sa inyong kabansaan, ang pagpuksa sa inyong Inang Bayan, ang pagdakila sa paniniil! Ano ang kahihinatnan ninyo sa araw ng bukas? Isang bansang walang kakanyahan, isang bayang walang kalayaan—lahat ng taglay ninyo’y pawang hiram lamang, pati na ang inyong mga kapintasan!...Anong paggagamitan ninyo sa wikang Kastila, kayong iilan na nakapagsasalita nito? Maglalaho ang sarili ninyong pagkatao, 18 paaalipin kayo sa utak ng iba, at sa halip na palayain ang inyong sarili ay masasadlak kayo sa ganap na pagkaalipin! Siyam sa bawat sampu sa inyo na nagkukunwaring mulat ay mga taksil sa inyong bayan! Siya na nagsasalita sa wikang iyon ay malilimutan ang kanyang sariling wika hanggang sa hindi na niya alam kung paano ito gagamitin sa pagsulat at hindi na niya ito nauunawaan, at ilan na ang nakikita kong nagkukunwaring hindi nila alam kahit isang kataga man lamang nito! Talagang nakalulungkot na ang katutubong wika ay itinuturo hanggang sa ikalawang baytang lamang. At hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas ang usapin kung ito ay gagamitin sa mas mataas na mga baytang ng pag-aaral. Marami na rin tayong eksperto sa edukasyon ang sumulat hinggil sa suliranin ng wika. Ngunit parang nakikimi ang mga ekspertong ito na hayagang igiit ang pagsasaisang-tabi ng dayuhang wika sa kabila ng mga ipinakikitang bentahe ng paggamit ng sariling wika. Malawak at malubha na ngayon ang mga masamang epekto ng paggamit ng wikang Ingles. Napatunayang totoo rin sa wikang Ingles ang sinabi ni Rizal tungkol sa wikang Kastila. Hadlang sa Demokrasya Napakakitid ng pagkakataong mag-aral sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Dahil dito, kakaunti lamang sa mga Pilipino ang nakapag-aral. Ang mga nakapag-aral na ito ay tinaguriang ilustrado. Sila ang bumubuo ng piling uri. Karamihan sa kanila ay galing sa uring nakaririwasa dahil ito lamang ang uring may kakayahang itaguyod ang pag-aaral sa kolehiyo ng kanilang mga anak sa ibang bansa. Kaya, ang edukasyon ay naging isang pribilehiyo. Nagkaroon ng malaking agwat ang ilustrado at ang masa. Bagaman maraming ilustrado ang namuno sa kilusang propaganda, karamihan sa kanila’y mga repormista na ang layunin ay magkaroon ng reporma ang kolonyal na pamamalakad ng Kastila. Sa isang banda ay masasabing alipin sila ng edukasyong Kastila. Marami sa mga ilustradong ito ang mga unang sumuko at nakipagsabwatan sa mga Amerikano na naging mga unang lider ng mga Pilipino sa maagang bahagi ng kolonyalismong Amerikano. Sa paglaon, hinalilihan sila ng mga produkto ng edukasyong Amerikano. Isa sa pinalalabas na dahilan ng paggigiit ng wikang Ingles bilang wikang panturo ay ang pagiging wika ng demokrasya nito umano. Sa pamamagitan umano ng wikang ito ay matutuntunan ng mga Pilipino ang kalakaran ng buhay-Amerikano na pareho ang pagtrato sa mahirap at mayaman at pantay ang karapatan ng bawat tao. Sinasabi ng pilosopiyang ito na kusang malulusaw ang uring ilustrado sapagkat sa paglaon ay mamumulat at makapag-aaral ang lahat ng Pilipino. Ang uring may-pribilehiwo ay maglalaho. Ngunit kabaligtaran nito ang nangyari. Patuloy na umiral ang uring ilustrado. Kaya lang, mga maka-Amerikanong ilustrado na sila ngayon. Subalit, tulad ng mga maka-Kastilang ilustrado, sila’y naging matibay na tagapagtaguyod ng bagong kalakaran sa bansa. Ngayon may mangilan-ilang sa wikang Ingles bihirang mag-isip, marami-rami ang medyo nakakabasa at nakapagsasalita ng wikang ito at nakararaming masang hirap na hirap mangusap sa Ingles. Pero lahat sila ay hirap mangusap sa sarili nilang wika sapagkat kung hindi man napabayaan ang katutubong wika ay tuwirang hinadlangan ang pag-unlad nito. Ang kalagayang ito ay nagbunga ng isang liderato at masang hindi magkaunawaan na ang mga lider ay nangungusap sa malalawak at hindi mawawaang pananalita. Ito ay isang dahilan kung bakit nananatiling hungkag ang lideratong pampulitika. Ito ang dahilan kung bakit hindi puspusang natatalakay ang mga usaping pambansa. Ito ang dahilan kung bakit ang napipiling lider ay yaong mga batikang orador na nanggagalaiti ang talumpati, pasuntok-suntok sa hangin o pahampas-hampas sa lamesa. Ang wikang Ingles ay lumikha ng agwat sa pagitan ng mga nasa poder at ng masa. Naging simbolo ito ng mataas na katayuang panlipunan at ang katutubong wika ay itinuring na mababang klaseng wika. Nagbunga ang wikang Ingles sa pagkabahagdan ng lipunan sa dalawa; sa itaas ay ang mga nakapag-aral at sa ilalim ay ang masa na umiindak sa kanilang kumpas. Isang malinaw na katibayan ng kahungkagan ng edukasyong Ingles ang wikang panturo ay ang pangyayaring ang wikang katutubo ang gamit ng mga pulitika sa pakikipag-usap sa masa. Dahil sa kamangmangan sa katutubong wika hirap magpaliwanag sa masa ang mga pulitiko. 19 Dahil sa kakulangan ng masa ng pag-unawa sa wikang Ingles ay bahagya na nila itong maunawaan. Nadadala sila sa mga magagandang salita ngunit hindi alam ang kahulugan ng mga iyon. Ito ay isang hadlang sa demokrasya. Hindi man lamang sumasagi sa isip ng masa na tungkulin nilang unawain ang mga suliraning pambansa sapagkat wala sa kanilang hinagap na kaya nilang unawain ang mga suliraning kinakaharap ng bayan. Dahil sa problema ng wika, kontento na ang masa na ipaubaya sa mga lider ang pangangasiwa sa lahat ng bagay. Ito ay isa sa mga ugat ng pagwawalang bahala, rehiyonalismo at parokyalismo ng masa. Kaya, ang Ingles na tinitingnang wika ng demokrasya ay siya mismong hadlang sa pag-unlad ng demokrasya sa ating bayan. Noong 1924, ang kilalang iskolar na si Najib Saleeby ay sumulat tungkol sa wika ng edukasyon sa Pilipinas. Ikinalungkot niya ang paggigiit ng paggamit ng Ingles bilang wikang panturo. Si Saleeby na isang eksperto sa wikang Malayo-Polynesia ang nagsabing ang Tagalog, Bisaya, Ilokano at iba pang wika sa Pilipinas ay kabilang sa isang pamilya ng wika. Aniya: Ang relasyon ng Tagalog sa Bisaya o sa Sulu ay katulad o mas malapit ka kaysa relasyon ng wikang Kastila sa wikang Italyano. Sa maigsing panahon ang isang Batangueño at ang isang Bisaya na kapwa nakapag-aral ay magkakaintindihan agad. Maiintindihan at makapagsasalita ng Tagalog ang isang Bisayang estudyante sa loob lamang ng wala pang tatlong buwang paninirahan sa Maynila. Ang relasyon ng wikang Tagalog at wikang Malay ay tulad halos ng relasyon ng wikang Kastila at wikang Pranses. Ito ay sinabi ni Saleeby apatnapu’t dalawang taon na ang nakaraan noong hindi pa malaganap sa bansa ang pelikula, pahayagan at programang pangradyo sa wikang Tagalog. Dagdag pa ni Saleeby: Kung ibabatay sa gamit, hindi angkop na wikang panturo sa Pilipinas ang Ingles man o Kastila. Alinman sa mga wikang ito ay tila hindi pupuwedeng maging wika ng buong kapuluan. Sa kabila ng tatlong daang taong paghahari at paghahasik ng edukasyong Kastila ay hindi napigil ang paggamit ng katutubong wika. Noong 1898 ilang Pilipino lamang ang nakapagsasalita ng Kastila at ang nakararami ay hindi maalam magsalita sa wikang ito ni naiintindihan kaya ang wikang ito. Wala ring gaanong nagawa ang dalawampu’t limang taong pagsisikhay ng edukasyong Amerikano. Bagaman mas marami ngayon ang nakapagsasalita ng Ingles kaysa Kastila, mas marami pa rin ang nangungusap sa katutubong wika. Kahit paano’y masasabing gayon ang sistema ng edukasyong Kastila tulak ng mga kolonyal at pinansyal na pangangailangan nito, ngunit hindi madaling maikakatwiran ang mga dahilang ito sa Amerikanong sistema ng edukasyon. Dapat kusang ipinatanggap sa masa ang edukasyong ito, o kaya naman ay dapat ipinakita ng mga tunay na pangyayari at magagandang resulta ang kabuluhan nito. Hanggang ngayon ay hindi magkaroon ang masa ng pagkakataong magpahayag ng kanilang pasiya, kaya dapat husgahan ang kasalukuyang sistema ng edukasyon batay sa mga katangian nito at mga talagang nagawa nito…Ngunit isang usapin ang pagtuturo ng wikang Ingles sa pamamagitan ng radyo at ang pagpapatupad nito bilang opisyal na wika. Lalo nang naiibang usapin ang paggamit nito bilang batayan ng edukasyon at bilang tanging wikang panturo. Ang usaping ito ay hindi ganap na mauunawaan nang walang malalim na pag- unawa at karanasan sa kolonyal na edukasyon at palakad. Masyadong matayog at ambisyoso ang patakarang ito. May isang bagay na gusto itong patunayan na kailanman ay hindi pa nangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan. Gusto nitong maisakatuparan ang mga hindi nagawa ng lumang Persia at Roma, ni Alexander the Great at ni Napoleon. Hangad nitong pawiin ang pagkakaiba-iba ng mga tribo ng mga Pilipino, ihalili ang Ingles sa wikang katutubo at palaganapin sa buong kapuluan bilang wikang pambansa. 20 Ang bagay na ito ay hindi na mapapansin ngayon. Ilan lamang sa mga nagsisipag-aral sa kolehiyo ang matatas sa Ingles. Karamihan ay garil at gumagamit ng katutubong wika. Lalo pang nadagdagan ang pagkalito ng mga mag-aaral nang iutos ng Kongreso na isama sa asignatura ang pag-aaral ng wikang Kastila na may 24 na yunits. Mga Balakid sa Pag-iisip Ang paggamit ng dayuhang wika ay sagabal sa pagtuturo. Sa halip na tuwirang matuto ang bata sa pamamagitan ng katutubong wika, kailangan muna niyang matutuhan ang wikang banyaga, isaulo ang talasalitaan, mabihasa sa tunog, indayog at banghay ng mga salita na pagkatapos ay isinasaisantabi lamang paglabas ng paaralan. Hindi naman ibig sabihin na hindi dapat pag-aralan ang dayuhang wika. Pero, dapat itong ituro matapos mabihasa sa sariling wika. Bibilis pa ang pagkatuto ng ibang wika. Sabihin mang ang nagtulak sa mga Amerikano na ipagamit ang Ingles bilang wikang panturo ay ang dalisay na hangaring bigkisin ang bansaa sa pamamagitan ng isang wika, ang anim na dekada ng edukasyong Amerikano ay sapat na para mapagtanto ng mga guro ang mga masamang epekto ng dayuhang wika na talaga namang nakasasagabal sa pagkatuto. Kahit na noong matatag ang Surian ng Wikang Pambansa noong 1935 ay wala rin halos mga pagtatangkang iwaksi ang Ingles bilang wikang panturo. Mandi’y iniiwasan ng mga guro ang usapin ng wika sa kabila ng katotohanang karamihan sa produkto ng kasalukuyang sistema ng edukasyon ay wala halos natutuhan. Ito’y nangahulugan ng pagkakait ng edukasyon sa napakaraming bata na humihinto ng pag-aaral pagkatapos ng mababang paaralan. Sa kabila ng katotohanang ang wikang pambansa ay nauunawaan na ngayon sa buong kapuluan walang nagkalakas ng loob na igiit ang paggamit nito bilang wikang panturo. Palagi na lang ikinakatuwiran na ang pagpapatupad nito ay mangangahulugan ng mga bagong gastos at ng paggawa ng mga bagong aklat-aralin. May mga nagsasabi pang kapos at mabuway ang pambansang wika. Ngunit mababaw ang mga argumentong ito ng ating mga pinuno sa edukasyon para mapagtakpan ang talagang pagtutol nila sa katutubong wika. Kaya, maliban lamang sa iilan, ang mga produkto ng sistema ng edukasyon ng Pilipinas ay mga Pilipinong bantilawan kapwa sa Ingles sapagka’t ito’y banyagang wika at sa katutubong wika dahil sa sadyang pagsupil dito ng mga nangangasiwa ng pag-aaral ng mga mamamayan. Ang wikang banyaga bilang wikang panturo ay sagabal sa pagkatuto at sa pag-iisip dahil dapat munang masanay ang mag-aaral sa bagong mga tunog, tono, at mga bagong balangkas ng pangungusap. Nahihirapan siyang ipahayag ang kanyang mga saloobin at ito’y bumabaog sa kanyang pag-iisip. Kaya, makikita natin na marami sa ating mga kababayan ang hindi sanay mag-isip ng malalim. Hindi natin ganap na nauunawaan ang mga aklat at peryodikong nakasulat sa Ingles. Hirap na hirap tayong mag-usap sa wikang Ingles pero hindi rin tayo makapag-usap nang mahusay sa sarili nating wika dahil ganap natin itong napabayaan. Ang wika ay kasangkapan ng pag-iisip. Sa pamamagitan ng wika ay umuunlad ang kaisipan. Sa pagunlad naman ng kaisipan ay umuunlad ang wika. Ngunit kapag ang wika ay naging sagabal sa pagiisip ang pag-iisip ay nabubunsol o nababaog na magbunga naman ng pagkabunsol na kultura. Ang malikhain, mapanuri at mapagbuod na kaisipan ay hindi uunlad sapagkat ang mga mag-aaral ay nahihirati sa pagsasaulo ng dayuhang wika. Dahil sa mekanikal na paraan ng pag-aaral, pangkalahatang ideya lamang ang natututuhan ng mga mag-aaral at hindi nagkakaroon ng malalim na pag-unawa. Kaya naging ugali ng mga mag-aaral ang mag-aral lamang para makasagot ng tama at pumasa sa pagsusulit para makatapos ng kurso. Nabubunsol ang malayang pag-iisip sapagkat ang wikang panturo ay iba sa wikang ginagamit sa pakikipagtalastasan sa labas ng silid-aralan. Ang isang mag-aaral ay nagkakasya na lamang sa pangangalap ng impormasyon. Ngunit bihira niyang magamit ang mga impormasyong ito para mapalalim ang kanyang pag-unawa sa mga suliranin ng kanyang lipunan. Totoong napabayaan ang ating Surian ng Wikang Pambansa na dapat sanang maging isang pangunahing haligi ng isang malayang bansa. Nagdadalawang-isip ang ating mga guro na ipanukala ang kagyat na paggamit ng pambansang wika bilang wikang panturo dahil ipinangangamba nila ang 21 pagsalungat sa panukalang ito ng mga nangungusap sa ibang katutubong wika. Ito ay malinaw na halimbawa ng pagkakaroon natin ng kolonyal na kaisipan. Hindi nakikita ng ating mga guro ang mga pagsalungat sa dayuhang wika ngunit kinatatakutan nila ang pagsalungat sa pambansang wika dahil anila’y isa lamang sa mga pangunahing wika sa bansa ang batayang ito. Ngunit ang katotohanang sinumang nangungusap sa pambansang wika ay mauunawaan saanmang panig ng Pilipinas, ang katunayang ang mga babasahin at pelikulang Pilipino ay tinatangkilik ng masa sa lahat ng panig ng kapuluan, ay nagpapakita na, kung sapat lamang na itataguyod, magagampanan ng pambansang wika ang dapat nitong maging papel. Samakatuwid ay wika ang pangunahing suliranin. Ipinakikita ng karanasan na mas madaling matuto ang mga bata sa pamamagitan ng katutubong wika kaysa Ingles. Mapatutunayan ito ng tala ng Kawanihan ng Paaralang Pampubliko. Gayunman, hindi sapat na maging wikang panturo lamang ang pambansang wika. Maraming iba pang usapin na dapat nating pagtuunan ng pansin. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay kailangang isulat muli batay sa pananaw ng isang Pilipino. Ang ating pagpapakita ng mga suliraning pangkabuhayan ay dapat ikawing sa adhikaing makabayan at sa paglaya ng bayan. Ang mga ito’y ilan lamang sa mga suliraning kinakaharap ng paglikha ng makabayang edukasyon. Mahalaga rin ang pamumuno at pangangasiwa ng gobyerno sa layuning ito. Kailangan ng ating mga tagapagturo ang suporta ng mga mambabatas. Kaugnay nito, kailangan ding mahigpit na pangasiwaan ang mga pribadong paaralan. Ang Pribadong Sektor Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mababa ang tingin ng mga nagsipagtapos sa paaralang publiko sa mga nagtapos sa mga pribadong paaralan. Itinuturing ng marami na mas mahusay ang mga nagsipagtapos sa paaralang publiko kaysa pribado. Bagaman may mga exclusive private institutions, para lamang ito sa mga nakaririwasa. Ang mga paaralang ito ay hindi salamin ng mas mahusay na pagtuturo kundi sumasalamin ito ng mas mataas ng katayuang panlipunan. Kahit paano’y kinakikitaan pa rin ang mga mag-aaral sa mga paaralang publiko ng pagsangkot sa mga usaping pambansa. Ang mga bakas ng makabayang tradisyon ay nananatili sa kamalayan ng mga magulang na naging kalahok ng rebolusyon na kanilang naipamana sa kabataan. Sa kabilang banda, matingkad sa mga mag-aaral sa mga pribadong paaralan ang pagwawalang bahala sa mga suliranin ng bansa na ang mga magulang ay bukas-palad na kumalinga sa kolonyalismong Amerikano. Nangyari na naging hamak ang mga paaralang publiko. Naging paaralan na lamang ito ng mahihirap na estudyante. Iyong mga may-kaya, o iyong mga nagkukunwaring may-kaya, ay sa mga paaralang pribado pinag-aaral ang kanilang mga anak. Nagbunga ito ng paglakas ng priban=dong edukasyon na dahil sa pagiging malakas na negosyo ay sinibulan ng diploma mill. May dalawang pangyayaring agad na ibinunga ang paglakas ng pribadong edukasyon: Una ay ang komersiyalisasyon o pagiging negosyo na lamang ng edukasyon. Nauwi ito sa pagbagsak ng kalidad ng edukasyon dahil sa kakulangan ng pasilidad ng mga paaralang publiko at komersiyalisasyon naman ng mga paaralang pribado. Isang katotohanang hindi maikukubli ang pagkakaroon ng saksakan ng daming mag-aaral sa bawat silidaralan ng mga paaralang pribado at sobra-sobra ang trabaho ng mga guro para magkamal ng malaking tubo ang naturang mga pribadong paaralan. Pangalawa, lumaki ang ilang paaralang pribado na pagaari at pinatatakbo ng mga dayuhan na ang mga kursong agham panlipunan ay hawak ng mga dayuhan. Bagaman maaaring hindi kontra-Pilipino ang mga dayuhan, talagang hindi naman sila maaaring magkaroon ng makabayang pagtingin. Nag-iisip sila bilang mga dayuhan na may pansariling mga interes. Kaya ang pagdami ng mga paaralang pribado at kasabay nitong pagbagsak ng kalidad ng pagtuturo sa mga paaralang publiko ay hindi lamang nagbunga ng mababang klaseng edukasyon kundi ng isang edukasyon tiyak na hindi para sa Pilipino. Nitong nakalipas na ilang taon, nagkaroon ng hakbang na pagkalooban ng kalayaan sa paggawa ng kurikulum at gayundin nang malaking luwag sa pangangasiwa ang ilang pribadong paaralang papasa 22 sa pamantayan ng gobyerno. Iyon ay isang paurong na hakbang. Totoong ang hakbang na ito ng gobyerno ay sagot sa mga paratang dito na nagbubunga ang mga pakikialam ng estado sa pagiging de-kahon ng edukasyon. Pero, sa bansang namumulat pa lamang sa mga makabayang adhikain, tungkulin ng isang makabayang administrasyon na tiyakin ang pagkahubog ng kamalayan ng kanyang mamamayan patungo sa makabayang landasin. Ang awtonomya ng mga pribadong institusyon ay maaaring gamitin para wasakin ang mga makabayang adhikain lalo na kapag ang pag-aari ng paaralan at ng mga kursong agham panlipunan ay hawak ng dayuhan. Palalabuin lamang ng awtonomya ng mga pribadong paaralan ang mga makabayang adhikain sa pamamagitan ng paninira ng dayuhan o sa komersiyalisasyon ng edukasyon. Iba pang mga Daluyan ng Edukasyon Samantalang ang mga kahinaan ng sistemang pang-edukasyon ang naging dahilan ng pagkawala ng mga makabayang adhikain, winawasak naman ng mass media at ng mga instrumentong pangkultura ang anumang natatamo ng ibang larangang pang-edukasyon. Ang pananaw ng mga Pilipino ay sinisira ng mga balita, pelikula at iba pang mga kagamitang pangkultura na halos galing lahat sa Estados Unidos. Ang mga Amerikanong pelikula at komiks, mga pahayagang Amerikano, ang pag-aaral ng libre (fellowship) sa Estados Unidos, ay nakatulong sa pagiging halos Amerikano ng ating pananaw. Hindi makapangingibabaw ang kulturang Pilipino kapag hinayaan ang pagbaba ng mga pangkulturang babasahin at panooring galing Kanluran na tumatabon sa mga maliit nating pagsisikhay na maisagawa ito. Kailangan: Mga Pilipino Ang edukasyon ng Pilipino ay dapat maging isang Pilipinong edukasyon. Dapat itong ibatay sa mga pangangailangan at adhikain ng bansa. Ang layunin ng edukasyon ay hindi lamang ang makalikha ng mga lalake at babaeng marunong bumasa at sumulat at marunong magkuwenta. Pangunahing layunin nito ang mahubog ang isang mamamayang may malasakit sa bayan at nauunawaan ang kanilang pagiging bansa. Isang mamamayang binibigkis ng layuning paunlarin ang buong lipunan hindi lamang ang kani- kanilang mga sarili. Oo nga’t itinuturo sa mga mag-aaral ang buhay nina Rizal at Bonifacio. Ngunit hindi iniaakma ang kanilang mga aral sa kasalukuyang suliranin ng ating bayan at itinuturo ang kanilang buhay bilang mga maikling kuwento tungkol sa mga nakalipas na pangyayari na ikinasisiyang pakinggan ng mga bata. Natutuhan nating gamitin ang mga pamantayang Amerikano sa ating mga suliranin at tinitingnan natin ang maagang bahagi ng ating kasaysayan mula sa pananaw ng mga dayuhan. Marami tayong natutuhang bagay ngunit hindi umunlad ang ating mga pananaw. Hindi halos tumanim sa kamalayan ng mga mag-aaral ang wastong pagmamalasakit sa mga bagay na likas sa Pilipinas at ang pagmamalasakit sa kinabukasan ng ating bayan. Nag-aaral ang mga bata upang makakuha lamang ng diploma. Maraming bagay silang natututuhan ngunit hindi nila nasasapol ang makabayang pananaw dahil mababaw lamang ang kanilang pagkatuto na kadalasan ay mga anyo at hugis lamang ng mga bagay at hindi ang mga diwa at katuturan ng mga iyon. Ano ang dapat maging pangunahing layunin ng edukasyon sa Pilipinas? Para lamang ba tayo matutong sumulat at bumasa? Kung ito lamang ang layunin, walang patutunguhan ang edukasyon. Una sa lahat, kailangang tiyakin ng edukasyon ang kaligtasan ng bansa. Walang anumang patakarang pangkabuhayan at pampulitika ang magtatagumpay kapag hindi itinanim ng edukasyon sa kabataan ang tamang pananaw na magtitiyak ng pagsasakatuparan ng mga layunin at patakarang ito. Dapat ituon ang mga patakarang pang-edukasyon ng Pilipinas sa paghubog ng mga Pilipino. Dapat tiyakin ng mga patakarang ito na ang mga paaralan ay humuhubog ng mga lalake at babaeng ang pananaw ay ayon sa mga pangangailangan ng bayan. Sa nakalipas na mga rehimeng kolonyal, naging kasangkapan ang edukasyon sa paghubog ng mga Pilipinong naninikluhod sa mga mananakop. Dinakila nila ang mga dayuhang mananakop na ito. Hindi sa atin itinuro ang obhetibong pagtingin sa kanila para sana nakita natin ang kanilang mga mabuting katangian at kapintasan. Ito ang dahilan ng pagkahubog ng maling pananaw ng mga Pilipino sa mga 23 dayuhang mananakop at sa kanilang sarili. Ang tungkulin ngayon ng edukasyon ay iwasto ang maling pananaw na ito. Dapat na natin ngayong isipin ang ating mga sarili, ang ating kaligtasan, at ang ating kinabukasan. At hanggang hindi natin inihahanda ang kaisipan ng mga kabataan sa pagpupunyaging ito, mananatili tayong mamamayang walang pakialam sa ating bayan na walang tiyak na patutunguhan at hindi tiyak kung ano ang kasasapitan sa araw ng bukas. Makikita sa mga talakay saisinasaad sa itaas at sa Lisyang na Edukasyon ng Pilipino ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang kamalayang nakalapat at may pagpapahalaga sa sariling kultura at karanasan ng bansa. Bagamat hindi maikakailang hindi na basta maihihiwalay o maaalis ang impluwensya ng mga banyaga sa ating mga Filipino, nararapat pa rin na kilalanin at pahalagahan ang taal na karanasan na bansa. Ang sariling wika, kalinangang bayan, kasaysayan, kabihasnan, lipunan at kultura sa kabuuan ang bumubuo sa karanasang ito. Sa pagdaan ng mahabang panahon, inunawa, pinag-aralan at itinala ng mga dayuhan ang mga Filipino batay sa kanilang mga pamantayan at talino. Dahil sila ay nanggagaling sa ibang kultura, ang kanilang unawang nabuo ay nakatikal at mayroong mababang pagpapahalaga sa totoong kahulugan ng mga karanasang ito sa mga Filipino. Kung kaya’t kung babasahin ang mga unang tala tungkol sa mga Filipino, hindi maiiwasan na makita ang mga paglalarawan na tayo ay mga barbaro, walang talino, pagano, at iba pang taguri na nagpapababa sa ating identidad at pagkatao. Kung kaya’t nararapat lamang na Filipino ang manguna sa pag-aaral ng kanyang sarili. Ang katuparan ng pagtatampok ng sariling kultura at pagkakakilanlan ay magaganap lamang kung kabahagi sa itatampok na kultura ang mangunguna. Sa madaling salita, tanging Filipino lamang ang makapagbibigay ng lapat ang ankop na unawa sa mga katuturan ng mga nangyayari sa lipunang Filipino dahil kabahagi siya nito. Alam niya ang wikang ginagamit, bahagi ng kanyang karanasan ang kultura at hinubog ang kanyang pagkatao ng lipunang kanyang ginagalawan. Ngunit hindi sapat ang pagiging kabahagi ng karanasan, kailangan ng isang tamang kaisipang gagabay sa pagproseso at pag-unawa ng mga nabanggit na salik. Isang kaisipan o pilosopiyang kumikilala, nagpapahalaga at nagmumula sa batis ng talino at karanasan ng sariling bayan, isa na rito – ang Filipinolohiya. Gawain 2: Mula sa mga talakay sa itaas, pumili sa mga sumusunod na ideya sa ibaba at gumawa ng isang tula. Maaaring kombinasyon ng mga nakalahad na paksa. Huwag kalimutan na maglagay ng pamagat. Malayang pumili kung malayang taludturan o may sukat at tugma. a. Wikang Filipino at pambansang pag-unlad e. Kulturang Filipino b. Kalinangang bayan f. Edukasyong may katuturan c. Pagmamahal sa sariling bayan g. Paglilingkod d. Pagpapalaya ng kamalayan h. Pagpapahalaga at Pagkakakilanlan 24 Pangalawang Talakay Nabanggit sa mga unang talakay sa itaas ang pagkakaroon ng mga pagbabago sa kultura at kamalayan ng mga Filipino. Dahil sa epekto ng mga pananakop na pinagdaanan ng bansa, ang mga pagbabagong ito ay nagdulot ng maraming negatibong epekto sa kabuuang unawa ng Filipino tungkol sa kanyang sarili at kultura. Ngunit kasabay ng mga paglalahad ng mga ito ay ang paglalatag ng solusyon sa muling pagpapalakas nito. Isang kaisipan o pilosopiyang lapat sa pambansang karanasan at kabihasnan – ang Filipinolohiya. Sa bahaging ito ng talakay ay kikilalanin kung ano nga ba ang Filipinolohiya bilang kaisipan at kung papaano ito makakatulong sa pambansang pag-unlad. Isang uri ng pag-unlad na hindi lamang kultural bagkus maging sa salik na pulitikal at ekonomikal. Araling Pilipino, Philippine Studies at Filipinolohiya bilang Programang Akademiko Nauna ng ipahayag ni Rizal noong 1887 na dapat ang maging tunguhin ng pag-aaral sa Pilipinas ay tungkol sa mga Pilipino at para sa mga Pilipino (Rodriguez-Tatel, 2015). Bagamat hindi niya naisakatuparan ang kanyang pangarap na magkaroon ng isang pandaigdigang samahan ng mga Pilipinista, ang Association Internationale des Philippinestes (AIP), nagkaroon pa rin naman ito ng materyalisasyon isang siglo matapos niya itong unang ipahayag. Ayon kay Gabriel sa kanyang borador ng Kasaysayan ng Philippine Studies sa DFPP, naging kakabit na ng kasaysayan ng pag-unlad ng PS bilang isang larangan ang Departamento ng Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa pagkakatatag ng Departamento ng Filipino at Philippine Literature sa College of Arts and Sciences noong Enero 27, 1966, kasama na sa mga layunin nito ang magturo ng Philippine Institutions (PI 100) at Philippine Studies (PS). Sa parehong panahon, nakahain din ang Bachelor of Arts at Master of Arts sa Filipino, Philippine Literature at Philippine Studies (Gabriel, 2014). Taong 1974 naman ay iniangkat ng UP College of Arts and Sciences (CAS) ang PS dahil sa layuning mapatapos ng doktorado ang mga dalubguro nito sapagkat naging mahirap na ang pag-aaral sa ibang bansa dahil sa batas militar. Sa mga panahon na ito, na mataas ang pagmamahal sa bansa, sariling wika at kultura na tumagos sa pagsasawikang Filipino ng edukasyon lalo na sa UP, taong 1987 lamang nagkaroon ng bilinguwal na patakaran sa wika ng maupo si Presidente Abueva. Sa pag-upo naman ni Dr. Covar bilang Tagapangulo ng Departamento ng Antropolohiya ay binago niya ang direksyon ng PS at ginawa itong Pilipinolohiya (Gabriel, 2014). Katulad ng karanasan ng CAL at CSSP, mayroon din kasaysayan ng pag-unlad ang PS sa iba pang unit sa ilalim ng UP. Sa kalagitnaan pa lang ng dekada 50’ ay itinuturo na ang PS sa antas gradwado dahil sa pagkakatatag ng Institute of Asian Studies (IAS) sa College of Liberal Arts (Sobritchea, 2002). Hindi kalaunan, sa taong 1968 ang IAS ay sumailalim sa muling pagbabalangkas at kinilala bilang Asian Center sa pamamagitan ng isang batas (Republic Act 5334) na may layuning mag-aral ng higit na may lawak at lapit sa kabihasnan ng iba pang karatig bansa sa Asya. Sa pagdedeklara naman ng batas militar ng taong 1972, ang Asian Center ay muling sumailalim sa pagbabalangkas upang tugunan ang mga pangangailangan ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagbuo ng mga polisiya at mga programang pangkaunlaran. Sa pamamagitan ng proklamasyon ng pangulo ay nagi itong Philippine Center for Advance Studies (PCAS), dito ang mga pasilidad at program ay lumawak sa mga museong etnograpiko, laboratoryo sa pag-aaral ng ilang mga wika sa Pilipinas at bansa sa Asya at silid-aklatan na naglalaman ng mga pangunahing dyornal sa Asya (Sobritchea, 2002). Dagdag pa rito ay ang pagbubukas ng Ph.D. 25 in Philippine Studies at M.A. in Islamic Studies na karagdagan sa M.A. in Philippine at Asian Studies na dati ng programa ng Asian Center. Sa pagkawala ng PCAS ng 1979 ay naibalik ang Asian Center sa dati nitong istatus bilang isa sa mga kolehiyo sa ilalim ng UP. Sa kabuuan ay may tatlong kolehiyong naghahain ng PS bilang isang programa ng pag- aaral sa UP. Bamagat may ilang kaibahan sa ilang aspekto, malinaw ang layunin ng mga programa na mapag-aralan ang mga kalinangang Pilipino sampu ng iba’t ibang etnolinggistikong kultura; pagproblematisa ng ating identidad bilang mga Pilipino; pagpapalitaw ng mga eksperto o espesyalista na may kakayahang tukuyin ang mga problema’t usapin sa Pilipinas at sa ating pagkaPilipino gamit ang multi o interdisiplinaryong lapit at metodolohiya; mailantad ang mga mag- aaral sa iba’t ibang perspektibang disiplinal; at makapagpaubya ng holistikong lapit sa mga problema ng bansa (Grabriel, 2014 – Proposed Merger, 2001, 1). Sa bahagi naman ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas bagamat dati ng may program ana nakatuon sa pagpapaunlad ng wikang Filipino, ang programang Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya ay naisulong sa tulong ni Prop. Bayani Abadilla at iniharap ni Prop. Gandhi G. Cardenas, (tagapangulo noon ng Dept. Ng Filipino na nasa ilalim ng kolehiyo ng mga Wika at Linggwistika) sa pulong ng Pang-unibersidad na Komite sa kurikulum na ebalwasyon (University Curriculum Evaluation Committee) noong ika-28 ng Pebrero, 2001. Inaprubahan ito ng nabanggit na komite bilang pang-akademikong programang batsilyer para sa unang semestre TA 2001- 2002. Sa panahong ito napalitan rin mula sa dating Kagawaran ng Filipino ay naging Kagawaran ng Filipinolohiya ang pangalan ng kagawaran (Apigo, 2002). Ayon rin kay Apigo, bilang programa ay inilarawan ito bilang isang apat na taong akademikong programa na papanday sa potensyal na talino ng mga estudyante sa mga karunungang makakamit sa Filipinolohiya. Sinasaklaw ng kurso ang wika, panitikan at kultura o pambansang kabihasnan sa pangkalahatan. Nakatuon sa pagkamalikhain (creativity) at sikhayan (scholarly works) ang lalim at lawak ng mga pagpapakadalubhasa sa Filipinolohiya na napakahalaga sa propesyon/disiplinang pagtuturo o pedagohiya at kahusayan sa industriyang komunikasyon. Mayroon mang mga maliiit na pagkakaiba sa tuon o pokus ang mga disiplinang nabanggit, hinahabi ang mga ito ng layuning pagyamanin ang talino at kalinangang bayan ng Pilipinas gamit ang isang kaisipang higit na may pagpapahalaga sa sariling danas or karanasan ng bansa. Taliwas ito sa kaisipang pinalaganap ng maka-kanluraning edukasyong dinala ng mga dayuhan sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, higit pang maraming institusyon ang nagsusulong ng parehong layunin. Nadagdagan na rin ang mga programang nakatuon sa pagpapaunlad at pagpapalaganap nito. 26 KABANATA 2 Filipinolohiya: Pagpapahalaga sa Sitwasyong Pangkultura, Pampulitika, at Pang-ekonomiya 27 Pangatlong Talakay Ang Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, Pantayong Pananaw at Filipinolohiya Sa proseso ng pagsasarili’t paglaya sa matagal nang namamayaning impluwensyang kanluranin sa iba’t ibang larangan partikular sa edukasyon, malaking papel ang ginampanan ng mga perspektibong inihain nina Virgilio G. Enriquez (Sikolohiyang Pilipino), Prospero R. Covar (Pilipinolohiya) at Zeus A. Salazar (Pantayong Pananaw) sa pagtataas ng diskursong nagmumula at may pagpapahalaga sa karanasan ng bansang Pilipinas. Isa sa mga natatanging ambag sa talastasang naka-ugat sa karanasan ng bansa ay ang Sikolohiyang Pilipino (SP) na ipinakilala ni Virgilio G. Enriquez. Ayon kay Mendoza sa kanyang mga panimulang talakay sa Theoretical Advances in the Discourse of Indigenization, taong 1963 ng magsimulang magturo si Enriquez ng sikolohiya sa UP at sa taong 1965 ay Filipino na ang kanyang ginagamit bilang wika ng pagtuturo sa halip na Ingles na siyang nakamandato sa mga panahon na iyon (Navaro at Bolante, 2007). Bagamat tapos ng kanyang masterado at doktorado sa Estados Unidos, bitbit niya sa kanyang pagbalik sa UP ang kamalayan na dapat magkaroon ng isang paraan ng pag-aaral ng sikolohiya sa bansa na higit na angkop kumpara sa sikolohiyang ipinakilala ng mga Amerikano. Ayon kay Pe-pua, ang SP ay ipinanganak mula sa karanasan, kamalayan at oryentasyon ng mga Filipino na nakabatay, nakakabit sa pagkakaugat sa wika at kulturang Filipino. Ito rin ay ang pag-aaral ng diwa (Enriquez, 1985). Sa mahabang panahon inunawa at pinag-aral ang sikolohiya ng mga Filipino sa perspektibong kanlarunin. Inanak ng karanasang ito ang paglalapat ng mga hindi angkop na teorya na nagresulta sa mga hindi angkop na tala sa sikolohiya ng mga Filipino. Ang SP bilang isang pamamaraang pangsikolohiya ay may kalipunan ng mga metodolohiyang higit na angkop at may pagkilala sa karanasang panloob ng mga komunidad sa Pilipinas. Ang pakapa-kapa, patingin-tingin, pagdalaw-dalaw at iba pang mga katutubong metodolohiya sa SP na nakabatay sa pakiramdam ang ilan sa mga pamamaraang angkop sa pag-aaral ng sikolohiya sa Pilipinas (Pe-pua, 1982). Taliwas sa pananaw na inilalatag ng mga Amerikano hinggil sa sikolohiya nilang unibersal, ang SP ay higit na tumatalakay sa punto ng partikularidad. Hindi maikakaila ang pagkakaroon ng talino at katotohanang panlahat, ngunit sa larangan ng pag-aaral ng sikolohiya, kailangan at nararapat na kilala ang partikular na karanasang pangwika, pangkultura at panglipunan. May papel ang SP sa dekolonisasyon ng kamalayan ng mga Filipino (Mendoza, 2002). Sa pagiging popular ng oryentasyong isinusulong ng SP, nahikayat nito ang iba pang mga iskolar mula sa ibang larangan na may katulad na layuning bumuo ng isang oryentasyon maka-Filipino – ang antropolohista-sosyolohista Dr. Prospero Covar at ang historyador-antropolohista-etnolohista Dr. Zeus A. Salazar. Katulad ng SP, ang Pilipinolohiya ay isa ring diskursong nagmumula sa naratibo ng indihenisasyon na naglalayong maging isang disiplinang nanggagaling at kumikilala sa pambansa/panloob/pansariling talino at karanasan. Ang paglikha at pagbalangkas ng kaalaman tungkol sa bansa na mula sa loob na taliwas sa pagbasa ng mga kanluranin na mula sa labas ang isa sa pinaka punto ng Pilipinolohiya (Mendoza, 2002.) Ayon kay Salazar, naiiba ito sa sa higit na popular na “Philippine Studies” sapagkat ang huling nabanggit – bagamat isang malawak na diskurso tungkol sa bansa – ay nakatuon lamang sa Pilipinas bilang bahagi ng “area studies” na pangangailangan ng mga kanluranin. Taliwas sa istilong-Amerikanong pagbasa sa bansa, ang Pilipinolohiya ay naghahain ng pagpapa-unlad ng isang kamalayang nagmumula sa loob bilang isang paraan ng pagtingin at pag-unawa sa mga kaalaman sa Pilipinas. Bagamat hindi gaanong nagsulat si Covar ng mga talakay tungkol sa nasabing konsepto, malaki ang katugmaan at ambag nito sa higit na pagpapalakas ng diskurso at paglilinaw ng direksyon ng intelktuwal na tradisyong maka-Filipino sa bansa. Katulad ng SP, tinatapyas nito ang kolonyal na kamalayan at naghahain ng alternatibong daan sa pag-unawa ng bansa. 28 Isang paraan ng pag-aaral ng sikolohiyang nakaugat at kumikilala sa karanasang pambansa, isang kamalayang naglalayong dumiskurso mula sa pagka-Filipino at para sa mga Filipino - ang pagbalangkas na ito at paghakbang sa pagkakaroon ng diskursong nagmumula sa pag-unawa ng sariling wika, kultura, lipunan at kaisipan ay higit pang pinagtibay ng ambag ng Pantayong Pananaw (PP) ni Dr. Zeus Salazar. Ayon kay Salazar, panloob na ugnayan ng katangian, halagahin, kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan na ipinapahayag sa pamamagitan ng isang wika ang sinasabing pangkalahatang larawan ng PP (Bautista at Pe-pua, 1991). Isa sa mga simulain ng PP ay ang naging analisis ni Salazar sa pundamental na punto-de-bistang pangkasaysayan ng ating bansa (Navarro at Bolante, 2007). Nakita niya na higit na pangkami at hindi pantayo ang mga pananaw na inihahain ng mga ensayklopedya, nakita ito sa kalagayang pangwika na kung saan ang wika ay banyaga at hindi naiintindihan ng nakararami sa lipunang Filipino. Batid ang pagkakataon na tingnan lamang ang bansa bilang isang obheto o paksain ng pag-aaral na nagpapaunaw ng isang pagtingin na hindi nagmumula sa loob at hindi rin para sa mga taga loob. Dagdag pa rito ang hindi pagpapahalaga sa mga konsepto, pandama at diwa ng kalinangang Filipino. Bilang isang pananaw sa umiikot sa konsepto ng “tayo”, ayon kay Salazar ang isang lipunan at kalinangan ay may PP lamang kung ang lahat ay gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam ng lahat ang kahulugan pati na ang relasyon ng mga kahulugan nito sa isa’t isa. Sa kalagayan ng Pilipinas na binubuo ng maraming grupong etnolingguwistiko, ang katuparan ng pambansang PP ay hindi madali sapagkat bawat kalinangan ay mayroong sariling ugnayang panloob, kultura at sistemang panlipunan at maging wika. Ang mga pagkakaiba-iba na ito ay ang layuning mahabi ng PP sa pambansang konsepto, para sa akin - upang lumikha ng pag-iisa at hindi pag-iiba-iba ang larawan ng PP. Kasama sa pagkamit ng larawang ito ang pagpapalakas ng wikang pambasa, ang wikang Filipino - hindi lamang bilang isang wikang kakatawan sa kabuuan ng kulturang Filipino kundi wikang humahabi sa mga pagtatagpo at paghihiwalay ng iba’t ibang kultura. Hindi rin nalalayo rito ang esensya ng Filipinolohiya, kung bibigyan ng pagpapakahulugan, ito ay isang disiplina ng karunungan na nakasalig sa maka-agham na pag-aaral sa pinagmulan, kalikasan at ugnayan ng wika, panitikan, kultura, lipunan, kasaysayan, komunikasyon at iba pang batis ng karunungang Pilipino, gayundin ay nililinang nito ang mga karunungang ambag ng mga Pilipino sa daigdig ng mga karunungan (nasa tesis ni MV Apigo-2001 batay sa panayam kay Prop. Gandhi G. Cardenas). Ayon sa papel ni Abadilla na pinamagatang Wisyo ng Konseptong Filipinolohiya, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na kaisipan sa pagpoproseso ng mga karanasang bayan upang ito ay maging talinng bayan. Ang talinong mapapaunlad ang magiging gabay sa paglikha ng mga pangangailangan sa lipunan. Sa isang panayam naman kay Prop. Marvin G. Lai (kasalukuyang tagapangulo ng Kagawaran ng Filipinolohiya), ang Filipinolohiya ay nagtataglay ng makamasa, siyentipiko at makabayang edukasyon. Pang-apat na Talakay Paghahabi ng mga Pagkakatulad at Pagkakaiba Kung titingnan, nagtatagpo sa maraming aspeto ang apat na konseptong nabanggit sa taas na masasabing mga pangunahing diskursong dapat nauunawaan sa pagpapaunlad ng kalinangang Filipino. Lahat ito ay nagsusulong ng pag-unawa na nanggagaling sa loob at bumabangga sa malalim na nakaugat na impluwensyang kanluranin. Malinaw ang pagsusulong ng pagpapa-unlad ng kamalayang makabansa sa punto-de-bistang nagmumula sa pag-unawa sa ugnayan ng sariling wika, kultura, lipunan at sarili – at para sa kapwa Filipino. Bagamat 29 malakas ang pagsusulong ng pag-unawang panloob at may pagtatatwa sa impluwensyang panlabas, hindi naman ito nangangahulugan ng ganap na pagsasara. Kung ang maidudulot ay totoong pag-unlad, ang pag-unawa sa mga banyaga at panlabas konsepto ay binibigyan ng espasyo ngunit sa isang proseso ng indihenisasyon at maayos na paglalapat nito sa pangangailangan bansa. Malaki ang naging problema sa lebel ng oryentasyon/kamalayan ng mga Filipino dahil sa naging sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Sa isang bansang mayaman sa kalinangan, maraming mga karanasang bayan na ilang henerasyon nang nagpasalin-salin ang hindi nasinop o hindi naman kaya’y naproseso sa paraang walang pagpapahalaga sa totoong pambansang pag-unlad. Sa unawa ko sa katas ng mga nabanggit na konsepto, ang mga karanasang bayan na ito ay dapat masinop at maiproseso ng isang sistemang pang-edukasyon / intelektuwal na may pagpapahalaga sa panloob na karanasan at hindi sa pagtinging panlabas o banyaga. Malaki ang naging problema sa kamalayan ng mga Filipino sapagkat sa mahabang panahon ay hindi napapahalagan ang mga karanasang bayan na ito at naipoproseso upang maging talinong bayan na sanay gagabay sa paglikha ng mga pangagailangan sa ating lipunan. Nakaugnay sa kung papaano naiproseso ang karanasan natin sa mga mananakop, ang sakripisyo ng mga bayani, ang yaman ng bansa, ang kultura, lipunan, industriya at sarili - ang naging takbo ng kamalayan ng bayan. Matagal itong pinanghawakan ng kolonyal na sistema na ngayo’y binabasag ng mga diskursong nabanggit. Sapagkat nabanggit na malaki ang papel ng pagsisinop ng sistema ng edukasyon sa karanasan ng bayan upang ito ay maging isang ganap na talino, marapat na ang proseso ng pagsisinop ay kargado ng oryentasyon ng ideolohiyang inilalatag hindi lamang nina Enriquez, Covar, Salazar at Abadilla kundi ng iba pang mga makabayang edukador at indibiduwal. Isang uri ng pag-unawang may pagpapahalaga sa hindi lamang sa karanasan at ugnayang panloob – kundi sa totoong pambansang kaunlaran. Hindi nga maikakailang may kakulangan ang mga perspektibong nabanggit, ngunit sa aking pag-unawa ay patuloy itong mapupunan kung sa larawan ng totoong pag-unlad ng bansa nakatingin. Sa isang palagay, sa kabila man ng masalimuot at iba’t ibang landasin ng kulturang intelektuwal sa Pilipinas, patuloy pa rin itong pagtatapuin ng iisang layunin at pangarap ng totoong pag-unlad. Patuloy pa rin itong babanigin ng pangangailangan ng pagkakaisa at katulad ng iba’t ibang dinadaluyan ng mga ilog, likas at patuloy pa rin itong masisitagpo sa karagatan kung saan pare-pareho na lamang tubig. Maaaring ditto unawain ang mga kaibihan at pagkakatulad sa mga nabanggit na kamalayan sa pag-aaral ng pagka-Filipino, patuloy dapat itong pinagtatagpo ng isang layunin – ang pagkamit ng totoong pambansang kaunlaran. Gawain 3: Bigyan ng maayos pagpapakahulugan ang mga sumusunod na kaisipan: 1. Pilipinohiya 2. Pantayong Pananaw 3. Sikolohiyang Pilipino 4. Filipinolohiya 30 Gawain 4: Basahin ang papel na Wisyo ng Konseptong Filipinolohiya ni Bayani Abadilla: WISYO NG KONSEPTONG FILIPINOLOHIYA (2002) Bayani S. Abadilla _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ Kapangyarihan ang Karunungan --Francis Bacon Ang Makinig sa Sabi-sabi ay walang bait sa sarili --Wisyo Pinoy PANIMULA SIPAT-SURI sa dinamismo ng kultura ng bayan o lipunang Pilipino ang likhahuwaran ng sulating pansikhayan. Ang sulatin ay bahagi ng sinusulat na aklat Ganda sa Buhay Pinoy. Isang mapanuring pagtalakay ng pamabansang praxis sa pamantayang estetikal. Iniugnay natin sa konseptong talino—na katawagang sosyo-kultural at may partikular na kabuluhang pedagohikal—ang sulatin para sa kapakanang pagtuturo at pag-aaral sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Katotohanan at karunungan ang bukal at daloy ng teksto sa konteksto ng pambansang karanasan at kamalayan. Sabihin pa, kilatis ng isip ng bayan, na may tatak o kulay ng makauring ideolohiya na salasalabat sa kamalayang panlipunan o kultura, ang sentro ng tematikong paglalahad. Hindi mapasusubaliang katotohanan na saligan ng matinong karunungan, na timbulan ng agham at sining, ang nagsusulong (ideomotor o pwersa ng talino) sa kaunlaran ng anumang bayan at alinmang bansa sa ibabaw ng mundo. Sinisihop ng Agham at Sining ang katotohanan na pinahahalagahan ng talino. Kaakibat ng katotohanan ang katarungan sa batas ng buhay. Kaipala, ang totoo sa matalisik na pag-unawa ay may kintal ng kagalingang panlipunan. Etikal na teknolohiya ng sosyedad ang timbulan ng katarungan—damdamin ng bayan sa magaang sabi. Sa buhay tandisang nagaganap ang hidwaan ng mga bayan. Hatid ito ng inter-aktibong sibilisasyon. Sa epistemolohiya, ang kabatiran sa sigalot ng mga bayan ay heopulitika. Sa sigalutan—kalayaan at kasarinlan/soberanya—ang usapin/isyu na nasa hapag ng konsiderasyong hinaharap ng mga lider at/o ng buong bayan. 31 REALIDAD NG LIPUNANG PILIPINO Sa Pilipinas tandisan/obhetibong umiral ng 333 taon (1565-1898) ang rehimeng kolonyal na itinaguyod ng mga lider ng bansang Espanya. Ang realidad na ito ay tahasang bumalewala sa konseptong pagkatao at pagkabayan ng mga Pilipinong tinaguriang Indio o Katutubo. Nawalang saysay ang katagang bansa na timbulan ng patrimonya o pambansang komunidad. Walang kabuluhan ang kalayaan sapagkat hindi ito nakatutugon sa mga pangangailangan (ng mga Pilipino noon) na tahasang humihinga lamang at hindi namumuhay. Walang katuturan ang buhay. Alipin ang mga Indiyo: busabos. Gobyernong Praylokrasya (pawang mga prayle o kagustuhan ng mga prayle) ang panuntunan sa pamamahala ng mga bagay-bagay na pantao sa buong kapuluan—liban sa dulong silangan ng Mindanaw na matibay ang komunidad ng Muslim sa bisa ng relihiyong Islam. Habang dumadaloy sa kasaysayan ang gobyernong praylokrasya, walang habas namang pinagsasamantalahan ng mga mananakop ang likas na yaman sa Heograpiya ng Pilipinas. (hindi pa Pilipinas ang ngalan sa mapa ng bansa sa buong mundo. Sa sinaunang mapa ng mundo Islas Maniolas ang pangalan ng lupaing Pilipinas. Si Claudio Ptolemy, griyegong topograpista ang naglapat sa pangalan ng bansa sa globo.